Monday, June 22, 2015

L A R O




Hindi ako marunong magsugal ngunit napilitan akong ito'y laruin -- wala kasi akong pagpipilian.
Nilaro ko ang mapanlinlang na sugal ng pag-ibig.
Kahit alam kong maliit ang tsansa kong magwagi. At kahit batid kong malaki ang posibilidad na ako"y mabibigo. Sumige pa rin ako.
Kahit alam kong sa bandang huli'y baka umiyak lang ako -- sumuong ako.
Tumaya ako. Hindi lang puso. Hindi lang kaluluwa. Kundi pati ang aking buhay at kinabukasan. Wala akong itinira. Kahit ang pride.
Tinuring kitang panginoon at alipin mo naman ako.
Para akong laruan na nangangarap na sana'y magustuhan at maging paborito mo.
Ngunit para kang paslit na naghahanap lang pala ng pansamantalang libangan. Paslit na walang pakialam sa gaya ko at sa aking nararamdaman. Isa kang paslit na mabilis akong pinagsawaan.


Hindi ako mahilig sa baraha ngunit kinailangan ko itong pag-aralan.
Upang makahanap ng kapares ang aking pusong ulila sa pagmamahal.
Maranasan ang ngumiti. Tumawa. At maging masaya.
Upang makatagpo ng Reyna ang tangan kong baraha -- isang Haring may bahid ng lungkot at tila nauupos sa kawalan ng pag-asa.
Magkaroon ng kasama sa tuwing may pagkabigo. May pagsubok. At may suliranin.
Ngunit solitaryo ang aking natutunan.
Hindi ko man ninais ay natatagpuan ko ang aking sariling mag-isa.
Kasama ang pighati. Ang kalungkutan. Ang pag-alala.
Nilulunod ang sarili sa luhang tila nagsasawa na sa paulit-ulit na pagtawag sa iyong pangalan at paghiling na magwagi sa sugal ng kapalaran.
Hindi ko napansin at nabatid na kulang na pala ang nilalaro kong baraha.
Na kahit anong aking gawin ay 'di ko mapagtatagumpayan ang anumang larong aking maibigan.


Hindi ako marunong ng larong Chess.
Pero itinuring kitang aking Queen at ipinagpalagay kong Knight mo naman ako.
Na handang gawin ang lahat para sa gaya mo.
Ginawa ko ang lahat upang ikaw'y maprotektahan.
Mapagtanggol. Madepensahan. At 'wag masaktan.
Handa ako palaging magsakripisyo upang ikaw'y 'di mapahamak.
Hindi ko maisip ang dahilan at ang aking halaga kung sakaling mawala ka.
Hindi ko inalintana ang panganib. 'Wag ka lang mawala at malagay sa alanganin. At tuluyang mawalay sa akin.
Ngunit sa bandang huli'y hinayaan mo rin ako.
Nagtawa ka lang habang minamasdan kitang lumalakad palayo sa akin upang magsama kayo ng iyong hari.
Naging Grandmaster ako ng pagkahangal at pagtitiis dahil sa pagmamahal ko sa'yo.


Hindi ko kailanman nagustuhan ang Taguan.
Ngunit iyon ang ipinaramdam mo sa akin.
Napilitan akong laruin ito nang 'di ko namamalayan.
Lagi akong taya. Lagi akong it.
Hinanap kita -- sa dating tagpuan. Sa dati nating pinupuntahan.
Sa food court ng mall. Sa Ninoy Aquino Park and Widlife. At sa motel na malimit na saksi sa mainit nating pagniniig at pagmamahalan.
Binalikan kita sa dati mong tahanan ngunit hindi ka na nagpakita. Para kang usok ng sigarilyo -- na sa isang iglap lang ay naglaho, sumabay at tinangay ng hanging gaya mo'y nilalaro ang aking isipan.
Wala ka na nga at ako'y naiwang patuloy na umaasa.
Na sana isang umaga ay hindi na kita hahanapin pa. 
Na magsasawa ka na sa Taguan,
Na magpapakita ka na sa akin,
Na muli mo akong mamahalin.

Sa lahat ng mga larong aking sinubok, sa lahat ng mga sugal na aking nilaro --lahat ito'y pawang nauwi sa pagkabigo. Ngunit kung ang nakaraan ay muling uulitin at ang kahapon ay muling babalikan... nanaisin ko pa ring mabigo at masaktan nang minsan kitang naranasan kaysa maging masaya at nakangiti nang hindi kita nasilayan.

Susugal at lalaro pa rin ako sa isang tulad mo.

Kahit alam kong ginagamit mo lang ako.

No comments:

Post a Comment