Sundan ang istorya dito:
- - - - - - -
Kung basta na lang natin
kalilimutan ang isang pangyayari sa ating buhay ang isang tila masamang
bangungot na naging bahagi ng ating kahapon hindi raw malayong maulit ang
kahalintulad na karanasang ito sa darating na panahon.
Tama nga na hindi tayo dapat
nakapiit sa alaala ng nakaraan pero hindi ibig sabihin nun na dapat na nating iwaglit
ang lahat ng mga leksyong ibinigay nito sa atin. Para sa iba madali lang ang
magpatawad pero hindi kahulugan nun na ganoon din kadali ang makalimot. Lalo na
kung ang nakagawa sa'yo ng pagkakasala ay naging malaking bahagi ng buhay mo.
Lalo na kung ang nakasakit sa'yo ay taong minahal mo ng higit pa sa buhay mo.
Lalo na kung ang taong 'yun ay inakala mong kasama mong hahabi ng iyong mga
pangarap sa buhay sa darating na mga bukas.
Maaari kang magpatawad sa
taong nagkasala sa'yo pero 'tangina hindi simpleng maiwaglit ang lahat ng
kanyang naging pagkakasala kasama nang lahat ng kanyang naging pagkakamali.
Kailanman, hindi package
deal ang pagpapatawad at paglimot.
Maari kong sabihing
napatawad ko na si Jericho pero kailanman tila hindi ko malilimutan ang mga
lahat ng mga kababuyan, kahayupan at panggagago niya sa akin. Magsisilbing
leksyon ang mga 'yon para ako'y maging matalino sa buhay at pipilitin kong
hindi na muling maloko ng kung sino mang nag-aalok ng isang huwad na
pagmamahal.
Sa mga bagay na nangyayari
sa akin ngayon gusto kong paniwalaan na may dahilan nga ang lahat nang
nangyayari sa ating buhay at nasa atin na lang kung papaano natin ito lubos na
tatanggapin at uunawain.
Hindi na natin maibabalik
ang nakaraan at ang lahat ng mga nagawa nating pagkakamali ay hindi na natin
maitatama pa -- kahit ano pang ating gawin.
Ang tangi na lang nating
magagawa ay ihinto ang mga kamalian at kahibangang ito bago pa mahuli ang
lahat. Hangga't may nalalabi pang oras, hangga't kaya pa nating ituwid ang
ating darating na bukas.
- - - - -
Hindi ko na maalala ang
eksaktong araw at oras kung kailan ko huling nakita at nakausap si Jericho. Ang
gagong si Jericho na minsang naging bahagi ng buhay ko, minsang naging
pagkakamali ng nakaraan ko. Ang totoo, wala na akong pakialam sa buhay niya,
wala na akong interes na alamin kung anong nangyari sa kanya at kung saang
impiyerno man siya napadpad ngayon.
Magmula nang ako'y
abandunahin ng walang bayag na si Jericho unti-unti na ring nagbago at naglaho
ang lahat ng pagmamahal at pagtingin ko sa kanya. Nawala na ang pakialam ko sa
gagong Jerichong 'yon. Ang tanging alam ko lang -- ay mag-iisang taon na sa
susunod na buwan ang anak kong si Jeric.
Kung may isang dahilan para
ako magpursigi at magsumikap sa buhay -- si Jeric 'yon.
Si Jeric na naging bunga ng
aking kapusukan at ng maling pagmamahal.
Si Jeric na magandang bunga
ng isang pangit na alaala.
Hindi sa aking
pinangangatwiranan o binibigyan ng dahilan pero minsan pala ang isang
pagkakamali ay nagdudulot ng magandang resulta -- ng kabutihan. Blessing ng
langit ang anghel na si Jeric para sa akin at palalakihin ko siyang may takot
sa Diyos at may respeto sa kapwa 'di tulad ng kanyang amang si Jericho na
kampon yata ng kadiliman sa kawalanghiyaan. Gagawin ko ang lahat upang
magkaroon siya ng magandang kinabukasan sa kabila ng aking masamang nakaraan.
Hindi ko nais na makitang
may sakit si Jeric -- kahit bahagyang lagnat lang. Dahil sa tuwing siya'y may
karamdaman tila doble ang sakit na aking nararanasan. Kaya't hindi ako
pumapalya na dalhin si baby sa Clinic at sa awa ng Diyos ay lumalaking malusog
na bata si Jeric. Ang kanyang bawat ngiti ay ang aking pag-asa para sa bawat
pahina ng buhay ko. At ang kanyang mga halakhak ang ginagawa kong inspirasyon
upang ako'y magpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo.
- - - - - -
Lunes ng umaga.
Nakabihis na ako patungong
eskwela. Hindi ko inaasahan ang isang bisita.
Nasa aking harapan si
Jericho. Nagsusumamo.
Hindi pa man niya binubuka
ang kanyang bibig alam ko na ang kanyang nais ipahiwatig, alam ko na ang lahat
ng gusto niyang sabihin. Malamlam at malalim ang kanyang dating mapupungay na
mga mata.
Pispis na ang ang noo'y
matikas na kanyang katawan. Magulo at marumi ang mahaba niyang buhok. Ang
kanyang balbas at bigote'y nagpapadagdag sa pagiging mukha niyang marungis. At
kung pagmamasdang maigi, halos wala siyang pinag-iba sa taong-grasang
pakalat-kalat sa Maynila.
Ibang-iba na ang kanyang
itsura, hindi na siya kaibig-ibig -- 'di tulad ng dati.
Nakakaawa na siya.
Malayong-malayo sa Jerichong aking nakilala noon na matikas, matipuno, mabango
at maangas.
Hindi ko alam ang dahilan
pero hindi ko magawang saktan si Jericho.
Sa isip ko'y gusto ko siyang sampalin, suntukin, tadyakan, sikmuraan
ngunit nagapi ako ng magkakahalong awa at galit, habag at pagkamuhi, simpatiya
at pandidiri -- para sa kanya.
Nag-uumapaw na ang aking
sama ng loob at nanginginig na ng aking
kalamnan ngunit hindi ko makuhang pagbuhatan ng kamay si Jericho.
Ah Jericho. Oo maganda ang
kanyang pangalan ngunit hindi bagay sa kanyang ugali at sa kanyang mga
kawalanghiyaan. Pero sa katulad kong binulag ng maling pagmamahal at ng
panglabas ng kaanyuan mistula akong naging kanyang alipin sa mahaba-habang
panahon. Hindi lang pala ganda ng pangalan o kisig ng itsura o tikas ng katawan
-- ang makasasapat at makapagpupuno sa isang pagmamahal.
At sa isang iglap bumabalik
sa aking alaala ang lahat ng kababuyang pinaggagawa niya sa akin!
"Putang ina mo! Buhay ka pala?!" sa dami ng gusto kong
isumbat kay Jericho 'yun lang ang nasabi ko sa kanya.
Nangingilid ang luha ko at
nakakuyom ang aking palad -- handang ilapat kanyang pisnging humpak at
singnipis na ng papel sa labis na kapayatan.
Kahit ano pang kanyang
ikatwiran hindi na ako mahuhulog sa bitag niya. Hindi ko na tatangkaing tikman
at lasapin pa ang tamis ng kanyang pananalita dahil hindi na ako ang dating si
Cathy na madaling mabola at madaling mauto. Hindi na ako ang dating Cathy na
makati at malibog.
Kung hindi pa sapat ang
matinding kalbaryong aking naranasan nang mga panahong muntik ng kumawala ang
katinuan sa aking kamalayan, kung hindi pa ako natuto sa aking naging
karanasang muntik ko nang ikasawi ng aking buhay -- gago na lang talaga ako.
"Patawarin mo ako Cathy, patawarin mo sana ako!" nakaluhod si Jericho. Sa
itsura naming dalawa mistula akong santo na kanyang dinadasalan at siya nama’y
isang mortal na puspos ng kasalanan.
Hindi ako makapaniwala sa
aking nakikita.
Parang isang panaginip ang
aking nasasaksihan. Ang matikas at maangas na si Jericho ay nakikiusap at
nagsusumamo sa isang tulad ko. Pero hindi ako dapat magpada sa kanyang script
na pangteleserye dahil 'pag naging tagahanga ako ng kanyang kadramahan parang
hinayaan ko na rin ang sarili kong mahulog sa isang bitag na kasama pa akong
naghukay at magiging biktima ako sa isang krimen na ako mismo ang isa sa mga
salarin.
Maraming kuwento si Jericho.
Marami siyang paliwanag. Na hindi ko alam kung totoo o kathang-isip niya lang.
Matagal daw siyang nawala
dahil nakulong siya sa isang bintang na pagtutulak ng bato. Naframe-up lang daw
siya at kailanman daw ay hindi niya magagawa ang magtulak. Sa isip ko; May malaki bang pagkakaiba ang tumutulak sa
bumabatak? Ang mga bumabatak ‘pag kailangang bumatak ay magtutulak at ang
nagtutulak ay babatak upang malaman ang kalidad ng kanyang itutulak. Ewan
ko pero sa pagkakaalam ko pareho lang silang talamak at salot ng lipunan.
"Magbabago na ako, pangako. Bibigyan ko kayo ng magandang
kinabukasan ng ating anak... Anong pangalan niya?" patungkol sa sanggol na
nakahiga sa crib. Nakatingin sa mahimbing na natutulog na si Jeric.
Gusto kong paniwalaan ang
sinasabi ni Jericho. Nagtatalo ang aking isip at puso, tinitimbang ang bigat ng
kanyang mga salita at pangako.
"Jeric." matipid kong sagot.
Hindi siya umimik.
Napaluha lang siya nang
marinig ang pangalan ng aming supling. Tila napalitan ng habag ang pagkamuhi ko
sa kanya. Ngunit kailangan kong magising mula sa kahibangan, kailangan kong
matauhan mula sa panandaliang panaginip.
Ano bang kasiguruhan kong
siya'y magbabago?
Ano bang magandang
kinabukasan ang naghihintay sa kanyang piling?
Tinitigan ko si Jericho,
tiningnan ko ang kaluluwa ng kanyang mata. Ramdam kong nais na nga niyang
magbago at ang sinseridad ng kanyang bawat sinasabi ay tila alingawngaw na
bumubulong sa aking puso. Ngunit sasapat ba ang lahat ng mga ito upang muli ko
siyang papasukin sa aking buhay?
Maari siguro. Pero hindi
ngayon.
"Umalis ka na. Hindi na kita kailangan sa buhay ko, hindi ka namin
kailangan ni Jeric. Kung nabuhay ako noong wala ka, mabubuhay pa rin ako na
hindi kakailanganin ang isang tulad mo." habang sinasabi ko 'yon kay
Jericho ay para ko na ring sinusugatan ang aking sarili. Parang hinihiwa ko na
rin ang magkabila kong pulso.
Sapat na ang mga salitang
'yon upang umalis si Jericho.
Alam ko mahal niya pa rin
ako at nararamdaman kong may pagmamahal pa rin ako sa kanya ngunit hindi
sasapat ang pagmamahal lang para magkaroon ng maligaya at magandang buhay.
Nagsisimula sa pag-amin ng lahat ng kasalanan ang totoong pagbabago ngunit
kaakibat nito ang pagsusumikap na talikuran ang mga kasalanang ito -- at hindi
ito nangyayari sa isang iglap lang.
Oo, mami-miss ko si Jericho
at ang kanyang pagmamahal pero may mga bagay na mas mahalaga at mas higit pa sa
letseng pagmamahal.