Sa taglay na kasikatan ng
banda hindi lang sa bansang Pinas kabilang na rin ang karatig bansa sa Asya
naglabas sila ng album target ang kanilang fans sa Asya ang "Aloha
Milkyway". 14 Tracks; siyam na remastered tracks at limang orihinal na
tracks. Sa limang orihinal na tracks na narito hindi ko pinagsasawaang
pakinggan ang "Scorpio Rising" ibang-iba ang kantang ito sa mga
naunang komposisyon ng grupo bihira din nila kantahin ito sa kanilang mga gig
ewan ko kung bakit. Kahit nga sa kanilang dalawang Reunion Concert ay hindi
nila ito isinama. Sa lupit ng guitar at drum solo ng kantang ito mapagkakamalan
mong isang foreign band ang tumutugtog nito.
Sa ilang taon lang na
pagtugtog ng grupo hindi na mabilang ang kanilang mga achievements, awards,
naitalang record at ang pinakaimportante ang buhay na kanilang pinasaya; oo
nga't musika lang ang inihandog nila ngunit higit pa rito ang ibinigay nila sa
kanilang tagahanga. Hindi biro ang gumawa ng kanta na magugustuhan at mamahalin
ng masa, para sa iba madali ang gumawa ng kanta ngunit ito ba'y tatanggapin ng
mapanuri at mapanghusgang lipunan? At lahat ito'y nalagpasan ng grupo dumaan
din sila sa hindi magandang simula tulad ko at ng maraming tao; hinusgahan,
hinamak at minaliit ang kakayahan ngunit hindi sumuko at lalong nagpursigi na
makamit ang pangarap.
Napatunayan din nila na
hindi mo kailangan ng napakaganda at napakataas na boses para maging matagumpay
sa industriya ng musika, hindi mo kailangang maging ubod ng gwapo para
magustuhan ng masa, hindi mo kailangang magsuot ng magagarang damit para
tangkilikin ng tagahanga, ang kailangan mo lang ay talento at pagmamahal sa
larangang iyong nagustuhan kung wala ka nito hindi ka pa sumisikat malalaos ka
na.
* * *
Natin 99 - obviously ay
inirelease ng taong 1999. Ipinakita rito na ang ibang miyembro ng Eheads ay
mahusay din sa paglikha ng awitin dahil ito ang album na mas kakaunti ang
nai-contribute na kanta ni Sir Ely kumpara kina Raimund, Marcus at Buddy.
Mula sa tunog techno at
electronic na album na Sticker Happy, ang Natin 99 naman ay tunog Manila Sounds
- tunog 70's. Kakaiba. Tunay ngang hindi tumitigil ang Eheads sa pagpapahusay
sa kanilang naibigang craft. Bumalik ang sigla at saya ng kanilang mga kanta sa
pamamagitan ng album na ito.
Wala na silang dapat
patunayan pa. Mula sa pagiging bagito nila sa pagtugtog ng instrumento naging
isa silang propesyonal na halos lahat ng instrumento'y kanilang sinubukan.
Hindi natakot mageksperimento, hindi nagpatali sa panuntunan ng industriyang
kanilang ginagalawan. Dahil sa karamihan sa mga kantang narito ay hindi
composition ni Sir Ely iba ang naging dating nito sa mga tao. Ibang-iba. Hindi
man kumita ng napakalaki ang album na ito hindi rin naman ito lumagapak. Ano
kaya ang nasa isip ni Sir Ely ng panahong ginagawa ito? Bakit kakaunti ang
contribution niya sa album na ito? Nag-uumpisa na ba siyang tabangan sa paggawa
ng malulupit na mga kanta? O saan siya nagsasawa, sa pagku-compose o sa mga
kasama niya sa grupo? Ewan ko, hindi ko alam. Pwede bang 'wag na lang nating
pag-usapan?
* * *
Mayroon akong weird feeling
na kapag naglabas na ng Greatest Hits Album ang isang artist malamang papunta
na ito sa pagkakawatak-watak o paglamlam ng kanilang kasikatan. Nang
mapakinggan at ninamnam ko ang mensahe ng kantang "Para sa Masa"
parang pahiwatig na rin ito ng kanilang pamamaalam sa mga fans na karamihan ay
Masa. Ang kantang ito'y katumbas ng "Handog" ni Florante na isa ring
pasasalamat at farewell song. At nang inilabas ang Eraserheads: The Singles
noong year 2000 nakikita ko nang papunta na sa sukdulan ang ang kanilang
pagsasamahan bagamat mayroon pa silang isang album na inilabas pagkatapos nito,
ang Carbon Stereoxide ng taong 2001. Maaring hindi nila alam na ito na ang
kanilang huling studio album as a band pero more or less alam nilang iba ang
magiging pagtanggap ng tao sa album na ito.
Hindi maiko-compare ang
Carbon Stereoxide sa kanilang mga previous album dahil malayong-malayo ito sa
mga ito. Ipinakita rito ng Eheads na may iba pa silang kayang gawin bukod sa
pop-rock music kung saan sila nakilala. Kung hindi ka die hard fans ng Eheads
malamang hindi mo magustuhan ang ilan sa mga kantang nakapaloob dito bagamat
okay naman ang Maskara at Pula parang hindi ka naman makakarelate sa ibang mga
songs dito. Personally, gusto ko ito dahil sa medyo malalim at mabigat ang
compositions dito pero hindi iyon ang gusto ng maraming fans kaya hindi ito
gaanong nag-hit sa music charts at di rin gaanong nagclick sa masa.
Kung tutuusin wala naman
nang dapat pang patunayan pa ang grupo dahil lahat na ng gustong makamit ng
sinumang artist ay nakuha na nila; awards, fame, fortune, hits, popularity,
respect at sandaling panahon ng kanilang pagtugtog itinuring na silang Icon at
alamat. Kung magdisband man sila wala na rin silang dapat pagsisihan pa; ang
kontribusyon nila sa daigidig ng musika ay mahirap nang pantayan ninuman sa
maraming kadahilanan.
At nang magising ako ng
isang umaga ng taong 2002 nakarating sa kaalaman ko na tuluyan na ngang
nagdisband ang bandang Eraserheads nalungkot ako pero hindi na rin ako nagulat.
Papunta naman ang lahat sa ganoon. Kung hindi ka na komportable, kung hindi ka
na masaya mas mabuti ngang siguro humiwalay ka na; pero alam ko may malalim na
kadahilanan kung bakit nagdesisyon si Sir Ely na iwan ang kanyang bandang
naghatid sa kanya sa pagyaman at sa kasikatan. Sa katunayan sa pagkawala ng
Eraserheads mas lalo kong na-appreciate ang mga kanta nila. Na hindi lilipas
ang buong linggo na hindi ako makikinig ng isa sa mga album nila. Tunay ngang
kahit anong gawin lahat ng bagay ay mayroong hangganan. Kaya lang alam kong may
malalim na kadahilanan pa kung bakit humiwalay sa grupo si Sir Ely kung hindi
ba naman bakit sa isang text message lang tatapusin ang higit sa isang dekadang
kanilang pagsasamahan? At hindi lang unprofessional-ism ang dahilan nito.
The day the music died - isa
itong linya sa malupit na kantang American Pie ni Don Mclean sinulat niya ito
bilang tribute sa mga namatay na miyembro ng Buddy and The Hollies sanhi ng
isang plane crash. Sa ganito ko rin nais ipahayag ang aking naramdaman nang
magdisband ang grupo - The day the music died. Bagamat may mangilan-ngilan pa
ring gumagawa ng matitinong kanta hindi naman maitatanggi na mas malakas ang
karisma ng Eraserheads kumpara sa iba. Mabuti na lang at hindi pa nadidisband
ang Parokya Ni Edgar (minus Vinci) mayroon pang isang dahilan para makinig ng
OPM.