Monday, December 30, 2013

Dear 2014






Dear 2014,

Ilang oras na lang nandito ka na kaya naman lahat ng tao'y naghahanda sa pagsalubong sa'yo lalong-lalo na dito sa bansang mayaman sa kalamidad, hitik sa kwentong karahasan at siksik sa kasaysayan. Masaya at walang katulad ang selebrasyon dito sa kahit na anong okasyon lalo na sa tuwing sasapit ang ang bagong taon tulad ngayon;
- may mga bibili ng napakaraming paputok kahit kapos sila sa pambili ng pagkain,
- may magdiriwang at magpapakalango sa pag-inom ng iba't ibang uri ng alak na akala mo'y wala ng bukas,
- may magpapasikat na magpapalipad ng fireworks na pantanggal umano ng malas,
- may maghahain sa mesa ng 'sandosenang bilog na prutas na kanilang bibilhin kahit alam nilang overpriced at medyo bulok na dahil sa pag-aakalang suswertehin sila 'pag meron nito sa pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi.
At hindi na yata mawawala ang balita sa mga taong mapuputulan ng kani-kanilang spare parts sa katawan dahil sa katigasan ng ulo at kapabayaan at ang nakakalungkot may ilang magbubuwis ng buhay dahil sa pagiging iresponsable ng iilan na walang habas kung magpaputok ng kanilang kalibre. Tradisyon na raw kasi na dapat i-celebrate o ipagdiwang.


Marami na ang sabik sa'yo kabilang na ang kapitbhay kong tsimosa si Aling Conching dahil sa dala mo raw na bagong pag-asa, ika nga nila bagong taon katumbas ng bagong pag-asa. Sana nga ikaw na ang hinihintay namin sa mahabang panahon, sana nga hindi kami magkamali sa bago naming pag-aakala kahit alam naming napakaliit ng tsansang mababago mo ang nakagawiang sistema dito sa amin at napakaliit rin ng porsyentong mapagniningas mo ang naghihingalo naming ekonomiya na kinagisnan na ng aming mga ninuno sa isang iglap lang ngunit dahil resilient daw ang mga pilipino hindi kami agad susuko. Kahit nga ngayong huling bahagi na ng 2013 hindi pa rin kami bumibitaw at sumusuko, kumapit pa rin kami at sumampalataya na aalwan at giginhawa ang aming pasko at bagong taon.


Aaminin namin medyo bulag at sinungaling kami sa aming negatibong namamasdan sa paligid, alam naming hindi kami umaangat at umaasenso pero in denial pa rin kami dito, alam naming hindi pa hinog sa paghandle ng problema ang pangulo namin pero mataas pa rin ang gradong binibigay namin sa kanya, alam naming higit na marami ang nagugutom sa malaking bahagi ng bansa pero pinaniniwalaan pa rin namin ang isinasagawang huwad na survey - patay-malisya lang kami sa tunay na kalagayan ng bansa at naniniwala kaming lahat sa press release ng NEDA at gobyerno partikular ang Malacañang.


Sana 2014 wag mo kaming biguin 'wag mong gayahin si 2013 at 'yung napakaraming taon bago pa siya sana may dala kang swerte at magandang kapalaran para sa amin sawa na kami sa kamalasan, delubyo at karahasan. Sana kahit hindi mo ganap na mabago ang aming kapalaran 'wag mo kaming paasahin lang. Batid naming hindi ito madali at lahat ng aming inaasahan ay hindi magagawa ng overnight pero sana hindi mo kami mabigo sa ilang mga bagay, kahit kaunti lang please naman makita lang namin na medyo mabawasan ang bilang ng nagugutom na pamilya ay okay na sa amin 'yun. Kung pwede lang 'wag ka nang magsama ng super bagyo, super lindol at super storm surge sa kabuuan ng 12 months na pagstay mo sa amin - hassle kasi 'yun, hindi na nga kami umaasenso nababawasan pa ang production namin ng gulay, prutas at bigas and the worst is bukod sa bilyon-bilyong pisong damage sa amin, libo-libo pa ang namamatay sa tuwing may ganitong natural calamities. Hindi ko ito tatawaging Acts of God dahil 'pag ganun ang term parang biniblame natin si God sa lahat ng 'di magandang nangyayari sa ating bansa.

Very obvious naman na gusto na naming limutin at iwan ang puno ng kamalasan na si 2013, hindi naman kasi maikakaila na ang papalitan mo sa pwesto ay tila may dalang sumpa. Sa loob lang ng tatlong buwan quota na agad kami sa mga delubyo at debastayon nagkaroon ng madugong digmaan, mapangwasak na lindol at walang kasing lupit na super bagyo, idagdag ko pa ang panaka-nakang sakuna sa kakalsadahan tulad ng mga bus, mga asasinasyon at bangayang involved ang magigiting naming pulitko. Okay naman na magkaroon kami ng bagyo given na kasi 'yun sa katulad naming tropical country pero 'wag naman 'yung katulad ni Yolanda na singbilis yata ng F1 na sasakyan ang hangin o lindol na kasing-level ng Hiroshima Bombing during World War 2; makabangon at makabwelo man lang kami mula sa aming pagkakadapa mula sa trahedya at sakuna.

O mahaba na ito, to sum it up simple lang naman ang hiling naman sa'yo, less calamities, less violence, less controversies, less corruption at less mistakes from the government at more blessings.

2014, Welcome to our home.
Goodluck and may the good vibes you carry will stay throughout the whole year!

Hoping and anticipating,

A Filipino citizen


P.S.
Kung hindi man totally mawala, sana man lang ay mabawasan ang mga taong mahilig sa selfie pagdating mo; tama nang naging word of the year ito sa Oxford, tama na ang isang buong taong naflood ang aming Social Networking site nito, itigil na ang walang humpay na GGSS ng marami. Sabi nga ni Chris Tiu, 'The youth should do more than selfie.' at sana maging productive din sila at 'wag tumulad sa aming mga pulitiko.

Thursday, December 19, 2013

Letrang "R"



Tila nagmumura mula sa kanyang matayog na kinalalagyan ang napakalaking letrang 'R' na logo ng kabubukas lang na mall sa aming lugar. Lalo pang nagmumukha itong maangas tuwing sasapit ang gabi dahil nangingibabaw ang kanyang liwanag sa rami ng kanyang ilaw. Maraming nagsasabi na ang pagkakatayo ng mall na ito ay senyales daw ng pag-unlad ng aming lugar. At sa tulad ng isang 'di kalayuang siyudad sa Bulacan na aking tinitirhan pribilehiyo na maituturing para sa mamamayan nito na mamalas ang pag-asenso at pag-angat (daw) ng aming lungsod.


Noong nakaraang taon lang tanaw ko pa ang lupaing ito na hitik sa mga puno, malawak ang taniman ng gulay, prutas at palay, may malinis na hangin, mga kalabaw na katuwang sa pagsasaka ng mga magsasaka at pawid na kubo na kanilang tahanan at pahingahan. Saksi ako at ng marami sa kanilang pagtatanim sa gitna ng tirik na araw, pag-ani ng gulay, prutas at palay sa panahon ng anihan.


Sa loob ng humigit kumulang limang dekada ay hindi lang nakatulong ang bukid na ito sa mga pamilya ng sumasaka nito kundi malaki rin ang naging pakinabang ng maraming tao dito sa aming lalawigan at sa ilang bahagi ng Kamaynilaan. Ngunit ngayon nga'y iba na ang tanawin dito; sementado na ang dating luntiang palayan na paradahan ng mga parokyano ng mall, ang tahimik na lugar ay naging maingay sa dami ng tao at sasakyang labas-pasok dito at sa isang iglap naglaho ang sariwang simoy ng hangin.


Sa lawak ng dating bukiring ito kaya nito noong makapagproduce ng libo-libong tonelada ng prutas, gulay at bigas. Mga lokal na produkto na pangunahin nating pagkain na sa loob ng maraming mga taon ay nagsalba sa gutom at ekonomiya ng aming bayan pero nakapagtatakang hindi nang pamilya ng mga sumasaka nito. Sa mahal ng halaga ng binhi, abono at idagdag pa ang mapagsamantalang negosyante na bumabarat sa kanilang mga pananim halos wala nang natitira pang kita para sa pamilya ng magsasaka.


Kung sapat lang sana ang ayuda at suporta ng pamahalaan para sa mga magsasaka dito sa Gitnang Luzon hindi na aabot sa puntong ibebenta sa napakamurang halaga ang mga lupain at sakahan ng mga pobreng magsasaka sa mga developer ng subdivision o ng mga higanteng mall katulad ng may-ari ng napakalaking letrang 'R' na mall na aking tanaw-tanaw. Ngayon, saan kaya kukuha ng kapunuan ang gobyerno sa libong tonelada ng palay at gulay na nawala dahil sa pagtatayo ng mall na ito?
Hindi malayong mangyari na sa hinahaharap halos lahat ng ating kakanin ay inaangkat na natin sa bansang Tsina, Vietnam, Malaysia, Indonesia, Amerika at iba pang bahagi ng mundo. May pagpapahalaga kasi ang pamahalaan nila sa usaping agrikultura hindi tulad dito sa atin.


Kunsabagay hindi rin natin masisisi ang mga magsasaka kaysa nga naman magpagod at makinabang lang ang mga ganid na negosyante sa kanilang paghihirap at pagsisikap mas mabuti para sa kanila na maging pera ang kanilang ekta-ektaryang lupain. Naghahanapbuhay at nagpapakapagod sila para kumita hindi para malugi.

Sa unang araw ng pagbubukas ng mall na may malaking logo ng letrang 'R' dagsa ang mga tao, masikip ang trapik - parang piyestang bayan sa buhos ng mga mamimiling sabik sa lamig at laman ng mall na gumagayuma sa lahat ng uri ng mamamayan, ang dating limang segundong paghagibis ng mga jeep ay tila naging habangbuhay dahil sa maraming tumatawid, paghihimpil at paghihintay nila sa mga pasahero, ang pagbubukas nito'y tila pinilit at pinaabot sa nalalapit na kapaskuhan. Inaasahan ko na iyon. Dahil sa panahong ito walang pakundangan ang mga tao sa paggastos hindi alintana sa darating na malaking bills sa kanilang mga credit card - kakamot sa ulo mababaon sa utang.


May pakinabang din naman ang mga tao sa tuwing may nagbubukas na mga malalaking establisimyentong ito tulad ng mall; kapalit nang pagkawalan ng mapagkakakitaan ng mga magsasaka, pagkawala ng matabang lupang sakahan at paglahong parang bula ng tonelada sanang prutas, gulay at bigas ay ang pag-empleyo ng daan-daang tao ng siyudad. Kakayod ng higit sa walong oras para sa humigit kumulang limangdaang piso na pagkatapos ng anim na buwan ay walang kaseguruhan kung sila'y muling kukuning empleyado.


Sa 'di kalayuan tanaw ko naman ang higit na malaking palayan at bukiring hitik sa mga puno, malawak na taniman ng gulay, prutas at palay, may malinis na hangin, mga kalabaw na katuwang sa pagsasaka ng mga magsasaka at pawid na kubo na kanilang tahanan at pahingahan.  Na maaaring sa susunod na mga taon ay pagtatayuan na rin ng isa pang higanteng mall na kanilang kakumpitensya; na sa letrang 'S' naman nag-uumpisa.

Monday, December 16, 2013

Dukhang Pasko, Pasko ng Dukha

Sa susunod na linggo, pasko na.

“Ano naman ngayon?” sa isip ko. Ano bang espesyal at ipinagkaiba nito sa mga araw kong lumipas. Ah alam ko na, madadagdagan lang ang inggit na aking nararamdaman. Makakakita na naman ako ng mga magagandang mga damit, mga bagong laruan at masasayang mga bata sa kalsada. Makaririnig ng mga batang nangangaroling, mga awiting pamasko at nagtatawanang mga kabataan dahil sa hawak nilang pera at aginaldo.

Masaya ang pasko pero hindi para sa akin, hindi para sa mga tulad ko. Ano ba ang dapat kong ikasaya? Habang ang maraming mga tao ay nabubundat sa pagkain ng karne, heto kami binubusog ang sarili sa bip pleybor na instant nudols at tig-pipisong pandesal ni Mang Kardo. Habang nag-aabutan kayo ng inyo-inyong regalo, naghahanap naman ako ng kalakal sa basurahan sa kahabaan ng R-10.


Sa araw na ito, may mangingilan-ngilan na mag-aabot sa akin ng barya, ng prutas at ng tira-tira nilang pagkain; mga taong magpapakita ng simpatiya at awa pero lahat nang iyon ay pangsamantala lang. Pakitang tao, kumbaga, para kunwari maipadama sa amin ang diwa kuno ng pasko. Ano ba talaga ang diwa ng pasko? Alam niyo ba ang kahulugan ng diwa? Ano ba talaga ang pasko? Sa pagkakaalam ko ang diwa ng pasko ay pagpapakumbaba, katulad ng pagpapakumbaba ng sanggol na isinilang sa sabsaban. Kung papaanong nakonbert sa komersyalismo ang pagdiriwang nito ay kagagawan ng mga taong gustong makuha ang salaping inyong pinagkakitaan.


Naiisip ko swerte pa ang mga biktima ni Yolanda sa Leyte at Samar. Lahat yata sila dun nakakatanggap ng biyaya; mga pagkain, tsokolate, gatas, damit saka pera, may mga bago at imported pa nga. Buong mundo nagtutulungan para sila makaahon sa kanilang kinasadlakan – parang sila lang ang taong nangangailangan ng tulong.


Kami ditong nakatira sa gilid at sa mismong kalsada, sa kariton, sa ilalim ng tulay kailan kaya makakatanggap ng biyaya? Dati pa naman may naghihirap, dati pa naman may nangangailangan ng kalinga, dati pa may nagugutom pero sa isang iglap ang lahat na yata ng atensyon nakapokus sa iisang lugar lang.


Sana nabiktima na lang ako at ng aking pamilya ng kalamidad baka sakali maambunan kami ng bumubuhos na biyaya. Hindi ko sinasabing hindi nila kailangan ng tulong, ang himutok ko lang kung talagang taos sa mga tao ang pagtulong wala sana silang pinipiling kalagayan. Porke ba ikswater at salot kami sa Maynila wala nang magmamalasakit sa amin. Hindi ako tamad, sa katunayan patuloy akong naghahanap ng trabaho at mapagkakakitaan pero sa tuwing makikita pa lang ang hilatsa ng pagmumukha ko pinalalayas na agad ako sa kompanyang nais kong pagtrabahuhan. Kunsabagay, mababang uri kasi kami ng tao.


Sa tuwing makikita ko ang kumikislap at patay-sinding krismas layt sa bintana ng mayayamang bahay na aking nadadaanan habang tulak-tulak ko ang aking kariton, alam niyo kung ang nararamdaman ko? Pagkaawa. Naaawa ako hindi na lang sa sarili ko kundi sa ibang mga mahihirap na may malalang karamdaman, hindi na nga nila makuhang bumili ng kahit ‘sang pirasong anti-bayotik sa sakit nila lalo pang nadagdagan ang sakit nila sa tuwing sumasapit ang kapaskuhan. ‘Pag pasko raw dapat ay nagbibigayan. Bakit ganun? Hindi ba pwedeng magbigayan ang lahat kahit hindi araw ng kapaskuhan?


‘Tangina tama nang drama. Maghahanap pa ako ng maikakalakal sa basura.

Pasko? Lilipas din ‘yan.

Tuesday, December 10, 2013

"Kagalang-galang"



Sa plate number pa lang ng sasakyan malaki na ang pagkakaiba natin, siyete o otso ang sa akin, ang sa inyo naman ay ewan ko, wala akong pakialam at 'di ko gustong malaman. Kaya 'wag na ninyong ipilit ang pagkakapantay-pantay ng bawat isa dahil simula pa lang na maisulat ang kasaysayan ng tao ay nakatakda nang may maghirap at maging alipin at may mayamang makapangyarihan na tulad ko ang mananatili at maghahari dito sa daigdig na iyong kinabibilangan.
Ang gaya ko ang bumabalanse sa pag-inog ng mundo.


'Wag kang magtaka kung ang lahat ay hinahawi sa tuwing sasakyan ko'y dumadaan o mabigyan ako ng special treatment saan mang kalsada ako mapadpad o VIP kung ako'y ituring anumang okasyon ang aking mapuntahan. Hindi ko rin kailangang huminto sa pulang ilaw ng trapiko para na rin sa aking kaligtasan dahil ang buhay ko'y mahalaga kumpara sa kung kanino lang.
Ang pangalan ko ay simbolo at sagisag ng tagumpay, pulitika, pera at kapangyarihan.


Anong magagawa ko kung halos lahat ng aking angkan at ninunong may kapareho kong pangalan ay mamahalin ng mga gunggong na dumidiyos sa akin? Marahil ay dahil sa napakahusay na serbisyong aking ipinapakita sa kanilang lahat, na aking mga kababayan.
Anong magagawa ko kung ang mga katulad ko ang takbuhan sa oras ng pangangailangan ng mga timawa, pobre at hampas-lupa? Siguro'y alam nilang likas akong matulungin sa aking kapwa.
Anong magagawa ko kung patuloy nila akong hinahalal kahit na iilan lamang ang naipasa kong batas at iilang beses lang din akong nakaattend ng session? Sa mga panahong iyon malamang nag-iisip ako ng pagkakakitaan ikakaasenso ng ating bayan.


Hindi ko kasalanan kung sa halagang tatlong daang piso o isang supot ng bigas na may kasamang groceries ay ipagpapalit nila ang kanilang boto. Sa mga taong kumakalam ang sikmura mahalaga na madugtungan ang kanilang buhay kahit dalawa o tatlong araw lang. Kaya 'wag na kayong lubusang umasa ng matinong pagbabago dahil sa simula pa lang hindi na maganda ang ating pagtitinginan; tingin ko sa inyo'y mapagsamantala samantalang tingin niyo sa akin'y gahaman. 'Wag na tayong magplastikan pa.


Tuwing ikatlong taon, maraming talumpati na nang pagbabago ang aking nabigkas, ilang pag-unlad at kapayapaan na rin ang aking naipangako at kahit ilang libong ulit ko pa itong hindi tuparin sigurado maiintindihan at mauunawaan pa rin ako ng mga kababayan kong may mataas na pagtitiwala at pagmamahal sa aking talino at kakayahan.
Batid din naman kasi nila na tulad ng pangarap, hindi lahat ng pangako ay natutupad. Tulad ko, sila rin ay maunawain.


Marami ang may ayaw sa akin, marami ang nasusuklam sa aking pagkatao, marami ang tumutuligsa sa aking mga ginagawa pero higit na marami ang nagmamahal sa akin! Dapat ay wala nang kumuwestiyon pa nito dahil ang paglilingkod ko at ng aking angkan ay aabot na sa pitumpung taon iyon din ang dahilan kung bakit nakadikit na ang pangalan namin sa lungsod at bayan ng lalawigang ito. Kung walang nagmamahal sa amin hindi kami magtatagal ng maraming dekada sa puwesto at nais kong ipaalala sa lahat na hindi political dynasty ang tinataguyod namin kundi ang serbisyong may dedikasyon at de-kalidad .


Wala akong pakialam kung ang ibigay niyo sa akin ay takot o huwad na respeto dahil ang mahalaga sa akin ay makakuha ng simpatiya, ang hindi mapahiya sa mata ng madla, at maiangat mula sa paghihirap ang bayang aking sinasakupan. Kung "kailan?" ang tanong niyo, 'wag kayong mainip darating tayo diyan. Ika nga, patience is a virtue. Samantala, makontento muna kayo sa serbisyong inihahatid at ipinagkakaloob sa inyo. Huwag niyo muna akong gambalain dahil abala ako sa pagpapatakbo ng aking mga negosyo.


Hindi madaling itanggi ang masangkot sa multi-milyong pisong pork barrel scam o Malampaya fund scam o fertilizer fund scam kahit na sumasampal sa pagmumukha ko ang napakaraming papeles, ebidensiya at testigo hindi pa rin ako kayang makasuhan, maihabla, maipakulong at mapatunayang may pagkakasala. Dahil ang katotohanan, inosente talaga ako sa lahat ng kanilang akusasyon hindi ko kayang gawin iyon sapagkat kung may taong nagmamalasakit sa bayang ito, ako lang iyon!


Walang sinuman ang may karapatang i-freeze ang lahat ng aking kayamanan at ari-arian dahil lahat nang aking yaman at salapi ay mula sa lehitimo kong negosyo. May permit ng DENR ang aking trosohan at mining business, wala akong kinalaman sa gambling activities dito sa aking nasasakupan at mariin kong pinabubulaanan na nagkakamal ako ng isang milyong piso kada linggo bilang proteksyon sa gambling lord, pamumulitika lamang ang nakikita kong dahilan nang panggigipit nila sa akin dahil ako'y nasa kabilang partido.


Ngayong pinagtibay na ng Supreme Court na ang pork barrel fund naming kongresista at senador ay ilegal, paano ko na ngayon matutulungan ang aking mga constituent?
Saan ako kukuha ngayon ng pondo para sa kanilang medisina at pagpapaospital?
Saan ako maghahagilap ng pondo para sa pagpapalibing ng mga namatay kong kababayan?
Saan ako didiskarte ng pondo para sa pagpapaaral ng mga iskolar ng aking nasasakupan?
Paano na ngayon maipagpapatuloy ang magandang adhikain at simulain ng foundation na aking sinusuportohan?
Tuwing summer, saang bulsa ako dudukot para sa pondo ng bola, tropeyo at uniporme ng mga kabataang mahihilig sa away sports?
Kung walang magagawang alternatibong pondo para sa mga nabanggit kong proyekto 'wag niyo nang asahan na makakatulong ako sa mga mapagsamantalang aking constituent, uulitin ko wala na kaming Countrywide Development Fund.


Magpapasko pa naman at tulad ng nakaraang mga pasko sigurado dadagsa at magkukumahog na naman sa aking opisina ang mga timawa, pobre at hampaslupa na aking mga kababayan na hihingi ng mga aginaldo at tulong pinansyal upang may maihain na masarap na putahe sa kanilang hapag-kainan kahit man lang daw 'sang beses isang taon, parang ninong na kasi kung ako'y kanilang ituring. Sa pagkakataong ito mas malamang na mabigo sila dahil wala na akong mapagkukunan ng kanilang bisyo at luho sa ikatlong beses aking uulitin WALA NA KASING COUNTRYWIDE DEVELOPMENT FUND at hindi ko kayang ipamahagi nang basta na lamang ang aking yaman at pera dahil para iyon sa akin, sa aking pamilya at sa kanilang kinabukasan.


Sa kabila ng mga kalokohan, kabalastugan, katiwalian, pagkasuwail at pagtataksil ko sa bayan mananatili at mananatiling nakakabit sa aking pangalan ang salitang KAGALANG-GALANG. 
 
Gradong makukuha ng pulitikong kagalang-galang

Tuesday, December 3, 2013

Paskong OFW

Ang akdang ito ay isang pagpupugay sa ating mga Bagong Bayani

Galing sa Google Images ang larawan

Disyembre na. Ilang araw na lang pasko na.
Habang abala ang marami sa paglalagay ng mga ilaw at dekorasyon sa kani-kanilang bahay heto ako pilit na nililibang ang sarili sa mga bagay na lahat ay pansamantala lang. Habang abala ang marami sa pagbili ng mga gamit at damit na gagamitin at isusuot sa espesyal na araw ng pasko heto ako kinukuntento ang sarili sa kung ano ang mayroon lang. Habang abala ang lahat sa pamimili ng aginaldo sa pamilya, kaibigan at kaanak heto ako pinanghihinayangan ang bawat dolyar na gagastusin para sa aking mismong sarili.


Gamit ang aking ipinadalang pera alam ko makakatulong ito upang makapaglagay ng ngiti sa mga labi nila, alam ko dahil dito mabibigyan ko sila ng kakaibang sigla at saya. Samantalang ako'y mag-aabang na lang ng kanilang ipo-post o ipadadalang masasayang larawan para kahit papaano'y maibsan ang lumbay na aking nararanasan, maghihintay ng lima hanggang sampung minutong tawag mula sa pamilya na kadalasan ay ipinagkakait pa.


Sa kabila ng aking mga ngiti sa mga kaibigan at kasama nagkukubli ang mga luhang may pagnanais na kumawala, sa kabila ng malulutong kong mga halakhak ay nagbabadya ang pagsambulat ng tinatago kong kalungkutan. Sa kabila ng pinapakita kong katatagan ay laging nakaamba ang pagkaguho ng aking lakas ng loob, sa kabila ng pinapamalas kong pagkamanhid ay maaninag sa aking mga mata ang pagkasabik na muling makabalik at makapiling ang mga mahal sa buhay.


Sa araw ng pasko isusuot nila ang magagara nilang mga kasuotan habang magtitiyaga naman ako sa luma at mumurahing damit. Masaya silang mamamasyal sa mall at sinehan habang aking nilalampaso ang sahig nang aking tinitirhan. Kasama nila ang kanilang mga barkada at kaibigan ako naman'y kapiling ang cellphone at unan pinalilipas ang lungkot ng maghapon at magdamag. Masasarap na pagkain ang kanilang nasa hapag-kainan habang pinagkakaitan ko ang aking sarili na bilhin ang nais kong burger, pizza at lasagna.


Ngunit handa akong magtiis para sa kanila hindi ko man nais at kagustuhan ang malayo sa pamilya ito lang ang tanging paraang alam ko upang magkaroon sila ng masaganang pasko. Kahit wala ako sa kanilang mga bisig gusto ko pa ring maipadama ang pagmamahal ko sa kanila; kapalit ng aking halik ay pera, kapalit ng yakap ko'y padala. Sapagkat ang lahat ng mga pagsisikap at sakripisyo ko ang unti-unting bubuo sa pangarap ko sampu ng aking pamilya, pangarap na tila mailap at mahirap kamitin.


Pinipilit kong iwasang makinig sa mga awiting pamasko dahil alam kong makakapagdagdag lang ito ng aking pagkalumbay pero minsan hindi ko rin magawa tila ba may halina at gayuma ang himig pamasko na kukurot sa aking puso. Ibinabalik ako nito sa aking pagiging musmos, ibinabalik nito ang lahat ng alaala na kapiling ang aking mga mahal sa buhay. Kung mayroong araw na higit ko silang mamimiss, kung mayroong araw na nais ko silang makasama, kung mayroong araw na mahalaga para sa pamilya, pasko ang araw na iyon.


Nakakasawa na ang mga tanong na: "Magkano ang iyong pinadala?" o "Nabili mo na ba ang gusto kong cellphone/gadget?" o "May tsokolate at branded na damit ba sa pinadala mong balikbayan box?" o "Baka kalimutan mo ang bilin ko sa'yo ha?" Sana kahit isang araw man lang marinig ko mula sa puso nila ang mga katagang: "Kumusta ka na? Namimiss ka na namin" o "Mahal na mahal kita, sana dito ka na lang palagi". Sana kahit isang araw man lang hindi tungkol sa pera ang paksa ng usapan. Sana madama at maunawaan nila kung gaano katindi ang lungkot na aking nadarama sa araw na ito, kung gaano kalungkot ang mawalay sa mga taong mahal mo.


Ilang pasko na nga ba akong ganito?
Ilang pasko ko nang sinasanay ang aking sarili sa ganitong kalagayan?
Hindi ko na mabilang. Ayaw ko nang bilangin. Ngunit alam ko darating ang panahon na lahat ng aking pagtitiis ay mapapalitan ng tagumpay, higit pa sa kaligayahan ang sa akin ay naghihintay at ang mga paskong aking namiss sa piling ng mga mahal sa buhay ay 'di ko na ulit papayagang mangyari.


Ah, sa ngayon magtitiis muna ako dito malayo sa pamilya na aking pinagmumulan ng aking lakas at kahinaan. Kailangang magtiis para sa mga magulang na nangangailangan ng atensyong medikal at medisina, kailangang magtiis para sa magandang kinabukasan ng mga anak, kailangang magtiis para sa mga kaanak na tila walang hanggan kung ikaw ay asahan. Malayo sa bayang tila walang kongkretong plano at walang handog na matinong buhay at kinabukasan para sa kapwa ko pilipino.


Disyembre na. Ilang araw na lang bagong taon na.
Ilang araw na lang matatapos na ang pasko pero tiyak hindi ang kalungkutan ko. Kailangan kong tanggapin na kailangan kong magsakripisyo para sa aking pamilya. 
Patuloy na mangangarap at aasa na sa susunod na mga pasko habangbuhay ko na silang makakasama.