Thursday, February 26, 2015

All About Pag-ibig

Kaya tayo nagmamahal kasi gusto nating sumaya at maranasan ang tunay at walang katumbas na kaligayahan, makahanap ng isang nilalang na kayang punan ang blangkong espasyo sa ating pusong madalas nag-aalinlangan, at matuklasan ang posibleng maging sagot sa iyong mga tanong na tila walang katapusan. 


Subalit walang halaga ang pagmamahal kung ikaw lang ang palaging nagbibigay at madalas na pina-aasa ka lang na maambunan ng kanyang pagmamahal na walang kasiguruhan. ‘Pag mahal ka ng isang tao dapat aalagaan at poprotektahan ka nito sa (halos) lahat ng bagay huwag ka lang masaktan at hindi siya pa ang nagiging dahilan para ikaw ay paulit-ulit na umiyak at magdamdam. 


Ang pag-ibig ay hindi nilikha para ito’y abusuhin kundi para ito ay pagyabungin, magpundar ng masasayang alaala – hindi ng masamang bangungot, makita ang mga bagay na higit pa sa natatanaw ng mata, at matanggap ang lahat ng kapintasan ng mas malalim pa sa pagiging perpekto. 


Marami na ang nagsabi na ang pag-ibig ay bulag pero para sa akin mas angkop na sabihing “ang pag-ibig ay hindi bulag, nakikita niya ang lahat pero wala siyang pakialam kung anuman ang anyo o itsura nito dahil ‘pag ikaw ay nagmamahal lahat ng natatanaw mo mas madalas ay pawang mga kagandahan lang". 


‘Pag nasa impluwensiya ka ng pag-ibig, kadalasan ay wala kang pakialam sa kapintasan ng mahal mo, sa kanyang mga bad habits, sa kanyang mga bisyo, sa kanyang karakas, sa kurba ng katawan, sa tuwing wasted siya pagkatapos ng mahaba-habang inuman o sa itsura at amoy niya ‘pag bagong gising. Niyayakap mo ang isang kakulangan at ugaling madalas ay ikaw lang ang nakakaunawa. At ang pag-ibig mo para sa kanya ang nagbibigay ng perspektibong: siya at siya lang ang pinakanararapat sa mundo mo at ang cliché na, hindi ka mabubuhay kung sakaling siya’y mawawala. 


Sa kabila ng mga negatibong katangian, positibo ang iyong nakikita. Kaya mong lampasan ang anumang mga nakaharang at kaya mong tiisin at ipaglaban ang bawat pagsubok na sa inyo’y dadaan. 
Bakit? Siguro’y dahil ang hindi nakikita ng ating mga mata, puso natin ang nakakakita. 


Ngunit, mahirap pa ring ipaliwanag na kahit wagas ang inyong pagmamahalan, kahit may pangako kayo ng magpakailanman, kahit ilang libong beses kayong nagsabihan ng “I love you” at “"pramis, hindi kita iiwan…” may pagkakataong nauuwi lang sa hiwalayan ang lahat! 


At dito magsisimulang gumuho ang mundo mo. 
Mararamdaman mong tila kinakausap ka ng mga kanta sa radyo. 
Maraming mga bagay sa paligid mo ang magpapaalala sa kanya. 
Magiging tulala ka na parang nahipnotismo. 
Mawawala ang mga interes mo sa maraming bagay. 
Hindi ka makararamdam ng gutom kahit wala namang laman ang iyong tiyan. 
Tila may sariling buhay ang luha mo na kusa na lang bumabagsak. 
Kung ibabalik ang nakaraan, hindi mo sigurado kung pagsisisihan o babalikan mo ang araw na nakilala siya. 
At gusto mong alamin ang sagot sa likod ng iyong mga tanong na: 
Ano ba ang naging kulang? Saan ka nagkulang? 
Sino ba talaga ang nagkulang? Kailan ka makakamove-on? 
Paano ka na ngayon? At bakit humantong ang inyong relasyon sa hiwalayan ? 

Welcome to the club. The Broken Hearted Club. 


May tanong sa teaser ng movie na “That Thing Called Tadhana”: "Where do broken hearts go?" 
Teka, saan nga ba nagtutungo ang mga pusong bigo at sawi? 
Mayroon ba silang regular corporate meeting every month tulad ng mga sa dambuhalang negosyo o korporasyon? 
Mayroon ba silang kinikilalang lider na magpapatupad ng policy, rules and regulations para sa mga sinawimpalad sa pagmamahal? Kung sakaling kakandidato silang party-list representative na nire-represent ang mga marginalized sector ng mga bigo sa pag-ibig, mananalo kaya sila? 
Sa dami ng mga bigo at sawi sa pag-ibig, maaari siguro. Pero malamang hindi nila kayang gampanan ang kanilang obligasyon at tungkulin dahil ang mga brokenhearted ay: 

• mas gustong ina-isolate ang sarili sa karamihan 

• mas gusto nilang magmukmok sa isang madilim na kwarto kaysa i-open up ang kanilang saloobin(suicidal ang mga ganito) 

• mayroon namang nilulunod ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-inom ng Red Horse o Empi Lights habang idinidetalye sa BFF ang matamis, masaklap at masalimuot na kanyang love story with a tragic ending 

• mayroong mas ginugustong mapag-isa habang nakikinig sa mga malulungkot na immortal love songs & ballads habang sinasariwa ang kanilang mga pangako ng forever at ng mga alaala nila together 

• ang iba naman ay nakatutok tuwing gabi sa Love Radio at pilit na inire-relate ang kanyang kalagayan sa mga listener ni Papa Jack na humihingi ng mga love advise na ewan kung sinusunod ng kanyang caller 


Sa totoo, hindi madali ang malagay sa ganun kahirap na sitwasyon. At kung hindi mo pa naranasan ang mabigo at masaktan – wala kang karapatang sila’y husgahan. Madaling sabihin at magpayo ng “move on na!” pero maniwala ka, hindi ‘yung ganun kasimple – baka nga mas komplikado pa ito sa pag-iisip ng idea para sa bagong apps and features sa susunod na modelo ng iPhone o mas mahirap pa ito sa pagre-review ng napakahirap at maligalig na Bar Examination. Hindi ba’t may mga recorded cases na nabaliw, nagpatiwakal at pumatay dahil nabigo sa pag-ibig? 


Kahit ilang libong words of encouragement pa ang maibigay sa’yo, kahit ilang pares pa ng kamay ang mag-offer na mag-aahon sa kinalubugan mo, kahit ilang kaibigan pa ang gusto kang damayan, kahit anong ganda pa ng positive thoughts ang isaksak sa kukote mo – kung hindi ka pa handa pa para bumitiw sa inyong nakaraan, hindi mo magagawang siya ay kalimutan. 
Dahil ikaw at ikaw lang ang makakatulong sa sarili mo para muling makatayo mula sa pagkakadapa sa lansangan ng pag-ibig (pahiram Sir Eros). 
Sarili mo mismo ang maghahanap at magdadala sa iyo sa liwanag mula sa kinasadlakan mong pag-ibig ng karimlan. 
Pagtanggap ang iyong kailangan at ilagay sa iyong isip na kung nabuhay at nag-exist ka dati noong wala siya sa sistema mo, mabubuhay at magsu-survive ka pa rin ngayong wala na siya sa iyong mundo. 

Kung hindi mo matanggap ang dahilan kung bakit nauwi kayo sa hiwalayan, makabubuting tanggapin mo na lang na lahat ng bagay ay may hangganan. 



Asahan mo, pagkatapos ng mahabang diskusyon at balitaktakan sa pagitan ng iyong puso at utak, at ng mga letseng kadramahan at ka-emohang ito, at totally healed na ang broken heart mong tila tumigil sa pagtibok , ‘yung mga bagay na nagpaiyak sa’yo – tiyak na ngingitian mo lang. 
Tapos, hahanap ka ulit ng bagong pag-ibig at bagong magmamahal sa’yo dahil sabi nga, ang gamot sa pusong sugatan ay puso rin. Kahit alam mong baka masaktan ka na naman, hindi ka pa rin madadala. 


Higit na mas masarap at mas okay pa rin kasi ang magmahal, mabigo at masaktan kaysa mabigo at masaktan ng walang nagmamahal.

Ganun siguro talaga ‘pag umiibig, mas madalas kang nagiging tanga. Pero kahit ganun, pipiliin at uulitin mo ang maging tanga kaysa maging gago na wala namang pag-ibig sa puso. Naniniwala kasi ako sa sinabi ni Norman Wilwayco na: "Tanga lang ang umiibig at Gago lang ang hindi".

-----
Ito ay ang aking lahok sa Ispesyal na Patimpalak ng Saranggola Blog Awards: Pagbibigay Payo sa Pag-ibig.

Friday, February 20, 2015

Speech Like PNoy's Spirit




Sa aking mga kababayan, sa aking mga bosssing at sa lahat ng patutuloy na naniniwala sa administrasyong ito.
Para sa kasama naming naglalakbay sa tuwid na daan.

Ginawa ko ang talumpating ito upang magbigay pugay at mag-alay ng huling respeto sa mga bayaning nagbuwis ng buhay upang mas maging payapa at mahimbing ang pagtulog ng marami sa tuwing gabi. Ang kabayanihan nila ay nakaukit hindi lang sa kasaysayan kundi pati sa ating isip na patuloy na nagtatanong kung bakit kinakailangang may karahasan bago makamit ang kapayapaan, kung bakit mga sagradong buhay ang kapalit bago ang katiwasayan, kung bakit may kaguluhan bago ang katahimikan.

Ang tinutukoy ko po ay ang apatnapu't apat na pulis na miyembro ng SAF. Sila na sumabak, nakipagsapalaran, nakidigma at lumaban hanggang sa kahuli-hulihang patak ng kanilang dugo upang masakote ang teroristang si Marwan at mapigilan ang kanyang nakakakilabot na karahasang kanyang ihahasik.
Bagama't sila'y pawang nagbuwis ng buhay masasabi pa rin ng pamahalaang ito na naging matagumpay ang kanilang operasyon. Bagama't nabawasan ng magigiting na kawal sa hanay ng ang ating sandatahang lakas mas nararapat sigurong sabihing nadagdagan tayo ng magigiting na bayani sa hanay ng napakaraming dakilang lubos na nagmamahal sa ating bayan.

Apatnapu't apat na magigiting nating kawal ang nasawi sa labanan sa Mamasapano, Maguindanao ibig sabihin po nito'y apatnapu't apat na pamilya ngayon ang dumaranas ng labis na kalungkutan at nagluluksa. Ngunit hindi lang ang kani-kanilang pamilya ang dumaranas ngayon ng pighati at dalamhati kundi kasama ng mga pamilyang ito ang buong sambayanan na tumatangis at naghihinagpis.
Naaalala ko po noong binaril at napaslang ang aking tatay sa Tarmac. Ang pakikiramay po ng buong sambayanang pilipino sa aking pamilya ay tila bumabalik ngayon sa pagkasawi ng mga magigiting nating tapagpatupad ng batas at tagapagtaguyod ng kalayaan. Ang tatay ko po ay inialay ang buhay para sa bansa ganoon din po ang apatnapu't apat na miyembro ng SAF na hindi nagdalawang-isip na magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng bayan at ng bawat pilipino. Ang kabayanihan nila ay mananatili sa ating puso at kamalayan sa habang panahon. At ang kabayanihang ito ay magsisilbing inspirasyon ng lahat para sa tunay na kahulugan ng pagmamahal sa bayan.

Nang namatay naman po ang aking nanay, nagluksa rin po ang buong sambayanan gaya rin po ng pagluluksa ng buong Pilipinas sa pagkasawi ng apatnapu't apat na kapulisan sa engkwentro sa Maguindanao. Hindi ko po malilimot ang araw na iyon dahil ang pagluluksang iyon ay ang naghatid sa akin para tayo'y sama-samang maglakbay sa daang aking tinatahak. Ang tuwid na daan. At sa pagkawala ng aking nanay ay ang pagkabuhay naman ng pag-asa sa mga pilipino na ang bayang ito ay may igaganda pa, may ititino pa at may ihuhusay pa. Asahin niyo po na hanggang sa huling araw ng aking panunungkulan ay hindi ko po tutularan ang kamalian, katiwalian at kalokohan ng nakaraang adminstrasyon. Ang iiwan ko pong legasiya ay gaya ng legasiyang iniwan ng aking nanay sa sambayang pilipino.

Sadyang masalimuot ang daan patungo sa tuwid na daan at sadyang hindi madali makamit ang tunay na kapayapaan. Patunay nito ay ang intensibong kampanya ng administrasyong ito sa pagtugis sa mga lumalaban sa kapayaan at sa mga kapanalig ng terorismo. Bagama't hindi umaatras o bahag ang buntot ng ating sandatahang lakas, bukas naman po tayo sa usaping pangkapayapaan at tigil putukan. Inaabot namin ang aming mga kamay para sa mga kamay na kumikilala at yumayakap sa tahimik at progresibong bansa. Ibinababa namin ang aming mga armas at hindi na mga punglo at bala ang mag-uusap at magsasagutan sa pagitan ng dalawang panig, kundi ang aming mga ideya at suhestiyon para sa kanilang ideolohiya at ipinaglalaban. Upang makamit ang napakatagal na nating inaasam na katahimikan, kaunlaran at kapayapaan.

Ilang dekada at maraming taon na po ang lumipas.
Ilang pangulo at maraming ceasefire at peace talks na rin po ang naganap kabilang na po rito ang dating Pangulong Gloria na nagpakasarap at nagpakasasa lang sa posisyon habang marami ang naghihirap na mamamayan kasama na po ang mga kapatid nating naninirahan sa Mindanao. Ang dating administrasyon na hindi kailanman naging ehemplo ng kabutihan at mahusay na pamumuno ay winalang bahala at hindi inalintana ang kapakanan ng nakararaming mahihirap na mamamayan. Ang tangi lang niyang ginawa ay kamkamin ang pondo ng bayan at manipulahin ang resulta ng eleksyon upang pumabor sa kanya at sa kanyang mga kasabwat.

Sa kabila po ng maraming pagtatangka ng peace talks at ceasefire, hanggang ngayon po ay wala pa ring magsasabi na may ganap na kapayapaan sa ilang bahagi ng Mindanao kung saan may kaguluhan at hindi pagkakaunawaan.

Sino po ba ang ayaw ng kapayapaan?
Sino po ba ang ayaw ng tigil-putukan?
Sino po ba ang may gustong nahihirapan ang marami nating kababayang walang kinalaman sa patuloy na iringan ng magkabilang panig?
Kami po, sampu ng buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay nakikiisa sa kapayapaan at kung maaari lang po, ito sana ay maging pangmatagalan, permanente at panghabang-buhay.

Hindi na po lingid sa inyo na sa patuloy na iringan ng pamahalaan at ng mga rebelde, ang higit na naapektuhan at nadadamay ay ang mga inosenteng residente, mga taong walang kalaban-laban at walang kinalaman sa kaguluhan at bangayan. At kung maari lang sanang hindi na ito mangyari pa. Dahil sa bawat buhay na malalagas sa mga inosenteng mamamayang nadadamay sa gulo ay magsisilbing binhi na uusbong at tutubo sa bawat pamilya. Binhing maaaring magiging sanhi ng kanilang pagkagalit sa pamahalaan o sa kabilang panig, anu't anuman siguradong ang bunga nito'y bagong suliranin. Bagong suliranin na kung minsan ay naghahatid sa desperasyon at kawalan ng pag-asa ng mga naiwang miyembro ng pamilya.

Sabi po ni Pres. John F. Kennedy: "Mankind must put an end to war before war puts an end to mankind.", akmang-akma po ito sa sitwasyon ng ating usaping pangkapayapaan sa kasalukuyan. Alam ko po na kayo bilang aking mga bossing ay may masidhing pagnanais sa kapayapaan.
At bago pa maubos ang lahat ng resources ng pamahalaan.
Bago pa bumuhos ang maraming dugo at luha na hindi naman kailangan.
Bago pa maubos ang pasensya, takot at tapang ng ating mga kawal at kapulisan.
Bago pa mamayani at maghari ang galit at poot ng sambayanan.
Panahon na po para tuldukan ang deka-dekadang digmaan ng pilipino laban sa kapwa pilipino at panahon na para magbigay daan para sa tunay na kapayapaan at ang kapayapaang ito ay ang ating magiging pintuan para sa progresibo at maunlad na Mindanao.

Samahan niyo po kami sa pagkamit at pagtugis sa mailap na kapayapaan.
Samahan niyo po kami sa pagtahak ng Tuwid na Daan.
Hanggang dito na lamang po at maraming salamat sa patuloy na pagtitiwala.

Monday, February 9, 2015

Umiiyak Din Si Superman


'Pag ang mga tao nasanay na sa pagiging strong person mo, aakalain nila strong person ka all your life. Hindi nila maiisip na may mga pagkakataong gusto mong sumuko at umiyak pero 'di mo magawa dahil 'yung pagiging matatag mo ang sandigan ng mga taong binibigyan mo ng pag-asa at ng mga umaasa.
------

Hindi madali ang maging breadwinner o ang magtaguyod ng pamilya lalo't kung mula sa iyong mga magulang hanggang sa mga pinsan, pamangkin, anak ng iyong kapatid ay iyong sinusuportahan. Kadalasan pati ang sarili mong pangarap, ambisyon at kagustuhan ay napipilitan kang isantabi para lang mapunan at maibigay ang HALOS lahat ng pangangailangan ng iyong pamilya.


Ang bawat kilos nila tila katumbas ay dagdag na pagkayod para sa'yo.
Ang bawat hiling nila ay tila kailangan mong pagbigyan.
Ang bawat kasiyahan nila ay kasiyahan mo rin ngunit hindi tila hindi nila nararamdaman ang iyo namang mga kalungkutan.


Paano mo ba sasabihin sa kanila na dapat na silang magsumikap at tumayo sa sariling paa?
Paano mo ba itatanong sa kanila na "Hanggang kailan ko kayo itataguyod?"
Mauunawaan kaya nila na ikaw rin ang may sarili ring ambisyon at pangarap?


Hindi masama ang tumulong lalo't sa pamilya at kaanak, sa katunayan ay nakakataba ito ng puso (lalo sa magulang) at ang katotohanang naipo-provide mo ang basic needs nila kabilang na ang pagkain, bahay, tirahan, damit, load, gamot, gadgets, at edukasyon ng kapatid o pamangkin ay isang malaking achievement para sa'yo. Ang nakalulungkot na bahagi nito ay ang pagkawaglit ng iyong tinutulungan na ikaw ay may sarili ring buhay na dapat ayusin at may sariling pangarap na kailangang abutin. Sa kabila ng mahabang panahon na pagtulong at pagkalinga sa kanila at kung sakaling gusto mo ng iparating na dapat ay mabuhay na sila sa sarili nilang kayod -- asahan mo ng pulos negatibo ang maririnig mo mula sa mga taong iyong itinaguyod.


Nakakalungkot na tila sa kanilang pagkasanay na nakasandig sa'yo, nalimot na nila na dapat din nilang tulungan ang kanilang sarili upang kung dumating na ang oras na kailangan mo nang ayusin ang iyong buhay at magtayo ng sariling pamilya, hindi ka na mag-aalala sa kanila. May hangganan ang lahat pero hindi yata pumapasok ang konseptong ito sa mga taong patuloy na umaasa lang. At ang masakit sa kalooban ay ang makarinig ka ng hindi maganda mula sa kanila sa kabila ng iyong paglingap at pagkalinga.


Nakakadismaya na PAGSUMBAT ang pagkakaintindi nila sa iyong paliwanag. Kung bakit at kung gaaono kahirap ang pagsasakripisyo para sa kanila ay hindi nila maunawaan. Ang mga gabing oras sana ng pahinga ay araw para sa'yo at ang araw ay oras pa rin ng trabaho. Ang sandaling kailangan mo ng taong may magtatanong sa'yo kung "okay ka lang?", "pagod ka na ba?", "nakakain ka na ba?" o "nakainom ka na ba ng gamot mo?" ay bihira mong marinig mula sa kanila dahil buong akala nila ikaw ay isang superhero -- si Superman na 'di nasasaktan at 'di napapagod. Hindi nila kailanman mararamdaman ang pagnanais mong umiyak at isigaw ang lahat ng iyong pagod at kalungkutan.


Kung dumating na ang panahong matanda na sila, ang pagtulong sa magulang ay obligasyon ng MGA anak. MGA ANAK. Ngunit kadalasan marami sa mga anak na ito ang tila naging manhid at tuod, na hindi na nga nakakatulong ay nagiging pasaway pa at sila pa ang nagiging dahilan ng problema ng pamilya. Buong-buong iniaasa sa iisa o dalawang anak ang lahat ng pangangailangan ng magulang -- gamot, hosptal bills, pagkain at iba pa. Bilang nakakaunawa, ikaw na ang bahalang umintindi sa sitwasyon at kanilang kalagayan pero ito'y hanggang kailan?


Okay naman sana at madali mong maunawaan kung ang mga taong umaasa sa'yo ay may kapansanan, paralisado o may kapansanan pero iba sa kanila ay likas lang ang katamaran sa sistema na tila dinadaig ang totoong may karamdaman, paralisado at may kapansanan. Paano mo nga naman kukumbinsihin na magsikap ang isang taong walang pagpupursigi at pangarap sa buhay?


Totoong hindi madali ang buhay pero lalo itong hindi madali kung hindi ka gagawa ng paraan upang ito'y mapagaan. Mahirap sagutin kung ang obligasyon at pagtulong ay may hangganan pero kung may magagawa ka naman para mapaunlad ang sarili sana hangga't may oras ay magawa ito. Hindi sa lahat ng oras ay malakas, bata at malusog ang mga taong may matatag na pang-unawa at personalidad -- napapagod din sila, emotionally and physically.


'Yung mga taong may matatag na personalidad hindi sa lahat ng oras nananatiling matatag, minsan kailangan nilang magkunwaring matatag hindi dahil mapagkunwari sila kundi dahil 'yon ang hinihingi ng pagkakataon at 'yon ang obligasyon nila sa buhay. Pero hindi ibig sabihin nun na sila ay invincible at hindi marunong masaktan at umiyak dahil kahit anong tatag pa ng isang tao may pagkakataong hindi niya mamamalayan siya'y umiiyak na pala.
At 'wag nating akalain na ang pag-iyak na ito ay nakikita lang sa pamamagitan ng pagpatak ng luha.


Kung ang mga superhero nga ay may kahinaan, kung si Superman nga ay umiiyak, tao pa kaya na limitado lang ang buhay at kalakasan?