Saturday, November 29, 2014

Mitolohiya II - Ang Alamat ng Huling Dragon


Sa malawak na kabundukan ng Astera ay naninirahan ang mga dragon.
'Di tulad ng ibang uri ng hayop, kung ikukumpara ang mga dragon ay kakaunti lamang ang kanilang populasyon.
Kasamang naninirahan ng kanilang napakalimitadong bilang sa kagubatan ng Astera, ay ang maraming klase ng hayop, kabilang na ang iilang uri ng dinosaur na herbivores tulad nila.


Malaki ang dinosaur kaya't hindi kataka-takang sila'y kinatatakutan ng mga maliit na hayop kahit ang katotohanan ay hindi naman sila basta-basta pumapaslang, maliban na lamang kung sila'y nasa bingit ng panganib. Ngunit maliban sa kanila, ang higit na totoong nakakatakot ay ang mga dragon. Dahil sila'y higit na malaki, higit na matapang, higit na mabangis at higit na mas mapanganib.


Mapupula at nakalisik ang mga mata ng dragon na kumikislap sa dilim.
May mahaba at matulis silang buntot na halos singhaba na ng kanilang katawan.
Singtalim ng espada ang matitigas nilang mga kuko.
Matatalas ang tila sibat nilang mga ngipin at pangil.
Makakapal na animo'y yerong bakal ang kanilang kaliskis na tila hindi nasusugatan.
At malalapad ang kanilang mga pakpak na nagpapahilakbot sa mga hayop ng Astera sa tuwing ito'y pumapagaspas.

Iniiwasan at kinatatakutan sila ng lahat ng uri ng hayop sa gubat, kahit na ang kapwa nila dambuhalang mga dinosaur. Bukod sa pambihirang tapang at lakas nila na hindi kayang tumbasan ng kahit anong hayop --- sila nga'y may kakayahan ring lumipad nang mataas, nang malayo at nang mabilis.


Itinuring na panginoon ng mga hayop ang mga dragon.


Bagama't ang mga dragon ng Astera ay kinatatakutan dahil sa likas nilang kabangisan, hindi naman nila ito inaabuso upang makapambiktima ng ibang mga hayop at ginagawa lamang nila ito upang maipagtanggol ang kani-kanilang sarili. Maliban kay Smaug.

Si Smaug ay kaiba sa kanyang mga kalahing dragon -- kilala siya sa Astera bilang pinakamasama at pinakamalupit sa kanilang uri.


Mayaman sa puno at mga halaman ang kagubatan ng Astera. Sagana rin ito sa malinis at malinaw na tubig kaya't maraming iba pang uri ng mga hayop ang dito'y naninirahan. At sa lawak ng Gubat Astera sapat na sapat na ito upang matustusan ang pangangailangan ng lahat ng mga hayop dito kahit pa sa kalahi ni Smaug.


Subalit si Smaug ay sakim at makasarili.
Itinuring niyang kanyang kaharian ang Astera -- ang kabundukan, ang kagubatan at lahat ng mga halaman at punong nakatirik dito. Ang sinumang pumapasok sa kanyang teritoryo ay kanyang binibiktima at pinapaslang. Datapwa't hindi sang-ayon ang mga kauri niyang dragon sa kanyang ginagawang kalupitan hindi naman nila ito mapigilan. Si Smaug ang pinakamarahas, pinakamalakas at pinakamabangis na dragon ng Astera.


"Groooowl!" nakakahilakbot na boses ni Smaug ang naghahari sa tuwing walang awa at walang pagkasawa niyang pinapaslang ang sinumang hayop na kanyang makikitang mapasuong sa gubat na kanya umanong teritoryo -- 'wag lamang makabahagi sa yaman ng Astera. Sa angking kasamaan, bangis at lupit niya'y unti-unting nababawasan ang bilang ng mga dinosaur na herbivores at iba pang kaawa-awang mga hayop na kanyang biktima. Minsan na ngang nagkaroon nang malawakang paglikas ng mga hayop dito; mula sa Astera patungo sa ibang kagubatang ligtas sa kapahamakan dahil sa kanya.


Ngunit hindi sa lahat ng oras ay kayang bantayan at tanuran ni Smaug ang gubat na kanya umanong kaharian. May pagkakataong napapagod at nahahapo rin siya dahil sa dami ng mga hayop na kanyang nais paslangin o palayasin at dahil na rin sa lawak ng sukat ng Astera.
Sadyang maramot si Smaug. Hindi niya hihintaying siya'y mapagkaisahan ng mga dinosaur at ibang mga hayop na matapang. Bagama't hindi nagkukulang ang kapwa niya dragon sa pagpapaalalang hayaan na ang ibang hayop na makibahagi sa mga pagkain ng gubat tutal naman ay masagana ang Astera sa mga puno, halaman at prutas. Ngunit patuloy lang si Smaug sa pagmamalupit.


Isang marahas na hakbang ang gagawin ni Smaug na ikagagalit at ikamumuhi ng lahat sa kanya.


"Awoooh! Awooooh!" Maiingay na alulong ng iba't ibang uri ng hayop ang gumising sa dapat na tahimik na umaga ng Astera.
Nagulantang ang lahat, na sira na ang malagong kagubatan ng Astera!
Nakatumba ang maraming mga puno.
Nabunot mula sa pagkakatanim ang karamihan sa mga halaman at kahit ang mga prutas nito'y halos hindi na mapapakinabangan.
Sa isang magdamag lang ay nawala ang kayamanan ng gubat. At si Smaug ang may kasalanan at kagagawan ng lahat ng ito.

At hindi na lang mga dinosaur o maliliit na mga hayop ng gubat sa Astera ang nadismaya at nagalit ng husto kay Smaug kundi pati ang kapwa niya dinosaur ay namuhi na rin sa karahasang kanyang ginawa.


"Ngunit ang nais ko lang ay maprotektahan ang ating gubat." Pangangatwiran ni Smaug  nang siya'y inuusig at sinusumbatan ng kapwa niya dragon. "Ilang panahon lang ang kakailanganin upang ang mga halaman at puno sa gubat ng Astera ay muling tumubo at lumago. Pinalilikas ko lamang ang mga hayop na hindi natin kauri, wala silang lugar at puwang sa ating tahanan!"
Ngunit hindi pinalampas ng ibang mga dragon ang ginawang ito ni Smaug. Siya'y pinalayas sa kuwebang kanilang tinitirhan.
Balak ni Smaug na pansamantalang mamuhay mag-isa sa gubat na 'di kalayuan sa Astera.


Si Mielikki ay diyosa ng kagubatan. Ito'y nalungkot, nagitla at nasagad sa galit sa kasamaan at kasakimang ginawa ni Smaug sa kagubatan ng Astera. Ang kariktan ng gubat na kanyang pinangalagaan sa mahabang panahon ng kanyang pagiging diyosa ay biglang naglaho sa kamay ng palalong dragon.


"Walang kapatawaran ang ginawang ito ni Smaug! Kailangan niyang maparusahan dahil sa kanyang labis na kasamaan!" galit na sambit ni Mielikki.


"Smaug!" pasigaw na tawag ng diyosa ng kagubatan kay Smaug na sumulpot at nagpakita sa kanyang harapan. "Dahil sa iyong labis na kapalaluan at kasakiman ay dapat kang maparusahan. Hindi mo pag-aari ang Gubat Astera at kahit na anong gubat sa kalupaan! Katulad ka rin ng ibang mga hayop na nakikihati at nakikibahagi lang sa yaman ng gubat. Wala kang pag-aari sa lugar na ito kaya't wala kang karapatang lapastanganin ang anumang kagubatan lalo na ang Astera!"

"Bilang kaparusahan sa iyong lahat ng kasamaan --- tatanggalan kita ng boses at mawawalan ka ng kakayanang magsalita. Sa halip na boses ay apoy ang lalabas sa iyong bibig sa tuwing tatangkain mong magsalita! Dahil ang mga kasama mong dragon ay hindi ka nagawang pigilan sa iyong kalabisan, idadamay ko na rin sila sa iyong parusa! Lahat ng uri ng dragon ay apoy ang lalabas sa bibig sa halip na tinig!" nagngangalit ang tono ng boses ni Mielikki.


"Sandali...!" hindi na nasundan pa ang sasabihin ni Smaug ay naglaho na ang diyosa ng kagubatan. Ipagtatanggol niya sana ang mga kasamahang dragon, sasabihin niya sanang siya na lang ang patawan ng kaparusahan at 'wag na silang idawit pa.


Lumipad patungo sa kuwebang kinalalagyan ng kasama niyang dragon si Smaug. Sasabihin niya sana ang babalang mula sa diyosa ng kagubatan. Hihingi siya ng tawad sa kanyang mga nagawa, kukumbinsihin niya ang ibang dragon na muli siyang tanggapin at mangangakong hindi na muling mauulit pa ang kanyang kapangahasan.
Ngunit huli na ang lahat.


Sa pagbuka ng bibig ni Smaug ay apoy nga ang lumabas dito! Agad na nag-apoy at nasunog ang mga dragong kanyang kasama. Sa kalituhan ni Smaug ay ni hindi niya man lang naitikom ang kanyang bibig. Lumayo ang mga kapwa dragon sa kanya. Ngunit sa halos sabay-sabay na pagbuka ng bibig ng mga dragon at dahil sa pagkabigla, apoy ang lumabas sa kani-kanilang bibig! Nataranta ang mga dragon at sila-sila'y nagpalitan ng apoy.
Nasunog ang lahat ng dragon ng Astera. Maliban kay Smaug.
Naubos ang lahat ng kanyang kalahi at tanging siya na lamang ang natira.


Sa labis na galit sa kanyang sarili -- lumipad nang pagkataas-taas si Smaug.
Nagpakalayo-layo.
Malayong malayo sa Gubat Astera na kanyang inangkin. Gubat na kanyang sinira dahil sa pagiging makasarili.

Ilang panahon pa ang binilang saka tumigil sa paglipad at paglayo si Smaug.
Napadpad siya sa lugar kung saan nais niyang matulog nang napakatagal.
Napadpad siya sa kuweba kung saan walang nakakakilala sa kanya at sa kanyang uri.
Napadpad siya kung saan itinuturing na isa lamang alamat at karakter sa mitolohiya ang mga dragon.


Napunta siya sa kabundukan na kung tawagin ng mga tao ay Bundok Erebor.


At doon na siya nagpasyang manatiling manirahan nang palihim.


- wakas -

Wednesday, November 19, 2014

Bukas Na Liham Para Kay Supremo

Gugunitain na naman ng bansa ang iyong kaarawan. Ipagdiriwang na muli namin ang iyong kabayanihan. Nakapagtataka dahil (halos) lahat ng pambansang bayani (maliban sa'yo) ay araw ng kanilang kamatayan ang minamarkahan upang ihandog at gawing espesyal na araw nila na dapat ipagdiwang. Mas mahalaga raw kasing dakilain ang makabuluhang araw ng kamatayan ng isang bayani kaysa sa mismong araw ng kanyang kapanganakan, ngunit sa'yo ay iba yata.
Hindi ko alam kung sino ang nagtakda na dapat ang araw ng iyong kapanganakan ang siyang dapat na maging araw ng iyong kadakilaan. Kabaliktaran sa kinagisnan ng lahat, kabaliktaran sa nararapat. Hindi tuloy maalis sa isip ng marami na maaring may pinagtatakpang bahagi ng kasaysayan na hindi dapat mailantad at mailahad. At kung ano man ang tunay na dahilan sa likod nito ay iilan lang ang nakakaalam. Datapwa't hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na ikaw ay pinaslang sa kamay mismo ng iyong kababayan.


Sa araw na Nobyembre 30 na ituturing naming espesyal, aalalahanin na naman ng bansa at ng pamahalaan ang iyong kadakilaan. Matutuwa ang lahat dahil holiday at walang pasok sa mga paaralan at sa halos lahat ng mga opisina, pribado man o gobyerno at sa iba pang mga istablisimiyento, para sa mga may pasok naman'y katumbas ito ng dobleng sweldo. Hindi nakapagtatakang mas marami sa mga kababayan nating pilipino na gusto ang araw na ito -- hindi dahil sa iyong kaarawan kundi dahil mas nananaig ang araw ng kanilang pahinga kaysa araw ng paggunita sa iyong kabayanihan. Idagdag pang nakalulungkot na malamang napakaraming mga pilipino na hindi na kilala kung sino ka at kung ano ang kahalagahan ng iyong ipinaglaban.


Sa loob ng mahigit isandaang taong paggunita ng bansa sa espesyal na araw na ito, sa kabila ng kung ano-anong seremonya, re-enactment at aktibidades na may kaugnayan sa iyong pakikidigma laban sa mga manunupil ng bansa at ang lahat ng ito'y may dedikasyon (umano) para sa iyong kabayanihan, kumusta na kaya ang iyong adhikain para sa bansang lubos mong minahal? Sa bansang inalayan mo ng iyong dugo at buhay?
Saan na kaya napunta ang lahat ng iyong ipinaglaban? Alam pa kaya ng lahat kung anong naging sanhi at dahilan ng iyong pagpaslang? At kung sakaling alam man nila ito, may pagpapahalaga pa kaya sila rito?


Marahil kung ikaw ay nabubuhay sa panahong ito muli mong kukunin ang iyong tabak upang ito'y iwasiwas at i-amba sa mga pilipinong dinadaig pa ang mga dayuhan sa pagsasalaula at pagtataksil sa bayan.
Marahil hindi ka manghihinayang na ibuwis muli ang iyong dugo kapalit ng kanilang dugo at buhay na walang pinahahalagahan kundi ang pansarili nilang interes at kapakanan at 'di iniisip ang kapakanan ng nakararaming mas higit na nangangailangan ng kalinga.
Marahil muli mong ikakasa ang iyong rebolber upang muli itong iputok sa mga pilipinong makabayan umano ngunit nagkukubli naman sa hiram na kapangyarihan at salapi, silang mga walang pakundangan sa paglustay sa yaman ng bayan at walang paggalang sa hustisya at katarungan.
Marahil hindi ka magdadalawang-isip na isugal muli ang iyong buhay para sa kapakanan ng mga aba at api upang ipamulat sa mga nanunungkulan na ang tunay na pagmamahal sa bayan ay may kaakibat na sakripisyo, na ang lahat ay kaya mong isantabi para sa magandang kinabukasan ng iyong bayan at kababayan.


Lumilipas ang maraming taon, pang-ilang henerasyon na rin ang nagdaan, ilang libro at sulatin na rin ang naisulat tungkol sa iyo, sa mga katipunero at sa Katipunan -- mga artikulong nakasaad at nakalahad doon ang aral ng iyong buhay at ang pagpupunyagi mong iahon ang bayan sampu ng iyong mga kasamahang bayani na 'di napangalanan mula sa kamay ng mga manunupil. Marahil ang tanong ko'y tanong din ng maraming pilipino:
Ano nang nangyari sa iyong ipinaglaban?
Ano nang nangyari sa mga pilipinong nagtatamasa ng kalayaan?
Ano nang nangyari sa Pilipinas mula noong ito'y sapilitan mong maiwan?
Ang pangarap mong magkaroon ng ganap na kasarinlan ang Pilipinas sa kamay ng mga Kastila ay matagal nang naganap ngunit nakalulungkot na hindi pala ito sapat, sapagkat ang kasarinlang ito ay naabuso ng husto at siya ring naging dahilan upang malugmok ang bansang lubos mong inibig. Hindi pala sasapat ang kalayaang tinatamasa kung walang pag-ibig na namamayani sa mga puso ng bawat tao para sa kanyang bansa. At anumang uri ng kalayaan kung walang tunay na pagmamahal sa bayan ay magreresulta sa paghihirap ng mamamayang sinasamantala ng mga ganid sa kapangyarihan.


Bagama't nakamit umano ng bansa ang kalayaan mula sa Espanya, tulad mo tila ang Pilipinas ay isa pa ring bigo.

Bagama't ang adhikain mo sa bansa ay 'di naging ganap, gaya mo tila lahat ng iyong pangarap ay naglaho.

At katulad mo tila hanggang pag-alala at pangarap na lamang ang kaya naming gawin.


Ayon sa kasaysayan, libo-libo ang nagbuwis ng buhay. Kabilang ka na. Para sa bansa. Para sa lahat. Umaasang tatamasahin ang pag-unlad makalipas ang kasarinlan. Higit sa tatlong daang taong pananakop ng mga Kanluranin. Higit isang daang taon makalipas na ikaw ay paslangin. Saan na napunta ang bansa natin? Masdan ang mga naghahari-harian sa panunungkulan sila'y gaya na ng mga kastilang walang respeto sa karapatan ng bawat mamamayan. Mabuti pa noon na ang mga manunupil ay mga dayuhan 'di tulad ngayon na ang mismong nasa kapangyarihan ang umaabuso at pumapaslang sa pangarap ng bawat pilipino.


Matagal nang tumatangis ang bansa.
Panahon pa ng Kastila.
Panahon pa ng Katipunan.
Panahon pa ng Amerikano.
Panahon pa ng mga Hapon. At hanggang ngayon sa kamay ng huwad na Kasarinlan. Hindi na matapos, hindi matigil sa pagkubkob ng mga tarantado hanggang sa siguro'y masaid na ang lahat, hanggang maubos na ang kayamanan. Marahil kung ikaw ay buhay sa panahong ito mananawa ka sa katatanong ng: Hanggang kailan ang ganitong kalagayan ng aking Inang-Bayan?


Sa modernong panahong ito na ang lahat ng bansa'y patungo na sa kaunlaran maliban sa ating bansa, tila bumabalik kami sa 'di magandang pahina ng ating kasaysayan.
Hindi ba't sa iyong panahon ay may mga pilipino ring nagtaksil?
Hindi ba't ang pumaslang sa'yo ay iyong kapanalig umano?
Hindi ba't wala silang awa nang ikaw ay kanilang kitilin?
Hindi ba't ikaw at sampu ng marami pang mga dakila ay inagawan ng karapatang mabuhay ng iyo mismong kadugo at kalahi?


Tila bumalik nga ang nakaraaan. 
Tila naulit nga ang kasaysayan. 
Ang mga pilipinong sakim at taksil na ito'y nabuhay na muli sa kasalakuyang panahon -- sila ang naghuhudas sa bansa na nagkukunwang tutulungang makaaahon ang bansa mula sa pagkakadapa. Gaya mo marami pa rin namang mga pilipino ang nakikipaglaban sa karapatan ng mamamayan; nakikipaglaban para sa magandang kinabukasan. Hindi ko nga lang batid kung may magandang kahihinatnan ba ang pakikidigma ng mga pilipinong nasa kabundukan na niyayakap ang rebolusyon at himagsikan. Bagama't inaalipusta ang mga pilipinong nakikibaka sa lansangan na may kahalitulad na prinsipyong iyong ipinaglaban hindi pa rin sila nagsasawa magsagawa ng demonstrasyon laban sa pamahalaan.


Naitala sa kasaysayan ng bansa ang isinagawa ninyo noong 'Unang Sigaw' sa Balintawak. Naging popular at naging inspirasyon ito ng mga pilipinong may paninindigan para sa bayan. Ang masaklap lang, ang 'sigaw' na ito higit isang siglo na ang nakalipas ay sigaw pa rin ng milyon-milyong pilipinong sadlak at sabik sa kaunlaran. Sila'y 'di tumitigil sa pagsigaw hanggang sa ang sigaw nila ay naging pagtangis, naging palahaw at ngayo'y pagmamakaawa.


Siguro kahit ilang Andres Bonifacio pang tulad mo ang makipaglaban para sa kanyang kababayan ay walang magaganap na pagbabago hangga't walang lubos na pagmamahal sa bayan ang bawat pilipino. Ganunpaman, kaming mula sa bagong henerasyon ng pilipino ay nagpapasalamat sa iniwan mong legasiya ng katapangan at tunay na pag-ibig para sa bayan. Ang iyong alaala at lahat ng nagawa ninyo sa bayan sampu ng iba pang mga bayaning literal na nagbuwis ng dugo at buhay ay magiging inspirasyon ng kabataang pilipinong may pagpapahalaga sa bansa at kasaysayan. Patuloy naming aalalahanin at isasapuso ang iyong tinuran na: "Wala nang pag-ibig ang hihigit pa sa pag-ibig sa tinubuang lupa. Wala na nga, wala."


Monday, November 10, 2014

Panatiko


Hindi ka na ba nagigimbal sa kariktan ng iyong sariling wika?
Bakit nalilibugan ka sa wikang hiniram mo lang sa banyaga?
Hindi ka na ba nasasarapan sa hagod ng matalinghagang dila?
Bakit mo niluluran ang wikang pinamana ng mga dakila?


Hindi mo ba alam na ang wikang Filipinong hinandog sa atin
Ay higit pa sa anumang wikang dayuhang kaya mong bigkasin?
Higit pa sa alinmang wikang dayuhang kaya mong aralin
Ang dangal at kayamanan ng bansang 'di ninuman maaangkin.


Hindi ka ba nagagayuma sa "Mahal kita" na sinambit ng kapwa mo pilipino?
Bakit "I Love You" na lamang ang nagpapakislot ng iyong libido?
Ikaw ay naniniphayo sa tuwing nakaririnig ka ng "Putang ina mo!"
Ngunit nalilibang ka naman sa "Fuck You!" na binigkas ng amerikano.


Hindi mo ba batid na ang wikang Filipinong ipinamana sa atin
Ay may angas at tapang na magpapaalab ng damdamin?
May talas na masahol pa sa punyal at patalim
At may kaluluwang dadaigin ang anumang sining.


Hindi ka ba nabighani sa melodiya ng kundimang Filipino?
Bakit sinasamba mo ang awiting 'di nauunawaan ang liriko?
Hindi ba't ginto ang alaala ng unang pagbigkas ng alpabeto?
Bakit ikaw ay nagpantanso sa dayalektong 'di naman iyo?


Hindi mo ba alam na ang wikang Filipinong kinagisnan natin
Ay may tamis at kilig na magpapangiti sa bawat labi?
May puso't lambing na makalulusaw ng poot at galit
May bangis na anumang sandali'y sasambulat at pupulandit.


Hindi na ba maibabalik ang pag-ibig mo sa wika ng iyong bayan?
Mas madali ba ang mag-'twang' kaysa isapuso ang Panatang Makabayan?
Hindi ba't saulado mo ang mga kanta nina Beyoncé, 1D, EXO at 2NE1?
Bakit madalas kang magkamali sa tuwing aawitin ang 'Lupang Hinirang'?


'Di mo ba alam na ang wikang Filipino ay ilaw ng Pilipinas?
Na tatanglaw sa korapsyon ng kadiliman na tila 'di nagwawakas
Liwanag na magmumulat sa diwang nilalango ng alak ng kabalastugan
Gagabay sa landas na binaliko ng utak ng kalokohan at katarantaduhan.


Ano ba ang dapat maituwid ang 'yong malabnaw na utak o dilang nakalihis?
Bakit mas matatas pa ang 'Harry Potta' mo kaysa totoong mga Inggles?
Hindi mo ba kayang hangaan ang ating wika, kultura at kutis kayumanggi?
Ba't Ikaw'y may pagnanais na lampasan pati ang kulay ni Britney Spears?


'Di mo ba batid na ang wikang Filipino ay tulay patungong tagumpay?
Estruktura ng komunikasyong magdudugtong at mag-uugnay
Sa bayang inuhaw, ginutom at tinimawa ng pagsulong at kaunlaran
Na matagal nang pangarap ng mga 'indiong' dito'y nananahan.


Hindi ba't ang mga dakila't makata'y nakapukaw gamit ang wikang Filipino?
Bakit pinili mong iwaglit ang kasaysayan ng bansa at siya'y pinagkanulo?
Hindi ka ba namangha sa mga bayaning nanindigan para sa mga pilipino?
Bakit ibang lipi at lahi lamang ang siya mo ngayong dinidiyos at iniidolo?


'Di mo ba batid na ang wikang Filipino ay pundasyon ng tapang?
Balangkas ng monumentong susuhay sa tatag ng isang bayang
Pilit na binubuwag ng unos ng pagmamalabis at pagkaganid
Ang tutuos sa tahilang hinahagupit ng delubyong mga balakid.


Hindi pa ba sapat ang aral at leksyong dinulot ng kasaysayan?
Ano ang dahilan sa pagtanggal ng Filipino sa kurikulum ng paaralan?
Hindi ba nila alam na ang pagpapahalaga ng pilipinong kabataan
Sa wika, bayan at kasaysayan ay magsisimula 'di lamang sa tahanan?


'Di mo ba alam na ang wikang Filipino ay bagwis ng karunungan?
Pakpak na magdadala ng runong at impormasyon sa buong kapuluan
Ang maglilipad at maghahatid ng kaalaman sa nagmamaang-mangan
Patungo sa himpapawid ng kalayaang may tinig at tunay na kasarinlan.


Si Dr. Jose Rizal na ating pambansang dakila noo'y nagbilin at nagwika:
"Ang 'di magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa malansang isda."
Ano pa nga bang mas sasahol sa pagkakaila sa sarili mong wika?
Ano pa nga bang mas uulol sa pagtatraidor sa sarili mong bansa?


Walang nagturan na kasalanan ang matutunan ang ibang mga wika
Walang nagbansag na masamang maging eksperto at dalubhasa
Gamit ang lenggwahe at wika ng mga banyaga sa pakikisalamuha
Ang kasalanan ay ipagkanulo mo ang bansa maging ang sarili mong wika.



Hindi ka na ba nagigimbal sa kariktan ng iyong sariling wika?
Bakit nalilibugan ka sa wikang hiram mo lang sa banyaga?
Hindi ka na ba nasasarapan sa hagod ng matalinghagang dila?
Bakit mo kinukupal ang wikang pinamana ng mga dakila?

- - - - - - - -
Ang akdang ito ay ang aking lahok sa 2014 Saranggola Blog Awards 6 sa kategoryang Tula

Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor:

Monday, November 3, 2014

"Ang Bansang Nagpapanggap Na Mahirap"

Ang image ay galing sa: tbhsbca.net
Taon-taon may trilyong pisong nakalaang budget ang ating pamahalaan na ina-allocate sa iba't ibang programa ng bawat kagawaran, bukod pa rito ay mayroon din tayong 8 billion dollar reserves mula sa naipong remittances ng ating mga OFW, gold holdings, revaluation adjustment at iba't ibang investments at sa export industry. Kada taon ay pinagsamang daan-daang bilyong piso ang nakokolektang buwis ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue, ang bawat mambabatas at opisyal na nanunungkulan sa gobyerno ay may milyon-milyong pisong pondong kanilang pinangangalagaan at pinangangasiwaan.

Sa laki at nakalululang mga halagang nabanggit nais ko tuloy paniwalaan na ang bansang Pilipinas ay isang mayamang bansa na nagpapanggap lang na mahirap -- na tayo'y hindi kapos sa pera kundi sa katapatan at disiplina.
-----


Ilang dekada na ring kabilang ang bansang Pilipinas sa listahan ng mga developing countries, sa listahan ng walang pagpapahalaga sa kalikasan at sa listahan ng mga bansang may malalang katiwalian. Ito ay sa kabila ng pagsisikap at sandamakmak na mga pangako at programa ng mga nanunungkulan na pauunlarin at didisiplinahin nila ang bansang ito, lokal man o nasyonal. At sa paglipas pa ng panahon ay tila lumulubha pa ang ating sitwasyon; ilang mga beteranong pulitiko ang nasangkot sa iba't ibang kontrobersiyang may kinalaman sa paglustay sa kaban ng bayan, ilang mga anomalya at katiwalian ang nabunyag at kabi-kabilang opisyales ang naakusahan ng pamahalaan at pati nga ang kalikasan at agrikultura ay napabayaan ng husto.


Tila ba hindi natatapos ang mga ganitong suliranin at kontrobersiya na nagiging dahilan ng pagkaantala ng progreso ng ating bansa. At sa ganitong kalagayan kung kulang sa oportunidad ang mamamayan nagreresulta ito sa 'dog-eat-dog' situation na ang malalakas ang siyang nagpupunyagi na minsa'y nababalewala at nawawalang bahala ang mga nakahaing batas. Kung kalam ang sikmura ng mga tao madalas nawawala ang kanilang disiplina ngunit kahit kailan hindi naman talaga dapat gawin itong katwiran at dahilan para lumabag sa polisiya at batas.


Sa patuloy na paglayo ng agwat ng mga mayayaman sa mahihirap hindi rin naman nagpapabaya ang ating pamahalaan at katulad ng marami sa ating mga kababayan hindi kailanman nawawala ang pag-asa at kaisipang ang Pilipinas ay aasenso at uunlad. Minsan na tayong tinaguriang 'Tiger Economy of Asia' at 'di malayong makakamit natin ito sa pagbalangkas ng mga posibleng solusyon para tuluyan na tayong makaaahon sa pagkakalubog na ito. At kung hindi ito agad na maagapan ng mga nanunungkulan maaaring tuluyan na tayong mapag-iwanan. Hindi tayo dapat makontento na hanggang pangarap na lang ang kaunlaran at hanggang inggit na lang ang mararamdaman natin sa paglago ng ekonomiya ng mga kapitbahay nating South Korea, Japan, Singapore, Hong Kong, China at ang papausbong na ekonomiya ng Vietnam, Malaysia, Indonesia, Thailand at iba pa.


Bukod sa intensibong pagpapatupad ng batas dapat din natin isaalang-alang ang ibang bagay na makatutulong para makahulagpos tayo sa tanikala ng kahirapan. Ang mga sumusunod na suhestiyon kung mabibigyan pansin ng husto ay makatutulong sa unti-unting kaginhawaan kung hindi man lubos na kaunlaran ng bansa:

l  epektibong edukasyon para sa lahat
l  karagdagang ayuda sa sektor ng pangingisda at agrikultura
l  pagpapakalat ng ekonomiya at industriya sa buong kapuluan
l  karagdagang sahod sa kawani ng gobyerno
l  mabilis na transportasyon at komunikasyon
l  makataong paglilikas sa mga iskwater
l  oportunidad na mapagkakakitaan sa mga ni-relocate na mahihirap
l  mababa at maaasahang source ng kuryente
l  permanenteng solusyon sa lumalalang port congestion


Ayon sa pag-aaral, tinatayang 1 sa bawat 5 limang pilipino ay mahirap (conservative pa ang bilang na ito) ibig sabihin mahigit sa 12.1 milyong pilipino ang pinagkakasya ang maliit na kinikita para lamang maka-survive sa bawat araw. Sa dami ng bilang na ito, ito rin ang naging dahilang kung bakit lumobo sa mahigit 11 milyong pilipino ngayon ang naghahanapbuhay sa iba't ibang panig ng mundo. Sila 'yung binansagan nating 'Bagong Bayani' pero hindi naman bayani kung ating ituring. Sa ngayon, napakalaki ng kanilang naiaambag sa ekonomiya pero hindi dapat 'yon lang ang solusyon at dapat nating asahan dahil marami pang paraan kung ito'y matutukan lang ng pamahalaan.


Dahil sa sunod-sunod na kalamidad na nagreresulta sa pagkalugi at tila hindi seryosong pagtulong sa sektor ng agrikultura napipilitan ang ating mga magsasaka na ibenta ang kanilang ekta-ektaryang lupain at bukirin sa mga higanteng kapitalista at ilang taon lang ang bibilangin ang mga bukiring ito'y magiging dambuhalang mall o 'di kaya'y magiging malawak at magarang subdivision. Sa dami ng ating populasyon na umaabot sa mahigit isandaang milyon nakakatakot isipin ang posibilidad na kakapusin tayo ng pagkaing mula sa dagat/tubig, ito ay sa kabila ng pagiging arkipelago ng ating bansa. Kapansin-pansin na unti-unting nababawasan na ang bilang ng nahuhuling mga isda sa dagat na nagiging pangunahing dahilan kung bakit mas mahal pa ang halaga ng mga ito kaysa karne ng manok at baboy. Kung maagapan, naniniwala ako na maisasalba pa ang umaandap na sektor na ito kung mabibigyan lang ng pansin at tutok ang mga batas na nagawa para dito.


Samantala, katulad ng mga magsasaka at ating mangingisda, ang mga maliliit na entrepreneur kung mapagkakalooban lang ng oportunidad at kahit maliit na kapital ay posibleng makapag-ambag ng kahit na kaunti sa ekonomiya ng bansa. Subalit hindi pa naman ganap na huli ang lahat, dahil may ilang panukalang batas na may layong tulungan ang mangingisda, magsasaka at maliliit na negosyante na kalauna'y magbibigay ng karagdagang produksiyon ng pagkain at karagdagang trabaho sa mga hikahos na mga pilipino subalit mga masisipag at masisikap. Hangarin ito ng mga sumusunod na mga (panukalang) batas:

l  The Go Negosyo Bill
l  The Microenterprise Development Bill
l  National Land Use Act
l  Comprehensive Agrarian Report Law
l  Agriculture and Fisheries Modernization Act
l  The Philippine Fisheries Code
l  Corporate Farming Act
l  Tulong Kabataan Sa Agrikultura at Kabuhayan Act


Pansamantala, nakatutulong ang programa ng pamahalaan na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Pagkaing Pinoy Para Sa Batang Pinoy Program sa pamilya ng kabataang pinoy na mahihirap. Ang mga programang ito'y nasa ilalim ng pamamahala at pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development. Layunin nitong maibsan ang gutom ng mahihirap nating mga kababayan sa pamamagitan ng pagbigay pagkain/pera sa kanila. Ang ganitong programa ay naka-pattern sa ibang bansang may ganito ring sistema gaya ng Brazil at Mexico. Sa programang ito higit sa tatlong milyong bilang ng mga pilipinong mahihirap mula sa 79 probinsiya ng Luzon hanggang Mindanao ang nakikinabang sa programa ngunit kung ang malaking bilang na ito ay naiko-convert into manpower higit sanang kapaki-pakinabang sila sa halip na patuloy na umaasa.


Marami ang nag-aakala na maliit na bagay lamang ang kalikasan sa pag-unlad ng bansa. Sa ganitong konsepto tila ba nahuhuli sa prayoridad ang programa para sa pangangalaga ng kalikasan. Ngunit napatunayan ding nararapat na ngang aksyonan at ipatupad ng husto ang batas na magpoprotekta sa kalikasan at natural resources; mga batas na nakatengga lang at dapat ng full implementation dahil kung hindi baka maulit pa ang trahedyang idinulot ng habagat at ng malalakas na bagyong gaya nina Ondoy, Sendong, Yolanda at iba pa. At sa pagwawalang bahala sa kalikasan, walang humpay at walang pakundangan ang marami sa atin sa pagbuga ng maruming usok (pabrika o sasakyan), sa pag-abuso sa kabundukan at kagubatan, sa pagtapon ng kani-kanilang kalat at basura sa kung saan-saan. Resulta nito'y: baha, kalamidad, polusyon at trapik. Sa tulong ng mga sumusunod na batas/programa nakatulong na rin tayo sa pag-recover ng papanipis na ozone layer at muling pagbabalik ng ganda ng kalikasan at posibleng kabawasan ng biktima ng natural disaster na hindi naiiwasan.


l  Total Plastic Bag Ban Act
l  Climate Change Act
l  Illegal Logging Prohibition Act
l  Philippine Mining Act
l  Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act
l  Renewable Energy Act
l  Solid Waste Management Act
l  Environmental Awareness Education Act
l  National CFC Phase-out Plan


Ang kaunlaran ay hindi lang nasusukat sa dami ng pera ng isang bansa -- dahil ang bansang may kaunlaran ay may kaakibat na disiplina sa mamamayan at tagapagpatupad nito, may pagmamahal at pagpapahalaga sa kanyang bayan, may magandang programa para sa edukasyon, agrikutura, industriya at kalikasan.
Hindi madaling gawin ang mga ito ngunit hindi rin naman ito imposible. Magandang maging inspirasyon sa atin ang mga bansang Japan at South Korea dahil sa kabila ng pinagdaanan at naranasan nilang destruction at pagbagsak ng kanilang ekonomiya noong panahon ng digmaan sila ngayon ang isa sa mga hinahangaan, tinitingala at magandang ehemplo ng pag-unlad at disiplina ng maraming nasyon.


Marami na tayong mga batas na may kinalaman at kaugnayan sa pagsulong at pag-unlad ng ating bansa. Batas para sa pagdidisiplina ng mga tao, para sa ekonomiya, sektor ng agrikultura, mangingisda at manggagawa, pagproteksyon sa likas-yaman at kalikasan, para sa maliliit na negosyante, industriya, transportasyon, komunikasyon at elektrisidad. At ang mga batas na ito kung susuriing mabuti ay kapaki-pakinabang para sa lahat maging sa pinakamaliliit na tao ng lipunan.

Eksakto labinglimang taon mula ngayon o sa taong 2030 kung maipatutupad lang ang lahat ng programa at mga batas na ito at maibalik lang ang disiplinang tila naglalaho sa mga pilipino, hindi malayong maging ganap na tigre ng ekonomiya na tayo sa kontinente ng Asya. At ang kaisipan ng lahat na maganda at mabuting Pilipinas ay hindi hanggang pangarap na lang at para matamasa ang tagumpay na ito kailangan ng sakripisyo hindi lang ng gobyerno kundi ng bawat pilipino.



Sakaling makamit natin ang tunay na kaunlaran at kaayusan, ang katagang 'Proud to be Filipino' na madalas ipangalandakan ng marami nating kababayan ay hindi na occasional at magiging huwad lang kundi bukal at taas noo mong sasambitin ito hindi dahil sa talento, talino at galing ng iilang pilipino kundi dahil sa pag-asenso at disiplina ng Pilipinas na hindi matatawaran at matutumbasan.


------
Ang akdang ito ay aking pakikiisa at opisyal na lahok sa 2014 Saranggola Blog Awards 6 sa kategoryang Sanaysay:
Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor: