
Money is the root of all evil.
Ang pera daw ang ugat ng lahat ng kasamaan kaya ba marami ang pinapatay, pumapatay at handang mamatay para lang sa pera?
Kung literal mong ita-translate ang kasabihang 'yan disinsana'y hindi na natin lahat kailangan ng pera kung ito lang pala ang magiging dahilan ng ating pagiging masamang tao. Subalit ang tamang translasyon at unawa dito ay: ang labis na pagmamahal sa pera o ang pagiging ganid dito ang nagdudulot ng ugat ng maraming kasamaan. Ika nga, ano mang pagmamalabis ay masama. Maraming gamit ang pera at kung gusto ng taong gamitin ito sa kasamaan o kabutihan ay nasa sa kanya na 'yun at hindi natin maaring isisi ang pagiging masama ng isang tao dahil sa pera. Bakit? Wala naman itong utak at isip 'di tulad nating mga tao.
May mga taong pera ang kailangan para mapunan ang ibang kalungkutan sa buhay, may mga taong sa pera nanggagaling ang panadaliang kasiyahan, may mga taong nag-iiba ang ugali kung walang pera sa bulsa. At lahat ng ito'y hindi pagsisinungaling.
Pera, hindi natin kayang mamuhay ng wala nito, totoong halos ito na lang ang nagpapaikot sa mundo, totoong marami ang pinagbabago ang ugali dahil dito. Ganunpaman, kahit ano pang sabihin hindi lang pera ang nagbibigay kaligayahan sa tao maaring kaya nitong punan ang ating mga pangangailangan pero hindi ito makasasapat para malubos ang kaligayahan ng isang tao. Marami ang hindi sasang-ayon dito ngunit ang lahat naman ay may kanya-kanyang opinyon at dahilan.
Hindi lang pera ang nagpapaligaya sa tao...pwede rin kasing iPhone, tablet, bagong kotse, trip to Hong kong o pagkain sa isang magandang restaurant. Haha. Biro lang.
Ang totoo at hindi biro: hindi sapat ang pera para malubos ang kaligayahan ng tao kahit batid nating pera ang dahilan ng ating pagtatrabaho, maagang pagbangon sa umaga at pagpapa-aral sa ating mga anak. Maaring solusyon ang pera sa ibang kakulangan ng ating buhay subalit hindi ibig sabihin nito na lahat ng ating kasiyahan ay dito lang nakasalalay.
Nakalulungkot na maraming tao ang nakadepende ang kasiyahan sa dami ng pera sa bulsa, sa ganda ng gadget at kasangkapan, sa gara ng suot na damit o sa dami ng pinamimili sa mall. Kunsabagay, sino ba naman ang magkakaroon ng matamis na ngiti kung ikaw ay baon sa pagkakautang o wala kang maihaing ulam sa hapag-kainan o wala kang sapat na pera sa pagpapagamot sa isang kaanak?
Lahat tayo'y nangangailangan ng pera walang hindi, dahil ito ang magsusuma ng pangunahing pangangailangan ng tao na: damit, pagkain at bahay. Sakaling ikaw ay may maraming bilang ng damit, sapat na makakain at komportableng tirahan sapat na ba ang mga ito upang malubos ang iyong kasiyahan? Kung pera lang ang dahilan para ang tao'y sumaya, bakit marami pa rin ang nagpapakamatay kahit marami silang pera't kayamanan? Mayroon itong malalim na kadahilanan.
Sabi sa Chinese proverbs:
- Makabibili ka ng maganda at malambot na kama pero 'di ibig sabihin nito na payapa na ang iyong pagtulog.
- Makabibili ka ng relo ngunit hindi ang oras at panahon.
- Magkakaroon ka ng malaki at magarang bahay pero tila 'di ito makasasapat upang tawagan itong tahanan.
- Makabibili ka ng maraming pagkain subalit hindi ang gana para dito.
- Makabibili ka ng insurance pero hindi ang iyong kaligtasan.
- Makabibili ka ng libro ngunit hindi ang kaalaman.
- Magkakaroon ng dalubhasang doktor ngunit hindi ang kalusugan.
- Magkakaroon ka ng magandang posisyon sa kompanya o pamahalaan pero hindi ang tiwala at respeto.
- Makabibili ka ng dugo ngunit hindi ang buhay.
- Makabibili ka ng panandaliang sex ngunit hindi ang wagas na pagmamahal at pag-ibig.
Kakambal ng pagkamit ng maraming pera ang pagkakaroon ng magaganda at mamahaling mga damit, gamit at kasangkapan ngunit kalauna'y mararamdaman mong lagi pa ring may kakulangan. Kalimitan na ang mga kakulangang ito'y pinupunan ng mga materyal na bagay, mga bagay na pinaglilibangan o mga magagandang lugar at tanawin na pinupuntahan. Isang ironic na may mga taong may kakayahang bumili ng masasarap na pagkain ngunit hindi bumibili o hindi kumakain ng masasarap na pagkaing ito, bakit? Sa taglay na karamdaman. May mga taong kahit na may panggastos at kakayahang magpunta kahit saan nila naising lugar pero 'di nila ito mapuntahan dahil sa mahinang katawan.
Akala lang ng iba na 'pag ang tao'y maraming pera wala na itong problema ngunit ang totoo kung sino pa ang may labis na kayamanan siya pa ang may magulong kaisipan o may dinadalang mabigat na suliranin sa buhay. Sa Pilipinas, may mga taong nagpapakamatay dahil sa gutom at kahirapan datapwat marami ring bilang ng taong may kaya't kapangyarihan ang ninais na kitilin ang sariling buhay.
Hindi lang pera ang sagot sa ating mga problema at lalong hindi lang pera ang may kakayahang pagkuhanan natin ng ating kaligayahan sa buhay.
Kung sasapat ang pera hindi sana nagpakamatay ang may magulong isipan ang magiting sanang heneral na si Gen. Angelo Reyes.
Sa palagay niyo ba kahit daan-milyong piso ang pera ng dating pangulo na si GMA ay mahimbing ang kanyang tulog sa gabi?
Milyong dolyar din ang naging kayamanan nina Whitney Houston at Michael Jackson ngunit alam nating may bahid ng kalungkutan ang kani-kanilang mga puso.
Ano pa ba ang hinahanap ng mag-aamang Ampatuan gayong halos bilyong piso na ang kanilang yaman?
Tiyak din nating hindi lubos na maligaya nang pumanaw ang kongresistang si Iggy Arroyo.
Umaapaw noon ang taglay na pera ng mga sport personalities na sina Mike Tyson at Dennis Rodman ngunit parang may hinahanap pa rin sila na hindi nila nakita sa pera.
Ang mga mayayamang personalidad na inuubos ang oras at salapi sa casino kung may kaligayahan sa loob ng kani-kanilang tahanan ay 'di na nanaiising waldasin ang kanilang pera't panahon.
Sa umpisa'y mag-ienjoy ka sa isang kompanyang malaki magpasweldo pero kalaunan kung hindi ka na masaya dito mas gugustuhin mong magresign at maghanap ng ibang mapapasukan kahit 'di gaanong malaki ang sweldo.
Wala na sanang mga mayayamang napapariwara ang buhay at nagiging sugapa sa alak at droga kung pera lang ang nagpapasaya sa kanila.
Ang Pilipinas ay kabilang sa pinakamahihirap na bansa sa mundo at sa Asya ngunit kabilang din tayo sa mga taong pinakamasiyahin sa buhay, ano ang indikasyon nito? Na sa kabila ng kakapusan natin sa pera nakukuha nating maging masaya kung ito'y positibong kaugalian dito natin tatalunin ang ibang mga bansa. Hindi tulad sa mayayamang bansa gaya ng Amerika o Inglatera kaunting suliranin lang ay kaagad na silang nagpa-panic, nakita mo ba kung gaano sila umiyak noong sila'y tamaan ng bagyo at baha? Ang mabigat na problema sa iba ay pangkaraniwan lang sa iba. Nadadaan ka ba sa R-10 sa may pier area? Tabi-tabi ang mga barong-barong ng mahihirap nating kababayan doon pero kung pagmamasdan mo sila parang hindi naman sila namomoroblema sa pera, nakangiti pa rin silang gumigising sa umaga. Hindi lahat ng mahihirap ay malungkot at hindi lahat ng mayayaman ay maligaya, ika nga nasa nagdadala 'yan. Mas bibigat ang problema kung iisipin nating ito'y mahirap solusyunan at resolbahin. Ang pera ay mahalagang instrumento sa paglutas ng ilang problema ngunit 'wag sana itong gawing dahilan upang lumikha ng isa pang problema sa pagsagot ng isang suliranin. Walang nagsasabing 'wag kang mag-interes sa pera ngunit mas mahalaga ang pangalan at dignidad kaya 'wag itong ipagpalit at 'wag hayaang masilaw sa kinang ng karangyaan at kapangyarihan.
Maiksi lang ang buhay kaya't 'wag tayong magmadali na bawiin ito, lahat tayo ay ito ang huling destinasyon, mayaman man o mahirap. Ang pera ay pera lang, sa bandang huli ang buhay pa rin ang pinakamahalaga sa lahat sa kahit ano pa mang bagay sa mundo. Masarap ang mabuhay kahit minsan hindi ito madali kadalasan tayo rin ang nagpapahirap sa isang simpleng bagay lang. Halos lahat tayo ay may problema sa pananalapi kaya nga tayo ay nag-aral at naghahanap-buhay, nakalulungkot na may nagpapakamatay sa halagang ilang libong piso at mas nakalulunglot ang balitang may pinapatay dahil sa halagang ilang daang piso lang subalit marami ang may pagkakautang na daang libo o milyong piso pero nakukuhang ngumiti at lumaban sa hamon ng buhay. There's more to life than money. Hindi na maibabalik ang oras na lumipas, gamitin sana ito ng may kabuluhan dahil hindi lang pera mo ang kailangan ng iyong pamilya. Masarap matulog sa gabi kung may kapayapaan ang puso't isipan kahit kapos sa pera. Masarap mamuhay ng may katahimikan at wala kang inaalalang uusigin ka ng batas at konsensya dahil sa ginawang kabalastugan magkamit lang ng kayamanan. Ang taong humuhusga sa taglay na posesyon ang higit na kailangan ng pang-unawa at ang taong tanging pera lang ang pinagkukunan ng kanyang kasiyahan ay kailangan ng higit na kalinga. Ang tunay na kaligayahan ay ang kagalakang nanggagaling sa kalooban at hindi ang kaligayahang nanggagaling sa labas at hinog sa pilit na ipapasok sa kalooban, pansamantalang kaligayahan.
Materyoso na ang ating mundo ngunit sana ngayon pa lang at hindi sa huling sandali ng ating buhay kung kailan huli na ang lahat, marealize natin na hindi lahat ng bagay ay kayang bilhin ng pera dahil hindi lang talaga pera ang lubos na nagpapaligaya sa tao.
No comments:
Post a Comment