Lunes ng umaga.
Wala nang buhay ng datnan ng kanyang ina at kapatid na si Gemma ang kaawa-awang si Tony na ilang araw ng balisa at dumaan sa depresyon.
Wala nang buhay ng datnan ng kanyang ina at kapatid na si Gemma ang kaawa-awang si Tony na ilang araw ng balisa at dumaan sa depresyon.
Nakadapa sa lapag ang
bangkay, labis ang pagkamugto ng mga mata na hindi maikakailang galing sa
pag-iyak. Walang bakas ng tuyong dugong makikita o sugat sa biktima ngunit
halatang dumaan muna ito sa matinding paghihirap bago malagutan ng hininga.
Magulo ang kwarto ngunit
sigurado mas magulo ang pag-iisip ng taong nakatira dito. Umaalingasaw ang
nag-aagaw na amoy ng suka at serbesa na nakakapit sa maruming sahig, nakatumba
ang durabox na lalagyan ng kanyang mga damit at mga personal na gamit.
Kapansin-pansin din ang nagkalat na 'di tiyak na bilang ng basag na bote ng
beer, isang halos durog na cellphone at sa 'di kalayuan ang basyong botelya ng
kemikal na kung tawagin ay Sulfamic Acid o mas kilala sa tawag na Silver
Cleaner.
Habang yakap-yakap ng
kanyang inang tumatangis ang anak na si Tony patuloy na tumutugtog ang malungkot na kantang "Believe in Me" na nakarepeat mode
sa Music Player na katabi ng TV na nasa ibabaw ng maliit na mesa. Humigit-kumulang limang minuto ang
ina sa ganoong kalagayan. Labis ang pagtangis na nakayapos sa malamig na
bangkay ng pinakamamahal na anak, ni hindi na niya makuhang humingi ng tulong
sa kapitbahay dahil sa labis na pagkabigla, dismaya at lungkot sa kanyang
nasaksihan.
Sa pagitan ng alas-diyes at
alas-onse kagabi, umuulan noon lulugo-lugong pumasok ng kanyang silid si Tony
bitbit sa kanang kamay ang plastik na sando bag na may lamang ilang bote ng
beer, nasa bulsa naman ng suot na pantalong maong ang botelya ng silver
cleaner, habang ang kanyang kaliwang kamay naman'y hawak ang cellphone kausap
ang kanyang dating girlfriend na si Gigi. Nagsusumamo at sinusuyo niya itong
muling makipagbalikan sa kanya.
Dalawang linggo nang
nakararaan nang makipaghiwalay sa kanya si Gigi.
Halos limang taon din silang
nagsama nito. Tanggap na ng pamilya ni Tony ang babae ngunit tutol naman ang
ilang miyembro ng kaanak ni Gigi sa kanya. Ngunit hindi ito naging hadlang upang
magtagal ang kanilang pagsasama. Sobrang mahal nila ang isa't isa kaya't sinong
mag-aakalang mauuwi lang sa hiwalayan ang kanilang pag-iibigan, pormalidad na
nga lang kung sakali kung mayroong kasal na magaganap.
Limang taon.
Limang taong puno ng
pagmamahalan at matamis na pag-iibigan. Hindi biro ito. Disiotso anyos pa lang
noon si Gigi samantalang beinte uno naman si Tony. Magkababata sila at sa
iisang baranggay lang lumaki ngunit nasa kolehiyo na silang dalawa nang
lubusang magkakilala at maging magnobya. Graduating na noon si Tony sa
kursong Marketing samantalang si Gigi ay freshman student sa course na Mass
Communication sa isang unibersidad sa U-belt.
Inilihim ni Tony sa ina at
kanyang kapatid ang break-up nila ni Gigi sa pag-aakalang maaayos niya pa ito
ngunit habang lumilipas ang mga araw mas lalong lumalabo ang kanilang
pagbabalikan. At dumating na nga sa puntong nagsusumbatan at nagsisigawan ang
dating magnobya sa telepono. Nito ngang huli nilang pag-uusap ay nagbantang magpapakamatay
si Tony kung hindi makikipagbalikan ka kanya si Gigi.
"Bahala ka sa buhay mo!" 'yun ang sagot ni Gigi kay Tony bago
niya tuluyang i-power off ang kanyang cellphone.
Nang mahimasmasan ang ina,
napansin nitong tahimik na humihikbi sa isang sulok ng kwarto ang
nakababatang kapatid ni Tony na si Gemma habang binabasa ang isang papel na
kanyang nakitang nakaipit sa laptop ng biktima.
Malumanay na inilapag
sandali ng ina ang bangkay ng anak at lumapit sa kinauupuan ni Gemma. Sinabayan
niya ang babaeng anak na basahin ang naturang sulat. Isa itong Suicide Note para kay Gigi.
------------------------------------------------------------------
Dearest Gigi,
Hindi ba ganito ang gusto mong mangyari?
Hindi ba nais mong tuluyan akong lumayo sa'yo?
Sana masaya ka na dahil simula sa araw na ito hindi mo na ako makikita, wala nang mangungulit sa'yo, wala nang mang-iistorbo at aabala sa'yo KAHIT KAILAN. Mahal kita kung mayroon pang salitang hihigit sa pagmamahal 'yun ang kaya kong ibigay sa'yo. Mahal kita ng higit pa sa iniisip mo, higit pa sa inaakala mo, higit pa sa pagkakakilala mo sa akin at hindi ko nakikita ang sarili ko na hindi ikaw ang kasama ko sa hinaharap.
Hindi ko inasahan na darating ka sa buhay ko ngunit mas hindi ko inasahan na basta mo lang ako iiwan at sabihin sa aking limutin na kita katumbas nun ang pagpapamukha mo sa akin na wala na akong kwenta at halaga sa buhay mo. Hindi ko kayang limutin ka, paano ko lilimutin ang tanging taong nagpapaligaya sa akin sa bawat araw? Ikaw ang buhay ko, ikaw lang ang mundo ko.
Hindi mo na ba naalala ang sinasabi mong pinakaimportanteng araw para sa'yo? Kung hindi mo na matandaan ipapaalala ko sa'yo, ito 'yung araw na nagkita at nagkakilala sa Morayta. Ang lakas ng ulan ng araw na 'yun at 'di sinasadyang nasa iisang waiting shed tayo. Nabigla ka pa nga eh, sabi mo pamilyar ako sa'yo pero hindi mo alam ang pangalan ko, hindi mo nga alam na pareho tayong sa UE nag-aaral. Pinasukob mo ako dahil parang basang-sisiw ako sa itsura kong 'yon. Simula noon ikaw na ang naalala ko sa tuwing umuulan, tapos sasabihin mo sa akin limutin kita. Hindi lang 'yun ganun kadali.
Kahit hindi mo sabihin alam ko may gusto ka sa ka-officemate mong si Arjay, 'wag mo na kong ihambing sa kanya dahil alam kong malaki ang pagkakaiba namin sa isa't isa pero 'di ba sabi mo mahal mo ako dahil sa ako'y ako at walang anuman o sinumang makapagbabago ng pagmamahal mo. Kasinungalingan lang pala 'yun na matagal kong pinaniwalaan!
Sana naconsider mo ang lahat ng mga sacrifices na ginawa ko for you, sana naisip mo 'yung mga panahong ako ang nagbabayad ng tuition fee mo ng huling dalawang taon mo sa college na kahit na hirap na hirap akong pagkasyahin ang sweldo ko sa pamilya ko at sa studies mo, niraraos ko pa din. Sana naisaalang-alang mo na kaya ka nandiyan sa trabaho mo ngayon dahil ni-recommend kita sa kaibigan kong si Paul, sana naisip mo kung sino ang tanging tumulong at nag-asikaso nung time na namatay ang tatay mo, ngayon ko lang sasabihin sa'yo pero sobrang nabaon ako sa utang dahil doon. Hindi sa nanunumbat ako pero nanghihinayang ako sa mga pangako mo sa'kin na tayo pa rin hanggang sa huli, na tayo ang magkasama hanggang sa umabot ang edad natin ng nobenta, na tayong dalawa ang magtutulong para mabuo ang lahat ng ating mga pangarap.
Minahal kita, hindi ko alam kung anong naging problema at naging kasalanan ko sa'yo para madeserve ko ang ganitong treatment. Bakit kailangang umabot sa ganito? Bakit hindi mo man lang ako bigyan ng balidong kadahilanan? Ng sapat na paliwanag? Ng muling pagkakataon? Alam mo namang handa akong makinig sa lahat ng sasabihin mo at handa rin akong magbago 'wag mo lang akong iwan at sabihing limutin kita.
Sobrang sakit ng nararamdaman ko ngayon pero mas pinili kong kitilin ang aking buhay sa pamamagitan ng mala-asidong silver cleaner dahil gusto kong malaman kung may hihigit pa ba sa sakit na ginawa mo sa akin. Gusto kong maramdaman kung namanhid na ba ang aking katawan dahil sa labis na sakit na dinulot mo. Gusto kong malaman kung kulang pa ba ang naramdaman kong paghihirap simula nang sabihin mong ayaw mo na sa akin.
Sa isang iglap, naglaho nang lahat ang ating mga pangarap, pangarap na simpleng bahay, tahimik na buhay at masayang pamilya.
Mahirap tanggapin na humantong lang ang ating pagmamahalan sa ganito siguro nga hibang ako, siguro nga mahina ako, siguro nga tanga ako at pinaniwalaan ko ang lahat ng sinabi mo sa akin.
Siguro may pagkukulang din ako kaya unti-unting tumamlay ang pagmamahal mo sa'kin, siguro masyado lang akong naging possessive, siguro lumabis ang aking pagiging protective...siguro 'yan ang mga naging dahilan mo para tuluyan mo akong iwan at sabihing kalimutan na lang kita.
Ayaw kong isipin na ginamit mo lang ako para makamit mo ang sarili mong pangarap dahil alam ko minahal mo rin ako.
Ayaw kong isipin na sa tuwing nagsisex tayo ay ibang tao ang nasa isip mo pero pansin ko na ang panlalamig mo sa akin ilang mga buwan na, ilang beses na akong nagtangkang kausapin ka tungkol dun para maresolba ang lahat pero tumanggi ka. Mas ginusto mong magmukha akong tangang kakahabol sa'yo, mas minabuti mong balisa at naguguluhan ang aking isip. Isang malaking sampal para sa akin na winalang bahala mo lang ang lahat para sa isang lalaking sa tingin mo'y higit sa kakayahan ko bilang tao.
Ganunpaman, gusto ko pa ring magpasalamat sa'yo, sa lahat ng magaganda at masasayang alaala na babaunin ko dito sa kabilang buhay. Salamat sa pagkakataong binigay mo sa akin na malaman ang tunay na kahulugan ng salitang pag-ibig, salamat sa halos limang taong puno ng pangarap at panaginip.
Sana'y mapatawad mo ako sa pagiging makasarili ko.
Sana mapatawad ako ni Inay sa maaga kong paglisan sa kanya.
Sana mapatawad ako ng Langit sa kapangahasan kong ito.
Paalam sa inyong lahat.
-Tony
Hindi kita kayang limutin dahil sa tuwing umuulan alaala mo ang bumabalot sa akin, ang bawat patak nito'y katumbas ng iyong ngiti na hindi lumilisan kailanman sa aking isip. Ang ulan ay ang paghalik ng langit sa lupa tulad mo nang minsang tayo'y magtagpo sa gitna ng ulan. Pinilit kitang gisingin ngunit pinili mong managinip sa kanya, pinili mong umalis at pinipilit kitang limutin...ngunit hindi ko kaya. Ayaw kong maging habangbuhay na sawi, ayaw kong mabuhay sa kabiguan.
------------------------------------------------------------------
Katatapos pa lang basahin ng mag-ina ang suicide note nang bigla na namang bumuhos ang napakalakas na ulan singlakas ng mga iyak ng mag-inang nakayakap sa mga labi ni Tony na isinuko ang buhay sa ngalan ng pag-ibig. Si Tony na isang lesbian.
No comments:
Post a Comment