Hindi ko naman itinatanggi na naging prosti ako.
Marami ang nagpakasasa at
nagpakasawa sa aking katawan mga iba't ibang lahi pa nga; Kastila, Amerikano,
Hapon at iba pa. Hindi ko sila lubos na natanggihan at kung tatanggi man ako'y
hindi rin sapat ang aking paghindi. Anong magagawa ko eh mahina lang ako? Isang
kayan-kayanan at api-apihan. Hindi naman ako likas na malandi pero sa katagalan
nang paggamit nila sa akin nakasanayan ko na rin, kailangan eh. Marami ang
umaasa sa akin at dapat lang akong kumayod ng husto. Kaya't kahit hindi na kaya
ng katawan ko pinipilit ko pa rin mapunan lang ang pangangailangan ng marami
kong anak.
Mahirap talaga ang maging
mahirap mistula kang alipin ng mga may salapi at makapangyarihan. Walang boses
ang bawat sasabihin, walang nakikinig sa bawat hinaing, walang lakas ang bawat
pagtutol.
Tanggap ko na ang kapalaran
kong ito at kahit na anong gawin ko'y hindi na rin maibabalik pa ang nakalipas
at nakaraan. At kung maibabalik man ito may kakayahan ba ako na ito'y baguhin?
Tanggap ko na, na ganito ang
naging kapalaran ng aking buhay.
Tanggap ko na, na madrama at
malungkot ang aking kasaysayan.
Ngunit ang hindi ko lubusang
matanggap ay ang patuloy na pangyuyurak at panghahalay sa akin ng mismong mga
anak ko! Hanggang kasalukuyan.
Batid nilang higit kong
kailangan ang pag-aaruga at pagkalinga dahil sa kalunos-lunos kong kalagayan
pero mga wala silang pakialam. Medyo may katandaan na ako't gusto ko na ring
magpahinga at maranasang may nagmamalasakit at nag-aalaga sa akin. Ngunit sa halip
ay hindi pa rin sila tumitigil sa pagluray sa aking kapurian. Parang mga
demonyong humahalay sa aking kalamnan. Mga hayok na nilulustay ang natitira ko
pang kaunting kayamanan.
Awang-awa na ko sa aking
sarili.
Tingin ko'y sobra na 'kong
namaltrato at naabuso. Nais kong sumigaw at iiyak ang poot na namamahay sa
aking puso. Ngunit gusto ko ring kamuhian ang aking sarili dahil sa hindi
yatang magandang pagpapalaki ko sa kanila. Ako ba ang dahilan kung bakit naging
ganyan sila kasama? Kung ganoon nga isa pala akong walang kwentang Ina!
Ginawa ko naman ang lahat ng
alam ko upang maging mabuting Ina sa kanila at sila nama'y maging mabuting mga
anak sa akin, tinuruan sila kung papaano maging responsableng mamamayan at
maging mapagkalinga sa kanyang mga kapatid pero ako'y nabigo. Nagpakaputa ako
upang matustusan lang ang kanilang pangangailangan halos pati kaluluwa ko'y
ibinigay ko na sa mga oportunistang naghahangad sa akin noon, noong ako'y
sariwa at higit na maganda kaysa ngayon. Sinikap ko ring makaipon para sa
magandang kinabukasan ng aking ibang mga anak pero kahit na hindi ganoon karami
ang mga suwail at walanghiya kong mga anak sila pa rin ang nananaig at
nangingibabaw parati. Sila kasi ang mas malakas at mas makapangyarihan kumpara
sa nakararaming mahihina na mapagkakatiwalaan at responsable pero tahimik lang
at tila walang pakialam.
Pero hindi lahat ng anak
ko'y puro sakit ng ulo at kademonyohan ang nasa pag-uutak marami sa kanila ang
talagang may pagmamahal at pagmamalasakit sa akin. Handang ibuwis ang kanilang
buhay makalaya lang ako sa pagiging alipin at puta. May pagmamahal na kahit
dumanak ng dugo ay hindi alintana at nababahala maipagtanggol lang ako sa mga
putanginang dayuhang humahalay sa akin. Kahit alam nilang walang panalo ang
kanilang mga tabak laban sa malalakas na armas sila'y hindi nagpadaig at
natakot. 'Yung isa ngang anak ko bolpen lang ang sandata pero parang kanyon sa
lakas ang naging pagsabog. Sa kasamaang palad ang lahat ng mga anak kong ito'y
maagang binawian ng buhay. Kung sino pa ang matino 'yun pa ang maagang namatay.
Sayang.
Siguro kung nabuhay sila ng
matagal-tagal iba ang naging kapalaran ko ngayon. Hindi sana ako nasadlak sa
ganitong kahirapan. Hindi sana ako ikinahihiya ng ibang anak ko. Hindi tulad ng
isa kong anak na sa pagnanais na mapanatili ang bansag na bayani kinamatayan na
ang pagtatakip sa totoong kasaysayan.
Kay sarap balikan ang alaala
ng aking mga anak na tunay na nagmahal sa akin literal nilang inialay ang
kanilang buhay sa pagnanais na maitakas ako sa kamay ng mga dayuhang
nanamantala sa akin. Mayroon akong isang anak na namumukod-tangi ang tapang at
may ibinulong siya sa akin noon na hanggang ngayon ay tumatak sa puso't isip
ko. Wala na raw hihigit pa sa pagkadalisay at pagkadakila ng pag-ibig niya sa
akin! Napakaganda ng sinabi niyang iyon masarap sa tainga at lubos talaga itong
nagpataba ng aking puso. Kaya ganoon na lang ang lungkot at hinagpis ko nang
mabalitaan kong pinaslang siya ng kanya mismong mga kapatid!
Sa sunod-sunod na pagkasawi
ng magigiting kong mga anak akala ko'y lubusan na akong mamahalin ng mga
naiwang iba pa dahil sa habiling pangaral at magandang aral sa kanila. At muli
akong nagkamali. Nakalulungkot isipin na marami na ang hindi ganap na
dumadalisay at dumadakila sa akin mayroon siyempreng mangilan-ngilan na
nagmamalasakit pero ang iba'y unti-unti na ring nilalalamon ng bulok na sistema
at nagiging gahaman na rin kalaunan hanggang sa mawalan na rin ng
pagmamalasakit. Ang iba naman'y nagpasyang mang-ibang bansa hindi lang dahil sa
pagnanasang kumita ng mas malaki kundi dahil sa kagustuhang magpakalayo-layo at
tuluyan nang ikinahihiya ang pangalan kong nakakabit sa kanila. Nasaan na ang
sinasabi nilang pagmamahal? Nasaan na ang dalisay na Pag-ibig?
'Di ko maintindihan kung
bakit sa tuwing nasa ibang bansa ang mga anak kong ito'y napakabubuti,
masisipag at walang reklamong sumusunod sa mga batas na doo'y umiiral na halos
wala namang ipinagkaiba sa mga batas natin dito. Pero pagdating dito hirap na
hirap sumunod sa itinakdang batas na kahit simpleng pagtawid sa tamang tawiran
ay hindi ginagawa 'yun na kasi ang nakagisnan at nakasanayan kaya hayun halos
lahat na sila pasaway. Mabait kasi akong Ina, kung noon pa man ay pinagsabihan
at pinaalalahanan ko na sila sa mga bawal nilang gawain siguro ngayon lahat
sila ay matitino at may disiplina. Eh ngayon matitigas na ang mga ulo, maraming
tarantado at ayaw nang nasasabihan sa mga pagkakamali nila. Kaunting puna lang
sobrang pikon na pero kung sila naman ang mamumuna napakagagaling at hindi lang
mga walang pinag-aralan ang may ganitong ugali kahit nga mga edukado pa. Magulo
na nga yata talaga ang mundo.
Tulad ng mga anak kong mga
"edukado at mararangal" na may magugulong pag-uutak. Hindi ko alam
kung bakit sino pa ang anak kong may magandang edukasyon o may mataas na
karangalan sila pa ang halinhinang nagmamaltrato sa akin. At paulit-ulit pa.
Mga may dignidad kung ituring pero palihim na ang kanilang Ina'y ginagawan ng
kawalanghiyaan. Ang kakapal ng mukha! Silang mga abogado, heneral, ekonomista, elitista,
makamasa, militar, artista, propesor at iba pang propesyonal raw pero halos
pare-pareho lang ang uri. Kay yayabang at taas-noong sasabihing taos ang
pag-ibig para sa akin ngunit hinahalay naman ako sa tuwing nagkakaroon ng
pagkakataon.
Ang ibang mga anak ko naman
na hindi nakapagtapos ng pag-aaral na nasa akin pang poder ay 'di nga
nakikisawsaw sa panghahalay pero kinukupitan ang kani-kanilang ate at kuya o
umaasa sa mga padala ng mga nasa abroad. Sila-sila ang nag-oonsehan. Gusto ko
mang ikahiya na sila'y aking mga anak ay 'di ko magawa bagkus umiisip pa rin
ako ng paraan upang magkasundo-sundo lahat sila. Oo lahat sila. Pero alam kong
imposible itong mangyari ngayon.
Kung maari lang sigurong
pumili ng magiging anak baka magdalawang-isip ako kung sila pa rin ang pipiliin
ko. Pasensya na. Ganun na talaga kasama ang loob ko ngayon. Napakaraming
pagkakataon ang ibinigay ko sa kanila para magbago pero lahat iyon ay nasayang
lang. Habang nakikita nila akong may sugat at gumagapang sa hirap hindi man lang
ako alalayan o alagaan mayroon pa ngang kumukulimbat sa kakaunting pera ko na
dapat sana'y pambili ko ng aking medisina. Ang iba namang naaawa sa akin ay
wala namang aksyong ginagawa. 'Wag na kayong magtaka kung isang araw ay bigla
na lang akong mabaliw o atakehin sa puso sa sobrang depresyon at sama ng loob.
Dumating din naman sa punto
na akala ko'y tuluyan nang magkakaisa ang mga anak ko nang minsa'y silang
magtipon-tipon at madramang naghawak-kamay at winawagayway ang dilaw na laso na
simbolo raw ng pagkakaisa nila pero muli akong nagkamali. Naging daan lang pala
ito upang muli akong abusuhin! At hindi lang 'yun dumami pa silang nagpakasasa
sa katawan ko. Kaliwa't kanan ang kahalayan at kababuyan. Halos wala ring
pinag-iba noong halayin ako ng mga lintek na mga dayuhang humimod sa katawan
ko. Simula noon ipinagpasa-Diyos ko na lang ang kapalaran ko sa kamay ng mga
anak ko.
Sa positibong banda marami
akong anak na madiskarte at maabilidad na kayang mag-adjust at mamuhay sa kahit
saang lupalop ng mundo; sa disyerto, sa malamig na snow, sa bansang komunismo,
sa bansang diktaturya, kahit sa bansang may digmaan naroroon sila, nagtatrabaho
at nagtitiis. Ang mga dolyares na pinapadala nila ay malaking tulong sa akin
dito ko kinukuha ang mga biglaan kong pangangailangan at 'yung iba pambawas sa
mga utang siyempre 'yung iba kinukupit (hindi na yata maiiwasan 'yun). Hindi
naman kami mayaman pero balita ko ipapautang ng anak ko ang kaunting naipon
kong dolyares.
Siguro kung napangalagaan
lang ng husto ang kayamanan ko hindi na kinakailangang mag-abroad ng marami
kong anak. Hindi na sila nagpapaalipin sa Hongkong, Saudi, Canada, Amerika,
Europa at iba pa. Dito sana sila nagtatrabaho kasama ako at ang kani-kanilang
pamilya. Pero wala akong magawa waldas at barubal ang mga anak kong may hawak
ng aming budget kaya hayun! Iba ang naapektuhan.
Ang ikinababahala at
ikinakakaba ko ngayon ay ang aksyong gagawin ng isa kong anak sa pambu-bully ng
isa kong kapitbahay. Balak kasing kunin ng kapitbahay kong ito ang aking nasasakupan,
gagong iyon porke't alam na mahirap at mahina lang kami kinakayan-kayanan ako!
Bumabalik tuloy sa aking alaala ang hindi magandang nangyari sa akin dati nang
sinalbahe ako ng mga dayuhan. Marami ang nasawi noon at pinapanalangin kong
'wag naman sana 'yung maulit.
Saka akin naman talaga ang
lupang iyon eh! Kahit sino pang itanong na ibang kapitbahay ko lahat sila'y
magsasabing akin 'yun. Ninanakaw na nga ng mga anak ko 'yung kaunting kayamanan
ko pati ba naman itong letseng kapitbahay ko balak din akong nakawan. Ayoko
namang mang-away o awayin sila dahil sigurado wala akong laban du'n lampa kasi
ako. Hangga't maari gusto kong matapos at maresolba ito sa isang matino at
payapang pag-uusap. Isa pa baka mapahamak lang ang mga anak ko. Ayokong isiping
makabubuti na ipamigay ko na lang ang lupaing iyon para sa ikabubuti ng marami
kahit na alam kong wala ring mangyayari kung ipapamahala ko 'yun sa anak ko.
Sayang na lamang ang ipinaglaban ng mga namatay kong anak kung basta na lang
itong ipamigay sa mga naghahari-harian.
Minsan nagtataka ako kasi
matataas naman ang pinag-aralan ng marami kong mga anak na napagtapos ko sa
aking pagpuputa pero ewan ko ba kung bakit hindi ginagamit ang pinag-aralan sa
tamang paraan. Mabuti pa ang mga anak ko sa labas na may dugong banyaga
paminsan-minsan ay nagbibigay sa'kin ng kasiyahan at karangalan pang world
class ang ipinapakitang talento; mahuhusay sa kantahan, sa larangan ng sining,
sa moda at maraming pang iba. Ang iba namang mga kapatid niya sinasakyan ang
bawat karangalan na nakakamit ng mga anak kong ito samantalang ang iba namang
mga insecure kong anak pilit na sinisiraan at hinahanapan ng kapintasahan ang
kanilang half-brother o half-sister kahit wala naman itong ginagawang masama sa
kanila.
Sadyang noon pa yata ay
naghihilahan na ang aking mga anak. Batuhan ng batuhan ng mga putik sa halip na
linisin nila ang sarili nila. Hindi pa nakontento at pati ako na sarili nilang
ina'y hindi mapakali na gawan ako ng kahalayan! Nakakahiya. Kung sukang-suka
ako sa mga dayuhang nagpakasasa sa aking katawan sa tuwing ito'y aking naalala
parang higit pa roon ang pagkasuklam na nadarama ko sa kanila dahil dugo sa
dugo at laman sa laman ang kanilang nilalapastangan. Pero wala akong magawa.
Iniluluha ko na lang ang
bawat hinanakit ko sa buhay. Ang sama-sama na nga ng nakaraan ko pati ba naman
ang buhay ko sa kasalukuyan ay ganoon pa rin?
Hanggang kailan ba ako
magtitiis? Kailan ko ba mararanasan ang kaginhawaan? Kailan ba ako maituturing
at maigagalang na ina?
Kung ang tawag sa panghahalay
at pang-aabuso ng mga anak sa isang Inang tulad ko ay Incest isa pala itong
karumal-dumal na krimen na araw-araw kong nararanasan. Krimen na dapat sanang
mabigyan ng hustisya't katarungan pero kanino ako lalapit at dudulog? Sino ang
aking lalapitan?
'Di bale na. Ayaw ko rin
naman silang mapahamak mas gugustuhin kong sila'y magbago at magbalik-loob na
lang sila sa'kin kaysa mapiit sila sa bilangguan. Saka hindi pa naman siguro
huli ang lahat...may pag-asa pa alam ko. Sabi nga sa isang kasabihan habang may
buhay pag-asa pero sana hindi lang laging pag-asa ang tangi kong maging
sandigan at sandalan.
Hanggang dito na lang.
Maraming salamat sa pakikinig sa mga litanya ko. Pasensya ka na rin at napahaba
itong aking mga sintimyento. Hindi naman ako humihingi ng payo gusto ko lang
mapakinggan mo ang mga hinaing ko sa buhay wala naman kasi akong ibang
mapagsasabihan. Alam ko masyado na naman akong naging madrama kaya ayan tuloy
'di ko napansin ang oras at nakalimutan ko na marami pa pala akong gagawin.
Aalis na muna ko ha? Magpapakain pa kasi ako ng mga alaga kong baboy.
Hindi ko na siguro
kailangang magpakilala pa sa'yo dahil sigurado naman akong kilala mo na ako
mula ulo hanggang paa. Minsan mo na ring nabasa ang aking mga drama at daing
heto na naman ako muling dumadrama, muling umeeksena. Sana hindi lang pakikinig
ang kaya mong gawin sana umaksyon ka rin. Sana hindi ka isa sa mga anak kong
ikinahihiya ang pangalan ko pero kung ganoon ka man bukas-palad pa rin kitang
tatanggapin. Sana hindi ka isa sa mga anak kong gumagawa ng kahalayan sa akin
pero kung ganoon ka man gusto kong sabihin sa'yong mahal ko pa rin kayong lahat
at hindi ko pa rin kayo itinatatuwa sa kabila ng lahat ng 'yan.
Ako pa rin ang inyong Ina.
Ako pa rin ang Ina ninyong
hindi mauubusan ng kuwento. Ina ninyong mareklamo at madaing pero mapagmahal.
Ina ninyong martir at mapagbigay. Inang malaya raw pero mistulang inaalila at
inaalipin.
Siguro alam mo na kung sino
ako at kung hindi mo pa rin ako kilala siguro mas nakakaawa ang kalagayan mo
kaysa sa'kin. Makabubuting tulungan at kilalanin mo munang maigi ang sarili mo
bago mo ako tulungan.
ang panghahalay ng sariling anak sa Ina.
ReplyDeleteKaramihan ng aking poste sa luma kong blog ay patungkol sa ating Inang Pilipinas. May mga nai-post din ako na tumutukoy sa kahalayan ng mga dayuhang panauhin na na ng lumaon ay naging mananakop. At ng mismong mga anak nito.
Magandang lathalain ito sir..
magandang araw sayo
matagal ko pa ito nagawa June 2012 pa, ngayon ko lang ipinost.
Deletemalapit na rin akong sawaan sa pagsusulat ng mga ganitong akda.
salamat sa pagtambay ser!