Friday, April 13, 2012

Minsan may isang kwento


Tampok ang kantang kung ilang beses nang ininit
Nang mang-aawit na mas kiri pa sa dalagitang nagpipilit.
Istoryang halos 'sing edad ng dinoktor na kasaysayan
Tunog mayamang pangalan, tatsulok na pagmamahalan.
Pangangalunya, paghihiganti, panunupil.
Pakikiapid, inggit, sekswalidad, pangingitil.
Digmaan ng marangya laban sa maralitang dukha.
Bastardo, bastarda 'tangna wala na bang iba?
Sa tirik na araw o gabing mabulahaw.
Giliw na giliw, baliw na baliw, hayok na parang halimaw.


Hindi ka na nakakatuwa
Kung pwede lang ipagulpi sa gwardyang may batuta.
Isip na hanga sa mabulaklak na dayalogo
Utak na kalam sa hangal na komersyalismo.

Ang oras na dapat sa anak ay sapilitang inaagaw
Nang mitikal na kwentong drama sa iyo'y ibinugaw.
Kahit sanglibong ulit patok pa rin at tinatangkilik
Manhid sa pagod at antok na matang nakalisik.
Tanghaliang tapat hanggang likod ay lumapat
Mula musmos na walang muwang hanggang sa m
atandang may kapansanan.


'Di makaihi, 'di makakain,'di maiwanan
'Di makausap, pinigil ang tae, 'di mabitawan.
Nakangiti parang sinto, muntangang nakamasid
Habang anak na paslit nasa eskinita't nanlilimahid.
Parang isang drogang palaging hinahanap

Parang isang alak na nakalalasing sa sarap.
Tagatangkilik na tila ginigiyang kung 'di masilayan
Itsura ng sugapa na hindi matanggihan.
Parokyanong matalinong malalahad ang detalye ng istorya
Ngunit 'di batid na ang anak ay nasa bingit na ng
pariwara.


Hoy, teleserye!
Letse ka. Ano bang meron ka at para ka nang sinasamba?



Tuesday, April 10, 2012

Pinuta


Puta kung ako'y inyong bansagan.

Puta na...

Kailangang tumihaya upang may mapasaya.

Kailangang magpahipo upang may maiuwing piso.

Kailangang magpahalik upang parokyano'y bumalik.

Kailangang magpahimod upang may pambili ng gamot.

Kailangang makilaro upang makabili ng laruan.

Kailangang magbenta ng laman upang makatikim ng karne.

Kailangang tumuwad upang may pang-lakad.

Kailangang maging tanga upang may makapag-aral.

Kailangang magtiis upang may makapagbihis.

Kailangang magpahimas upang makabili ng bigas.

Kailangang humilata upang muling makabangon.

Kailangang lumusong sa pag-asang makaahon.

Kailangang magpasuso upang may makadede.

Kailangang may makatalik upang madugtungan ang buhay.

Kailangang magbigay aliw upang pamilya'y maaliw.

Kailangang maging manhid upang gutom ay mapatid.

Kailangang humiga upang makatindig.

Kailangang magpahigop upang may mahigop.

Kailangang lumuha upang may lumigaya.

Kailangang umiyak para sa inaasahang galak.

Kailangang maging mali upang may mamuhay ng tama.

Kailangang maghubad upang may maisuot.

Kailangang magpatira upang may pang-upa.

Kailangang magpakain upang may makain.

Dahil ako'y isang puta.

Pinuta ng kahirapan, pinuta ng maling sistema.

Friday, April 6, 2012

Hindi lang pera ang nagpapaligaya sa tao


Money is the root of all evil.
Ang pera daw ang ugat ng lahat ng kasamaan kaya ba marami ang pinapatay, pumapatay at handang mamatay para lang sa pera?
Kung literal mong ita-translate ang kasabihang 'yan disinsana'y hindi na natin lahat kailangan ng pera kung ito lang pala ang magiging dahilan ng ating pagiging masamang tao. Subalit ang tamang translasyon at unawa dito ay: ang labis na pagmamahal sa pera o ang pagiging ganid dito ang nagdudulot ng ugat ng maraming kasamaan. Ika nga, ano mang pagmamalabis ay masama. Maraming gamit ang pera at kung gusto ng taong gamitin ito sa kasamaan o kabutihan ay nasa sa kanya na 'yun at hindi natin maaring isisi ang pagiging masama ng isang tao dahil sa pera. Bakit? Wala naman itong utak at isip 'di tulad nating mga tao.

May mga taong pera ang kailangan para mapunan ang ibang kalungkutan sa buhay, may mga taong sa pera nanggagaling ang panadaliang kasiyahan, may mga taong nag-iiba ang ugali kung walang pera sa bulsa. At lahat ng ito'y hindi pagsisinungaling.

Pera, hindi natin kayang mamuhay ng wala nito, totoong halos ito na lang ang nagpapaikot sa mundo, totoong marami ang pinagbabago ang ugali dahil dito. Ganunpaman, kahit ano pang sabihin hindi lang pera ang nagbibigay kaligayahan sa tao maaring kaya nitong punan ang ating mga pangangailangan pero hindi ito makasasapat para malubos ang kaligayahan ng isang tao. Marami ang hindi sasang-ayon dito ngunit ang lahat naman ay may kanya-kanyang opinyon at dahilan.

Hindi lang pera ang nagpapaligaya sa tao...pwede rin kasing iPhone, tablet, bagong kotse, trip to Hong kong o pagkain sa isang magandang restaurant. Haha. Biro lang.
Ang totoo at hindi biro: hindi sapat ang pera para malubos ang kaligayahan ng tao kahit batid nating pera ang dahilan ng ating pagtatrabaho, maagang pagbangon sa umaga at pagpapa-aral sa ating mga anak. Maaring solusyon ang pera sa ibang kakulangan ng ating buhay subalit hindi ibig sabihin nito na lahat ng ating kasiyahan ay dito lang nakasalalay.

Nakalulungkot na maraming tao ang nakadepende ang kasiyahan sa dami ng pera sa bulsa, sa ganda ng gadget at kasangkapan, sa gara ng suot na damit o sa dami ng pinamimili sa mall. Kunsabagay, sino ba naman ang magkakaroon ng matamis na ngiti kung ikaw ay baon sa pagkakautang o wala kang maihaing ulam sa hapag-kainan o wala kang sapat na pera sa pagpapagamot sa isang kaanak?

Lahat tayo'y nangangailangan ng pera walang hindi, dahil ito ang magsusuma ng pangunahing pangangailangan ng tao na: damit, pagkain at bahay. Sakaling ikaw ay may maraming bilang ng damit, sapat na makakain at komportableng tirahan sapat na ba ang mga ito upang malubos ang iyong kasiyahan? Kung pera lang ang dahilan para ang tao'y sumaya, bakit marami pa rin ang nagpapakamatay kahit marami silang pera't kayamanan? Mayroon itong malalim na kadahilanan.

Sabi sa Chinese proverbs:

  • Makabibili ka ng maganda at malambot na kama pero 'di ibig sabihin nito na payapa na ang iyong pagtulog.
  • Makabibili ka ng relo ngunit hindi ang oras at panahon.
  • Magkakaroon ka ng malaki at magarang bahay pero tila 'di ito makasasapat upang tawagan itong tahanan.
  • Makabibili ka ng maraming pagkain subalit hindi ang gana para dito.
  • Makabibili ka ng insurance pero hindi ang iyong kaligtasan.
  • Makabibili ka ng libro ngunit hindi ang kaalaman.
  • Magkakaroon ng dalubhasang doktor ngunit hindi ang kalusugan.
  • Magkakaroon ka ng magandang posisyon sa kompanya o pamahalaan pero hindi ang tiwala at respeto.
  • Makabibili ka ng dugo ngunit hindi ang buhay.
  • Makabibili ka ng panandaliang sex ngunit hindi ang wagas na pagmamahal at pag-ibig.


Kakambal ng pagkamit ng maraming pera ang pagkakaroon ng magaganda at mamahaling mga damit, gamit at kasangkapan ngunit kalauna'y mararamdaman mong lagi pa ring may kakulangan. Kalimitan na ang mga kakulangang ito'y pinupunan ng mga materyal na bagay, mga bagay na pinaglilibangan o mga magagandang lugar at tanawin na pinupuntahan. Isang ironic na may mga taong may kakayahang bumili ng masasarap na pagkain ngunit hindi bumibili o hindi kumakain ng masasarap na pagkaing ito, bakit? Sa taglay na karamdaman. May mga taong kahit na may panggastos at kakayahang magpunta kahit saan nila naising lugar pero 'di nila ito mapuntahan dahil sa mahinang katawan.

Akala lang ng iba na 'pag ang tao'y maraming pera wala na itong problema ngunit ang totoo kung sino pa ang may labis na kayamanan siya pa ang may magulong kaisipan o may dinadalang mabigat na suliranin sa buhay. Sa Pilipinas, may mga taong nagpapakamatay dahil sa gutom at kahirapan datapwat marami ring bilang ng taong may kaya't kapangyarihan ang ninais na kitilin ang sariling buhay.

Hindi lang pera ang sagot sa ating mga problema at lalong hindi lang pera ang may kakayahang pagkuhanan natin ng ating kaligayahan sa buhay.

Kung sasapat ang pera hindi sana nagpakamatay ang may magulong isipan ang magiting sanang heneral na si Gen. Angelo Reyes.

Sa palagay niyo ba kahit daan-milyong piso ang pera ng dating pangulo na si GMA ay mahimbing ang kanyang tulog sa gabi?

Milyong dolyar din ang naging kayamanan nina Whitney Houston at Michael Jackson ngunit alam nating may bahid ng kalungkutan ang kani-kanilang mga puso.

Ano pa ba ang hinahanap ng mag-aamang Ampatuan gayong halos bilyong piso na ang kanilang yaman?

Tiyak din nating hindi lubos na maligaya nang pumanaw ang kongresistang si Iggy Arroyo.

Umaapaw noon ang taglay na pera ng mga sport personalities na sina Mike Tyson at Dennis Rodman ngunit parang may hinahanap pa rin sila na hindi nila nakita sa pera.

Ang mga mayayamang personalidad na inuubos ang oras at salapi sa casino kung may kaligayahan sa loob ng kani-kanilang tahanan ay 'di na nanaiising waldasin ang kanilang pera't panahon.

Sa umpisa'y mag-ienjoy ka sa isang kompanyang malaki magpasweldo pero kalaunan kung hindi ka na masaya dito mas gugustuhin mong magresign at maghanap ng ibang mapapasukan kahit 'di gaanong malaki ang sweldo.

Wala na sanang mga mayayamang napapariwara ang buhay at nagiging sugapa sa alak at droga kung pera lang ang nagpapasaya sa kanila.

Ang Pilipinas ay kabilang sa pinakamahihirap na bansa sa mundo at sa Asya ngunit kabilang din tayo sa mga taong pinakamasiyahin sa buhay, ano ang indikasyon nito? Na sa kabila ng kakapusan natin sa pera nakukuha nating maging masaya kung ito'y positibong kaugalian dito natin tatalunin ang ibang mga bansa. Hindi tulad sa mayayamang bansa gaya ng Amerika o Inglatera kaunting suliranin lang ay kaagad na silang nagpa-panic, nakita mo ba kung gaano sila umiyak noong sila'y tamaan ng bagyo at baha? Ang mabigat na problema sa iba ay pangkaraniwan lang sa iba. Nadadaan ka ba sa R-10 sa may pier area? Tabi-tabi ang mga barong-barong ng mahihirap nating kababayan doon pero kung pagmamasdan mo sila parang hindi naman sila namomoroblema sa pera, nakangiti pa rin silang gumigising sa umaga. Hindi lahat ng mahihirap ay malungkot at hindi lahat ng mayayaman ay maligaya, ika nga nasa nagdadala 'yan. Mas bibigat ang problema kung iisipin nating ito'y mahirap solusyunan at resolbahin. Ang pera ay mahalagang instrumento sa paglutas ng ilang problema ngunit 'wag sana itong gawing dahilan upang lumikha ng isa pang problema sa pagsagot ng isang suliranin. Walang nagsasabing 'wag kang mag-interes sa pera ngunit mas mahalaga ang pangalan at dignidad kaya 'wag itong ipagpalit at 'wag hayaang masilaw sa kinang ng karangyaan at kapangyarihan.

Maiksi lang ang buhay kaya't 'wag tayong magmadali na bawiin ito, lahat tayo ay ito ang huling destinasyon, mayaman man o mahirap. Ang pera ay pera lang, sa bandang huli ang buhay pa rin ang pinakamahalaga sa lahat sa kahit ano pa mang bagay sa mundo. Masarap ang mabuhay kahit minsan hindi ito madali kadalasan tayo rin ang nagpapahirap sa isang simpleng bagay lang. Halos lahat tayo ay may problema sa pananalapi kaya nga tayo ay nag-aral at naghahanap-buhay, nakalulungkot na may nagpapakamatay sa halagang ilang libong piso at mas nakalulunglot ang balitang may pinapatay dahil sa halagang ilang daang piso lang subalit marami ang may pagkakautang na daang libo o milyong piso pero nakukuhang ngumiti at lumaban sa hamon ng buhay. There's more to life than money. Hindi na maibabalik ang oras na lumipas, gamitin sana ito ng may kabuluhan dahil hindi lang pera mo ang kailangan ng iyong pamilya. Masarap matulog sa gabi kung may kapayapaan ang puso't isipan kahit kapos sa pera. Masarap mamuhay ng may katahimikan at wala kang inaalalang uusigin ka ng batas at konsensya dahil sa ginawang kabalastugan magkamit lang ng kayamanan. Ang taong humuhusga sa taglay na posesyon ang higit na kailangan ng pang-unawa at ang taong tanging pera lang ang pinagkukunan ng kanyang kasiyahan ay kailangan ng higit na kalinga. Ang tunay na kaligayahan ay ang kagalakang nanggagaling sa kalooban at hindi ang kaligayahang nanggagaling sa labas at hinog sa pilit na ipapasok sa kalooban, pansamantalang kaligayahan.

Materyoso na ang ating mundo ngunit sana ngayon pa lang at hindi sa huling sandali ng ating buhay kung kailan huli na ang lahat, marealize natin na hindi lahat ng bagay ay kayang bilhin ng pera dahil hindi lang talaga pera ang lubos na nagpapaligaya sa tao.

Monday, April 2, 2012

Tatak Pilipino

Tatak Pilipino.
'Pag sinabing tatak Pilipino ano ang unang-unang sumasagi sa isip mo?
Filipino hospitality? Native Philippine products? Philippine Azkals?
Sa negatibong aspekto, ang agad mong maiisip ay ang korapsyon, polusyon, overpopulation at marami pang ibang nega na sa sobrang dami ay makakabuo ka na ng isang blog entry.

Kamakailan, nalagay sa isang kontrobersiya ang pagkomento ni Arnold Clavio sa kanyang pang-umagang programa na ang karamihan umano sa miyembro ng Phil. Azkals ay wala o hindi taos sa isip at puso ang pagiging tunay na Pilipino; maraming panatiko ng Azkals ang bayolenteng nagre-act at bumatikos sa naturang komento. Naisip ko, ano ba talaga ang tatak Pilipino? May natitira pa bang tatak at ugaling Pilipino sa panahong ito? At may kahalagahan o pinahahalagahan pa ba ang tatak Pilipino sa kasalukuyan?
Sa modernong panahong ito, tila wala nang kumakatawan sa pagiging orihinal na tatak Pilipino; magmula sa naglalahong kaugaliang bayanihan hanggang sa mga personalidad ng ating palakasan, magmula sa ating pangalan hanggang sa mga kasangkapan.
Ang ating mga musika, pelikula at programa sa telebisyon ay may malaking impluwensiya ng mga banyaga; ang ating pananamit, kasuotan gayundin ang ating mga kagamitan sa bahay; ang ating pagkain, gadget o ang suot-suot mong sapatos o relos, ang mga makabagong reality show, talent search/show at ang ating news o showbiz program, lahat ng mga iyan ay may bahid ng tatak banyaga. Ang pangalang taglay mo ngayon ay may tunog banyaga; karamihan sa apelyidong Pinoy ay tunog Kastila samantalang ang unang pangalan naman ay karaniwang galing sa mga kanluraning bansa.
Nawala na nang tuluyan o 'di kaya'y bilang na lang halos sa ating daliri ang mga magulang na nagpapangalan sa kanilang mga anak ng tunay at likas na pangalang Pilipino, si Kidlat Tahimik (sino 'yun) na nga lang yata ang may likas na pangalang Pinoy. 'Di tulad sa bansang Hapon, Thailand o Korea kahit laganap na ang iba't ibang kanluraning pangalan (halos) hindi sila naiimpluwensyahan nito. Kilala mo ba sina Hirisho Nagasaki ng bansang Hapon? O si Predaporn Samutprakarn ng Thailand? O si Jun Sin Lum ng Korea? Ako rin, hindi ko rin sila kilala dahil imbento ko lang ang kanilang pangalan pero sa isang dinig mo pa lang alam mo na agad kung ano ang nasyonalidad ng ganitong pangalan.

Dito sa atin ang karaniwang pangalan ay tulad na rin sa bansang Amerika o Espanya tulad ng Johnny, Jessie, Margie, Eleonor atbp. Maraming kapitbahay nating bansa sa Asya ang may tunay na identidad, pagkakakilanlan na agad mong maiisip ang kanilang bansa; anong bansa ba ang maiisip mo 'pag binanggit ang Sony o Toyota o ang maganda at mabangong bigas na Thai Jasmine Rice o ang sasakyang Hyundai at gadget na Samsung? At ang counterpart nito sa mga Pinoy: NFA rice siguro. Pinoy napinoy. Haha.
Ang pambansang punong Narra mayroon pa ba tayo nito? Inuubos na sa labis na pangangaso.
Ang dating pambansang ibon natin ay maya na ngayon ay agila ay tila ginaya lang natin sa Amerika.
Wala na rin halos tayong nakikitang kalesa, bahay-kubo at bakya napalitan at naging moderno na rin ito.
Ang sayaw na tinikling ay tila sa CCP o sa Loboc river o tuwing Linggo ng Wika na lang umeeksena.
Dapat na rin sigurong palitan ang ating pambansang laro na sa halip na sipa ay gawin natin itong lotto dahil sa obvious na dahilan.
Panaka-naka'y may nakikita pa tayong nagtitinda ng sampagita pero 'di malayong ito'y unti-unti ring maglaho. Pasalamat na rin tayo dahil nandiyan pa ang pambansang prutas at isda na mangga at bangus. Mangga na ang primera klase ay agad na pinadadala sa mga bansang Amerika, Hapon Australia atbp. at ang naiiwan sa atin ay yung hindi export quality at ang bangus na may masarap na produksyon na rin ang bansang Taiwan.
Alam mo ba na maski ang ating pambansang watawat na tinahi nina Marcela at Lorenza Agoncillo at Delfina Herbosa de Natividad ay gawa sa ibang bansa (Hong Kong)?
At alam mo rin ba na ang ating pambansang awit na Lupang Hinirang ay orihinal na salitang Kastila? Taong 1899 ng ito'y magawa galing sa kastilang tulang 'Filipinas' ni Jose Palma, isinalin sa Ingles noong 1919 at 1940's nang ito'y maging ganap na Lupang Hinirang sa salitang Tagalog o Filipino.
Sadyang mahirap yatang ugatin ang tunay na tatak Pilipino dahil kahit ang ating mga pambansang sagisag kundi may bahid ng banyaga, ay halos nawawala na.
Dahil sa kahirapan, naglalaho na rin halos ang magandang kaugalian na: 'Filipino Hospitality' napapalitan ito ng pagiging makasarili at pagsasamantala sa mga dayuhang turista bagama't mayroon pa rin namang mangilan-ngilan na mababait na pilipinong may taglay nito. Ang native products tulad ng banig, kapis, bamboo, atbp. na ipinagmamalaki nating gawang Pinoy ay hindi na rin halos tinatangkilik ng pangkaraniwang Pinoy. Mayroon pa ba kayo nito sa inyong salas o kwarto? Malakas ang impluwensiya ng kanluraning bansa kaya mas ginugusto natin ang mga modernong disenyo at kagamitan sa bahay. Kakatwa nga na mas naa-appreciate pa ito ng mga dayuhan kaysa sa 'tin. Huwag na nating pag-usapan ang mga negatibong aspekto ng tatak Pilipino dahil ito'y ibang usapin.
Aminin man natin o hindi, hindi natin kayang mamuhay ng mag-isa, hindi natin kayang mamuhay ng walang produkto o tulong ng mga dayuhan. May kasabihan sa Ingles: 'no man is an island' applicable din ito sa kahit anong bansa, mayaman man o mahirap.
Nakakalungkot lang malaman na kahit mayroong tayong orihinal na gawa o produktong Pilipino ay mas tinatangkilik pa rin ang gawa o produktong dayuhan; mayroon nga tayong mga patok na Pilipinong produkto pero makikitang malakas ang impluwensiya dito ng banyaga o di kaya ay malaking bahagi ng naturang produkto ay inaangkat galing sa iba't ibang bansa (lalo sa China). Ang numero unong fast food chain na Jollibee ay sa Pilipino pero hamburger ang isa sa may pinakamalakas nilang nabebenta; ang matinong Philippine made na Cherry mobile na celphone products na kahit mura ang halaga ay tila nilalangaw sa merkado ganundin ang Timex watches; ang numero unong clothing product na Bench ay pagmamay-ari ng isang Pilipino-Tsino at malaking porsyento ng kanilang produkto ay galing Tsina.
Mayroon noong panawagan si Cong. Joey Salceda na i-boycott ang mga produktong galing China kung tutuusin maganda ang kanyang layunin at adhikain at ang magbebenipisyo dito ay ang maliliit na negosyanteng Pilipino ngunit sa reyalidad at tunay na kalagayan ng Pilipinas ay hindi natin kayang tustusan ang ating sariling pangangailangan. Higit sa animnapung porsyento ng ating angkat na produkto ay galing China/Taiwan/Hong Kong at kung ipagbabawal ang mga produktong Tsina ano na lang ang ititinda ng ating mga kababayan sa Tutuban o 168 mall? Saan manggagaling ang ating supply ng maraming building materials? At kahit ang mga paboritong produkto ng mga sosyalin na Lacoste o iPhone ay galing China, oo galing 'yan sa China.


Marami sa basketball player ng paborito ng masang PBA ay binubuo ng Fil-foreigners sa katunayan muli ng lumakas ang benta ng tiket ng PBA nang dumami ang mga fil-foreigner sa naturang liga, ang national team natin sa basketball ay binubuo ng Filipino/Filipino foreigner at kahit nga ang orihinal na coach nito ayforeigner (Iranian) din, ang Philippine Rugby team ay ganundin mas marami sa kanila ang mas mahusay mag-ingles kaysa mag-tagalog at hindi exempted dito ang kontrobersyal at popular na Philippine Football Team ang: Philippine Azkals.

Hindi maitatanggi na malalakas at may talento ang mga Fil-Foreigner kumpara sa purong Pilipino kung hindi ba naman e di sana matagal na tayong muling nakabalik sa FIBA at iba pang liga. May talento rin naman ang mga Pinoy pero tila hindi ito sasapat sa laki at liksi ng mga dayuhang kalaban sa iba't ibang pisikal na sports. Tanggapin na natin na ang mga Fil-Foreigner athletes natin ngayon na kabilang sa iba't-ibang sports team ay malaki ang naiaambag at nagiging kontribusyon sa pagyabong muli ng natutulog na sports sa Pilipinas, naging mas exciting at mas maangas ang dating ng ating bagong pambato laban sa ibang bansa. Kung magiging isyu ang nationality sa pagkakasali ng mga Fil-foreigner sa pambansang koponan na basketball, rugby, football o kahit ano pa 'yan; dapat ay kinuwestiyon din dati ang nationality ni Robert Jaworski na iniidolo ng napakaraming basketball fanatics, oo Fil-foreigner din siya (Polish-American/Filipino) idagdag ko na rin ang ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal (siya rin may dugong banyaga).

Tulad nila Phil at James Younghusband, o nila Robert Jaworski o ng ating idolong si Jose Rizal o tulad mong bumabasa nito hindi mo naman hiniling na maging Pilipino o maging half-bred na Pilipino; ito na ang nakagisnan at naitadhana sa iyo, hindi na natin ito maitatanggi ngunit mabuti pa nga sila itinataguyod at ipinaglalaban nila ang pagiging Pilipino sa larangang alam nila hindi tulad sa maraming Pilipino na lumisan, tinalikdan at niluran pa ang bansang Pilipinas. Mayroon namang tunay daw na Pilipino pero wala namang malasakit sa kanyang kapwa Pilipino at nakukuha pang lustayin ang perang buwis ng Pilipinas at saka sasabihing mahal ko kayo at ang bansang Pilipinas! Kung ikaw ang tatanungin, mas nanaisin mo bang magkaroon ng kaibigang Pilipino na oportunista't mapagsamantala o isang (fil) foreigner na tapat at mapagkakatiwalaan?
Nakakatawa na tayong mga Pilipino ay sobrang sensitibo kung kakantiin at pupulaan ang Pilipino at bansang Pilipinas ng ibang nasyon pero tayo mismo ang nagbebenggahan sa isa't isa at tayo ring Pinoy ay sagad kung makapamintas sa ibang lahi. Sa halip na lunasan ang suliranin at tanggapin ng positibo ang kritisismo ginagantihan din natin ito ng pangungutya.

Wala na nga ang tunay na tatak Pilipino, wala na rin tayong tunay na identidad ngunit ano bang magagawa natin o may magagawa pa ba tayo? Problema ba itong dapat na solusyunan? Sa tuwing may Pilipino o kahit katiting na dugong pilipinong nagkakaroon ng papuri at karangalan sa ibang bansa nagkukumahog at nag-uunahan ang maraming kababayan natin na ipagmayabang ang pagiging pilipino ngunit patay-malisya naman kung sakaling matalo o may nasasangkot na pilipino sa isang kalokohan at buong yabang na babatikusin ang kanyang kapwa, 'yan marahil ang bagong Tatak-Pilipino.
Sa pananamit na lang siguro natin masasabing tayo'y may orihinal na tatak Pilipino; hindi ang baro't saya ang tinutukoy ko dahil hindi na ito pangkaraniwang isinusuot ng kababaihang pilipina kundi ang Barong Tagalog, madalas pa rin itong sinusuot at nakikita sa mga kasalan, sa pagtitipon, sa kongreso, sa senado at kahit sa Malakanyang pero teka ano ba ang pang-ilalim natin dito? Ah, T-shirt na Hanes o kaya ay Kamisa Tsino ayos, Tatak Pilipino nga.