Dear 2014,
Ilang oras na lang nandito
ka na kaya naman lahat ng tao'y naghahanda sa pagsalubong sa'yo lalong-lalo na
dito sa bansang mayaman sa kalamidad, hitik sa kwentong karahasan at siksik sa
kasaysayan. Masaya at walang katulad ang selebrasyon dito sa kahit na anong
okasyon lalo na sa tuwing sasapit ang ang bagong taon tulad ngayon;
- may mga bibili ng
napakaraming paputok kahit kapos sila sa pambili ng pagkain,
- may magdiriwang at
magpapakalango sa pag-inom ng iba't ibang uri ng alak na akala mo'y wala ng
bukas,
- may magpapasikat na
magpapalipad ng fireworks na pantanggal umano ng malas,
- may maghahain sa mesa ng
'sandosenang bilog na prutas na kanilang bibilhin kahit alam nilang overpriced
at medyo bulok na dahil sa pag-aakalang suswertehin sila 'pag meron nito sa
pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi.
At hindi na yata mawawala
ang balita sa mga taong mapuputulan ng kani-kanilang spare parts sa katawan
dahil sa katigasan ng ulo at kapabayaan at ang nakakalungkot may ilang
magbubuwis ng buhay dahil sa pagiging iresponsable ng iilan na walang habas
kung magpaputok ng kanilang kalibre. Tradisyon na raw kasi na dapat i-celebrate
o ipagdiwang.
Marami na ang sabik sa'yo
kabilang na ang kapitbhay kong tsimosa si Aling Conching dahil sa dala mo raw
na bagong pag-asa, ika nga nila bagong taon katumbas ng bagong pag-asa. Sana
nga ikaw na ang hinihintay namin sa mahabang panahon, sana nga hindi kami
magkamali sa bago naming pag-aakala kahit alam naming napakaliit ng tsansang
mababago mo ang nakagawiang sistema dito sa amin at napakaliit rin ng
porsyentong mapagniningas mo ang naghihingalo naming ekonomiya na kinagisnan na
ng aming mga ninuno sa isang iglap lang ngunit dahil resilient daw ang mga
pilipino hindi kami agad susuko. Kahit nga ngayong huling bahagi na ng 2013
hindi pa rin kami bumibitaw at sumusuko, kumapit pa rin kami at sumampalataya
na aalwan at giginhawa ang aming pasko at bagong taon.
Aaminin namin medyo bulag at
sinungaling kami sa aming negatibong namamasdan sa paligid, alam naming hindi
kami umaangat at umaasenso pero in denial pa rin kami dito, alam naming hindi
pa hinog sa paghandle ng problema ang pangulo namin pero mataas pa rin ang
gradong binibigay namin sa kanya, alam naming higit na marami ang nagugutom sa
malaking bahagi ng bansa pero pinaniniwalaan pa rin namin ang isinasagawang
huwad na survey - patay-malisya lang kami sa tunay na kalagayan ng bansa at
naniniwala kaming lahat sa press release ng NEDA at gobyerno partikular ang
Malacañang.
Sana 2014 wag mo kaming
biguin 'wag mong gayahin si 2013 at 'yung napakaraming taon bago pa siya sana
may dala kang swerte at magandang kapalaran para sa amin sawa na kami sa
kamalasan, delubyo at karahasan. Sana kahit hindi mo ganap na mabago ang aming
kapalaran 'wag mo kaming paasahin lang. Batid naming hindi ito
madali at lahat ng aming inaasahan ay hindi magagawa ng overnight pero sana
hindi mo kami mabigo sa ilang mga bagay, kahit kaunti lang please naman makita
lang namin na medyo mabawasan ang bilang ng nagugutom na pamilya ay okay na sa
amin 'yun. Kung pwede lang 'wag ka nang magsama ng super bagyo, super lindol at
super storm surge sa kabuuan ng 12 months na pagstay mo sa amin - hassle kasi
'yun, hindi na nga kami umaasenso nababawasan pa ang production namin ng gulay,
prutas at bigas and the worst is bukod sa bilyon-bilyong pisong damage sa amin,
libo-libo pa ang namamatay sa tuwing may ganitong natural calamities. Hindi ko
ito tatawaging Acts of God dahil 'pag ganun ang term parang biniblame natin si
God sa lahat ng 'di magandang nangyayari sa ating bansa.
Very obvious naman na gusto
na naming limutin at iwan ang puno ng kamalasan na si 2013, hindi naman kasi
maikakaila na ang papalitan mo sa pwesto ay tila may dalang sumpa. Sa loob lang
ng tatlong buwan quota na agad kami sa mga delubyo at debastayon nagkaroon ng
madugong digmaan, mapangwasak na lindol at walang kasing lupit na super bagyo,
idagdag ko pa ang panaka-nakang sakuna sa kakalsadahan tulad ng mga bus, mga
asasinasyon at bangayang involved ang magigiting naming pulitko. Okay naman na
magkaroon kami ng bagyo given na kasi 'yun sa katulad naming tropical country
pero 'wag naman 'yung katulad ni Yolanda na singbilis yata ng F1 na sasakyan
ang hangin o lindol na kasing-level ng Hiroshima Bombing during World War 2;
makabangon at makabwelo man lang kami mula sa aming pagkakadapa mula sa
trahedya at sakuna.
O mahaba na ito, to sum it
up simple lang naman ang hiling naman sa'yo, less calamities, less violence,
less controversies, less corruption at less mistakes from the government at
more blessings.
2014, Welcome to our home.
Goodluck and may the good
vibes you carry will stay throughout the whole year!
Hoping and anticipating,
A Filipino citizen
P.S.
Kung hindi man totally
mawala, sana man lang ay mabawasan ang mga taong mahilig sa selfie pagdating
mo; tama nang naging word of the year ito sa Oxford, tama na ang isang buong taong naflood ang aming Social Networking site nito, itigil na ang walang
humpay na GGSS ng marami. Sabi nga ni Chris Tiu, 'The youth should do more than
selfie.' at sana maging productive din sila at 'wag tumulad sa aming mga
pulitiko.