Tuesday, May 22, 2012

Ningas


Ang dating umaalab na ningas ay unti-unti nang lumamlam.
Napalitan na ng lungkot ang kagalakang inakalang pangmatagalan.
Tumatangis na ang kalooban na noo'y pulos kasiyahan.
Nilukob na ng maitim na ulap ang kanina'y kay liwanag na kapaligiran.

Wari'y siglong pinagsamahan 'sang iglap lang ay nawala.
O pagkakataon lang ang hinintay dahil ito'y itinakda?
'Di na masisilayan ang ganda ng nakangiting umaga.
'Di na makikita ang marilag na gabing ikaw'y kasama.

Anong silbi ng paghinga kung wala nang dahilan para gawin ito?
Anong buhay ang mayroon kung pagluluksa lang ang kapiling ko?
Saan na tutungo ngayong wala nang direksyon ang aking bukas?
Paano pa imumulat ang mata gayong tila lahat ay nagwakas?

Ang tanging nalabi ay ang iyong magagandang alaala.
Na wawalat sa sandaling minsang naging masaya.
Kumalam na damdamin sa hinalay na bukas.
Humalang na pag-iisip sa pangarap na pinitas.

Kung ito'y isang laro 'di ko gusto ang sumali.
Kung ito'y isang biro 'di ako nangingiti.
Ganunma'y maraming salamat sa sanglibo't isang gunita.
Malungkot na paalam sa 'di mabilang na sugat na nalikha.

Patawad sa aking lisya't pagkakasala. 
BANG!!!

Thursday, May 17, 2012

Street Foods. More Fun in the Philippines


Mahilig ka ba sa street foods?
Kung oo ang sagot mo pareho tayo. Tila may kakaibang sarap na taglay ang mga pagkaing ito at maraming pilipino ang ito'y gustong-gusto. Pero nagbago na nga ang panahon at pati ang kalidad at kalinisan ng mabebentang street foods na ito ay masyadong kinomersyal at inabuso. Noong aking kabataan ay paborito ko ang mga nilalakong pagkaing kalye na karioka, lumpiang hubad at pitchie-pitchie. Ngunit sa panahon ngayon mas minabuti kong bumili na lang ng mga nakasanayan kong pagkain  sa supermarket o palengke at mismong kami na lang ang magluluto nito sa bahay. Bakit? Kapansin-pansin na kasi ang hindi magagandang balita at expose tungkol sa paborito nating mga streetfoods pero minsan hindi ko rin mapigilan na bumili at lumantak nito. Hindi masama ang magtipid o tumangkilik sa ganitong pagkain ngunit kung kalusugan na ang nakasalalay dapat tayong maghinay-hinay.

Bukod sa street children na nagkalat sa Maynila, (may konek?) nagkalat at bahagi na rin ng kulturang Pilipino ang pagkahilig sa street foods o pagkaing kalye. Kahit saang kanto ka ng Kamaynilaan o karatig nitong probinsya ay laganap ang masasarap na street foods. Patok na patok 'to sa'ting mga Pinoy dahil bukod sa mura na masarap pa at kung medyo maswerte ka may bonus pang sakit na makukuha. Kung bakit naman kasi marami tayong kababayang Pinoy na nanamantala para lang madagdagan ang kinikitang kaunting barya, mabuti sana kung pera-pera lang pero kaligtasan na ng mamimili ang pinag-uusapan dito hindi lang basta pera. Madalas, kahit na gusto mong bumili ng mga street food magdadalawang-isip ka dahil sa negatibong mga bagay na nababalitaan natin ukol dito. Nakakalungkot lang na marami ang walang pakialam sa kalusugan ng iba kumita lang ng mas malaki. Mga taong walang pakundangan sa kapakanan ng kalinisan at kalusugan.

Ngayong kasagsagan ng summer, masarap kumain ng halo-halo dahil sa matatamis at masasarap nitong mga sangkap na prutas, gatas, ice cream at siyempre yelo. Bagay na bagay itong pantanggal init laban sa naglalarong temperarturang 32 degrees hanggang 35 degrees na temperatura pero ang bad news: kamakailan lang naibalita sa paborito kong 24 oras na dapat daw tayong maging observant sa mga yelong ginagamit sa halo-halong ito dahil marami sa na-test ang nagpositibo sa e-coli bacteria. Bacteria na nagdudulot ng pagsusuka, matinding pananakit ng tiyan, dehydration at diarhea. Bacteria na mananahan sa iyong large intestine at magpo-produce ng matinding toxin na magiging sanhi ng iyong pagkakasakit. Ang bacteria ring ito ang naging sanhi ng pagkamatay ni Ciara Marie Abalos noong 2005, anak ng noo'y congressman na si Benhur Abalos. SLN.

Kung medyo maliit lang ang budget mo o hindi mo trip ang halo-halo, nasa tabi-tabi lang ang ever reliable na palamig; kabilang dito ang sago't gulaman, milon, buko o pineapple juice. Sa murang presyong limang piso solve na ang uhaw mo, ang hindi lang kagandahan dito: ang asukal na gamit ng mababait (read: mapagsamantala) na tindera ay Magic Sugar (sodium cyclamate) na mahigpit na ipinagbabawal ng FDA dahil sa nakalalasong kemikal na taglay nito. Ang mga epekto nito ay pagkahilo, pagsusuka at pananakit ng tiyan. Nagko-contribute din ito sa pagkakaroon ng bladder cancer, etc. Tsk tsk.

Dahil nga mainit ang panahon, marami rin ang naglalaway na suki ng nagkalat na dirty ice cream na nilalako ng nakariton o ng naka-pedicab. Murang-mura sa halagang lima o sampung piso may instant sorbetes ka na. Pero napanood ko sa Imbestigador noong isang linggo na ang isang pagawaan nito ay ubod ng dumi ganundin ang mga materyales, panangkap at ang mismong 'chef' nito ay dugyot. Nasa maruming lapag ang mga yelo, may pusang umaaligid sa pagawaan, nakahubad ang worker, nanggigitata ang workplace. At nang suriin ang sorbetes sa isang laboratoryo ay nagpositibo ito sa maraming uri ng bacteria. Yikes! Ilang pagawaan pa kaya ang may ganito kadugyot na produkto?

Masarap at sobrang dinudumog din ang fishballs, squidballs, pritong bituka, chicken skin at iba pa na mayaman sa cholesterol lalo't may tamis-anghang na sawsawan, wala yatang Pinoy na hindi nakatikim ng ganitong pagkaing kalye. Pero tila aasim ang panglasa mo rito 'pag nalaman mong ang mantikang ginagamit dito ay maka-ilang beses nang ginamit at ininit. Kumbaga sa kotse ay second hand na at nagamit na sa ibang pagkain at dahil may kamurahan iyon ang binibili nila. Saan din kaya galing ang mga produktong ito? Dumaan ba ito sa malinis na proseso? At isa pa, nakakaseguro ka ba sa sawsawang ginagamit dito? 'Di bale mura lang naman eh, pwede na rin. Huwag na tayong masyadong magselan. Malay mo sa murang halaga magkaroon ka ng pananakit ng ulo at sikmura. Bonus.

Nakapila naman sa mga ihawan ang mga tulad ng betamax (dugo), IUD (bituka), adidas (paa ng manok), helmet (ulo ng manok) at iba pang isasalang sa nagbabagang uling. Mga spareparts ng mga hayop na halos patapon na pero nagawan pa ng paraang maging pagkain nating mga pinoy. Maabilidad kasi tayo. Pero nakikita mo ba ang mga grills ng ihawang ito kung hindi pa sumasalang sa apoy? Nakatiwangwang sa gilid-gilid at tila nakikipiyesta ang mga langaw sa dami ng mga nakadikit na mga naiwang laman. Eew.

May kakaibang sarap at karisma din ang makukulay na kwek-kwek (tokneneng) sa mga simpleng pinoy. Nilagang itlog na binalot ng makulay na harina, sawsawan ay sukang maanghang, kanin na lang ang kulang at ayos na ang iyong tanghalian o hapunan. Nang minsang mapadaan ako sa may Grace Park sa Caloocan na may kariton ng kwek-kwek, nanggigitata ang ginagamit na lalagyan ng harina ganundin ang mamang naghahalo nito. Gaano kaya kasariwa at kalinis ang itlog ng kwek-kwek? Paano ba natin malalaman kung bulok o hindi ang itlog nito? Nagtatanong lang, pasintabi sa may paborito nito.

Kung ayaw mo ng kwek-kwek available din palagi ang stone aged na barbeque sa bawat kanto. Bata man o matanda ay paborito ito. Mabango habang idinadarang sa nagbabagang uling ng aleng laging maraming customer. Ilang linggo lang ang nakalipas nang ibalita rin ni Mr. Mike Enriquez ang libong kilong botchang nasakote sa palengke. Mga botsang nagkalat sa mga palengke ng Balintawak, Divisoria, Sampaloc, Blumentritt atbp. Hindi rin natin kayang malaman kung nakahalo na ang mga botsang karne sa paborito nating barbeque. Tsambahan lang naman 'yan e, malas lang natin kung sa'tin tsumamba.

Ilan lang ang mga iyan sa mga paborito nating street foods, dapat na maging maingat din tayo sa iba pang mga pagkain/inumin na ibinebenta sa kalsada tulad ng pekeng mineral water (na sa tatlong sinuri ay dalawa ang nagpositibo sa bacteria) ice cramble, sliced fruits, mani at cornik at taho na ilang beses na ring na-expose na marumi at sobrang dami pa na pwedeng lantakan at bilhin sa napakamurang halaga. 

Lubhang nakakatakot at nakakabahala na nga ang pagbili at pagkain ng ating paboritong street foods. Hindi ito simpleng biro na dapat balewalain at tawanan lang. Walang mahigpit at intensitibong kampanya laban sa maruming pagkain kaya dapat tayo na mismo ang mag-ingat sa kung anong ipapasok natin sa ating bibig at sikmura dahil kung medyo mahina ang ating mga pangontra sa virus at bacteria malamang na tayo'y maospital o kaya'y mamatay. Walang naaresto, hinabla at ikinulong na tindera ng dugyot na mga pagkain kahit lantaran na itong naaktuhan kaya't tayo na lang ang dapat na mag-ingat. Saka natin pagsisihan ang ating pagtitipid o pagwawalang-bahala 'pag mayroon ng mangyaring masama sa ating kalusugan. Kunsabagay, ano pa ba ang malinis na pagkain? Paano natin malalaman kung ang baboy ay may swine flu? Kung ang baka ay may foot and mouth disease? Kung ang isda ay may formalin at red tide? Kung ang manok ay may birds' flu? Kung ang ating prutas at gulay ay may halong formaldehyde o pesticide? Pero kahit na...mabuti pa rin ang nag-iingat.

Paunawa: Ang artikulong ito ay ginawa upang hindi MANIRA kundi upang mamulat ang pangkaraniwang pinoy sa posibleng sakit na maidudulot ng mga pagkaing kalye na hindi dumaan sa malinis na proseso. Ganunpaman, bilang panghuli nais kong sabihin na ang kasalanan ni Pedro ay hindi kasalanan ni Juan ibig sabihin kung marumi ang paninda ng isang tindera ng street foods hindi ito ang kumakatawan sa kabuuan ng lahat ng nagtitinda nito. Marami pa rin ang matitino at malilinis na pagkaing kalye na nasa gilid-gilid lang. Mahirap nga lang hanapin.

Friday, May 11, 2012

Dilang Sinungaling Diwang Sinungaling



"Sabi mo masarap kang magmahal pero may kaunting pagkakamali lang ang iyong 'mahal' sinisigawan at inaaway mo na.
Sabi mo matatag ang iyong pagmamahal pero malingat lang sa tabi mo ang iyong 'mahal' nagkakandarapa ka na sa iba.
Sabi mo mapang-unawa ka kung magmahal pero hindi ka nakikinig sa lahat ng paliwanag at pakiusap ng sinasabihan mong 'mahal'.
Sabi mo tapat ka kung magmahal pero kakaiba ang iyong kasiyahan kung iba ang iyong kausap at kasama."

Dila mo'y sinungaling pati diwa mo'y sinungaling; salungat ang lumalabas sa iyong bibig sa nais mong ipahiwatig. Tao ka nga bumibitaw ng salita na 'di kayang pangatawanan, dalubhasang kinukubli ang ampaw at mababaw na kaisipan. Tulad mo rin ako, tulad ka rin nila may dilang matabil, may diwang suwail.

Sabi mo gusto mo ng araw pero nang umaraw mukha mo'y umismid at bigla kang sumilong.
Sabi mo gusto mo ng ulan pero nang umulan kumaripas ka ng takbo at dagliang nagpayong.
Sabi mo gusto mo ng malamig pero nang may klimang malamig 'tangna ang lamig!' ang 'yong bukambibig.
Sabi mo gusto mo ng panahong tag-init pero nang dumating ang tag-init sinusumpa mo pati langit.
Sabi mo gusto mo ng paligid na malinis pero balat lang ng kendi mo sa kalsada mo hinahagis.
Sabi mo adbokasiya mo ang pagtatanggol sa inaabusong mga hayop pero paborito mong ulam: inabusong litsong baboy at manok.
Sabi mo gusto mo ng malusog na pangangatawan pero palagi kang nagyoyosi at laman ng inuman.
Sabi mo ang nais mong makapangasawa ay donselya pero lahat ng nobya mo ay iyong kinakama.
Sabi mo ayaw mo ng tsismis pero buhay ng ibang tao ang gustong-gusto mong uriratin.
Sabi mo gusto mo sa langit pero kasamaan at kasalanan ang iyong hinahasik.
Sabi mo gusto mo ng matinong pamumuhay pero hindi mo naman sinasaayos ang mismong iyong buhay.
Sabi mo gusto mong makapagtapos ng pag-aaral pero nang makapagtapos ka na para ka pa ring walang pinag-aralan.
Sabi mo isa kang tapat na kaibigan pero nang mawalan ng pera ang isa mong kaibigan lagi mo nang iniiwasan.
Sabi mo ayaw mo nang magbisyo pero nakatikim ka lang ng kaunting ginhawa sa iyong kalusugan balik ka na naman sa dating gawi mo.
Sabi mo gusto mong umasenso pero hindi ka naman naghahanap ng trabaho.
Sabi mo proud kang Pilipino pero unti-unti mong binabago ang kulay mo.
Sabi mo ayaw mo sa Pilipinas at sa mga Pilipino pero hanggang ngayon dito ka pa rin namumuhay at nagtatrabaho.
Sabi mo gusto mong maglingkod at tumulong pero nang nasa puwesto ka na ang iyo lang inaatupag ay pangungulimbat at pangongotong.

Sabi mo mahal mo ako at 'di kailanman iiwan at dahil doon bigla akong pinawisan at kinabahan.

Sabi niyo uunlad kami sa tuwid na daan pero daan-daang araw na ang lumipas lugmok pa rin kami sa putikan.
Sabi ko hindi ako maniniwala sa bulaklak ng dila pero hindi ko rin nagawa; sabi ko hindi ako aasa sa mapanuksong mga diwa pero wala pa ring napala.
Sabi ko na nga ba.

Tuesday, May 8, 2012

BST & Co. (Barreto, Santiago Tulfo atbp.)

"Never do anything when you are in a temper, for you will do everything wrong"
- author unknown


Headline: Isang araw ng Mayo may isang beterano, batikan, walang takot, astig, matapang at umaapaw sa kumpiyansang journalista ang binugbog ng isang pumpon ng mga siga sa pamumuno ng isang dating sikat na komedyante action star na asawa ng dating sikat rin na madrama actress.
Mayo nga pala panahon ng mga piyesta, lahat ng uri ng tao ay nakipiyesta sa tsimis balitang ito; mayaman o mahirap, sikat o salat, press o depressed, estudyante o kick-out, propesyonal o tambay, lahat na…ay ito ang pinag-uusapan natabunan na naman ang malalaking isyu ng lipunan.  Napanatag na ba ang Panatag Shoal? May suspek na ba sa pinaslang na si Alfred Mendiola na witness sa Dominguez Carnapping Syndicate?

Panahon din ng Sagala kaya pala pumarada ang mga taong maangas, maiinit ang ulo at hindi alam ang depinisyon ng pasensya. Walang sinabi ang Reyna Elena sa laki ng ginawang kontrobersya.
Malapit na rin ang Tag-ulan kaya’t biglang bumuhos ang mga gulpihan na walang sinasanto kahit sino ang tamaan. Kahit isa lang ang biktima ay higit pa ang espasyong nakuha sa tuwing may nasasalanta ng bagyo.

Habang ang Pinas ay binu-bully ng dambuhalang Tsina heto ang isang balitang pumaimbulog sa lahat ng klase ng komunikasyon at impormasyon; nag-trending ika nga. Diyaryo, Radyo, Telebisyon (lokal at internasyonal), sa tindahan, sa parlor, sa kanto, Facebook, Twitter, opisina at ngayon paksa sa aking blog (sasawsaw na rin ako, bwahaha). Kung karamihan nga sa mga tsismis ay gawa-gawa lang ng mga artista ay pinag-tsitismisan pinag-uusapan lalo pa itong eskandalong kinasasangkutan ng malalaking tao na daig pa ang maliliit na tao ng lipunan, ng mga taong mga edukado pero daig pa ang walang pinag-aralan sa gawi at kilos, ng mga taong popular pero daig pa ang mga nalaos sa pinaggagawa-gawa na nais lang ay kontrobersiya, ng mga taong may sapat na pag-iisip pero higit pa sa sinto-sinto sa ipinakitang asal, ng mga taong may sapat na gulang pero mas masahol pa sa mga musmos ang ipinamalas na pag-uugali.
Ang tatapang nila! Isang senior citizen ang pinagtulungang gulpihin; lumilipad ang mga tadyak, braso, kamao at mga malulutong na mura! (Ba’t ‘di na lang sila nagsundalo at lumaban sa mga rebelde?) Ang pinag-ugatan: ‘di magandang serbisyo ng Cebu Pacific. Alam na natin na hindi maganda ang serbisyo ng airline na ito pero sapat na bang dahilan ito para mang-alipusta ng isang empleyada? May mababago ba kung ikaw ay magtatatalak na parang putang inagawan ng kliyente? Ipagpalagay na nating may pagkukulang ang panganay na Tulfo, dapat ba na ang bayad dito ay ang walang humpay na panununtok at paninipa? At kung hindi kaagad naawat ay ano pa kaya ang mas malalang nangyari? Paano kung sa ordinaryong taong tulad ko, mo o natin nangyari ang ganoong sitwasyon? At sino ba ang maituturing na biktima dito kung walang video? Isa pang nakakainis na isipin ay ang tila tuod na pagkilos ng airport security ganundin ang management ng paliparan. Bakit?
  •           Walang CCTV – mabuti pa ang mga maliliit na internet/computer shop may high definition na CCTV (tapos magrereklamo tayong napabilang ang NAIA sa world’s worst airport)
  •           Hilaw na aksyon ng NAIA management – nakita nang parang inutil ang mga security wala man lang ginawa at gagawing aksyon para mapabuti ang seguridad
  •          Walang opisyal na pahayag ang buong pamunuan ng NAIA patungkol sa insidente
  •          Walang koordinasyon sa mga otoridad at hinayaang ang buong Pilipinas ay manghula sa tunay na nangyari
  •          Matagal ng problema ang off-load luggage ng mga pasahero ng iba’t ibang airline pero walang ibinibigay na sapat na impormasyon ang mga pasahero sa kung anong nangyari sa bagahe
  •          Ang mahal ng Terminal Fee (konek?)
Sa kabilang banda, ang pangalang Tulfo ay synonymous na sa mga salitang Astig, Bastos, Matapang, Barumbado, Walang Takot at Kumakasa. Tila walang inuurungan ang mga Tulfo at lahat ay kanilang tinutuligsa basta't hindi niya gusto ang karakas ng ugali mo. Ngunit dumadating talaga ang pagkakataong mayroon kang makakatapat gaano ka pa kayaman, katapang at kaangas. Mainit na ang sitwasyon at lalong nagpainit ang "pagsalya" ni Mon Tulfo kay Claudine at pagbira umano kay Raymart. At nangyari na nga ang naganap. Nasaktan ang mama, mukhang binatilyong ginulpi ng mga siga sa kanto. Bagsak ang Pride. Windang ang mga Tulfos at nagbantang reresbak! Sa halip na kumalma na muna dahil nakasampa na ang kaso 'di nagpapigil at muling umulan ng maanghang na mura. Naghamon, nagbanta, nanakot. Astig talaga. Habang mainit pa ang isyu at walang nagpapakumbaba ay patuloy na magpapatutsadahan at mag-aakusahan ang magkabilang panig at tayo'y aliw na aliw sa pag-abang sa susunod na mangyayari parang teleseryeng laging aabanganan at susubaybayan. Walang dapat panigan dahil wala naman akong kaugnayan sa kanila, nais ko lang maipunto na hindi kailanman maitatama ang mali nang nagawa. Sana lang lumabas ang matatapang sa panahon ng digmaan; digmaan laban sa kahirapan, digmaan laban sa katiwalaan, digmaan laban sa abusado...sige na nga digmaan laban sa Tsina.

Ang tapang ay nararapat lang na nilulugar hindi ito ginagamit sa kung saan-saan lang lalo’t maglalagay ito sa pangalan mo sa isang alanganing sitwasyon. Pagkatapos ipakita ang tapang at kaastigan…ano na ang nangyari? Basag na mukha, basag na ego, basag na pangalan. Hindi na maibabalik pa ang nangyari kahit na anong gawin pero sana nagkaroon ito ng isang magandang aral sa magkabilang panig. Karagdagang pagtitimpi/pasensya sa panig ng mga Santiago at kaunting pagpapakumbaba at pagpapakita ng respeto sa damdamin ng ibang tao (ordinaryong tao man o hindi) kay Mon Tulfo. Minsan katapangan din ang umaatras sa isang laban.


Huwag magdesisyon kung mainit ang ulo magdadala ito sa kapahamakan; ilang tao na ba ang nakapatay, napatay, nakulong  o nawalan ng pamilya dahil nagpadala sa init ng ulo? Kung isa kang matapang na tao laging tatandaan na mayroon ding matapang na maaring higit sa tapang mo at kung mamalasin baka magbuwis ka ng buhay dahil mas nangibabaw ang init ng ulo at nakinig sa bulong ng ispiritung may buntot at sungay. Maari ding ipakita ang katapangan sa ibang paraan, hindi lang sa bugbugan.

Tuesday, May 1, 2012

Para sa Manggagawang Pinoy



Manggagawa, empleyado, obrero- iba't ibang salita ngunit iisa ang ibig sabihin. Mga taong taga-sulong ng ekonomiya, mga taong pundasyon ng isang bansa, mga lakas sa likod ng matatayog na kapitalista. Minsang naging mag-aaral na ngayo'y nagsusumikap para umasenso at makaahon, may maipakain sa pamilya at kumakayod upang sila naman ang makapagpa-aral.

Hindi biro ang mag-aral at magpa-aral.
Daan-daang libong piso ang iyong kakailanganin para makapagpatapos ka ng isang estudyante. Isama mo pa diyan ang humigit-kumulang na labing-anim na taon na igugugol sa loob ng silid-aralan at ang libo-libong oras sa pagbabasa ng kung ano-anong references may kinalaman man ito o wala sa kinuhang kurso.
Pagkatapos ng lahat ng ito ay ano? 
Anong trabaho ang maibibigay ng pamahalaan o ng mga pribadong kompanya sa mga anak o magiging anak natin? 
Anong programa ang nakalatag para sa mga nakapagtapos ng apat na taong kurso? O para sa mga undergraduate? 
Mahirap isipin, nakakabahala at nakakapraning. Bakit ba naman hindi ka mababahala e pagkatapos ng mahabang panahon na pagsisikap at pagtitiyaga mo at ng iyong anak na mag-aral ay wala naman pala itong matinong mapapasukang trabaho. Lubhang mahigpit ang kumpetisyon para umasenso ka dito sa Pilipinas sa maraming kadahilanan. Kadahilanang ang resula'y kadalasang hindi papabor sa isang dating estudyante na nagtatangkang magtrabaho at sinisimulang buoin ang kanyang pangarap. Kaya nga umabot na sa 11 milyong pilipino ang ngayo'y naghahanap-buhay sa iba't ibang mga bansa sa pag-asang umasenso at umunlad at para na rin sa kani-kanilang mga pangarap.

Kung noong kabataan mo ay tinamad kang mag-aral o sadyang wala kang interes dito o hindi ka pinalad na makapagtapos ng pag-aaral sa kahirapang dahilan malamang na kalalabasan mo sa buhay ay tambay, palamunin o may mababang uri ng hanap-buhay. Dahil halos lahat yata ng a-applyan mong trabaho ay nagre-require ng at least college level; messenger, clerk o storekeeper man 'yan. Huwag mong sabihing nasa diskarte ang pag-asenso dahil applable lang 'yan sa limitadong tao; hindi lahat ay magaling dumiskarte nang kung ano mang skills 'yan. Sa kalagayan ngayon ng ordinaryong manggagawa o empleyado panaka-naka ka lang makakahagilap ng matinong employer at matinong pasahod. Lalo't kung ikaw ay nagtapos sa hindi popular na paaralan o pangkaraniwan lang ang iyong talino at talento. Kung akala ng isang bagong graduate na natapos na ang lahat ng kanyang paghihirap matapos ang mahabang panahon ng pag-aaral isa itong malaking pagkakamali!

Dahil sa kakulangan ng sistema, isang malaking paghihirap ang pagkuha ng kung ano-anong requirements na kailangan sa pag-aaply ng trabaho; unang-una na rito ang pagkuha ng NBI clearance, naranasan mo bang kumuha nito? Kahit relihiyoso ka'y tiyak na mapapamura ka sa kupad ng pila at kakulangan ng pag-aaral kung paano maiibsan ang ilang dekadang problemang ito. Ilang oras at pasensiya din ba ang kakailanganin mo sa pagtungo mo sa opisina ng SSS, BIR at iba pang ahensyang may iba-ibang acronym? Sumasalamin lang ito kung anong gobyerno mayroon tayo. Hindi rin madali ang pag-secure ng iba pang documents na simple lang naman kung tutuusin dahil sa makabagong teknolohiya pero tayo'y paurong kaya lumang sistema pa rin ang gamit natin.
Pagkatapos ng lahat ng kalbaryo sa pagkuha ng requirements haharapin mo ang iba't ibang kabiguan sa iyong mga nanaising trabaho na nagreresulta sa unemployment o under-employment - trabahong napilitan kang tanggapin dahil sa pagkainip o dahil wala ka ng ibang opsyon (HRM graduate na nagiging waiter, Criminology graduate na nagiging guwardya, Nursing graduate na nagiging sales clerk, etc.). Kung papalarin ka at agad kang makakapasok sa isang kompanya may kinalaman sa'yong natapos na kurso, huwag mong asahan na malaki ang matatanggap mong sweldo dahil wala kang work experience, wala kang karapatang mag-demand. Dito mo matutuklasan na mas may naiipon ka pang pera noong ikaw ay nag-aaral, mas nabibili mo ang mga gusto mong gamit noong ikaw ay may allowance, mas madali ang buhay estudyante kaysa buhay manggagawa.

Kahit mga higanteng kompanya ay ganito rin ang sistema; maliit na pasahod (minsan wala pa sa minimum) at walang kaseguruhan ang regularization dahil madalas na ipinapasok nila sa agency ang bagong empleyado at niri-renew lang ang kontrata every 5 months o 'di kaya naman ay ililipat. Kung ganito ang napapala ng mga nagsipagtapos ng kolehiyo, ano pa kaya ang kahihinatnan ng mga hindi nakatapos? 
Anong trabaho ang kanilang makukuha? 
Saan sila hahanap? 
Saan ka mag-aapply kung ikaw ay lagpas na sa trenta? Katumbas na yata ng senior citizen ang pinoy na lagpas trentang naghahanap ng mapapasukan dahil limitado ang kompanyang tumatanggap ng ganitong edad hindi tulad sa ibang bansa na may pantay na oportunidad bata man o matanda.
Sa Pilipinas o kahit saan pa kung wala kang impluwensya at kakilalang mag-aayuda sa paghahanap mo ng mapapsukan, maliit ang tsansa mong makapasok sa gusto mong trabaho. Sa halos limangdaang pisong minimum na pasahod sa palagay mo ba'y sasapat ito sa lahat ng ating pangangailangan lalo't kung ikaw ay may pamilya? 

Matagal na ring usapin ang matinong pagpapataas ng sweldo ng manggagawa pero kahit sino pa ang maglupasay sa kalsada, kahit mapatid na ang litid mo sa kakasigaw nang panawagan sa kinauukulan, kahit magkulay uling ka na sa pagbilad ng iyong sarili sa arawan, hindi mangyayari na magkakaroon ng matino at mataas na sweldo ang ordinaryong obrero dahil kaawa-awa daw ang mga employer at baka ikalugi ng negosyo na posibleng magresulta sa pagbabawas ng empleyado. Kaya dagdagan pa ang pagtiis, bawasan ang luho, matutong magtitipid. 
Ngayong Mayo Uno muli na naman nating ipagdiriwang ang araw ng paggawa/manggagawa, dadakilain natin ang kontribusyon ng manggagawang pilipino habang ang mga oligarkiya, ganid na negosyante, pulitikong makasarili ay walang inaalala; namamasyal o naglilibang sa kung saan para sa bakasyon dahil mayroon silang alipin na gagawa ng kanyang pera at bubusogin ang kanyang sikmura anumang oras niyang naisin.
Isang pagpupugay at isang maligayang araw ng paggawa para sa lahat ng dakilang manggagawa! Kayo ang gasolina ng ating bansa, kung wala kayo hindi tayo uusad. Nakakalungkot lang na kayo'y winawalang-bahala at winawalang-hiya.
Tayo'y magdiwang at magsaya pero huwag magpakapuyat dahil bukas maaga kang babangon, tuloy ulit sa pagtatrabaho at paggawa. Ganyan ang buhay pinoy, buhay obrero.
Kung ang lahat ay may pagkakataon malaking porsyento ng mga pilipino ay nanaising magsilbi sa ibang bayan kaysa sa ating inang-bayan. Hindi dahil nais nilang tawaging bagong bayani kundi dahil nais nilang humilagpos sa tanikala ng nabubulok na sistema ng ating bayan.

Ganunpaman, naniniwala pa rin ako na bukod sa pag-aartista at pagiging mapanglamang mahusay na pulitiko, edukasyon pa rin ang susi sa pag-unlad ng ating buhay. Edukasyon sa loob ng silid-aralan kasama ng edukasyon at aral na ating natutunan sa buhay.