- Carlos Slim, the world's richest man having an estimated assets of US$74 billion.
Carlos Slim, bagamat siya ang pinakamayamang nilalang sa mundo siya naman ang pinakamagandang ehemplo pagdating sa pagdisiplina ng sarili na makontrol ang pagbili ng hindi gaanong importanteng bagay sa kanyang buhay at pamumuhay. Literal man na kaya niyang bilhin lahat ng bagay na materyal mas pinili niyang maging simple; mas simple pa sa kapitbahay o ka-opisina nating show-off. Ang kanyang opisina'y malaki pero hindi magarbo tama nang komportable siyang nagtatrabaho, wala siyang napakaraming bahay sa iba't-ibang mga bansa at ang kanyang tahanan ay may anim na silid lang, walang luho na mga super yacht, hindi maluho ang pamumuhay at ang kanyang wristwatch ay simpleng Swiss Watch lang na malamang ay mas mahal pa ang suot-suot na relo ng ilan nating kababayan. Ang masasabi lang na luho sa kanyang buhay ay ang pagkolekta ng mga artwork. At tinuran niya pa na: ang pagkagutom daw sa mga materyal na bagay ay isang kahinaan, batik sa isang pagkatao. Isang magandang eye-opener ang video na "The High Price of Materialism" sa Youtube tinatalakay dito ang epekto at sanhi ng materyalismo, komersyalismo at konsyumerismo na tila nangingibabaw sa panahong kasalukuyan.
Sa tuwing may blogger o writer na gumagawa ng paksa patungkol sa negatibong ugali, kaugalian o nakagawian ng isang tao o nasyon mas madalas na ang komentaryo at puna ay negatibo, hindi sa paksa kundi sa mismong sumulat nito. Mas tinutuligsa ang sumulat kaysa suriin at pag-aralan ang punto at merito ng pinapaksa. Mahirap at masakit kasi talagang harapin ang katotohanan. At sa pagtalakay ko sa sensitibong paksa na ito marami ang maani kong negatibong komento at ang may akda'y huhusgahan ng walang pakundangan ganun naman talaga hindi lahat ay kaya nating pagbigyan, ika nga.
Sa panahon ng kapaskuhan tradisyon na nating mga Pinoy ang mamili, mamili at mamili. Parang napakayaman ng ilan nating kababayan at tila 'di nauubusan ng pambili ng kung ano-ano. Bakit ba naman hindi eh laganap ang mga Sale at discounts sa mga shopping mall, mga 'di-umano'y zero percent/12 months installment na appliances o gadget, mga buy one take one at 50% off sa mga damit, mga warehouse sale ng branded na produkto o buy now pay later promo ng mga credit card company. Sadyang nakakaengganyo! At totoong marami-raming Pinoy ang naeengganyong bumili ng materyal na bagay na 'to at paalala mahirap daw ang mga Pilipino. Lahat na yata ng commercials sa telebisyon, sa radyo, sa billboards, sa pahayagan at kahit ads sa internet ay ginagayuma kang mamili ng ganoon, ng ganito tuluyan nang naglaho ang paghikayat sa mga tao na mag-ipon, mag-impok at magdeposito sa bangko para sa kinabukasan. Sa halip, ang mga bangkong ito ay ipinipilit at isinisiksik sa isip natin na gumastos at gamitin ang iyong credit cards. Bakit? Mas malaking 'di hamak ang interes na kanilang makukuha sa'yo kaysa nakapondo lang ang iyong pera sa kanilang bangko.
Ang pinoy pa naman ay napakadaling buyoin at mahina pagdating sa pagkontrol ng sarili sa ganitong klase ng temptasyon, sa abroad man o dito sa Pinas. Kung tutuusin, totoo namang nakakapanukso ang mga bagong gadget at teknolohiyang ito at may mga ibang handang itaya ang kani-kanilang mga sweldo para lang mapunan ang pagkagusto sa isang bagay na naibigan. Hindi pa natatanggap ang sweldo'y bawas na agad ang pinagtrabahuhan at marami-rami na ring Pinoy ang masasabi nating materyoso; mga taong nakadepende ang kaligayahan sa mga bagay na materyal. Pero bugso lang ito o takaw-tingin dahil kung sakaling mabili o makamit mo na ang gamit na ito sandali ka lang namang kakalma dahil kagyat na nabusog ang takam ng iyong isipan. Sa sandaling panahon, mananawa ka na rin sa nagustuhang gadget o gamit dahil may bagong labas na modelong gadget na mas maganda, mas high-tech, mas maraming apps, mas mataas ang video resolution, mas mabilis ang internet browsing, mas maraming feature, mas mataas na memory capacity, lahat na. Walang katapusang pag-a-upgrade na talaga namang susukatin ang iyong kontrol sa sarili. Kung sasabayan mo ang agos ng teknolohiya mahihirapan kang languyin ito lalo't kung hindi naman ganoon kadami ang pera mo at tiyak na hindi ka makakaipon. Magkano ba ang bagong iPhone 4 na balak mong ipalit sa hawak mo ngayong iPhone 3G na nakalock-in ng 36 months? Magkano ba ang mababawas sa 'yong buwanang sahod kung mag-a-upgrade ka g Sony Ericsson Xperia? Nakaporma ka nga hawak ang "precious" iPad o Galaxy Tab wala ka namang ipon at wala kang dudukutin sa oras ng kagipitan. Nakakapaglaway nga ang malupit na Led TV pero hindi pa naman ganoon kaluma ang LCD TV mo sa bahay.
Tila naglevel-up na rin ang ma kabagong materyosong Pinoy dahil hindi lang sila basta gadget conscious kundi brand conscious na rin; hindi basta-basta bumibili ng mga gadget o gamit na hindi gaano ng kilala o sikat ang brand. Madalas kong makitang naka-Sale o naka-promo ang celphone brand na Myphone at Cherry mobile sa Robinsons Place pero parang walang pumapansin dito, dinadaan-daanan lang ito ng mall goers at shoppers. Naisip ko tuloy kung ang naka-promo o discounted price na gadget na ito ay ang mga brand ba tulad ng Sony Ericsson, Nokia, Samsung o iPhone ganoon din kaya kalamig ang pagtanggap ng mga mamimili? Siyempre, hindi. Dahil mahina ang karismang hatid ng mga hindi gaanong popular na brand na ito. Ilan lang din ba ang nagkakagusto sa Cherry Superion Tablet o Joypad Tablet kaysa sa kakumpetensya nitong iPad o Samsung Tablets? Kahit na libo-libo ang diperensiya ng halaga mas mabili pa rin ang mamahaling brands na ito. Kunsabagay, mahilig naman talaga ang mga Pinoy sa sikat at popular 'di ba? Kaya nga nakaupo ngayon sa posisyon si Noynoy dahil sa katanyagan ng kanyang mga magulang. Alam nating lahat na mas may kakayahan si Dick Gordon na pamunuan ang Pilipinas pero kulelat siya sa botohan at mas marami pa ring boto ang sikat na si Erap Estrada. Bago ko makalimutan, pangalawang termino na ngayon ang wagas na si Senador Lito Lapid, na batikan at popular na action star ng 'Pinas. Kayo na ang magdagdag sa listahan at baka lumayo ako sa paksa.
Bakit ba nahiligan nating Pinoy ang maging materyoso hindi lang sa panahon ng kapaskuhan kundi sa buong taon? Iyon bang 'pag may pagkakataon ay ia-upgrade ang gamit o kasangkapan kesehodang maging sanhi ito ng sariling kagipitan o pressure sa taong hinihingan, Ang mga gamit/gadget/kasangkapan ay nilikha para maging alipin natin pero kabaligtaran ang nangyayari dahil ang tao ang inaalipin nito; na kailangan mong bunuin at buoin ang labingdalawa o dalawampu't apat na buwan para lubos mo itong mabayaran. Ang pangunahing rason kung bakit napakalalaki ng mall sa Pilipinas ay sa dahilang ang mga Pinoy ay likas na magastos katunayan tatlo sa pinakamalalaking mall sa buong mundo ay nasa Pilipinas, repleksyon ito na ang Pinoy ay mahilig mamili o mag-shopping sa kabila ng pagiging third world country natin. Ano-ano ba ang dahilan bakit ginagawa na nating bisyo ang pamamakyaw ng mga gadget/kagamitang ito? Heto ang aking obserbasyon; mga negatibong kadahilanan:
1. "kawawa naman ako" mentality ~ Isang negatibong likhang isip ng mga Pinoy! Na sa isip niya'y kaawa-awa siya dahil luma ang kanyang gamit. Kailan ka pa naging kawawa kung luma ang gamit mo? Sino ba ang may sabi nito? Marami ang nahihiya kung ang celphone/gamit mo ay luma o outdated. Sa panahon kasi ngayon marami ang nanghuhusga base sa iyong mga posesyon at kahit hindi naman direktang pinipintasan ang gamit mo pero iyon ang inilalagay mo sa isip mo. Imbes na ikaw ay hangaan sa bago mong gamit ikaw ay naging katawa-tawa sa paningin ng iba dahil pinipilit mong maging moderno pero ang totoo hirap na hirap ka naman.
2. Pamporma ~ napaka-obvious naman na isa ito sa mga dahilan; malakas at kahanga-hanga nga naman ang dating mo sa iyong mga barkada, kaibigan, kaanak, classmate o kaeskwela kung moderno ang gadget mo. Ang pangpormang dahilan na ito ay lumilikha na inggit sa isang kapwa ring materyosong tao at kalaunan ay nais niya ring magkaroon ng katulad o mas higit na produkto.
3. Katiwasayan ng isip ~ pansamantala lamang ito dahil sandaling napunan lamang ang paghanga mo sa isang produkto; ilang buwan lang ang lilipas ay may bago nang lalabas na produkto at mag-iiba na naman ang gusto mo samantalang hindi mo pa natatapos hulugan ang nauna mong binili at sasambitin mo: "ito na talaga ang gusto ko, kuntento na ko 'pag meron na'ko nito" o kaya naman "dapat hindi muna ko bumili".
4. Yabang ~ bukod pa ito sa pampormang dahilan. Pero hindi naman ibig sabihin nito na kung may moderno kang gadget/gamit ay mayabang ka na dapat na ikonsidera na marami ang bumibili ng gadgets dahil sadyang kailangan nila ito sa hanapbuhay, kailangang i-upgrade na ang lumang gamit at para sa kombinyenteng dahilan. Subalit kung ang sweldo mo sa nasa minimum wage lang pero ang gadget/gamit/celphone mo ay higit sa bente mil at ito'y binili mo ng walang panghihinayang, anoang tawag mo dito? Tapos, nagagalit ka 'pag hiningan ka ng pambayad ng kuryente o pamalengke. Kadalasang ito ang pangunahing dahilan kaya hindi nakakaipon dahil mas inuuna pa ang kaluhoan kaysa pangangailangan. Isa ring kayabangang dahilan ang manghingi na umaabot na sa puntong pamimilit na bigyan siya ng karangyaang gadget na naibigan sa isang kaanak sa abroad at may halong pagbabanta o pangba-blackmail pa kung sakaling hindi siya mapagbigyan. Hindi na naisip ang hirap nang kalagayan ng trabaho sa ibang bansa dahil sarili at luho lang niya ang mahalaga.
5. To feel secure ~ Kung ang circle of friends o mga kasama mo opisina ay parating nagpapalit ng gadget na parang 'di mauubusan ng pera tila hindi ka magiging komportable kung ang hawak mong gadget ay higit na sa isang taon. Parang may kung anong pwersang nagtutulak at bumubulong sa'yo na dapat ay magpalit at mag-upgrade ka na rin ng gadget. Kung ito ang dahilan mo sa para maging "secure" ka mag-isip isip ka.
6. Status symbol ~ Dahil gusto mong makilala sa paraang sumisimbolo ng isang karangyaan hindi na isyu sa'yo kung pwede pa o hindi na pwede ang gadget mo basta dapat ay kung ano ang malupit na gadget na nasa merkado ay mayroon ka. Para kang isang modelong rumarampa na idini-display, winagayway at binabalandra ang bawat latest gadget na lumalabas.
7. Bahala na attitide ~ para mapunan ang iba pang personal na dahilan kadalasang pumapasok ang bahala na attitude. Alam ng problema ang susuungin pero sugod pa rin dahil sa tila lason na ang pag-iisip ng komersyalismo at konsyumerismo. Hindi naman masama ang magkaroon ng moderno at mamahaling gadget o gamit lalo't kung ito'y pangangailangan higit sa bugso lang ng kaisipan. Lalo't kung ito'y kaya mo kaysa iyong kinakaya lang. Hindi na kailangan pang ipaliwanag pa nang mahaba dahil alam natin na mas mahalaga ang mag-impok at mag-ipon para sa kinabukasan kaysa maglustay at gumastos para lang mapunan ang kagustuhan.
Ang mga gadget, celphone o kasangkapan ay mga kagamitan dapat tayo ang gumagamit sa kanila, tayo ang amo at sila ang alipin, tayo ang siniserbisyohan nito pero kung iyon ang dahilan para mabaon ka sa utang sino ngayon ang nagsisilbing alipin? Ang posesyon ng materyal na bagay ay kailanman hindi dapat gawing batayan ng isang pagkatao at kung ito ang pamantayan mo sa buhay, napakababaw nito.
Hindi lahat ng mga mamahaling gamit ay mayayaman ang bumibili at hindi lahat ng mga mayayaman ay mga mahal ang kagamitan madalas kung sino pa ang pangkaraniwang mamamayan na hindi kalakihan ang kinikita o kahit na simpleng estudyante lang ay may high-tech at modelo ang hawak na gadget at ang mga taong may talagang kakayahang bumili nito ay hindi naman ganoon kamahal ang mga gamit. Siguro ang dahilan nito'y: mas pinapahalagahan ng mga propesyonal ang bawat halagang lumalabas sa kanilang bulsa at mas alam nila ang importansya ng pera sa panahong ito. Kunsabagay, aanhin mo nga naman ang mga high-tech na iPhone, Xperia o N9 kung pang-text lang o music player ang gamit nito sa'yo, aanhin mo nga naman ang iPad o Galaxy Tab kung maglalaro ka lang ng Angry Birds o mag-a-upload ka lang ng pictures sa Facebook, aanhin mo nga naman ang DLSR cameras kung puro kalokohan lang naman ang pini-picturean mo, higit sa lahat aanhin mo nga naman ang iMac o Vaio kung Facebook, Youtube lang naman ang gamit nito sa'yo.
Ang ano mang kasiyahang nadama na nanggaling sa labas tulad ng materyal na bagay ay asahan mong ito'y panadalian lang at laging may hangganan. Ang tunay na kagalakan ay galing sa kalooban; sa puso. Hindi ito matutumbasan ng magarang kasangkapan, hindi matatawaran ng salapi, hindi mapapalitan ng mamahaling kasuotan. Kaibigan, pamilya, mga mahal sa buhay at kapanatagan sa isipan ang tunay na pinagmumulan ng kaligayahan.
Ang magandang mensaheng hatid ng isang text message, ang masasaya at mahahalagang alaala nakapaloob sa isang larawan na hindi nakikita ng ating mata, ang malambing na boses na tawag sa telepono, ang nakakatanggal-pagod na video call galing sa abroad at mga puno ng pagmamahal na mensahe ng isang email galing sa mga mahal sa buhay ang tunay na nagdudulot ng kaligayahan sa ating puso at isipan at makakamit mo rin ito kahit hindi gaanong mahal ang iyong camera, celphone o laptop. Matutong magpasalamat sa halip na magnasa nang kung ano-anong materyal bagay.
Matatapos na ang Pasko at Bagong Taon, naibigay na rin ang 13th month pay at bonus; ilang buwan na lang at Abril na ibig sabihin enroll-an na naman ng mga bata napaghandaan mo ba ito? May naitabi ka bang pera sa panahon ng kapaskuhan na ikaw ay nagpapasasa? Malamang wala, 'di bale bago naman ang gadget mo. Bale ka muna sa opisina o kaya sa BFF mo 'di ka ba nahiya mas maganda pa ang gadget mo sa uutangan mo? O di kaya mag-loan ka sa SSS O Pag-ibig o kaya sa bangko o ibenta mo na lang kaya 'yang gadget mo? Ubos-biyaya ka kasi.
No comments:
Post a Comment