Monday, May 12, 2014

Tatlong Iglap (mga kwentong iglap) 3.0



Unang Iglap: Sorpresa

Namintig ang aking dalawang paang nakaharap sa pintuan ng aming kwarto.
Hindi ko makuhang kumatok o ipihit ang doorknob ng pinto.
Kung gaano ako kasayang umuwi ng maaga galing sa opisina upang sa isang sorpresa ay ganoon naman ang bigat ng dibdib na akin ngayong nararamdaman.

Ikalimang anibersayo ng aming kasal ni Dianne ngayong araw.
Hawak ko ang sorpresang 'sang dosenang bulaklak sa kanang kamay at isang malaking Toblerone na tsokolate sa kaliwa.
Bihira ko itong gawin. Sa katunayan hindi ko na maalala kung kailan ko ito huling ginawa.
Hindi naman kasi ako sweet gaya ng ibang mga asawang lalaki.
Hindi ko ugaling ipakita ang pagmamahal na nararamdaman ko kay Dianne pero hindi ibig sabihin no'n naglaho na ang sinumpaang pag-ibig namin sa isa't isa limang taon na ang nakararaan.

Kung hindi nakunan si Dianne apat na taon na sana ang panganay namin. Subalit dahil sa kaabalahan sa trabaho hindi na nasundan pa ang kanyang pagbubuntis. Bilang supervisor ng isang BPO madalas nasa night shift ang trabaho ko. Maraming beses na niya akong kinumbinsing lumipat ng trabaho pero hindi ko sinubukan. Higit sa dose oras na wala ako sa bahay at madalas tuwing nasa bahay naman ako'y mas lamang pa ang inilalagi ko sa pagtulog kaysa pag-uusap naming mag-asawa.

Magkasama kami sa iisang bahay ngunit halos wala na kaming komunikasyon.

Akala ko ay okay lang 'yun kay Dianne.
Akala ko'y wala kaming problema.
Akala ko'y naiintindihan niya ang sakripisyo ko para sa pamilya.

Datapwat nitong nakaraang buwan ay pansin ko na ang malamig na pakikitungo niya sa akin. Ang dating malambing na si Dianne ay tila naging masungit. Naisip ko lilipas din 'yan tulad ng paglipas ng kayang sungit sa tuwing siya'y may buwanang dalaw.

Kaya naisip ko siyang sorpresahin sa araw na ito. Siguro buong akala niya nakalimutan kong anibersayo ng kasal namin ngayon.
Ikatutuwa niya ang dala kong rosas at tsokokate.
Ikatutuwa niya ang pagiging maalalahanin ko.
Ikatutuwa niya ang sorpresa ko.

Tila nakapako sa sahig ang aking dalawang paa sa mga boses na aking naririnig. Hindi ko ito maihakbang o maiangat man lang. Namanhid. Tulad ng mga pakiusap ni Dianne sa akin.
Halinghing at ungol mula sa aming kwarto ang pumupunit sa katahimikan ng hapon.

Sa kagustuhan kong makapaghatid ng isang sorpresa, ako ang siyang nasorpresa.

- - - - - 
Ikalawang Iglap: PM


"Tangina pare. Hindi mangyayari sa akin 'yan! Sa itsura kong ito hindi ako kayang ipagpalit ni Noemi sa kahit sinong lalaki." si Andrei ang nagsasalita. Kausap niya ang barkadang si Joed at Kevin na nagkataong pareho ang dinadalang problema.

Tulad ng dati, sa inuman nag-uusap ang magkakabarkada at doon magsisiwalat ng kanya-kanyang problema, biruan, yabang at hinaing sa buhay sa oras na sumapi na ang ispiritu ng alak.

"Kahit ilang beses na akong nahuling nangchi-chicks ni Noemi, okay lang 'yun sa kanya palagi niyang pinatatawad ang sorry ko."

Malakas ang loob ni Andrei na magyabang sa mga barkada. Mabait naman kasi si Noemi. Hindi katulad ng ibang mga babae na hindi ka na makakahirit pa ng isang pagkakataon kung ikaw ay nagkasala.

Magtatatlong taon na silang nagsasama ni Noemi. Kahit sakit ng ulo ni Noemi sa Andrei hindi niya magawang iwan ang lalaki, responsable naman kasi at good provider ng pamilya si Andrei. May isa silang anak si Kurt - isang taon na ito sa darating na Hunyo.

Pasado alas diyes na nang matapos ang inuman.

Pagkatapos maghilamos at magtoothbrush ay diretso na si Andrei sa kuwarto nilang magkalive-in. Hihiga na sana siya upang matulong nang mapansin niyang may ilaw ang netbook ni Noemi na kasalukuyang humihilik katabi ang kanilang anak na si Kurt.

Wala siyang planong basahin ang kung anuman ang makikita niya sa monitor ng netbook, ang gusto niya lang ay i-power off ito at hugutin mula sa pagkakasaksak sa kuryente.

Isashut down na sana ni Andrei ang netbook ngunit hindi niya naiwasang basahin ang PM sa Facebook ni Noemi mula sa ex-BF nitong si Paul John.

Paul John: Siguro mas okay kung gumawa tayo ng bogus account sa FB. Alam mo na, mas okay nang nag-iingat tayo mahirap nang magkaproblema tayo baka one of these days, accidentally mabasa ni Andrei ang mga messages natin. I don't want to be the cause of your problem 'coz all I want is you to be happy. We both know kung saan tayo lulugar pero sana mas madalas pa ang pagkikita natin. I have no problem yet kasi next year pa uuwi si Tina from Hong Kong kaya I have all the time to spend it with you. Just be careful. Alam ko hindi madali itong ginagawa natin and you are sick and tired with your philanderer husband hayaan mo once na dumating si Tina sasabihin ko na sa kanya na maghiwalay na kami, na I don't love her anymore, na meron nang ibang babaeng espesyal para sa akin. At ikaw 'yun.

Paul John: Still there?

Paul John: Honey?...

Sa mga nabasa ni Andrei, biglang-bigla nawala ang kanyang pagkalango sa alak.

- - - - - 
Ikatlong Iglap: CCTV


Hindi sa wala siyang tiwala sa kanyang asawang si Zyra kaya siya nagpalagay ng CCTV sa bahay. Batid rin naman niyang walang ibang lalaking pumapasok sa kanilang bahay dahil kung mayroon ay matagal na itong isinumbong ng pamangking si Fely na nagsisilbi ring maid ng pamilya.

Talamak kasi sa kanilang subdivision ang nakawan at akyat-bahay at ito talaga ang pangunahing dahilan kung bakit nagpainstall ng CCTV si Nathan. Bago lang silang mag-asawa, magdadalawang taon pa lang at halos isang taon pa lang sila sa bagong bahay nila sa Crescent Village sa Parañaque.

Maganda ang kanilang bahay. Dalawang palapag na may tatlong kwarto. Eksakto lang sa kanilang mag-asawa at sa kanilang isang anak. Dati silang taga Kawit, Cavite ngunit dahil laging late sa pinapasukang opisina sa Makati pumayag na rin silang kumuha ng bahay sa naturang subdivision sa rekomendasyon ng kumareng si Carmi.

Dahil matalik na magkaibigan ang asawang si Zyra at ang dalagang si Carmi madalas na nagpupunta ang huli sa bahay. Classmate ni Zyra si Carmi noong nasa kolehiyo pa sila. Si Zyra ay graduating student nang mabuntis ni Nathan samantalang si Carmi ay nakatapos ng pag-aaral at ngayo'y may magandang trabaho bilang interior designer sa developer ng kanila ring subdivision.

Simula nang mabalitaan ni Nathan na may niloobang bahay sa kanilang lugar, walong bahay mula sa kanilang kanto ay hindi siya mapakali. Ayaw niyang malagay sa panganib ang pamilya, ayaw niyang mauwi sa wala ang kanyang paghihihirap at pagsisikap. Kasabay ng paghahanap niya sa kompanyang mag-iinstall ng CCTV sa kanyang bahay ay ang pagbili niya ng lisensyadong baril na. 45 caliber.

Pinili niya ang CCTV na mayroong link sa internet para kahit saan siya mapunta ay mamomonitor niya ang kalagayan ng bahay at ng pamilya na rin.

Lunes. Alas diyes ng umaga sa opisina.
Unang araw na nainstala ang CCTV sa bahay nila Nathan. Itinawag lang ito sa kanya ng manager ng CCTV company na kanyang kinontrata. Bukod sa isang CCTV na nakaposisyon sa gate ng kanilang bahay, walong camera pa ang nakakalat sa loob ng kabahayan kabilang na ang isa sa loob ng kanilang kwarto.

Alam ni Zyra na may bagong CCTV na sa bahay nila ngunit hindi niya alam na ito'y gumagana na at nakalink sa internet.

Sabik na binuksan ni Nathan ang kanyang computer.
Binuksan ang link ng CCTV ng kanyang bahay sa isang website.

Nakita niya ang kanyang asawa sa monitor. 
In high definition.
Nasa kanilang kwarto ito.
May kahalikan. Nakahubad.
Kasama ni Zyra ang kanyang bestfriend na si Carmi. Nakahubad rin.

Napailing si Nathan sa nakita. 
Nais niyang umiyak. 
Naalala niya ang bagong bili niyang baril. Balak niyang mag-undertime upang umuwi ng maaga.

May pakinabang ang CCTV sa bahay. 
Pati sa buhay.

 

1 comment:

  1. Medyo naasiwa ako dun sa pangatlo. Ganito siguro ang pakiramdam ng mga straight kapag nakakarinig o nakakabasa sila ng homosexual stories... *hahaha* Ang weird...

    I can't say na may sympathy ako kay Andrei. Karma niya yun. *hmpf*

    Pero dun sa unang iglap, grabe solid saksak sa puso't kaluluwa. :'(

    ReplyDelete