Monday, September 27, 2010

Pera, pera, pera


The greed for money is the root of all evil.
Money is like the sixth sense you can't make use of the other five without it.
Whoever said money can't buy happiness simply didn't know where to go shopping.
Money, if it does not bring you happiness, will at least help you be miserable in comfort.
Money is the barometer of the society's virtue.

Money, the root of all evil but solutions to (almost) all of the problems.


Mga quotes na may kinalaman sa pera, mga katotohanan pero pilit na iwinawaksi at ayaw harapin. As I've described on my previous blog entry, Money is on top of my list of overrated things. Gaya rin ng ibang mga bagay anumang sobra ay masama subalit sa pagkakataong ito parang halos lahat na yata ng tao ay naghahangad ng marami nito. Money makes the world go round and money changes everything sarkastikong mga pananaw pero may kurot nang katotohanan. Pera ang nagpapaikot sa mundo at malamang karamihan sa mga tao. Katulad mo marami rin ay naghahangad din nito nangangarap, nananaginip, na sa pagdating ng mailap na panahon mabili ang mga bagay na maglalagay ng ngiti sa ating mga labi, magpapakalma ng magugulong mga isipan, magpapaginhawa ng ating buhay at ng ating pamilya. Oo, hindi lang pera ang nagpapaligaya sa buhay ng tao pero siguro kung mayroon ka nito madali nang magawan ng paraan kung paano ka maging masaya. Nakakalungkot malaman na karamihan na sa tao ay nakadepende ang kasiyahan sa materyal na bagay at kapag sinabing materyal na bagay kakambal nito ay pera. Pera na napaka-powerful, napaka-influential at always in control sa lahat ng oras, sa lahat ng bagay. Sinasabing ang respeto ay hindi hinihingi kundi kusang ibinibigay sa isang tao pero kung wala ka namang pera sino ba ang rerespeto sa’yo? Magmumukha ka lang gusgusing pulubi sa kalsada pero ang hinahanap mong respeto ay hindi mo makukuha. Ilan na ba ang rumespeto sa taong grasa na humihingi ng marungis na barya? Sino ba ang nagbigay pansin sa mga paslit na kumakatok sa magagarang sasakyan? Bukod sa barya, awa lamang ang kaya nating ibigay sa kanila. Sino ba ang madalas kuhaning ninong sa binyag o kasal? Gustuhin man natin o hindi, sa realidad nang buhay ang sinomang may pera ay may kapangyarihan at ang respeto pilit man ito o hindi ay naibibigay sa taong mayroon nito.

Ang batas ay pantay-pantay at ito'y para sa lahat, mayaman ka man o mahirap subalit ikaw ba ay naniniwala dito? Ang sinumang may pera sa bansang ito ay madalas palagiang nangingibabaw sa batas. Parang mga asong uto-uto ang mga pulis na nagpapasilaw sa kinang ng pera, mga piskal, abogado at huwes na pikit-matang tinatanggap ang bulto ng salapi kapalit ng pagbaluktot ng batas. Ang hustisyang nararapat na para sa iyo ay napakahirap matagpuan 'pag ikaw ay salat sa pera nakakalungkot malaman pero totoo.


Napakaraming mga tanong na ang simpleng sagot ay pera. Simple na mailap at napakahirap makamit, simple na sa buong buhay ng tao ay dito nakasentro, simple na hindi naman pwedeng iwasan.

Ano ba ang dahilan kung bakit dumarami ang pulitikong "concerned" sa mamamayang Pilipino?
Bakit ba tayo iginapang sa pag-aaral ng ating mga magulang?
Ano ba ang naging ugat noong hostage crisis sa Luneta?
Pagkagahaman ba saan ang pamamaslang noon sa Maguindanao?
Bakit ba hindi kayang ipagamot ng karaniwang Pinoy sa matinong hospital ang mga mahal natin sa buhay?
Bakit nagreresulta sa kamatayan ang karaniwang Pilipino na may mga karamdaman?
Bakit ba dumarami ang palaboy sa kalye?
Bakit ba nadaragdagan ang iskwater sa gilid ng kalsada at ilalim ng tulay?
Bakit hindi masugpo ang katiwalian sa gobyerno?
Bakit ba hindi matigil ang jueteng sa Pilipinas?
Bakit ba palagi na lang may nanghoholdap at nangingidnap?
Bakit dumaraming mga magulang ang iniiwan ang mga anak para mag-ibang bayan?
Bakit ba kakaunti na lang ang matitinong mga pulis?
Ilang mag-asawa na ba ang naghiwalay dahil sa kawalan nito?
Ilang respeto at tiwala ng kapatid, kaibigan, at kahit pamilya na ba ang nasira dahil dito?


Ang kawalan ng pera ay parang katumbas ng kawalan ng dignidad sa isang materyosong mundong ating ginagalawan, nakapagpapababa din ito ng moral na minsan nagdudulot ito ng desperasyon at maaaring makagawa ng mga bagay na labag sa kalooban, sa batas at sa Diyos. Gugustuhin ba ng isang babae na magpakaputa na pinagpaparausan ng kung sino-sinong lalaki kung mayroon siyang pera? Nanaisin ba ng isang ina na magnakaw ng isang latang gatas kung may pambili siya nito? Isusugal ba ng isang ama ang kanyang buhay sa pagnanakaw para mapa-opera ang kanyang anak na malubha? Hindi ka ba maaantig kung makakita ka sa kalsada ng paslit na nanghihiningi ng barya sa dis-oras ng gabi? Hindi ka ba makakaramdam ng awa sa mga batang naghahagilap ng mapagkakakitaan sa umaalingasaw na basura? Sa kabilang banda, ang pagkakaroon (ng labis) nito ay nagdudulot sa tao ng kumpiyansa, labis na lakas ng loob, dignidad at mentalidad na hindi ka kayang apihin dahil sa ikaw ay may pera. Madalas nga sa pagkakaroon ng kumpiyansa ay nauuwi pa ito sa kayabangan at hindi namamalayan na isa na rin siya sa nag-aalipusta sa mga kapos naman sa pera.


Pera, kung sinoman ang nag-imbento nito ay nakabibilib higit pa ito sa kung ano pa mang imbensiyon ng teknolohiya dahil kung wala nito hindi makakamit ang bawat adhikain. Mas makinang pa ito sa nakasisilaw na araw, mas mahalimuyak pa ito sa pinakamabangong pabango, mas nakabibighani pa ito sa pinakamagandang babae at mas malakas pa ang epekto sa pinakamatinding gayuma. Ang tao ang nag-imbento sa pera kaya marapat lamang na ang tao ang nagpapaikot dito hindi ang kabaligtaran pero iyon ba ang nangyayari sa kasalukuyan? Hindi man literal na pinapaikot tayo ng pera subalit ito na ang nakalakhan ng bawat isa simula nang pagkabata; Kung may pera lang sana noon si nanay; Gaano kaya kasaya ang kabataan ko kung nagkaroon ako ng game and watch, rc cars at mightykid na sapatos? Lagi ko sanang naaalala ngayon ang cake at ice cream sa tuwing birthday ko, Anong antas kaya ng kasiyahan ang nadama ko kung may pambili kami ng Nike o Tretorn noong nag-aaral ako ng Highschool? Naipamana pa sana sa akin at hindi nailit ang ibang mga alahas ni Itay kung may pangmatrikula ako sa kolehiyo. Hanggang sa kasalukuyang mga gusto at pangarap natin na Laptop, DSLR Camera, I-phone, malupit na mga shoes at bags, bakasyon sa Palawan, Tokyo o Paris. Ang sarap siguro ng pakiramdam kung hindi ka nag-aalala sa mga dumarating na bill ng kuryente, cable, credit card at iba pa. Makamit, maranasan o mapag-ipunan mo man ang ilan sa mga ito, kinabukasan babangon ka ulit para magtrabaho at kumita ng pera para naman sa ibang gusto at pangangailangan dahil ang tao naman ay wala ring kakuntentuhan. Hindi lang pinapaikot ng pera ang kamalayan ng tao idagdag mo pa ang pagiging alipin ng karamihan ng tao sa makapangyarihan at malabato-balaning hatid at dulot ng pera. Hindi na alintana ang anumang negatibong resulta masustini lang ang pangangailangan, hindi na iniisip ang masamang dulot ng pangyayari at may mga tuluyan nang nalason ang pag-iisip dahil sa pagiging gahaman at sakim. Higit sa 60% ng ating buhay ay inilalaan natin sa hanap-buhay o trabaho, hindi pa sumisikat ang araw ay bumabangon na tayo para kumayod kung hindi pera ang dahilan dito ay ano? Baka nga mahina na ang tuhod natin o lugas na ang ating buhok ay naghahanap pa rin tayo ng mapagkakakitaan. Pagod ka na ba? Huwag muna dahil may pasok ka pa bukas at kailangan mo pang kumita.


Ilang okasyon na ba ang hindi mo napuntahan dahil ikaw ay may pasok sa trabaho?
Saan ka ba makakarating kung hawak mong pera ay 'sandaang piso?
Sapat na bang magpadala ka lang ng pera sa kaarawan ng iyong anak?
Kaya mo bang laging lumiban sa trabaho para dumalo sa mga pagdiriwang?
Ano ba ang uunahin mong bilhin, bigas o medisina?
Naisip mo ba kung pagkasyahin ang 200 piso kinita sa maghapon sa lahat ng gastusin?
Hindi ka ba mapapaluha kung hindi mo kayang tulungan ang isang mahal sa buhay dahil ikaw ay kapos rin?
Sino ba ang tutulong sa'yo kung ikaw naman ang nangangailangan?
Kaya mo na bang unawain ngayon ang isang holdaper na katulad mo'y desperado na din sa pera?
Ilang araw at gabi ba ang tiniis mo para sa kapakanan at kinabukasan ng iyong anak at para may ihain sa hapag-kainan?


Sa pag-ibig daw ay pantay-pantay ang mahirap at mayaman, totoo kaya ito? Makakapagpa-ibig ka ba kung ikaw ay hikahos sa pera? Alipusta lang ang aabutin mo sa magulang na iyong nililigawan magiging para ka lang busabos sa kanila na parang isang napakalaking kasalanan ang pagiging mahirap mo. Damit, pagkain at tirahan ating mga pangunahing pangangailangan masyadong madami e kung gawin na lang nating isa: Pera. Tutal yun din naman ang kailangan para ma-fulfill ang ating basic needs ganun din ang iba pang mga pangangailangan.

Ang kalusugan ay kayamanan pero paano ba mapapanatii ang kalusugan? Libre ba ang gulay, karne, isda, gamot at bitamina?
Ang edukasyon ay isa ring kayamanan ngunit ano ba ang katumbas ng edukasyon? Hindi lahat ng tao ay may eksepsyonal na talino at kayang makapag-aral ng libre dahil sa taglay nitong angat na talino, ang edukasyon ay hindi libre at pera ang kailangan para makapagtapos ng matinong pag-aaral. Paano na lamang ang iyong pangarap na magandang bahay at modelong sasakyan kung hindi ka nakapag-aral? Lahat na yata ng kilos natin ay nag-uugat at nangangailangan ng pera? Sana nga'y mali ako subalit mali nga ba ako?

Magmula pagsilang hanggang kamatayan, magmula unang kaarawan hanggang sa libingan pera ang iyong kailangan. Magkano ba ang iyong kailangan para ipambayad sa isang nanganak sa ospital lalo na't caesarian? Hindi mo ba pinag-ipunan ang unang kaarawan ng iyong anak? Magkano ba ang gagastusin sa pagkakasakit, sa simpleng ataul at sa pagpapalibing?

Ang mentalidad na ang mayayaman ay matapobre at ang mahihirap ay snatcher ay hindi totoo kathang-isip lamang ito ng mga manunulat ng mga pelikula, komiks at teleserye. Hindi lahat ng mayaman ay mang-aapi at hindi lahat ng mahirap ay hindi marangal ang hanapbuhay kadalasan nga ay ang kabaligtaran pa ang nangyayari. Pero naniniwala pa rin ako na kailanman hindi pwedeng gamiting dahilan o katarungan ang kahirapan para gumawa ng kasamaan at kamalian alam kong hindi madali pero sa tingin ko'y ito ang tama. Bagaman, napakahirap kumita ng pera at mabibigat ang mga pagsubok na dumarating sa ating buhay hindi pa rin ito sapat para gumawa ng isang bagay na ating pagsisihan kung hindi man dito sa kasalukuyang buhay malamang sa kabilang dimensyon ng ating buhay kung ikaw'y naniniwala sa buhay pagkatapos ng mortal na buhay sa makasalanan at puno ng temptasyon na lupa. Maaaring hindi natin alam ang solusyon sa ibang mga problema, maaaring hirap ka na magdesisyon at lito na ang iyong isip sa kaiisip kung saan maghahagilap ng kaparaanan, maaaring ginawa mo na ang lahat ng nalalaman mong paraan, hindi pa man ito sapat ay wala ka nang magagawa. Hindi natin kontrol ang lahat ng bagay, hindi mo man alam ang dahilan sa ngayon baka sa susunod na panahon maintindihan mo ito. Huwag nating tularan ang iba na ganid sa pera siguro nga'y tama na: ang pagiging sakim sa pera ay ugat ng kasamaan. pero ano ba ang kinalamanan ng pera sa pag-gawa ng kasamaan ng tao? Ang bawat desisyon ay nakasalalay sa tao huwag isisi sa pera, sa kung kanino man o sa kung saang bagay man. Ang pag-gawa ng mabuti o masama ay "by-choice" hindi sapat sabihin na sumama ang ugali ng isang tao dahil sa siya'y yumaman maraming mga nakaririwasa sa buhay ang may magandang ugali. Huwag din isisi sa iba ang kinahinatnan ng buhay mo wala silang kinalaman sa katayuan mo ngayon. Ang pera'y mabuti kung gagamitin sa mabuti. Ang pera'y masama kung gagamitin sa masama.



Paunawa: Ang blog na inyong nabasa ay tumatalakay lamang sa relasyon nang tao sa pera at nang pera sa tao kung gaano kahalaga, kahali-halina at kaimpluwensya, sa buhay ng isang tao ang pera. Ang epekto, dahilan at sanhi nito ay inugat din para sa kaalaman ng lahat. Ang pananampalataya at paniniwala sa Diyos, obligasyon at responsibilidad sa kapwa ang tunay na mahalaga sa kahit ano pa mang bagay dito sa mundo hindi na ito nilawakan dahil ang konsentrasyon ng may akda ay tungkol lamang sa pera, pera, pera.

Wednesday, September 15, 2010

Quotes ko naman



-Ang isda ay sa paglangoy, ang sa ibon ay sa paglipad. Hindi kaya ng isda na lumipad gayundin naman ang ibon sa paglangoy. Hindi lahat ng bagay ay kaya mong gawin at i-perfect. Isa ako sa hindi naniniwala sa sinasabi nila na: "kung kaya ng iba ay kaya mo rin" hindi ito applicable sa karamihan sa dahilang tayo ay may kanya-kanyang talento at kakayahan.


-The line between being rude and being good is very thin. You can choose to control your emotions or curse that bastard person.Or if you say hello to temptation you opened the doors to betrayal & deception.


-'Wag mong laging gawing dahilan na: "Tao ka lang kaya ka nagkakamali"; Madalas naman kaya nating hindi gumawa ng kasalanan, AYAW mo lang. Oo, sadyang madaling maging tao pero mahirap magpakatao pero hindi ibang tao ang magdedesisyon sa buhay mo; walang pero, walang subalit, responsibilidad mo kung ano ang kahihinatnan ng desisyon mo.


-Wrong decision leads to regret & regret leads to desperation. No matter how regretful & desperate you are you can not turn back the hands of time. Isantabi mo muna ang kasabihang: ang hindi lumingon sa pinaggalingan hindi makakarating sa paroroonan. Maybe moving on is the best solution. Forget the past, live for today & think of your tommorow.


-Minsan kahit anong gawin para itago ang kalungkutan ay lalabas at lalabas pa rin ito. Magsuot ka man ng maskara o magtago sa likod ng mga ngiti, tumawa ka man o itago ang luha, hindi mo madadaya ang iyong sarili. Isigaw mo man sa buong mundo na masaya ka o wala kang dinaramdam, alam mo sa sarili mo na dumudugo ang puso ...mo kasabay ng paghampas ng alon sa dalampasigan na hindi kayang pigilan ninuman.


-Sometimes people forget that we are human being not human doing that our mind needs to ease, our body needs to pamper & our soul needs to rest. Of course we all need money but we also need to take a break from the stress.


-Ang pagtanda ay hindi mapipigilan ninuman..kung bday mo ngayon ang edad moy ndgdagan na naman ng isang taon. Okay lang 'yun lahat nman tayo papunta dun ang mahalaga meron kang pinagkatandaan kesa naman matanda ka na isip-bata ka pa rin, naniniwala ka pa kay sta claus at meron ka pa ring crush hanggang ngayon at umaasa na magkakatuluyan kayo someday kahit alam mo na may sarili na syang pamilya.


-Minsan nasasayang ang oras mo kahahanap ng remote ng TV hindi natin naisip pwede namang ilipat ang channel manually. Gaya lang ng problema 'yan kung hindi mo kaya sa mabilis na paraan, tiyagain mo na lang pareho din ang resulta medyo matagal nga lang.


-Subukan mong buksan ang ilaw kung may liwanag ng araw hindi mo ito mararamdaman dahil hindi ang kuryente, filament o bulb ang nagpapaliwanag sa ilaw kundi ang mismong KADILIMAN parang isang bagay na nalalaman lang natin ang kahalagahan sa panahon nang kagipitan.


-Ang tunay na kaibigan ay parang isang wiper ng sasakyan na tutulungan ka sa panahon ng tag-ulan kahit hindi mo sya pinapansin at wala kang pakialam sa panahon na may araw.


-Life is short ika nga kung ano ang nagpapasaya sa'yo basta hindi ka nakakagrabyado ng ibang tao gawin mo. Kahit na sabihin pang worst invention ang Farmville kung ito naman ang kukumpleto sa araw mo; Go for it! Sino ba sila para magpaapekto ka? Tandaan, marami tayong hindi na pwedeng gawin 'pag tayo'y tumanda na o worse 'pag nasa kabilang buhay na. Enjoy life.


-Kung galit ka sa mundo dahil sa dami ng problema mo o iniwan ka ng mahal mo o kahit pa iresponsable ang magulang mo huwag mo idamay ang ibang tao o ang mismong ang iyong sarili, may mababago at mariresolba ka ba kung mag-a-addict ka?


-Life has no BkSp that once you Enter a decision you can not Del or press Ctrl + Alt + Del to restart the wrong decisions you have made. But there's your friend who's willing to F1 you and F5 your disturbed mind, Ins some happiness and go Home to take some rest.

-Hindi sa wala ako nito. Kailan pa naging basehan nang magandang buhay ang isang bagay katulad ng Ipad, Ipod, mp3 player atbp?
Maraming tao ang mayroong magagandang bagay pero hindi masaya sa buhay
Maraming tao ang masaya sa buhay pero walang magagandang bagay
'Wag masilaw sa komersyalismo, matutong magtiis at makuntento kung ano ang mayroon tayo.
Hindi lang materyal na bagay ang materyal sa buhay.:-)

Pilipinismo



Gusto kong gumawa ng isang seryosong blog tungkol sa mga dahilan kung bakit ikinararangal at ipinagmamalaki ko ang pagiging isang Pilipino.

'Yun bang walang takot at walang bahid ng hiya na ipagyayabang sa kaharap ko maging sinoman siya at sabihin ng taas-noo na: Pilipino ako, ikinararangal at pinagmamalaki ko ito!

Ngunit habang iniisip ko ng malalim ang mga kadahilanan at mga sagot sa tanong kong ito lalo akong nagugulumihanan, napapaisip ng malalim at nasagot ko ang tanong ng isa ring tanong: Mayroon nga ba?

Matapos ang nakakahiya at pumalpak na negosasyon at operasyon ng pulisya sa nakaraang hostage crisis sa Quirino Granstand, ano pa bang mukha ang ihaharap natin sa ibang bansa?

Sapat na ba ang humingi tayo ng patawad sa buong mundo? at bangggitin na: "Patawad po dahil isa akong Pilipino at hindi ko ginusto ang maisilang sa Pilipinas". Hihintayin pa ba ng gobyerno na mamutawi sa karamihan ng Pilipino ang ganyang mga salita? Kunsabagay, marami-rami na rin naman sa atin ang may ganyang mentalidad subalit hindi lang nila maibulalas.



Dahil sa wala akong maisip na daglian at kongkretong dahilan para ikarangal ang pagiging Pilipino, nagsimula akong magtanong sa aking mga kakilala at kaibigan kung ano ba ang naiisip nilang dahilan para ipagmayabang sa mundo na tayo'y Pilipino. Nagbilang ako. Isa...dalawa...tatlo. Aabot yata ako ng hanggang isandaang bilang pero ang aking mga tinanong ay hindi rin kaagad makaisip ng pu-pwedeng isagot sa aking katanungan. Para bang sumabak sila sa isang napakahirap na pagsusulit ng mga taong gustong mag-doktor o mag-abogado.



Kung alam lang ng idolo nating si Dr. Jose Rizal na ganito ang kahihinatnan ng bansang Pilipinas makalipas ang mahigit isandaang-taon gugustuhin pa kaya niyang labanan ang mga kastila? Gustuhin pa kaya niyang ibuwis ang kanyang buhay para sa mga Pilipino sa ngayon? Ang mga katipunero at mga bayaning hindi nabanggit ng kasaysayan kaya ay masaya sa kinahinatnan ng kanilang ipinaglaban?



Sa mga may kababawan ang pag-iisip, babangitin nila ang mga tanyag na personalidad na Pilipino na pumailanglang at nakilala sa iba't-ibang larangan. May mga sobrang tuwa sa tuwing magkakaroon ng Fil-Am na finalist sa American Idol, may mga sobrang ligaya nang maisahimpapawid ang Finals ng Pilipinas Got Talent at nanalo ang isang Jovit Baldivino na para bang napakalaki nang naidulot na karangalan sa bansa eh halos lahat naman ng bansa ay may mahusay na singer. Ano ba ang pinagka-iba nya sa iba pang mahuhusay umawit?

Sapat na ba na miyembro si Allan Pineda ng grupong Black Eyed Peas para ipagmayabang na Pilipino tayo?

Sapat na ba na tinitilian at hinahangaan ngayon si Allan Pineda ng bandang Journey ng ibang banyaga para ikarangal ang pagiging Pinoy?

Sapat na ba napabilang si Charice Pempengco sa musikal na Glee?

Sapat na ba may pinoy na miyembro sa katauhan ni Nicole Scherzinger sa grupong Pussycat Dolls?

Sapat na ba na may dugong Pilipino ang mga Hollywood celebrity na sina: Enrique Iglesias, Rob Schneider, Dave Batista, Lou Diamond Phillips at Vanessa Hudgens?

Sapat na ba na mayroon tayong mahusay na direktor sa katauhan ni Brillante Mendoza na ang kanyang mga obra ay nagkamit ng iba't-ibang parangal?

Sapat na ba na mayroong tayong Manny Pacquiao na nagiging sanhi ng panandaliang pagkawala ng suliranin ng mga Pilipino?

Sapat na ba na palagian tayong nag-uuwi ng tropeo sa tuwing may kompetisyon sa WCOPA?

Sapat na ba mayroon tayong "world-class" na Madrigal Singers?

Sapat na ba na mayrron tayong Efren Bata Reyes o Django Bustamante? na hindi naman kinikilala kung hindi nagwawagi

Sapat na ba mayroon tayong isang Lea Salonga na nagwagi ng Tony Awards sa Amerika?

Sapat na ba may Filipino Chef ngayon sa White House?

Sapat na ba kinikilala ngayon ang pangalang Kenneth Cobunpue sa larangan ng paggawa ng muebles?

O kuntento na tayo na mayroong Monique Lhuillier ngayon sa larangan ng pananamit?

May pumapansin ba kay Efren Peñaflorida noong nagtutulak siya ng karitong library?

May mababago ba sa Pilipinas kung nanalo man si Venus Raj sa Ms. Universe? Makakatulong ba ito sa karamihan? Ito'y magiging panandaliang pantakip-butas lamang sa mga isyu at ating suliranin na mas mabaho pa sa umaalingasaw na patay na daga.

Walang nagmamahal sa mga talunan...kung sakaling ang mga katulad nila ay hindi nagtagumpay sa larangang kanilang pinasok sino ba ang magpapahalaga sa kanila?

Kung sakaling matalo o magretiro na si Pacquiao mayroon pa ba tayong maipagmamalaki? Kung malaos at tumanda na si Lea Salonga paano na tayo? Kung mamaos na ang boses nina Alan at Arnel Pineda o Charice, may papalit ba sa kanila na tatanggapin din ng madla?


Magpasalamat tayo at nagkaroon tayo ng mapayapaang rebolusyon na tinawag nating 1986 EDSA People Power Revolution nakilala at naging tanyag tayo dahil dito at may mga bansa pa ngang naging inspirasyon ito subalit ano na bang nangyari sa Pilipinas pagkatapos nito? Ang ideolohiya natin patungo sa ganap na pagbabago ay nananatiling pangarap, ang progreso at pag-unlad ay nakulong at nabitag ng mga makasariling bagong-lumang pulitiko pagkatapos ni Marcos. Ang kasaysayan ay walang pero at walang subalit pero nais kong itanong: May mababago kaya kung si Ninoy ang ating naging Pangulo? Sa aking palagay ay . . . .



Kung hindi pa sa nag-gagandahan at mga overpriced na mga beaches sa Palawan, Boracay, Cebu at iba pa baka nabaon na tayo sa limot gaya ng mga bansa sa South Africa, mayroon din naman tayong mga sadyang nilimot at hindi naaalagaan na Historical Landmarks na paandap-andap ay binibisita ng iilan, mga naglalakihang mga mall na pang-World record at dahilan ng pagkakalubog sa utang ng mga Pinoy na magastos; Subalit pwede na ba itong mga dahilan para ikarangal ang pagiging Pinoy? Sadyang mahirap talaga sagutin ang tanong na ito lalo't ang Pilipinas ay balot ng iba't ibang kontrobersiya, anomalya, puno ng katiwalian, kawalan ng disiplina, problema sa polusyon, populasyon, kahirapan, lahat na.



Kung ang batayan natin ng karangalan ay ang pagkakaroon ng mga sikat na personalidad kung ganoon ay mas maraming dahilan para ikarangal ng mga Ingles at Amerikano ang kanilang lahi dahil sa dami ng mga sikat at popular na kanilang "na-produce". Siksik, liglig at umaapaw ang mga musicians, artista, sports personalities, imbentor, scientists at iba pa na napakahuhusay sa iba't-ibang larangan.

Hindi ba pwedeng makilala ang Pilipino sa larangan ng agham, teknolohiya o siyensya? Ano na ba ang naiambag natin dito? Siguro'y maiisip mo ang Flourescent Lamp ni Agapito Flores datapwat hanggang ngayon ay hindi pa rin ito kinikilala sa mundo ng siyensya. Nakakalungkot isipin na napakarami nating mga imbentor at imbensyon na pwedeng linangin para maipagmalaki sa buong mundo subalit wala man lamang natatanggap na suporta at ayuda galing sa gobyerno kahit sino pa man ang nakaupo, napakaraming mga Pilipino na may potensyal sa larangan ng palakasan subalit ang pondong para sa kanila ay garapal na ninanakaw.



Napakasarap sanang marinig na ang mga Pinoy ay tanyag dahil sa napakagandang uri ng pamumuhay, napakahusay na pamamahala ng gobyerno, maunlad na ekonomiya, may mga imbensyon na hindi ninakaw ang ideya kunsabagay tanyag naman tayo eh sa negatibong aspekto nga lang. Sa ganang akin hindi ko ipinagmamalaki na mayroon tayong mga OFW sa iba't-ibang bansa na umaabot sa 11M sumasalamin lamang ito na ang bansang ito ay nangangailangan ng tulong at hindi nya kayang suportahan ang pangangailangan ng karamihan sa Pinoy. Kung sakaling bumaba ang bilang ng mga bagong bayani nating ito (hindi dahil sa pinalayas sila ng kanilang mga amo) at dito na sila naghahanapbuhay at kumikita ng sapat at hindi na nila kailangang magpamura sa mga Intsik, magpamaltrato sa mga Arabo, alipustahin ng Ingles, pagtawanan ng Singaporeans, maranasan ang diskriminasyon ng Amerikano; Ito ang dapat nating ipagmalaki! Hindi ang remittances ng mga kababayan nating OFW. Kung mayroon lang sanang sapat na programa at trabaho para sa kanila marami sa kanila ang hindi nanaisin na magpaalipin sa dayuhan. Sino ba ang gustong mawalay sa pamilya? Sino ba ang gustong magpayurak ng dangal sa banyaga? Sino ba ang gustong magtiis sa gutom? Sino ba ang gustong lumuha gabi-gabi?


Sa iyong paglabas ng bahay at pagpunta sa iyong trabaho;

Wala ka bang nakitang tambak ng basura? Wala ka bang nakitang jeepney driver na hindi nagbaba sa gitna ng kalsada? Wala ka bang nakitang sasakyan na hindi nag-beating the red light? Wala ka bang nakitang tricycle sa gitna ng main road? Wala ka bang nakitang pedicab, kuliglig o pribadong sasakyan na hindi nag-counterflow o naghari-harian sa daan? Wala ka bang nakitang nagkalat na pulubi sa kalye? Wala ka bang nakitang pulis na tumityempo ng makokotongan? Wala ka bang nakitang tumatawid sa ilalim ng footbridge? Wala ka bang nakitang iskwater sa gilid ng kalsada o ilalim ng tulay?

Sa iyong panonood ng TV, pakikinig sa AM radio o pagbabasa ng dyaryo;

Wala ka bang nabalitaan na nangholdap dahil sa kawalan ng hanap-buhay? Wala ka bang nabasa tungkol sa tiwaling opisyal ng pamahalaan? Wala ka bang napanood na pagmamagaling ng mga pulitiko sa isang usapin o imbestigasyon? Wala ka bang nabalitaan na pumalpak na pamamahala nang isang sangay ng gobyerno? Wala ka bang nabasa na tangkang welga ng mga empleyado o ng sinumang pribadong sektor?

Kung ang sagot mo sa lahat ng katanungang ito ay isang napakatunog na WALA, mayroon na tayong mga magandang dahilan at siguro pwede na nating sabihin na: PILIPINO AKO, KINARARANGAL AT PINAGMAMALAKI KO ITO! Subalit napakalabong mangyari ito sa ngayon at sa susunod pang sampu o dalawampung taon.


Kung gagawa ako ng mababaw na dahilan para maipagmalaki kong Pilipino ako, may naisip na ako: Eraserheads at ang mga kanta nito. Ang babaw ko no? Sabihin na nating oo pero ganito rin naman talaga ang karaniwang Pinoy: mababaw pero matatag, paladasal pero patuloy sa pagkakasala (sino bang hindi), nagmamalinis ubod naman ng dumi, palatawa kahit na may problema; sa sobrang masayahin nga ng Pinoy ay ginagawa nating katatawanan ang kahit anumang bagay gaya ng pagpapalitrato ng todo-ngiti sa bus na pinangyarihan ng hostage-taking (nakakatuwa pa ba ito?)


Ang awitin ni Noel Cabangon na "Ako'y isang mabuting Pilipino" ay may napakagandang mensahe, ang sumulat nito ay isang Optimistiko na sa kabilang negatibong imahe ng Pilipinas nakagawa siya ng isang kanta tungkol sa pagiging mabuting gawain ng Pilipino subalit ang pagiging optimisko niya ay humihiwalay sa realidad na buhay ng mga Pinoy. Sa kabilang banda, hindi naman ako pesimistiko napansin ko lang na ang lahat ng mga nakasaad sa kantang ito ay taliwas sa gawi ng Pinoy, sana hindi lang sa kanta natin marinig ang mga mabubuting Pilipino kundi sa realidad at totoong buhay.


Sadyang mahirap mahirap ang buhay pero mas mahirap yata ang maging Pilipino pero may pag-asa pa, Kailan? Yun ung ang hindi ko alam.