Tuesday, December 3, 2013

Paskong OFW

Ang akdang ito ay isang pagpupugay sa ating mga Bagong Bayani

Galing sa Google Images ang larawan

Disyembre na. Ilang araw na lang pasko na.
Habang abala ang marami sa paglalagay ng mga ilaw at dekorasyon sa kani-kanilang bahay heto ako pilit na nililibang ang sarili sa mga bagay na lahat ay pansamantala lang. Habang abala ang marami sa pagbili ng mga gamit at damit na gagamitin at isusuot sa espesyal na araw ng pasko heto ako kinukuntento ang sarili sa kung ano ang mayroon lang. Habang abala ang lahat sa pamimili ng aginaldo sa pamilya, kaibigan at kaanak heto ako pinanghihinayangan ang bawat dolyar na gagastusin para sa aking mismong sarili.


Gamit ang aking ipinadalang pera alam ko makakatulong ito upang makapaglagay ng ngiti sa mga labi nila, alam ko dahil dito mabibigyan ko sila ng kakaibang sigla at saya. Samantalang ako'y mag-aabang na lang ng kanilang ipo-post o ipadadalang masasayang larawan para kahit papaano'y maibsan ang lumbay na aking nararanasan, maghihintay ng lima hanggang sampung minutong tawag mula sa pamilya na kadalasan ay ipinagkakait pa.


Sa kabila ng aking mga ngiti sa mga kaibigan at kasama nagkukubli ang mga luhang may pagnanais na kumawala, sa kabila ng malulutong kong mga halakhak ay nagbabadya ang pagsambulat ng tinatago kong kalungkutan. Sa kabila ng pinapakita kong katatagan ay laging nakaamba ang pagkaguho ng aking lakas ng loob, sa kabila ng pinapamalas kong pagkamanhid ay maaninag sa aking mga mata ang pagkasabik na muling makabalik at makapiling ang mga mahal sa buhay.


Sa araw ng pasko isusuot nila ang magagara nilang mga kasuotan habang magtitiyaga naman ako sa luma at mumurahing damit. Masaya silang mamamasyal sa mall at sinehan habang aking nilalampaso ang sahig nang aking tinitirhan. Kasama nila ang kanilang mga barkada at kaibigan ako naman'y kapiling ang cellphone at unan pinalilipas ang lungkot ng maghapon at magdamag. Masasarap na pagkain ang kanilang nasa hapag-kainan habang pinagkakaitan ko ang aking sarili na bilhin ang nais kong burger, pizza at lasagna.


Ngunit handa akong magtiis para sa kanila hindi ko man nais at kagustuhan ang malayo sa pamilya ito lang ang tanging paraang alam ko upang magkaroon sila ng masaganang pasko. Kahit wala ako sa kanilang mga bisig gusto ko pa ring maipadama ang pagmamahal ko sa kanila; kapalit ng aking halik ay pera, kapalit ng yakap ko'y padala. Sapagkat ang lahat ng mga pagsisikap at sakripisyo ko ang unti-unting bubuo sa pangarap ko sampu ng aking pamilya, pangarap na tila mailap at mahirap kamitin.


Pinipilit kong iwasang makinig sa mga awiting pamasko dahil alam kong makakapagdagdag lang ito ng aking pagkalumbay pero minsan hindi ko rin magawa tila ba may halina at gayuma ang himig pamasko na kukurot sa aking puso. Ibinabalik ako nito sa aking pagiging musmos, ibinabalik nito ang lahat ng alaala na kapiling ang aking mga mahal sa buhay. Kung mayroong araw na higit ko silang mamimiss, kung mayroong araw na nais ko silang makasama, kung mayroong araw na mahalaga para sa pamilya, pasko ang araw na iyon.


Nakakasawa na ang mga tanong na: "Magkano ang iyong pinadala?" o "Nabili mo na ba ang gusto kong cellphone/gadget?" o "May tsokolate at branded na damit ba sa pinadala mong balikbayan box?" o "Baka kalimutan mo ang bilin ko sa'yo ha?" Sana kahit isang araw man lang marinig ko mula sa puso nila ang mga katagang: "Kumusta ka na? Namimiss ka na namin" o "Mahal na mahal kita, sana dito ka na lang palagi". Sana kahit isang araw man lang hindi tungkol sa pera ang paksa ng usapan. Sana madama at maunawaan nila kung gaano katindi ang lungkot na aking nadarama sa araw na ito, kung gaano kalungkot ang mawalay sa mga taong mahal mo.


Ilang pasko na nga ba akong ganito?
Ilang pasko ko nang sinasanay ang aking sarili sa ganitong kalagayan?
Hindi ko na mabilang. Ayaw ko nang bilangin. Ngunit alam ko darating ang panahon na lahat ng aking pagtitiis ay mapapalitan ng tagumpay, higit pa sa kaligayahan ang sa akin ay naghihintay at ang mga paskong aking namiss sa piling ng mga mahal sa buhay ay 'di ko na ulit papayagang mangyari.


Ah, sa ngayon magtitiis muna ako dito malayo sa pamilya na aking pinagmumulan ng aking lakas at kahinaan. Kailangang magtiis para sa mga magulang na nangangailangan ng atensyong medikal at medisina, kailangang magtiis para sa magandang kinabukasan ng mga anak, kailangang magtiis para sa mga kaanak na tila walang hanggan kung ikaw ay asahan. Malayo sa bayang tila walang kongkretong plano at walang handog na matinong buhay at kinabukasan para sa kapwa ko pilipino.


Disyembre na. Ilang araw na lang bagong taon na.
Ilang araw na lang matatapos na ang pasko pero tiyak hindi ang kalungkutan ko. Kailangan kong tanggapin na kailangan kong magsakripisyo para sa aking pamilya. 
Patuloy na mangangarap at aasa na sa susunod na mga pasko habangbuhay ko na silang makakasama.

2 comments:

  1. Awww.. sir! *tap on the back*

    Saludo po talaga ako sa mga taong gaya nyo na handang magsakripisyo at mawalay ng matagal sa pamilya para lamang maibigay sa kanila ang maalwan at masaganang buhay.

    Cheer up sir, maraming means naman ngayon para kayo ay makipag communicate sa kanila dito sa Pinas. Although, iba pa rin yung feeling ng personal mo silang makakausap at mahahagkan. Pero maging thankful na rin tayo sa technology dahil gaano man kayo kalayo sa inyong loved ones, eh pinaglalapit kayo nito.

    Prayers lng po sir!

    Advanced Merry Christmas po!

    P.s.
    Pakinggan nyo po yung Sa Araw ng Pasko by All Star Cast :))

    ReplyDelete
  2. oo nga, mas bagay nga yung song na sinuggest mo :) at ayan pinalitan ko na. thanks.

    this article is a tribute to all ofw, as the disclaimer says. hehe, hindi po ako OFW but nakakarelate naman ako somehow dahil marami akong friends and relatives abroad.

    merry christmas din.

    ReplyDelete