Parang slideshow
presentation ng powerpoint ang mga larawang kasalukuyang nagpa-flashback sa
memorya ni Tonyo. Si Tonyo na sa oras na iyon
ay nakararanas ng isang pagdedeliryo. Detalyadong bumabalik sa kanyang alaala
ang halos lahat ng mga kagaguhan, kawalanghiyaan at kasamaang ginawa niya mula
pagkabata hanggang ngayong dahan-dahang siyang nililisan ng kanyang lakas at
ulirat.
Itinuring si Tonyo na salot ng
Brggy. Malaya.
Kilalang tomador, basagulero, astig, ulol, lulong sa
bisyo, maton, bully, tulak ng droga at labas-pasok sa bilangguan. Tanyag siya
sa kanilang baranggay bilang si 'Tonyong
Demonyo', binansagan siya sa ganoong ngalan 'di dahil malakas siyang
lumaklak ng alak na may markang demonyo kundi dahil sa karakas at pag-uugali
niyang may pagkademonyo.
Demonyong walang respeto sa
kahit sino; mapabata, babae o matanda man ito.
Madalas siyang mamatok ng
bata tuwing hindi sinusunod ang kanyang inuutos, kumakatay ng aso ng kapitbahay
upang gawing pulutan sa inuman, minsang nanapak ng isang matandang lalaki nang
hindi siya napautang sa tindahan nito, nanampal ng ubod lakas sa isang baklang
napadaan lang sa tapat ng kanyang bahay, palagiang minumura ang mga babaeng
nagkukumpulan sa kanila sa pag-aakalang siya ang paksa ng usapan nito at bali-balita
ring kaya nagpatiwakal ang dalagang si Susan dahil sa panghahalay ni Tonyo
rito. Dahil sa pagtutulak ni Tonyo ng bato at damo, lumaki ang bilang ng mga
adik sa kanilang lugar.
Ang mga ito at iba pang mga alaalang puro kahayupan ang
sumisiksik sa kanyang utak habang siya'y lupaypay na nakikipaghabulan sa
papaupos niyang hininga.
Nakapikit ang kanyang mga
mata subalit malinaw niya itong nakikita.
Walang matinong trabaho si
Tonyo pero bungkos lagi ang pera nito sa bulsa. Hindi na ito nakapagtataka
dahil unti-unti na siyang nagiging bigtime na tulak ng droga. At sa dahilan
ring ito kaya lumakas ang impluwensya ni Tonyo sa mga tiwaling pulis na kanyang
binibigyan ng payola kada linggo.
Naging halos untouchable si
Tonyo.
Walang sinuman ang nais na
bumangga sa kanya at maging ang baranggay na nakasasakop sa kanilang lugar ay
naging inutil sa pagsupil ng mga kabalastugan. Mas lalo siyang kinamuhian ng
mga kapitbahay at kabaranggay, tila pinangatawanan na ni Tonyo ang bansag na
isa siyang 'demonyo'.
Kasabay ng pagdami ng sugapa
sa droga sa Brggy. Malaya ay ang talamak na nakawang hindi nasasawata.
Kasapakat na rin ang Kapitan ng baranggay ni Tonyo naging iresponsable ang mga
opisyal ng lugar na dapat sana'y tagapamayapa at tagapamahala ng katinuan.
Ang Baranggay Malaya ay tila
literal na naging 'malaya'. Malaya ang mga sugapa na tumira ng droga kahit saan
nila gustuhin, malayang nakapagnanakaw ang mga pusakal na kawatan, malayang
nakapagtutulak ng droga si Tonyo, malayang kumawala ang lahat ng katinuang
nalalabi sa kanilang lugar.
Katulad ng nakaraang mga
gabi, pasuray-suray na lumalakad ng eskinita si Tonyo dahil sa labis na
kalasingan. Lasing sa alak, lango sa droga.
Solo lang niyang binabagtas
ang kakiputan ng kalsada na patungo sa kanyang bahay dahil nauna nang umuwi ang
mga barkada niyang mga halang din ang kaluluwa.
Maulan ang gabi. May
kadiliman ang paligid.
Hindi maaninag ang mga mukha
ng mga nakakasalubong ni Tonyo kahit pa may sindi ang bumbilya sa magkabilang
kanto ng eskinita.
Sinusugan pa ng kanyang
labis na pagkalango ang kadiliman ng gabi kaya hindi pansin ni Tonyo ang mga taong dumarating.
Si Mang Andy na ama ng isa sa mga batang madalas niyang kutusan,
si Ka Gerry na may-ari ng isa sa mga asong kanya noong kinatay,
si Lolo Eugenio na kanya noong sinapak dahil hindi siya nito napautang
sa tindahan,
si Katarina na baklang kanyang napagtripang sampalin,
si Aling Luring Waray na numero unong tsismosa raw ng Brggy. Malaya
at si Mang Kanor na ama ng nagpakamatay na dalagang si Susan.
"Aggh..." isang mahinang ungol ang
biglang nasambit ni Tonyong Demonyo ng nakasalubong niya ang mga ito. Na sa kabiglaanan
at dala ng labis na kalasingan ay ‘di niya nakuhang depensahan ang sarili.
Muli pa itong nasundan ng
kanyang mga impit na tinig na sumasabay sa sagitsit ng ulan. Lima pang beses.
Bagsak si Tonyo sa kalsada.
Duguan.
Humalo ang kanyang dugo sa
tubig ulan. Dumausdos ito patungong kanal.
Habang si Tonyo nagmamakaawa
sa mga taong dumadaan sa kanyang harapan. Tila nagsusumamong dalhin siya sa
pagamutan.
Ngunit walang boses na
lumabas sa kanyang bibig.
Patuloy lang sa paglakad ang
mga tao. Mistulang hindi nakikita si Tonyong Demonyong naghihingalo at nagdedeliryo.
Ang mga larawang
nagpa-flashback sa kanyang alaala ay unti-unting naglalaho.
Dumilim ang kanyang paligid.
Hanggang sa tuluyan na itong
mawalan ng malay at ng hininga.
Anim na unday ng saksak ang
kumitil sa salot ng Baranggay Malaya.
Walang suspek. Walang nais
magsalita.
No comments:
Post a Comment