Monday, July 28, 2014

Pieta



"Knock, knock, knock. Kurt..." tatlong mahihinang pagkatok na may kasamang malambing na pagbigkas ng pangalan ng anak ang narinig mula sa labas ng pinto ng kwarto ni Kurt. Mula ito sa inang si Aling Verna. 
Inilapag muna nito ang dala nitong tray. Ipinihit niya ang doorknob at pumasok sa kwarto ng anak.

Nakangiti si Kurt nang umagang 'yon sa ina.
Maganda ang papasikat na araw katulad ng ngiti ng binata - punong-puno ng saya at pag-asa.
Freshman student si Kurt sa kursong Political Science sa isang sikat na unibersidad sa may Taft Ave. Masipag si Kurt sa pag-aaral, puno ng pangarap at ideyolohiya. Adventurous, walang kaartehan sa katawan at higit sa lahat, malambing sa kanyang ina. Sa edad nitong disi-siyete ay matured na ito kung mag-isip kung ikukumpara sa kanyang mga ka-edad na kabataan.

Bagama't solong anak ay hindi naman masyadong naspoiled ng kanyang magulang si Kurt. Naipo-provide ang lahat ng kanyang pangangailangan ngunit piling-pili lang ang mga bagay na naibibigay sa kanya ng magulang kung hindi naman ito masyadong kailangan ng binata. Dahil mas prayoridad ng pamilya ang pangmatrikula sa pag-aaral ni Kurt, naintindihan at naunawaan ng anak ang paghihigpit sa kanyang luho. Sapat at masaya na rin siya sa kung anong meron siya ngayon.

Bata pa lamang ay pangarap na ni Kurt maging abogado at ito rin ang pangarap sa kanya ng amang si Victor. May malaking respeto at paghanga si Kurt sa mga abogado - hinahangaan niya ang talino ng mga ito, kung papaano sila magsalita sa harap ng maraming tao, kung papaano sila manamit ng may buong pagtitiwala sa sarili at kung papaano nila ihandle ang kanilang kakayanan sa kabila ng pressure sa trabaho. Kung ang ibang mga magulang ay may pagtatalo sa anak sa kung anong kursong kukunin ng kanilang anak, ang mag-amang Mang Victor at Kurt ay magkasundo na Political Science ang kunin ng binata sa kolehiyo.

Consistent honor student si Kurt mula elementarya hanggang sekondarya. Hindi naman ito nakapagtataka dahil ang kapwa niya magulang ay magagaling at matatalino, namana niya siguro ang taglay niyang talino rito. Nakadagdag pa sa kanyang galing ang pagkasipag nitong mag-aral. Bagama't hindi abogado ang kanyang ama kahit papaano'y naging matagumpay naman ito sa naitayo nitong negosyo. At ang negosyong ito nga ang tumutustos sa pangangailangan ng pamilya at pag-aaral ni Kurt.

Kahit likas ang taglay na talino ni Kurt, hindi rin naging madali ang adjustment niya sa kolehiyo; mas pressure ang pag-aaral, mas mahirap ang mga subjects, mas mahigpit ang mga professor at idagdag pang estranghero para sa kanya ang bagong classmates, institusyon at environment. At kasama ang mga ito sa dahilan kung bakit naudyok si Kurt na makumbinsing sumali sa fraternity nang minsang nag-anyaya sa kanya ang isa niyang kaklase.

"Good morning!" bati ng inang si Aling Verna sa anak. "May dala akong almusal sa'yo..." alok ng ina kay Kurt habang inilalapag ang tray na almusal ng anak sa lamesitang nasa ulunan ng kama. Laman ng tray ang mga pagkaing paboritong kainin ng anak tuwing umaga; pandesal, hotdog, itlog at isang tasa ng kapeng maraming creamer.

Hindi kumibo si Kurt.
Ngunit nanatiling nakangiti.

Binuksan ni Aling Verna ang radyo, isinalang ang CD na palagi niyang naririnig sa anak tuwing umaga. Paborito ni Kurt si Bruno Mars.
Habang napupuno ng awitin ni Bruno Mars ang silid ng binata, nag-umpisang linisin ng inang si Verna ang kwarto ng anak.

Winalis ang sahig na wala namang kalat.
Pinunasan ang laptop at iba pang gamit kahit wala namang alikabok.
In-off ang electric fan kahit hindi naman naka-on.
Binuksan ang bintana na hindi naman nakasara.
Nilupi ang mga damit kahit masinop na nakasalansan.
Tiniklop ang kumot na hindi naman magulo.
Pinagpag ang mga unan na hindi naman nagalaw.
Inayos ang bedsheet na hindi naman nalukot.

Sa nakalipas na tatlumpu't siyam na araw ay walang pagkasawang ginagawa ni Aling Verna ang mga ito. Araw-araw, walang palya. Gigising ng maaga, mag-aasikaso ng almusal at lilinisin ang kwarto ng anak.

Tahimik lamang si Aling Verna habang muling inulit ang kanyang mga nagawa kanina. Walang bakas na pagkapagod na makikita sa ina. Sa kabila ng pagpipilit na maging abala ay halatang ikinukubli ng ina ang kalungkutan na kanyang nararamdaman. Pinipigil ang mga luha sa matang kanina pang nais na kumawala. Ngunit kailangang hindi mahalata ng anak na siya'y malungkot.

Inayos na muna ni Aling Verna ang sarili bago muling humarap sa anak.
"Hindi mo ba nagustuhan ang pagkain mo?" patungkol ito sa almusal na dala niya sa anak. Hindi man lang kasi nabawasan ang mga pagkaing nasa tray.

Nakangiti lang ang binata sa ina. Walang imik. Walang kibo.

Habang nakatingin si Aling Verna sa anak ay nag-uumpisang tumugtog ang intro ng kantang 'Just The Way You Are' ni Bruno Mars. Hindi na nakapagpigil ang ina at tuluyan na ngang tumulo ang luha nito. Napahagulgol. Makahulugan sa kanya ang kantang ito. Ilang beses rin kasing sinabi ni Kurt sa kanya na paborito nito ang kanta dahil akma ang lyrics nito sa kanya bilang 'amazing' na kanyang ina. Simula noon ay naging paborito niya na rin ng ina ang kanta ito.

♪♫♫"Oh, her eyes, her eyes
Make the stars look like they're not shining
Her hair, her hair
Falls perfectly without her trying
She's so beautiful
And I tell her everyday..."♪♫♪

Pumailanlang ang linya ng kantang ito sa loob ng kwarto ni Kurt na tuluyang nagpagupo sa kunwaring nagpapakatatag na ina.
Niyapos ni Aling Verna ang mukha ng anak. Niyakap ito. Hinalikan sa pisngi habang hindi na mapigil sa paghikbi ang tumatangis na ina.

"O, nandiyan ka pa rin pala!" boses ni Mang Victor.
Nasa loob na rin pala ito ng kwarto ni Kurt.
Galing sa likod ay niyakap nito ang asawa. Mahigpit.

"Alam ko masakit pa rin sa'yo hanggang ngayon ang nangyari sa ating anak pero apatnapung araw na ang nakalipas, patahimikin na natin siya hindi 'yan makakatulong sa pagtawid niya sa kabilang buhay." lumuha na rin sa puntong 'yon ang amang si Mang Victor. Hindi bumitiw sa pagkakayakap sa asawa.

Pinakalma muna ni Aling Verna ang sarili. Humina ang paghikbi. Ilang sandali pa'y ibinaba na niya ang picture frame na kanyang yakap-yakap.


Nakapaloob sa picture frame ang larawan ng anak na si Kurt.
Maganda ang ngiti nito, punong-puno ng saya at pag-asa.

"Tara na, baba na tayo. Mag-ayos ka na at bibisita pa tayo sa sementeryo. Forty days ngayon ni Kurt." paanyaya ni Mang Victor habang pinupunasan ang luha sa mga mata. Tumayo at akmang lilisanin ang kwarto.

Biktima si Kurt ng marahas at walang-awang hazing ng fraternity na kanyang sinalihan. Fraternity, brotherhood o kapatirang dapat sana'y magiging sandigan ni Kurt sa mga oras na siya'y nangailangan ng tulong. Kapatirang ang layunin ay tapat na pagkakaibigan at tunay na samahan na ang turingan ay higit pa sa magkakapatid. Kapatirang dapat sana'y rerespeto sa karapatang pantao ng kanilang bawat miyembro. Ngunit ang kapatiran ding ito ang sumira sa masaya at buong pamilya at bumasag sa matayog na kinabukasan at pangarap ng binata.

Biktima si Kurt ng bayolente at walang saysay na kamatayan.

"Oo sige, mauna ka na at bababa na rin ako." tugon ng asawang nakatungo at pinupunasan ang tila 'di napipigilang luha.

♫♪"Cause, girl you're amazing Just the way you are..."♫♪ tinapos na muna ni Aling Verna ang kanta bago niya tuluyang nilisan ang kwarto ng anak.



Monday, July 21, 2014

Nominal



Palagi at parati  nating naririnig at pinagmamalaki na sa Timog Silangang Asya o sa buong Asya, Pilipinas lang ang tanging bansang Kristiyano.
Kristiyano na synonymous sana sa mga salitang relihiyoso, madasalin, maawain, mapagbigay, matulungin, makatao at higit sa lahat maka-Diyos.
Dapat ba nating ito'y ipagbunyi, ipagpasalamat at ipangalandakan kung taliwas naman sa ginagawi natin ang tunay na diwa ng kristiyanismo?
Ano kaya ang dating o ibig pakahulugan nito sa mga dayuhang may ibang kinagisnang pananampalataya? Napapailing kaya sila at tinatawanan lang tayo?

Bilang kristiyano, alam ba talaga natin ang kahulugan ng Kristiyanismo?
Kung ganoon, bakit hindi ayon sa Kristiyanismo ang gawain ng marami sa atin?
Bakit hindi natin ito maisabuhay at maisapuso?
Sa resumé at bio-data lang ba nararapat ang salitang ito?

Sa kabila ng ating pagiging relihiyoso at deboto sa kung saan-saan at kung kani-kanino heto tayo kabilang sa pinakacorrupt (read: magnanakaw) na bansa sa buong mundo, maraming unresolved crimes at tayo'y uhaw sa hustisya at katarungan. Tila wala ring puso ang mga nanunungkulan at lider natin na halos walang pakialam sa mga literal na naghihikahos na mahihirap at sa mga kayod-kalabaw na obrerong kinakaltasan ng malaking buwis buwan-buwan dahil patuloy ang kanilang paghihirap at pagtitiis sa mahabang panahon. Sila na umaasang isang araw ang kanilang mga buhay ay aasenso at giginhawa.

Gusto ko tuloy paniwalaan na ang pagiging 'kristiyano' ng mga Pilipino ay hanggang sa pangalan lang. Mabansagan lang na merong pinaniniwalaan at sinasampalatayaan. Kung hindi, bakit kanya-kanya ang ating sistema? Makasarili ang ating adhikain at wala tayong tunay na malasakit sa kapwa at sa bayan. Oo nga't kaysarap pakinggan na malaking bahagi ng ating populasyon ay Kristiyano - naniniwala sa existence ni Hesukristo pero parang hanggang doon lang yata tayo. Naniniwala tayong may Diyos pero hindi para sa ikalulugod Niya ang ginagawa natin. Naniniwala tayong may Langit subalit may malaking tanong sa ating isip kung makakapasok ba tayo sa pintuan nito? Naniniwala tayong may buhay sa kabilang buhay ngunit hindi natin pinagbubuti ang buhay natin ngayon.

Tuwing Linggo o Huwebes, Fiesta, Pasko ng pagkabuhay, Bagong Taon lalo't kung Pasko asahan mong puno at dagsa ang ating mga simbahan. Sa tuwing Semana Santa ay marami ang nagsasakripisyo, nagbibisita-iglesia, nagpipintensiya at naglalakad ng kung ilang milya para sa isang panata. Bibilang ng milyong katao ang mga deboto sa iba't ibang santo na halos maghapon at magdamag na magtitiyaga at sasama sa prusisyon para sa katuparan o natupad na kahilingan.
Kung kahit sa kalahati man lang ng mga church goer at mga deboto ay mamintini ang pagiging mabuti at may malinis na kalooban - maganda at progresibo ang kasasadlakan ng ating kapwa at bayan. Nakakatawa lang na pagkalipas ng mga mahahalagang okasyong ito balik lang sa dating gawain ang marami sa mga nananalig, sumasampalataya at deboto.

Bakit nga ba tayo nagsisimba? Para sa pagpapasalamat o para sa unlimited na kahilingan?
Minsan ba pinanalangin natin sa Kanya ang kapayapaan at kaunlaran ng iba kaysa sa ating mga sarili?
Bakit hindi natin lubusang matanggap kung ano ang mayroon tayo at madalas na naghahangad tayo ng marami?

Nais ko tuloy paniwalaan na ang pagtungo natin sa simbahan ay para lang sabihing tayo'y nakapagsimba. Tayo'y mayroong notion na pagkatapos nating magsimba, umattend ng higit sa isang oras na misa, lumuhod, pumikit, humingi ng kapatawaran, tumanggap ng ostiya, mag-'peace be with you' sa katabing upuan at maanggihan ng holy water ng pari ay TOTALLY nawiped-out na ang ating mga kasalanan, back to square one ika nga. Pwede na ulit magkasala. Hindi ba natin lubos na alam o nagmamaang-maangan lang tayo na hindi natatapos sa pagsisimba lang ang paghingi ng tawad ng kasalanan ganundin naman na hindi nasusukat ang pagiging banal sa pagpasok sa simbahan at pag-usal ng panalangin at dasal?

Madalas ako nakakapagmura, kung batayan nga ang mabubuting mga salita upang sabihing mabuti ang isang tao, napakasama ko palang tao. Samantala ang mga moralista (kuno) ay madalas ding husgahan ang mga bakla/tomboy na 'makasalanan' kahit wala naman itong ginagawang masama sa kanila, sa lipunan at sa buhay mismo nila. Kahit hindi natin aminin mayroon pa ring diskriminasyong umiiral sa atin. Pero kamakailan lang, mayroong isang ministro ng simbahan na nahuli sa aktong kinakalantare sa isang motel ang asawa ng isang kaawa-awang abogado, hindi ba't higit na kasalanan ito?
At hindi na rin lingid sa ating kaalaman na maraming kaso na ang naitala na ang mga pari sa simbahan ay nainvolved sa child molestation. Iyan ay sa kabila ng pagiging sagrado at sarado kristiyano nila.

Lahat tayo ay nagkakamali, lahat tayo ay may baho at lahat tayo ay may sikreto, kung marami rin lang tayong kasalanan (lihim man o bulgar) 'wag na tayong magmalinis at magkubli sa banal na libro at mabubuting balita at lalong 'wag na tayong mag-namedrop at gamitin ang pangalang Diyos. Huwag na na nating gamitin ang ating pagiging Kristiyano para makaani ng tagahanga at ipangalandakang kunwari na ikaw ay walang sala.

Aanhin mo ba ang bansag na kristiyano kung hanggang pagkaawa at simpatiya lang ang kaya nating ibigay sa mga kapus-palad, nasalanta at nangangailangan? Madalas 'yung mga bagay, biyaya, programa at donasyong para sa kanila ay kinukupitan at ipinagdadamot pa ng otoridad para sa kanila. Minsan mapapaisip ka, bakit higit na maunlad ang ibang mga bansa na iba ang kinagisnan at pananampalataya? Bakit parang mas disiplinado at mabuti pa sila kaysa sa ating mga kristiyano? Ito ba'y usapin ng pagiging kristiyano o ng kulturang kinalakhan, ng pagiging tao o ng pagiging patriyotiko?

Bukod sa mortal na kasalanang pagpatay, batid nang lahat na sa bansa at kultura na ating kinamulatan alam nating masama ang magnakaw, magbisyo, mangaliwa, magsugal, mangotong, lumabag sa anumang batas, magtapon ng basura sa kung saan-saan, magmura, mangloko, magtsismis, manghusga, mangbully, mambastos, magsinungaling, mangsnatch, magpalaglag ng sanggol at marami pang iba na obvious na kasalanan pero talamak at pangkaraniwan na lang ang mga ito ngayon.
Maliit o malaki, kinokonsidera pa ring ito'y kasalanan at ang ilan sa mga ito'y malamang na atin nang nagawa datapwa't kasalanan, pinalulusot na lamang natin ito at (halos) tinatanggap na ng may kaluwagan at bukas ang isipan. May mga bagay kasi talaga na kahit anong gawin ay hindi kayang iwasan. At sa pag-usad ng modernong panahon karamihan sa mga ito'y hindi na malaking balita para sa atin.

- Hindi ba't dinadakila pa nga natin ang mga artista/pulitikong napakaraming anak sa iba't ibang babae?
- Hindi ba't madali nating kinakalimutan ang mga pulitikong nagwalanghiya sa bansa natin?
- Otomatik na rin sa utak natin na 'pag pulitiko suguradong corrupt at 'pag pulis ay malamang na kotong cop.
- Walang sinumang moralista ang nagcondemned o walang imbestigasyong naganap sa mga napabalitaang nagpalaglag ng sanggol.
- Napaka-ordinaryo na lang ang kwento ng pangangalunya, ganundin ang premarital sex ng kabataan.
- SOP na rin sa government official natin na magkaroon ng porsyento sa anumang proyektong kanilang hinahawakan.

Sa isang bahagi ng isip ng marami sa atin may kalakip na pamimintas ang isang dapat sana'y pagpupuri at parangal at may pagtatanggol naman sa kamalian/kasalanan kung nais itong panindigan at pangatwiranan (karaniwang gawain ito ng mga binulag at nilamon ng maling sistema - tulad ng 'in good faith' na katwiran).
Kahit hindi natin sabihin, minsan sa ating buhay ay nahusgahan natin ang isang taong may hindi kaaya-aya ang itsura, ang kanyang estado sa buhay, ang kanyang kasarian at kasuotan o ang kanyang pangangatawan. Siyang-siya tayong pagtawanan ang mga kumakanta o sumasayaw sa social networking site ang mga hindi kagandahan ang itsura o ang panglalait ng isang host sa kanyang biktimang guest sa comedy bar.
Bago matulog sa gabi o sa pagsapit ng araw ng pagsimba, at pagkatapos ng lahat ng pang-aalipusta, pambubully o ng iba pang kinunsinting kasalanan kasama natin silang luluhod at taimtim na uusal ng isang panalangin. Sa susunod na araw, muling babalik sa dating nakagawian na parang nabakanteng baul ng kasalanan.

Kamakailan, may isang artista slash pulitiko na very vocal sa pagpapahayag ng kanyang pananampalataya. May nakalimbag pang bible verse sa kanyang damit at bukambibig ang kanyang pagiging matulungin. Tunay na Kristiyano kuno. Sa kabila ng lahat ng ito - siya ngayo'y nakakulong dahil sa kasong pandarambong - multimilyong pisong pangungupit sa kaban ng bayan. Mga perang dapat sana'y pinakinabangan ng mga higit na nangangailangan.
Bumabalik tuloy sa aking alaala noong dekada nobenta, ang isang alkalde ng isang bayan sa Laguna na palaging may hawak ng rosaryo at deboto di-umano ni Mama Mary ngunit napatunayang abusado at nanggahasa ng menor de edad.

Walang malinis. Walang perpekto. Wala kahit isa. Pero 'wag na sana nating gamitin pa ang bibliya o ang Diyos para lang mailusot ang sarili sa mga kabalastugan natin sa buhay. 'Wag na tayong magpilit na maging ehemplo ng kabanalan kung sa likod nito ay ang masama nating ugali at maitim na budhi. 'Wag na tayong bibigkas ng 'Alelluia' kung ang nasa isip naman natin ay malutong na 'Putang Ina'. 'Wag na tayong humawak ng rosaryo kung mas nalilibang kang hawak ang isang baril upang iputok ito sa kapwa mo. 'Wag na nating gamitin ang simbahan para sa patuloy na pagpapakasasa sa kaban ng bayan. 'Wag na MUNA nating ipangalandakan ang pagiging Kristiyano natin kung kawalanghiyaan at kababuyan naman ang nakikita sa atin ng mga tao.

Nakakaawa na nga tayo, katawa-tawa pa tayo.

KRISTIYANISMO? Siguro sa pangalan lang 'yan.

Monday, July 14, 2014

Ang Aplikante



Maaga si Roweno gumising nang araw na 'yon.
Kanyang isusuot ang pinakamaganda niyang polo, pinakamatinong pantalon at ang kanyang kaisa-isang leather shoes.
Excited siya. Bakit nga ba hindi? E sa halos isang taon niyang pag-aapply sa kung saan-saang lupalop ng Kamaynilaan ngayon lang siya ipinatawag for interview ng kanyang posibleng maging employer.

Makati ang kanyang tutunguhin. Sa dami ng mga taong doon ang destinasyon, ikonsidera pa ang layo ng bahay nila sa Caloocan at sa siguradong masikip na traffic na kanyang kahaharapin kailangan talaga ay maaga siya.

Alas-sais pasado nang siya'y umalis ng bahay. Balak niyang magbus na lang dahil ayaw niyang makipagsiksikan sa masikip na MRT, tutal 9AM pa na naman ang schedule ng kanyang interview, aniya pa.

Maaga pa pero halos punuan na ang mga bus na dumarating.
Ilang bus din ang dumaan sa harap ni Roweno bago siya nakasakay. May kasikipan na ang bus na kanyang sinakyan ngunit mabuti't meron pa siyang naupuan. Sa may bandang gitna siya nakapwesto.

Gawing Cubao nang dumagsa ang mga pasahero, ayon sa mga bagong sakay sira raw kasi ang MRT. Sumiksik na hanggang sa dulo ng bus ang mga nakatayong pasahero. Parang sardinas na ito sa sobrang dami. Sa modernong panahon na halos pantay na ang karapatan ng babae at lalaki tila wala nang gentleman na mag-aalok ng upuan para sa isang babae.

Tila hindi komportable ang isang babae sa kanyang kinatatayuan, nasa gilid mismo ito ni Roweno na noo'y may nakasuksok na earphone sa kanyang tainga. Sa bawat hinto ng bus at bawat galaw ng mga pasaherong nagsisiksikan ngumingiwi ito at bakas sa mukha ang pagkaasiwa.

------
Masama ang pakiramdam ni Ivy ng umagang 'yon. Natapat pang number coding ang kanyang sasakyan ngayong araw kaya mapipilitan siyang magcommute. Kung hindi lang sana mahalaga ang gagawin niyang trabaho ngayong araw ay hindi na sana siya papasok. May mataas na katungkulan si Ivy sa isang malaking kompanya sa Makati.

Sa ganitong araw ay maaga siyang umaalis ng bahay gamit ang kotse upang hindi siya abutan ng alas-siyete ng umaga na start ng number coding. Pero dahil tila tinatrangkaso siya hindi niya nakuhang gumising ng mas maaga.

Sanay naman siya magcommute at kahit halos mag-iisang taon na ang huli niyang pagsakay ng MRT wala naman siyang reklamo dito tutal ilang metro lang naman ang layo pagkababa niya mula sa Ayala Station.

Ngunit hindi umaayon sa kanya ang araw na ito. Kasama ng iba pang mga pasahero'y napilitan si Ivy na bumaba ng tren. Maaga pa'y sira na naman ang MRT. Sa sobrang  dami ng nag-aabang na mga pasahero punuan ang lahat ng pampublikong sasakyan; FX, bus at kahit ang taxi'y pinag-aagawan.

Mapupuwersang sumakay ng bus si Ivy kahit halos bumagsak na siya sa kanyang kinatatayuan sa labis na pagkahilo subalit wala siyang ibang choice.
Halos panawan siya ng lakas nang makita niyang punuan ang mga bus patungong Makati. Labinglimang minuto na ang nakalipas nang siya'y nakasakay ng bus.

Tila hindi komportable si Ivy sa kanyang kinatatayuan, pinagpapawisan siya kahit malamig ang loob ng bus. Nasa gilid niyang nakaupo ang isang lalaking may nakasuksok na earphone sa tainga, may magandang kasuotan na tila aattend ng isang kasalan. Sa bawat hinto ng bus at bawat galaw ng mga pasaherong nagsisiksikan ngumingiwi si Ivy at bakas sa kanyang mukha ang pagkaasiwa.

-----
Kapansin-pansin na ang pamumutla ni Ivy. Nakita rin ito ni Roweno na komportableng nakaupo at tila walang pakialam.

Hindi na nakatiis si Ivy. "Mister, pwede bang makiupo? Kahit sa gilid mo lang medyo nahihilo kasi ako", pakiusap ni Ivy kay Roweno.

Umayos lang sa pagkakaupo si Roweno muling isinuksok ang earphone sa tainga at umaktong kunwa'y natutulog. Kahit narinig niya ang pakiusap ni Ivy siya'y nagbingi-bingihan.

"Ma'am dito na lang po kayo umupo..." boluntaryong pag-aalok ng isang lalakeng nakarinig ng pakiusap ni Ivy, tumayo ito at inalalayan ang babae sa pag-upo. Nasa bandang likuran ito ng kinauupuan ni Roweno.

"Salamat ha." sambit ni Ivy (habang inuusad ang sarili upang umupo) sa lalakeng mukhang sanggano pero may mabuting kalooban.

Napakalaking kaginhawaan ang naramdaman ni Ivy nang lumapat ang kanyang katawan sa upuan. Dahil masama ang kanyang pakiramdaman saglit lang ang binilang ay nakaidlip na siya sa bus samantalang si Roweno ay patuloy lang sa pakikinig gamit ang kanyang MP3.

Pasado alas-nuwebe na nang dumating ang bus sa Makati. Kung gaano kasikip ang bus higit isang oras lang ang nakararaan, ang siya namang sobrang iniluwag nito ngayon. Naunang bumaba si Ivy at sa sumunod na kanto'y bumaba na rin si Roweno.

Hindi gaanong kabisado ni Roweno ang building na pupuntahan, nakalampas pa nga siya sa kalituhan. Ilang pagtatanong pa'y narating na rin niya ang building kung saan naroon ang kompanyang magbibigay sa kanya ng magbubukas sa kanya ng oportunidad at magandang kinabukasan.

Nagbanyo muna siya. Inayos ang sarili, ang damit at ang buhok. Nagspray ng pabango. "Kailangan kong maging presentable." bulong niya sa sarili.

"Sir, kindly wait here for a while." sabi ng babaeng nag-assist kay Roweno matapos niyang sabihin rito na may schedule siya ngayong araw for an interview.

"This way sir..." matapos ang limang minuto'y natapos na ang kanyang paghihintay, itinuro sa kanya ng babae ang isang conference room kung saan siya iinterviewhin.

Bumuntong-hininga muna si Roweno bago pumasok sa kwarto.

"So you are Mr. Roweno Ortillano. The very gentleman Mr. Ortillano..." bungad na bati ng interviewer kay Roweno habang hawak ang kanyang resumé. Si Ivy Hernandez - head ng HR Department ng Florix Industries and Technologies.

Hindi inaasahan ni Roweno na ang taong mag-iinterview sa kanya ay ang taong pinagdamutan niya ng upuan sa bus kanina lang. Kahit malamig ang kwarto'y bigla siyang pinagpawisan. Hindi niya alam kung ano ang kanyang isasagot sa sarkastikong pagbati sa kanya ni Ivy.

Hiyang-hiya siya sa kanyang sarili. Gusto niyang lumubog sa kanyang kinauupuan.
Agad siyang tumayo at umalis, hindi na niya nakuha pang magpaalam sa sinumang nasa loob ng opisinang magbubukas sana ng oportunidad at magandang kinabukasan sa kanya.

Nakatungo niyang nilisan ang building.