Saturday, January 5, 2013

Ligaw na Bala



Gabi ng Disyembre 31. Nabalot ng lungkot ang dapat sana'y masayang pagsalubong at pagdiriwang ng Bagong Taon nang magmula sa kalangitan ay may balang ligaw na sumapul at kumitil sa inosenteng anghel na si Stephanie Nicole Ella. Sa isang isang iglap ay may ninakawan at pinagkaitan ng pag-asa, ng pangarap, ng kinabukasan at ng buhay...ng isang walang puso, hindi kilala at walang mukhang salarin.

Habang may isang demonyong nakangisi at nagsasaya dulot ng kanyang walang pakundangang pagpapaputok ng baril, may isa namang pamilya na ngayo'y dumaranas ng matinding kadalamhatian. Tumatangis at nagtatanong sa langit.
Habang may isang tarantadong humihiram ng huwad na kasiyahan sa tunog ng kanyang palalong baril, isang palahaw ng iyak ang umalingawngaw mula sa amang nagugulimihanan sa sinapit ng kanyang anak. Humahagulgol at nagtatanong ng "Bakit?"
Habang may isang mayabang na nakatindig sa kanyang kagaguhan at kairesponsablehan, may isa namang batang humandusay at kinitilan ng pag-asang mabuhay. Na ngayo'y kumakatok sa pintuan ng Langit.

Paano natin makuhang magsaya gayong alam nating anumang sandali ay mahahagip tayo at sinuman sa ating mga anak ng ligaw na bala?
Paano magsasaya at magdiriwang ang pamilya ng biktima na naiwan kung sa umpisa pa lang ng taon ay isang malagim na trahedya ang sa kanila'y sumalubong?
Paano naatim ng ibang taong magpaputok ng kanilang baril gayong alam nilang maaari itong kumitil ng buhay at pangarap?
Sa papaanong paraan sila nakakakuha ng kaligayahan kung ang umalagwang mga bala ay tutugis sa mga inosenteng nais lamang ay sumaya at magmasid?

Taon-taon. Paulit-ulit ang panawagan na huwag magpapaputok ng baril sa selebrasyon at pagsalubong ng bagong taon. Ano ba ang mapapala natin dito? Hindi hamak na mas malakas pa ang putok ng isang 5 star kaysa sa putok ng 9mm o kalibre 45 pero sadyang hindi maawat ang ubod ng yabang na may tangan ng baril. Hindi ko makuha ang lohika at dahilan sa likod ng walang habas na pagpapaputok ng baril sa tuwing bagong taon sa kabila nang pagkakaalam nila na posibleng may madisgrasya sa ganitong kairesponsablehan. Tangina. Kayabangan lang ba ang iyong dahilan para gawin mo ito? Ngayong nagawa mo na ito, nalubos ba ang kasayahan mo? Sagad ba sa tuwa ang naramdaman mo nang sumahimpapawid ang mga punglong iyong inutusang lumipad? Hintayin mo ang ganti at galit ng Langit.

Sana sa susunod na taon ikaw na mismo ang tamaan ng sarili mong punglo, itutok at iputok mo ito sa iyong sentido, hindi ito maligaw at tumagos sa iyong katawang may sanib ng kahambugan at nang maramdaman mo ang sakit, hapdi at init na unti-unting bumabaon sa iyong walang silbing kalamnan. Walang puwang ang tulad mo sa mundong naghahanap ng katiwasayan at kapayapaan.
Natupad na ang gusto mong magpaputok ng baril, nabawasan pa ang isang taong tulad mo na halang ang kaluluwa.

Hindi sapat ang salitang IRESPONSABLE para iuri ang mga ganitong tao. Sila'y mga pusakal na kriminal na walang awa at walang kaluluwa na walang iniisip kundi ang sariling pagkasiya. Alam ba nila na sila'y nagnakaw na ng buhay? Hindi, dahil wala silang pakialam. Hindi ba sila naaawa sa pamilyang iiwanan ng inosenteng kanilang mabibiktima? Hindi, dahil inosente rin ang tingin nila sa kanilang mga sarili.

Sana habang itinututok at ipinuputok nila ang kanilang baril sa langit, isipin nilang baka matamaan at mahagip ng bala nila ang kanilang mga anak o mahal sa buhay. Sana maisip nila na sa bawat balang kanilang pinakakawalan katumbas din ito ng isang buhay na kanilang uutangin. Kung may natitira ka pang konsensya at bait sa iyong katawan sana ay sumuko ka  na upang mapagsisihan at mabigyang katarungan ang isang imortal na kasalanan.
Sana hindi lang ito isang sensesyonal at kontrobersyal na balita na pinagpiyestahan at sinakyan ng mga pulitiko at media.
Sana ito na ang huling balitang may tinamaan ng ligaw na bala na may kaugnayan sa pagdiriwang ng isang masayang bagong taon.

6 comments:

  1. kawawa naman ang mga mabibiktima.. taon taon na lang may ganyang kaso...

    ReplyDelete
    Replies
    1. sa susunod na bagong taon, parehong balita - nakakasawa na. :(

      Delete
  2. Hindi pa man nahahanap ang nagpaputok ng baril na kinamatay ng batang si Nicole isang insedente nanaman gamit ang baril ang gumising sa bansa na kumitil ng pitong katao sa Cavite, nakakalungkot isipin na may mga tao talaga na mukhang hindi nadadalaw ng konsensya!

    Hustisya para kay Nicole at sa mga biktima sa Cavite!

    ReplyDelete
    Replies
    1. ang mga taong hindi nag-aalala sa kanilang mabibiktima ay sadyang walang konsensya, hindi sapat ang kanilang buhay para pagbayaran ang kanilang kapariwaraan.

      Delete
  3. Kaya nararapat lamang na mawalan ako ng paghanga sa mga pulis na yan. Mga pakitang tao,hindi lahat,pero madami ang suwail. Nakakapag init lang ng punong tinga. Nagyayabang na pulis kaya walang habas kung magpaputok.

    Napakahirap tanggapin na dahil lang sa iresponsable at yabang na pulis na yan,may isang inosenteng nakitilan ng buhay.Sana matukoy na siya at habulan sana siya ng karma!!!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Sadyang napakaliit na lang ang porsyento nang matinong pulis pero 'wag pa rin nating alisin ang tiwala sa kanila dahil sila lang din naman ang ating tatakbuhan sa panahon na tayo ang naagrabyado.

      - salamat sa inyong pagibisita

      Delete