Wednesday, May 29, 2013

Judge You!




Sa mundong ating kinabibilangan marami ang mapanghusga kahit hindi naman husgado.
Mapanglait na halos tingin nila sa kanilang sarili ay walang kapintasan.
Mapagmalaki na hindi alintana ang damdamin ng iba.

Bakit tuwang-tuwa ang marami sa tuwing may nilalait na pagkatao?
Bakit marami ang nanghuhusga ayon sa panglabas na anyo?
Katumbas ba nang walang paggalang kung hindi gumagamit ng 'po' at 'opo'?
Hindi ba't mas kabastusan ang pagiging mapanglait?
Bakit katanggap-tanggap na sa mga tao ang ganitong pag-uugali?
Sino-sino ba ang karapat-dapat na mabigyan ng respeto?

Madalas hindi naman sasapat ang magandang kalooban lang para gustuhin ka ng mga tao dahil alam natin na ang mundo'y mapanghusga ayon sa panglabas na itsura nito. Ang pagiging mataba, hindi kagandahan ang itsura, may kaitiman ang balat at kahit taong may kapansanan ay ginagawang tampulan ng katatawanan. At tayo namang nakakarinig sa mga bawat panlalait ay tuwang-tuwa at tawa ng tawa sa kabastusang ito.
Hindi ba't nalalagay ngayon sa kontrobersya si Vice Ganda dahil ginawa niyang katatawanan ang itsura ng kagalang-galang na si Ms. Jessica Soho? Nakita niyo rin ba kung paano tumawa at humalakhak ang mga audience sa mga patawang ito? Ganito na ba talaga tayo kababaw? Tsk, tsk.
* * *
Balik tayo sa paksa.
Sa pag-apply natin ng trabaho pansin mo ba na 'di hamak na mas malaki ang advantage ng may kaaya-ayang itsura kesa sa aplikanteng hindi kagandahan pero may parehong kwalipikasyon?
Bakit pa palaging may requirement na 'pleasing personality' ang karamihan sa trabahong ina-applyan natin? Ibig ba sabihin nito walang karapatan ang mga 'unpleasant beauty' sa parehong trabaho?
Ang kasabihang ingles na "Beauty is in the eyes of the beholder" ay aplikable lang sa iilang indibidwal dahil karamihan, hindi man lahat hangga't maari ay magaganda ang nasa paligid natin. Prangka kong sasabihin na ang pagiging maganda o kaaya-ayang itsura ng isang tao ay ang unang impresyong agad na tatatak at magmamarka sa ating isip samantalang ang mga indibidwal na hindi kagandahan ay kailangan pang alamin kung ano ang mayroon sa kanya para mo siya maappreciate ng husto.

"Minsan isang umagang pumunta ako sa isang Payment Center at sinadya kong magsuot ng damit na alanganing malinis at alanganing marungis, nakashorts at magulo ang buhok. Halos hindi ako pansinin ng isang empleyado nito kahit alam niyang ako'y magbabayad ng bill: "Ang hirap naman magpark sa inyo ngayon hindi tulad sa dati niyong inalisan", aniko; sa isang iglap agad na niya akong inasikaso. Ang punto ko dito? Respect begets respect. Kung gusto mo nang paggalang (kahit huwad) tingnan mo ang sarili mo kung nararapat ka sa isang paggalang. Dahil sa ayaw natin o sa gusto ang tao ay mapanghusga ayon sa kanyang nakikita".

Reklamo tayo ng reklamo ng diskriminasyon sa ibang lahi pero tayo mismong Pilipino tuwang tuwa 'pag mayroong inaaglahi na hindi kaaya-aya ang itsura, tayo mismo ay bastos at walang modo kung makakomento sa hindi nagustuhang video sa anumang Social Media, tayo mismo pinagtatawanan natin ang may kaitimang kulay ng balat ng isang pulitiko o kinukunsinti ang pangbabastos sa isang respetadong broadcaster.

Hindi ba tuwang-tuwang tayo kapag may pinipintasan ang isang stand-up comedian?
Hindi ba't pangkaraniwan nang ginagawang katatawanan at tampulan ng tukso ang mga taong may katabaan o labis na manipis ang pangangatawan o kahit na anong pwedeng pintasan?
Kahit nga ang mga taong may pisikal na kapansanan ay hindi na rin pinalalampas!
Sana maisip natin na hindi kagustuhan ng mga taong ito ang anumang negatibong (kung negatibo nga ang tingin natin dito) katangiang taglay nila. Paano kung sa'yo napunta ang katangiang ito? Hindi ka ba madidismaya o makakaramdam ng labis na pagkaawa sa sarili kung ikaw ang pinupulaan at pinipintasan?
* * *
On the contrary, napakasensitibo nnatin sa mga isyu kung saan ayon sa mga kritiko, ang Pilipinas (at ilang lugar) daw ay hindi maganda/maruming bansa at ang mga Pilipino ay Corrupt o hindi mapagkakatiwalaan. Ang husay nating mamintas sa ating kapwa o sa ibang lahi pero natatakot naman tayong harapin na marami sa mga puna at kritisismong ito ay may bahid ng katotohanan pero bilang ganti babatikusin natin ang taong nagpuna at nagkomento sa bansa natin. Palagi nating nililihis ang isyu sa pamamagitan ng pagtirya sa sumulat o pumuna sa bansa natin.

Bakit hindi natin gawing hamon at motibasyon ang puna at komentong ito at iimprove/itama ang kapintasang kanyang inilatag? Hindi solusyon ang panukalang persona non-grata sa indibidwal na nagkomento na marumi ang Pilipinas o impyerno ang Maynila o mangmang ang mga pilipino.
Bakit tayo magagalit kung ilan sa mga punang ito ay constructive critisism?
Natatakot ba tayo sa totoo at mas gusto nating pagtakpan ito kaysa tanggapin?
* * *
Ang pagkakaroon ng maganda o hindi magandang mukha ay hindi natin kayang piliin, hindi ito parang damit na bibilhin at isusuot ayon sa ating kagustuhan. Sana maunawaan natin ito. Paano kung sa iyo gawin ito, hindi ba't masasaktan ka rin kung makaririnig ka ng panglalait/panghuhusga? Panghuhusgang akala mo'y isa kang pusakal na kriminal na nakapatay ng tao.

Ang pagiging Pilipino hindi mo man ginusto ay iyan na ang lahi mo. Kung marami man sa ating kababayan ang may corrupt na pag-uutak o mapanglait na pag-iisip 'wag na sana tayong makisawsaw at makisali. Walang buting maidudulot ito sa atin mas maigi kung mas pagtuunan natin ng pansin ang pagsusumikap natin para sa pamilya kung hindi man para sa bansa.

Hindi porke marami ang gumagawa, tama na ito.
Hindi porke hindi nila ginagawa, ayaw mo na ring gawin.
Hindi porke ginagawa nila, gagawin mo na rin.
Binigyan ka ng sariling pag-iisip para malaman kung ano ang tama sa mali, binigyan ka ng sariling pag-uutak para alamin kung ano ang kasalanan sa hindi.

Hindi na maalis sa pag-uutak natin na mas mataas ang paghangang ibinibigay natin sa mga taong may magandang itsura pero sana 'wag naman nating husgahan ang mga taong hindi nabiyayaan ng magandang mukha o maladiyosang katawan. Hindi mo man makuhang purihin ang itsura nila 'wag mo naman sana itong pintasan pa.

Pakiusap...
Kung hindi ka naman husgado 'wag ka namang manghusga.
Kung hindi ka naman perpekto 'wag ka namang manglait.
Kung hindi ka naman si Carlos Slim 'wag ka namang maging matapobre.

Thursday, May 23, 2013

Agam-agam




Isa ka rin ba sa nag-aalala kung makakarating ka ng Langit?
Nagtatanong ka rin ba kung ang lahat ng kabaitan at kabutihan mo ay sasapat upang papasukin ka sa napakagandang paraisong ito?
O hindi ka lubos na kumbinsido na mayroon ngang Langit at ito ay isa na namang kathang-isip lang ng mga sinaunang tao?

Gaano kaya ako kasama? Ikaw, gaano ka ba kabuti?
Ano ba ang mas katanggap-tanggap sa Langit; ang makabuluhang pamumuhay o ang makabuluhang kamatayan?
Makakarating kaya tayo sa langit o makatuntong o mamalas man lang kahit ang pintuan nito?
Ano kaya ang batayan para magkaroon ng isang buhay na walang hanggan?

Bagamat hindi pa naman ako nakakapatay ng tao hindi pa rin yata kasiguruhan ito para hindi ako ihagis sa nagngangalit na apoy ng impiyerno. Isang kakatwa na lahat tayo ay may pagnanais na makarating sa langit pero iilan lang naman ang sinasabuhay ang pagiging mabait, lahat tayo ay gustong makarating sa langit pero wala naman sa atin ang may pagnanais na mamatay.

Ang Ten Commandments ay hindi multiple choice na pipiliin lang natin kung ano ang gusto nating gawin o sundin ngunit dahil sa tayo'y tao at sadyang mahina at marupok parang ganun na rin ang ginagawa natin. Pinipili natin ang ilang madali at kaya nating tupding utos pagkatapos ay ikukumpara at ibibida natin ang ating kabaitan sa ibang mga tao at walang prenong kondenahin ang mga tao na sa tingin natin ay mas makasalanan kaysa sa atin. Hindi porke sa tingin natin mas mababa ang level ng kasalanan natin sa ibang tao sapat na ito upang husgahan natin ang iba; sabi nga kung sino ang walang kasalanan siya lang ang may karapatang pumukol ng unang bato.

Pero bakit ganun?
Bakit masidhi ang pagnanais nating makarating sa langit eh hindi naman natin maiwasan ang magkasala? Ano ba ang mayroon sa isang kasalanan at lagi lang tayong nabibiktima nito o tayo mismo ang salarin sa sarili nating krimen? Sadya yatang itinakda na tayo ay magkasala. Kung bakit ang mga tao ay napakarupok paglabanan ang anumang temptasyon ay hindi ko rin kayang ipaliwanag.
Ang nakakabanas lang minsan ay pag-abuso ng mga tao sa katwirang: "Pasensya na tao lang" upang tanggapin at patawarin mo ang nagkasala sa iyo. Muli, minsan alam nating kasalanan pero winawalang bahala lang natin dahil sa enjoyment na hatid nito. At kapag nagkaroon ng problema saka na lang hihingi ng 'sorry', nasaan ang pagsisisi dito? Kung sakaling hindi nagkaproblema baka patuloy lang ito sa enjoyment.

Nakakapag-alala at nakakatakot ang mamatay pero mas higit na nakakatakot para sa akin ang pagtanda. Iniisip ko pa lang na uugod-ugod na ako maglakad o hirap ako sa pagsubo ng pagkain o pagluyloy ng aking balat o ang pag-aalala na walang mag-aalaga sa akin sa ganoong kalagayan ay nababalisa na ako!
Madalas kong itanong ng pabiro; 'Hindi kaya ang pagtanda ay kaparusahan ng langit sa sangkatauhan?' Pagpaparusa ito sa ating mortal na katawan pagkatapos ng maraming taong pag-abuso dito, makalipas ang ilang dekadang kasalanan, pagkatapos ng panahong puro kabalastugan, pagkukunwari, pagsisinungaling, pagiging makasarili, pagkamayabang, pagkakaroon ng maruming isip, pagtataksil, pag-abuso sa katawan at kabataan, pagkalimot sa Kanya, pag-iisip at paninira ng masama sa kapwa, pang-uumit, pagmumura at marami pa.

Hindi kaya pagpaaalala ito na tinatapos na ng langit ang paghahari ng kabuktutan sa ating kamalayan at oras na para ang katawan mo naman ang siyang maghirap at maparusahan?
At oras na rin ito sa isang taimtim na pagsisisi, panahon nang isuko ang katawan at ihingi ng kapatawaran ang lahat ng nagawang pagkakamali noong tinatamasa ang kabataan. Ngunit gaya mo, hangga't maari hindi na natin hihintayin ang ganitong kalagayan, paano?
Tara, sabay-sabay nating alamin.

Friday, May 17, 2013

Family Affair




Ang pamilya ang pinakamaliit na yunit ng ating pamayanan. Ngunit sa aking palagay ito ang pinakamahalaga dahil sa loob ng pamilya hinuhubog at hinuhulma ang pagiging ganap na tao ng isang musmos na pag-iisip; kung ano ang kanyang kinagisnan o kinalakhan at kung papaano siya pinalaki ng kanyang magulang ay iyon ang kanyang dadalhing ugali sa kanyang paglaki at pagtanda.

Ang pamilya ang repleksyon ng ating pagkatao datapwat hindi natin dapat husgahan ang pamilyang nasa likod ng isang tao base sa kanyang pag-aasal. Ngunit paano kung ang pamilyang dapat na maggagabay sana sa isang bata para maging mabuti at kapaki-pakinabang na mamamayan ay hindi buo?  Hindi ba't malaki ang epekto ng wasak na pamilya sa mga bata habang patuloy silang lumalaki o pareho lang ang resulta nito kung single parent lang ang nagpalaki sa kanila? Ewan ko, hindi ko rin alam dahil maraming orphan ang may matinong buhay at kamalayan at marami-rami ring hindi mga ulila ang siya namang naligaw at napariwara.

Kung ikukumpara noon ang panahon natin ngayon, higit na mas marami ngayon ang sira ang pamilya o hiwalay ang mag-asawa, mas marami ang kwento ng pangangalunya, mas marami ang nabubuntis ng walang ama (dahil sa pagiging iresponsable ng nakabuntis), mas malawak at mas accessible ang pornograpiya (sa dami ng pwedeng maging source), mas maraming kabataan ang bukas ang pag-iisip sa usaping sekswalidad at nakawiwindang na hindi sila natatakot sa negatibong resulta at epekto nito.

Marami ang sasang-ayon na isa sa mga dahilan ng wasak na pamilya ay ang hindi pagiging faithful ng isa sa mag-asawa pero tanggalin sana natin sa ating mga isip na tanging lalaki lang ang may kapasidad na kumaliwa dahil lahat tayo ay may posibilidad na maging biktima ng pangangalunya. Bagamat may kabigatan ang dahilang UNFAITHFULNESS marami pa rin namang kadahalinan kung bakit hindi nagtatagumpay o nagtatagal ang isang relasyon, kung bakit hindi natutupad ang wagas na mga pangako, kung bakit naging 'for a while' na lang ang pangakong 'forever', kung bakit naghiwalay 'kailan lang' ang dapat ay 'magpakailanman' sanang pagmamahalan at kung bakit nauwi sa wala ang masasaya at mahabang taon ng pagsasama, kung bakit naging mapait ang matamis na pag-iibigan.

Ano ba ang dapat gawin kung nababawasan na ang tamis ng inyong samahan?
Hindi ba talaga maiiwasan ang hiwalayan?
Bakit sa isang iglap ay nagpapadala tayo sa bulong ng temptasyon at tawag ng laman?
Ano ba ang dapat na pundasyon ng pamilyang nagmamahalan?
Pagtataksil lang ba ang dahilan kung bakit may problema ang isang pamilya?

Ang pamilyang hindi wasak lalo't sa mga anak ay napakahalaga. Walang anak ang naghangad na hindi buo ang kanyang pamilya. Kaya't kahit na gahibla na lang ang rason para magsama ang mag-asawa gamitin pa rin sana ang dahilang ito, hanggat kaya nating isalba ang relasyong nasa bingit na nang hiwalayan pilitin at hanapin pa rin natin ang dahilan para ito'y masagip ngunit sa kabilang banda isang malaking kalokohan naman kung ikaw lang ang may pagsusumikap at may interes na buuin ang pamilyang unti-unting nawawasak ng iba't ibang kadahilanan. 
* * *
Ang mga sumusunod ay mga gabay upang maging matatag o makatulong kung hindi man mapagbuklod muli ang isang relasyon. Ilang mga bagay na dapat gawin at isabuhay upang magkaroon ng matibay at magandang pundasyon ang bawat pamilya.

FAMILY
Fellowship & Forgiveness - Ang simpleng pagsasalo-salo ng pamilya sa hapag-kainan ay titimo at magmamarka sa isip ng bawat miyembro nito at magdudulot din ito ng isang magandang samahan sa isa't isa, gawan nang paraang maipasyal/madala ang pamilya sa mga lugar na magpapaalala sa kanila na mayroon silang masaya at kumpletong pamilya; hindi kinakailangan ng maraming pera para gawin ito. Ang pagwawalang-bahala sa mga payak na mga bagay na magbubuklod sa pamilya sa isang malusog na komunikasyon at samahan ay malaki ang epekto sa paglipas ng mga taon.
Ang pagkakaroon ng masiyahing pamilya ay nagdudulot ng magandang aura at positibong pananaw sa buhay ng bawat miyembro ng pamilya kahit siya'y nasa labas na ng kanilang tahanan. Indikasyon ito na ang bawat isa ay may magandang komunikasyon, mas nanaisin ng mga anak na nasa loob ng bahay kung masayang pamilya ang kanyang laging nagigisnan at hindi na kailangan pa ng curfew kung mas kawili-wili ring kausap at kasama ang kanyang pamilya katulad ng kanyang mga kaibigan sa labas ng bahay.
- Kung sakaling magkaroon ng pagkakamali at at kasalanan ang kapartner sa buhay maging bukas sana tayo sa pagpapatawad. Bagama't hindi ito ganoon kadali isa ito sa paraan upang maipakitang may pagmamahal pang nananahan sa iyong puso. Sana lang ay hindi maabuso ang forgiveness sa pag-ulit ng kasalanan.

Acceptance - Huwag mong hanapin sa iyong asawa/kabiyak ang katangiang hindi niya taglay bagkus tanggapin at yakapin mo kung ano ang meron siya at magmula rito ay magiging maluwag ang pagtanggap nang lahat ng kanyang kakulangan. Ang perpektong tao ay hindi totoo at ang totoong tao ay hindi perpekto. Ngunit kahit na pareho kayong hindi perpekto hindi ito dahilan para hindi kayo maging masaya at magkasundo kung mauunawaan ninyo ang kakulangan ng bawat isa mas malaki ang porsyento na kayo'y magsama ng mas matagal; na sa halip na maghanapan kayo ng kakulangan ng isa't isa punan ninyo ang pagkukulang na ito para sa masayang pagsasama.

Mediation - a form of alternative dispute resolution (ADR), a way of resolving disputes between two or more parties with concrete effects.
Walang mangyayari kung mas mataas pa ang ego mo kaysa sa iyong pagkatao, walang mapapala kung ang pride mo ang mas mahalaga kaysa sa inyong pagsasama. Ang isa sa susi ng mahabang pagsasama ay ang pagsasantabi ng pride at ego. Kung kinakailangang magpakumbaba para maresolba ang ilang isyu gawin natin ito, kung mas mahalaga sa iyo ang taong mahal mo huwag nang makipagtalo; ang pagtahimik ay hindi katumbas ng pagkatalo kundi pagbigay respeto ito sa damdaming nag-aalburuto. Agad hanapan ng solusyon ang hindi pagkakaunawaan, huwag itong pagtagalin. Maraming pamilya ang nawasak at nasira dahil sa letseng pride at ego. Mamagitan imbes na pagmulan ng isang alitan, umunawa sa halip na ikaw ang unawain, magbigay imbes na ikaw ang laging pinagbibigyan.

Industry & Income - Hindi natatapos sa pagsasabing "Mahal Kita" ang isang pagmamahalan at pagbuo ng masayang pamilya dahil kung totoong mahal mo ang asawa/pamilya mo, ipo-provide mo ang lahat ng kanilang pangangailangan. Gagawin mo ang lahat upang magkaroon ng matinong hanapbuhay, mapakain ng sapat at magkaroon sila ng matinong tahanan. Hindi sasapat ang 'pagmamahal' kung walang pagsusumikap, hindi sasapat ang pag-ibig kung walang pagtitiis at hindi magkakaroon ng masayang pamilya kung walang sapat na pera ang tahanan. Huwag na tayong magpakaplastik na hindi kailangan ng pera ng isang tahanan dahil ang pera ay isang pangangailangan na magtutustos at magdudugtong ng bawat araw ng isang pagsasama.

Love & Lust - Bagamat dapat na laging mas nangingibabaw ang Love kaysa sa Sex hindi rin naman maikakaila na mahalaga rin ito sa isang relasyon. May hangganan ang desire sa sex kaya hangga't hindi pa sumasapit ang menopausal stage o pagkakaroon ng karamdaman ma-enjoy sana ito ng mag-asawa. May mga pagkakataong ang pagtanggi ng isa sa sex ay nagiging sanhi ng isang salitan - isa itong kababawan kung tunay na may respeto ka sa iyong mahal sa buhay.
- Lahat ng tahanan ay kailangan ng tunay na pag-ibig ngunit hindi lahat ng tahanan ay mayroong tunay na pag-ibig; lahat ng tao ay kailangan ng tunay na pagmamahal ngunit hindi lahat ng tao ay may tunay na pagmamahal. Nakakalungkot na maraming mag-asawa ang patuloy na nagsasama dahil lang sa kanilang mga anak, sa estado sa buhay o sa ngalan ng magandang pangalan para lang masabi na hindi wasak ang kanilang pamilya. Ang pagbuo ng pamilya ay hindi madali at ang pagpapakasal ay isang commitment na panghabangbuhay, kung mag-aasawa siguraduhing ang iyong papakasalan ay tunay mong mahal at ang nararamdaman ay tunay na pag-ibig dahil kung hindi ka sigurado dito ilang alitan lang o ilang hindi pagkakasanduan niyo lang ay tiyak na patungo sa sumbatang walang katapusan.

You & Yahweh - Kung mahalaga sa iyo ang iyong mga mahal sa buhay mahalaga ka rin para sa kanila kaya sikaping pangalagaan ang sarili 'wag hayaang magpakalulong sa mga bisyo dahil isa ito sa kinadidismaya ng asawa o bawat miyembro ng pamilya. Higit na masaya ang pagsasama kung hindi laging nagbabangayan ang mag-asawa dahil si mister ay laging lasing o ipinatalo sa sugal ang pambili ng ulam o pambayad sana ng kuryente.
Nakakastress at nakakapagod ang anumang gawain maging sa trabaho man ito o sa loob lang ng bahay pero sana hindi ito maging dahilan para mapabayaan na lang basta ang mismong sarili, hindi naman kailangang magpunta ng kung saan para mapaayos ang sarili. Huwag magpakalosyang o magmukhang matanda sa aktwal mong edad; maging presentable hindi lang sa paningin ng mga kapitbahay o kaopisina kundi para sa iyong pamilya dahil mas nakakaganang umuwi sa bahay kung dadatnan mo sa bahay ay hindi mukhang marungis.
- Lahat ng pagsubok, suliranin, argumento, hindi pagkakaunawaan, pagkakamali at kasalanan ng isa't isa ay hindi madaling resolbahin kung sosolohin lang natin. Maraming mga bagay ang hindi nating kayang tanggapin kung sarili lang natin ang ating iisipin, kung lito na ang ating pag-iisip at pagod na ang ating katawan at damdamin. Gawing sentro ng pamilya ang Diyos at lahat ay kaya mong maunawaan, lahat ay kaya mong lampasan, lahat ay iyong maiintindihan. Hindi nga madali ang magkapamilya pero mas lalo itong hindi madali kung hindi natin Siya gagawing sentro ng ating relasyon. Malalampasan ang bawat pagsubok sa buhay at mauunawaan ang bawat suliranin sa bahay kung lahat tayo ay ito ang gagawin. Walang silbi ang isang tahanan kung hindi natin gagawing sentro ng ating pamilya ang Diyos.

Psalm 127:1 Malibang itayo ng Panginoon ang bahay, walang kabuluhang nagsisigawa ang nagtatayo: malibang ingatan ng Panginoon ang bayan, walang kabuluhang gumigising ang bantay.

Hindi ako sigurado kung may karapatan akong ilahad ang mga gabay na ito pero sigurado akong malaki ang maitutulong nito para magtagal ang samahan ng isang pamilya kung maisasakatuparan at maisasapuso ito ng bawat miyembro nito.

Friday, May 10, 2013

Huwag mo nang itanong



Huwag mo nang itanong kung okay ako dahil alam mo namang hindi ako okay.
Huwag mo nang itanong kung masaya ako dahil hindi mo naman alam kung ano ang aking ikasasaya.
Huwag mo nang itanong kung bakit ako malungkot dahil hindi ka naman marunong tumanggap ng katotohanan.
Huwag mo nang itanong kung anong maitutulong mo dahil ikaw ang dahilan ng pagkalugmok ko.

Hindi pala sasapat na ituring ang isang kakilala na matalik na kaibigan.
Hindi pala dapat ibinibigay ang kagyat na pagtitiwala kung kanino lang.
Sanay naman akong maglakad nang mag-isa, muli na lang akong maglalakbay na kasama ang aking huwad na katalinuhan.
Sana naibigay mo sa akin ang tiwalang hinihingi ko noong unang pa lang pero katulad din nila binigo mo ako.
Katulad ka rin pala ng iba na may mapagkunwaring ngiti at ubod ng bait sa tuwing kausap at kaharap.

Ang isang lihim gaano man kaliit o kalaki kapag ibinulong kahit sa hangin asahan mo pagdating ng araw at sa panahong hindi mo inaasahan ay ilalantad sa liwanag ng kahihiyan.
Gusto kong sumambulat nang parang isang kanyon.
Gusto kong sumigaw gaya nang sa bulkan.
Gusto kong humagulgol tulad ng isang namatayan.

Ganunpaman, alam kong nariyan ka pa rin at handang makinig sa lahat ng aking sasabihin.
Marami pa ring salamat sa pagtanggap mo sa akin.
Simula sa araw na ito ituturing kong ang aking sarili na lamang ang aking matalik na kaibigan.
Tawagin niyo na akong makasarili.