Thursday, August 15, 2013

Euthanasia (reblog)

Bilang pag-gunita sa ikatlong anibersaryo ng kamatayan ng aking ama muli kong ipapaskil ang akdang isinulat ko para sa kanya. Ang kwento ng mga huling sandali ng kanyang buhay, ang istoryang tungkol sa paglaban, pagsuko at pamamaalam.
* * *
Nakapanglulumo.
Tila naka-uubos ng lakas at katinuan ang eksenang tumatambad sa akin sa tuwing ako’y papasok sa silid na ito ng pagamutan. Walang puwang ang kasiyahan kung sa bawat paling ng iyong leeg, bawat sulyap ng iyong mga mata, bawat hakbang ng iyong mga paa ay pulos pasyenteng may iba't ibang karamdaman na nakaratay ang iyong mamamasdan; mga taong humihiram ng karagdagang oras ng buhay sa aparatong nakakabit sa kani-kanilang katawan.

At isa sa mga nakaratay na iyon ay ang aking ama.
Ilang linggo na rin siyang naririto, pilit na nilalabanan ang sakit na nagpapahirap sa kanyang bawat kalamnan. Bago pa ito'y ilang beses na rin siyang nagpapabalik-balik sa mga dalubhasa saiba’t ibang pagamutan; para siyang isang pusakal na hindi maiwasang maglabas-masok sa bilangguan; parang kirot na sa kanya'y parating dumadalaw pansamantalang lumilisan ngunit matagal na nananahan.

Bawat hinaing niya'y akin ding nararamdaman ang sakit na kanyang nararanasan, sa bawat daing niya'y tila hinihiwa din ang himaymay ng aking puso. Higit sa sakit at kirot mas nangingibabaw sa akin ang labis na pagkahabag at awa.
Ang larawan ng aking ama'y tulad rin ng maraming amang pigil ang emosyon, kinikimkim ang damdamin at kung matuwa ay palihim. Mula pa sa aking pagkapaslit hanggang sa ako'y magkamalay nagisnan ko nang siya'y ganyan ngunit sa pagkakataong ito'y nakikita kong siya'y nahihirapan, dumadaing at lumuluha.
Ilang anak ba ang kayang tiisin ang ganitong pangyayari?
Sinong anak ba ang hindi maantig sa kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang sariling ama?

Ang kanyang dating matikas na katawan, ngayon ay pispis na at said na ang lakas;
ang kanyang bibig na palaging may nakasuksok na yosi noon, ngayon ay may plastik na tubo na daluyan ng hanging binabayaran na nagmumula sa isang cylinder na gawa sa metal;
ang kanyang matikas na tinig na parang sa hari na kanyang ginagamit sa tuwing kami'y pinagsasabihan dahil sa aming kakulitan noon, ngayon ay paos na at humahabol sa kanyang bawat paghinga;
ang kanyang mga kamay na ginagamit niya noong pangdisiplina sa aming magkakapatid ay hindi niya man lang maiunat at maiangat ng matagal ngayon.
Kung alak ang palagi niyang nilalagok noon, ngayon ay iba't ibang uri na ng gamot at medisina ang kanyang iniinom; pamatid-kirot. Ang alak at sigarilyo na kanyang matalik na kaibigan noon ang siya ngayong tumutugis sa kanyang kalusugan.

Habang mugto kong minamalas ang kanyang kahabag-habag na kalagayan siya'y tumitig sa akin at minuwestrang nais na niyang umuwi, umiling at wari'y sinukuan na ng pag-asang bumuti at gumaling.
Ilang araw lang ang nakalipas nang matapat na kaming sinabihan ng doktor na ang kanyang karamdaman ay malabo nang malunasan. Ilang linggo, araw o oras na lang ang hihintayin at dapat ng asahan ang hindi inaasahan.
Ito ba'y kanya na ring naramdaman?
Paano mo haharapin ang ganitong uri ng sitwasyon?
Iilang matapang lang ba ang kayang harapin ang kanya mismong katapusan?
Ngunit bilang anak marapat lang na gawin mo ang lahat at buo mong kakayanan upang madugtungan pa ang oras na pananatili sa mundo ng iyong ama kahit katumbas nito'y pagod na isip at katawan, hirap at pighati sa kalooban at paggugol ng salaping pangtustos sa bawat araw na kanyang pananatili sa silid na ito at sa medisinang magdudugtong sa kanyang paghinga sa tuwing ika-anim na oras.

Kasabay sa pagkaubos ng aming pag-asa ay ang unti-unting pagkaubos ng pondong pandugtong sa buhay ni itay. Balot na ng lungkot ang aking lumuluhang damdamin at hindi na mawari kung ano ang isusunod na magiging pasya.
Makabubuti ba talagang wakasan na ang paghihirap na nararanasan ng isang may karamdaman?
Anong ganda ang maidudulot nito kung katumbas nito ay ang pagkabatid mong agad na paglisan ng iyong mahal sa buhay?
Ito ang sandaling kahit na anong maging iyong pasya ay mali, ang sandaling ni sa panaginip ay hindi mo pinangarap at inisip. Ngunit kailangan nang isang pagpapasya.

Sumasabay sa patak ng ulan ang luha kong aking pinigil sa loob ng silid; ang kidlat na aking naririnig ay parang aking sigaw na pinipilit ikubli, ang kadiliman ng paligid ay katulad ng akin ngayong nararamdaman; kalungkutan.
Kung naiipon lang ang lakas ng loob, iyon ang aking gagawin upang walang pangamba akong haharap sa aking amang iginupo ng kapusukan, ng kabataan, ng karamdaman. Walang salitang makakapagpakalma sa aking nararamdaman sa sandaling ito, pilit kong pinasisinungalingan na ang nagaganap ay hindi katotohanan ngunit anumang dagdag na pagtanggi ay lalo lang nagpapahirap sa aking kalooban. Mas maraming katanungan kaysa kasagutan ang bumabagabag sa aking isipan.

Nakakagago.
Isang abnormal na pagpapasya ang aking ginawa. Kinailangan pa naming umupa ng taong may sapat na tapang at lakas ng loob na magpapatid ng kung anumang instrumentong nagdudugtong sa gahiblang pagitan ng buhay at kamatayan.
Kung ito'y isang pagkakasala sana ay mapatawad ako sa pasya kong ito. Patawad dahil sa sandaling iyon hindi ko na batid ang mali sa tama. Isinama ko na rin sa paghingi ng tawad ang lahat ng kasalanang nagawa ng aking ama; lantad man o hindi nailahad.
"Panginoon Kayo na pong bahala sa kanya".

Sadyang napakabilis ng oras kung ang bawat sandali'y iyong pinahahalagahan parang isang kidlat na kumislap na sa isang iglap ay maglalaho. Ilang oras makalipas na marating ang kanyang tahanan tuluyan na ngang si itay ay nagpaalam. Ang tinuran ng doktor na asahan namin ang ‘di namin dapat asahan ay amin na ring inasahan ganunpaman nagdulot pa rin ito ng labis na pighati at kalungkutan.
Wala na nga si Itay ngunit ang kanyang mga aral at pangaral ay pipilitin kong isabuhay at isapuso hangga't ako'y nabubuhay.

3 comments:

  1. Nakalulungkot itong pinagdaanan mo pero sana ok kana. May mga bagay na hindi natin kayang kontrolin. Ang tanging magagawa lang natin ay ipagpasa-Diyos ang mga bagay na ito.

    ReplyDelete
  2. Naalala ko ang lahat ang sakit at ang pagkawala ng sarili kung buhay
    Bigla bigla na miss ko ang aking ama.

    ReplyDelete
  3. hello, Limarx... ang ganda ng iyong pagkakasulat. naibigan ko ang touch na "kung matuwa ay palihim." kilala mo nga ang iyong ama... :) masakit para sa anak makitang ang magulang ay mahina at tila wala nang magawa...

    ang aming ama ay pumanaw, gun shot wound, dead on arrival sa ospital, 22 years ago... ang ina naman namin, from pneumonia, kanser sadya nyang sakit. naka-identify ako sa sabi mo - sala-salabid ang cords at tubong nakakabit, bukod pa sa oxygen.

    i think, one of the hardest decisions i had to make in life, no'ng pumirma ako sa waiver na sa third resuscitation ni Inay, pag di na-revive vital statistics, aalisin na lahat ng nakakabit na tubo and chords... and i had to do it under duress, napapalibutan ng tatlong specialists and several other doctors plus interns and nurses. when i finally signed the form, parang isang baranggay ang witness.

    it was a crazy morning, a crazy day... parang sa panaginip, bangungot. lahat ng bagay at tao, mabibilis. dinaig pa ang eksena sa show na ER. everything, everyone was pulling you down. and you had to show courage. that was what was being asked of you by the situation. everything hinged on those moments, when every choice, every word, every move you'd make would spell the difference between your parent living or dying. it was in your hands...

    maligayang buwan ng wika mula rine sa nag-i-ingles, hahaha. happy weekend din. nood me ng concert mamaya...:)

    ReplyDelete