Tuesday, October 2, 2012

Euthanasia




Nakapanglulumo. Tila nakauubos ng lakas at katinuan ang eksenang tumatambad sa akin sa tuwing papasok ako sa silid na ito ng pagamutan. Walang puwang ang kasiyahan kung sa bawat paling ng iyong leeg, bawat sulyap ng iyong mga mata, bawat hakbang ng iyong mga paa ay pulos pasyenteng may iba't ibang karamdaman na nakaratay ang iyong mamamasdan; mga taong humihiram ng karagdagang oras ng buhay sa aparatong nakakabit sa kani-kanilang katawan.

At isa sa mga nakaratay na iyon ay ang aking ama. Ilang linggo na rin siyang naririto, pilit na nilalabanan ang sakit na nagpapahirap sa kanyang bawat kalamnan. Bago pa ito'y ilang beses na rin siyang nagpapabalik-balik sa mga dalubhasa at sa pagamutan; parang isang pusakal na hindi maiwasang maglabas-masok sa bilangguan; parang kirot na sa kanya'y parating dumadalaw pansamantalang lumilisan, matagal na nananahan. Sa bawat hinaing niya'y nararamdaman ko rin ang kanyang sakit na nararanasan, sa bawat daing niya'y tila hinihiwa din ang himaymay ng aking puso. Higit sa sakit at kirot mas nangingibabaw sa akin ang pagkahabag at awa. Ang larawan ng aking ama'y tulad rin ng maraming amang pigil ang emosyon, mapagkimkim ng damdamin at kung matuwa ay palihim. Mula pa sa aking pagkapaslit hanggang sa ako'y magkamalay nagisnan ko nang siya'y ganyan ngunit sa pagkakataong ito'y nakikita kong siya'y nahihirapan, dumadaing at lumuluha. Ilang anak ba ang kayang tiisin ang ganitong pangyayari? Sinong anak ba ang hindi maantig sa kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang sariling ama?

Ang kanyang dating matikas na katawan, ngayon ay pispis na at said na ang lakas; ang kanyang bibig na palaging may nakasuksok na yosi noon, ngayon ay may plastik na tubo na daluyan ng hanging binabayaran na nagmumula sa isang cylinder na gawa sa metal; ang kanyang matikas na tinig na parang sa hari na kanyang ginagamit sa tuwing kami'y pinagsasabihan dahil sa aming kakulitan noon, ngayon ay paos na at humahabol sa kanyang bawat paghinga; ang kanyang mga kamay na ginagamit niya noong pangdisiplina sa aming magkakapatid ay hindi niya man lang maiunat at maiangat ng matagal. Kung alak ang palagi niyang nilalagok noon, ngayon ay iba't ibang uri na ng gamot at medisina ang kanyang iniinom; pamatid-kirot. Ang alak at sigarilyo na kanyang matalik na kaibigan noon ang siya ngayong tumutugis sa kanyang kalusugan.

Habang mugto kong minamalas ang kanyang kahabag-habag na kalagayan siya'y tumitig sa akin at minuwestrang nais na niyang umuwi, umiling at wari'y sinukuan na ng pag-asang bumuti at gumaling. Ilang araw lang ang nakalipas nang matapat na kaming sinabihan ng doktor na ang kanyang karamdaman ay malabo nang malunasan. Ilang linggo, araw o oras na lang ang hihintayin at dapat ng asahan ang hindi inaasahan. Ito ba'y kanya na ring naramdaman? Paano mo haharapin ang ganitong uri ng sitwasyon? Iilang matapang lang ba ang kayang harapin ang kanya mismong katapusan? Ngunit bilang anak marapat lang na gawin mo ang lahat at buo mong kakayanan upang madugtungan pa ang oras na pananatili sa mundo ng iyong ama kahit katumbas nito'y pagod na isip at katawan, hirap at pighati sa kalooban at paggugol ng salaping pangtustos sa bawat araw na kanyang pananatili sa silid na ito at sa medisinang magdudugtong sa kanyang paghinga sa tuwing ika-anim na oras.

Kasabay sa pagkaubos ng aming pag-asa ay ang unti-unting pagkaubos ng pondong pandugtong sa buhay ni itay. Balot na ng lungkot ang aking lumuluhang damdamin at hindi na mawari kung ano ang isusunod na magiging pasya. Makabubuti ba talagang wakasan na ang paghihirap na nararanasan ng isang may karamdaman? Anong ganda ang maidudulot nito kung katumbas nito ay ang pagkabatid mong agad na paglisan ng iyong mahal sa buhay? Ito ang sandaling kahit na anong maging iyong pasya ay mali, ang sandaling ni sa panaginip ay hindi mo pinangarap at inisip. Ngunit kailangan nang isang pagpapasya.

Sumasabay sa patak ng ulan ang luha kong aking pinigil sa loob ng silid; ang kidlat na aking naririnig ay parang aking sigaw na pinipilit ikubli, ang kadiliman ng paligid ay katulad ng akin ngayong nararamdaman; kalungkutan. Kung naiipon lang ang lakas ng loob iyon ang aking gagawin upang walang pangamba akong haharap sa aking amang iginupo nang kapusukan, nang kabataan, nang karamdaman. Walang salitang makakapagpakalma sa aking nararamdaman sa sandaling ito, pilit kong pinasisinungalingan na ang nagaganap ay hindi katotohanan ngunit anumang dagdag na pagtanggi ay lalo lang nagpapahirap sa aking kalooban. Mas maraming katanungan kaysa kasagutan ang bumabagabag sa aking isipan.

Nakakagago. Isang nakakagagong pasya ang aking ginawa. Kinailangan pa naming umupa ng taong may sapat na tapang at lakas ng loob na magpapatid ng kung anumang instrumentong nagdudugtong sa gahiblang pagitan ng buhay at kamatayan. Kung ito'y isang pagkakasala sana ay mapatawad ako sa pasya kong ito. Patawad dahil sa sandaling iyon hindi ko na batid ang mali sa tama. Isinama ko na rin sa paghingi ng tawad ang lahat ng kasalanang nagawa ng aking ama; lantad man o hindi nailahad. "Panginoon kayo na pong bahala sa kanya".

Sadyang napakabilis ng oras kung ang bawat sandali'y iyong pinahahalagahan parang isang kidlat na kumislap na sa isang iglap ay maglalaho. Ilang oras makalipas na marating ang kanyang tahanan tuluyan na ngang si itay ay nagpaalam. Ang tinuran ng doktor na asahan namin ang hindi namin dapat asahan ay amin na ring inasahan ganunpaman nagdulot pa rin ito ng labis na pighati at kalungkutan. Wala na nga si Itay ngunit ang kanyang mga aral at pangaral ay pipilitin kong isabuhay at isapuso hangga't ako'y nabubuhay.

4 comments:

  1. punung puno ng emosyon ang lathalain na ito. humahaplos sa damdaming napupukaw ng nais ipabatid.

    tunay ng mahausay kang manunulat sir.

    humahanga ako sa angking mong galing.

    ReplyDelete
  2. kainaman lang ginoong tambay, alam ko marami pa tayong ihuhusay. nakakatuwa lang na isang mahusay sumulat eh nagbabasa rin pala ng mga ganitong akda.
    salamat sa muling pagtambay, sir.

    ReplyDelete
  3. im not a writer, but this is so painful ;-( i almost cried while reading. ang sakit talaga mamatayan. kahit anong prepare gawin mo.

    just me,
    www.phioxee.com

    ReplyDelete
  4. punong punong ng emosyon... bawat salita tumatagos sa puso... thumbs up!

    ReplyDelete