Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
"Marami ang nag-umpisa ng may mabuting adhika ngunit marami rin sa kanila ang nagtapos na nabihag ng masama." Isa itong katotohanan dahil marami naman talagang pulitiko ang nagnanais nang maganda at mabuti para sa bayan; paunlarin, payamanin, pasaganain ang mamamayan at ang kanyang bansang nasasakupan subalit sa kalaunan ang kanyang mabuting adhikaing ito ay unti-unting maglalaho at siya'y malulunod sa kapangyarihan. Ang pulitika ay isang malawak na putikan na kung lulusungin mo ito'y hindi maaaring hindi ka madungisan. Tulad ng aming dating pangulo na nalunod sa kapangyarihan at 'di lang siya basta narungisan nagtampisaw at inilubog pa niya ang kanyang sarili sa putikan; ang pangalang niya'y Glorya. Glorya ng (dating) kaitaasan!
Ang ngalan mo'y tagumpay ngunit ikaw ngayon ay nasaan? Wagi ka sa pinili mong larangan pero binigo mo ako at ang sambayanang Pilipino. Mas ninais mong pagsilbihan ang iyong sarili kaysa taumbayan, mas ninais mong pagyamanin ang iyong sarili kaysa bayan naming mahal, isa kang paladasal pero nais mo’y magkamal. Aanhin mo ang dami ng salapi kung pambayad lang ito sa mga dalubhasa na sa iyo'y nangangalaga, sa mahuhusay na tagapagtanggol na handa kang ipaglaban kahit batid nilang ikaw’y may sala, sa malamig na silid ng pagamutan na nais mong maging tahanan, sa kamang malambot na sumusuporta sa iyong bagsak na katawan, sa mga medisina na pansamantalang nagtatanggal ng sakit ng iyong nararamdaman. Ngunit wala nang hihigit pa sa sakit na iginagawad sa'yo ng taong-bayan; sakit na tumitimo sa iyong ubod-talinong isipan, sakit na tumatagos sa mahihina mong mga buto, sakit na hanggang sa panaginip ay iyong nararamdaman at nararanasan, sakit na walang lunas at kagalingan. Kahit anong pagtatakip ng iyong mga alagad ay wala nang nananalig pa dito, kahit na anong kasinungalingan ang iyong sinasambit sampu ng iyong mga tau-tauhan ay mas lumilitaw ngayon ang katotohanan, kahit anong pagpapaawa ang iyong ipinapakita ay tila manhid na ang marami sa iyong gustong drama.
Maaring naging mabuti kang ina sa iyong pamilya pero naging mabuti ka bang ina sa mga Pilipino? Sa halip na kami'y iyong arugain upang gabayan sa pagtahak ng mabuting pamumuhay kami'y iyong tinalikdan at nagbigay ng isang maling halimbawa; sa halip na bigyan mo kami ng kapayapaan at kapanatagan sa aming isipan ang binigay mo'y kaguluhan at pagkalito 'di lang ng isipan ngunit pati ng kinabukasan; sa halip na maging maligaya kami sa'yong pangangalaga ay lalo pa kaming nagkaroon ng poot at pighati sa aming mga puso; sa halip na mag-alala ka sa kalagayan ng aming bansa at mamamayang dalita ang idinulot mo'y isang bangungot at masamang alaala, sa halip na paunlarin at hanguin mo ang naghihingalong ekonomiya ng bansa ay isinadlak mo pa lalo ito sa kahirapan, sa halip na iligtas at iahon mo ang iyong mga anak sa pagkakalubog ay lalo mo pa itong pinagsamantalahan at nilunod.
Ilang buhay ang nasira dahil sa pagiging malapit sa'yo at napipilitang gawin lahat ng iyong kagustuhan? Ilang buhay ang binawi dahil sa'yong pagmamalabis? At may isang heneral pa nga na 'di nakatiis at kinitil ang kanya mismong sarili. Ilang buhay ang nasayang ng dahil sa'yong kasakiman? Ang narapat nga naming pangulo'y dinamdam ito at nagbuwis nang 'di niya ninais. Ilang buhay ang naglaho nang sa iyo'y sumalungat? Ang aktibistang may ngalang Jonas hanggang ngayo'y 'di pa nahahanap. Ilang buhay ang nautas dahil sa pangangalaga mo sa pusakal na nag-aanyong lingkod-bayan? Limampu't walo ngang buhay ang wala sa oras at walang habas na napaslang.
Ang ngalan mo'y pagpupuri at luwalhati subalit ito ba ang sa iyo’y nararapat? Nagpuri ka noon sa iyong kasapakat at kauri upang manatili sa kapangyarihan ngunit nasaan ba sila ngayon? Iilan lang kayong nagdurusa at tumatanggap ng paglibak ng bayan habang ang dati mong pinuri’y iniwan ka’t tinalikdan. Nagpuri ka noon sa inaakala mong magsasalba sa iyo sa labis na kapahamakan at binaluktot ang batas na dapat sana’y matuwid ngunit bakit parang ikaw lang ang nasuong sa gitna ng panganib? Mas niluwalhati mo ang salapi at inabuso mo ang nasayang na kapangyarihang sa iyo’y ipinagkaloob at ang pagkakataong makapaglingkod; ang dati ng may piring na katarungan ay dinagdagan mo pa ng piring mistula itong bulag noon na ang lahat ng iyong kabuktutan ay malamahikang mong naikukubli, ginawa mo rin itong bingi upang ‘di marinig ang hinaing at daing ng paglapastangan mo sa mga mahihina at inakala mong mga tanga. Sapantaha mo’y habangbuhay kang nasa kapangyarihan at ang lahat ay kayang maresolba ng iyong kwarta't kayamanan.
'Di namin lubos na batid kung ikaw'y lumuluha sa gabi kahit kay saklap tanggapin nang iyong nararanasan at 'di mo akalaing sa isang iglap ay maglalaho ang lahat ng iyong kasaganaan sa kapangyarihan pero kami'y matagal nang tumatangis; umiiyak sa nararanasang kahirapan, umiiyak sa pagwawalang-bahala, umiiyak sa kawalan ng pag-asa; panahon pa noon ng Kastila ng magsimula kaming umasa siglo na ang lumipas hanggang ngayo'y tila 'di na namin alam ang kahulugan nito. Batid naming ang iyong kalagayan ng kalusugan ay nakakaawa pero hindi ang iyong pagkatao; ang katawan mo'y mahina pero ang masamang impluwensiya mo'y malakas na sa isang kisap-mata'y magagawa mong muling bumangon at maghiganti galing sa pagkakadapa. Mas nakakaawa ka dahil sa'yo'y walang naaawa hindi na yata epektibo ang ginagawa mong istilo, marami ang ginawa kang katuwaan kaysa kaawaan masasabi mong wala silang puso pero itanong mo rin 'yan sa sarili mo. Nakakaawa ka dahil mas ninanais mong magkasakit kaysa gumaling sa karamdaman upang maiwasan lamang ang lamig ng bakal na rehas. Pero...
Naawa ka ba sa bansa ng panahong nagpapakasasa ka at ng iyong kapanalig? Kay rami niyo noong pinaghahatiang kayamanan na 'di namin alam kung saan ang pinanggalingan. Naawa ka ba sa mga Pilipinong kumakalam ang sikmura habang kayo'y lumalamon ng milyones na pagkain? Naawa ka ba sa aming masa na pinagkaitan mong pumili ng sarili naming pangulo? Naawa ka ba sa mga taong nagbabayad ng buwis habang ang kalsada sa mga lalawigan ay 'di madaanan, ang isang kalsada sa Kamaynilaan ay bilyones ang halaga? Naawa ka ba sa mga magsasaka na wala nang maitanim dahil sa kakapusan ng puhunan samantalang namahagi naman kayo ng daang milyong halaga ng abono at pataba sa mga 'di nararapat? Naaalala ko pa ang sinabi mo noon sa isa sa'yong mga SONA: "I ask our people to spend on the basics before the luxuries so that our children will have enough to eat". Napaka-inspirational! Sana nagawa mo 'yan nang ikaw'y nanunungkulan pa, pero hindi! Dahil sa sampung taong iyong pagbubuhay reyna ay gumastos ka ng P2.85 bilyong piso! At ito'y sa byahe mo pa lang at ng iyong mga alagad sa abroad habang ang mga obrero'y halos walang pamasahe sa taas ng pasahe at bilihin. Sino ba ang mas nakakaawa?
Habang ang katulad nami'y nagkukumahog sa trabaho na ang dapat na sana'y pambili namin ng sangsakong bigas ay nagiging buwis na kada buwan ay kinakaltas, ginagamit mo lang pala ito para baluktutin ang batas. Sino ba ang mas masahol ikaw o ang mga kriminal ng lansangan? Hindi na lang kami ngayon nakalubog. Kami ngayo'y nalulunod at walang naglalakas loob na kami'y sagipin at iahon dahil ang lahat nang nagtatangkang kami'y iligtas kung hindi nagmamagaling ay ipinagtatabuyan. Marami na ang pumiling magpakalunod at ang iba'y tuluyang nagpatianod lumayo na at iniwan dahil sa kawalan ng tiwala at pag-asa. Masisisi mo ba sila? Kung palagi at parati na ang namumuno'y iyong kawangis na mas inuuna ang sarili kaysa kapakanan ng iba ganoon naman talaga wala ka ring pinagkaiba sa kanila. Ang talo mo lamang ay sila'y nanatiling nakapwesto at ikaw ay ipi-prisinto. Ngayon mo sabihin ang katagang: "I am sorry" tutal eksperto ka naman sa pagsambit nito samahan mo na rin ng pagmamakaawa ng todo habang nakasuwero pero dapat ay doon sa "loob" na marami kaming kakosa na handa kang tanggapin hanggang ikaw ay tuluyang magbago. 'Di ka bagay sa palasyo, sa congress o sa senate dahil mas okay sa amin kung ikaw ay isang inmate at baka doon mo pa makita't mahanap ang tunay na kahulugan ng salitang kaibigan.
Pero 'wag kang mag-alala ilang panahon lang ang iyong kailangan dahil tiyak na lahat ng iyong ginawang 'di kabutihan ay magiging bahagi na lamang ng kasaysayan; lahat ng iyong ginawa'y makakalimutan at ang pagpapatawad ay 'di malayong sa'yo ay igawad dahil ang mga Pilipino'y likas na makakalimutin at mapagpatawad tulad nang ginawa ng mga Pilipino sa diktador na namuno at kaanak nito. Baka sakali, sa oras na ikaw ay pumanaw ituring ka pang martir ng taumbayan at maihimlay pa sa Libingan ng mga Bayani. At muli, mauulit ang kasaysayan.
Matagal-tagal na rin nang huli kong gawin ang Silip sa dekada 80 kaya naisipan kong gawan ito ng ikalawang yugto pero sa pagkakataong ito hindi na dekada 80 ang paksa kundi dekada 90 na. Bagamat 'di hamak na mas matagal na ang dekada 80 kumpara sa dekada 90 parang mas nakatatak sa isip ko ang naunang dekada at tulad ng nauna ko nang nasabi, dekada 80 pa rin para sa'kin ang da best. Ganunpaman, worth reminiscing pa rin naman ang dekada 90 marami pa ring alaala ang kay sarap balikan at sariwain. At may dahilan pa rin naman ako para gawan ito ng sariling espasyo sa aking blog.
USO.
Sa pagpasok ng unang bahagi ng dekada 90 at sa 'di malamang kadahilanan ay nauso ang maruruming sapatos; na 'pag hindi nanlilimahid sa dumi ang iyong sapatos ay hindi ka "in" sa barkada at huwag na huwag pagtangkaang labhan ito kung ayaw mong pagmulan ito ng away. Ang mga rubber shoes noon na dapat ay may taglay na kadumihan ay Tretorn, K-Swiss, Vans o Dragonfly para sa mga low profile. Pumatok din noon ang LA Gear ('yung may ilaw) at siyempre ang Nike ulit at Air Jordan, sa mga rakista ay nauso ang safety shoes at sinturon na may buckle. Kung noong dekada 80 ay beachwalk ang bida at ngayon ay Havaiianas noong 90's ay Islander na tsinelas naman ang pampormang tsinelas.
Sa pagsikat noon ng grupong Smokey Mountain ni Geneva Cruz ay sumikat din ang inendorso niyang Pop Swatch ~ isa itong wristwatch na oversize na may iba't-ibang kulay at disenyo. Matagal-tagal ding namalagi ang kasikatang ito at halos lahat ng kabataan na 'yung makakasalubong ay mayroon nito. Kasabay ng pagsikat ng Swatch/Pop Swatch ay pumaimbulog din ang Bench na damit na inendorso naman ng papasikat na si Richard Gomez (hindi ko alam kung si Richard ang nagpasikat sa Bench o ang Bench ang nagpasikat kay Richard). Sa kabutihang palad ay sikat pa rin naman ito 'di tulad ng kasabayan nitong Octopus Army.
Ang Love Notes ni Joe D'Mango sa Magic 89.9 tuwing Friday ay kinabaliwan din ng mga kabataan sa dekadang ito. Ito 'yung pagpapayo ni Joe D'Mango sa mga sumusulat sa kanya na karamihan kundi sawi sa pag-ibig ay may taning na ang buhay o namatay. Lagi itong may sad ending. Nagkaroon din ito ng sariling programa sa Telebisyon at espasyo sa pahayagan.
Parang hindi malalaos noon ang Universal Motion Dancers o UMD sa sobrang katanyagan nito lalo na ng sinayaw nila ang kantang Always ng Erasure. Tinawag nila ang kanilang sayaw na "Butterfly Dance" bagamat napakasimple ng sayaw ay iba ang dating kung si Wowie De Guzman at ang kanyang mga tropa ang sumayaw nito. Sumabay din halos sa kasikatan sa larangan ng pagsasayaw ang Street Boys ni Vhong Navarro na napakahuhusay naman sa pagtumbling ang isa sa kanilang kantang pinasikat ay Lick It ng 20 Fingers at ilan sa kanta ng Ace of Base habang nakamasid lang naman ang mahuhusay ding Manouevres na sumayaw ng Macarena ~ Parang napakadali magsayaw kung papanoorin mo sila; naging popular din naman kahit papaano ang laging nakapaldang X-People na nagsayaw at pinasikat ang Japanese song na Sweet Soul Revue.
Sa panahong hindi pa gaanong high-tech ang mga gamit at wala pang home theater ay uso pa ang arkilahan ng Mobile tuwing may okasyon. Ang radio station na 89 DMZ ay popular noon sa pagpapatugtog ng Dance, Hip-hop and Remixed Music ~ ang lupit nito noon walang gaanong daldalan basta tugtog lang. Naging DJ din dito so Francis M. o mas kilala sa tawag na The Mouth. Palagi noong may DJ mixing competition at sponsor nito ang 89DMZ. Kung mahilig ka sa radyo o sa musika sigurado alam mo ito. Sa panahon ngayon na uso ang bar at may liveband na kumakanta noon naman ay mga disco ilan sa mga ito ay: Rumors, Heartbeat, Euphoria, Metro, Ozone at Faces na may nakakaindak na theme na ginamit nila sa kanilang commercial sa TV (sing sing sing ~ Andrew Sisters). Bukod sa sing sing sing patok sa diskohan noon gnag mga katulad ng kantang Pump up the Jam, Strike it Up, Oh Carolina, Angelina, everybody everybody, tootsee roll at rump shaker. Masarap makinig noon ng radyo dahil hindi pa ito nasasakop ng mga jejemon. Ang jejemon na Baranggay LS ngayon ay matino pa noong dekada 90 at Rock o Pop-Rock ang laging nasa ere Campus Radio 97.1 ang station ID nito mayroon itong daily Top 12 at 12 na lagi kong inaabangan. Sikat pa rin noon ang NU107 at LA105.9 para sa mga mahihilig sa alternative music at DWRR101.9 para sa ballads & lovesongs fanatics. Mabuti at 'di pa nagpapasakop ang Magic 89.9 at RX93.1 at hanggang ngayon ay meron pa silang "sanity".
MUSIKA ATTUGTUGAN.
Mangilan-ngilan na lang ang Jukebox sa panahong ito na nagbigigay senyal na malalaos na ito. Sa unti-unting pagkasawa ng mga kabataan sa new wave music noong dekada 80 nagbigay-daan ito dance/hip hop music at ang pagsibol ng
boybands. Halos lahat na kantang nirelease ni MC Hammer ay naging hit at Ice ice Baby na one-hit wonder ni Vanilla Ice. Lagi ring nasa airwaves ang mga kanta ng mga grupong C&C Music Factory, Snap, Kriss Kross, Joe Public, Dr. Alban, Snow (Informer), Vengaboys, Steps, Shaggy, 2Unlimited, Ace of Base, Milli Vanilli na may ghost singer pala at iba pang may parehang tema ng musika.
Sa mga Boyband, Backstreet Boys ang pinakaangat sa lahat hindi rin naman nagpahuli ang mga grupong Boyzone, Hanson, NSync, All 4 One, Color me Badd, Take That, Boyz II Men, 98 Degrees, Moffats at sa huling bahagi ng 90's ay pumorma naman ang Westlife. Ang Spice Girls na natsimis naa mga bading ang pinakasikat na girl group noon. Bagamat year 2000 sumikat ng husto, sa huling bahagi ng 90's nag-umpisa ang mga batam-batang sina Britney Spears, Christina Aguilera at Ricky Martin. Ang rakistang si Alanis Morissette ang biggest solo artist ng panahong 'yun at ang kanyang album na Jagged Little Pill ay may napakaraming hits at Number 12 ito sa listahan ng Alltime Album Chart.
Hindi naman nagpatalo ang mga rakista ng dekadang ito dahil ang malalaking rock group ay may sari-sariling mga hits. Ang Extreme na may one-hit wonder na More Than Words, ang Nirvana ni Kurt Cobain (sayang ito), Cranberries, 4 Non Blondes, Pearl Jam, Red Hot Chilli Pepper, U2, Stone Temple Pilots, Pantera, Bon Jovi, Metallica at ang malupet na Guns N Rose ni Pareng Axl, kailangang malawak ang iyong imahinasyon sa pagtuklas sa nakatagong "mensahe at imahe" sa kanilang album na Use Your Illusion I & II.
Sa unang bugso ng dekada 90 dito sa atin ay isinilang ang Hip Hop music sa pamamagitan ng makasaysayang "Mga Kababayan" ni Francis M. Ito ang panahon ni Master Rapper Francis M. dahil lahat ng kanyang istilo ay ginagaya; flat-top na buhok na may nakaukit na peace sign, bling-bling na may peace sign pendant at ang kakaiba niyang kasuotan. Ang tunog imported na Masta Plann ay humataw din, si Michael V ay sumikat sa kantang panabla nya sa "Humanap ka ng Panget" ni Andrew E. na buong pag-aakala ng marami ay orihinal niyang kanta subalit, pero at datapwat ay buong-buong kinopya at isinalin lang pala, galing ito sa kantang "Find an ugly woman" ng Cash Money Marvelous. Tsk, tsk. Ganunpaman, marami din namang kantang pinasikat si Andrew E. na nagustuhan ng masa na karamihan ay pilyo pati nga ang kanyang mga pelikula ay tumatabo dati sa takilya.
Parang nagising sa mahabang pagkakahimbing ang industriya ng musika nang sumikat ang mga kanta ng banda ng iniidolo kong Eraserheads. Ang tunog latang mga awitin sa album nilang UltraElectromagneticPop! ay nagpasindak sa mga eksperto sa pagtugtog ng instrumento. Ang kantang "Pare Ko" na may linyang: "'Di ba 'tangina!" ay sabay-sabay na isinisigaw ng kabataan kahit sa loob ng eskwelahan. Nasundan pa ito ng mga obramaestra ding album na: Circus at CutterPillow. Sumabay din ang orihinal na Rivermaya ni Bamboo na Ulan ang unang hit, nag-uumpisa na rin noon ang Parokya ni Edgar. Sa sobrang talento ng mga kabataan noon naengganyo na rin silang magbanda; at nagsulputan na rin ang iba't ibang banda ilan sa mga ito ay: Orient Pearl, The Teeth, Alamid, The Youth, Color it Redd, Hungry Young Poets, After Image, True Faith, Siakol, Introvoys (nasa'n na sila?) at ang makabuluhang Yano ni Dong Abay bagamat matitino at magaganda pa rin ang mga lumabas na bagong album ni Dong Abay (Parnaso ng Payaso at Flipino) iilan na lang yata kaming nakabili nito. Idagdag ko na rin ang grupong Grin Department na sumikat ang kanilang double meaning na mga kanta at naging popular sila ng hindi ko man lang nakita ang pagmumukha at wala nga yata silang TV guestings. :-)
PAGKAIN AT LIBANGAN.
Hindi pa ganoon kadami ang tsitsirya o junk foods sa dekadang ito kaya't tanda ko pa rin ang paborito naming nilalantakan tuwing may tira sa baon; ito ay ang Peewee, cheez-it, snacku, humpy-dumpy, chiz-curls, oishi, chippy at ang ibang 'di ko na maalala. Wala na yata ngayon ang peborit ko ding matamis na tira-tira at lala (ung tsokolate), kending cherryball at ang maanghang na stork. Naalala niyo pa ba ang Wendy's Salad Bar? Dapat ay may talent and skills ka sa pagsasalansan ng sangkap ng kanilang salad sa abot-taas ng iyonh makakaya at ito'y sa halagang P99(?) lang. Hindi kaya dahil dito ay nalugi ang Wendy's?
Kahit paano'y may mahilig pa rin sa larong-kalye ang kabataan noon 'di tulad ngayon na nakalimutan na yata ang piko, chinese garter, luksong-baka, tumbang preso, teks, tumbang preso, taguan-pung, tsato, sipa, holen, lastiko, jackstone, dr. quack-quack, marunong pa ba ang bata ngayon magtrumpo? Kaka-miss ito!
May mga naglalaro pa naman noong ng Family Computer pero higit na namayagpag sa kasikatan ang Brick Game o mas kilala sa tawag na Tetris sa katunayan kabilang ito sa 100 Greatest Video Game of all time. Halos lahat yata ng kapitbahay namin noon ay meron nito at tinatangkang i-break ang sarili nilang record. Sa dekada ring ito lumabas ang unang Playstation pero sa sobrang mahal ay hinintay munang magbagsak presyo bago sumikat sa unang bahagi ng dekada 2000. Troll dolls, Tamagotchi ay pumatok din noon at sa huling bahagi ng 90's naman ay ang Tamiya.
TRANSPORTASYON AT KOMUNIKASYON.
Nang lumabas ang kauna-unahang AUV na Tamaraw FX sa kalagitnaan ng 1990's; lahat ng may kayang bumili nito ay mayroon agad sa kanilang garahe. Kaunti na lang ay tila magsing-dami na ang bilang ng Jeepney at Tamaraw FX, ganun ito kapopular dati. Marahil dahil sa ang kanyang porma ay hawig sa pangmayamang Pajero na sa dekada ring 'yun nag-umpisang sumikat.
Sa mga huling taon ng dekadang ito ay lumabas ang makasaysayang Pager o Beeper ~ ito yung ipadadala mo ang mensahe mo sa operator ng Paging company provider at isi-send naman ito ng operator sa taong may hawak ng pager o beeper katumbas ito ng text messaging ngayon. Feeling mayaman ka 'pag mayroon ka nito dahil mga may magandang trabaho lang yata ang nakakakuha nito. Bago matapos ang nobenta ay inilabas ang unang komersyal na cellphone sa Pilipinas na kaybigat at malaki. Analog pa ito at may mahabang antenna. Mayroon ng internet noon pero 'di ito katulad ngayon na kahit nasa loob ka ng banyo ay pwede kang mag-FB. Gamit ang Pentium 286 o 386 ay makaka-access ka sa iyong email sa maingay na dial-up.
KASAYSAYAN.
Balikan natin panandali ang ilan sa mahahalagang nangyari noong panahong iyon.
Luzon Earthquake (1990) - Walang eksaktong bilang ang ginuho ng lindol na 'to. Building, paaralan, bahay, kalsada, hotel, pabrika at marami pa ang ibang istraktura ang itinumba nito. Tinatayang libo ang namatay dito.
Gulf War (1990-1991) - UN led by the USA versus Saddam Hussein and the rest of Iraq.
Ormoc Flashflood Tragedy (1991) - isa sa worst natural disaster sa panahong iyon. Libo ang natabunan ng lupa o tinangay ng baha kasama ang kani-kanilang mga ari-arian.
Vizconde Massacre (1991) - after 20 years still unresolved.
Mt. Pinatubo eruption (1991)- bilyong piso ang damage ng lintek na pagsabog na ito ng Pinatubo. Marami ang namatay at marami ang inilikas na apektado.
Fidel Ramos presidency (1992) - Nanalo noong presidente si Ramos laban kay Miriam pero sabi naman ni Miriam ay dinaya siya. Bise-Presidente niya si Erap.
Erap Estrada presidency (1998) - Sa Malolos, Bulacan ni Erap ginawa ang kanyang panunumpa at pangalawang pangulo niya si Gloria na noo'y mabait pa at hindi pa nasasapian.
Rene Requiestas demise (1993) - Nasa rurok ito ng kasikatan ng siya'y pumanaw.
Ms. Universe held in Manila (1994) - 'di pa rin makalimutan ang makasaysayang Low tide or High Tide ni Charlene Gonzales.
Pagbitay kay Flor Contemplacion (1995) - Nagalit ang buong Pilipinas sa pamahalaan ng Singapore dahil sa pagkakabitay ng isa sa ating bagong bayani.
Pagkakakulong ni Robin Padilla (1995) - Hindi inakala ng lahat na ang isang Robin Padilla ay ikukulong sa Muntinlupa
Ozone Tragedy (1996) - daang kabataan ang literal na nasunog at na-suffocate sa diskohang ito.Pagoda Tragedy - daang deboto ang nalunod sa paglubog ng Pagoda sa Bocaue.
PELIKULA.
Mula noon hanggang ngayon ay 'di nalalaos ang Hollywood Movies at sa pagpasok ng unang taon ng dekada 90 ay isang matinding "Ghost" ni Patrick Swayze at Demi Moore. Kinabukasan pagtapos manood ng movieng ito ang mga classmate kong babae ay katulad na ng buhok ng bidang si Molly. Kahit hindi bagay basta makiuso lang. Big Hit din noon ang mga movie na: Jurassic Park, Independence Day, Twister, Armageddon, Schindler's List, Face-Off, Con-Air, The Rock, Home Alone, Die Hard, Mission Impossible, Matrix, Scream. Panahon ito ni Arnold Schwarzenegger dahil naka-sampung movie siya sa dekadang ito ilan sa mga ito ay: Total Recall, Terminator 2, Kindergarten Cop at Eraser. Si Julia Roberts naman ang pinakamalupit na aktress ng 90's bagamat apat lang ang movie niya sa kabuuan ng 1990's lahat naman ito ay tumabo sa takilya; Pretty Woman, My Best Friend's Wedding, Notting Hill at Runaway Bride.
Dapat hindi mawala sa listahan ang Titanic ni Leonardo Di Caprio na highest grossing film of all time bago ang Avatar na parehong James Cameron film.
Sa animation, siyempre walang tatalo sa Disney, Aladdin at Mulan na tampok ang singing voice ni Lea Salonga, 1994 ng maipalabas ang tumabo sa takilyang The Lion King, at ang ang napakagandang CGI ng Toy Story (sa pakikipagtulungan ng Pixar ni Steve Jobs) sinundan pa ito ng A Bug's Life noong 1998.
Sa Pinas, ang numero unong aktor noon ay ang bad boy pa noong si Robin Padilla na nakagawa ng 24 movies! At nakulong pa siya sa pagitan ng 1995 hanggang 1998. Katulad ng dekada 80, buhay na buhay pa rin ang pelikulang Pilipino dahil marami ang action film, comedy at mga ST Film na karamiha'y sa Seiko Films madalas bida noon sina Gretchen, Priscilla Almeda, Kaludia Koronel, Nini Jacinto, Natasha Ledesma at ang reyna ng ST si Rosanna Roces. Sa action sumikat ang mga young action star na sina Jeric Raval, Ian Veneracion, Raymart Santiago, Joko Diaz, atbp. Ang Viva Films naman ay abala sa pagpo-produce ng Comedy na halos pare-pareho ang tema pinipilahan ang mga pelikula noon nina Keempee, Andrew E., Gelli De Belen at Jimmy Santos. Sa pagpasok ng taong 2000 ay tila lumamlam ang industriya ng pelikula kahit ang malalaking producer ay minsanan na lang gumawa nito dahil siguro ito sa pagod, pagod sa panonood ng halos pare-parehong istorya at istilo ng hinahandog sa'ting pelikula. Sa Filmfest na lang tayo nakakapanood ng iba't-ibang pelikula pansamantala mahumaling muna tayo sa galing sa pagpapatawa nina Ai-Ai at Vice Ganda. :-(
TELEBISYON.
Marami na ang may Colored na telebisyon sa panahong ito pero iilan lang ang may high-tech na remote control. Wala pa ring cable TV kaya't mabentang-benta ang ating mga lokal na programa. Hindi pa masyadong marami ang teleserye dahil iilan lang ang ipinapalabas na soap opera noon. Ang pinakasikat at pinakamatagal sa lahat ng teleserye ay Mara Clara ni Juday at Gladys tumagal ito ng halos limang taon! (1992 to 1997) Nagsimula sa panghapon nagtapos ng panggabi. Hindi pa nakuntento dahil muli itong inere at ginawa pang pelikula. Sinundan agad ito ng Esperanza na si Juday ulit ang bida syempre isinapelikula din ito. Villa Quintana lang ang naaalala kong nasa programa ng Siyete.
Sa mga bata at isip-bata marami ang nahumaling sa programang Cedie ~ Ang munting prinsepe, Princess Sarah, Sailormoon, X-Men, Dragonball, Mighty Morphin Power Rangers,kabisado ang miyembro ng Teenage Mutant Ninja Turtles (Cowabunga!), Wansapanataym, Takeshi Castle, at sino ang makakalimot sa mga makukulit na bida ng: 4:30 na, Ang TV na! Esmyuski! Ang Batibot noon ay talagang inaabangan ng mga bata 'di tulad ngayon.
Sa mga nanay at tatay na hindi kayang ilipat ang channel sa bahay ay inaabangan ang programang Lovingly yours, Helen ang counterpart nitong Maalaala Mo kaya (ang tagal na nito), Calvento Files, Kapag may katwiran ipaglaban mo, Maricel Drama Specials, at Eye to Eye ni Inday Badiday. Mga game show noon ay: The Weakest Link ni Edu Manzano, Who wants to be a Millionaire ni Christopher de Leon at ang naghihingalong Kwarta o Kahon. Sa Musical variety show naman ay bumida ang ASAP na pinataob ang GMA supershow at SOP sa parehong dekada, The Sharon Cuneta Show, sa unang bahagi ng 90's ay mayroon pang Loveliness kasama doon si Francis M. at si Willie Revillame na konti pa lang ang yabang. May MTV na rin noon sa UHF Channel pero hindi pa ganoon kapopular at naging VJ sa MTV ASIA sina Francis M. at Donita Rose.
Family Oriented naman ang sitcom na walang katapusang Okay ka Fairy Ko na Enteng Kabisote ngayon, Home Along Da Riles na nagsalba sa career ni Dolphy at Tatak Pilipino. Inaabangan ko rin noong ang Music Bureau dati na nagtatampok sa mga lokal na banda katubas ito ng Myx Live ngayon, Okatokat at Baywatch o Beverly Hills 90210 ang ilan pa sa naalala ko. Marami rin ang nanonood ng Magandang Gabi Bayan ni Kabayang Noli (maganda at nakakatakot ang mga Halloween episode nito), World Wrestling Federation at ang taunang Wrestlemania. Ang Marimar ni Thalia ay kinabaliwan ng husto ng mga Pinoy, kaunti lang yata ang hindi nakapanood nito (2 beses pa itong inulit at isinapelikula pa), ito ang nagbigay daan sa iba pang foreign teleserye upang iangkat at panoorin ng masa (kabilang na ang Meteor Garden) sinundan pa ito ng Rosalinda at Maria la del Barrio.
Nag-hit noon sa kabataan ang youth-oriented show ng channel 7 na TGIS nina Bobby Andrews at Angelu de Leon, etc. at kalauna'y sinabayan ito ng channel 2 sa kanilang Gimik na tampok naman sina Jolina at Marvin, Juday at Rico +, etc.
Bago pa magkaroon ng Kuya Kim ay nandiyan na si Ernie Baron at ang kanyang Knowledge Power (radyo at TV) ini-spoof ito noon ni Bossing Vic sa kanilang gag show na TVJ at Mixed Nuts.
Sa pagpasok ng nineties ay nawala ang dalawang political satire na Sic O'clock News at Mongolian Barbeque pero mayroon namang Abangan ang Susunod na Kabanata na bagamat isang sitcom ay ipinapikita ang kalagayan ng pulitika sa Pinas sa nakakatawang paraan, isa pang sitcom na gusto ko ay Ober da bakod naman ng siyete, galing sa channel 5 na Tropang Trumpo (kasama si Gellie de Belen, Chicken!) nag-ober da bakod naman sina MichaeL V. at Ogie upang pagharian ang Bubble Gang na hanggang ngayon ay umeere pa rin sa huling mga taon ng 90's ay lalo itong sumikat ng magkaroon ng segment na "Dating Doon" ni Brod Pete at Brod Jocel. Number one naman sa kalokohan ang Palibhasa Lalake nina Richard Gomez at Joey Marquez kasama ang dalagitang si Carmina ~ nadagdagan pa ito ng ibat-ibang karakter hanggang sa kasawaan na rin ng mga tao dahil sa predictable na pagpapapatawa. Ang channel 9 naman ay may tahimik at simple lang na sitcom pero marami rin ang sumusubaybay ito ay ang Buddy en Sol ni Eric Quizon at Redfrod White+, inaabangan ko dito ay ang tanungan joke sa bandang huli ng programa.
Kakapagod. Napahaba yata ang listahan ko pero okay lang nag-enjoy din naman akong balikan at alalahanin ang nakaraan. Alam kong hindi na mababalik pa ang dekadang ito pero kung bibigyan ako ng tatlong kahilingan na ibalik ang tatlo sa mga ito hihilingin kong: 1. sana'y 'di agad namatay si Francis M. at ang kanyang musika, 2. sana'y 'di muna na-disband ang grupong Eraserheads at 3. sana'y nasa airwaves pa ang istasyong 89DMZ.
Taon at Lugar na pinanggalingan: 1933. Troyes, France
Manufacturing country: France, Peru, Morocco, China Pagbigkas: luh-kawst; luh-kost (pwede ring) la-kawst (French diction) sa mga hindi nakakaalam na silent "e" pala dapat, binabasa nila itong: lah-kos-teh
Mga produkto: Footwear, Pabango, bags, wallet, relo, leather goods, eyewear at marami pang iba pero concentrate tayo sa DAMIT
Materyal na ginamit: primera klase ng telang yari sa primera klase ring bulak. ultra-soft pique cotton (sosyal pakinggan!) Presyo: Depende. Ipagpalagay nating isang Polo-shirt ng Lacoste mga sampung (o higit pa) pirasong Bench na damit; kalahating buwang suweldo ng isang ordinaryong mangagawa ay katumbas ng isang pirasong Lacoste; halaga ng tatlong piraso nito ay makakabili ng loteng ilang-daang metro kuwadrado ang sukat sa probinsiya ng iyong kasambahay Mga Nagsusuot: Mga taga-alta-sosyedad, mga sosyalin, mga brand conscious, mga gustong magmukhang mayaman, mga nagyayaman-yamanan, Mga mayayaman
No. of Filipino Employees: Walang kumpletong detalye
Malulupit 'di-umanong katangian:
pamporma
it boosts confidence (naks!)
feeling proud
may malambot at kakaibang tela (o it's all in the mind?)
komportable (?)
habang nadadagdagan ang kulay at disenyo nadadagdagan din ang presyo
casual clothes na pwede na sa mga simpleng okasyon
ayos iporma habang idinidisplay ang maporma ring iPhone 4
hindi ka gaanong kakapkapan ni Manong Guard ng SM lalo't kung sa entrance ka ng Parking dumaan
nagbibigay ng kakaibang angas
feeling ka-level ang mga artista at celebrity na mahilig mag-suot nito
simple at hindi kakaiba ang disenyo pero may kakaiba raw na karisma
socially accepted kahit maraming kapareho ang damit
medyo hindi halatang hindi ka naligo
Pangit na katangian:
hindi pwedeng magkaroon ng mantsa baka pag-umpisahan ng away
bawal mabahiran ng ibang kulay at dapat mahusay ang pagkakalaba dahil kung hindi may mura at sumbat ang kasambahay
hindi bagay sa mga lugar na gaya ng palengke o slum area lalo't ikaw ay mangangampanya
alanganin kang ipamunas ito sa pawis lalo't sa sipon
hindi o bihira mag-sale
ang dami mong bibilhing damit bago ka magkaroon ng discount card
kung naluluma ay wala ring pinagkaiba sa mumurahing brand ng damit
Sobrang Mahal.
Mga endorser: Andy Roddick, Hayden Christensen, Richard Gasquet, Stanislas Wawrinka, Jose Maria Olazabal, Colin Montgomerie (malamang isa o dalawa lang ang kilala mo diyan)
Taon at Lugar na pinanggalingan: 1987. Manila, Philippines
Manufacturing country: China, Philippines
Pagbigkas: bench (english); bents (filipino)
Mga produkto: Footwear, Pabango, bags, wallet, relo, leather goods, eyewear at marami pang iba pero mag-concentrate tayo sa DAMIT
Materyal na ginamit: combed cotton, polyester, cotton-polyester blend
Presyo: magmula Php199, 299, 399, 499 (pag lumampas ng P500 mahal na 'yun)
Mga Nagsusuot: lahat na uri ng tao, mula masa hanggang sa artista, mula estudyante hanggang pahinante, mula worker hanggang manager
No. of Filipino Employees: 320,000 employees, 700,000 home workers and small sub-contractors
Malulupit na katangian at kakayahan:
mura
pamporma din (basta magaling ka pumili at pumorma)
pang-strike anywhere na damit
sulit ang halaga (it's getting more than what you pay for. hahaha)
(halos) may kapareho ding tela ng mamahaling damit
kahit madagdagan ang kulay at disenyo ganun pa din ang presyo
madalas naka-sale ng 10% hanggang 30%
pwede sa mga simpleng okasyon (again, basta magaling kang pumili at pumorma)
hindi ka gaanong magmumura o manunumbat kung sakaling mamantsahan, mahawaan ng ibang kulay o masukahan ng barkada mong parating unang malasing
maaring ipang-punas ng pawis sa kili-kili at iba pang parte ng katawan
maaring gawing parang mask ng ninja
matutuwa ka 'pag may nakita kang artista sa TV na pareho ng nabili mong damit
may lifestyle card. dito mo iipunin ang mga points na nabili mo sa bench at sister company nito (at mura lang ito)
sa panahon ng kagipitan at wala kang dalang panyo o facetowel, maari itong ipamunas sa likidong malagkit at puti na kung tawagin ay...sipon (pwede rin 'yung isang iniisip mo:-))
okay lang na ipang-tulog o ipang-bahay kung tinatamad kang magpalit ng damit galing trabaho o sa gimik
Pangit na katangian:
mas maha-highlight ang mamahalin mong gadget kaysa sa ordinaryo mong Bench Shirt
todo-kapkap sa'yo si Manong Guard ng SM
mas madalas may kapareho kang disenyo ng damit
Mga endorser (past & present incomplete list):
Locals: Richard Gomez, Richard Gutierrez, Piolo Pascual, Shaina Magdayao, Christian Bautista, Teddy Locsin, Karylle, Jon Hall, Gerald Anderson, Kris Aquino, Borgy Manotoc, Diether Ocampo, Lucy Torres, Dingdong Dantes, Kim Chiu, Rayver Cruz, Rica Peralejo, John Prats, Lovi Poe, Sam Concepcion, Angelica Panganiban, Sam Milby, Jake Cuenca, Aljur Abrenica, Kris Bernal, Zanjoe Marudo, Katrina Halili, Geoff Taylor, Jay-R, Carla Abellana, Kathryn Bernardo, Julia Montes, Albie Castro, Wendell Ramos, JC De Veyra, Enchong Dee, Coco Martin, Georgina Wilson, Regine Angeles at ang malupit na tambalang: Jason Francisco at Melay Cantiveros.
Foreign: Qu Ying, Jerry Yan, Nicole Sherzinger, Michael Trevino, Lu Yan, Peter Ho at Bruno Mars.
ANG HATOL: SA PANAHON NG RECESSION NA KAHIT ANG MGA MAUUNLAD NA BANSANG AMERIKA, GREECE, ITALYA AT IBA PA AY NARARANASAN ITO MAS MAKABUBUTI (SIGURO) NA BUMILI NG BENCH PRODUCTS O ANO MANG LOKAL NA PRODUKTO NA MASUSULIT ANG HALAGA NG IYONG PISO. MAKAKATULONG KA NA SA MILYONG PILIPINONG EMPLEYADO AT MANGGAGAWA NITO AT SA MGA PABORITO MONG CELEBRITY :-) MAY MAITATABI KA PA AT DUDUKUTIN SA ORAS NG PANGANGAILANGAN. KUNG SASABIHIN MONG: "ANONG PAKIALAM MO PERA KO NAMAN 'TO?" SASAGUTIN KITA NG: HINDI KITA PINAKIKIALAMAN NAGPAPAYO LANG AKO AT SAKA BLOG KO 'TO, BAKIT BA?". KUNG HUHUSGAHAN MO NAMAN AKO NA: "HINDI KO KAYANG BUMILI NITO (LACOSTE) AT NAIINGIT LANG AKO", SASAGUTIN KITA NG: "MAY ILANG PIRASO AKO NITO AT HANGGANG NGAYON AY NAISUSUOT KO PA" PERO SA TINGIN KO HINDI NA ITO WORTH SA PANAHON NGAYON. KUNG MAY LABIS KANG PERA WALANG PROBLEMA BILI KA NITO, BILHIN MO 'YUNG LIMITED EDITION 'YUNG MARAMING BUWAYA PERO KUNG 'DI PA NAMAN GANUN KARAMI, IPON KA MUNA 'TOL BAKA MAY IMPORTANTENG PAG-GAGAMITAN KA PA NG PERA MO SA IBANG PANAHON.
Kasabay ng patuloy na pagiging abnormal na pagsama at paglala ng panahong nararanasan ngayon ng mundo ay ang pagiging abnormal din ng kawalanghiyaan ng tao. Animo'y pinapantayan ng tao ang mga matitinding pag-ulan at pagbaha, mga nakakatakot na lindol at tsunami, ang masisidhing tag-tuyot at tag-init. Tinutumbasan ito ng tao ng kanyang kakaibang kasalbahehan; mga ugaling hindi mo lubos maisip kung tao pa ba ang may gawa o hayop o demonyo; mga nakagigimbal na pangyayaring nakabalandra sa pahayagan, radyo, internet at TV; mga nakapanggigil na iba't-ibang uri ng krimen na 'di mo aakalain na kaya palang gawin ito ng mga tao sa ngayong panahon.
Bukod pa ito sa pangkaraniwang kaganapan ng krimen na nangyayari sa araw-araw at tila nasanay na rin tayo sa kasamaan at kawalanghiyaan ng tao dahil bahagi na lamang ito ng balita sa araw-araw. At iniakyat pa ito ng tao sa mas mataas na antas, hindi ito dapat. Hindi naman tayo nilikha para pumatay o magmasaker, magnakaw o maging mandarambong, mandaya o maging utak ng malawakang election fraud, mangmolestiya o manghalay ng mahihinang biktima, magbenta ng droga o mambugaw ng kababaihan, lalo't ang menor-de-edad. Sa kadahilanang pera lang ba kung bakit ang tao'y nalulubog sa kumonoy ng kasamaan? O pagiging sakim sa kapangyarihan at wala na tayong pagrespeto at pagkilanlan sa ating kapwa at higit sa Diyos. Mas masahol pa tayo sa hayop.
Tila walang pinipiling kasarian, estado, nasyonalidad, propesyon, kalagayan sa buhay ang gumagawa ng krimeng ito. Magmula sa maliliit na tao hanggang sa "nirerespeto" ay capable na gawan tayo ng krimen. Mga taong ikinukubli ang kawalanghiyaan, mga taong nag-aanyong anghel sa kabila ng kademonyohan, mga taong walang inisip kung 'di ang manglamang sa kapwa. Kung kagyat na mamamatay ang mga may masisidhing kasalanan...baka mga sanggol na lang ang matira sa mundo. Nakakatakot.
Heneral, presidente, pari, doktor, abogado, pastor, pulitiko, pulis, pulubi, militar, sibilyan, kapatid, kaanak, kapitbahay, kabataan, mayaman, mahirap, lahat na. Tila wala nang ligtas na lugar tayong masisilungan at kahit ang mismong ating tahanan na dapat ay tahimik at payapa ay anumang oras ay maaaring pasukin at looban ng mga taong tila nasaniban ng kademonyohan o mga taong halang ang kaluluwa o sadyang wala nang kaluluwa. At ang mga alagad ng batas na dapat ay magtatanggol at magpo-protekta sa atin ay minsan na ring kwestyonable ang katauhan, ang mga gwardiyang nasa paligid at inaakalang magbabantay sa'tin ay nasasangkot na rin sa krimeng panghahalay, ang mga tagapagdala ng magagandang balita na dapat ay naggagabay sa atin sa tamang landas ay nagkukubli rin pala sa salitang kabanalan, ang mga abogadong nagtatanggol ay hindi na lang nagtatanggol kundi umaayuda na rin upang pagtakpan ang kasamaan. Oo, hindi lahat ay ganito kasama pero lahat ay may posibilidad. Sinong mag-aakala na sa panahong ito ay laman sa laman ang magpapatayan? Kapatid pinapatay ng kapatid dahil sa inggit, Ina pinatay ng anak dahil nairita, Amang minartilyo dahil sa sermon. Nakakalungkot. Nakakawindang.
Ang mas nakabibigla madalas na ring hindi nahuhuli ang mga may sala; mga salarin. Walang naparurusahan, walang katarungan. May pagkakataong nangingibabaw ang kasamaan laban sa kabutihan, may pagkakataong pera ang matimbang kaysa hustisya, may pagkakataong ang mga may kapangyarihan ang siyang batas, ang mga may impluwensiya ang pinapanigan kaysa ang biktima. At minsan naman, hindi kumikilos ang batas kung walang padulas. Kung masawi man tayong lahat na mahanap ang mailap na katarungang ito dito sa lupa asahan natin ang pantay na hustisya ang igagawad sa kabilang mundo. Kaya para sa akin at sa maraming biktima ng lipunan sasabihin ko: Hindi pwedeng walang Diyos.
Dahil kung walang Diyos napakaswerte naman ng mga taong yumaman dahil sa panggigipit, pangungurakot o pagnanakaw...Paano na lamang ang ika-walong utos?
Paano na lamang ang hustisya sa mga biktima ng katulad ng Maguindanao Massacre o nang walang naparusahang Vizconde Massacre o ng iba pang karumal-dumal na massacre?
Paano na lamang ang hustisya sa mga biktima ng katulad ni Givengrace na matapos halayin ay wala pang awang pinaslang?
Sino na lang ang mananagot sa mga sanggol na anghel na walang dalawang-isip na kinitil ang buhay at sapilitang ipinalaglag?
Paano na lamang ang hustisya sa mga bikitma ng libo-libong dinukot tulad nina Bubby Dacer o Jonas Burgos, na biglang nawala at 'di na muling nakita?
Sino na lamang ang maghahabol sa mga taong matagumpay na nakapagkubli sa batas ng tao na utak sa pagpaslang sa katulad na krimen ng pagpatay kay Ninoy?
Sino ang uusig sa mga bayaring kriminal na hindi nagdadalawang-isip na pumatay sa ngalan ng pera katulad ng ginawa nila kay Augustus Cesar na opisyal ng PUP?
Kanino hihihingi ng matinong katarungan ang mga biktima ng panghahalay at panggagahasa? Lalo't higit ang iba rito'y mga walang muwang na paslit.
Sino ang kayang maggawad ng katarungan sa mga nagtutulak ng droga na lumalason sa isipan ng mga tao?
Paano na ang paghahanap ng hustisya ng mga biktima ng karahasan na pasimpleng natakasan ang makupad at mahinang batas ng tao?
Sino ang magbigigay hustisya sa mga taong dagliang kinitil ang buhay sa simpleng dahilan o walang kadahilanan?
Sino ang magpapataw ng katarungan sa mga makapangyarihang Husgado na pinapaboran ang maiimpluwensya't mayayaman sa halip na ipatupad ang patas na batas?
Sino ang maggagawad ng hustisya sa mga rebelde ng lipunan na umaastang may mabuting ipinaglalaban subalit ang layon pala'y maghasik ng takot at terorismo sa mga inosenteng nadadamay sa kanilang krimen?
Napakalaki na ng butas ng batas ng tao; ang ngipin nito'y tila unti-unti nang nalalagas. Ang simbolo ng hustisya ay nakapiring ngunit tila salapi ang ginawang panakip sa paningin. Ang timbangan ng katarungan ay animo kumikiling at pumapabor sa may kapangyarihan. Tsk tsk. Napakarami na ang nabubulag sa kislap ng pera. Ginagago na rin tayo ng mas matatalinong nasa pwesto. At tila nalulukuban na ng masasamang ispiritu ang mga taong gumagawa ng ganitong nakakahindik na krimen; ang iba'y kilala mo at ang iba nama'y nakatago. Kung marami na silang gumagawa ng krimen sa kapwa tao o sa kalikasan dalangin nating sila'y tumigil at kung maaari'y maparusahan. Ang Diyos ay mapagpatawad sa mga taong taos na humihiling nito. Inuulit ko hindi ako malinis, hindi ako nagmamalinis, hindi ako mabait pero pinipilit kong magpakabait pero sa maraming pagkakataon bigo ako. Gayunpaman, ayokong lumangoy at malunod sa dagat nang lumalagablab na apoy; kung dito pa lang sa lupa ay nakakapaso na init na ang nararanasan tuwing tag-init, sigurado ako higit pa ito sa iniisip mo.
Tulad mo ako'y nangangarap din ng payapang mundo dahil tila hindi ko na ito makakamit sa ating mundo dito. Pero para sa mga taong nag-astang demonyo dito sa lupa dapat lang siguro na pagbayaran nila ang lahat ng kanilang kawalanghiyaang ginawa upang maging ganap ang katarungan sa kanilang naging biktima. At para sa'kin hindi pwedeng langit, hindi pwedeng walang impiyerno, hindi pwedeng walang Diyos.
PAUNAWA: ANG INYONG NABASA AY PANANAW LAMANG NG MAY AKDA. KUNG NAAPEKTUHAN MAN KAYO NG AKING PANANAW AT PANINIWALA AY 'DI ITO SINASADYA. ANG DIYOS AY HINDI DIYOS NG PAGHIHIGANTI KUNDI DIYOS NG PAGPAPATAWAD, PAG-IBIG AT PAGMAMAHAL NGUNIT NASASAAD DIN NAMAN NA ANG MAKASALANAN AY MAGBABAYAD NG KANYANG MGA PAGKAKASALA. KUNG ANO MAN ANG AKING NAGAWANG PAGKAKAMALI AT PAGKAKASALA ALAM KO MAYROON DIN ITONG KAPARUSAHAN.
Walang matalinong eksplanasyon kung bakit instinct na sa isang tao lalo na sa Pinoy na ulitin ang sinabi ng taong kausap nito, 'yung tipong automatic na 'pag may itinanong ka ibabalik din sa'yo yung tanong o 'yung sagot mo ay isasagot din sa'yo. Walang dahilan, ang tendency ay uulitin mo ang sinabi at sinasambit sa'yo ng hindi namamalayan at hindi sinasadya. Halimbawa: "Nasaan ka na ba?" Sagot: "Dito na sa Cubao" Nagtanong: "Cubao ka na?" o "Ano ulam mo kanina?" Sagot: "Adobo." Nagtanong: "Adobo?"
Hindi ba paulit-ulit? Hindi lang pansin ng marami pero sa isang ordinaryong usapan ay marami ang gumagawa nito. Ang paulit-ulit na na pananalita na ito ng mga Pinoy ay pinagkakitaan na ng husto ng isang stand-up comedian na itatago natin sa pangalang Vice Ganda sa kanya ring paulit-ulit na skit sa tuwing siya'y magpe-perform.
At ewan ko rin ba kung bakit nakakabit na sa mga Pinoy ang salitang "paulit-ulit". Parang kinagiliwan na natin ito at tuwang-tuwa tayo sa senaryo at mga bagay-bagay na paulit. Gaya ng pangkaraniwang pangalang Pinoy. Dito pa lamang sa aming opisina ay may mga ka-officemate akong inuulit ang pangalan o ang unang pantig ng pangalan; Joyjoy, Wewe, Tintin, Janjan, Jonjon, Junjun, Langlang, Jongjong, Daday, Dodoy at Jojo. Parang wala ng ibang pangalan at animo'y alingawgaw na sa pandinig natin ang mga ganitong nakakatuwang pangalan ng mga Pinoy na kahit ang ilan sa ating mga bayani ay mayroon ding inuulit na pangalan; Jose Rizal na may palayaw na "Pepe" at ang unang bayani na si "Lapu-lapu". Idagdag at isama na rin natin sa listahan ang mga pangalan ng mga opisyal ng bayan na may inuulit ding pangalan: Bongbong (Marcos), ang mag-amang Nene at Koko (Pimentel) at siyempre ang ating Pangulo; si Noynoy.
Hindi lang sa pangalan o pananalita nahihilig ang mga Pinoy bisyo na ring maituturing ang panonood natin ng mga programa sa telebisyong inuulit. Inuulit na tema, inuulit na istorya, inuulit na konsepto at ang mas matindi; literal na inulit ang isang palabas na iniba lamang ang bida/kontrabidang artista. Hindi na ko magugulat kung bakit tinatangkilik at libang na libang ang masang Pinoy sa mga recycled na palabas na; Mara Clara, Marimar, Mula sa Puso, Maria La del Barrio, Full House, Lovers in Paris, Darna, Captain Barbell, Dyesebel, Blusang Itim, Stairway to Heaven, Endless Love, Utol kong Hoodlum, Bagets at napakarami pang iba na sa sobrang dami ay mauubos ang letra ng keyboard ko. At kung hindi man inulit na istorya malamang ay mayroon itong inulit na tema; Anong pumatok na teleserye ba ang walang ampon sa istorya? Anong teleserye ba ang walang namatay na karakter (pero buhay pala)? Anong teleserye ba ang walang digmaan ng mayaman at mahirap? Anong teleserye ba ang walang pag-aagawan sa naiibigang bidang karakter? Anong teleserye ba ang walang bahid ng pangangalunya sa istorya?
Kapansin-pansin din na sa tuwing magpapasko na lang ang mga pelikula sa Filmfest ay 'yun at 'yun din o sila-sila lang din ang karakter. Nakakailang Enteng Kabisote na ba bukod pa sa Okay ka Fairy ko? Pang-ilang Panday na nga ulit magmula kay FPJ? Part 20 na ba ang Shake Rattle & Roll? May bago bang Mano Po? Eh 'yung Tanging Ina naging Lola na ba? Hindi naman tayo nagsasawa kasi pumapatok at kinagigiliwan. Sige enjoy lang. Huwag ka na ring magtaka kung bakit napakagaganda ng istorya low-budget Indie Film kumpara sa mga napakagagastos na komerysal na pelikulang ito.
Sa diksyonaryong Pilipino, hindi rin mabilang ang mga salitang inuulit pantig man ito o buong salita ito ang iilan: agam-agam, alaala, bakbak, bitbit, kimkim, kiskis, daldal, dikdik, gasgas, guni-guni, halo-halo at kung ano-ano pa. Mga bahagi ng katawan na inuulit; baba, ngala-ngala, bukong-bukong, alak-alakan, at kilikili. At kung maglalarawan ka ng isang bagay sa higit na mataas na antas hindi mo na kinakailangang gumamit ng katagang "mas", "napaka" o "pinaka" ulitin mo lang ang pang-uri ay ayos na at mas masarap pa ito pakinggan, halimbawa: "ang ganda-ganda" sa halip na "mas maganda, "ang husay-husay" sa halip na "higit na mahusay", "ang ginaw-ginaw" sa halip na "napakaginaw."
Asahan na rin nating Pinoy na sa tuwing may nananalo sa isang talent search na singer mas malamang sa malamang na magkakaroon ito ng album na ang kanyang carrier single ay revival, recycle o inulit. Kahit itanong mo pa kina Jovit, Marcelo at kay Bugoy (nasa'n na ba 'to?). Mas madali kasing humiram ng ideya at kumain ng lutong pagkain kaysa maghanap ng maisasaing. Kung mayroon akong kahilingan, hihilingin ko na sana lahat ng singer may talento rin sa paggawa ng kanta. Kung inaakala niyo na baguhang mang-aawit lang ang sumasakay sa ganitong gimik, mali kayo lahat na halos ng popular nating singer na inyong hinahangaan ay sinakyan na rin ito; hindi exempted dito ang mga idolo mong sina Martin Nievera (Forever 1, 2, 3), Regine (R2K, Covers 1,2), Sharon (sings Valera, Isn't it romantic 1,2), Ogie (Great Filipino Songbook, Ngayon at Kailanman) atbp. Oo, sa ibang bansa ay nagre-record din ng lumang mga kanta pero 'di tulad dito sa'tin. Malala. Ang lahat ng mga kanta sa kani-kanilang album ay inulit. Piracy in a legal and highest form. Hindi ba mas sikat pa ang inulit na kanta ni Juris kaysa sa mga orihinal na komposisyong kanyang kinanta? Ano bang orihinal na awitin ang pinasikat nina Paolo Santos o Nyoy Volante? Kahit gasgas na ang isang sumikat na kanta ay uulitin pa rin ito at gagawan ng ibang areglo para lang kunwari'y iba sa orihinal. Ako ay nauumay dito ewan ko sa inyo. Mabuti pa ang mga banda hindi (pa) nagpapadala sa ganitong sistema. Walang masama dito pero masyado na yatang kinomersyal ang lahat ng bagay na pati ang industriya ng musika ay tila nagpatangay at nilamon na rin ng sistema kunsabagay mas marami pa yata ang bilang ng bumibili ng piratang CD o nagda-download ng songs sa Limewire kaysa bumibili ng orihinal na kopya ng CD na may inulit na kanta. Para sa inyong kaalaman, bumibili pa rin ako ng orihinal na CD at sinusuportahan ko ang ating mga OPM singer at kasama sa mga inaabangan kong mga album ay Parokya, Gloc9, Bamboo (as a band or solo artist), Ebe Dancel and the rest of disbanded Sugarfree, Sandwich, Pupil atbp. Ang dahilan: orihinal ang kanilang mga kanta. Mabuti pa ang mga matitikas na mga rakistang ito hindi nagsasawa sa patuloy na paggawa ng mga orihinal na batong awitin (rocksong). 'Wag lang ang nanggaya nito.
Hindi ba't ang buhay ng tao ay isang cycle lang na paulit-ulit, ika nga sa isang malupet na blogsite SAME SHIT DIFFERENT DAY. Nagbabakasali at umaasa tayo ng ibang resulta pero pareho din naman ang ginagawa natin sa araw-araw. Haha. May kasabihan sa Ingles: "The History repeat itself" kaya ba paulit-ulit na pangalan sa pulitika ang nakatala sa ating kasaysayan? Mga pulitikong tila monarkiya na sa paghalinhinan sa puwesto sa itinatag na Dinastiya sa lahat halos na bahagi ng Pilipinas. Paulit-ulit na naluluklok sa pwesto ang mga gahamang pulitiko at paulit-ulit nilang kinukupit ang buwis na ating binabayaran. Hindi man natin sila hinahalal nakagagawa pa rin sila ng paraan upang makapandaya. At huwag mo nang itanong kung bakit paulit-ulit lang na problema at suliranin ang ating nararanasan; pare-pareho naman tayong walang disiplina, walang pagbabago, walang solusyon at walang kadala-dala.