Wednesday, January 9, 2013

Hayop at Metapora




Isa akong ibong tinatangay at inililipad ng pangarap
Ikakampay ang bagwis kung saan ito magaganap.
Isa akong isdang 'di kayang lunurin ng suliranin
Anumang mithiin ay pagsusumikapang languyin at sisirin.

Isa akong tandang na matapang na haharap sa maangas na kalaban
Ibabaon at itatarak ang taring matalas sa magtatangkang humarang.
Isa akong inahing 'di mapapagod na kakahig para sa aking mga alaga
Maagang pupungas at puputak upang humanap ng makakain at matutuka.

Isa akong buwayang tahimik ngunit puspos na mapanganib
May kakayahang mabuhay mapadpad man sa lupa o sa tubig.
Isa akong hunyango na may huwad na balat at kulay
Ako'y magbabalat-kayo anumang sandali para lang mabuhay.

Ako'y isang pagong na mabagal at maingat kung kumilos
Magalang na iyuyukod ang ulo sa lahat ng karespe-respeto.
Ako'y isang tarsier na 'di kaibig-ibig sa iyong mata
Gigisingin ko ang bawat gabi habang pinupuyat ko ang umaga.

Ako'y isang kabayong paulit-ulit na tatakbo para makamit ang panalo
Walang sawang lalahok sa kompetisyon hanggang mabaldado.
Ako'y isang ulupong na gagapangin ang bawat pagkakataon
Tutuklawin at lilingkisin ang sinumang maghahamon.

Ako'y asong-gala na lalaboy upang humagilap ng makakain
Kakaholan at aambahan ng pangil ang aagaw sa'king adhikain.
Ako'y pusang-kalyeng maliksing gagalaw at kikilos
Lalamunin at lulununin ang tinik ng aking bawat pagsubok.

Isa akong daga na may angking talino at bilis
Iiwasan ang kaguluhan ngunit lumalaban kung tinutugis.
Isa akong elepante na 'di kayang igupo ng problemang dumarating
Ipakikita kong ako'y dambuhalang makakamit ang bawat na mithiin.

Isa akong tigreng taglay ang matalim at matulis na mga pangil
Ito'y aking babala sa may pagnanais na pumigil at sumikil.
Isa akong matapang na leon na diyos ng sarili kong kagubatan
Handang lapain ang magtatangkang sumakop sa aking kaharian.

Isa akong langgam na magsisikap at mag-iipon sa tuwing may araw
Upang may maihain at makain kung sasapit ang panahon na maulan.
Isa akong magandang paruparo na may pakpak na makukulay
Sisimsim sa mabangong nektar ng bulaklak upang mabuhay.

Ako'y isang hayop na may makataong pag-aasal
Marunong mangarap, marunong gumalang, marunong magdasal.
Isa akong taong taglay ang karakter ng isang hayop
Marunong magsikap, marunong lumaban, 'wag lang maghirap at magdahop.

No comments:

Post a Comment