Gabi ng Disyembre 31.
Nabalot ng lungkot ang dapat sana'y masayang pagsalubong at pagdiriwang ng
Bagong Taon nang magmula sa kalangitan ay may balang ligaw na sumapul at
kumitil sa inosenteng anghel na si Stephanie Nicole Ella. Sa isang isang iglap ay
may ninakawan at pinagkaitan ng pag-asa, ng pangarap, ng kinabukasan at ng
buhay...ng isang walang puso, hindi kilala at walang mukhang salarin.
Habang may isang demonyong
nakangisi at nagsasaya dulot ng kanyang walang pakundangang pagpapaputok ng
baril, may isa namang pamilya na ngayo'y dumaranas ng matinding kadalamhatian.
Tumatangis at nagtatanong sa langit.
Habang may isang tarantadong
humihiram ng huwad na kasiyahan sa tunog ng kanyang palalong baril, isang
palahaw ng iyak ang umalingawngaw mula sa amang nagugulimihanan sa sinapit ng
kanyang anak. Humahagulgol at nagtatanong ng "Bakit?"
Habang may isang mayabang na
nakatindig sa kanyang kagaguhan at kairesponsablehan, may isa namang batang
humandusay at kinitilan ng pag-asang mabuhay. Na ngayo'y kumakatok sa pintuan
ng Langit.
Paano natin makuhang magsaya
gayong alam nating anumang sandali ay mahahagip tayo at sinuman sa ating mga
anak ng ligaw na bala?
Paano magsasaya at
magdiriwang ang pamilya ng biktima na naiwan kung sa umpisa pa lang ng taon ay
isang malagim na trahedya ang sa kanila'y sumalubong?
Paano naatim ng ibang taong
magpaputok ng kanilang baril gayong alam nilang maaari itong kumitil ng buhay
at pangarap?
Sa papaanong paraan sila
nakakakuha ng kaligayahan kung ang umalagwang mga bala ay tutugis sa mga
inosenteng nais lamang ay sumaya at magmasid?
Taon-taon. Paulit-ulit ang
panawagan na huwag magpapaputok ng baril sa selebrasyon at pagsalubong ng
bagong taon. Ano ba ang mapapala natin dito? Hindi hamak na mas malakas pa ang
putok ng isang 5 star kaysa sa putok ng 9mm o kalibre 45 pero sadyang hindi
maawat ang ubod ng yabang na may tangan ng baril. Hindi ko makuha ang lohika at
dahilan sa likod ng walang habas na pagpapaputok ng baril sa tuwing bagong taon
sa kabila nang pagkakaalam nila na posibleng may madisgrasya sa ganitong
kairesponsablehan. Tangina. Kayabangan lang ba ang iyong dahilan para gawin mo
ito? Ngayong nagawa mo na ito, nalubos ba ang kasayahan mo? Sagad ba sa tuwa
ang naramdaman mo nang sumahimpapawid ang mga punglong iyong inutusang lumipad?
Hintayin mo ang ganti at galit ng Langit.
Sana sa susunod na taon ikaw
na mismo ang tamaan ng sarili mong punglo, itutok at iputok mo ito sa iyong
sentido, hindi ito maligaw at tumagos sa iyong katawang may sanib ng kahambugan
at nang maramdaman mo ang sakit, hapdi at init na unti-unting bumabaon sa iyong
walang silbing kalamnan. Walang puwang ang tulad mo sa mundong naghahanap ng
katiwasayan at kapayapaan.
Natupad na ang gusto mong
magpaputok ng baril, nabawasan pa ang isang taong tulad mo na halang ang
kaluluwa.
Hindi sapat ang salitang
IRESPONSABLE para iuri ang mga ganitong tao. Sila'y mga pusakal na kriminal na
walang awa at walang kaluluwa na walang iniisip kundi ang sariling pagkasiya.
Alam ba nila na sila'y nagnakaw na ng buhay? Hindi, dahil wala silang pakialam.
Hindi ba sila naaawa sa pamilyang iiwanan ng inosenteng kanilang mabibiktima?
Hindi, dahil inosente rin ang tingin nila sa kanilang mga sarili.
Sana habang itinututok at
ipinuputok nila ang kanilang baril sa langit, isipin nilang baka matamaan at
mahagip ng bala nila ang kanilang mga anak o mahal sa buhay. Sana maisip nila
na sa bawat balang kanilang pinakakawalan katumbas din ito ng isang buhay na
kanilang uutangin. Kung may natitira ka pang konsensya at bait sa iyong katawan
sana ay sumuko ka na upang mapagsisihan
at mabigyang katarungan ang isang imortal na kasalanan.
Sana hindi lang ito isang
sensesyonal at kontrobersyal na balita na pinagpiyestahan at sinakyan ng mga
pulitiko at media.
Sana ito na ang huling
balitang may tinamaan ng ligaw na bala na may kaugnayan sa pagdiriwang ng isang
masayang bagong taon.