Thursday, May 1, 2014

Si Obama at ang bansa kong Pilipinas



Dalawang araw lang sa Pilipinas si Pres. Obama pero ang epekto niyon sa mga Pilipino malamang na higit pa sa dalawang dekada. At malamang din mayroong hidden agenda ang magkabilang panig sa pagpirma nila ng Agreement on Enhanced Defense Cooperation (AEDC), tandaang walang mapagkakasunduan kung wala silang magiging pakinabang.

Sa pagdating at pag-alis niya marami ang mainit siyang tinanggap, meron din namang nagprotesta. Kunsabagay, kahit saan namang isyu hati ang mga opinyon ng bawat Pilipino.
Pero naisip ko lang, kung simula’t sapul hindi tayo pinakialaman ng ibang bansa, ano kayang buhay meron tayo?
Sunod-sunuran pa rin kaya tayo sa Kastila?
Alipin pa rin kaya tayo ng mga Hapon?
May matatawag kaya tayong “kasarinlan”, kahit papaano?
Kakayanin kaya nating solohin ang mga sakuna/trahedya ng bansa natin?
Handa ba ang ating sandatahang lakas kung sakaling may banta galing sa labas?
At kung sakaling muling mambully ang bansang China, sino kaya ang tatakbuhan at hihingan natin ng tulong?



Nagmumura at naghuhumihiyaw ang katotohanang sa loob ng mahabang panahon hindi natin kayang yumaman at mamuhay sa sarili nating kakayanan, hindi nating kayang paunlarin ang dati na sanang maunlad na bansa natin, hindi nakasulong ng husto ang ating ekonomiya at napakakaunti ng porsiyento ng mamamayang pilipinong yumaman.
Sa halip ay lumobo sa labing-isang milyong Pilipino ngayon ang nangangamuhan sa iba’t ibang panig ng mundo, pumailanlang ang bilang ng mga walang trabaho, ang krimeng holdapan ay itinuturing na pangkaraniwan na lang at talamak ang korapsyon sa pamahalaan. Kung susuriing mabuti hindi naman nadedehado ang batas natin sa kumpara sa kahit anong bansa, napakagaganda at napakahuhusay ng batas at polisya natin ngunit hindi ito napakikinabangan ng marami. 



Nakapanghihinayang lang na sa kabila ng napakaraming aral na dapat nating natutunan sa makulay nating kasaysayan, ni hindi man lang tumimo sa ating isip at tumatak sa ating puso ang mga sakripisyo, paghihirap at pagbubuwis buhay ng ating mga bayani. Mas nangingibabaw ang kanya-kanyang sistema maging opisyal man o pribadong indibidwal kaysa pagtutulungan at bayanihan. Napakaironic na tila sa tuwing may malalang sakuna lang tayo nagkakaisa at nagdadamayan ganunpaman may mga iilang sektor pa rin ng lipunan na nagsasamantala sa trahedyang ito.



Sabi noon ni Pres. Manuel Quezon: "I would rather have a country run like hell by Filipinos than a country run like heaven by the Americans.”, tila nagdilang-anghel na nga siya. Hindi ba’t parang impyerno na nga ang kinasadlakan ng ating bansa?
Panahon pa ni Lapu-lapu, wala na tayong pagkakaisa. Ang kinilala nating mga bayani ay ipinagkanulo ng kanyang kapwa Pilipino na may makasariling adhikain na pilit binubura sa kasaysayan. Gaya ni Lapu-lapu, sina Andres Bonifacio, Hen. Gregorio Del Pilar, Diego Silang at marami pang iba ay pinaslang o isinuplong ng kapwa niya Pilipino. 



Hanggang saan ba ng ating nasyonalismo?
Iyon ba ‘yung pagtangkilik sa gawang Pilipino? Pero bakit laglag ang benta ng Philippine made na mga teknolohiya kumpara sa Korean at US gadgets? Dahil ba sa mas maganda at mas popular ang Samsung at iPhone?
Saan ba sinusukat ang pagiging makabayan? Iyon ba ‘yung pagsigaw at ipangalandakan na “I’m Proud to be Filipino!” sa tuwing mananalo si Manny o may finalist na Fil-Am sa American Idol o may dugong pinoy na sumikat sa Hollywood?  Teka, ‘yun ba talaga ang salamin ng kabuuan ng Pilipino? 



Ang tagal na nating nakawala sa tanikala ng pagiging alipin, higit na sa isang siglo pero nasaan na kaya tayo? Hanggang ngayon, nganga tayo sa mga Kanluraning bansa at pati ang mga bansa na mas maunlad pa tayo dati ay umaarangkada at iniiwan na tayo. Globally competitive na sila.
May mga sinisisi ang mananakop sa atin kaya tayo nagkaganito pero marami ring bansa ang nakaranas ng kaparehong sitwasyon at ngayo’y tumatayo at nakatayo na sa sarili nilang paa.
Hindi ba’t may Korean War?
May Vietnam War?
At devastated ang Japan noong World War II?
Tayo heto pa rin. Hikahos. Hindi nakahulagpos sa taguring third world country.
Nakadepende ba ang popularidad at paghanga sa bansa natin sa tuwing magwawagi si Manny, o ‘di kaya kay APL ng Black Eyed Peas, o kaya kay Arnel ng Journey o kay Cobunpue na dalubhasa sa paggawa ng muwebles o kay Brillante na henyo ng pelikulang pilipino? At sa mangilan-ngingilang pinoy na umaarangkada sa ibang larangan?



Mas nakatutuwa pa at nakatataas ng moral at dangal ng ating bansa
- kung sikat tayo dahil sa pagbulusok ng ekonomiya natin, hindi dahil sa OFW remittances
- kung dahil sa matinong paggamit ng pondo, hindi sa pork barrel scam,
- kung dahil sa matitibay at world class na structure at infrastructure, hindi dahil sa palpak at maanomalyang kontrata
- kung dahil sa matalinong pagpaplano at pag-improve ng transportasyon at komunikasyon hindi dahil sa malalang traffic o pila-pilang commuters ng LRT/MRT o kulelat na internet connection sa Asya.



Ang mga amerikano wala pa tayo, nandiyan na sila. May sarili silang motibo, oo. Pero sino ba ang wala? Kung ginagamit tayo nila, hindi ba’t ginagamit din natin sila (directly o indirectly).
Nakakaawa lang na hindi natin alam kung kailan tayo makakatayo ng mag-isa sa kabila ng likas-yaman ng ating karagatan, kagubatan at kabundukan.
Saka may galing, tiyaga at talino rin naman tayo ‘di ba?
‘Yon lang, kulang tayo sa disiplina.



1 comment:

  1. good news for job seekers.. want to work online at the comforts of your home ..try this site if your still searching online jobs ...
    BUILD YOUR CAREER ONLINE WHILE BEING A FREEMAN
    Start working at home and visit us at http://www.unemployedpinoys.com

    ReplyDelete