Showing posts with label proud. Show all posts
Showing posts with label proud. Show all posts

Tuesday, October 25, 2011

Ang Gulo Mo!


“If you have to choose between two evil choose the lesser one”, palagi kong naririnig ‘yan sa mga taong magagaling magpayo pero kung tutuusin parang wala ka namang choice na matino ditto. Halimbawa na lang noong panahon ng malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng Bulacan at Pampanga sa kasagsagan ng bagyong Pedring at Quiel; kailangan daw magpakawala ng tubig ang mga Dam para din sa kapakanan ng mamamayan dahil mas malalang trahedya kung ito’y mago-overflow. Resulta: Bilyong pisong lugi sa agrilultura, libong katao ang nawalan ng tahanan, daang-milyong pisong halaga ng ari-arian ang nasira at may tala rin ng mga namatay. Ito ba ‘yung lesser evil? Kailangan bang may dumating na dalawang demonyo tapos mamimili tayo sa kanila? Eh bakit hindi magpakawala ng tubig ng unti-unti noong panahon ng tag-araw at mas kaunti ang panganib? Nanghihinayang ba sila sa matatapong tubig? Paatras ba tayo magdesisyon at mag-isip?
Hindi ako matalinong tao at lalong hindi ako nagmamagaling nais ko lamang ay magtanong pero ang sabi naman ang batang matanong ay sensyales ng pagiging matalino. Bakit, ‘pag nagkaedad ba at matanong pa rin ay bobo na? Ang gulo!

Hindi lingid sa lahat na dumarami ang nag-aaklas laban sa gobyerno, sa malalaking korporasyon, sa mga lider, sa karapatang pang-tao, sa karapatang pang-hayop, sa preserbasyon ng kalikasan, sa ekonomiya at kung saan-saan.

~Marami ang nag-aklas laban sa ‘di-umano’y hindi matinong pangulo pero kapag naluklok na ang nagustuhan at ipinalit na pangulo , ilang buwan pa lang ayaw na natin ulit ito. Aklasan na naman.

~Gusto natin ng magandang serbisyo ng LRT at MRT pero ayaw naman nating itaas ang pasahe nito. Sige hayaan na lang nating mababa ang pasahe dito pero maya’t-maya ay may tumitirik na tren sa gitna ng riles at tirik ding araw.

~Nananawagan tayo na sana’y magkaroon ng matinong pelikula at palabas sa TV pero ‘pag may showing na matinong Indie Film hindi ka naman nanonood. Magbabad ka na lang sa panonood ng maghapon teleserye at ang mababaw nitong istorya.

~Hiling tayo ng hiling ng progresibong pagbabago pero ikaw mismo ayaw makipagkoordina. Simpleng pagtawid at pagtapon ng basura ayaw mong isagawa ng tama.

~Gusto nating may maisuplong at makulong na magnanakaw na pulitiko pero ilang taon lang maaawa na tayo sa kanila at tuluyan nating kakalimutan ang lahat ng kawalanghiyaang ginawa nila. Kaya ‘wag ka ng magtanong kung bakit nasa posisyon sila ngayon.

~Halos lahat tayo ay tumutuligsa sa lantarang pagnanakaw ng ating buwis pero kakaunti lang yata ang nagbabayad ng tamang buwis. Ano ‘yan gantihan?

~Gusto mong magtipid at maka-ipon para sa kinabukasan pero panay naman ang bili mo ng modernong gadget at kasangkapan. May bagong iPhone ngayon bilhin mo ‘yun.

~Naiinis tayo ‘pag may mga nagka-counterflow sa kalsada pero kung ikaw ang nakasakay dito, okay lang sa’yo. Mabundol ka sana.

~Pintas tayo ng pintas sa mga taong mali-mali ang grammar at mga taong hindi kagandahan pero ‘pag ikaw ang napulaan sa ‘yong kamalian nanggagaliiti ka sa galit. Itigil mo na ‘yan hindi ka si Boy Abunda.

~Ang mga aktibistang maraming suhestiyon sa pagbabago ay aktibong-aktibo sa pagtuligsa sa pamahalaan pero sa kalaunan sila’y kakandidato at magiging bahagi na rin ng gobyernong dating kontra siya. Makibaka, sumali sa Kamara.

~Nababanas ka ‘pag may mga nagbi-videoke sa dis-oras ng gabi pero ‘pag ikaw, kasama ng mga barkada mo ang nagbi-videoke kahit medaling-araw na wala kang pakialam. Did it your way.

~Concerned ka umano sa milyong nagugutom sa mundo pero naiirita ka naman tuwing makikita sila sa kalsada. Para ka na ring pulitiko.

~Umiyak, nakiradalamhati at nagpost ka pa ng pakikiramay ng pumanaw si Steve Jobs pero nang may mabalitaan kang nagpakamatay dahil sa kahirapan ng buhay hindi ka man lang nalungkot. R.I.P. Steve Jobs.

~Galit na galit ka sa mandaraya ng eleksyon pero ‘pag may pagsusulit na binibigay ang propesor mo nandaraya ka rin naman. Magnanakaw galit sa kapwa magnanakaw.

~Halos sumpain mo ang manager ng isang bar na may nagsasayaw ng hubo’t hubad na menor de edad nang mapanood mo ito sa Imbestigador pero madalas ka namang customer ng kapareho ding bar. Banal na aso.

~Inis na inis ka kay Willie Revillame at sa kanyang kaplastikan pero lagi mo namang inaabangan at pinapanood ang Wiltime Bigtime. Hehe, plastic ka rin.

~Madalas mo tinatawanan ang mga hindi mahuhusay mag-park lalo na ang mga nagpa-parallel parking pero ikaw din mismo hindi mo ma-perfect ang ganitong pagpa-park. Park You.

~Banas na banas ka sa mga taong mahilig sa tsismis pero sandamakmak namang artista at celebrity ang pina-follow mo sa Twitter. Follow-in kita diyan eh.

~Gusto mong umasenso at yumaman pero tatamad-tamad ka naman at lagi kang late sa iyong mga pinupuntahan. Ligawan mo na lang si Paris.

~Panay ang bida mo sa ‘yong mamahaling gamit at damit pero ang dami mo namang pagkakautang sa bangko at kung kani-kanino. Ipon muna bago yabang.

~Naaawa ka sa balitang marami ang kinakatay na pating sa bansang Tsina at Taiwan pero paborito mo naman ang shark’s fin ng Henlin. Ipokrito.

~Aktibong advocate ka ng animal cruelty pero excited ka naman manood ng madugong UFC at URCC. Makahayop.

Sigaw ka ng sigaw ng “Proud to be Filipino” ‘pag may nagtatagumpay na Pinoy sa iba’t ibang larangan; beauty pageant, boxing, football, billiards, dance & singing competition at iba pa pero 'pag hindi naman nagtatagumpay patay-malisya ka lang. Piliin ba ang pagiging proud? Malimit nating nakikita ang mali ng lipunan pero kibit-balikat naman tayo ‘pag tayo ang mali at may pagkakamali. Minsan alam na nating tama hindi pa tayo naniniwala. Pintas ng pintas mas madungis naman sa pinipintasan, gusto mo nang pagbabago ayaw mo namang magtino pati mismong kasalanan at pagkakamali mo isinisisi mo sa iba. Kung paanong proud na proud ka sa Half-Pinoy na si Apl De Ap ng Black Eyed Peas pero sinasakyan mo naman ang paninira sa mga Fil-Foreign na miyembro ng Philippine Azkals, ang gulo mo!

Wednesday, September 15, 2010

Pilipinismo



Gusto kong gumawa ng isang seryosong blog tungkol sa mga dahilan kung bakit ikinararangal at ipinagmamalaki ko ang pagiging isang Pilipino.

'Yun bang walang takot at walang bahid ng hiya na ipagyayabang sa kaharap ko maging sinoman siya at sabihin ng taas-noo na: Pilipino ako, ikinararangal at pinagmamalaki ko ito!

Ngunit habang iniisip ko ng malalim ang mga kadahilanan at mga sagot sa tanong kong ito lalo akong nagugulumihanan, napapaisip ng malalim at nasagot ko ang tanong ng isa ring tanong: Mayroon nga ba?

Matapos ang nakakahiya at pumalpak na negosasyon at operasyon ng pulisya sa nakaraang hostage crisis sa Quirino Granstand, ano pa bang mukha ang ihaharap natin sa ibang bansa?

Sapat na ba ang humingi tayo ng patawad sa buong mundo? at bangggitin na: "Patawad po dahil isa akong Pilipino at hindi ko ginusto ang maisilang sa Pilipinas". Hihintayin pa ba ng gobyerno na mamutawi sa karamihan ng Pilipino ang ganyang mga salita? Kunsabagay, marami-rami na rin naman sa atin ang may ganyang mentalidad subalit hindi lang nila maibulalas.



Dahil sa wala akong maisip na daglian at kongkretong dahilan para ikarangal ang pagiging Pilipino, nagsimula akong magtanong sa aking mga kakilala at kaibigan kung ano ba ang naiisip nilang dahilan para ipagmayabang sa mundo na tayo'y Pilipino. Nagbilang ako. Isa...dalawa...tatlo. Aabot yata ako ng hanggang isandaang bilang pero ang aking mga tinanong ay hindi rin kaagad makaisip ng pu-pwedeng isagot sa aking katanungan. Para bang sumabak sila sa isang napakahirap na pagsusulit ng mga taong gustong mag-doktor o mag-abogado.



Kung alam lang ng idolo nating si Dr. Jose Rizal na ganito ang kahihinatnan ng bansang Pilipinas makalipas ang mahigit isandaang-taon gugustuhin pa kaya niyang labanan ang mga kastila? Gustuhin pa kaya niyang ibuwis ang kanyang buhay para sa mga Pilipino sa ngayon? Ang mga katipunero at mga bayaning hindi nabanggit ng kasaysayan kaya ay masaya sa kinahinatnan ng kanilang ipinaglaban?



Sa mga may kababawan ang pag-iisip, babangitin nila ang mga tanyag na personalidad na Pilipino na pumailanglang at nakilala sa iba't-ibang larangan. May mga sobrang tuwa sa tuwing magkakaroon ng Fil-Am na finalist sa American Idol, may mga sobrang ligaya nang maisahimpapawid ang Finals ng Pilipinas Got Talent at nanalo ang isang Jovit Baldivino na para bang napakalaki nang naidulot na karangalan sa bansa eh halos lahat naman ng bansa ay may mahusay na singer. Ano ba ang pinagka-iba nya sa iba pang mahuhusay umawit?

Sapat na ba na miyembro si Allan Pineda ng grupong Black Eyed Peas para ipagmayabang na Pilipino tayo?

Sapat na ba na tinitilian at hinahangaan ngayon si Allan Pineda ng bandang Journey ng ibang banyaga para ikarangal ang pagiging Pinoy?

Sapat na ba napabilang si Charice Pempengco sa musikal na Glee?

Sapat na ba may pinoy na miyembro sa katauhan ni Nicole Scherzinger sa grupong Pussycat Dolls?

Sapat na ba na may dugong Pilipino ang mga Hollywood celebrity na sina: Enrique Iglesias, Rob Schneider, Dave Batista, Lou Diamond Phillips at Vanessa Hudgens?

Sapat na ba na mayroon tayong mahusay na direktor sa katauhan ni Brillante Mendoza na ang kanyang mga obra ay nagkamit ng iba't-ibang parangal?

Sapat na ba na mayroong tayong Manny Pacquiao na nagiging sanhi ng panandaliang pagkawala ng suliranin ng mga Pilipino?

Sapat na ba na palagian tayong nag-uuwi ng tropeo sa tuwing may kompetisyon sa WCOPA?

Sapat na ba mayroon tayong "world-class" na Madrigal Singers?

Sapat na ba na mayrron tayong Efren Bata Reyes o Django Bustamante? na hindi naman kinikilala kung hindi nagwawagi

Sapat na ba mayroon tayong isang Lea Salonga na nagwagi ng Tony Awards sa Amerika?

Sapat na ba may Filipino Chef ngayon sa White House?

Sapat na ba kinikilala ngayon ang pangalang Kenneth Cobunpue sa larangan ng paggawa ng muebles?

O kuntento na tayo na mayroong Monique Lhuillier ngayon sa larangan ng pananamit?

May pumapansin ba kay Efren Peñaflorida noong nagtutulak siya ng karitong library?

May mababago ba sa Pilipinas kung nanalo man si Venus Raj sa Ms. Universe? Makakatulong ba ito sa karamihan? Ito'y magiging panandaliang pantakip-butas lamang sa mga isyu at ating suliranin na mas mabaho pa sa umaalingasaw na patay na daga.

Walang nagmamahal sa mga talunan...kung sakaling ang mga katulad nila ay hindi nagtagumpay sa larangang kanilang pinasok sino ba ang magpapahalaga sa kanila?

Kung sakaling matalo o magretiro na si Pacquiao mayroon pa ba tayong maipagmamalaki? Kung malaos at tumanda na si Lea Salonga paano na tayo? Kung mamaos na ang boses nina Alan at Arnel Pineda o Charice, may papalit ba sa kanila na tatanggapin din ng madla?


Magpasalamat tayo at nagkaroon tayo ng mapayapaang rebolusyon na tinawag nating 1986 EDSA People Power Revolution nakilala at naging tanyag tayo dahil dito at may mga bansa pa ngang naging inspirasyon ito subalit ano na bang nangyari sa Pilipinas pagkatapos nito? Ang ideolohiya natin patungo sa ganap na pagbabago ay nananatiling pangarap, ang progreso at pag-unlad ay nakulong at nabitag ng mga makasariling bagong-lumang pulitiko pagkatapos ni Marcos. Ang kasaysayan ay walang pero at walang subalit pero nais kong itanong: May mababago kaya kung si Ninoy ang ating naging Pangulo? Sa aking palagay ay . . . .



Kung hindi pa sa nag-gagandahan at mga overpriced na mga beaches sa Palawan, Boracay, Cebu at iba pa baka nabaon na tayo sa limot gaya ng mga bansa sa South Africa, mayroon din naman tayong mga sadyang nilimot at hindi naaalagaan na Historical Landmarks na paandap-andap ay binibisita ng iilan, mga naglalakihang mga mall na pang-World record at dahilan ng pagkakalubog sa utang ng mga Pinoy na magastos; Subalit pwede na ba itong mga dahilan para ikarangal ang pagiging Pinoy? Sadyang mahirap talaga sagutin ang tanong na ito lalo't ang Pilipinas ay balot ng iba't ibang kontrobersiya, anomalya, puno ng katiwalian, kawalan ng disiplina, problema sa polusyon, populasyon, kahirapan, lahat na.



Kung ang batayan natin ng karangalan ay ang pagkakaroon ng mga sikat na personalidad kung ganoon ay mas maraming dahilan para ikarangal ng mga Ingles at Amerikano ang kanilang lahi dahil sa dami ng mga sikat at popular na kanilang "na-produce". Siksik, liglig at umaapaw ang mga musicians, artista, sports personalities, imbentor, scientists at iba pa na napakahuhusay sa iba't-ibang larangan.

Hindi ba pwedeng makilala ang Pilipino sa larangan ng agham, teknolohiya o siyensya? Ano na ba ang naiambag natin dito? Siguro'y maiisip mo ang Flourescent Lamp ni Agapito Flores datapwat hanggang ngayon ay hindi pa rin ito kinikilala sa mundo ng siyensya. Nakakalungkot isipin na napakarami nating mga imbentor at imbensyon na pwedeng linangin para maipagmalaki sa buong mundo subalit wala man lamang natatanggap na suporta at ayuda galing sa gobyerno kahit sino pa man ang nakaupo, napakaraming mga Pilipino na may potensyal sa larangan ng palakasan subalit ang pondong para sa kanila ay garapal na ninanakaw.



Napakasarap sanang marinig na ang mga Pinoy ay tanyag dahil sa napakagandang uri ng pamumuhay, napakahusay na pamamahala ng gobyerno, maunlad na ekonomiya, may mga imbensyon na hindi ninakaw ang ideya kunsabagay tanyag naman tayo eh sa negatibong aspekto nga lang. Sa ganang akin hindi ko ipinagmamalaki na mayroon tayong mga OFW sa iba't-ibang bansa na umaabot sa 11M sumasalamin lamang ito na ang bansang ito ay nangangailangan ng tulong at hindi nya kayang suportahan ang pangangailangan ng karamihan sa Pinoy. Kung sakaling bumaba ang bilang ng mga bagong bayani nating ito (hindi dahil sa pinalayas sila ng kanilang mga amo) at dito na sila naghahanapbuhay at kumikita ng sapat at hindi na nila kailangang magpamura sa mga Intsik, magpamaltrato sa mga Arabo, alipustahin ng Ingles, pagtawanan ng Singaporeans, maranasan ang diskriminasyon ng Amerikano; Ito ang dapat nating ipagmalaki! Hindi ang remittances ng mga kababayan nating OFW. Kung mayroon lang sanang sapat na programa at trabaho para sa kanila marami sa kanila ang hindi nanaisin na magpaalipin sa dayuhan. Sino ba ang gustong mawalay sa pamilya? Sino ba ang gustong magpayurak ng dangal sa banyaga? Sino ba ang gustong magtiis sa gutom? Sino ba ang gustong lumuha gabi-gabi?


Sa iyong paglabas ng bahay at pagpunta sa iyong trabaho;

Wala ka bang nakitang tambak ng basura? Wala ka bang nakitang jeepney driver na hindi nagbaba sa gitna ng kalsada? Wala ka bang nakitang sasakyan na hindi nag-beating the red light? Wala ka bang nakitang tricycle sa gitna ng main road? Wala ka bang nakitang pedicab, kuliglig o pribadong sasakyan na hindi nag-counterflow o naghari-harian sa daan? Wala ka bang nakitang nagkalat na pulubi sa kalye? Wala ka bang nakitang pulis na tumityempo ng makokotongan? Wala ka bang nakitang tumatawid sa ilalim ng footbridge? Wala ka bang nakitang iskwater sa gilid ng kalsada o ilalim ng tulay?

Sa iyong panonood ng TV, pakikinig sa AM radio o pagbabasa ng dyaryo;

Wala ka bang nabalitaan na nangholdap dahil sa kawalan ng hanap-buhay? Wala ka bang nabasa tungkol sa tiwaling opisyal ng pamahalaan? Wala ka bang napanood na pagmamagaling ng mga pulitiko sa isang usapin o imbestigasyon? Wala ka bang nabalitaan na pumalpak na pamamahala nang isang sangay ng gobyerno? Wala ka bang nabasa na tangkang welga ng mga empleyado o ng sinumang pribadong sektor?

Kung ang sagot mo sa lahat ng katanungang ito ay isang napakatunog na WALA, mayroon na tayong mga magandang dahilan at siguro pwede na nating sabihin na: PILIPINO AKO, KINARARANGAL AT PINAGMAMALAKI KO ITO! Subalit napakalabong mangyari ito sa ngayon at sa susunod pang sampu o dalawampung taon.


Kung gagawa ako ng mababaw na dahilan para maipagmalaki kong Pilipino ako, may naisip na ako: Eraserheads at ang mga kanta nito. Ang babaw ko no? Sabihin na nating oo pero ganito rin naman talaga ang karaniwang Pinoy: mababaw pero matatag, paladasal pero patuloy sa pagkakasala (sino bang hindi), nagmamalinis ubod naman ng dumi, palatawa kahit na may problema; sa sobrang masayahin nga ng Pinoy ay ginagawa nating katatawanan ang kahit anumang bagay gaya ng pagpapalitrato ng todo-ngiti sa bus na pinangyarihan ng hostage-taking (nakakatuwa pa ba ito?)


Ang awitin ni Noel Cabangon na "Ako'y isang mabuting Pilipino" ay may napakagandang mensahe, ang sumulat nito ay isang Optimistiko na sa kabilang negatibong imahe ng Pilipinas nakagawa siya ng isang kanta tungkol sa pagiging mabuting gawain ng Pilipino subalit ang pagiging optimisko niya ay humihiwalay sa realidad na buhay ng mga Pinoy. Sa kabilang banda, hindi naman ako pesimistiko napansin ko lang na ang lahat ng mga nakasaad sa kantang ito ay taliwas sa gawi ng Pinoy, sana hindi lang sa kanta natin marinig ang mga mabubuting Pilipino kundi sa realidad at totoong buhay.


Sadyang mahirap mahirap ang buhay pero mas mahirap yata ang maging Pilipino pero may pag-asa pa, Kailan? Yun ung ang hindi ko alam.