Wednesday, December 2, 2015

Tatlong Iglap V (Mga Kwentong Iglap)



Unang Iglap: Anti-Animal Abuse

“Ang hayop ay tulad din nating mga tao – may isip, may puso, may damdamin at hindi dapat pinagmamalupitan!” sigaw ng Pro-Animal rights activist na si Aldo. Kasama niya ang ilan pang miyembro ng “Stand For The Rights of Animal” nasa Elliptical Road ang grupo at matiyagang ipinaglalaban ang kanilang adhikain, hawak ang mga plakard at salit-salitan silang sumisigaw gamit ang isang megaphone.


Pasado alas-dose na ng tanghali natapos ang kanilang protesta. Bagama’t alam nilang hindi napapakinggan ng karamihan ang kanilang mga panawagan hindi pa rin sila sumusuko na gawin ang pagpoprotestang ito: ang maparusahan ang sinumang taong nagmamalupit sa hayop.

“Magtanghalian na muna tayo bago umuwi” pag-aya ni Aldo sa kasamang si Hilda. “Sige.” sagot naman ng kausap.


Sa Jollibee napadpad ang dalawa.


“Dalawang two piece chickenjoy with coke, please. Saka dalawang extra rice for dine-in.” order ni Ando sa crew ng Fastfood chain.


- - - - - - -

Ikalawang Iglap: Anti-American


“’Tanginang mga amerikanong ito lagi na lang umeepal sa mga isyu ng gobyerno natin. Kung bakit hindi na lang sila makontento kung saan sila naroroon. Eto namang pamahalaan natin pinagtatakpan pa na hindi raw nakikialam sa atin ang mga kano. Kahit kailan ay walang karapatan ang mga dayuhang makialam sa ating bansa! Hindi sila dapat nakikialam lalo na sa usapin ng pulitika!” mahabang litanya ni John Nicolas sa kaibigang si Andres habang sila’y nanonood ng CNN Philippines sa telebisyon.


“Hindi ba’t malaki ang naitulong ng mga dayuhan kabilang na ang mga amerikano sa tuwing may sakunang nangyayari sa bansa natin? Lalong-lalo na noong pagkatapos ng bagyong Yolanda, kabilang ang mga amerikano sa unang-unang nagbigay tulong-pinansiyal at katulong ang mga sundalo nila sa paghahatid ng supplies at pagkain sa mga nasalanta.” sinubukan ni Andres na sumagot sa tinuran ng kaibigan.



“Ibang usapin ‘yon. Kung ibang bansa naman ang nagkakaroon ng sakuna, tumutulong din naman tayo ‘di ba? Hindi natin dapat tanawin ng utang na loob ‘yon sa kanila.” sagot ni John Nicolas.
“So, ‘pag pabor sa atin okay lang? Ganun ba ‘yon?!” si Andres.


“Hindi mo ko naiintindihan ‘tol. Tara na nga alis na tayo baka ma-late pa tayo sa a-applyan nating trabaho, 3PM ang schedule natin ‘don” pinutol na ni John Nicolas ang usapan dahil may nakatakda silang interview sa in-applyan nilang Call Center na pagmamay-ari ng foreigner.

“Hoy Andres, tumayo ka na! Anong oras na at nakahilata ka pa diyan!, Ano ba?” pangungulit ni John Nicolas kay Andres habang isinisintas ang bagong bili niyang sapatos na Nike Air Max.

- - - - - - -

Ikatlong Iglap: Anti-Piracy

“PIRACY IN ALL FORMS SHALL NOT BE PATRONIZE.” Naka-caps lock pa ang Facebook status na ito ni Jeremy Guazon.


Consistent si Jeremy sa pagpo-post ng status at ng mga video na may kinalaman sa paglaban sa pagpipirata ng mga pelikula lalong-lalo na ‘pag Philippine movies. Opisyal kasi si Jeremy ng Optical Media Board kaya hindi na nakakagulat ang ganoong mga post, tawag ng tungkulin ika nga.


Paminsan-minsan, sumasama siya sa mga raid na isinasagawa ng ahensiya sa mga tindahan ng pekeng CD at DVD; sa Quiapo, Sta. Cruz, Baclaran, Greenhills at iba pa. Minsan na ngang nalagay sa panganib ang kanyang buhay dahil sa kampanya niyang ito.


Marami ang humahanga kay Jeremy dahil sa dedikasyon niya sa trabaho at bali-balitang sa nalalapit na pagre-resign ng chairman ng OMB ay siya ang nakatakdang ipalit at mamuno, ito ang posisyong matagal na niyang pinapangarap.


Apat ang anak ni Jeremy sa asawang si Jenny. Teenager na ang panganay at ikalawa samantalang nasa elementary pa lang ang dalawang iba pa. Si Julie na kanyang panganay ay mahilig sa music tulad din niya.


“Pa, pahingi naman po ng one thousand, may bibilhin lang po ako. May bagong album po kasi si Adele at ang One Direction.” lambing ni Julie sa ama.


“Ang gastos mo naman. Isang libo para sa dalawang CD? Ang mahal naman, hindi ko pinupulot ang pera sa opisina. Kung ako nga nagda-download lang ng mga kanta sa Musify e, para makatipid ikaw magsasayang ka ng pera para sa ilang piraso ng magagandang kanta?” tutol ni Jeremy sa request ng anak na si Julie. 


"Akin nang cellphone mo at ako na lang magda-download ng mga kantang gusto mo, tapos i-save mo na lang sa USB. Tipid pa tayo ng isang libo. Hirap nang buhay ngayon, magtipid ka naman.” 

 

Friday, November 27, 2015

Walang (Pang) Epekto Ang Apec

Marami ang nagsasabing may mabuting benepisyo sa bansa ang APEC pero wala naman ni isang netizen ang nagbibigay ng komprehensibo at kongkretong paliwanag kung paano nga ba nakikinabang ang maliliit na mamamayan sa tuwing may nagaganap na pagpupulong sa APEC. 


Maari ngang may advantage ang APEC sa ekonomiya natin subalit meron din namang negatibong epekto ito sa bansa kabilang na sa naapektuhan nito ang maliliit nating magsasaka at mangingisda.
Sa simula pa lang ay kasama na sa naging paksa ng APEC ang Tariff Reduction. During 90’s may mga rate of duty pa na umaabot sa 30% hanggang 50% pero dahil sa agreement ng mga bansang kabilang sa APEC wala na ito. Ang existing na tariff rate na lang sa Adwana ay naglalaro sa 1% hanggang 10% na lang marami na nga ring 0% ang tariff rate – at ang dahilan daw rito ay ang kinakailangang pagsabay ng bansa bilang globally competitive country. 



Sa maliit na bansang tulad ng Pilipinas, malaking halaga ang nawawala sa kaban ng bayan sa pagpapatupad ng tariff reductions, huwag muna nating isama ang talamak na korapsyon sa Adwana na hindi kailanman mawawala. Halimbawa, ang dating binabayarang customs duty na Php1,000,000 kada container ay nagiging mahigit sa Php100,000 na lang o mas mababa pa (dahil sa APEC). Ito rin ang dahilan kung bakit palaging may deficit at short sa target ang Bureau of Customs taon-taon. Sa pagbaba ng buwis sa Adwana naramdaman ba natin na bumaba rin ang halaga ng maraming pangunahing produkto ng bansa? Ewan.
Malinaw na bilyong piso kada buwan ang nabawas sa kita ng Bureau of Customs simula nang magkaroon ng tariff reduction pero (halos) hindi ito naramdaman ng maliliit na mamamayan at malinaw rin na ang malalaking negosyante ang nakinabang dahil dito. 


Sa pagbaba nang koleksyon ng Adwana, struggling ang pamahalaan sa kung papaano at sa kung saan makakakuha ng perang pangtustos sa lumalaking gastos ng bansa. Dahil higit na madami ang import natin kaysa export nalalagay tayo sa hindi magandang sitwasyon, hindi tayo makasabay sa sinasabing ‘globally competitive’, hindi naging advantage sa atin ang APEC.

Isa pang naging dagok sa ekonomiya at sa sektor ng magsasaka at mangingisda na maraming imported na produkto ang nawalan ng restriction at naging freely importable, at ang maluluwag na pag-iisue ng Import Permits ng DA, BPI, BFAR sa inaangkat na agricultural at aquatic products tulad ng mga gulay na patatas, sibuyas, bawang, atbp. maniniwala ka ba na maraming isda sa palengke ay imported mula sa bansang Taiwan at China? At kung hindi pa pumutok at nas-sensationalize ang isyu tungkol dito malamang na patuloy lang sa pananamantala ang mapagsamantalang negosyante. 


Ang dapat sana na pagpapalakas sa industriya ng Agrikultura at Pangingisda upang makapag-export man lang tayo ng agri products (at sumabay sa APEC ekek) ay tila hindi nangyayari. Ang masaklap pa ay ipinagmamalaki ng kahit na sinong nanunungkulan sa gobyerno ang pag-iimport natin ng milyon-milyong tonelada ng bigas sa bansang Vietnam, idagdag pa natin ang pagkukulang sa ayuda ng pamahalaan sa ating magsasaka at mangingisda. 



Wala na ngang pondo para sa sektor ng magsasaka nagkaroon pa ng bogus na pondo para sa agrikultura na tinawag nilang Fertilizer Scam na alam ng lahat na nauwi sa korapsyon.

Dahil nakadepende ang maraming negosyante sa mababang taripa ng kanilang commodity hindi naging progresibo ang ating produksyon, nag-iimport na lang tayo ng finished products na ibinebenta nang direkta sa supermarket, grocery at palengke; iilang pabrika lang ba ang nagma-manufacture ng damit, tsinelas, sapatos, at iba pa? At bakit nga naman sila magtatayo ng pabrika kung mas mababa ang cost ng imports kesa mag-manufacture nito?


Sa pagtatapos ng APEC, malamang na marami ang napag-usapan pero sana kasama sa napag-usapan ang pagpapalawig at pagpapalakas ng hindi lang ng BPO Industry kundi pati ‘yung mga pobreng nagbibigay sa atin ng pagkain sa ating hapag-kainan. Hindi lang naman teknolohiya ang kailangan ng bansang ito.


Monday, October 26, 2015

AlDub: Isang Pagsusuri




Isang penomenon at maimpluwensiya (habang isinusulat ito) ang tambalang Alden Richards at Maine Mendoza (sa karakter na Yaya Dub) o mas kilala sa tawag na Aldub at ang pagtanggi sa katotohanang ito ay katumbas ng pagsisinungaling sa sarili. Ang popularidad na ito ay umabot sa buong kapuluan at sa ibang pang panig ng mundo. Ang biglaang pagsikat ng tambalang ito ay 'di inaasahan, isang aksidenteng nagresulta at pumabor sa programa at sa dalawang nabanggit na artista.

Marahil nga ay hindi gaanong ganoon kahalaga na pag-usapan na halos araw-araw ay nakakakuha ito ng daang libo/milyong tweets at gumagawa ng record sa tuwing espesyal nilang araw na Sabado, dinaig pa nga ng mga tweets na ito ang dami ng bilang ng tweets na natala noong bumisita si Pope Francis sa Maynila noong Enero 2015. Ngunit kung susuriing mabuti ay may kakaiba rito; maraming mas nauna, mas sikat at mas popular sa tambalang Aldub ngunit bihirang mag-trend sa Twitter, worldwide. Sabihin na nating may kababawan pero hindi ba't nagrereklamo tayo sa mga paulit-ulit na gasgas na tema ng mga teleserye sa telebisyon? Hindi ba't naumay at nabanas tayo noon sa programang Wowowee/ Wowowin dahil sa nakabikining mga dancer nito at sa halatang paggamit o pagmanipula sa kalagayan at damdaming ng mga mahihirap na contestant ng nasibak na programa? Ang Aldub at Kalyeserye ay wholesome pero marami pa rin ang nagrereklamo. Sa segment na ito ng Eat Bulaga ay pinatunayang hindi kailangan ng slapstick na komedya, ng pamimintas sa kapwa para makapagpatawa, ng maraming sikat na bida para makilala, ng mabigat na script para magtrend at ng malaking budget para pumatok sa masa.

Sabihin na nating may pagkakataong nakakasawa ang segment na ito ng Eat Bulaga dahil sa paulit-ulit lang na kanilang ginagawa pero dahil sa kagiliw-giliw ang mga karakter sa likod nito isama na natin ang nakakatawang The Explorer Sisters -- riot ang kahihinatnan nito at marami pa rin ang natutuwa dito. Marami na tayong napanood at nasaksihang love teams sa telebisyon at pelikula at kahit gaano pa kasikat at kapopular ang anumang tambalan darating sa punto na ang Aldub ay mawawalan nang kinang kung hindi man kaagad malalaos. Ngunit bago pa ito mangyari kapansin-pansin na ang kanilang narating ay magmamarka na sa kasaysayan ng industriya ng showbiz. Hindi madaling sabihing magtatagal ang tambalang ito pero may kapasidad ang dalawa na tumagal at humaba ang karera kung sila'y mag-e-evolve.

Sa maikling panahon napatunayan na rin naman ng kalabang programa ng Eat Bulaga na mayroon silang ibubuga; ang mga talent search nila noon at nakakatuwang segment ay tinangkilik at nagklik sa masa ngunit sa pagdating ng Aldub mistula silang naging trying hard na pilit binabangga ang isang kongkretong pader. Ang anumang pagpipilit na kanilang gawin na gayahin ang patok na kalyeserye at tapatan ang penomenal na Aldub ay katumbas ng paglubog ng kanilang popularidad. Mas makabubutiing hindi na lang nila ito sabayan, 'wag manggaya ng konsepto, at maibalik ang dating It's Showtime na hinanap ng publiko.

Sa kabilang banda, ang tatlong buwan ng tambalang Aldub partikular na si Maine Mendoza ay gumawa ng isa pang kasaysayang (sa pagkakaalam ko'y) hindi pa nagagawa ng mga artista ng bagong henerasyon. Sa tatlong buwang ito ay nagkaroon ng anim na endorsement ng produkto si Maine, kung hindi popular ang personalidad na ito hindi ito pagkakatiwalaan ng malalaking brand ng produktong tulad ng O+, Zonrox, 555 Sardines, Talk N Text, Bear Brand at ang higanteng McDonalds. At ang bilang na 'yan na kanyang ini-endorse ay patuloy na madadagdagan sa susunod pang mga buwan. Sa loob ng maikling tatlong buwang pananatili niya sa industriya ay nakagawa na ito ng multi-milyong pisong kita na hindi nagawa ng maraming artista noong nag-uumpisa pa lang sila sa telebisyon at pelikula. Kung sakali man na hindi gaanong magtagal ang tambalang Aldub malaki-laking halaga na iyon para sa dalawanpung taong gulang na baguhang artista.

Hindi maikakaila na ang Aldub ay isang mabentang kalakal at ang mga negosyanteng nasa likod nito ay mahusay magbenta ng produkto at magaling magpatakbo ng negosyo. Ang kasikatan at popularidad ng dalawa ay nagamit nang husto dahil bukod sa mga commercial at endorsement ay magkakaroon sila ng pelikula sa darating na Filmfest. Ang pinakahuling pagtatanghal ng AldubEBTamangPanahon ay kumita ng mahigit na php14 milyon sa ticket sales pa lang kung hindi ito negosyo ano ang dapat nating itawag dito? Ang mahigit 55,000 na seating capacity ng Philippine Arena ay napuno upang masaksihan ang pagtatanghal na ito, record breaking ang 39 million tweets at tinatatayang mahigit sa 40% ang TV ratings nito. Isang pakonsuwelo para sa mga fans na ang halagang kanilang ibinayad sa ticket ay napunta sa maraming eskwelahan sa bansa upang makapagpatayo ng sarili nilang library kabilang sa benepisyaryo ng kanilang layunin ay ang tila nakaligtaan ng pamahalaan -- ang mga Lumads.

Magkaibang bagay ang entertainment industry at pulitika pero napatunayan na natin sa maraming pagkakataon na ang mga pilipino ay (halos) nagkakaisa sa mga bagay kung saan sila ay nalilibang at sumasaya gaya ng sa tuwing may laban si Manny Pacquiao at ito ngang Aldub. Sana kung mayroong pambansang isyu na dapat maresolba at pagtuunan ng pansin, magkaisa at magbuklod din tayo sa iisang adhikain. Ngunit tila hindi ito ang nangyayari sa ngayon dahil maraming fans ng magkabilang istasyon ang nagbibitawan ng masasakit na salita mapagtanggol lamang ang kani-kanilang idolo.

Nasaksihan ko mismo ang haba ng pila at masikip na traffic sa kalsada ng NLEX noong nakaraang Sabado sa pagtatanghal ng Aldub/ Eat Bulaga sa Philippine Arena, hindi biro ang pinagdaanang sakripisyo ng mga taong ito mapanood lang ang naturang pagtatanghal. Sa malaking bilang na nakibahagi sa Aldub mapa-live man o sa bahay, sana'y makibahagi rin sila bilang mga botante na makikilahok at handang magsakripisyo sa manit, sa pagkainip at sa masikip na pila sa presinto para makaboto at maghalal ng matinong pulitikong susunod na magiging lider ng ating bayan.

Bilang panghuli'y hindi tamang sabihin na ang LAHAT ng tagatangkilik ng Aldub ay mga mangmang na walang pakialam sa isyu ng bayan o mga uto-utong sunod-sunuran sa writer at producer ng naturang segment at mga walang pinag-aralan na dinidiyos ang dalawang personalidad. Sana lang ay malaman ng lahat ang kanilang limitasyon sa paghangang ito at may mas malawak na pang-unawa sa mga bagay na mas mahalaga kaysa sa pansamantalang kasiyahan.

Hindi dahil tagahanga ka ng kabilang istasyon o ng Aldub ay may karapatan ka nang husgahan ang hindi mo sinasang-ayunan, marami ang sensitibo sa sarili nilang damdamin pero insensitibo naman sa nararamdaman ng iba. Sa kabilang banda'y hindi rin dapat na magdiwang ang nasa kabilang panig dahil sa pagsadsad ng kalabang programa ng Eat Bulaga dahil maraming pamilya ang apektado nito kung sakaling ang Showtime ay tuluyang tumiklop at magsara, ang mga maliliit na taong nasa likod ng produksiyong ito ang lubusang maapektuhan -- mabibigyan niyo ba sila ng hanapbuhay at sapat na kita kung matigbak ang kanilang programa?

Madalas nating naririnig ang katagang 'Healthy Competition' pero kahit saang anggulo natin tingnan tila hindi naman healthy ang nangyayari kundi isang personalan.
Minsan hindi na natin nilulugar ang ating sarili sa dapat nating kalagyan at hindi natin naitatanong ang ating sarili kung may punto at halaga ba ang ating ipinaglalaban?

Thursday, October 22, 2015

L D R



Lumayo ako.
Dahil lumaya sa kahirapan ang nais ko. 
Pinigil mo ako.
Ngunit pinilit ko pa rin ang aking gusto.
Hinintay mo ako.
Ngunit hininto ka nang pagbabalewala ko sa’yo.




Sa pagnanais na makamit ko ang (kahit) piraso ng paraiso.
Sa paghahagilap na mahagip ko ang pinapangarap kong pangarap.
Nagpasya akong lumisan habang iniwan kitang nakatingin sa kawalan at nawala ang ngiti sa katawan.
Ang kasalang pinangako ay napako ng kasalanang hindi ko kailanman inako.
Pinagdamot kita’t kinaligtaan habang pinagdasal mo ang aking kaligtasan.
Naakit ako sa kinikitang malaking halaga, datapwa't nakasakit at ‘di nakitang may nawalang mas mahalaga.



Tumuloy ako.
Habang tumutulo ang luha mo.
Lumayo ako.
Hanggang lumabo ang pagtingin mo.
 
Nagsisi ako.
Ngunit nagsisimula ka na pala nang bago.




Naging magkaiba ang ating oras habang ang oras ko’y naging para sa iba.
Dagat ang naghihiwalay sa atin sa isa’t isa sabay sa dagliang pagwalay ng damdamin nating dal’wa.
Nalilibang ako sa bagong alaala ng kakaibang natatanaw habang ikaw’y nahihibang sa pag-alala nang biglang pag-iiba ng aking dating pananaw.
Sa pag-aakala kong mararating ang bituin sa bagong daigdig hindi ko napansing nawaglit ko ang dating mundo kung saan umiinog ang aking buhay at pag-ibig.
Mahalaga nga ang ating bukas ngunit mas mahal pala ang halaga ng ating ngayon.
At sa pagtahak ko ng kapalaran sa Gitnang Silangan ay ang pagtapak ko pala sa kapalpakan at gitna ng alangan.


Lumipad ako.

Ngunit lumipas na ang pagmamahal mo.
 

Lumuha ako.
 

Ngunit lumubha na ang pagkamuhi mo.
 

Binalikan kita.
 

Ngunit binaling mo na ang damdamin mo sa iba.