Monday, May 26, 2014

"Wala na Siya" (Malungkot na Istorya ng Pag-ibig)



 
www.dreamstime.com
"Wala na po siya!"

Tugon ng nurse na nasa information counter ng Santisima De Dios Hospital nang tanungin ni Ralph kung nasaan ang pasyenteng si Donna na nakaconfine sa Room 214.


Si Donna ay girlfriend ni Ralph for 8 years at napagkasunduan na nga nilang dalawa na magpakasal na sa susunod na taon. Ang magnobya ay punong-puno ng matatayog na pangarap. Kahit dalawang taon na silang nagsasama, maigi nilang pinagplanuhan ang pagpapamilya, sa katunayan ay nagtiis at nagpigil sila na mabuntis si Donna sa takot na mapurnada ang magagandang plano at pangarap nilang ito.


Ngunit ngayon ngang wala na si Donna paano na ang kanyang mga bukas na darating?
Sino na ang kasama niyang bumuo ng pangarap na sa tagal makumpleto ay tila jigsaw puzzle na may mga maliliit na piraso?
Paano ba siya gigising sa umaga kung wala na ang kaisa-isang dahilan ng kanyang pagbangon?
Sino na ang kasama niya tuwing gabi na bumilang ng mga bituin sa langit?
Paano ba siya bubuo ng tahanan kung ang haliging susuhay rito'y ipinagdamot ng tadhana?


Sapo-sapo ni Ralph ang kanyang noo tila ba mahuhulog ito kasabay ng mga luha niyang bigla na lamang pumatak nang marinig niyang wala na nga si Donna. Napasandal siya sa pader at walang lakas na napaupo at napahagulgol sa labis na galit at kalungkutan. Kung bakit naman kasi sa dinadami ng mga araw ay ngayon pang araw nawalan ng power ang battery ng kanyang cellphone. Marahil ay tumatawag sa kanya ang mga kapatid ni Donna nang mga sandaling nag-aagaw buhay ito, nakausap man lang niya sana ito kahit sa huling sandali. Marahil ay galit sa kanya ang ina ni Donna dahil sa pag-aakalang pinabayaan niyang bawian ito ng hininga habang pangalan niya ang hinahanap at tinatawag.


"Ngunit bakit hindi nila ako hinintay?" tanong ni Ralph sa sarili. "Bakit kinakailangang ilabas agad nila ng ospital si Donna ng hindi ipinaalam sa akin?"

Magulo ang isip ni Ralph. Naghahalong emosyon ang namamayani sa kanyang puso.

Kung gaano siya kasaya kaninang umaga, napalitan ito ng kawalan ng pag-asa.


Sana hindi na siya pumasok sa opisina.
Kaya pala nagdadalawang-isip siya ng umagang iyon, kaya pala tila may bumubulong sa kanyang isip na siya'y magdiretso na sa ospital. Kung alam niya lang na sa wala mauuwi ang kanilang pagsasama at pagluha ang katumbas ng lahat ng kanyang pagsisikap hindi na sana niya pinanghinayangan ang anumang kanyang kikitain at lahat ng ito'y ginastos at ginamit niya upang mapaligaya ang kinakasama.
Para saan pa ang kanyang mga naipon?
Sino na ang paglalaanan niya nito?


Alam ni Ralph maghahari na ang kalungkutan sa kanilang bahay na kailan lang ay halakhak nilang dalawa ang namamayani.
Magiging kalbaryo ang kanyang bawat araw. Magiging madilim ang kanyang gabi at pati na ang umagang darating.
Matagal bago muling mabuo ang pangarap na gumuho. Matagal bago muling makabangon mula sa pagkakadapa.
Hindi niya batid kung kailan sisilay muli ang napingasan niyang ngiti. Hindi niya alam kung kailan muling makakakita ng liwanag ang kanyang matang nahilam ng luha.


Kagabi lang galing siya sa ospital. Masaya pa silang nag-uusap ni Donna at halos hindi na nila na naging paksa ang kanyang karamdaman dahil tuluyan nang bumaba ang platelets ng nobya, sensyales na pawala na ang dengueng apat na araw nang nagpapahirap sa kinakasama. Pinag-usapan nila ang detalye ng kanilang kasal sa susunod na taon at planong pagbubuntis ng taon ding iyon, ang napipintong promotion ni Donna sa trabaho bilang manager ng Logistics Department sa kompanyang pinapasukan nito at ang balaking pagdu-Dubai ni Ralph sakaling may dumating na magandang oportunidad.


Kaya hindi sukat akalain ni Ralph na sa kisapmata'y wala na si Donna!
Wala na ang kanyang buhay, wala na ang kanyang bukas.
Marami nang dengue case kasi ang humantong sa 'di inaasahan at tumuntong sa biglaang kamatayan kahit sabihin pang bumuti na umano ang lagay ng biktima. Pag-aakalang umokay na ang pasyente ngunit sa kabila ng nakaantabay na mga nurse at doktor, availability ng mga medical equipment ng ospital ay hindi pa rin naisalba ang buhay ng dengue victim.


"Sir, sir..." tinatapik tapik ng nurse si Ralph na nakatungo ang ulo, nakasalampak sa sahig at nakasandal sa pader. Mugto ang nga mata, sumisinok sinok na halatang galing sa isang pag-iyak. Narinig niya ang nurse ngunit wala siyang pakialam sa sasabihin nito, bahagyang iniangat niya ang kanyang ulo.


"Sir, ang ibig ko pong sabihin ng 'wala na siya' ay nadischarge na po siya, si Ma'm Donna. Gusto na raw po niyang umuwi dahil gusto niya raw pong i-celebrate ang anniversary ninyo. Heto nga po 'yung waiver na pinirmahan niya kanina." mahabang paliwanag ng nurse.


Tulala si Ralph dahil sa narinig niya mula sa nurse.

Hindi niya alam kung ano ang kanyang magiging reaksyon.

Anniversary nila kahapon.

Monday, May 19, 2014

Isang Open Letter Tungkol sa Trapiko




Dear Mayors, MMDA, LTO and other officials concerned,


Alam naming hindi madali ang inyong trabaho, alam naming hindi madaling patinuin ang mga motoristang salbahe at walang respeto sa kalsada at alam din naming sumasakit na ang inyong ulo sa kung ano at papaano ang susunod ninyong istratehiya upang maibsan o mabawasan man lang ang lumalalang traffic situation sa Kamaynilaan. Pero alam naming merong kayong police powers and authority para disiplinahin ang napakaraming pasaway sa kalsada kaya kayo lang ang may kapangyarihan na maisaayos sa legal na paraan ang maligalig at magulong sitwasyon ng trapiko dito sa atin. Hindi katulad namin na simpleng mamamayan lang ng republikang aming kinabibilangan.


Kung talagang seryoso kayo na mapaluwag ang trapiko sa Kalakhang Maynila hindi lang dapat number coding ang mahigpit niyong ipinatutupad, maaaring makatulong sa pagluwag ng daloy ng trapiko ang pagpapatupad ng daytime truck ban pero malaking dagok naman ito sa ating ekonomiya at 'di lang natin gaanong pansin na apektado tayo nito.


May dahilan kung bakit nagpatayo ng napakaraming footbridge sa Kamaynilaan pero kapansin-pansin ang mga pedestrian na mas ninanais na tumawid sa ilalim nito (talamak ito sa kanto ng Abad Santos Ave. at Recto). Bakit hinahayaan ng mga magigiting ninyong traffic enforcers ang mga walang disiplinang pedestrian na ito na daan-daanan lang sila?
Takot ba sila na ipatupad ang batas?
O sumuko na rin sila sa kasasaway sa mga jaywalkers?
Masikip na nga ang kalsada sumasabay pa ang mga mababait na pedestriang ito. Kung ganoon pala bakit gumastos pa tayo ng milyon-milyong pisong halaga ng footbridges gayong masaya naman ang lahat na nakikipaglaro ng patintero sa rumaragasang iba't ibang sasakyan.


Baka nakakalimutan ng inyong opisina na hindi pa pinapayagan ang pedicab, tricycle at kuliglig sa mga main road (DILG Memo Circular 2007-01, Local Gov’t Code Sec. 447 & 458) kaya muli namin itong ipinapaalala sa inyo.

Pero bakit nagkalat sila sa ating mga pangunahing kalsada?
Mga pedicab/kuliglig na nakikipag-unahan sa lahat ng uri ng sasakyan at may pasaherong lampas pa sa kayang isakay ng ordinaryong taxi, mga tricycle na kaliwa't kanan kung mag-cut at mag-overtake na tila ayaw na nauungusan. Idagdag pa natin na ang mga ito ay walang prangkisa, hindi napipigilan ang pagdami, walang pakundangan sa pagmamaneho, walang pakialam sa batas trapiko at ang nakapagtataka ay hindi sila sinisita man lang ng mga opisyal ng alinmang traffic agencies o sinumang traffic enforcers.
Hindi masama ang magtrabaho pero hindi ba't ang batas ay ginawa at ipinatutupad para sa lahat?


Hari ng kalsada kung sila'y ituring, bakit nga ba hindi eh wala silang respeto sa kapwa nila motorista. Magsasakay at magbababa sa kahit saang lugar nila naisin, bigla na lang hihimpil at maghihintay sa pasaherong sampung kanto pa ang layo, hihinto sa pinakagitna ng kalsada kesehodang siya ang maging sanhi ng pagkabuhol-buhol na trapiko. Mga PUJ na akala mo'y asong gala na tatae na lang kung saan sila abutan, ayaw magbigay daan at sila pang galit kung iyong pagsasabihan. Tulad ng mga tricycle/pedicab/kuliglig driver may laya rin silang huminto kahit berde ang ilaw at aarangkada kahit na ito'y pula. Siyempre hindi naman lahat ng jeepney driver ay violator meron din namang matitino at panakanaka ay sumusunod sa batas trapiko pero ilang porsyento lang kaya sila? 
Sana. Sana lang ay mabigyang tuldok na ninyo ang lantarang paglabag ng mga astig na driver na ito.

Lahat na yata ng pagdidisiplina ay ginawa na ng inyong opisina sa mga unstoppable at higanteng mga buses pero tulad ng dati hindi sila nagpapatinag at nagpapaapekto sa anumang sanction at parusang kaya ninyong ipataw sa kanila. Kahit na kitang-kita naman na sila ang malaking bahagi nang dahilan ng pagsimula ng trapik kung saan sila bumibyahe o rumurota. Dalawang dambuhalang bus lang ang nakabalagbag sa kalsada ay tiyak nang makagagawa ng kilometrong pagsikip ng trapiko.
Pero kahit libong beses niyo man silang pagmultahin, suspendihin o alisan ng prangkisa sana 'wag kayong huminto sa pagdisiplina sa kanila.

Sa inyong kaalaman baka walang nag-iinform sa inyong opisina na:

- Maraming lugar sa Kalakhang Maynila kabilang na ang kahabaan ng A.Bonifacio Ave. mula Quezon City hanggang Lungsod ng Maynila ay tila pangkaraniwan na lang ang mga sasakyang nagka-counterflow; mula kuliglig o tricyle hanggang sa magagarang sasakyan, nandun sila sa tapat mismo ng North Cemetery makakakapal ang mukhang binabalandra ang kanilang kawalang galang. Ganito rin ang senaryong ginagawa ng mga motor at tricycle sa Fourth Avenue sa Caloocan City at sa Bonifacio Drive at R-10 sa Maynila at Caloocan.

- Lantarang ginagawang (ilegal) terminal ng mga tricycle o jeepney driver ang mga pangunahing kalsada na sa obvious na dahilan ay pinapayagan ng mga pulis at traffic enforcers. Sa A. Mabini St. sa Pajo, Caloocan, sa ilalim ng LRT partikular ang Abad Santos at sa R. Papa stations ay ilan sa mga halimbawa nito. Kung bakit naman din kasi pinapayagan ng kung sino na ang isang kalsada ay isara para sa liga ng basketball ay sila lang ang nakakaalam. Kaya hayun, dagdag sakit ng ulo sa inyo at sa amin.

- Bukod sa illegal terminal ng tricycle at jeepney, malaking perwisyo rin ang mga vendor at ang mga nakapark sa mga main road at secondary road. Hindi lingid sa inyo at sa atin na noong kapanahunan ni Chairman BF ay halos nasawata na ito pero ngayon tila umarangkada na naman ang mga illegal vendors at illegally parked vehicles sa halos lahat ng lugar sa Kamaynilaan. Sa Dangwa na bagsakan at bilihan ng mga murang bulaklak ay masikip ang trapiko kahit sa dis-oras ng gabi at ang dahilan nito ay ang mga nakapark na iba't ibang uri ng sasakyan; delivery van, mga sasakyan ng mamimili, at private vehicle ng mga stall owner. Samantalang sa magkabilang kanto ay hindi bababa sa tatlong traffic enforcer ang nakatalaga para magmando ng trapiko, galing 'di ba? Nilalaparan ba ng DPWH ang kalsada para gawing paradahan lang ng mga pribadong sasakyan?


Higit sa isandaang milyong na ang populasyon natin at napakalaking labingdalawang porsyentong Pilipino (more or less) ay nakakalat sa Kalakhang Maynila habang nasa siyam na milyon ang nakatalang nakarehistrong sasakyan sa LTO, hindi pa kabilang dito ang daang-libong mga sasakyang walang rehistro. Walang eksaktong numero kung ilang sasakyan ang naglipana sa Metro Manila pero tiyak na milyong bilang rin ito na nakikipagsiksikan at nakikipag-gitgitan sa malasardinas na kalsada ng Kamaynilaan. Kaya kung susumahin namin ang inyong trabaho siguradong resulta nito ay matinding sakit ng ulo.

Milyong sasakyan + masikip na kalsada + walang disiplinang motorista at pedestrian + baha sa tuwing maulan + inconsistent/unreliable traffic enforcer = Teribleng Trapiko.


Totoo ngang sa ikauunlad ng bayan ay disiplina ang kailangan. Subok na ito ngunit bakit hindi natin ito kayang i-apply sa ating sarili dahil magmula sa pinakamahirap na motorista hanggang sa mga taong may matataas na katungkulan sa pamahalaan ay tila walang pakundangang nilalapastangan ang batas sa lansangan.


Hanggang saan ba ang pagtitiis naming ito?
Hihintayin pa ba nating bansagan ng mga dayuhan, na ang kalsada ng Kamaynilaan ay "Roads of Hell"?
Hahayaan na lang ba nating babuyin at walanghiyain ng marami ang nakalatag na batas trapiko?
Ano na naman kaya ang susunod ninyong ipagbabawal sa kalsada?
Ano ba ang inyong susunod na komprehensibong plano upang lumuwag ang kalsada?

Kung iisipin at tutuusin, hindi natin kinakailangan ng karagdagan pang plano, polisiya o batas para maibsan ang masikip na traffic na araw-araw nating nararanasan dahil sapat na ang umiiral na mga regulasyon at batas. Dagdagan niyo lang sana ng kahigpitan at lagyan ng ngipin ang pagpapatupad nito sa lahat ng uri ng mamamayan mapamahirap o mayaman man ito. Sigurado, unti-unting magkakaroon ito ng progreso.

At kami bilang ordinaryong motorista at pasahero ay susunod, makikipagkoordinasyon at makikipagkooperasyon sa lahat ng pagkakataon para sa ikabubuti at kapakanan ng mas nakararami.

Hindi na siguro namin kailangan sabihin pa na ang katumbas ng bawat oras na pagkaantala sa traffic ay milyon ang halaga, hindi na siguro namin kailangang sabihin pa na may mga taong nagbuwis na ng buhay dahil sa pagkaburyong sa traffic, hindi na siguro namin kailangang sabihin pa na nagpapabagal sa pag-unlad ng ekonomiya ang traffic. Siguradong alam ninyo 'yan kaya nga kayo itinalaga at iniluklok sa posisyong hawak ninyo dahil sa malawak ninyong karanasan at kaalaman.

Maraming Salamat at sana’y mabigyang pansin ninyo ang bukas na liham na ito.


Lubos na umaasa,

Mga naiinip na motorista

Monday, May 12, 2014

Tatlong Iglap (mga kwentong iglap) 3.0



Unang Iglap: Sorpresa

Namintig ang aking dalawang paang nakaharap sa pintuan ng aming kwarto.
Hindi ko makuhang kumatok o ipihit ang doorknob ng pinto.
Kung gaano ako kasayang umuwi ng maaga galing sa opisina upang sa isang sorpresa ay ganoon naman ang bigat ng dibdib na akin ngayong nararamdaman.

Ikalimang anibersayo ng aming kasal ni Dianne ngayong araw.
Hawak ko ang sorpresang 'sang dosenang bulaklak sa kanang kamay at isang malaking Toblerone na tsokolate sa kaliwa.
Bihira ko itong gawin. Sa katunayan hindi ko na maalala kung kailan ko ito huling ginawa.
Hindi naman kasi ako sweet gaya ng ibang mga asawang lalaki.
Hindi ko ugaling ipakita ang pagmamahal na nararamdaman ko kay Dianne pero hindi ibig sabihin no'n naglaho na ang sinumpaang pag-ibig namin sa isa't isa limang taon na ang nakararaan.

Kung hindi nakunan si Dianne apat na taon na sana ang panganay namin. Subalit dahil sa kaabalahan sa trabaho hindi na nasundan pa ang kanyang pagbubuntis. Bilang supervisor ng isang BPO madalas nasa night shift ang trabaho ko. Maraming beses na niya akong kinumbinsing lumipat ng trabaho pero hindi ko sinubukan. Higit sa dose oras na wala ako sa bahay at madalas tuwing nasa bahay naman ako'y mas lamang pa ang inilalagi ko sa pagtulog kaysa pag-uusap naming mag-asawa.

Magkasama kami sa iisang bahay ngunit halos wala na kaming komunikasyon.

Akala ko ay okay lang 'yun kay Dianne.
Akala ko'y wala kaming problema.
Akala ko'y naiintindihan niya ang sakripisyo ko para sa pamilya.

Datapwat nitong nakaraang buwan ay pansin ko na ang malamig na pakikitungo niya sa akin. Ang dating malambing na si Dianne ay tila naging masungit. Naisip ko lilipas din 'yan tulad ng paglipas ng kayang sungit sa tuwing siya'y may buwanang dalaw.

Kaya naisip ko siyang sorpresahin sa araw na ito. Siguro buong akala niya nakalimutan kong anibersayo ng kasal namin ngayon.
Ikatutuwa niya ang dala kong rosas at tsokokate.
Ikatutuwa niya ang pagiging maalalahanin ko.
Ikatutuwa niya ang sorpresa ko.

Tila nakapako sa sahig ang aking dalawang paa sa mga boses na aking naririnig. Hindi ko ito maihakbang o maiangat man lang. Namanhid. Tulad ng mga pakiusap ni Dianne sa akin.
Halinghing at ungol mula sa aming kwarto ang pumupunit sa katahimikan ng hapon.

Sa kagustuhan kong makapaghatid ng isang sorpresa, ako ang siyang nasorpresa.

- - - - - 
Ikalawang Iglap: PM


"Tangina pare. Hindi mangyayari sa akin 'yan! Sa itsura kong ito hindi ako kayang ipagpalit ni Noemi sa kahit sinong lalaki." si Andrei ang nagsasalita. Kausap niya ang barkadang si Joed at Kevin na nagkataong pareho ang dinadalang problema.

Tulad ng dati, sa inuman nag-uusap ang magkakabarkada at doon magsisiwalat ng kanya-kanyang problema, biruan, yabang at hinaing sa buhay sa oras na sumapi na ang ispiritu ng alak.

"Kahit ilang beses na akong nahuling nangchi-chicks ni Noemi, okay lang 'yun sa kanya palagi niyang pinatatawad ang sorry ko."

Malakas ang loob ni Andrei na magyabang sa mga barkada. Mabait naman kasi si Noemi. Hindi katulad ng ibang mga babae na hindi ka na makakahirit pa ng isang pagkakataon kung ikaw ay nagkasala.

Magtatatlong taon na silang nagsasama ni Noemi. Kahit sakit ng ulo ni Noemi sa Andrei hindi niya magawang iwan ang lalaki, responsable naman kasi at good provider ng pamilya si Andrei. May isa silang anak si Kurt - isang taon na ito sa darating na Hunyo.

Pasado alas diyes na nang matapos ang inuman.

Pagkatapos maghilamos at magtoothbrush ay diretso na si Andrei sa kuwarto nilang magkalive-in. Hihiga na sana siya upang matulong nang mapansin niyang may ilaw ang netbook ni Noemi na kasalukuyang humihilik katabi ang kanilang anak na si Kurt.

Wala siyang planong basahin ang kung anuman ang makikita niya sa monitor ng netbook, ang gusto niya lang ay i-power off ito at hugutin mula sa pagkakasaksak sa kuryente.

Isashut down na sana ni Andrei ang netbook ngunit hindi niya naiwasang basahin ang PM sa Facebook ni Noemi mula sa ex-BF nitong si Paul John.

Paul John: Siguro mas okay kung gumawa tayo ng bogus account sa FB. Alam mo na, mas okay nang nag-iingat tayo mahirap nang magkaproblema tayo baka one of these days, accidentally mabasa ni Andrei ang mga messages natin. I don't want to be the cause of your problem 'coz all I want is you to be happy. We both know kung saan tayo lulugar pero sana mas madalas pa ang pagkikita natin. I have no problem yet kasi next year pa uuwi si Tina from Hong Kong kaya I have all the time to spend it with you. Just be careful. Alam ko hindi madali itong ginagawa natin and you are sick and tired with your philanderer husband hayaan mo once na dumating si Tina sasabihin ko na sa kanya na maghiwalay na kami, na I don't love her anymore, na meron nang ibang babaeng espesyal para sa akin. At ikaw 'yun.

Paul John: Still there?

Paul John: Honey?...

Sa mga nabasa ni Andrei, biglang-bigla nawala ang kanyang pagkalango sa alak.

- - - - - 
Ikatlong Iglap: CCTV


Hindi sa wala siyang tiwala sa kanyang asawang si Zyra kaya siya nagpalagay ng CCTV sa bahay. Batid rin naman niyang walang ibang lalaking pumapasok sa kanilang bahay dahil kung mayroon ay matagal na itong isinumbong ng pamangking si Fely na nagsisilbi ring maid ng pamilya.

Talamak kasi sa kanilang subdivision ang nakawan at akyat-bahay at ito talaga ang pangunahing dahilan kung bakit nagpainstall ng CCTV si Nathan. Bago lang silang mag-asawa, magdadalawang taon pa lang at halos isang taon pa lang sila sa bagong bahay nila sa Crescent Village sa Parañaque.

Maganda ang kanilang bahay. Dalawang palapag na may tatlong kwarto. Eksakto lang sa kanilang mag-asawa at sa kanilang isang anak. Dati silang taga Kawit, Cavite ngunit dahil laging late sa pinapasukang opisina sa Makati pumayag na rin silang kumuha ng bahay sa naturang subdivision sa rekomendasyon ng kumareng si Carmi.

Dahil matalik na magkaibigan ang asawang si Zyra at ang dalagang si Carmi madalas na nagpupunta ang huli sa bahay. Classmate ni Zyra si Carmi noong nasa kolehiyo pa sila. Si Zyra ay graduating student nang mabuntis ni Nathan samantalang si Carmi ay nakatapos ng pag-aaral at ngayo'y may magandang trabaho bilang interior designer sa developer ng kanila ring subdivision.

Simula nang mabalitaan ni Nathan na may niloobang bahay sa kanilang lugar, walong bahay mula sa kanilang kanto ay hindi siya mapakali. Ayaw niyang malagay sa panganib ang pamilya, ayaw niyang mauwi sa wala ang kanyang paghihihirap at pagsisikap. Kasabay ng paghahanap niya sa kompanyang mag-iinstall ng CCTV sa kanyang bahay ay ang pagbili niya ng lisensyadong baril na. 45 caliber.

Pinili niya ang CCTV na mayroong link sa internet para kahit saan siya mapunta ay mamomonitor niya ang kalagayan ng bahay at ng pamilya na rin.

Lunes. Alas diyes ng umaga sa opisina.
Unang araw na nainstala ang CCTV sa bahay nila Nathan. Itinawag lang ito sa kanya ng manager ng CCTV company na kanyang kinontrata. Bukod sa isang CCTV na nakaposisyon sa gate ng kanilang bahay, walong camera pa ang nakakalat sa loob ng kabahayan kabilang na ang isa sa loob ng kanilang kwarto.

Alam ni Zyra na may bagong CCTV na sa bahay nila ngunit hindi niya alam na ito'y gumagana na at nakalink sa internet.

Sabik na binuksan ni Nathan ang kanyang computer.
Binuksan ang link ng CCTV ng kanyang bahay sa isang website.

Nakita niya ang kanyang asawa sa monitor. 
In high definition.
Nasa kanilang kwarto ito.
May kahalikan. Nakahubad.
Kasama ni Zyra ang kanyang bestfriend na si Carmi. Nakahubad rin.

Napailing si Nathan sa nakita. 
Nais niyang umiyak. 
Naalala niya ang bagong bili niyang baril. Balak niyang mag-undertime upang umuwi ng maaga.

May pakinabang ang CCTV sa bahay. 
Pati sa buhay.