Showing posts with label perpekto. Show all posts
Showing posts with label perpekto. Show all posts

Tuesday, December 4, 2012

Perpekto




Walang perpekto.
Kahit ang literal na mundong ating ginagalawan ay hindi perpektong bilog. At kung tinatangka mong maging perpekto ay tinatangka mong maging diyos. Lahat tayo ay may limitasyon, lahat tayo ay may hangganan. Kung may nakikita kang magagandang katangian sa ibang tao na wala sa iyo mayroon ka namang ibang katangian na hindi taglay ng iba. Hindi porke ang isang tao ay may magandang mukha wala na itong kapintasan at kahit may taglay pa itong hindi mabilang na kayamanan may pagkakataon na malulungkot pa rin ito. Maaring mas madali ang buhay ng iba kumpara sa iyo pero hindi ibig sabihin nito na masalimuot na ang buhay mo. Lahat tayo ay may kanya-kanyang katangian, kagandahan, biyaya, talento at kakayahan pero kung masyado mong itinutuon ang magagandang katangian, kagandahan, biyaya, talento at kakayahan ng ibang tao at hindi mo pinagyayaman, pinahahalagahan o nililinang ang mga ipinagkaloob sa'yo higit na malaki ang mawawala sa'yo. Papasukan ka ng inggit at hindi mo na mapapansin ang lahat nang biyayang nasa sa iyo dahil abala ka sa pagbibilang nang biyaya ng ibang tao.

Walang perpekto.
Ngunit hindi ito dahilan para gumawa ng paulit-ulit na kasalanan. Katwirang walang katuturan. Dahilang higit pa sa kamangmangan. Kailan pa dapat naging dahilan ang "hindi perpekto" para gumawa ng kagaguhan?
Kahit ipamukha mo sa mga tao kung gaano ka kakinis, kaganda, kalinis o kayaman alam mo sa sarili mong ikinukubli mo lang ang iyong kapintasan. Lahat ay may kanya-kanyang kadiliman kung sinuman ang wala nito siya lang ang taas-noong magmalaki sa taglay niyang kagandahan.
Lahat ay may kahinaan, lahat ay may kakulangan. Ang iba ay may kapansanan, marami ang may insecurities, marami ang mahina sa ingles, marami ang palpak sa grammar, ang iba naman'y hindi maperpekto ang paggamit ng salitang "ng" at "nang". Kung palagi mong hahanapan ng kapintasan ang bawat tao o kukutyain ang bawat ginagawa ng indibidwal at hindi mo man lang nakikita ang merito ng kanyang mabuting nagawa o layon, ikaw na ang perpekto at magbunyi. Teka, ano ba ang napala mo dito?

Walang perpekto.
Kahit na halos isampal mo sa mga tao ang taglay mong katalinuhan; ang mga napagtagumpayan sa pinasukang unibersidad, mga pagsusulit na hindi malampasan o lisensyang iginawad para ikaw ay maging propesyonal hindi nito maitatago ang iyong kamangmangan sa ibang bagay. Minsan ka ring naging tanga bago ka naging dalubhasa kaya't wala kang karapatang husgahan ang mga taong nag-uumpisa pa lang aralin ang iyong napag-aralan at kung hindi man nila makamit o makalahati man lang iyong naabot hindi pa rin katumbas nito ang kaperpektuhan. Hindi mo kailangang maging henyo para maging matalino pero hindi mo kailangang matalino para maging matinong tao at hindi mo kailangang maging perpekto para gawin ito.
Kahit gaano pa kataas ang posisyon mo sa trabaho hindi ito karapatan para maliitin ang nakabababa sa'yo. Batid mo ngang hindi ka perperkto pero umaakto kang isang perpekto na para kang hindi nagkakamali. At ang mga taong nakapailalim sa iyo ay halos tumiklop sa kahihiyan sa tuwing sila'y ipinapahiya sa nagawang pagkakamali.

Ang katotohanan, hindi naman natin kailangang maging perpekto para tanggapin ka ng mga tao, hindi natin kailangang maging perpekto para ikaw ay respeto o hangaan at hindi natin kailangang maging perpekto para pahalagahan ka ng mga tao. Sasapat na ang magandang pakikisama, ang mahusay na pakikitungo at hindi pagpapanggap na kung sino ka. Kung ano ang trato mo sa mga tao 'yun din ang ibabalik nila sa'yo. Aminin ang pagkakamali at 'wag ikahiya ang pagkakadapa; ang pagkakadapa ay bahagi ng buhay at ito ang magpapatatag sa mga paa nating minsang naging lampa. Ang pagkakamali ay minsang hindi maiiwasan at ito ang ating magiging gabay sa paggawa ng nararapat. Ang hindi natin pagiging perpekto ang nagpapaalala sa atin na mayroong nakahihigit kaysa sa atin.

Sa kabilang banda hindi naman masama ang pagiging perfectionist ngunit ito'y hindi aplikable sa ating mismong buhay dahil kahit na anong gawin mong pag-iingat hindi mo kailanman maiiwasan ang pagkakamali. Kadalasan ang mga perfectionist na ito ang higit na may kakulangan sa buhay at dahil sa pagiging perfectionist nila mas nadadagdagan ang kanilang pagkainis at pagkabagot kung hindi nasusunod o natutupad ang nais nilang gawin at mangyari. Kung ikaw ay perfectionist at gusto mong i-apply ito sa ibang tao 'wag mong asahang lahat ay kayang sumunod dito dahil lahat nga tayo ay may hangganan at kapasidad kahit perpekto pa ang iyong motibasyon. Hindi rin masama ang kritisismo kung ang obhektibo mo'y positibo at layon mong itama ang ilang detalye ng pagkakamali, ang masama ay kung ang kritisismo mo'y may bahid ng pang-aalipusta at pati ang katauhan ng iyong pinuna ay iyo nang hinusgahan nang parang isang kriminal.

Anuman ang napagtagumpayan mong karangalan hindi katumbas nito ang pagiging perpekto mo sa buhay hangga't maari panatiliing nakaapak ang paa mo sa lupa, kung 'di maiiwasan tumingkayad ka para malaman nilang may angas ka rin pero dapat hindi ka na lalampas doon dahil walang pumaimbulog na hindi nahulog. Sinumang tao na labis ang pagpupursigi na maging perpekto ay mas lalong nagiging katawa-tawa dahil mas lalo lang napapansin ang kanyang mga kahinaan at kakulangan na pilit niyang pinagtatakpan. Tayo ay nabubuhay hindi upang maging perpekto kundi upang matuto sa bawat kamalian, hindi mo kailangang laging makipagkumpetensiya dahil mas madali ang buhay kung walang magdidikta sa bawat gagawin mo. Piliting maging payak, maging ikaw at huwag magbalat-kayo sa palamuting binili ng kung ilang libo o sa posisyong ipinahiram lang sa'yo.

Huwag matakot magkamali dahil hindi mo mailalagay sa tama ang lahat kung hindi mangyayari sa'yo ito, hindi ka lubos na makakausad kung minsan kang nagkamali at ayaw mo nang lumaban at magpatuloy. Mabilis lang ang oras, kung kaperpektuhan ng buhay at ng mundo ang iyong hinahanap hindi mo ito makikita dahil lahat ay may bahid, walang hindi. Nagkamali at pumalpak ang lahat ng matatagumpay bago nila narating kung ano ang kinahinatnan nila ngayon kabilang na diyan ang pinakamayayamang negosyante at mga tao sa mundo.

Walang perpekto. 
Katulad ng ating buhay hindi araw-araw pasko, hindi araw-araw piyesta mayroon ding pagtitika at minsan kailangan nating magpunta sa pagamutan para gamutin ang ating karamdaman. Kung hindi mo kaya ang isang problema, okay lang na umiyak humingi ka ng tulong at kung wala naman ‘wag pigilan ang sariling tumawa at humalakhak. Bakit kinakailangang magmukmok kung hindi naman kailangan? Bakit kinakailangang magpasikat para lang papurihan? Bakit kinakailangang magmagaling kung pakitang tao lang?
Minsan babaan mo ang standard mo sa buhay dahil ito ang nagpapakomplikado ng iyong mundo, tanggapin mo lang na maluwag na ang buhay ay talagang may kulang at gawing simple ang ibang hindi naman ganoon kakomplikado. Walang perpektong tao pero may perpektong pang-unawa tanggapin ang mo ang nakaraan, ang kamalian at kakulangan. Magpatawad sa mga taong humihingi nito, unawain ang mundo, unawain ang tao kasama nang lahat ng kanyang kamalian. 'Pag nagawa mo ito, ang mundo ay nginigiting kasama mo.

Thursday, January 5, 2012

Kilala mo ba ang iyong sarili?

"I am the wisest man in the world because i know one thing. That i know nothing."
- Socrates

‘"The wisest man I ever knew taught me something I never forgot. And although I never forgot it, I never quite memorized it either. So what I’m left with is the memory of having learned something very wise that I can’t quite remember.’"
- George Carlin

PAUNAWA: KATULAD NG TINURAN NG GREAT PHILOSOPHER NA SI SOCRATES AT NG KOMEDYANTENG SI GEORGE CARLIN PATUNGKOL SA "WISEST MAN" ANG SUSUNOD NA IYONG MABABASA AY MAY KAGULUHAN.

Sino ka? Who are you? Who u? Magmula ating pagkabata, sa eskwelahan, sa kalsada hanggang ngayon at sa mga ligaw na text messages ay madalas itong itinatanong sa atin. Ano ba ang dagli nating isinasagot dito? Natural na agad nating isasagot ay ang mga ito:

  • ang ating pangalan
  • ang ating edad
  • ang ating address
  • ang ating trabaho o katungkulan (kung mayroon)

Sasabihin din natin ang araw ng ating kapanganakan, ang ating nasyonalidad, ang ating relihiyon, kung sino ang ating mga magulang at mga kapatid, may pagkakataon na babanggitin mo rin kung sino ang iyong mga kaibigan at ibibida ang ilang mga kakilala; kung sino ang mas popular o angat sa buhay o may mataas na katungkulan 'yun ang ating uunahin. May mga taong magbabanggit nang kanyang grupo o asosayong kanyang kinaaniban, eskwelahang pinasukan o pinapasukan. Sa mga propesyonal, hindi maaaring hindi sabihin ang mga nakamit at napagtagumpayan niya sa buhay, may magbabanggit na siya'y empleyado ng isang kompanya, kawani ng gobyerno, miyembro ng mga ahensiyang SSS, GSIS o may pinanghahawakang PRC ID.

Ngunit sapat na ba ito para maipakilala mo ng lubos ang iyong sarili?
Paano kung ang pangalang naibigay sa'yo ay iba sa pangalan mo ngayon?
Paano kung ang magulang mo ngayon ay iba sa kinagisnan mong mga magulang?
Paano kung iba ang mga kaibigan mo ngayon?
Paano kung hindi ka matagumpay sa iyong buhay at wala kang mga diploma, at mga ID na inisyu ng gobyerno?
Ibig bang sabihin nito na wala kang personalidad?
Ibig bang sabihin nito na wala kang pagkakakilanlan?
O ibig bang sabihin nito na nag-iba rin ang iyong pagkatao?

Ang atin bang pagkakakilanlan ay nakadepende sa ating napagtagumpayan o mga ID card na inisyu ng iyong kompanya o ng gobyerno? Nakadepende din ba ito sa mga taong kilala natin?
Marami sa atin ang nag-aakalang lubos na kilala na nila ang kanilang mga sarili pero ang katotohanan...walang sino man ang nakakakilala sa buo niyang pagkatao; gaya ng hindi natin pagkakakilala sa estranghero ay ganoon din sa ating mga magulang, kaibigan, kakilala at ang taong pinakamalapit sa'yo.
Ang ating gawi, asal, ugali at kapasidad ay maaaring magbago ano mang oras, ano mang okasyon nang hindi natin namamalayan.

Walang sino man ang makapagsasabi at makapaglalahad kung sino nga siyang talaga.
Kung kilala mo ang iyong sarili...
Alam mo ba kung ano ang tamang solusyon sa isang komplikadong sitwasyon?
Alam mo ba kung paano mapapanatili ang iyong kagalakan?
Alam mo na ba kung saan ka patutungo?
Alam mo ba kung paano maibsan ang pagkabagot at kalungkutan?
Alam mo ba talaga kung ano ang iyong tunay na kagustuhan?

Ang hindi natin pagkakakilala sa ating sarili ay gaya ng mga bagay na ating ninanais at nagugustuhan.
Akala natin na kilala natin ang ating sarili at pinagsusumikapan nating makuha ang ating kagustuhan pero sa sandaling nasa ating kamay na ito muli... magiging iba na ang ating kagustuhan.
Akala natin na kilala natin ang ating sarili at paplanuhin nating makapasyal at makapunta sa lugar na ating naibigan pero kung narating at napuntahan mo na ang lugar na ito iyo namang sasabihin"hindi pa ito ang aking hinahanap" o may ibang lugar ka pang nais na puntahan.
Akala natin na kilala natin ang ating sarili at tayo'y magsusumikap sa buhay at matiyagang aabutin ang pangarap at ambisyon at sa sandaling marating mo na ang naunang pangarap, may uusbong na bagong pangarap.

Datapwat isa lamang ang sigurado: alam natin kung ano ang mga bagay na ayaw natin.

Ayaw nating maging dukha kaya't tayo'y nagsisikap sa trabaho.
Ngunit hindi katumbas nito na tayo'y kagyat na yayaman.
Ayaw nating maging malungkot kaya't tayo'y may mga kaibigan.
Ngunit 'di ibig sabihin nito na magiging lubos ang iyong kagalakan.
Ayaw nating mabagot sa buhay kaya't ikaw'y naglilibang; nanonood ng isang pelikula, nakikinig ng musika.
Ngunit 'di ibig sabihin nito na tuluyang napawi at naglaho ang taglay na kabagotan.
Ayaw natin ng maingay kaya't minsan mas ninanais mong mag-isa.
Ngunit 'di ibig sabihin nito na kaya kang libangin ng katahimikan habangbuhay.
Ayaw nating madismaya, mabigo, at masaktan ang ating mga mahal sa buhay.
Pero kahit na anong pagpipilit ang ating gawin minsan sa kanilang buhay sila'y madidismaya, mabibigo at masasaktan at minsan isa pa tayo sa mga naging dahilan.
Masakit na katotohanan.

Sa totoo, hindi naman mahalaga kung ano ang naibigay sa'yong pangalan, hindi mahalaga ang mga letrang nakadugtong sa'yong mga pangalan, walang halaga kung saan ka man nakatira, walang halaga kung anuman ang iyong relihiyon, hindi importante ang iyong propesyon at katungkulan, hindi importante kung sino ang iyong kaanak o kaibigan, walang silbi kung Pilipino ka man o hindi, walang silbi kung matalino ka pero hindi mo ginamit sa matalinong paraan. Lahat ng iyan ay magiging bahagi lang ng kasaysayan at ang kasaysayan ay nakatakdang kalimutan sa paglipas ng taon at panahon.

Ngunit lahat ng ito'y maaring maging instrumento upang makilala ka ng mga tao hindi dahil sa taglay mong ngalan kundi dahil sa iyong pakikipagkapwa at mga mabuting bagay na iyong ginawa at hindi rin naman mahalaga kung makilala ka man o hindi sa mga ginawa mong ito ang mahalaga ay ang naidulot mong kagalakan sa mga taong nangangailangan at naghahanap nito. Kagalakang magmamarka at titimo sa bawat puso ng taong iyong nahaplusan.

Dahil hindi mahalaga kung sino ka ang mahalaga ay kung naging ano ka.
Hindi mahalaga kung gaano kadalas kang naging masaya ang mahalaga ay ang dalas ng ligayang iyong naihatid.
Hindi mahalaga kung saan ka nakatira ang mahalaga ay kung walang poot na nakatahan sa 'yong puso.
Hindi mahalaga kung ano ang iyong pangalan ang mahalaga ay binigyan mo ng dangal ang iyong sarili at pangalan.
Hindi mahalaga kung ano ang iyong trabaho ang mahalaga ay kung ginamit mo ito sa mabuti at hindi inabuso.
Hindi mahalaga kung ano ang relihiyon mo ang mahalaga ay kung paano mo nirespeto ang kapwa mo tao.
Hindi mo naman kailangang tuklasin at kilalaning maigi ang iyong sarili sapat nang nabuhay ka ng may payapang kaisipan at kalooban at kung may pagkakamali man bahagi ito ng ating buhay matutong aminin ito at humingi ng kapatawaran. Walang nagsabing ang tao ay perpekto pero 'wag sanang gamitin itong hustisya at abusuhin para sa muling pagkakasala. HINDI MO KAILANGANG MAGPAKADALUBHASA SA PAG-AARAL O MAGING MATALINO PARA MALAMAN AT MAUNAWAAN ITO.

Sa aking palagay, ang pinakamatalinong nilalang sa mundo ay ang taong may pag-amin na hindi niya lubos na kilala ang kanyang sariling pagkatao.

Ikaw, kilala mo ba ang iyong sarili?!?