Monday, September 12, 2011

Elemento

Hangin.
Ilipad mo ng iyong sidhi
Mga maninila at mapaniil
Iyong alimpuyo'y ganap na tumindi
Dagitin mga may sungay at may pangil

Datapwat laganap mga masamang uri
Na nagkukubli sa ngiting mapanglinlang
Sa ngayo'y nangingibabaw at naghahari
Iganti mo'y buhawing walang hamlang





Apoy.
Idarang mo ng iyong galit at poot
Mga pusakal, ganid at halimaw
Ningas mo'y 'wag sanang ipagdamot
Sumilab ka't umalab kawangis ng sa araw

Tangan mo man lahat ng uri ng kulay
'Di rin nagpagapi mga maiitim ang budhi
Wari ko'y lunas kitlin na 'yang buhay
Magliyab ka't sunugin hanggang sa abo na lang ang malabi



Tubig.
Tangayin mo ng iyong dausdos
Tampalasan sa sinukuban
Bumagyo ka't puspos na bumuhos
Sa bangis mo'y malunod labis na kabuktutan

Sa taglay mong kadalisayan
Na taliwas sa gawi ng lahat
Dagli mong anurin maruruming isipan
Hayaang matangay, maanod na siyang nararapat




Lupa.
Yumanig ka't maghasik ng lagim
Tabunan at utasin, mandarambong at kriminal
Lamunin ng kumonoy mga humahalay at sakim
Tuluyang ilibing mga diyablong umuusal ng dasal

Mabalasik man dagundong ng lindol
Na lilipol sa bawat lahi at lipi
'Wag malunos sa tangis at ungol ng mga ulol
Pagtila ng delubyo, uusbong mga mabuting binhi.

Thursday, September 8, 2011

Customs Lingo



Sa pag-asang mababawasan kung hindi man masawata ang garapal na katiwalian, korapsyon at talamak na pangungulimbat ng taong-gobyerno sa kaban ng bayan...naghalal at nailuklok sa Pinas ang isang lider na may slogan na: "kung walang corrupt, walang mahirap" .

Makalipas ang isang taon, kumusta na ang Kagawaran ng Aduana?
~ Makabubuting hindi ko na sagutin baka ako'y maakusahang taksil sa bagong pamunuan pero ang masasabi ko lang: "Bagong mga mukha pero pareho ang gawain." Ano mang inisyatibo ng nakatataas, ano mang pagpupursigi ng mga lider, katakot-takot man na pagsusumbong at pag-uulat sa iligal na gawaing ito; lahat ito ay walang BISA! Hangga't maari sila ay sila ay magtatakipan at niñgas cogon lang ang lahat ng programa para sugpuin ang katiwalian sa Aduana; ang dahilan: Mas makinang ang kislap at mas mabango ang amoy ng pera upang matabunan ang nakasusulasok nilang pagkatao. Kung alam man ito ng pinakamataas na lider? 'Yun ang hindi ko alam.

Madalas nating sabihing pampalubag ay: "Nandiyan na 'yan tanggapin na lang natin" Eh ano pa nga ba?!? Alangan ba namang magmukmok sa isang tabi ang mga nakikipagnegosasyon sa Aduana? O di kaya'y mag-aklas at mag-alsa laban sa pamunuan nito? May magagawa ba ito? Mamamaos at kalauna'y mawawalan ka lang ng boses sa karereklamo pero wala rin namang mangyayari. Ang sistema ng Aduana ay parang isang malalang kanser na hindi na kayang gamutin ng kahit na sinong ekspertong doktor. Pagbabago ba kamo? Pagbabago ng namumuno pero hindi nang kalakaran. Korapsyon sa pinakamataas na antas.

Hayaan ninyong bigyan ko kayo ng kaunting kaalaman (sa mga hindi pamilyar sa aduana) sa mga lengguwaheng ginagamit ng taga-aduana. Hindi man natin mabago ang sistema nila dito ko na lang idadaan ang aking sintimyento.

Ang Kagawaran ng Aduana...
kung saan ang tama ay hinahanapan ng mali at ang mali ay ginagawang tama;
kung saan ikaw na ang nagbibigay ng pera ikaw pa ang may utang na loob;
kung saan ang mga kawani nito'y umaasa at nabubuhay sa hingi;
kung saan kahit na pambili ng isang boteng alak ay iniaasa pa sa iba;
kung saan kahit walang okasyon ay kailangan mong mag-aginaldo.

1. Salida - matapos ang balitaktakan at tawaran sa mga opisyales ng BOC, ito ang huling proseso kung saan ang isang kargamento ay maari ng ilabas o i-deliver. Ilabas kaagad dahil kung babagal-bagal ka at hindi ka nakatimbre ay baka i-hold ka ng Office of the Commissioner o kaya'y habulin ka ng mga kupal na ahente ng Customs at magdagdag ka ng tara.

2. Talon - para makaiwas sa mas makukulit na opisyal ng iba't ibang Section sa Assessment Division kailangan mong patalunin ang iyong dokumento para pumabor sa'yo ang pakikipag-usap sa mas "mababait" na opisyal nito ang dahilan: mababang OT at mababang duties & taxes.

3. Ligaw - Upang lansihin at linlangin ang kinauukulan kailangan mo silang iligaw sa pamamagitan ng hindi pagdeklara ng tamang laman ng kargamento. Ibig sabihin, iba ang nasa papeles, iba ang aktwal na kargamento. Gets mo?

4. Tara - binibigkas ng mabagal; ta-ra. Sa madaling salita ito ay payola o padulas. Madalas itong binibigay tuwing araw ng Biyernes sa halos lahat ng klase ng buwaya este opisyales, ahente, pulis at kahit na sinong empleyadong adwana may kinalaman man sila o wala sa kargamento mo para hindi ka maabala sa susunod mong kargamento.

5. Timbre - pag-alerto o pagpapa-alam sa mga ahente at matataas na opisyal ng adwana na ikaw ay mayroong kargamento at papeles na ipu-proseso kapalit nito ay ang hindi pag-abala sa iyong papeles at smooth na tatakbo ito hanggang ito'y masailda. Siyempre pagsapit ng Biyernes tatara ka sa kanila.

6. OT - Hindi ito ang usual na overtime na alam natin. 'Pag sinabing OT sa adwana, ito ay ang halaga ng ibibigay mo sa opisyales ng Bureau of Customs, partikular sa bawat Section ng Assessment Division.

7. Picture - hindi ito larawan o litrato, sa lenggwahe ng adwana ang ibig sabihin ng picture ay ang pagbigay ng porsyento ng isang opisyal ng adwana sa taong nagpro-proseso ng papeles. Kadalasan ang "picture" na binibigay nila ay sampung porsiyento ng kabuuang tara.

8. Benchmark - ito ang pinakamababang halaga na dapat maging buwis ng isang kargamento kahit na ano pa man ang laman nito. Ngunit pinapayagan namang mas mababa ang benchmark kung ikaw ay isang tanyag na player sa adwana.

9. Player - Mga fixer / broker na eksperto sa paglalarong gusto ng Adwana. Ang dahilan kung bakit lalong nasalaula ang dati ng salaulang Bureau of Customs. Hindi ito kayang sabayan ng pangkaraniwang broker dahil mas marami silang impluwensiya na kahit na higit na mababa ang buwis ng kanilang kargamento at kahit na ligaw na ang dokumento nila ay halos walang umaabala sa kanila.

10. Haoshiao - Mga kawani di-umano ng Kagawaran pero ang totoo'y sila'y mga tau-tauhan lang ng mga organiko at balidong opisyales ng Aduana na ang tanging layunin lamang yata sa buhay ay manggipit at manghingi sa mga importer o broker.

11. Item - Pang-ukol pabalbal na ibinibigay sa mga organiko at balidong opisyales at empleyado ng Adwana.

12. Bukol - Pananadyang hindi pagbigay o pagbabawas ng tara sa isang opisyales ng Adwana ng isang kauri nila o ng isang broker na gustong makatipid sa panggastos.

13. Trabahong baluktot - Dito nagkakamal ng husto ang mga malalaking opisyales ng Adwana.

Trabahong baluktot ang mga kargamentong hinahawakan ng mga matitinik na Player; mga trabahong saliwa na iba ang dokumento sa aktwal na kargamento. Kailangan na ito'y ligaw at tumalon sa ibang Section upang mas madali at madulas ang salida kahit na ito'y mas mababa sa itinakdang benchmark. Upang maisakatuparan ito dapat ay naka-timbre ka sa matataas na opisyal ng bawat Dibisyon, may sapat kang pang-OT at ang regular na tara para sa opisyal na may item o kahit na sa Haoshiao ay 'di mo malimutan. Nasa kanilang mga kamay kung sila'y magbibigay ng picture basta't 'wag mo lamang silang bubukolan dahil siguradong abala ang iyong aabutin.

Wednesday, August 24, 2011

Mapalad pa rin ang ‘Pinas




‘Wag na nating pagtakpan na ang bansa natin sa ngayon ay mahirap, maraming problema at ang iba nga ay itinuturing pa itong miserable. Oo, sa lahat ng bansa ay may korapsyon ~ iba’t-ibang antas nga lang, lahat ng bansa ay may kahinaan at hindi lahat ng mamamayan sa mayayamang bansa ay mayaman din. May mga naisulat na tungkol sa kahinaan ng ating bansa pero hindi katumbas ito na niyuyurakan at tinatalikdan na ang ating bansang Pilipinas, marami nang naisulat na katiwalian ng ating mga lider pero hindi ibig sabihin nito na ikinahihiya na ang pagiging isang Pilipino bagamat ‘di rin naman dapat ito ipinagmamayabang.

Kung hindi mo kayang maging makabayan ‘wag mo naman sanang pandirian ang bansa mo wala itong kinalaman sa pagiging ganid ng maraming pulitiko. Kahit ano pa ang sabihin sa bansa natin wala ka nang magagawa du’n, lahat ay may sariling opinyon. Ipinanganak kang Pilipino at mamamatay kang Pilipino kahit legal ka pang magpalit nang nasyonalidad. Kung hindi natin kayang paunlarin ang Pilipinas, paunlarin mo na lang ang buhay mo sa ganoong paraan masasabi mong matagumpay ka sa sarili mong pagsisikap at kasunod nito liligaya rin ang buo mong pamilya; ‘wag mong sisihin ang Pilipinas sa pagiging miserable ng buhay mo. Kung ninanakawan tayo ng ating lingkod-bayan lantaran man o hindi ayaw kong sabihin na: “hayaan mo sila” pero lubhang napakaliit lang natin para sila’y pagbaguhin at gibain; sa ibang paraan na lang sila mahuhusgahan at alam mo na ang ibig kong sabihin.

Kung nakagawa ka ng isang bagay na sa akala mo’y tama at matino ngunit marami pa rin ang sumalungat at bumatikos hindi mo na ‘yun kasalanan dahil hindi lahat ay maari nating pagbigyan at hindi lahat ay aayon sa iyong kagustuhan, matutong tumanggap ng komento dahil bahagi ito ng ating buhay. Hindi ko nais na pag-alabin ang damdamin ng sinoman, inilalahad ko lang ang nasa ating paligid. Sasabihin ko ulit: Hindi ako optimisko na positibo ang tingin sa maraming bagay, hindi rin ako pesimistiko na negatibo ang pananaw sa buhay, ako’y isang realista na isinasaad ang nakikita’t natatanaw. Ang buhay ay may dalawang mukha; maganda at ‘di kagandahan kung nais mo lang ay pulos kagandahan baka may piring ang kabila mong mata at pinipili mo lang ang gusto mong makita.

Sawa na rin ako sa balita nang kahirapan at kabalastugan sa Pilipinas subalit kung tutuusin at kung ikukumpara ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa iba’t-ibang bahagi ng mundo; ‘di hamak na mapalad pa rin tayo. Kung ikukumpara ang ating mga kalagayan sa sitwasyon ng naninirahan sa mga bansang aking babanggitin baka sumang-ayon ka rin. Sa kabilang banda, hindi rin naman tayo dapat magdiwang dahil alam natin mas may igaganda pa ang estado ng ating katayuan, mas may iuunlad pa ang ating ekonomiya kundi lang sana nalason ang pag-iisip ng mga namumuno sa atin mas kaunti sana ang naghihirap na Pinoy, kung naipapatupad lang sana ang magagandang programang para sa sambayanan baka hindi tayo nakalugmok ngayon sa kahirapan. Siguro’y tama nang ipagpasalamat natin na ang Pilipinas pala’y hindi ganoon kamiserable kagaya ng iniisip ng marami sa atin.

Ayon sa United Nation ang paggamit ng Internet ay isa ng Basic Right kaya’t mapalad tayo dahil malaya nating naipapahayag ang ating mga boses sa pamamagitan ng Internet, malaya tayong bumatikos at pumuna sa mga katiwaliang ating nakikita, may laya tayong magbigay ng kritisismo sa Pamahalaan dahil bahagi ito ng ating demokrasyang tinatamasa ‘di tulad sa mga bansang Belarus, Burma, China, Cuba, Vietnam, Laos, Cambodia, Egypt, Iran, North Korea, Saudi Arabia, Syria, Tunisia, Turkmenistan, Uzbekistan at Vietnam. Ang pamahalaan sa mga bansang ito kundi man bawal ang paggamit ng Internet ay matamang sinisiyasat at minomonitor ang bawat sabihin at batikos ng isang Internet user laban sa gobyerno. Kung dito ka nakatira at isa sa iyong kaligayahan ang mag-internet at gumawa ng blog kailangan mong mag-ingat sa bawat salitang iyong isusulat dahil kung hindi problema ang aabutin mo ‘di gaya sa bansa natin na kahit papaano ay may laya tayong magbitaw ng ating kritisismo laban sa mga namumuno at opisyal ng gobyerno. Aminin man natin o hindi, mas malaya ang bansang Pilipinas kaysa sa mga bansang nabanggit.


Minsan nang nagbanta sa atin ang El Niño o malawakang tagtuyot ngunit ‘di naman ito nagtagal dahil agad din namang umulan sa panahon na kinailangan natin ng tubig nang halos kritikal na ang ating sitwasyon. Subalit sa mga bansang Afghanistan, India, Pakistan at Sri Lanka ay nararanasan ito isang beses sa loob ng tatlong taon; samantalang sa mga bansang Bangladesh at Nepal ay madalas ang napakalalang tagtuyot na labis na nakakaapekto sa kanilang agrikultura resulta nito’y kakulangan sa pagkain. Kaya sa sandaling umulan sa Pilipinas ‘wag magmukmok at magmura isipin na lang ang mabuting dulot nito para sa ating mga magsasaka. Ngunit ibang usapan na ‘pag bagyo ang sa atin’y sumagupa, ipanalangin na lang natin na hindi ito kasingtindi ni Ondoy.


Maraming Pinoy ang nag-aalala at natatakot sa kaguluhang ihahatid ng mga rebelde, masasamang elemento ng lipunan at mga bandido dito sa atin kabilang na ang NPA, Abu-Sayaff, holdaper, tiwaling mga pulis at militar at iba pa subalit kung iisipin mo ‘di hamak na mas estabilisado pa tayo sa ibang mga bansa kung pag-uusapan ang ekonomiya at pulitika. Maraming bansa ang mas nakakatakot at mas mapanganib kaysa bansa natin dahil sa kahinaan ng kanilang ekonomiya, pulitika at sandatahang armas laban sa tunay na terorista; lingo-linggo ay daan-daang katao ang namamatay dahil sa iba’t ibang uri ng karahasan (terorismo, suicidal attacks, atbp). Mga karahasang walang mabuting dahilan at walang kongkretong kadahilanan na ang nais lamang ay ipalaganap ang takot sa mamamayan, kahit na ang simpleng paglabas ng bahay at pamamasyal ay parang isang misyong imposible. Kabilang dito ang mga bansang Teritoryo ng Palestinian, Zimbabwe, Lebanon, D.R. Congo, Sudan, Pakistan, Haiti, Afghanistan, Iraq at Somalia.


Nababalitaan at napapanood mo ba sa telebisyon ang kaguluhang nagaganap ngayon sa Libya,Turkey, Syria, Yemen, Afghanistan at Sudan?
Balot ng takot at pangamba ang mga residente dito dahil sa digmaan ng gobyerno at ng kanyang nasasakupan. Bayolente na ang magkabilang panig at handang mamatay at pumatay para lamang maipagtanggol ang kani-kanilang ipinaglalaban. Mahimbing pa kaya ang tulog natin kung sa ating bansa ito mangyayari? Takot din ang umiiral sa mga Koreano dahil anumang oras ay maaaring sumiklab ang digmaan sa pagitan ng nagbabangayang North at South Korea, gayunding takot ang nararamdaman ng mga Israelitas at ng mga Palestino dahil sa hindi matapos-tapos na pag-aagawan ng teritoryo. Kaya’t ipagpasalamat natin na hindi pa humahantong sa ganyang antas ng kaguluhan ang ating bansang Pilipinas.


Sa tuwing may parating na bagyo sa atin marami na ang nag-aalala at natatakot, pa’no pa kaya ang patuloy na banta ng lindol at kung minsa’y tsunami? Ang maunlad na bansang Japan ay ito ang mabigat na suliranin sa halos araw-araw ‘wag nating sabihing sanay na sila dito dahil walang sinumang tao ang gustong masanay na may takot sa isipan. Noon lamang Marso 2011
tinatayang higit sa sampung libong katao ang namatay at labis sa tatlong daang milyong dolyar ang naging pinsala ng lindol at tsunami sa malaking bahagi ng Japan. Kung ang malalakas na bagyo sa atin kung dumating ay minsan sa isang taon; ang mga Hapon ay labis na nag-aalala, natu-trauma, balisa at may matinding takot sa tuwing lumilindol. Hindi ba’t may mas mabigat na problemang emosyonal at sikolohikal ang mga Hapon kaysa sa ating mga Pinoy?


Kung klima ang pag-uusapan ‘di hamak na napakaganda ng ating klima kumpara sa ibang bansa na may temperaturang napakalamig (below freezing point) kabilang dito ang mga lugar na Alaska, Greenland, ilang bahagi ng Russia, Canada at Antarctica
kung dito ka nakatira malamang na hindi mo na ma-enjoy ang swimming tuwing summer (ang babaw). Sa dami ng mahihirap na Pinoy na nakatira lang sa ilalim ng tulay, kariton, kalsada at iba pang hindi kanais-nais na lugar; hindi nila kakayanin ang napakatinding lamig ng hatinggabi (sa umpisa lang nakakaaya ang napakalamig na klima) at malamang kabi-kabila din ang sakuna dahil sa dulas ng kalsada. Hindi na rin siguro matamis ang ‘yong ngiti kung sa panahon ng tag-init ang temperatura ng iyong bansa ay literal na nakakapaso ng balat (lampas 50C) ang mga bansang Libya, Greenland Ranch (USA), Tunisia, Mali, Israel at Iran ay ito ang nararanasan. Kaya’t higit na mapalad tayo dahil napakaganda ng ating klima sa halos buong taon.

Oo, mahirap ang Pilipinas at maraming pamilya dito ang kinokonsiderang nagugutom. Subalit maraming bansa sa East Africa ngayon ang higit na mahirap kaysa sa’tin at milyon-milyon dito ang literal na gumagapang sa gutom. Tinatayang higit sa labing-isang milyong katao ang walang makain sa mga bansang Ethiopia, Kenya, Uganda at Djibouti at libo-libo dito ang namatay na sa kawalan ng makain at ang bilang na ito ay patuloy na nadadagdagan sa bawat araw dahil ayon sa istatistika nakababahalang tatlo katao kada araw ang namamatay dito sa dahil gutom! Bagamat maraming bansa ang patuloy na nagbibigay ng tulong sa mga bansang ito sa pamamagitan ng UN(WFP) lubhang hindi pa ito sapat sa nakasisindak na bilang ng tunay na nagugutom. Sa Pilipinas, kung hindi ka maselan at hindi tatamad-tamad ay ‘di ka magugutom dahil ‘di hamak na buhay ang ating ekonomiya at hindi pa naman dumadating sa puntong libo-libo ang literal na namatay dahil sa kawalan ng pagkain. Sa ngayon, may isda pa ang ating dagat, may puno pa ang ating gubat, may mga hayop pa tayong inaalagaan at pinapastol, may tanim pa ang ating bukid, may prutas pa ang ating puno at may biyaya pang ulan na dumarating. Kaya’t kung iisipin mas mapalad pa rin tayo ‘di ba?


May mamamayan sa mga bansang nabanggit sa huling bahagi ng artikulong ito ay hindi prayoridad ang maraming bagay tulad ng paglilibang baka nga hindi pa sila nakakapasok sa sine o hindi pa nakakahawak ng computer o ng simpleng celphone, marami dito ang madalas na pumapalya sa pagkain at walang malinis na tubig na maiinom, marami sa kanila ang walang pakialam kung may kasuotan man sila o wala at marami din dito ang hindi na nakuhang makapag-aral. Samantalang maraming Pinoy naman ang panay ang reklamo dahil luma ang gamit na celphone, walang pakundangang nagsasayang ng pagkain, nag-iinarte dahil sa suot na mumurahing gamit, panay ang mura sa mabagal na internet connection, sinasayang ang pagkakataong makapag-aral at winawaldas ang pera sa walang katuturang bagay… Nakakalungkot. Marami nang problema ang mundo ‘wag ka ng dumagdag.

Siguro’y makatutulong na huwag muna nating ihambing ang Pilipinas sa mga mauunlad na bansang tulad ng Amerika, Inglatera, Italya at iba pa dahil ‘di hamak na maliit na bansa pa lamang tayo kumpara sa kanila mas makabubuti sigurong isipin na mas angat tayo sa ibang mga bansa at magmula rito ay pagsumikapang abutin ang layuning maging mas maunlad. Hindi ko naman sinasabi na dapat tayong makuntento sa kalagayan at katayuan natin ngayon dahil alam kong mas may iuunlad pa tayo. Upang imbes na tayo ang tulungan ay tayo naman ang tumulong sa mga bansang higit na nangangailangan ng kalinga.

Kung maaari lang sanang itigil muna ang pulitika, kung maisasantabi lang sana ang pagiging ganid at makasarili, kung totoong kapakanan ng bayan lang sana ang nasa isip ng mga namumuno… mas maunlad at progresibong Pilipinas ang sasalubong sa ating bukas.
Bawasan ang reklamo isipin na lang natin mas mapalad pa rin ang 'Pinas!
Tulad ng pagiging tao hindi natin mapipili ang ating mga magulang at hindi rin natin mapipili ang ating nasyonalidad; hindi ba natin pwedeng ipagpasalamat na pinanganak tayong Pilipino? Hindi Somalian, Kenyan o Ethiopian. Kung mahirap ang maging Pilipino ano na ang tawag sa kanilang kalagayan?

Saturday, August 13, 2011

Ang Sining ni Mideo


Ang larawang ito ay ang sining na likha ni Mideo Cruz. Matindi ang impact sa maraming Pilipino ang ­ginawang ito ni Mideo. Kabi-kabila ang naging reaksyon ng magkabilang panig; ang mga aktibong katoliko na lubos ang pagkondena sa nasabing “sining” at ang mga kapwa niya artists na ipinaglalaban naman ang katha ni Mideo at kanilang sinasabi na ito’y isang “work of art”. Ano ba talaga ang kahulugan ng Sining?

Ayon sa Wikipedia ang depinisyon ng Sining o Art ay:
Art is the product or process of deliberately arranging items (often with symbolic significance) in a way that influences and affects one or more of the senses, emotions, and intellect. It encompasses a diverse range of human activities, creations, and modes of expression, including music, literature, film, photography, sculpture, and paintings. The meaning of art is explored in a branch of philosophy known as aesthetics, and even disciplines such as history and psychology analyze its relationship with humans and generations.

Kung pagbabasehan at pagbabatayan natin ang “sining” na gawa ni Mideo at sa kagyat na reaksyon ng mga tao; totoong ito ay nakaapekto sa emosyon at damdamin ng karamihan, mayroon di-umanong “simbolikong” nais ipahayag ang “sining” na ito at may paghamon sa katalinuhan at kaalaman ng isang ordinaryong tao. At sa aspektong ito ay nagtagumpay si Mideo.


Ngunit hanggang saan ba ang sining?
May hangganan ba naman ito?
Paano ba mababatid kung ito’y sining o isa lamang kahalayan?
Sa isang bansa na ang Relihiyong Katolisismo ay tinatayang walumpung porsiyento; malaki nga talaga ang hamon sa kamalayan at kaisipan ng mga tao ang ginawang “sining” na ito ni Mideo. Maaaring marami ang hindi nakauunawa sa kanyang mga gawa, maaaring marami ang hindi nakaiintindi ng kanyang sining dahil ang sining ay isang malalim na salita, mahabang diskusyunan kung ang isang bagay ba ay sining o hindi, para itong isang usaping pangrelihiyon na hindi natatapos ang paliwanagan. Halimbawa, maaring ang tingin ng marami sa pelikulang may temang paghuhubad at pagniniig ay kahalayan subalit sa iba naman na may higit na malalim ang pang-unawa ito ay isang sining.

Sa aking pananaw, ang Pilipinas ay hindi pa handa sa ganitong klase ng sining ‘di tulad sa maraming bansa sa Europa. Ang mga Pilipino ay napakasensitibo pagdating sa relihiyon tila ‘di matitinag ang kanilang paniniwala at pananampalataya ng kung anuman kaya’t kung nakanti mo ang paniniwalang ito tiyak na nakahanap ka ng kaaway. Kadalasan, sa sobrang paniniwalang ito ay ginagamit itong dahilan ng iba para makapangloko ng kapwa. Naalala nyo pa ba si Judiel Nieva at ang “Misteryo sa Agoo” noong dekada otsenta? Ilang libong katao ang agad na napaniwala ni Judiel na may aparisyon ang Birheng Maria sa kanya? Ilang libong katao ang nakumbinsi niya na ang lahat ng kanyang sinasabi ay totoo? Sa kalaunan, ang simbahang katoliko mismo ang nagsabi na ang misteryo sa Agoo ay isang malaking kalokohan at ang perang nalikom ng kalokohang ito ay ginamit lamang sa sariling interes. Nasaan na si Judiel ngayon? May nagtangka bang siya'y ihabla gayong siya pala'y nakapangloko ng libo-libong katao? Heto na siya: Angel dela Vega.

Kahit ang sanga ng puno na nagkataong may hugis ng mukha ni Jesus Christ, mga bangkay na ‘di pa naagnas o may likidong lumalabas sa isang banal na imahe ay pinaniniwalaan ng marami na isang milagro! Kahit paulit-ulit na sinasabi ng simbahan na ‘wag basta-basta maniwala dito. Ibig sabihin ganoon katatag ang paniniwala ng mga tao at lubhang mahirap itong buwagin. Kaya’t hindi kataka-taka na ang likhang ito ni Mideo ay lilikha rin ng kontrobersiya.

Ang “Kulo” Exhibit at ang “Politeismo” ni Mideo ay ginanap sa Cultural Center of the Philippines. Dito rin ipinapakita ang iba’t-ibang talento na may kaugnayan sa iba’t-ibang uri ng sining subalit sino-sino ba ang mga nagpupunta dito? Malilibang ka ba sa sayaw na ballet? Naa-appreciate mo ba ang nais ipahiwatig ng paintings? At kaya mo bang ipagpalit ang pera mo sa sining na ito? Nakapanood ka na ba ng “tunay na konsyerto”? Mas marami ang sasagot ng “hindi”. Kung ang musika ng Guns N Roses, Limp Bizkit o Chicosci ay sining sa iba ingay lang ang dulot nito sa iba, kung naa-apreciate ng kabataan ang hip-hop music basura naman ang tingin dito ng konserbatibong hindi na kabataan at ang babasahing Playboy, Maxim, o FHM ay kahalayan lang daw kung mga relihiyoso ang 'yong tatanungin. Samakatuwid, iba-iba ang pananaw ng tao sa sining. Sabi nga, hindi mo maiintindihan ang isang sining kung hindi ka ganap na artist. Paano ako? May mga ginawa akong hindi lubos na nauunawaan ng nagbabasa ng artikulo ko, ibig ba sabihin nito ay artist na ako? Hindi. Isa lang din akong ordinaryong tao na malikot ang imahinasyon pero isa lang ang sigurado ko: Hindi lahat ay kaya nating pagbigyan.

Ang CCP ay pag-aari ng pamahalaan at nasa ilalim ito ng Opisina ng Malakanyang. At kung pag-aari ito ng gobyerno ang taumbayan ay bahagi nito dahil sa ating buwis. Kung maraming tao na ang tumututol at tumutuligsa sa nasabing exhibit, ano ba talaga ang dapat na aksyon ng pamunuan nito?

Nahinto at tuluyang naisara na ang exhibit; ito’y dahil sa tindi ng impluwensya ng Media, pressure ng tao at ng Malakanyang mismo. Kung ito ba’y idinaos sa Museong pag-aari ng pribadong tao, makaya kayang ipasara ito dahil lamang sa pressure? Magiging kontrobersyal ba ito?

Si Mideo kabilang na ang organizers ng nasabing “Kulo” exhibit ay nahaharap ngayon sa mga demanda; ito ang naging resulta ng kontrobersyal na “sining” na ito. Sa kabilang banda, may mga suporta naman sa kanila at kinikwestyon sa pamahalaan ang kanilang freedom of expression, isa na namang mahabang diskusyunan kung may limitasyon ba o wala ang freedom of expression na ‘yan.

Nasa husgado na ang kasagutan sa tanong na: kung sining ba o pawang kahalayan at pambabastos lang ang gawa ni Mideo Cruz. At sana’y mapatawad na rin ng simbahan si Mideo sa kanyang ginawa dahil tila 'di niya batid ang kanyang ginawa gaya ng pagpapatawad noon ni Hesukristo sa mga taong nagmalupit sa kanya. Hindi ba’t ang tunay na itinuturo ng Kristyanismo ay pagpapakumbaba at pagpapatawad? Kung naipukol man niya ay bato marapat lang na ibalik sa kanya ay tinapay.

Ang pananampalataya ng mga Katoliko kay Bro ay may kaakibat na labis na pagmamahal kahit sabihin na nating patuloy pa rin sa pagkakasala (sino bang hindi?) at sinuman ang lumapastangan sa kanyang mahal sa buhay ay siguradong papalagan at makakaani ng komento at kaaway, hindi man tuwiran o lantaran ang naturang aksyon ni Mideo ay hindi ito lubos na mauunawaan ng sagrado-katoliko dahil marami rito ang hindi "artist" na tulad ni Mdeo.

Ang sining ay sining malalim ang kahulugan at mahirap ipaliwanag ito ng isang ordinaryong taong tulad ko bagama’t kung naisaalang-alang lang sana ang salitang “respeto” hindi sana hahantong sa ganito.
Tulad din ng sining; ang KATIWALIAN ay hindi ko rin maintindihan at kung maituturing din itong SINING sigurado ako tambak ang ating NATIONAL ARTIST.:-)

Tuesday, August 9, 2011

Si Migs

O Migs, ‘musta ka na? Mukhang maaliwalas naman ang itsura mo ah, parang ‘di ka galing sa isang kontrobersya. Ilang Linggo na rin matapos ‘yung pagri-resign mo sa senado, marami na ang naglitawang mga kwento; may mga imbento, may mga nagmamagaling, may mga naninira, mga nagpapalitan ng kuro-kuro at kung anu-ano pa. Pero ano pa man ‘yun sigurado ako marami ang nakisimpatiya sa’yo! At tiyak din na madagdagan ang boto mo sa darating na halalan, ‘di na siguro tulad ng dati na ikaw ang kulelat. ‘Di ba tatakbo ka sa 2013 Election?

Ano ba ang naisip mo’t bigla ka na lang nag-privilege speech at i-anunsiyo na magbibitiw ka na sa pagkasenador? Akala ko kasi wala ng balitang gugulat pa sa pangkaraniwang Pinoy, meron pa pala. Sabi mo, pwede mo naman palang pagtagalin ang counter-protest mo kay Koko nang hanggang sa susunod na eleksyon eh ba’t nagresign ka pa? Sayang ang porkbarrel Migz! Siyanga pala Migz, totoo ba ‘yung balita na higit sa tatlumpung batas ang naipasa mo sa senado? Galing mo pala! ‘Di tulad nang isang kilala kong pulitiko natapos ang tatlong term niya sa kongreso at nagsenador pa wala man lang naipasang batas, kilala mo siya tiyak ‘yun.

Hindi mo pa sinasagot ‘yung tanong ko; bakit ba ngayon mo lang napagtanto na hindi pala ikaw ang tunay na nakakuha nang pang-labingdalawang posisyon noong 2007 Election? Dahil ba sa nagsulputang testamento nina Zaldy Ampatuan, Superintendent Rafael Santiago, Hadji Abdullah Daligdig at iba pa? Hindi ka ba nagtaka na higit sa nobenta porsyento ng mamamayan sa Maguindanao binoto ka? Ganun ka na ba kasikat? At ‘di ka rin ba nagtaka na kahit isa sa oposisyong kandidato sa pagkasenador ay ‘di man lang pumuwesto? Ang galing naman ng makinarya niyo sa lugar na ‘yan! Teka, sino ba ang naniwala dun? Sabi naman ni FG wala naman daw kredibilidad ang mga taong ‘yan at lahat daw ng akusasyon laban sa kanilang pamilya ay pawang pamumulitika lang.

Pa’no na pala ‘yung sinuweldo mo sa nakalipas na apat na taon, kung hindi naman pala ikaw ang tunay na senador namin? Ang laki pa naman ng inaawas na tax sa sweldo ko kada buwan. Pa’no na rin ‘yung Countrywide Development Fund na nailaan sa opisina mo, eh dapat pala kay Koko ‘yun? Okay na kayang rason ‘yung claim mong hindi ka lumiban sa anumang sesyon ng Senado? O ‘yung napakarami mong batas na napasa? Kunsabagay, sa tingin naman namin ‘di lang ikaw ang nakalusot sa pwesto marami pa diyan. Ang pagkakaiba nga lang nila kapit-tuko sila sa pwesto, ikaw nagbigay daan ka sa nararapat na nakaupo at mababang-loob na nagbitiw sa ngalan ng pangalan at dignidad! Galing naman, sana lahat ng pulitiko ay ganyan. Hindi kaya natakot ka lang na mapalayas sa senado dahil alam mong ang tunay na nanalo sa protesta ay si Koko at ang mismong mga kasama mo sa Senado na miyembro ng Senate Electoral Tribunal ang magpapatalsik sa’yo?

Nakita ko sa diyaryo naming Inquirer ang isang buong pahinang advertisement mo noong August 9; nakalagay doon lahat ng mga accomplishment at achievements mo bilang isang mambabatas ang husay mo talaga, Migz! Pero ‘di ko binasa lahat sumasakit ulo ko, pulos ingles kasi. Ano ba ang purpose nun? Na okay lang na ikaw ang aksidenteng naging senador namin dahil sa mga achievement mo? Naalala ko tuloy ‘yung mga matatalinong kolumnista madalas nilang sabihin: The end does not justify the means. Pwede kayang i-apply ‘yun sa case mo? Ang mahal siguro ng bayad sa ads na ‘yun pero balewala naman ‘yan sa’yo sa kapakanan ng malinis na pangalan. Tanong ko lang sana, hindi ba electioneering ang tawag ‘dun?

Bakit nga pala ngayon parang diring-diri kayo kay CGMA? Dati-rati ang dami-dami niyong gustong dumikit sa kanya, naaalala ko pa kahit si Tito Sen naging kandidato nito noong 2007 Election, hayun talo. ‘Di ba kaya nga noong last election independent na siya dahil sa tingin ng marami ang madikit ngayon kay CGMA ay parang may sumpa at mamalasin. Sobra naman sila. Pero noong time na namamayagpag ang Ate niyo lahat na yata gustong sumakay sa kanyang popularidad, meron pa ngang nag-request ng sasakyan, birthday gift daw. Hindi ka rin ba nag-request sa kanya ng kahit na ano? Totoo ngang walang permanenteng kaibigan sa pulitika, permanenteng interes lang. Totoo rin siguro ‘yung sinasabi ng mga matatabil ang dila na ang pulitika ay isang malaking pelikula; ang mga pulitiko ang silang mga artista at kaming mga taxpayer ang producer. Kung pag-uusapan na rin lang ang pag-iinarte, bakit kaya halos lahat ng involve ngayon sa kontrobersiya at anomalya ay nagkakasakit? Umaarte lang ba sila o talagang malala na ang kalagayan nila? Ang galing naman tumiyempo ng mga sakit na ‘yan!

‘Lam mo ba, marami ang nagalingan sa talumpati mo? Habang emosyonal at maluha-luha ang mga tao sa Gallery ng Senado, kabilang na ang buong pamilya mo, full-force sila ah. Box office ‘yun daig pa yata ang SONA ni Pnoy. Graceful exit ika nga. Wow, first time daw pala sa kasaysayan ng pulitika ng Pilipinas na may nagbitiw sa sinumpaang tungkulin. Habang ang iba ay kapit-tuko sa posisyon na winawalang-bahala (winawalanghiya) ang Order ng Comelec na bumaba sa pwesto, nagvigil-vigil pa nga ang constituent nya ‘wag lang mapatalsik sa pwesto ang lingkod-bayang nakaupo, balita ko bayad naman ang bawat isa ng tatlong-daang piso. Pero kahit ano pa ang sabihin nila tiyak ako marami kang nakuhang boto ngayon pa lang kahit halos dalawang taon pa ang susunod na eleksyon. ‘Yung kapit-bahay naming may tindahan nabalitaan ko nakikisimpatya sa’yo at iboboto ka raw, kita mo na isang boto na agad ‘yun!
Kung ako naman tatanungin mo kung iboboto kita sa 2013 Election…Ewan ko, hindi na yata ako botante.

Friday, August 5, 2011

Tiwala

Lukas 16:10
"Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay."

Sa mundong ating ginagalawan na puno ng tukso, temptasyon at pagpapanggap lubhang hindi madali ang makahanap ng taong bibigyan mo ng lubos na tiwala; tiwalang hindi masisira ng materyal na bagay, personal na interes at sa kagipitang dahilan; tiwalang hanggang dulo'y walang bahid; tiwalang hindi igugupo ng anumang kadahilanan. Sinumang tao ay maaring ipagkanulo ang kahit na sino, malapit man ito sa kanya o hindi. Hindi kaila sa atin na maging ang mga taong lubos nating pinagkakatiwalaan ay sisirain ang tiwalang ating ipinagkaloob sa panahong hindi natin inaasahan. At huwag ka na ring magtaka at magulat kung ang atin mismong sarili ay sumira sa tiwalang naibigay sa atin.

Sa dinami-dami nang ginawa mong tama't may kabuluhan ang magmamarka sa isip ng mapanghusgang mga tao ay ang isa mong kamalian; lalo’t ito’y pagkakanulo mo sa tiwala. Nakalulungkot subalit 'yan ang malungkot na katotohanan. Masarap makarinig ng mga papuri sa iyong mga kagalingan subalit mas masakit mapakinggan ang mga sumbat at pintas na naging dulot ng isang kamalian. Ang tiwala'y mababasag na parang isang sensitibong salaming 'di na kayang tanggalin at burahin ang marka ng lamat anuman ang gawin; tulad din ito ng papel na kung sakaling malukot ay 'di na maibabalik sa dati.

Ang tao'y marupok at makasalanan na kahit anong pilit mong pigilang hindi gumawa ng kasalanan ay 'di mo namamalayang nagawa mo na ito at pagsisisi at paghingi ng tawad na lamang ang tangi mong solusyon dito. Nakakataba ng puso na mayroong nagtitiwala sa ating kakayahan, pinagkakatiwalaan tayo sa mga maliliit na bagay higit sa malalaking bagay at halaga. Subalit batid man ito ng marami ay kibit-balikat naman ang iilan na panandaliang kaginhawaan ang iniisip sa halip na habangbuhay na kapayapaan ng kaisipan.

Sabi sa isang kanta "Honesty is such a lonely word. Everyone is so untrue".
Sadya bang ang tao'y hindi na matapat?
Hindi na nga ba tayo dapat magbigay ng buong pagtitiwala?
Ang bawat isa ba'y dapat na nating pagdudahan?

Ang tiwala ay kakambal ng dignidad sa maraming bansa. Sakaling ang isang tao na nasa posisyon (sa pamahalaan man ito o pribadong kompanya) ay hindi na pinagkakatiwalaan o mababa ang tiwala ng kanyang mamamayan o ng kanyang pinagsisilbihan; kusa at mababang loob itong bumababa at nagpapaaalam sa kanyang tungkulin, nagpaparaya at nagbibigay-daan sa iba, humihingi ng kapatawaran sa kanyang naging kahinaan. Dahil mas mahalaga ang kanilang dignidad at pagkatao kaysa manatili sa pwestong pulos batikos at kapintasan sa kanyang kakayahan. Nakalulungkot na sa ating bansa ay tila ‘di ito nangyayari; marami sa mga nakapuwesto ang nagpupumilit at buong-tapang na makikipagpatayan sa isang posisyon; naglulubid ng kasinungalingan at itatanggi ang lahat ng paratang kahit na ang mga ebidensiya’y lampas pa sa kanyang pagkatao.

Ganunpaman, kahit ano pa ang sabihin 'wag magsawang magbigay ng tiwala sa kapwa, 'wag maging bilanggo sa paniniwalang ang lahat ay 'di matuwid, 'wag isiping ang karamiha'y puno ng pagpapanggap. Ang kasalanan ni Pedro ay hindi kasalanan ni Juan. Hindi minsan maalis ang duda sa bawat isa subalit hindi ibig sabihin nito na huwag tayong magtiwala bigyan natin ng pagkakataon ang sa tingin nating may potensyal na pagkatiwalaan; sino na lamang ang magbibigay sa kanya ng ganitong oportunidad? Oo, madaling sabihin pero lubos na mahirap ipatupad datapwat ang mundo'y isang estranghero gayundin ang ating kapwa; nararapat pa rin tayong mag-gawad ng pagtitiwala. Malaki man ang porsyento ng taong hindi matapat marami pa rin ang pwede nating pagtiwalaan. Bagama’t ang unang bumasag ng tiwala ay si Eba masasabi nating ang tao'y sadya ngang marupok; maaring hindi na nga maibabalik ng lubusan ang tiwalang napunit subukin ulit itong paghihirapan upang sa kahit na maliit na paraan ay unti-unti itong manumbalik, sa takdang oras at panahon. Matutong magpatawad sa taong may tapat na pagsisisi; lahat ay may pagkakataong magbago.

Gusto kong ibahagi at sabihing: ang paniniwala at tiwala'y magkaiba. Lahat tayo'y naniniwala at sumasampalataya na may Diyos; nananalangin, nagpapasalamat, humihiling at nagbibigay-papuri subalit hindi lahat sa mga ito ay lubos ang ibinigay na tiwala. Sa desperadong tao na labis ang sakit at pagdurusa ang nadarama dulot ng iba't-ibang uri ng suliranin hindi nawawala ang kanyang paniniwala sa Diyos subalit ang kanyang tiwala'y hindi sapat. May mga taong sariling buhay ay kinikitil dahil sa 'di sapat na tiwala; may mga taong sa halip na magpursigi at ibigay ang lubos na pagtitiwala ay ibinubunton ang lahat ng sama ng loob sa Diyos. Ang suliranin, karamdaman at kalungkutan ay bahagi ng ating buhay gayundin ang kasiyahan, pag-asa at pagmamahal subalit lahat ng ito'y panandalian lamang. Walang sinuman ang nais na makasanayan ang problema subalit ‘di ito maiiwasan ninuman. Kung may suliranin ka ngayon hindi ibig sabihin nito'y habambuhay mo itong pasang-krus; kung labis na kasiyahan ang iyong nararamdaman damahin at lubusin mo lang dahil hindi rin ito pangmatagalan. Ang anumang mayroon ka ngayon ay pangsamantala din lamang kahit ang mamahalin mong mga gamit at kasangkapan; hindi mo ito madadala kung sakaling ikaw'y pumanaw. Ang panandaliang kasiyahan ay maaaring katumbas ng habambuhay na pagkabagabag sa isipan huwag ipagpalit ang karangalan sa piraso ng kapalaluan.

Maging matapat at pahalagahan ang tiwalang sa iyo'y iginawad.
Gumawa ng tama at maging tapat kahit walang nagmamasid.
Gumawa ng tama at maging tapat kahit ang iba'y hindi ito sinusunod.
Gumawa ng tama at maging tapat hindi sa katiwasayan at kapakanan ng iba kundi sa katiwasayan at kapakanan ng iyong buhay at kaisipan.

Tuesday, August 2, 2011

Si Manong Drayber at ang Tuwid na Daan

Gamit ang karag-karag at makalawang na sasakyan
Pakiramdam ng iba ito’y isang byaheng walang patutunguhan
Pareho ko ring nakasalampak sa gulanit at mga sirang upuan
Mga pasaherong umaasa sa patag at tuwid na lansangan

Mainit, masikip ang aming kinalalagyan
Bukod pa sa mga taong nasa ibabaw ng bubungan;
Walang pakialam kung umaraw man o umulan
“Okay lang” sambit ng isa “dadaloy din ang ginhawa”

Positibo ang karamihan sa mga pasahero
Kahit nahihirapan umaayon at tumatango
Siguro’y dahil ang bagong drayber ay mahusay mangumbinsi
Kaya’t kanyang naengganyo ay sadyang napakarami

Hindi angkop ang dami ng nakalulan sa liit ng sasakyan
Nakapagtataka marami pa rin ang nagmamayabang
Mga taong handang mag- maniobra sa sandali raw na sila’y kailangan
Habol lang naman ay aming pasahe na kung bayaran ay pilitan

Pero ayos lang, patungo naman daw kami sa kasaganaan
Tatahakin namin ang mailap na tuwid na daan
Pero marami na ang naiinip, sabad ng isa “tiis-tiis lang muna”
May isang ‘di nakapagpigil bumunghalit ng sigaw: “Ayoko na!”

Nagdabog at bumaba, patalikod na nagmura
Babaeng may katabaan, nagtatampo lang yata
Mga estudyante’t guro, kasama ang manggagawa
Maralita, negosyante at magsasaka’y nagbabanta

Hindi raw malayo na sabay-sabay silang “Para!” ang isisigaw
Handang pumanaog at nagbabadyang maglakad sa init ng araw
Mayroon namang nagpipigil, nagpupumilit na kumalma
Anila’y ‘di pa panahon para manghusga

Si Manong Drayber kalmado lang naman
Gano’n pa rin mahusay sa bolahan
Mabulaklak ang labi, tila lahat ay nabibighani
Salita’y mapang-akit, napakahusay sa talumpati

Suot niya’y dilaw habang humahabi ng pangungusap
Mukha namang ‘di siya nagpapanggap
Pero duda ako sa kanyang pagmamaneho
Higit ‘sangtaon pa lamang pero lahat yata’y tensyonado!

Si Manong Drayber panay ang puna sa dating tsuper na nagmando
Ito raw ang pasimuno kung ba’t ang makina’y mabagal at palyado
Ah, kaya pala hanggang ngayon tila ‘di kami makausad
Palusot kaya o sadyang dahilan ng aming pagsadsad?

Mausok na nga ang sasakyan sinabayan pa niya ng yosi
Hithit-buga, hithit-buga tila ‘di mapakali
Ayaw magpapigil kahit marami ang kumukumbinsi
Sumigaw ang isa: “Itigil mo na nga ‘yan nauusukan na kami!”

Si Manong Drayber parang nalilito
Madalas humihinto biglaang pumipreno
Paano ba naman mga alalay niya panay ang bulong
‘Di na lang pabayaan upang tayo’y makasulong

Dapit-hapon na, tila inip na rin ako
Sinipat ko ang kanyang pagmamaneho
'Tulad ko rin pala lumilinga ‘pag may magandang dalaga
Isa pang dahilan ng aming pagka-antala

Si Manong Drayber parating nakangisi
Kahit nabalaho may ilalaan pa ring ngiti
Tuloy kanyang kritiko sinabihan siyang may sapi
‘Di napipikon mahaba ang dalang pisi

Sinilip ko na rin ang labas ng bintana
Para tanawin ang tinatahak na kalsada
Tila baga naliliyo at nahihilo ako
Bakit halos hindi kami lumalayo?

Nakita ko na ang ganitong lansangan
Ito rin ang kalyeng una kong napuntahan
Akala ko ba’y matuwid ang daan?
Bakit puro lubak at masukal ang harapan?

Baka naman sa umpisa lamang ito
Sa kalagitnaa’y mayroon nang pagbabago
Sige tuloy lang ang pag-usad nang karag-karag na sasakyan
Mabuting maidlip na muna, pakigising na lang sakaling matunton na ang matuwid na daan.