Swerte lang siguro at
napasok ako sa sosyaling restaurant na ito. Nakatulong marahil ang
pinagsama-samang kwalipikasyon ko: graduate sa magandang unibersidad, sapat na
experience at 'pleasing personality'. Hindi ba't nakakagagong isipin na
kailangang may 'pleasing personality' ang isang tao upang makahanap nang
matinong mapapasukan? Paano na lang ang mga aplikanteng kapos nito? Ibig bang
sabihin nun na dapat ay makontento na lang sila sa kung anong kompanya ang
magtitiyaga sa personality nila? 'Yung kompanyang hindi judgmental, pantay ang
pagtingin sa lahat ng antas o uri ng aplikanye, 'yung kompanyang tinitingnan
ang kapasidad at kakayahan mong gampanan ang ibibigay sa'yong trabaho hindi
dahil sa ikaw ay maganda o gwapo lang.
Isa akong bagitong waiter sa
isang magarang restaurant dito sa BGC, isang restaurant kung saan halos lahat
yata ng mga customer ay tila mga walang problemang pinansiyal at kung umorder
ng mga drinks at pagkaing napakahirap bigkasin ay hindi tinitingnan ang halaga
nito. At kahit batid na ng mga customer na ito na overpriced ang karamihan sa
mga pagkain at inuming sini-serve dito, marami pa ring tira o left over sa
kani-kanilang mga plato. Kakatwang malaman na maraming mga tao ang kapos sa
pambili ng pagkain at dahil sa kahirapang ito'y humahantong pa minsan sa
paggawa ng krimen pero heto ang mga burgis at mayayamang taga alta-sosyedad na
maraming pambili ng halos lahat na naisin nila ay bumibili ng pagkaing
overpriced pero hindi naman nila nauubos, minsan nga parang hindi pa nila nabawasan
ang kanilang order.
Galing ako sa hirap at
masasabi kong mas masarap pagmasdan ang mga mahihirap kung lumantak ng pagkain
-- nakakamay, simot na simot ang kahuli-huliang sarsa ng ulam at wala ni piraso
ng mumo kang makikita sa plato, 'di tulad ng halos lahat ng mga customer na
nagtutungo rito na tila de-numero ang kilos, ang pagtawa at pagsasalita at
mahinhing isinusubo ang maliit na piraso ng pagkain sa bibig na sinadyang
maliit lang ang pagkakabuka. Kung minsan, hindi ko rin maintindihan ang mga mayayaman
kung bakit sarap na sarap sila sa mga pagkaing matatabang at mapuputla ang
kulay na ang halaga yata ay isang buong araw na pagtatrabaho ng ordinaryong
empleyadong tulad ko. Ewan, pero para sa akin nasa maliliit na carinderia pa
rin ang masasarap na pagkain at nasa slum area pa rin ang mga taong masasarap
kung kumain -- hindi rito sa lugar na puno ng pagbabalatkayo na ang pagkain ay
dinadaan sa ganda ng presentasyon at ang ambiance umano ay ilalayo ka sa
mundong maligalig at magulo. Na pagkatapos ay ano?
Halos tatlong linggo pa lang
ako rito at gusto kong sanayin ang sarili sa bagong environment na aking
napasukan. Dapat masanay ako na ito na ang bagong mundong aking gagalawan at
ang trabahong ito ang magiging tuntungan ko patungo sa inaasam kong tagumpay.
Hindi gaanong hataw ang trabaho dito, 'di tulad sa huli kong napasukang
american fastfood franchise na dagsa ang customer palagi dahil nasa loob ng
mall. Maliban na lang kung araw ng Biyernes, Sabado, Linggo at holiday -- doble
ang customer na dapat naming pagsilbihan. Dahil mayayaman ang customer dapat
astang may 'breeding' din kami, kailangan mas magalang kami, kailangan mas
aware ka sa kanilang pangangailangan na sa pagtaas pa lang ng kanilang kamay ay
nasa harap ka na nila -- iyon at marami pang iba ang naituro sa aming
orientation bago pa ako isalang dito.
Isang ordinaryong Huwebes
lang para sa akin ang araw na ito. May mangilan-ngilang customer na karamiha'y
napagsilbihan ko na rin. Maliban sa isang medyo may edad na lalaki ns pamilyar
ang mukha pero hindi ko maalala kung saan ko nakita. May kasama siyang apat na
iba pa; tatlong lalake at isang babae. 'Yung babae ay bata pa siguro'y nasa
late 20's, kung may malisya ang magmamasid sa ikinikilos ng dalawa ay
sasabihing may relasyon sila. Isa sa natutunan ko sa orientation ay ang
pagkontrol sa sarili na hindi makialam sa personal na buhay ng mga customer
lalo na kung ito'y pulitiko at artista. Sa iksi pa lang nang panahong
paninilbihan ko rito totoo ngang dapat ngang maging wala akong pakialam sa
aming mga customer dahil kung hindi, baka mas marami pa akong maihatid na
tsismis sa kung sinong showbiz reporter ng programang Startalk.
Paunang order ng matandang
lalaki ay brandy, sa kasama niyang babae ay wine. Makalipas ang ilang minuto ay
umorder na siya ng pagkain; siyam na putahe ng ulam! Gusto kong itanong sa kanya
kung ganun ba talaga sila kalakas kumain? At alam ba nila na ang pinuntahan
nila'y hindi karinderya na trenta pesos ang kada order ng ulam? Kung susuriin
namang maigi ay hindi naman siya mukhang mayaman -- ordinaryo ang suot na polo,
ordinaryo ang kulay ng balat, ordinaryo ang kilos at pananalita. Basta, iba
talaga ang kilos at gawi ng mayayaman kumpara sa nagyayaman-yamanan lang.
Teka, sino ba ako para
kuwestiyunin ang pagkatao niya? Sino ba ako para umuri kung sino ang mayaman at
sino ang mahirap? Sino ba ako para sa kanya? Isa lang akong ordinaryong waiter
na tagapagsilbi. Sabi nga sa ingles, 'don't judge the book by its cover' at
dapat kong i-apply ito ngayon mismo.
Tama nga ako. Hindi nga nila
naubos ang kanilang inorder 'yung dalawang putahe nga ay halos hindi man lang
nabawasan at 'yung iba naman ay parang kalahati lang din ang bawas. Iba talaga
sila, kung mortal sin para sa mga mahihirap ang magtira ng pagkain sa plato
para sa mga customer dito ay parang obligasyon mong mag-iwan ng kaunting piraso
sa bawat pagkaing in-order mo. Halos naririnig ko pa ang pagalit at mura sa
akin ng nanay ko noong hindi ko kainin ang ulam naming paksiw: "Hoy!
Gago kang bata ka bakit hindi mo kainin 'yang ulam na nakahain sa mesa?
Maraming mga bata na walang makain, ikaw may matinong pagkain na sa harap mo
ayaw mo pang kainin?!" piningot pa ako ni nanay noon para lang
kainin ang paksiw na aming ulam.
"Excuse me, can I have
the bill?"
halos hindi ko narinig ang sinabi ng lalake mabuti na lamang at wala gaanong
customer at mahina ang swabeng musikang tumutugtog sa restaurant kaya narinig
ko ang malaki niyang boses.
May dahilan kung bakit
mahina at swabe ang musikang tumutugtog sa ganitong klase ng mamahaling
restaurant, ito ay para i-encourage ang mga customer na mag-stay pa nang
matagal at umorder ng umorder ng drinks at pagkaing higit sa 600% ang patong sa
orihinal na presyo. At may dahilan kung bakit malakas at nakakairita ang tugtog
sa mga fastfood chain, ito ay para bilisan ang pagkain ng mga customer dito
para magbigay daan sa iba pang customer na nakapila at nakatayo sa labas.
Hindi man lang nagulat ang
matandang lalake sa halaga ng bill na inabot ko sa kanya. Nasa isip ko: marahil
ay sanay na siya sa ganitong klase ng lugar at mayaman talaga ang pamilya niya
at marumi lang talaga ang pag-iisip ko.
Inabot nang mahigit sa dose
mil ang kanyang bill!
Binigyan niya ng instruction
ang babaeng kanyang kasama. Mula sa sobreng kinuha ng babae ay inilabas nito
ang labing limang piraso ng isang libong piso, iniabot ito sa akin.
"I received ma'm, sir,
fifteen thousand pesos. Php 12,565 lang po ang bill ninyo..." akmang ibabalik ko ang two
thousand sa babae nang magsalita ang matandang lalake. "You can keep all the
change. Saka pakilagay pala sa resibo: Philippine National Police."
Natahimik akong bigla.
May dahilan pala kung bakit
galante ang lalake, may dahilan pala kung bakit hindi siya nanghihinayang sa
halagang kanyang ibinayad sa mamahaling restaurant na tulad nito --
hindi galing sa kanyang
bulsa ang perang ipinangagasta niya sa kanyang inumin at mga pagkain.
Ilang establisimyento pa
kaya ang winawaldasan niya ng perang hindi naman sa kanya?
Ilang opisyal pa kaya ng
gobyerno na tulad niya ang walang panghihinayang na gumastos gamit ang pondo ng
bayan?
Sa marahan kong paglalakad
papuntang cashier ay bigla kong naalala ang ilang libong pisong ibinawas at
ibabawas sa sweldo ko kada buwan at ang pinagsama-samang ilang bilyong pisong
buwis kada taon na kinakaltas sa mga ordinaryong obrerong nagpapaalipin para
lamang may maihaing pagkain para sa hapag-kainan ng kani-kanilang pamilya.