Monday, December 29, 2014

Bukas Na Liham Para Kay Gat Jose Rizal

Mahal kong Dr. Jose Rizal,

Disyembre 30 na naman. Holiday dahil araw ng iyong kadakilaan. Nagpapasalamat ang mga Pilipino sa’yo kasi dahil sa pagkamatay mo mahaba ang kanilang bakasyon, sumabay kasi ito sa selebrasyon ng Bagong Taon. Nakakatawa dahil tila limot na ng karamihan ang mga dahilan kung ano ang iyong ipinaglaban. Mas nae-excite sila sa pagpapaputok ng fireworks sa gabi ng Disyembre 31 kaysa pag-aralan, ipagdiwang o isapuso ang kasarinlang aming nakamtan dahil sa iyo at iba pang mga bayani ng bayan.


Kung nabubuhay ka kaya sa panahong kasalukuyan, ano kaya ang masasabi mo sa kalagayan ng ating lipunan?
Matuwa ka kaya dahil nagtatamasa ang lahat ng “Kalayaan”?
Hindi ka kaya nagsisisi dahil naging mapagmalabis ang maraming pilipinong dapat sana’y nag-aaruga sa ating Inang Bayan?
Masasabi mo kayang sulit ang pagbuwis ng iyong buhay para sa kapakanan ng mga Pilipino ng sumunod na henerasyon?


Marami pa rin naman ang nakakakilala sa’yo bilang aming pambansang bayani, marapat lang. Ngunit marami rin kaya ang nakakaalam sa mga sakripisyo at ginawa mo sa bayan sa panahong kasalukuyan? Ewan. Dahil sa dami ng mga nagsasamantala sa bayang iyong ipinaglaban sa kalayaan higit sa isandaang taon na ang nakararaan, hindi ko na mawari kung tuluyan na nga nilang kinalimutan ang pagmamahal at pagmamalasakit mo sa bayan, naibaon na rin marahil ang istorya sa likod ng katapangang ipinakita mo laban sa mapanupil at mananakop na mga kastila.


Halaw sa isang sinulat mo dati; “Aanhin mo ang kalayaan ng mga tinapakan kung bukas sila naman ang maghahari-harian.” pagkalipas ng mahigit isang siglong kasarinlan tila ganoon na nga rin ang nangyayari, ang salinglahi ng mga tinapakan, niyurakan at ipinaglaban mo noon ay sila ngayon ang hari at naghaharian sa ating bansa. Sila mismo ang dumudungis at hindi nagmamahal sa bayang iyong sinilangan.  Nawala na nga ang monarykiya ng Bansang Espanya ngunit nanatili naman ang mga hari sa iba’t ibang anyo at iba’t ibang kapuluan. Nakakalungkot. Sa halip na magtulungan ang lahat upang magpaunlad ang bansa, sa halip na maglingkod para sa bayan – ang mga makapangyarihan ay  kadalasang mas masahol pa sa hari, mas sakim pa sa ganid, mas malupit pa sa berdugo.


Nasaan na kaya ang iyong tinuran at nagmarka sa isip ng karamihan na: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Tunay ngang kabataan sana ang pag-asa at mag-aahon sa nakasadlak na inang-bayan, ngunit taliwas at tila iba ang nangyayari sa kasalukuyan. Marami sa kabataan ang napapariwara at nalululong sa iba’tibang bisyo, marami ang bukas ang pag-iisip sa usaping seksuwal na nagreresulta sa maagang pag-aasawa, maraming palaboy at kapos sa edukasyon, marami ang katulad ng iba pang desperado at patungo sa kawalan ng pag-asa.
Ngunit batid kong mayroon pa ring kabataan ang mabubuti at matitino, sila na huhubog at papanday para sa magandang kinabukasan ng bansang Pilipinas.



Kahit kapiraso na lang, gusto ko pa ring mangarap na hindi pa lubusang huli ang lahat para magbago, may  pag-asa pang sisilay sa bansa mo katulad ng pag-asang iyong tangan-tangan noong ikaw ay nabubuhay pa at nangangarap na makaalpas sa mapaniil na kamay ng mga Kastila. Sana gaya mo, ang buhay namin ay magkaroon ng saysay at maging makahulugan.
Sana matularan namin ang kahit ilan lamang sa iyong kabayanihan.

Sana’y mabuhay ang kabayanihan sa aming mga puso at isip; ang adhikain at adbokasiya na iyong tinaglay noong ikaw’y nabubuhay ay hindi sana humilay; ang pagiging makabayan, matapang, dakila at handang magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng bayan ay ‘di sana tumigil sa iyong panahon.

Tatlong Iglap (mga kwentong iglap) IV

www.philstar.com
Unang Iglap: Bisikleta

Wala pa sa itinakdang minimum wage ang sweldo ni Irma.
Tagalinis at tagawalis siya sa mga kalsada ng Delpan, Zaragosa, Pritil at kalapit na lugar sa Tondo. Ang kanya namang asawa si Gibo ay umeekstra-ekstra lang bilang mason sa tuwing isinasama ng kapitbahay nilang foreman.

Hindi pa sumisikat ang araw ay nasa lansangan na siya upang gampanan ang kanyang trabaho. Dahil sa kakapusan ng pera madalas hindi na siya nanananghalian upang makatipid, sayang din kasi ang humigit-kumulang na treinta pesos na kanyang gagastusin niya sa pananghalian.

Maaga si Irma sa City Hall nang araw na iyon ng Disyembre 15. May ipapamahagi raw na bonus si Meyor sa mga katulad niyang streetcleaner - bahagi ito ng 'Masayang Pasko Program' ng nakaupong alkalde.

Eksakto tatlong libong piso lang ang sweldo ni Irma kada buwan kaya bawat pisong pumapasok at lumalabas sa kanyang bulsa ay mahalaga.
Hindi alintana ni Irma ang napakahabang pila -- naisip niyang malaking tulong ang anumang halagang ibibigay ni Meyor sa kanya.

Matagal nang hiling sa kanya ng bunsong anak na si Gerald ang bagong bisikleta. Kung ilang pangako na ang kanyang binitiwan para bilhin ito, 'yon din ang bilang ng pagkabigo ng kanyang anak.

Matapos ang higit dalawang oras na pagpila ni Irma nakuha rin niya ang aginaldo ni Meyor. Isang libo dalawandaang piso. Kung bakit hindi pa hinustong isang libo limandaang piso ay hindi niya rin alam.

Isandaang piso na lang ang sukli sa binili ni Irmang bisikleta. Ito na ang pinakamura sa hilera ng mga bisikletang kanyang pinagpilian. Bitbit ang bagong-bagong bisikleta ng anak sa kanang kamay habang isang supot ng loaf bread at peanut butter ang nasa kanya namang kaliwa -- may pagkasabik niyang tinatahak ang masikip na eskinita ng dating Smokey Mountain.

"Bakit ka umiiyak?" tanong ni Irma sa binatilyong anak na si Gerald. "Heto na ang pangako ko sa'yong bisikleta!" iniabot ni Irma ang regalo sa anak.

"Si papa po kasi..." humihikbing tinanggap ni Gerald ang bike.

"Napaano si papa mo?!"

"Nakakulong daw po siya ngayon sa Presinto Uno kasi po nagnakaw daw ng bisikleta sa tindahan ni Mang Felix."

Bagsak ang balikat ni Irma. Humahagulhol.

* * * * *

Ikalawang Iglap: Bisperas

Sa MCU Hospital na inabutan ng balikbayang si Bino ang pitong gulang na anak na si Zaldy. Tatlong araw na ang bata sa ICU. Biktima ito ng hit-and-run sa kahabaan ng Mac Arthur Hi-way, nahagip nang rumaragasang sasakyan habang nangangaroling kasama ang ibang mga bata sa mga humihintong jeep at kotse, at mga commercial establishments doon.

Pangalawang araw pa lang ni Bino sa Pilipinas. Disyembre 23 siya nang dumating mula sa Qatar. Limang taon ang kanyang kontrata bilang karpintero sa isang maliit na construction firm dito. Sa kagustuhang sorpresahin ang pamilya tila siya ang sinorpresa ng mapaglarong tadhana.

Bisperas ng Pasko.
Sa halip na masayang noche buena ang kanilang pagsasaluhan, tulala ang buong pamilya sa malungkot na bahagi ng ospital. Si Bino, ang asawang si Gerna na hindi makausap ng matino at ang isa pang anak nilang si Gina.
Habang maraming pamilya ang nagkakasayahan at nagkakatuwaan ng sandaling iyon, kalungkutan at trahedya naman ang hatid sa kanila ng okasyong pinakahihintay ng lahat.

Kritikal ang lagay ng inyong anak, hindi pa namin alam kung kailan siya muling magkakamalay -- paulit-ulit na umaalingawngaw sa pandinig ni Bino ang sinabing iyon ng Doktor. Ito ba ang pasalubong sa akin ng tadhana para sa pagtiis at pagsasakripisyo ko ng limang taon sa ibang bansa?! Kanyang tanong sa kung kanino na walang kasagutan.

Makalipas magdasal sa prayer room ng ospital ay nagdiretso sa presinto ng pulis na humahawak ng kaso ng anak.

"Boss may lead na ba?" matipid niyang tanong sa officer-in-charge ng gabing iyon.

"Tamang-tama ang dating mo kararating lang ng witness na nakakita ng sasakyang nakadisgrasya sa anak mo. Nakita niya raw ang sasakyan at ang mismong plate number."

Hindi mawari ni Bino kung good news o bad news 'yon para sa kanya.

"Espinas! Dalhin mo nga rito 'yung witness sa kaso ng batang si Zaldy!" utos ng pulis sa isa pang pulis.

Hawak ng pulis ang ballpen at record book, inutusan nito ang witness na ikuwento ang nasaksihan.

"Sir, nagtitinda po ako ng yosi sa kantong iyon. Nakita ko pong nahagip ng itim na sasakyan 'yung bata, kung hindi po iyon Montero malamang po Fortuner -- hindi ko po gaanong nabasa e, pero malinaw po 'yung plate number sir, nabasa ko po!" pagmamalaking kwento ng witness.

"Ano? Anong plate number?!" halos sabay na tanong  ni Bino at ng pulis.

"No. 8 po! No 8 po ang plate number na nakita ko sa harap at likod ng sasakyang nakabangga sa bata!"

Napangiwi ang mukha ni Bino sa narinig na salaysay ng witness.

* * * * *

Ikatlong Iglap: Grand Prize

"Siguraduhin mong pangalan ko ang mabubunot mo ha? Siguraduhin mo ring hindi tayo sasabit, mahirap na..." si Froilan ang kausap ni Jake.

Si Froilan kasi ang naatasang bumunot ng pangalan sa grand prize ng raffle ng christmas party ng kanilang kompanya ngayong gabi. Tatlumpung libong piso ang premyo -- napagkasunduan nilang tig-fifteen thousand sila sa makukuhang pera. Kaunting diskarte, easy money, ika nila.

"Oo. Wala itong sabit! Mamayang lunch time habang kumakain ang lahat hahanapin ko na ang pangalan mo sa box na pinaglalagyan ng mga pangalan ng lahat at mamayang gabi naman sa raffle, nakaipit na 'yun sa mga daliri ko kaya siguradong pangalan mo ang isisigaw ko!" buong kumpiyansa si Froilan sa gagawing kalokohan.

Tumanggi at akmang nagtulug-tulugan si Froilan nang ayain ng mga kasama sa opisina na mag-lunch. Ginawa niya ito hindi dahil busog siya o inaantok siya, ginawa niya ito upang maisakatuparan ang maitim na balak nila ni Jake.
Limang minuto pagkatapos na masiguro ni Froilan na wala nang tao sa opisina --tinuloy niya ang plano. At wala pang tatlong minuto ay nakita na niya ang pangalang 'Jake Gonzaga' sa maliit na box na nakatago sa isang drawer ng HR Department.

"The name appearing in this paper will receive a grand prize of thirty thousand pesos cash!" hawak na ni Froilan ang pangalan ng maswerteng mananalo ng malaking pera.

Napuno ng sigawan at palakpakan ng mga empleyado ang kapaligiran. Sabik nilang inaabangan ang pangalang mababanggit. Lahat sila'y umaaasang pangalan nila ang matatawag.

"And our grand prize winner is.... JAKE GONZAGA!!!"

Kunwang nasurpresa si Jake. Nagtatalon-talon. Nagsisigaw-sigaw.

Kahit di nila pangalan ang nabanggit, nagsigawan at nagpalakpakan na rin ang iba pang mga ka-officemate nina Jake at Froilan. Masaya sila para kay Jake.

Wala pang alas-nuwebe ng umaga kinabukasan ay nasa office na ng HR Department ang magkasapakat na sina Froilan at Jake. Kasalukuyang ipinapanood sa kanila ng head ng HR ang kopya ng CCTV nang ginawang pagdukot ni Froilan ng pangalan ni Jake sa isang kahon.

Hiyang-hiya ang dalawa sa napanood na footage.
Nakatungo. Hindi makatingin ng diretso.


Dalawang linggo na lang sana'y regular na sila sa kani-kanilang trabaho, sa kani-kanilang posisyon. 

Monday, December 15, 2014

Simoy ng Pasko, Simoy ng Komersiyalismo (Isang Wasak na Obserbasyon sa Paskong Pilipino)

www.philstar.com
Kabi-kabila na ang mga awiting pamasko.
Kabi-kabila na rin ang mga christmas lights sa mga kabahayan.
May iba't ibang ads sa print, radyo at TV tungkol sa pasko pero ang mensahe ay hindi naman sa selebrasyon ng kaarawan ni Jesus.
Bakit ba naman hindi, dahil ilang araw na lang ay muling sasapit ang Pasko.
Sa ganitong panahon dumudoble o tumitriple ang mga namamalimos sa kalsada ng Kamaynilaan na hindi ko alam kung saan-saang lugar nagmula.


Noong isang linggo lang ay binagtas ko ang kalsada patungong Quiapo. Sumikip pang lalo ang dati nang masikip na kalsada -- hindi dahil sa dagsa ng mga taong nagtutungo sa simbahan kundi dahil sa inokupang bahagi ng kalye ng mga vendor ng iba't ibang mga produkto; ukay-ukay, prutas, CD, gadget/cellphone accessories, RTW, hanger, tinapa, gulay, herbal, bulaklak, tools, fabrics, halaman, wrapper, pillow case, table mat, doormat, streetfoods, diaper, school supplies, timba, shades, at marami pang iba na magbibigay kahulugan sa salitang Quiapo. Ang lugar na ito ay tila cheaper version ng mall na SM dahil "they got it all for you." Sa sobrang sikip ng lugar na ito literal na maglalakad ka nang patagilid sa ilang bahagi ng kalsada kung nais mong makarating sa iyong pupuntahan.

Kung gaano kasikip ang Quiapo kaparehong sikip din ang mararanasan mo kung magtutungo ka sa Avenida, Greenhills, Baclaran lalo na kung sa Divisoria.


Sa mga consumer na may sapat na budget o sa mga gusto lang makisabay sa komersiyalismo ng Pasko -- Supermall ang kanilang destinasyon. Sino ba naman ang maniniwala na nagkataon lang na maraming sale, discounted prices, deferred payment scheme at mas maraming bagong designs ang mga damit sa tuwing araw ng kapaskuhan? Sinadya ang mga ito upang hikayatin tayong ubusin at lustayin nating mga empleyado ang lahat ng ating mga bonus at 13th month pay na dapat sana'y ating ginagasta o iniipon sa MAS importanteng mga bagay.


Hindi naman talaga mahaba ang selebrasyon ng Pasko, media lang ang nag-iinsist na matagal ang pagdiriwang natin nito. Sa pagsapit pa lang ng 'ber' months nagkakandarapang ipinapasok na nila sa mga kukote nating malapit na ang christmas season. May mga media at news anchor/personality pa nga na may countdown pa kung ilang araw na lang ang nalalabi bago magpasko. Halata namang sila ang mas excited at agresibo at hindi ang mga tao -- masabi lang na mahaba ang selebrasyon natin nito.


Ang konseptong "pagbibigayan ang tunay na diwa ng pasko" ay tila nag-iiba ang kahulugan sa paglaon ng panahon. Ang dapat sanang bukas sa loob na pagbibigay ay tila nagiging sapilitan at kompulsaryo, na halos ang sarili mong pamilya at mismong iyong pangangailangan ay kailangan mong isakripisyo para lang mapunan ang kaisipang dapat na ikaw ay mabigay sa (halos) lahat nang sa iyo'y umaaasa.
Mabuti sana kung labis-labis ang iyong benepisyo at natatanggap sa panahong ito. Paano kung sakto lang?
Paano kung kulang?
Paano kung wala?
Paano kung walang pagkukunan?
Malamang na aasa ka na lang (ulit) sa zero interest na ino-offer ng iyong credit card na iyong pagtitiyagaang bayaran sa loob ng anim hanggang labingdalawang buwan - Pasko nang muli ay hindi ka pa nakakatapos maghulog. At kung wala talaga, tatanggapin mo na lang ang pintas at sasabihin sa'yo ng mga tao (pamangkin, inaanak, pinsan, etc.) na ikaw ay kuripot at ang malala: madamot.


Hindi nga sapilitan ang pagbibigay pero sa panahong ito na tila nilalason ang ating isip ng konsumerismo at komersiyalismo mapipilitan kang gawin ang mga bagay na hindi mo gusto at labag sa iyong kalooban. Hindi ba't sa panahong ito rin dumadami ang mga krimen sa lansangan? Noong isang araw lang Disyembre 10, malapit sa aming opisina, may hinoldap at binaril na isang empleyado, nakuha sa kanya ang mahigit php900,000 na kanyang winithdraw sa bangko -- ikalawang insidente na ito sa loob lang ng isang buwan bago ang pasko. Nakakalungkot na ang dapat sanang sagradong selebrasyon ng birthday ng Panginoong Hesus ay nagiging dahilan pa para lumala ang petty crimes sa Kamaynilaan at sa iba pang lugar.

Ang simoy ng pasko para sa mga pilipino ay hindi lang simoy ng malamig na hanging amihan kundi may kasama rin itong simoy ng komersiyalismo.


Ang bawat kantang pamaskong umaalingawngaw sa bawat kanto o sa mga paulit-ulit na karoling ng mga batang umaamot ng kaunting barya o sa mga christmas songs na pinatutugtog ng mga mall at supermarket -- katumbas nito'y pagkasabik sa aginaldo o kaya nama'y pagsidhi ng lungkot o inggit ng mga kapuspalad.


Kahit anong pagpipigil o pagtitipid nating mga pilipino na gumastos ng sobra sa panahong ito parang napakahirap gawin dahil tila ba gayumang malakas ang hatak ang mga mall o mga tiangge na mahirap hindian at tanggihan. Naging tradisyon na rin kasi sa atin na mamili ng bagong damit, laruan, gamit o anumang pangregalo.
Kung positibo o negatibo man ang ganitong kaisipan ay nakadepende ito sa kung sino ang magbibigay ng pahayag at paliwanag: oo, positibo ito sa ating ekonomiya pero problema ang kalaunang hatid nito sa mga taong limited lang ang panggastos.


Ang pasko ay dapat na para sa mga bata. Ang espesyal na okasyong ito'y nilikha para sa kanila. Magmula sa konseptong ito ay nalikha ang half-truth, half-lies na si Sta. Claus. Dahil may utak kolonyalismo tayo in-adapt natin si Sta. Claus, nangarap tayo ng white christmas at snowman, hinahangaan natin ang christmas songs ng kanluranin na kalaunan ay gumawa rin tayo ng atin, ginaya natin ang christmas carolling, nakisabay tayo sa noche buena, misa de gallo at medya noche ng mga kastila, mayroon tayong kris kringle, nagpapaligsahan tayo sa pagandahan ng parol, ginusto nating may christmas tree sa ating tahanan, kabi-kabila ang christmas party na may paligsahan at temang lasingan, ipinangalandakan natin sa kapwa natin pilipino na espesyal ang keso de bola at ham ng mga amerikano sa tuwing araw na ito.
At noong panahon ng ating kabataan, kabilang tayo sa mga naniwala at nakisakay kasama ang maraming mga magulang sa isang kalokohan na mayroong isang Sta. Claus na namimigay ng regalo sa mga batang mababait sa tuwing araw ng pasko. At ang mga regalong ito ay nakalagay sa isang karwaheng hila-hila ng mga reindeer na pinangungunahan umano ni Rudolph The Red Nosed Reindeer.


Ang pwede sanang simple lang na selebrasyon ng pasko ay tila ginawa nating komplikado. Ngayon, lahat na lang (halos) ay naghahangad na sana'y mayroon silang panggastos sa araw na ito. Nakakalungkot, na ang pumipigil sa mga tao para sumaya sa araw ng pasko ay ang kawalan niya ng pera na pambili ng aginaldo sa mga taong malapit man o hindi sa kanyang puso. Dahil mas marami na ang materyoso kumpara sa mga taong may malawak na pang-unawa kahit mga bata, kahit na sino'y naghahangad ng mamahaling regalo o di kaya'y pera mula sa kung kanino. Siguro dahil sa mga dahilang ito kaya maraming suplado ang nagiging palabati, 'yung mga tatamad-tamad biglang nagiging masipag, 'yung iba nagiging palangiti -- marami ang biglang nag-iba ang mga ugali.


Paano mo nga ba sasabihin ng may sigla ang katagang 'Maligayang Pasko!' kung marami sa ating kababayan ay humahalukay nang makakain sa basura ng mga fastfood chain mairaos lang ang kanilang noche buena?
Paano mo nga bibigkasin ng malakas ang 'Merry Christmas!'  kung ang sasabihan mo nito'y walang pakialam at winawalang halaga ang araw na ito? Baka magbukas lang ito ng pintuan para sa lalo pang pagkainggit.


Sa araw na ito siguradong marami ang magbibigay ng limos, regalo, pagkain at damit (luma man o bago) sa mga bata, sa mga pulubi, sa mga inaanak at sa mga kapuspalad dahil ito nga naman ang diwa ng kapaskuhan. Mainam kung ganon. Napakainam. Ito na nga ang pinakamabuting nangyayari kung sumasapit ang kapaskuhan. Kaya lang ang lahat ng ito'y pawang mga panandalian lang, na sa paglipas ng panahon ng Pasko ay balik na ang lahat sa normal at dati nilang buhay.
'Yung mararamot babalik sa pagiging maramot, 'yung mga salbahe babalik sa pagiging salbahe, 'yung mga suplado babalik sa pagiging suplado, 'yung mga tamad muling magiging tamad at 'yung masusungit babalik sa pagiging masungit.
Matatapos ang pasko, matatapos ang pagpapanggap.