Sunday, December 11, 2011

Body Parts Idiom

Nauuso yata ang sequel sa mga blog siguro'y dahil mahilig tayo sa mga dugtungan at nasu-surpresa pa rin tayo sa kung anong pwede pang idagdag na ideya at istorya sa nauna nang paksa. Sa totoo, nakaka-challenge ito dahil hindi madali ang magsulat ng paksang nauna mo ng tinalakay. Pero naniniwala pa rin ako na hindi kayang tawaran ang isip ng tao malawak ito at tila walang katapusan ang pwedeng malaman at matutunan.
Inisipan ko ng kadugtong ang nauna kong blog entry na: "Animal Idiom" o mas kilala sa: "Pinoy (slang) Dictionary - mga hayop" sa Definitely Filipino blog pero nauwi ako sa sawikain o idyomang gamit ang bahagi ng katawan ng tao hindi man ito sequel ng naunang artikulo may pagkakahawig naman ito sa nasabing entry.
"Ang Tagalog ay mayaman sa mga sawikain. Ang sawikain ay mga salita o pagpapahayag na karaniwang ginagamit sa araw-araw. Ang mga pagpapahayag na mga ito ay nagbibigay, ng hindi tiyakang kahulugan ng bawat salita kundi ng ibang kahulugan." (Source: C.S. Canonigo's MGA BUGTONG, SALAWIKAIN, SAWIKAIN at mga PILING TULA - Book 1)
Ang bahagi ng katawan ng tao bukod sa pangunahin niyang gamit ay may iba pang pinag-gagamitan. Ang mga sumusunod ay mga sawikaing Pilipino na ginagamitan ng bahagi ng katawan ng tao; madalas natin itong ginagamit upang maging matalinghaga at mas mabulaklak ang bibitiwan nating salita.


Balat
~ 1. balat-kalabaw; 'di agad tinatablan ng hiya, manhid 2.balat-sibuyas; sensitibo, maramdamin
Halimbawa ng pangungusap: 1. Kahit marami ang tumutuligsa at bumabatikos tila balat-kalabaw pa rin ang ating mga pulitiko sa kung anong panawagan ng pagbabago para sa progresibong Pilipinas. 2. Maraming Pinoy ang nakahiligang pintasan ang anumang bagay pero kung siya naman ang pupulaan ay balat-sibuyas naman at kay daling mapikon.

Balikat ~
1. pasan sa balikat; karga, buhat 2. kibit-balikat; nagbibingi-bingihan, walang pakialam
Halimbawa ng pangungusap: 1. Nakapagtataka na marami ang gustong maging pangulo ng Pilipinas gayong sa dami ng suliranin sa Pilipinas ay tila pasan mo sa balikat ang buong daigdig. 2. Nakakalungkot na sa dami at tibay ng mga ebidensiyang nakahain upang i-impeach ang dating Pangulo kibit-balikat naman na ibinasura ang complaint ng ating Kongreso.

Bayag
~ ang maselang bahagi ng katawan ng tao na ito ay inihahalintulad natin sa katapangan ng isang tao.
Halimbawa ng pangungusap: Kung sino pa ang taong may maraming ginawang paglabag na batas siya pa ang walang bayag na harapin ang katarungan.

Bituka ~
1. halang ang bituka; masama ang ugali, walanghiya, salbahe 2. likaw ng bituka; pareho ng uri at ugali 3. mahapdi ang bituka: nagugutom
Halimbawa ng pangungusap: 1. Dapat na ang lahat ay mag-ingat dahil marami ngayon ang halang ang bituka mayroon nito sa kalsada, marami ang nasa kulungan at ang iba'y nasa Batasan. 2. Kung may mabuti kang layunin sa buhay at nais mong tumulong sa kapwa iwasan mo ang maging pulitiko dahil 'di magtatagal at malamang na ang likaw ng bituka mo'y magiging pareho sa kanila. 3. Mahapdi na ang bituka ng maraming Pilipino pero tamad pa rin maghanap ng kahit na anong trabaho.

Bibig
- 1. bukambibig: laging sinasambit 2.tulak ng bibig: hanggang salita lamang, 'di totoo 3. dalawa ang bibig: madaldal
Halimbawa ng pangungusap: 1 & 2 Bukambibig na ng ating mga lider ang pagtulong sa mahihirap at pagpapaunlad sa bayang Pilipinas pero lahat ng ito'y tulak lang ng kanilang mga bibig. 3. Ang pagiging dalawa ang bibig ang madalas pagmulan ng kapahamakan ng kanya mismong sarili at ng kanyang pinaglilingkuran.

Buto
~ 1. maitim ang buto: masamang pag-uugali 2. nagbabanat ng buto: masipag na naghahanap-buhay
Halimbawa ng pangungusap: 1. Napakagaling magtago ng pagkatao ng dati naming pangulo dahil lingid sa kaalaman natin ay maitim ang kanyang buto. 2. Sa kabila ng kahirapan ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga Pinoy dahil parang wala itong kapaguran na nagbabanat ng buto.

Buto't-balat:
payat na payat
Halimbawa ng pangungusap: Kasalanan pa ba ng gobyerno kung ang kalagayan ng isang Pilipino'y buto't balat gayong wala naman siyang pagsisikap o pagtitiyaga na maghagilap ng matinong trabaho?
Kamay ~ 1. malikot ang kamay: pasimpleng kumukupit 2. mabilis ang kamay: mandurukot 3. mabigat ang kamay: tamad kumilos o magtrabaho 4. magaan ang kamay: madaling manakit
Halimbawa ng pangungusap: 1. Maramng pulitiko ang nag-umpisang malinis ang hangarin pero kalauna'y nagiging malikot din ang kamay at bumibigay sa temptasyon. 2. Huwag tatanga-tanga at dapat na ikaw'y ay mag-ingat dahil ang taong mabilis ang kamay ay magaling magkunwari. 3. Ang taong may mabigat ang kamay ay walang karapatang magreklamo sa gobyerno. 4. Animo'y 'di makabasag pinggan ang dati naming gobernador pero batid na ng kanyang kababayan na magaan ang kanyang kamay sa kanyang tauhan.

Katawan
~ matigas ang katawan: tamad
Halimbawa ng pangungusap: Walang grasyang darating sa mga taong matigas ang katawan at 'di rin sila dapat kaawaan.

Kilay ~
nagsusunog ng kulay: nagsisipag mag-aral
Halimbawa ng pangungusap: Huwag mong iasa sa swerte ang iyong pangarap at kapalaran dapat ay samahan mo ng pagsisikap at kung ikaw ay mag-aaral dapat lang na nagsusunog ka ng kilay.
Dibdib ~ 1. pag-iisang dibdib: kasal 2. daga sa dibdib: takot
Halimbawa ng pangungusap: 1. Dahil sa pagnanais na makaahon sa kahirapan maraming kadalagahang Pilipina ang lakas-loob na nakikipag-isang dibdib sa mga dayuhan kahit sa internet lang nila ito nakilala. 2. Ang mapanganib na gawaing ito'y kailangang gawin ng mga Pinay nang walang daga sa dibdib.

Dila
~ 1. makati ang dila: mapunahin 2. matamis ang dila: mahusay mangusap at mang-uto 3. magdilang anghel: magkatotoo ang sinabi
Halimbawa ng pangungusap: 1. Pansin mo ba ang pagiging makati ng dila ng mga Pinoy? Malakas mang-asar at mamuna pero mas madungis naman sa taong kanilang pinuna. 2. Ang mg Pinoy ay sadya yatang walang kadala-dala kahit walang kakayahang mamuno ay ating inihahalal at ang puhunan lamang ay pagiging matamis ang dila. 3. Napakasarap pakinggan ang mga pangako ng ating mga pulitiko ngunit hanggang panaginip na lang yata na sila'y magdilang anghel.

Dugo
~ 1. kumukulo ang dugo: naiinis, nasusuklam 2. magaan ang dugo: madaling mapakisamahan 3. maitim ang dugo: salbahe.
Halimbawa ng pangungusap: 1. Marami ang kumukulo ang dugo kay Glorya kahit na mas marami ang mas masahol sa kanya ang iba nga ay nasa posisyon pa. 2. Kahit sa ibang panig ng mundo, ang mga dayuhan ay magaan ang dugo sa mga Pilipino dahil sa husay ng lahi nating makisama pero pagdating naman sa Pinas ay tila nag-iiba. 3. Kung ang krimen ay nagawa dahil sa kahirapan ng buhay, masasabi ba nating maitim ang kanilang dugo?

Isip
~ 1. makitid ang isip: mahinang umunawa 2. malawak ang isip: madaling umunaw
Halimbawa ng pangungusap: 1. Ang simpleng panuntunan na bawal tumawid at bawal magtapon ng basura ay hindi sinusunod ng maraming Pinoy, makitid nga ba ang isip natin? 2. Dapat na malawak ang ating isip sa pag-unawa sa mga taong nais na tayo'y siraan at ibagsak.

Laway
~ panis na laway: hindi makapagsalita
Halimbawa ng pangungusap: Napapanisan na ng laway ang isa naming senador na dating action star dahil hirap makipagdebate sa mga batikang kasama niya sa senado.

Leeg
~ matigas ang leeg: mapangmataas o di namamansin
Halimbawa ng pangungusap: Ang aming balik-bayan na kapitbahay na galing Amerika ay may lubos na malaking pagbabago bukod sa may accent na siya magsalita ay tila matigas na din ang kanyang leeg.

Mata
~ 1. matalas ang mata: mapagmatyag 2. tatlo ang mata: mapaghanap ng mali 3. namuti ang mata: matagal nang naghihintay
Halimbawa ng pangungusap: 1. Kahit matalas ang mata ng taumbayan sa pagmatyag sa napakagulong eleksyon wala rin itong silbi dahil nagtatakipan ang magkakasabawat sa pandaraya. 2. Para maging epektibo kang stand-up comedian kailangang tatlo ang mata sa paghanap ng kapintasan. 3. Tuluyan nang namuti ang mata ng mga Pilipino sa kakahintay ng mga lider na magbibigay ng progresibong programa para sa Pilipinas.

Mukha
~ 1. makapal ang mukha: hindi tinatablang ng hiya 2. madilim ang mukha: problemado 3. dalawa ang mukha: kabilanin, balimbing
Halimbawa ng pangungusap: 1. Kailangan mo ng kapal ng mukha upang pasukin ang mundo ng pulitika dahil kung wala ka nito wala kang pag-asang manalo. 2. Sa kabila ng kadiliman ng mukha ng mga Pilipino ay may maaaninag ka pa ring ngiti sa kanilang labi. 3. Hindi lang naman pulitko ang may dalawang mukha pati ang kapit-bahay mong tambay ay mayroon nito at madalas kang siraan 'pag ikaw'y nakatalikod.

Noo ~
mataas ang noo: mapagmalaki
Halimbawa ng pangungusap: Maraming mga Pilipino ang biglang tumaas ang noo ng makaranas ng kaginhawaan sa buhay, hindi na malapitan at animo'y nandidiri sa kapwa niya Pilipino.

Paa
~ 1. makati ang paa: mahilig sa gala o lakad 2. pantay ang paa: patay na
Halimbawa ng pangungusap: 1. Tuwing kapaskuhan maraming kababayan nating makakati ang paa ang tutungo sa mga mall upang mamili ng walang pakundangan pero kapagdaka'y mamomroblema sa pagdating ng bayaran. 2. Nakakalungkot na katotohanan na ang kapayapaan at pagkakapantay na ating inaasam ay makakamit lang natin 'pag nagpantay na ang ating mga paa.

Palad
~ 1. makapal ang palad: masipag 2. sawing-paladl: bigo 3. bukas-palad: pagtanggap na bukal sa loob
Halimbawa ng pangungusap: 1&2. Sa dami ng bilang ng mga anak at kakulangan sa edukasyon, kahit na anong kapal ng palad at kahit may dagdag ng pagsisikap kadalasan nauuwi sa resultang swing-palad. 3. Ang kaugaliang filipino hospitality o bukas-palad sa mga bisita dayuhan man ito o hindi, ay unti-unti nang nawawala dahil sa kahirapan ng buhay.

Sikmura ~ mahapdi ang sikmura: nagugutom
Halimbawa ng pangungusap: Milyon ang bilang ng taong mahapdi ang sikmura pero tila balewala lang ito sa maraming ganid ng lipunan dahil mas inuuna nila ang kanilang bulsa kaysa tunay na paglilingkod sa bayan.

Tainga
~ 1. taingang kawali: nagbibingi-bingihan 2. matalas ang tainga: matalas ang pandinig o madalig makarinig
Halimbawa ng pangungusap: Hindi na nakapagtataka na karamihan sa nakapwesto sa gobyerno man ito o hindi ay taingang-kawali lamang sa karaingan ng maliliit na tao sa lipunan. 2. Napakasensitibo at matalas ang tainga ng marami nating kababayan na sobra ang reaksyon sa pintas ng dayuhan sa tunay na kalagayan ng Pilipinas pero wala namang ginagawang solusyon para ito'y maresolba.

Talampakan
~ makating talampakan: mahilig gumala
Halimbawa ng pangungusap: May mga taong mahilig sundin ang kati ng talampakan kaysa ipunin na lang ang pera para sa kinabukasan at sa sandali nang pangangailangan.

Tuhod
~ 1. matibay ang tuhod: malakas 2. mahinang tuhod: mahinang pangangatawan; lampa
Halimbawa ng pangungusap: 1. Likas sa atin ang pagpipilit na maging matibay ang tuhod kaya nga labing-isang milyong Pinoy ang kumakayod sa ibang mga bansa para sa ikabubuhay ng pamilya kahit na ang iba'y uugod-ugod na. 2. Kahit lakasan mo pa ang loob mo kung mahina naman ang tuhod mo sa pisikal na gawain malamang na magresulta ito sa wala.

Ulo
~ 1. matalas ang ulo: matalino 2. may hangin ang ulo: mayabang 3. malamig ang ulo: kalmado 4: mainit ang ulo: pangit ang disposisyon 5. lumaki ang ulo: yumabang 6. matigas ang ulo: ayaw makinig sa utos, pangaral o batas 5. basag-ulo: away o gulo 6. may ipot sa ulo: pinagtaksilan 7. sira ang ulo: maraming alam na kalokohan.
Halimbawa ng pangungusap: 1, 2& 5. Hindi maikakaila na maraming matatalas ang ulo pero tila lumalaki ito sa kalaunan at kasunod nito'y ang pagkakaroon ng hangin sa ulo at marami sa kanila ang nasa Kongreso. 3, 4 &7. Upang hindi mahingan ng tulong nag-astang mainit ang ulo ang punong-baranggay namin pero kung malamig naman ang ulo nito para itong sira-ulo na maraming alam na kagaguhan kaysa kabutihan. 6. Ang Pilipinas ay tila may ipot sa ulo dahil marami ang nagtataksil sa bayan halip na naglilingkod ng taos at kabutihan.
Utak ~ 1. matalas ang utak: matalino 2. utak-biya: mahina ang ulo, bobo.
Halimbawa ng pangungusap: Tama bang sabihin na kaya marami ang nakaupo sa posisyon ng gobyerno na matalas ang utak dahil hinahalal sila ng mga botanteng utak-biya? O dahil ito sa pagsira ng tiwala at paglinlang ng mga taong-gobyerno kung sakaling sila'y makaupo na?

3 comments:

  1. magandang pag hahalitulad,,, --- looking 4ward sa mga future posts mo,,, follow back ka rin ha,,, salamat

    ReplyDelete
  2. pahabol --- gusto kong ang iyong istilo ng pagsusulat,, kaya kahit medyo kwela at moderno ang tema ng "blog" ko eh medyo sinasamahan ko parin ng mga salita at katagang sariling atin... salamat at magandang araw ulit

    ReplyDelete
  3. salamat xinoko sa pagbisita sa blog na ito. asahan mo at mayroon ka pang mababasang iba't ibang paksa dito sa aking blog. walang pagkasawa hangga't may utak may darating na ideya at paksa. more power sa iyong pagsusulat at sa lahat ng active na blogista. magandang araw.

    ReplyDelete