Thursday, March 13, 2014

Very Teleserye



Ang titulo ng teleserye ay karaniwang hango sa lumang kanta; pipiliting magkaroon ito ng koneksyon sa lulutuing istorya, walang problema kung ingles man ito o tagalog ang mahalaga may dating ito sa masa. O di kaya para maiba gagawing ang titulo ay may pagkakontrobersiya 'yung tipong titulo pa lang alam mo na ang daloy ng istorya.


Kadalasan, inuumpisahan ang eksena kung saan ipanganganak ang bida ng istorya. Kahit anong higpit pa ang security ng ospital makakalusot ang isang karakter sa pagswitch ng isang sanggol. Ang sanggol na ito ang isa sa magiging bida ng teleserye.
Bilang alternatibo, maaari din namang ipakita kaagad ang masalimuot na buhay ng mga magulang ng bidang pobre kailangang i-highlight ang pagsisikap, ang panggigipit at ang pagmamaltrato sa kanila dahil ito ang bebenta at kalulugdan ng mga manonood.


Sa teleseryeng bagong-lumang aabangan ay hindi papansisin ang paulit-ulit na plot ng istorya dahil ang bidang artista ay sikat at maraming tagahanga. Lalahukan siyempre ng mayamang pamilya at tulad ng nasabi na, mga nagdarahop naman sa kabilang pamilya, mayroong wagas na mag-iibigan ngunit tututol ang pamilya ng mayaman dahil patay-gutom at oportunista ang mahirap!


Ang mayamang pamilya kailangang may tunog mayamang apelyido ikaw nang bahala kung alin sa mga ito ang magugustuhan mo: Monteverde, Montenegro, Montevista, Montero, Villavicencio, Esquivel, Esquillo, Sanvictores, Quintana, Buenavista, Buenaventura, Gonzales, etc.
May negosyo itong tila hindi nalulugi sa umpisa, na kaya nilang bilhin ang anumang kompanyang naisin nila, anumang bagay na gustuhin nila at sinumang tao ay kaya nilang api-apihin. Dahil mayaman sila kailangang mapangasawa ng anak nila ay kapwa mayaman din at kung tututol ito ipadadala ito sa mayamang bansa tulad ng Amerika, Canada, Italya o Inglatera. Kalaunan kahit anong laki at unlad ng kanilang negosyo patungo ito sa pagkalugi dahil sa hindi malinaw na factor basta sa isang iglap malulugi nang ganun na lang. Karaniwang negosyo ng mayamang pamilya ito ay shipping, wine industry, factory ng garments o canned products, big time exporter, may mall at iba pang estabilisadong negosyo.


Kung ang mayayamang karakter ay nakahiga sa salapi na walang pakundangan sa pagbili ng bagay at buhay, ang mahihirap at patay-gutom na pamilya ay halos walang pambili ng pagkain, walang matinong hanapbuhay ang haligi o ilaw ng tahanan at baon sila sa utang sa tindahan. At dahil mahirap sila tampulan sila ng tukso at pang-aapi ng lahat lalo ng mayaman at kahit ng kapwa nila mahirap. Magmula sa kahirapang ito ay magsusumikap ang bidang karakter hanggang sa maging matagumpay ito at gagantihan ang lahat ng mga letseng umapi at umabuso sa kanila. Sa umpisa, pangmahirap nga ang kanilang mga suot na damit ngunit sa katagalan mapapansin mo nang matitino na ang mga damit nila at take note: HINDI sila nag-uulit ng damit kahit mahirap sila.


Panaka-nakang patutugtugin ang themesong ng teleserye na hinango sa lumang kantang pinasikat ng dati ring sikat na singer; kakantahin ito ng bagong-lumang singer na kalahok sa Sunday noontime variety show ng network, lalandiin ang tono, may mga kulot-kulot sa dulo para kunwari'y may kakaibang areglo ang kanta. Presto may 'kakaibang' themesong na ang teleserye!


Sa istorya ng pag-iibigan ng dalawang karakter na ang isa'y galing sa mahirap at ang isa'y galing sa mayaman, hindi maaaring walang mamagitan o third party na magkakagusto sa isang bida. Ito ang kadalasang kontrabida ng teleserye, siya ang magdadala ng anghang sa putahe, ito malamang ang may tunay na abilidad kung paano ang tunay na pag-arte. Muli, hindi kailangang magaling na artista ang dalawang bida ang importante lang ay cute/malakas magpacute, maaappeal, may commercial endorsements, may fans club na ang pangalan ay pinagdikit na pangalan ng dalawang artista halimbawa: Kief-Yas (pinagsamang Kieffer at Yasmin) at tinitilian saan man mapunta. Ang writer na ang bahala kung paano pahahabain ang istorya; pwedeng nagtitinda habang nag-aaral ang mahirap tapos 'yung mayaman nag-aaral sa exclusive school na sa murang edad ay may wagas na agad na pagmamahal at hindi siya mabubuhay ng wala ang kanyang kapartner sa teleserye.


Dahil hindi lang dapat sa pag-iibigan iikot ang istorya dapat may action din ito; may mamamatay sa mga kaanak ng mga bida (sigurado na iyon), dapat may conflict ito, dapat may twist (kahit pilit at expected na), dapat may kaunting komedya rin - karaniwang ginagampanan ito ng best friend/bff ng isa sa dalawang bida, hindi pwedeng mas sikat, mas gwapo/maganda pa ito sa bida dahil tiyak na masasapawan ito kaya ang kukunin nilang artista dito ay 'yung dating sikat o nais pasikatin ng network ang role ng bff ay tagapayo, tagasalo ng hinaing sa buhay ng bida, takapakinig at shock absorber ng problema - ito rin ang magiging kasabwat sa lahat ng kalokohan ng bida.


Depende sa dami ng commercials at sa taas ng rating ang itatagal ng teleserye dito sa atin hindi tulad sa ibang bansa na mas sinusunod ang daloy at takbo ng istorya. Pinakamatagal na dapat ang anim na buwan sa isang teleserye 'pag lumampas na dito'y siguradong malabnaw at matabang na ang pagkakaluto nito hindi na kapana-panabik at mahahalatang pinipilit na lang para sa kapakanan ng commercial na dumarating.


Kung matured ang target na audience magsisingit ng pailan-ilan na lovescene at bedscene - 'yung eksenang dapat na mapag-usapan at maging trending sa twitter kesehodang parang porno na ang laplapan para kunwari'y makatotohanan.
Kung kabataan ang target na audience asahan mo na ang panay pagpapacute ng dalawang bidang karakter - diyan magaling ang mga direktor ng teleserye ang pakiligin ang kabataang audience, 'wag na tayong magtaka kung bakit normal na sa teenager ang magkaroon ng isang intimate na relationship.


'Pag premiere ng bagong teleserye (Monday ito usually) asahan mo nang bongga ito para itong bagong manliligaw sa isang dalaga na paimpress, tatagal ito ng humigit-kumulang isang oras na kakainin ang kalahating oras ng teleseryeng kasunod. Karaniwan nang malaki ang budget nito dahil dito mag-uumpisang akitin ng producer/writer ng teleserye ang target na manonood, gagalingan ang mga linya ng bawat karakter na akala mo'y sumasali sa writing competition. Mataas man ang rating o hindi, asahan mo nang ibabalita sa primetime news program ng kanilang istasyon na trending ang premiere ng teleserye o di kaya'y pinag-usapan ng husto ang naturang unang episode. Hindi pa doon natatapos ang lahat dahil sa susunod na weekend may marathon pa ang premiere ng teleserye para umano sa mga hindi nakapanood at may pagnanais na muli itong panoorin.

Kahit anong ganda ng teleserye, kahit gaano kataas ang rating nito, kahit ilang month extension pa ang gawin ng network sa teleserye, kahit libong brainstorming na ang ginawa ng mga writer nito, darating ang panahon na kailangan nila itong tapusin. Mag-iisip ng kakaibang ending na kunwari'y hindi pa nagagawa ng ibang teleserye ngunit sila'y mabibigo dahil iexpect mo na ang mga sumusunod na ending:


  • kahit heavy drama ang teleserye karaniwang action ang katapusan nito   
  •  ang pinakamaldita o pinakawalanghiyang kontrabida sa teleserye it's either mamamatay, makukulong o mababaliw
  • ang less villain ay makukulong o magiging mabait o mapapatawad ng bida
  • ang mga bidang may wagas na pagmamahalan siyempre ay magkakatuluyan, mas kilig ang ending kung sa simbahan ito tatapusin o kaya naman ay wedding proposal ng bidang lalaki sa babae, hudyat na ito na patapos na ang teleserye
  • kung mag-asawa na ang dalawang bida sa teleserye tatapusin ito na payapa ang pagsasama ng dalawa na naninirahan sa tahimik na lalawigan o sa isang maunlad na bansa
  • kahit anong klaseng gulo pa na mayroon sila tiyak na magkakasundo ang dalawang magkatunggaling pamilya


Kung minsan ay nakapanood ka na ng koreanovela mapapansin mong kakaiba ang banat ng mga koreano sa kanilang teleserye. Hindi sila natatakot na patayin ang kanilang bida at biguin ang kanilang manonood hindi katulad sa atin na laging happy ending. Hindi isyu kung hindi sobrang gwapo ng kanilang bida dahil mas mahalaga na effective ang acting nito. May promotion ng kanilang local products na sadya man o hindi ay kanilang naiindorso di tulad sa atin na lantarang pinopromote ang de-kalibreng iPhone sa anumang teleserye. Once na mapanood mo ang isa,  dalawa o tatlong episode ng isang koreanovela mapapansin mong may kakaiba pa rin sa kanilang istorya. Halimbawa na ang mga tulad ng Lovers in Paris, Jumong, Full House, Stairway in Heaven, Endless Love, Boys over Flowers, etc.
Hindi maiiwasan ang pagkukumpara dahil bahagi na rin ang Koreanovela ng ating panggabi/panghapong programa sa telebisyon. Kaya nga iniimport ito sa atin dahil may potensyal itong pagkakitaan ng dalawang higanteng network.


Magagaling ang mga filipino writers/director/artists natin sa katunayan patuloy tayong nananalo sa iba't ibang kompetisyon abroad. Ang problema lang ay nilalamon sila ng sistemang kinagigiliwan at kinababaliwan ng pangkaraniwang pinoy audience. Isang malaking katunayan ang pagtangkilik ng commercial film na walang sustansya ang istorya kaysa sa mga pelikulang pilipino na nagwawagi sa iba't ibang bansa. Hindi na rin nakakapagtaka na mas naaappreciate ng mga foreigner ang mga de kalidad na filipino film ng mga katulad ni Brillante Mendoza at iba pang film director/writer kaysa sa moviegoers natin. Sumasalamin lang ito na hindi tayo gaanong naggrow pagdating sa pagsusuri ng matinong pelikula at teleserye. Ngunit hindi pa naman huli ang lahat dahil alam kong darating ang sandali na ang halos lahat ng gawa nating teleserye o pelikula ay lubos na hahangaan at tatangkililikin hindi lang ng bansang Korea at ng iba pang bansa sa Asya, Amerika at Europa. 'Yun ang marapat nating pakaabangan. Ngunit hangga't ang manonood ay patuloy na tinatangkilik ang tradisyonal na teleserye asahan na nating magiging paulit-ulit lang ang mapapanood natin sa tuwing gabi.

Monday, March 10, 2014

Guni-guni





At ang lahat ay magyayabang na kilala nila ang kanilang sarili.
Sa tuwi-tuwina, bibigkasin ang angking talino at iwawagayway ang kakayahan sa mga bagay-bagay.
Kung papaano umunlad mula sa pagdarahop.
Kung papaano umasenso mula sa kawalan.
Kung papaano naging makapangyarihan mula sa pagiging busabos.
Kung papaano binubusog ang tiyan ng masasarap na pagkain.
At tulad ng dalaga sa kanyang mangingibig paniniwalaan ang katagang 'mahal kita' at 'magpakailanman'

kahit paulit-ulit na lokohin,
kahit paulit-ulit sa pagsisinungaling,
kahit paulit-ulit ang pangako.



Ano't lagi nating niyayabang ang ating yaman?
Ang talino?
Ang karangalan?
Ilang milyong piso na ang mayroon ka?
Summa cum laude ka ba?
Pangarap mo bang maging alkade ng Maynila?
Pera, talino at kapangyarihan. Kombinasyong patungo sa kapalaluan kung walang pagtitimpi, kung hindi ikikimkim.
Hambog ka, hindi mo lang alam o ayaw mo lang tanggapin.
Sinungaling ka, hindi mo lang maamin.
Ipokrito ka, ngunit sino nga ba ang hindi?




Hindi mo kilala ang iyong sarili sa tuwing
may mabigat na suliranin,
may pamilyang nasa bingit ng kamatayan,
dadausdos ang karera sa pulitika,
nabigo sa pangarap ng kanyang paslit,
babagsak ang multi-milyong pisong negosyo,
kumalat ang sex video sa internet,
mabibigo sa pag-ibig,
o kahit may motoristang sumalubong sa one-way na kalsada.
May bubunot ng baril o kikitil sa ngalan ng kahambugan o isusugal ang buhay dahil sa pagkadismaya sa mundo, sa sarili, sa tadhana at doon sa nasa Itaas.
Magpapasya ng may kaakibat na pagsisisi.



Nasubukan na ba nating mamuhay ng may kapayapaan?
Ewan. Malamang hindi.
Wika ng pilosopong matanda; buhay ay nilikha hindi para sa kapayapaan kundi para sa walang hanggang paghagilap sa mailap na tagumpay kesehodang makasagasa ng iba.

Oo. Malupit ang buhay. Malupit ang mundo. Salbahe ang tao.
mabibigo ka kung kailan ka pursigido,
dadalaw ang trahedya sa panahong ayaw mo,
aangat ka kung mang-aapak ka, sinadya mo man o hindi
gagaguhin ka kung kailan nais mong magpakatino,
masasaktan ka kung kailan mo gustong magpakabait.



Nakalimutan na ng tao ang respeto.
Lahat na nga ay walang paggalang sa kapwa.
Ang 'putangina' ang humalili sa 'po' at 'opo' bibitawan ito tulad ng paglura sa kalsada,
magtataksil sa taong ubod mong mahal,
kukupit ng mula sa kaunti patungo sa malaki,
pagtatawanan ang may kapansanan,
kakamkamin ng ganid ang lahat pati na ang langit,
sisiraan ang kaibigan para sa kapirasong tawa,
pupurihin ang mga taong umaaglahi.
Kalilimutan ang nasa Itaas. Saka lamang Siya maaalala tuwing sadsad na ang nguso sa lupa o lupaypay sa tambak na problema o nakikita na sa guni-guni ang anghel ng kamatayan.
Minsan. Minsan lang. Sasamba (kunwari) naman sa bahay dalanginan
tuwing Pasko,
tuwing Bagong taon,
tuwing kaarawan,
tuwing Pasko ng pagkabuhay o
tuwing Miyerkules ng abo para magpakuha ng litrato at ipaskil sa librong hindi naman libro.
Dadalangin ng biyaya, hihingi ng kapatawaran o katuparan sa pangarap o magandang kalusugan.
Makalipas na mapagbigyan.
Wawaglitin ang lahat. Kahit ang pasasalamat.




Paano kung ang rapture ay sa isang linggo? O bukas? O mamaya?
Paano tayo haharap sa Lumikha?
Kung right minus wrong ang batayan patungo sa dambana ng kalangitan, papasa ka kaya?
Paano kung hindi?
Mainit daw doon.
Ewan. Bahala na.
Inisa-isa kong bilangin ang aking mga kasalanan...
Madami. Hindi na ako nagulat.
Tama ba na isipin nating higit na marami ang mas makasalanan kaysa sa atin?
Kakatawa. Pare-pareho ang katwiran ng mga taong makasalanan.
Tulad ko. Ikaw rin. At sa iba pang babasa nito.
Aasang tutungo sa Langit kahit ang ginagawa'y pulos kagaguhan.

Ah, siguro malapit na nga ang katapusan.
May delubyo na sa lahat ng dako ng daigidig.
mapaminsalang lindol,
nagngangalit na alon,
naghuhuramentadong bulkan,
bagyong kumikitil ng buhay at kabuhayan,
digmaan ng tao sa tao, ng masama at mabuti, ng relihiyon at paniniwala,
pagbaha ng literal, ng pagmamagaling at ng kasakiman,
karamdamang walang lunas, walang medisina.


May mga propeta na magdedeklara ng katapusan, may lider ng relihiyon na walang takot na aariin ang kaligtasan.
At may makukumbinsi.
Na tanga o takot lang.
Na kulang ang tiwala pero (umano') naniniwala.
Na walang alam ngunit nagdudunong-dunongan.
Ikakalat ang kabobohan sa madla, magpapaskil sa librong hindi naman libro.
Pupulutin ng media ang isa pang kabobohan, ang prediksyong bulaan, parang maligno na maghahasik ng lagim, ng sindak, ng takot. Sa lahat.

Kahit ang demonyo'y kanyang tatakutin, susubuking mag-ulat ng nakakasindak; suot ang costume nang parang sa astronaut. Hindi niya batid na ang kanyang hinahasik ay ang mismong kanyang katangahan.



At nabuhay ang alamat ng mahusay na pulitiko sa pamamagitan ng 'hoax', ng panggagago, ng pang-uuto sa mga tao. Hindi sinunod ang protocol sa kagustuhang maging trending, sa ngalan ng rating. Kung pinaniwalaan ang isang kalokohan, lalo na ang boladas ng mga nanunungkulan, lalo't may kasamang pangsuhol na bigas o de-lata o noodles o tatlong daang piso. Makakakuha ng isang boto ang nagmamalasakit kuno.
'Wag mo nang pagtakhan kung bakit patuloy ang pagwawagi ng kawangis nina Pogi, Sexy, Tanda, Komedyanteng Plagiarist, Apo Makoy, Gloring, Binoy, Abnoy at iba pang panginoon ng iba't ibang lalawigan.
Marami pa sila. Na hindi naniniwala sa political dynasty ngunit magmula sa apo sa tuhod hanggang sa kanilang yaya ay may katungkulan.
Marami pa sila. Hindi na mabilang dahil nagkukubli sa ganda ng ngiti, sa mabuting salita, sa talumpati, sa pagkalinga, sa huwad na surbey, sa pagiging makatao, sa pagiging maka-Diyos.


Tayo'y paurong. Hindi pasulong.
Tayo'y paatras. Hindi paabante.
Tayo'y palubog. Hindi paahon.
Parang ang lahat ng nagaganap ay guni-guni o bangungot. Guni-guning totoo ngunit ayaw paniwalaan, bangungot na dati'y sa pagtulog lang nangyayari. Ngayon na ang panahon na ang isang sandali'y mas pinapangarap ang mahimbing kaysa ang gumising.


Tayong nabuhay sa maling henerasyon, sa maling pagkakataon.
Kabahagi ka o tayo ng lipunang kumokonsumo ng magastos na teknolohiya sa halip na mag-ipon ng kaalaman. 
Uubos ng oras sa android sa halip na sa pamilya,
uubos ng salapi sa alak sa halip na pagkain,
isusugal ang barya sa halip na ipunin,
interesado sa bugbugan ng palikerong artista kaysa kasaysayan,
magbubukas ng porno sa halip na libro o kwaderno.
Binobobo ng saritical na balita, magkokomento at ibabalagbag ang kamangmangan. Dose oras sa harap ng kwadradong monitor ngunit walang natutunan, walang nadagdag na kaalaman kundi 
scandal, 
tsimis sa idolo, 
kalibugan 
at kahalayan. 
Tanungin mo kung ano nang balita sa kababayan (bagong bayani raw) na hahatulan ng kamatayan sa gitnang silangan, walang pakialam. 
Ngunit saulado ang mga awiting pinasikat ng amerikanong teenager na lunod sa kasikatan ngunit lulong sa alak, sa droga din, sa kontrobersiya at sa kababuyan. Dadakilain at sasambahin ang (mga) idolo, ituturing na parang diyos; iiyakan, ipaglalaban, hahagilapin, tutunguhin, sasambahin.


Lipas na nga ang panahong ang bayani ay tunay na dinadakila at ang mga dakila ay tinatanghal na bayani. May respeto. May dangal. May karangalan.


Isa na lamang itong guni-guni. Isang panaginip