Likas na sa mga pilipino na
lumabas ang itinatagong yabang o angas sa tuwing mayroon silang kababayan na
nagtatagumpay o nag-uuwi ng karangalan para sa bayan sa kahit anong contest o
larangan. Proud na proud ang marami sa tuwing may artistang pinoy na extra sa
isang Hollywood movie o sa tuwing may pumapasok na pinoy contestant sa mga
reality show na tulad ng American Idol, America's Got Talent, X-Factor, etc. at
mga bansang may franchise nito o sa tuwing may mga pinay na nakokoronahan sa
mga international beauty pageant o sa
tuwing may mga kababayan tayong nagwawagi sa iba't ibang competition
tulad ng WCOPA o Brussels/Brisbane/Venice Film Festival. At kahit na kakaunti lang ang dugong
nananalaytay sa taong nakapagkamit ng tagumpay o may makatawag pansing talento
buong pagmamalaki nating ipinangangalandakan na kalahi natin ito sabay sigaw o
share ng status sa Facebook na: "Proud to be Filipino!" with
exclamation point.
Dalawang talo ang pinanggalingan
ni Manny Pacquiao at sa panahong iyon tila tumamlay, tumahimik at natameme
panandali ang mga netizens na mapride, tila namaos ang kanilang boses at
nabawasan ang kanilang kaangasan. Ngunit hindi doon natatapos ang lahat dahil
kahit lehitimo ang pagkapanalo ni Marquez sa huli nilang laban pasaring at
labis na pambubully naman ang ganti nila dito. Senyales ito na hindi handa ang
marami sa atin na tanggapin nang maluwag ang pagkatalo ni Manny samantalang ang
mismong bumagsak at natulog sa ring ay buong pusong tinanggap ang kabiguan nang
walang dahilan, walang alibi, walang katwiran.
Proud ang marami kay Ms. World Maegan Young |
Sa nakaraang laban ni Manny
Pacquiao versus Brandon Rios walang dudang si Manny ang nagwagi dito dahil mula
umpisa hanggang huling round ay nadomina nito ang laro. At dahil dito muling
nagising at bumalik ang yabang (na pansamantalang naidlip) ng maraming pilipino
at nakadagdag pa rito ang magkakasunod na pagpwesto ng ating mga pambato sa
pandaigdigang beauty pageant. Bumungad sa iba't ibang fan page ng Facebook ang
paghanga, pagbati at pagyayabang ng mga admin nito na proud silang naging
pilipino sila at siyempre kabilang rin sa sumisigaw nito ang maraming proud
pinoy netizens.
Ito 'yung moment na
hinihintay nang lahat pagkatapos ng debastasyon at bayolenteng pananalanta ng
bagyong Yolanda. Ang pagkaawa ng mga foreign nation sa Pilipinas ay kagyat na
napalitan ng paghanga. Ito ang tamang pagkakataon para muling pumailanlang ang
'Pinoy Pride'. Ang comeback ni Manny ay parang comeback na din ng buong
sambayanan.
Ang panalo ni Manny ay
inspirasyon para sa marami, kasiyahan para sa milyon-milyong katao hindi lang
ng mga pilipino, karangalan sa bansang dumaranas ng pagdurusa, pag-asa para sa
mga patuloy na nangangarap at kayabangan para sa mga gutom sa pagkilala at
magandang balita.
ang superhero ng pilipinas |
Bilang pilipino nakakatuwa
na mayroong isang pilipino na angat sa napili niyang larangan ngunit ang hindi
nakakatuwa ay ang ugali ng karaniwang pinoy sa tuwing makakatikim ng panalo si
Manny. Given na ang paghanga at pagiging masaya ngunit ang labis na
pagmamayabang ay hindi na nakakatuwa at kaaya-aya sabi nga ng misis ko
pagkatapos ng laban ni Pacquiao kay Rios: "Kaya ayokong nananalo si Manny kasi sa
tuwing mananalo siya dumadami ang yumayabang na Pilipino!"
patungkol ito sa announcer ng radyo na nagcover ng laro. Kung ano ang kababaang
loob ni Manny sa tuwing siya'y nananalo siya namang pagiging mayabang ng
maraming pilipino. Kunsabagay hindi
natin sila masisisi dahil napakabihira ng pagkakataong ganito: ang maging
eksepsyonal ang isang pilipino sa ibang mga lahi!
Likas na may yabang ang
pilipino hindi ba't sa tuwing may bago silang gamit, bag, damit na mamahalin,
sapatos, iPhone, gadget at iba pa ay ipinangangalandakan nila ito sa mga
kaibigan o sa kanilang Social Networking
account. Hindi ba't sa tuwing kumakain tayo sa medyo mamahalin/sosyal na
restaurant o humihigop ng mamahaling kape o nakabili ng overpriced na donut ay
agad natin itong pinopromote sa FB o Instagram? Hindi ba't sobrang
ipinagmamalaki ng mga magulang ang matataas na grado sa eskwelahan ng kanyang
anak?
Pero iba ang yabang at angas
ng mga pinoy sa tuwing magwawagi at paparangalan ang isang Manny Pacquiao. Ang
yabang natin ay nangingibabaw! At may dahilan kung bakit tayo ganito; may
malalim na rason kung bakit yumayabang ang maraming pilipino sa tuwing nananalo
si Manny Pacquiao.
Galing sa |
Hindi ba't 'nakajackpot' ang
tingin natin sa isang ordinaryong pinay na may boyfriend/asawa na ingles o
amerikano?
Hindi ba't ang tingin natin
sa HALOS LAHAT ng mga puti/amerikanong bumibisita sa ating bansa ay mayaman
kahit hindi naman?
Hindi ba't labis-labis ang
paghanga natin sa mga koponan ng NBA, sa mga Hollywood movies kasama na ang
kanilang actors and actresses?
Hindi ba't kinoconsider
natin na mataas ang quality ng isang produktong may tatak na 'Made in USA' o
'Made in Japan'?
Hindi ba't mas masarap sa
panglasa natin ang mga imported chocolates kaysa lokal na mga tsokolate natin?
At kahit magaling o may
ibubuga tayo at mga gawa natin sa kanila mas kahanga-hanga pa rin para sa atin
ang mga imported products at hindi ito maikakaila lalo't obvious na hindi
bumebenta ang mga lokal nating produktong gadget kumpara sa Korean, Japan at
American brands.
Manny Pacquiao - National
Treasure. The Filipino Pride.
Nakatala na sa kasaysayan na
ang isang purong dugong pinoy na si Manny ay umangat, namukadkad at ginapi ang
mga banyagang (boksingero) kanyang nasagupa nang hindi lang ilang beses, purong
talento ito na hindi tsamba kaya natural lang na reaksyon ang paghanga at
pag-idolo natin sa kakaibang galing at talinong ito ni Manny at ang labis na
paghanga at pag-iidolong ito ang nagtutulak sa maraming pilipino para magmalaki
at magmayabang.
Isang uri ng cyberbullying kay Rios |
Sa sobrang dami ng HINDI MAGAGANDANG BALITA
na sumasalubong sa atin sa bawat araw tila nakasanayan at namanhid na tayo
dito. Pangkaraniwan na sa mga pilipino ang headline ng iba't ibang krimen,
mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng ating mga tiwaling pulitiko at mga
natural disaster na ayaw tayong lubayan. Ang anumang good news na magpaparelax
sa nakakasawa at nakakapagod na nakasanayan nating balita ay makakakuha ng
atensyon ng mga pilipino lalo't involve ang galing at husay ng isang pinoy o
personalidad na may dugong pinoy. Kaya isang BIG DEAL para sa marami ang
tagumpay ni Manny Pacquiao. Para bang ang tagumpay ni Manny ay tagumpay na rin
ng sambayanang pilipino at ang kanyang bawat pagtumba at daing ay tila dama rin
ng milyon-milyon niyang fans.
Ang bawat panalo o pagwawagi
ni Pacquiao ay pambasag sa nakakairitang balita ng katiwalian, pulitika at
trahedya sa ating bansa.
Gutom ang mga pilipino sa
magaganda at kaaya-ayang balita, success at inspirational story at napakakaunti
o limitado ang mga personalidad na naghahatid sa atin nito hindi tulad sa mga
mga mauunlad na bansa o kanluraning nasyon na maraming kababayan nila ang
nagdadala ng tagumpay at karangalan para sa bansa nila. Ika nga siksik, liglig
at nag-uumapaw ang personalidad na nagiging matagumpay sa iba't ibang uri ng
larangan; sports, singing, acting, business, science, technology o art. Hindi
matatapos ang listahan kung ito'y iisa-isahin at hindi ito gaanong big deal sa
kanila.
Ang sinumang pilipino na nag-uuwi
ng karangalan sa kanyang bansa ay kinikilala natin ng sobra-sobra dahil
bibihira dumating ang ganitong pagkakataon. Tila nagkakasya na lang tayo sa
kung anong success ng iba, success din natin at nakikisakay na lang tayo dito.
Ang nakakalungkot pinipili lang natin ang dapat nating ikaproud kahit
nagdudumilat ang napakaraming bagay at ugali na dapat nating baguhin at
iimprove. Mga pilipinong proud sa tuwing nananalo ang isang pilipino pero
patay-malisya naman sa hindi kagandahang ugali ng marami sa ating kababayan at
wala ring pakialam kung nasasangkot ang pilipino sa mga kabalastugan,
kulang na lamang ay itakwil nila ang kanilang pagiging pinoy.
Paano na lang kung magretiro
na si Manny, wala na bang dahilan para tayo maging proud? Paano na lang ang
Filipino Pride?
Mayroon pa, dahil may mga
pilipino pang magiging tanyag at uusbong sa iba namang katauhan pero 'wag sana
nating iwaglit na ang husay at talento ng sisikat na ito ay hindi repleksyon sa
buong lahing pilipino. Marami pa tayong dapat patunayan at baguhin para hangaan
hindi lang isang indibidwal na pilipino kundi ang buong bansa natin. Sa ngayon,
sa halip na maging hambog at mayabang tayo sa tagumpay ng iba mas maganda na
maging humble muna sa kabila ng tinatamasang karangalan at pagkilala ng mundo
sa ating kababayan, si Manny Paquiao man ito o ibang pangalan.
* * *
Ang KAPALALUAN, kasama ng
kasakiman, kahalayan, galit, katakawan, inggit at katamaran ay kabilang sa
pitong kapital na kasalanan. Hindi madaling gawin ang lahat nang ito pero kung
kaya naman nating mapigilan pilitin sana nating ito'y maiwasan.