- Ang mga pinakaimportanteng bagay sa mundo ay hindi bagay.
- Ang mga bagay na niluluhaan mo ngayon ay isa sa magiging dahilan ng pag-ngiti mo pagdating ng ilang panahon.
- Kung kailan ka napapalapit sa isang bagay saka pa ito biglang maglalaho sa iyo.
- Maliit man o malaki,
haloslahat ay may itinatagong sekreto. - Hindi lahat ng mayaman ay mahal ang mga gamit at hindi lahat ng mahirap ay mumurahin ang kagamitan.
- Kahit gaano ka pa kabait o kabuti may mga tao pa ring hahanapan ka ng pagkakataong magkamali.
- Weird ang tingin sa iyo ng mga tao kung may iba kang pananaw sa buhay.
- Kung sino ang binubully ngayon siya ang nagiging matagumpay sa pagdating ng ilang mga taon.
- Kahit na anong galing at talino mo darating ang araw na mas may makahihigit sa iyo.
- Mas tinatangkilik at minamahal natin ang mga banyagang pelikula o artist kaysa sa sarili nating gawang pelikula o talento.
- Sa pagnanais natin na mamintini ang ating kagustuhan nasasakripisyo natin ang ating pangangailangan.
- Mas alam at kabisado ng mga Ina ang buhay ng bidang karakter sa paboritong teleserye kaysa sa buhay ng mismong anak nila.
- Minsan mas maasahan ang ibang taong hindi mo lubos na kilala kaysa sa mga taong itinuring mong kaibigan at inakalang kilala-kilala mo na.
- Mas nakakagawa ng paraan ang mga tao na magkaroon ng panahon at oras sa isang pamilya o kaibigang namatay kaysa noong nabubuhay pa ito.
- May kakaibang saya ang tao kung nakakagawa ng bawal.
- Lahat tayo ay may pangamba tuwing sasakay ng eroplano.
- Maraming tao ang kaibigan ka lang kung ikaw ay napapakinabangan.
- May mga taong hindi naman imbalido pero mas masahol pa sa may kapansanan kung umasta.
- Ang mga kabataan ay nagmamadaling maging matanda at ang mga may edad nagpupumilit maging bata.
- Hindi natututo ang pangkaraniwang tao sa paulit-ulit na problema at kamalian.
- Mas malaki ang porsyentong hindi ka mabayaran kung ikaw ay nagpautang.
- Totoong mas nakakatakot ang buhay kaysa sa patay.
- Labis-labis ang kalungkutan nang nadarama ng isang tao kung walang pera.
- Mas mayabang pa ang taong hindi mayaman kaysa sa tunay na mayaman.
- Mas madali pala ang buhay noong estudyante ka pa kaysa ngayong nagtatrabaho ka na.
- May pagkakataon sa buhay natin kung ano ang sinabi mo iyon ang nagkakatotoo.
- Misteryosong hindi natin makita ang ilang bagay na ating hinahanap pero lumilitaw din ito sa panahong hindi mo inaasahan.
- Mas mapamintas ang mga taong hindi gaanong kagandahan kaysa sa mga tunay na magaganda.
- Pangkaraniwan na sa tao ang mapanghusga base sa kanyang nakikita; sa damit, sa posesyon at sa itsura.
- Ang mga kayumanggi may pagnanais na pumuti at ang mapuputi may pagnanais na maging kayumanggi.
- Minsan mistulang walang pinag-aralan kung umakto ang may matataas na pinag-aralan kaysa sa mga taong mas may mababang pinag-aralan.
- Mas madali makakuha ng impormasyon ngayon pero mas marami ang higit na matalino noon kumpara ngayon.
- Ang tao kahit baon na sa pagkakautang utang pa rin ng utang.
- Mas pinahahalaghan lang natin ang oras pag paubos na ito.
- Minsan mas pinagkakatiwalaan mo ang ibang tao kaysa sarili mong kamag-anak.
- Ang mga artista na may tunay na talento ay nagko-commute lang papunta at pauwi samantalang ang mga artistang halos pa-cute lang ang alam komportableng nakakotse saan man patungo.
- Mas simple ang buhay noong Nokia 5110 pa lang ang usong celphone.
- Mas maraming pinagkakakitaan, oportunidad at proyekto ang mga taong marami nang pera kaysa sa mga taong higit na nangangailangan nito.
- Kahit anong pilit natin na huwag tayong mag-discriminate sa tao minsan hindi pa rin natin ito maiwasan.
- Kahit gaano kalaki ang sweldo mo madalas kulang pa rin ito sa iyo.
- Kahit anong ganda ng sinulat mo mas mapapansin pa rin ang isang ordinaryong sulatin lang kung marami itong kaibigan.
- Balat-kayo lang ang "Proud to be Filipino".
- Marami sa mga pulis, pulitiko at abogado ang unti-unting nilalamon ng maling sistema.
- Minsan hindi lang talento, abilidad, talino at pagkaguwapo/pagkamaganda ang kailangan mo upang umasenso sa buhay, kailangan din ng oportunidad at pagkakataon.
- Habang tumatagal lalong bumababa ang kalidad ng musika at pelikulang pilipino.
- Mas madali ang magpatawad kaysa makalimot.
- Mas madaling humanap ng pera kaysa makahanap ng katapatan.
- Mas mabilis ang karma kaysa pagyaman.
- Nagbibigay ng kakaibang self-confidence ang pagkakaroon ng pera.
- Matutuklasan mong hindi sasapat ang pera para makubos ang iyong kaligayahan.
- Madalas kahit alam nating mali ginagawa pa rin natin.
- Lahat ay gustong makarating ng langit pero hindi naman natin makuhang magpakabait.
- Lahat ay naniniwalang may Diyos pero hindi lahat ay nagtitiwala.
- Kahit na anong gawin lahat ng bagay ay mayroong hangganan. - Ely Buendia
Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Showing posts with label diskriminasyon. Show all posts
Showing posts with label diskriminasyon. Show all posts
Monday, September 17, 2012
Ironies and Realities in Life
Labels:
diskriminasyon,
ironies,
kasinungalingan,
katotohanan,
realities
Thursday, October 13, 2011
Ba't Ganun?

Marami na ang nagtatanong gusto ko ring lumahok, may mga tanong din akong gustong ibahagi.Mga tanong na maaring walang sagot sa kadahilanang ayaw hanapan ng kasagutan, mga tanong na hindi sinasagot dahil ayaw lang makialam, mga tanong na may kasagutan pero ayaw lang solusyunan, mga tanong na minsan hinahayaan lang nating maging tanong habang-buhay at minsan namang nakatiwangwang.
Kung hindi ka man makibahagi sa kasagutan sana'y 'wag ka namang maging bahagi ng tanong.
Mga iba't-ibang tanong na naipon sa malikot na isipan; tanong na may biruan, may kababawan, may kagaguhan, may tanga-tangahan, may katuwaan, may kalungkutan, may pangungulit lang, may pagsarkastiko pero ang lahat ay may kurot ng katotohanan. Ba't Ganun?
~ Ba't marami ang sumasali sa mga patimpalak o paligsahan pero hindi naman pala umaasang manalo?
~ Bakit 'pag bata pa nagmamadaling tumanda pero 'pag tumanda na gusto naman bumalik sa pagkabata?
~ Bakit ang "food supplement" umano'y hindi gamot 'pag in-advertise pero ang epekto naman ay nakakagamot?
~ Bakit marami ang nag-aadvance ng kani-kanilang orasan pero ang palagi namang resulta ay late sa pupuntahan?
~ Bakit 'pag kayumanggi ang kulay ng isang tao gusto nitong pumuti pero ang likas na mapuputi gusto namang maging kayumanggi?
~ Ba't 'pag tumataas ang presyo ng langis marami ang nagrereklamo pero 'pag bumaba naman ito may nagrereklamo pa rin?
~ Bakit 'pag ikaw ang bibili ng alahas mahal ang halaga nito pero 'pag ibebenta o isasangla mo na ito mababa naman ang halaga?
~ Ba't 'pag may nagsusulat tungkol sa kalagayan ng bayan may negatibong komento pero 'pag positibo naman ang isinusulat may negatibong komento pa rin?
~ Bakit 'pag may nangyayaring krimen may panawagan para sa paglantad saksi pero 'pag may lumantad ng saksi itinatanong dito "ba't ngayon lang siya lumantad"?
~ Ba't ang isang taong may kalusugan 'pag inihabla at nahaharap sa sa maraming kaso at krimen bigla na lang nagkakaroon ng malubhang karamdaman?
~ Bakit ang media kahit nakikita nang umiiyak ang isang kaanak ng namatayang biktima tinatanong pa rin: "Anong nararamdaman mo ngayon"?
~ Ba't madalas sabihin ng mga pulis sa suspek na sa presinto na lang siya magpaliwanag pero 'pag nasa presinto na hindi naman pinakikinggan ang paliwanag?
~ Bakit marami ang nag-aaklas at walang sawang sumisigaw ng "Ibagsak" pero wala naman yata silang gustong itayo?
~ Bakit kahit anong sensesyonal at kontrobersyal na isyu ay pinag-uusapan sa senado "for aid of legislation" kuno, pero wala naman yatang batas na pinapasa kaugnay nito?
~ Bakit 'pag buhay pa ang isang mahal sa buhay hindi man lang mabulungan ito ng "mahal kita" pero 'pag namatay na ito saka naman isisigaw na "sobrang mahal kita hindi ko lang nasabi sa'yo"?
~ Bakit ang pribadong motorista 'pag nakalabag sa batas-trapiko agad na "hinuhuli" ng enforcer pero 'pag jeepney driver hindi man lang pinapansin ito?
~ Bakit ang jeepney driver madalas na humihinto 'pag berde ang ilaw ng trapiko pero umaandar naman ito kahit pula pa ang naka-ilaw?
~ Bakit kung sino pa ang sumisigaw at naghahanap ng kapayapaan ay siya naman itong may hawak na malalakas na armas pero ang mga ayaw sa kapayaan takot at namang lumantad at ayaw ipagsigawan ito?
~ Bakit kung sino pa ang "whistle blower" na handang magsiwalat ng totoo siya pa ang lumalabas na nagtaksil sa bayan pero ang alam nating taong may kasalanan hindi man lang mapatunayan at patuloy na ginagawang tanga ang bayan?
~ Bakit kung kalian punong-puno na ang tubig ng isang dam saka lamang ito magpapakawala ng tubig pero sa panahon ng tag-init ayaw magpakawala kahit na kaunti?
~ Bakit ang mga pulitkong ayaw nating manalo ang madalas na nananalo sa eleksyon pero ang mga pulitkong mukha namang matino 'yun ang laging talunan?
~ Bakit ang taong may edad na singkwenta sinasabihan nang "matanda na" pero 'pag namatay ng ganun ding edad sinasabi namang "ang bata pa"?
~ Bakit 'pag laban ni Manny Pacquiao sa Amerika maraming pulitiko ang sinasadya pa ito pero 'pag panahon ng sakuna o malalang tag-baha halos wala man lang nagpupunta?
~ Bakit ang Pilipinas na naturingang agrikulturang bansa ay suki sa pag-angkat ng mga bigas pero ang bansang Hapon na hindi naman bantog na agrikulturang bansa ay may napakagandang bigas at nakukuha pang mag-export nito?
~ Bakit ang sinasabing pinakamasarap na mangga sa buong mundo na galing sa 'Pinas ay natikman na ng iba't-ibang lahi sa mundo pero hindi naman ito nalalasap ng isang ordinaryong Pinoy?
~ Bakit ang isang salarin sa isang masaker o krimen ay madalas na walang pabuyang nakataya pero ang isang taong nagmaltrato sa sa hayop ay kagyat na may pabuyang daang-libong piso?
~ Bakit ang small time na holdaper ay agad na hinahatulan ng kamatayan (salvage) pero ang mga kawatang nakapwesto hindi man lang masampahan ng kaso?
~ Bakit 'pag mahirap ang nakagawa ng krimen sa mayaman madaling maresolba pero 'pag mayayaman ang isa sa may kinalaman sa trahedya (Ozone tragedy, Ultra Stampede) kahit daang bilang ang namatay tila hindi umuusad ang demanda?
Sa totoo, alam naman natin ang kasagutan sa mga tanong na 'yan; naglalaro lang ito sa katamaran, katiwalian, diskriminasyon, kahirapan, pagwawalang-bahala, kayabangan, pagmamaang-maangan, pagiging ganid at iba pang negatibong rason. Pa-ignorante lang natin itinatanong at sa sarkastikong paraan baka sakaling may magising at matauhan at itama ang kamalian pero sa tingin ko mukhang malabo baka nga lalo pang madadagdagan ang mga tanong na 'yan dahil hindi naman natin binibigyan ng malinaw na kasagutan. Sige, pagkatuwaan na lang natin.
Teka may pahabol ako: "Bakit marami ang sobrang concern at may malasakit sa kalagayan ng Pilipinas at buong handa raw paunlarin ito pero hanggang ngayon lugmok pa rin tayo sa kahirapan? Ba't Ganun?
Labels:
diskriminasyon,
kakulitan,
katamaran,
katangahan,
tanong
Subscribe to:
Posts (Atom)