Saturday, August 13, 2011

Ang Sining ni Mideo


Ang larawang ito ay ang sining na likha ni Mideo Cruz. Matindi ang impact sa maraming Pilipino ang ­ginawang ito ni Mideo. Kabi-kabila ang naging reaksyon ng magkabilang panig; ang mga aktibong katoliko na lubos ang pagkondena sa nasabing “sining” at ang mga kapwa niya artists na ipinaglalaban naman ang katha ni Mideo at kanilang sinasabi na ito’y isang “work of art”. Ano ba talaga ang kahulugan ng Sining?

Ayon sa Wikipedia ang depinisyon ng Sining o Art ay:
Art is the product or process of deliberately arranging items (often with symbolic significance) in a way that influences and affects one or more of the senses, emotions, and intellect. It encompasses a diverse range of human activities, creations, and modes of expression, including music, literature, film, photography, sculpture, and paintings. The meaning of art is explored in a branch of philosophy known as aesthetics, and even disciplines such as history and psychology analyze its relationship with humans and generations.

Kung pagbabasehan at pagbabatayan natin ang “sining” na gawa ni Mideo at sa kagyat na reaksyon ng mga tao; totoong ito ay nakaapekto sa emosyon at damdamin ng karamihan, mayroon di-umanong “simbolikong” nais ipahayag ang “sining” na ito at may paghamon sa katalinuhan at kaalaman ng isang ordinaryong tao. At sa aspektong ito ay nagtagumpay si Mideo.


Ngunit hanggang saan ba ang sining?
May hangganan ba naman ito?
Paano ba mababatid kung ito’y sining o isa lamang kahalayan?
Sa isang bansa na ang Relihiyong Katolisismo ay tinatayang walumpung porsiyento; malaki nga talaga ang hamon sa kamalayan at kaisipan ng mga tao ang ginawang “sining” na ito ni Mideo. Maaaring marami ang hindi nakauunawa sa kanyang mga gawa, maaaring marami ang hindi nakaiintindi ng kanyang sining dahil ang sining ay isang malalim na salita, mahabang diskusyunan kung ang isang bagay ba ay sining o hindi, para itong isang usaping pangrelihiyon na hindi natatapos ang paliwanagan. Halimbawa, maaring ang tingin ng marami sa pelikulang may temang paghuhubad at pagniniig ay kahalayan subalit sa iba naman na may higit na malalim ang pang-unawa ito ay isang sining.

Sa aking pananaw, ang Pilipinas ay hindi pa handa sa ganitong klase ng sining ‘di tulad sa maraming bansa sa Europa. Ang mga Pilipino ay napakasensitibo pagdating sa relihiyon tila ‘di matitinag ang kanilang paniniwala at pananampalataya ng kung anuman kaya’t kung nakanti mo ang paniniwalang ito tiyak na nakahanap ka ng kaaway. Kadalasan, sa sobrang paniniwalang ito ay ginagamit itong dahilan ng iba para makapangloko ng kapwa. Naalala nyo pa ba si Judiel Nieva at ang “Misteryo sa Agoo” noong dekada otsenta? Ilang libong katao ang agad na napaniwala ni Judiel na may aparisyon ang Birheng Maria sa kanya? Ilang libong katao ang nakumbinsi niya na ang lahat ng kanyang sinasabi ay totoo? Sa kalaunan, ang simbahang katoliko mismo ang nagsabi na ang misteryo sa Agoo ay isang malaking kalokohan at ang perang nalikom ng kalokohang ito ay ginamit lamang sa sariling interes. Nasaan na si Judiel ngayon? May nagtangka bang siya'y ihabla gayong siya pala'y nakapangloko ng libo-libong katao? Heto na siya: Angel dela Vega.

Kahit ang sanga ng puno na nagkataong may hugis ng mukha ni Jesus Christ, mga bangkay na ‘di pa naagnas o may likidong lumalabas sa isang banal na imahe ay pinaniniwalaan ng marami na isang milagro! Kahit paulit-ulit na sinasabi ng simbahan na ‘wag basta-basta maniwala dito. Ibig sabihin ganoon katatag ang paniniwala ng mga tao at lubhang mahirap itong buwagin. Kaya’t hindi kataka-taka na ang likhang ito ni Mideo ay lilikha rin ng kontrobersiya.

Ang “Kulo” Exhibit at ang “Politeismo” ni Mideo ay ginanap sa Cultural Center of the Philippines. Dito rin ipinapakita ang iba’t-ibang talento na may kaugnayan sa iba’t-ibang uri ng sining subalit sino-sino ba ang mga nagpupunta dito? Malilibang ka ba sa sayaw na ballet? Naa-appreciate mo ba ang nais ipahiwatig ng paintings? At kaya mo bang ipagpalit ang pera mo sa sining na ito? Nakapanood ka na ba ng “tunay na konsyerto”? Mas marami ang sasagot ng “hindi”. Kung ang musika ng Guns N Roses, Limp Bizkit o Chicosci ay sining sa iba ingay lang ang dulot nito sa iba, kung naa-apreciate ng kabataan ang hip-hop music basura naman ang tingin dito ng konserbatibong hindi na kabataan at ang babasahing Playboy, Maxim, o FHM ay kahalayan lang daw kung mga relihiyoso ang 'yong tatanungin. Samakatuwid, iba-iba ang pananaw ng tao sa sining. Sabi nga, hindi mo maiintindihan ang isang sining kung hindi ka ganap na artist. Paano ako? May mga ginawa akong hindi lubos na nauunawaan ng nagbabasa ng artikulo ko, ibig ba sabihin nito ay artist na ako? Hindi. Isa lang din akong ordinaryong tao na malikot ang imahinasyon pero isa lang ang sigurado ko: Hindi lahat ay kaya nating pagbigyan.

Ang CCP ay pag-aari ng pamahalaan at nasa ilalim ito ng Opisina ng Malakanyang. At kung pag-aari ito ng gobyerno ang taumbayan ay bahagi nito dahil sa ating buwis. Kung maraming tao na ang tumututol at tumutuligsa sa nasabing exhibit, ano ba talaga ang dapat na aksyon ng pamunuan nito?

Nahinto at tuluyang naisara na ang exhibit; ito’y dahil sa tindi ng impluwensya ng Media, pressure ng tao at ng Malakanyang mismo. Kung ito ba’y idinaos sa Museong pag-aari ng pribadong tao, makaya kayang ipasara ito dahil lamang sa pressure? Magiging kontrobersyal ba ito?

Si Mideo kabilang na ang organizers ng nasabing “Kulo” exhibit ay nahaharap ngayon sa mga demanda; ito ang naging resulta ng kontrobersyal na “sining” na ito. Sa kabilang banda, may mga suporta naman sa kanila at kinikwestyon sa pamahalaan ang kanilang freedom of expression, isa na namang mahabang diskusyunan kung may limitasyon ba o wala ang freedom of expression na ‘yan.

Nasa husgado na ang kasagutan sa tanong na: kung sining ba o pawang kahalayan at pambabastos lang ang gawa ni Mideo Cruz. At sana’y mapatawad na rin ng simbahan si Mideo sa kanyang ginawa dahil tila 'di niya batid ang kanyang ginawa gaya ng pagpapatawad noon ni Hesukristo sa mga taong nagmalupit sa kanya. Hindi ba’t ang tunay na itinuturo ng Kristyanismo ay pagpapakumbaba at pagpapatawad? Kung naipukol man niya ay bato marapat lang na ibalik sa kanya ay tinapay.

Ang pananampalataya ng mga Katoliko kay Bro ay may kaakibat na labis na pagmamahal kahit sabihin na nating patuloy pa rin sa pagkakasala (sino bang hindi?) at sinuman ang lumapastangan sa kanyang mahal sa buhay ay siguradong papalagan at makakaani ng komento at kaaway, hindi man tuwiran o lantaran ang naturang aksyon ni Mideo ay hindi ito lubos na mauunawaan ng sagrado-katoliko dahil marami rito ang hindi "artist" na tulad ni Mdeo.

Ang sining ay sining malalim ang kahulugan at mahirap ipaliwanag ito ng isang ordinaryong taong tulad ko bagama’t kung naisaalang-alang lang sana ang salitang “respeto” hindi sana hahantong sa ganito.
Tulad din ng sining; ang KATIWALIAN ay hindi ko rin maintindihan at kung maituturing din itong SINING sigurado ako tambak ang ating NATIONAL ARTIST.:-)

Tuesday, August 9, 2011

Si Migs

O Migs, ‘musta ka na? Mukhang maaliwalas naman ang itsura mo ah, parang ‘di ka galing sa isang kontrobersya. Ilang Linggo na rin matapos ‘yung pagri-resign mo sa senado, marami na ang naglitawang mga kwento; may mga imbento, may mga nagmamagaling, may mga naninira, mga nagpapalitan ng kuro-kuro at kung anu-ano pa. Pero ano pa man ‘yun sigurado ako marami ang nakisimpatiya sa’yo! At tiyak din na madagdagan ang boto mo sa darating na halalan, ‘di na siguro tulad ng dati na ikaw ang kulelat. ‘Di ba tatakbo ka sa 2013 Election?

Ano ba ang naisip mo’t bigla ka na lang nag-privilege speech at i-anunsiyo na magbibitiw ka na sa pagkasenador? Akala ko kasi wala ng balitang gugulat pa sa pangkaraniwang Pinoy, meron pa pala. Sabi mo, pwede mo naman palang pagtagalin ang counter-protest mo kay Koko nang hanggang sa susunod na eleksyon eh ba’t nagresign ka pa? Sayang ang porkbarrel Migz! Siyanga pala Migz, totoo ba ‘yung balita na higit sa tatlumpung batas ang naipasa mo sa senado? Galing mo pala! ‘Di tulad nang isang kilala kong pulitiko natapos ang tatlong term niya sa kongreso at nagsenador pa wala man lang naipasang batas, kilala mo siya tiyak ‘yun.

Hindi mo pa sinasagot ‘yung tanong ko; bakit ba ngayon mo lang napagtanto na hindi pala ikaw ang tunay na nakakuha nang pang-labingdalawang posisyon noong 2007 Election? Dahil ba sa nagsulputang testamento nina Zaldy Ampatuan, Superintendent Rafael Santiago, Hadji Abdullah Daligdig at iba pa? Hindi ka ba nagtaka na higit sa nobenta porsyento ng mamamayan sa Maguindanao binoto ka? Ganun ka na ba kasikat? At ‘di ka rin ba nagtaka na kahit isa sa oposisyong kandidato sa pagkasenador ay ‘di man lang pumuwesto? Ang galing naman ng makinarya niyo sa lugar na ‘yan! Teka, sino ba ang naniwala dun? Sabi naman ni FG wala naman daw kredibilidad ang mga taong ‘yan at lahat daw ng akusasyon laban sa kanilang pamilya ay pawang pamumulitika lang.

Pa’no na pala ‘yung sinuweldo mo sa nakalipas na apat na taon, kung hindi naman pala ikaw ang tunay na senador namin? Ang laki pa naman ng inaawas na tax sa sweldo ko kada buwan. Pa’no na rin ‘yung Countrywide Development Fund na nailaan sa opisina mo, eh dapat pala kay Koko ‘yun? Okay na kayang rason ‘yung claim mong hindi ka lumiban sa anumang sesyon ng Senado? O ‘yung napakarami mong batas na napasa? Kunsabagay, sa tingin naman namin ‘di lang ikaw ang nakalusot sa pwesto marami pa diyan. Ang pagkakaiba nga lang nila kapit-tuko sila sa pwesto, ikaw nagbigay daan ka sa nararapat na nakaupo at mababang-loob na nagbitiw sa ngalan ng pangalan at dignidad! Galing naman, sana lahat ng pulitiko ay ganyan. Hindi kaya natakot ka lang na mapalayas sa senado dahil alam mong ang tunay na nanalo sa protesta ay si Koko at ang mismong mga kasama mo sa Senado na miyembro ng Senate Electoral Tribunal ang magpapatalsik sa’yo?

Nakita ko sa diyaryo naming Inquirer ang isang buong pahinang advertisement mo noong August 9; nakalagay doon lahat ng mga accomplishment at achievements mo bilang isang mambabatas ang husay mo talaga, Migz! Pero ‘di ko binasa lahat sumasakit ulo ko, pulos ingles kasi. Ano ba ang purpose nun? Na okay lang na ikaw ang aksidenteng naging senador namin dahil sa mga achievement mo? Naalala ko tuloy ‘yung mga matatalinong kolumnista madalas nilang sabihin: The end does not justify the means. Pwede kayang i-apply ‘yun sa case mo? Ang mahal siguro ng bayad sa ads na ‘yun pero balewala naman ‘yan sa’yo sa kapakanan ng malinis na pangalan. Tanong ko lang sana, hindi ba electioneering ang tawag ‘dun?

Bakit nga pala ngayon parang diring-diri kayo kay CGMA? Dati-rati ang dami-dami niyong gustong dumikit sa kanya, naaalala ko pa kahit si Tito Sen naging kandidato nito noong 2007 Election, hayun talo. ‘Di ba kaya nga noong last election independent na siya dahil sa tingin ng marami ang madikit ngayon kay CGMA ay parang may sumpa at mamalasin. Sobra naman sila. Pero noong time na namamayagpag ang Ate niyo lahat na yata gustong sumakay sa kanyang popularidad, meron pa ngang nag-request ng sasakyan, birthday gift daw. Hindi ka rin ba nag-request sa kanya ng kahit na ano? Totoo ngang walang permanenteng kaibigan sa pulitika, permanenteng interes lang. Totoo rin siguro ‘yung sinasabi ng mga matatabil ang dila na ang pulitika ay isang malaking pelikula; ang mga pulitiko ang silang mga artista at kaming mga taxpayer ang producer. Kung pag-uusapan na rin lang ang pag-iinarte, bakit kaya halos lahat ng involve ngayon sa kontrobersiya at anomalya ay nagkakasakit? Umaarte lang ba sila o talagang malala na ang kalagayan nila? Ang galing naman tumiyempo ng mga sakit na ‘yan!

‘Lam mo ba, marami ang nagalingan sa talumpati mo? Habang emosyonal at maluha-luha ang mga tao sa Gallery ng Senado, kabilang na ang buong pamilya mo, full-force sila ah. Box office ‘yun daig pa yata ang SONA ni Pnoy. Graceful exit ika nga. Wow, first time daw pala sa kasaysayan ng pulitika ng Pilipinas na may nagbitiw sa sinumpaang tungkulin. Habang ang iba ay kapit-tuko sa posisyon na winawalang-bahala (winawalanghiya) ang Order ng Comelec na bumaba sa pwesto, nagvigil-vigil pa nga ang constituent nya ‘wag lang mapatalsik sa pwesto ang lingkod-bayang nakaupo, balita ko bayad naman ang bawat isa ng tatlong-daang piso. Pero kahit ano pa ang sabihin nila tiyak ako marami kang nakuhang boto ngayon pa lang kahit halos dalawang taon pa ang susunod na eleksyon. ‘Yung kapit-bahay naming may tindahan nabalitaan ko nakikisimpatya sa’yo at iboboto ka raw, kita mo na isang boto na agad ‘yun!
Kung ako naman tatanungin mo kung iboboto kita sa 2013 Election…Ewan ko, hindi na yata ako botante.

Friday, August 5, 2011

Tiwala

Lukas 16:10
"Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay."

Sa mundong ating ginagalawan na puno ng tukso, temptasyon at pagpapanggap lubhang hindi madali ang makahanap ng taong bibigyan mo ng lubos na tiwala; tiwalang hindi masisira ng materyal na bagay, personal na interes at sa kagipitang dahilan; tiwalang hanggang dulo'y walang bahid; tiwalang hindi igugupo ng anumang kadahilanan. Sinumang tao ay maaring ipagkanulo ang kahit na sino, malapit man ito sa kanya o hindi. Hindi kaila sa atin na maging ang mga taong lubos nating pinagkakatiwalaan ay sisirain ang tiwalang ating ipinagkaloob sa panahong hindi natin inaasahan. At huwag ka na ring magtaka at magulat kung ang atin mismong sarili ay sumira sa tiwalang naibigay sa atin.

Sa dinami-dami nang ginawa mong tama't may kabuluhan ang magmamarka sa isip ng mapanghusgang mga tao ay ang isa mong kamalian; lalo’t ito’y pagkakanulo mo sa tiwala. Nakalulungkot subalit 'yan ang malungkot na katotohanan. Masarap makarinig ng mga papuri sa iyong mga kagalingan subalit mas masakit mapakinggan ang mga sumbat at pintas na naging dulot ng isang kamalian. Ang tiwala'y mababasag na parang isang sensitibong salaming 'di na kayang tanggalin at burahin ang marka ng lamat anuman ang gawin; tulad din ito ng papel na kung sakaling malukot ay 'di na maibabalik sa dati.

Ang tao'y marupok at makasalanan na kahit anong pilit mong pigilang hindi gumawa ng kasalanan ay 'di mo namamalayang nagawa mo na ito at pagsisisi at paghingi ng tawad na lamang ang tangi mong solusyon dito. Nakakataba ng puso na mayroong nagtitiwala sa ating kakayahan, pinagkakatiwalaan tayo sa mga maliliit na bagay higit sa malalaking bagay at halaga. Subalit batid man ito ng marami ay kibit-balikat naman ang iilan na panandaliang kaginhawaan ang iniisip sa halip na habangbuhay na kapayapaan ng kaisipan.

Sabi sa isang kanta "Honesty is such a lonely word. Everyone is so untrue".
Sadya bang ang tao'y hindi na matapat?
Hindi na nga ba tayo dapat magbigay ng buong pagtitiwala?
Ang bawat isa ba'y dapat na nating pagdudahan?

Ang tiwala ay kakambal ng dignidad sa maraming bansa. Sakaling ang isang tao na nasa posisyon (sa pamahalaan man ito o pribadong kompanya) ay hindi na pinagkakatiwalaan o mababa ang tiwala ng kanyang mamamayan o ng kanyang pinagsisilbihan; kusa at mababang loob itong bumababa at nagpapaaalam sa kanyang tungkulin, nagpaparaya at nagbibigay-daan sa iba, humihingi ng kapatawaran sa kanyang naging kahinaan. Dahil mas mahalaga ang kanilang dignidad at pagkatao kaysa manatili sa pwestong pulos batikos at kapintasan sa kanyang kakayahan. Nakalulungkot na sa ating bansa ay tila ‘di ito nangyayari; marami sa mga nakapuwesto ang nagpupumilit at buong-tapang na makikipagpatayan sa isang posisyon; naglulubid ng kasinungalingan at itatanggi ang lahat ng paratang kahit na ang mga ebidensiya’y lampas pa sa kanyang pagkatao.

Ganunpaman, kahit ano pa ang sabihin 'wag magsawang magbigay ng tiwala sa kapwa, 'wag maging bilanggo sa paniniwalang ang lahat ay 'di matuwid, 'wag isiping ang karamiha'y puno ng pagpapanggap. Ang kasalanan ni Pedro ay hindi kasalanan ni Juan. Hindi minsan maalis ang duda sa bawat isa subalit hindi ibig sabihin nito na huwag tayong magtiwala bigyan natin ng pagkakataon ang sa tingin nating may potensyal na pagkatiwalaan; sino na lamang ang magbibigay sa kanya ng ganitong oportunidad? Oo, madaling sabihin pero lubos na mahirap ipatupad datapwat ang mundo'y isang estranghero gayundin ang ating kapwa; nararapat pa rin tayong mag-gawad ng pagtitiwala. Malaki man ang porsyento ng taong hindi matapat marami pa rin ang pwede nating pagtiwalaan. Bagama’t ang unang bumasag ng tiwala ay si Eba masasabi nating ang tao'y sadya ngang marupok; maaring hindi na nga maibabalik ng lubusan ang tiwalang napunit subukin ulit itong paghihirapan upang sa kahit na maliit na paraan ay unti-unti itong manumbalik, sa takdang oras at panahon. Matutong magpatawad sa taong may tapat na pagsisisi; lahat ay may pagkakataong magbago.

Gusto kong ibahagi at sabihing: ang paniniwala at tiwala'y magkaiba. Lahat tayo'y naniniwala at sumasampalataya na may Diyos; nananalangin, nagpapasalamat, humihiling at nagbibigay-papuri subalit hindi lahat sa mga ito ay lubos ang ibinigay na tiwala. Sa desperadong tao na labis ang sakit at pagdurusa ang nadarama dulot ng iba't-ibang uri ng suliranin hindi nawawala ang kanyang paniniwala sa Diyos subalit ang kanyang tiwala'y hindi sapat. May mga taong sariling buhay ay kinikitil dahil sa 'di sapat na tiwala; may mga taong sa halip na magpursigi at ibigay ang lubos na pagtitiwala ay ibinubunton ang lahat ng sama ng loob sa Diyos. Ang suliranin, karamdaman at kalungkutan ay bahagi ng ating buhay gayundin ang kasiyahan, pag-asa at pagmamahal subalit lahat ng ito'y panandalian lamang. Walang sinuman ang nais na makasanayan ang problema subalit ‘di ito maiiwasan ninuman. Kung may suliranin ka ngayon hindi ibig sabihin nito'y habambuhay mo itong pasang-krus; kung labis na kasiyahan ang iyong nararamdaman damahin at lubusin mo lang dahil hindi rin ito pangmatagalan. Ang anumang mayroon ka ngayon ay pangsamantala din lamang kahit ang mamahalin mong mga gamit at kasangkapan; hindi mo ito madadala kung sakaling ikaw'y pumanaw. Ang panandaliang kasiyahan ay maaaring katumbas ng habambuhay na pagkabagabag sa isipan huwag ipagpalit ang karangalan sa piraso ng kapalaluan.

Maging matapat at pahalagahan ang tiwalang sa iyo'y iginawad.
Gumawa ng tama at maging tapat kahit walang nagmamasid.
Gumawa ng tama at maging tapat kahit ang iba'y hindi ito sinusunod.
Gumawa ng tama at maging tapat hindi sa katiwasayan at kapakanan ng iba kundi sa katiwasayan at kapakanan ng iyong buhay at kaisipan.

Tuesday, August 2, 2011

Si Manong Drayber at ang Tuwid na Daan

Gamit ang karag-karag at makalawang na sasakyan
Pakiramdam ng iba ito’y isang byaheng walang patutunguhan
Pareho ko ring nakasalampak sa gulanit at mga sirang upuan
Mga pasaherong umaasa sa patag at tuwid na lansangan

Mainit, masikip ang aming kinalalagyan
Bukod pa sa mga taong nasa ibabaw ng bubungan;
Walang pakialam kung umaraw man o umulan
“Okay lang” sambit ng isa “dadaloy din ang ginhawa”

Positibo ang karamihan sa mga pasahero
Kahit nahihirapan umaayon at tumatango
Siguro’y dahil ang bagong drayber ay mahusay mangumbinsi
Kaya’t kanyang naengganyo ay sadyang napakarami

Hindi angkop ang dami ng nakalulan sa liit ng sasakyan
Nakapagtataka marami pa rin ang nagmamayabang
Mga taong handang mag- maniobra sa sandali raw na sila’y kailangan
Habol lang naman ay aming pasahe na kung bayaran ay pilitan

Pero ayos lang, patungo naman daw kami sa kasaganaan
Tatahakin namin ang mailap na tuwid na daan
Pero marami na ang naiinip, sabad ng isa “tiis-tiis lang muna”
May isang ‘di nakapagpigil bumunghalit ng sigaw: “Ayoko na!”

Nagdabog at bumaba, patalikod na nagmura
Babaeng may katabaan, nagtatampo lang yata
Mga estudyante’t guro, kasama ang manggagawa
Maralita, negosyante at magsasaka’y nagbabanta

Hindi raw malayo na sabay-sabay silang “Para!” ang isisigaw
Handang pumanaog at nagbabadyang maglakad sa init ng araw
Mayroon namang nagpipigil, nagpupumilit na kumalma
Anila’y ‘di pa panahon para manghusga

Si Manong Drayber kalmado lang naman
Gano’n pa rin mahusay sa bolahan
Mabulaklak ang labi, tila lahat ay nabibighani
Salita’y mapang-akit, napakahusay sa talumpati

Suot niya’y dilaw habang humahabi ng pangungusap
Mukha namang ‘di siya nagpapanggap
Pero duda ako sa kanyang pagmamaneho
Higit ‘sangtaon pa lamang pero lahat yata’y tensyonado!

Si Manong Drayber panay ang puna sa dating tsuper na nagmando
Ito raw ang pasimuno kung ba’t ang makina’y mabagal at palyado
Ah, kaya pala hanggang ngayon tila ‘di kami makausad
Palusot kaya o sadyang dahilan ng aming pagsadsad?

Mausok na nga ang sasakyan sinabayan pa niya ng yosi
Hithit-buga, hithit-buga tila ‘di mapakali
Ayaw magpapigil kahit marami ang kumukumbinsi
Sumigaw ang isa: “Itigil mo na nga ‘yan nauusukan na kami!”

Si Manong Drayber parang nalilito
Madalas humihinto biglaang pumipreno
Paano ba naman mga alalay niya panay ang bulong
‘Di na lang pabayaan upang tayo’y makasulong

Dapit-hapon na, tila inip na rin ako
Sinipat ko ang kanyang pagmamaneho
'Tulad ko rin pala lumilinga ‘pag may magandang dalaga
Isa pang dahilan ng aming pagka-antala

Si Manong Drayber parating nakangisi
Kahit nabalaho may ilalaan pa ring ngiti
Tuloy kanyang kritiko sinabihan siyang may sapi
‘Di napipikon mahaba ang dalang pisi

Sinilip ko na rin ang labas ng bintana
Para tanawin ang tinatahak na kalsada
Tila baga naliliyo at nahihilo ako
Bakit halos hindi kami lumalayo?

Nakita ko na ang ganitong lansangan
Ito rin ang kalyeng una kong napuntahan
Akala ko ba’y matuwid ang daan?
Bakit puro lubak at masukal ang harapan?

Baka naman sa umpisa lamang ito
Sa kalagitnaa’y mayroon nang pagbabago
Sige tuloy lang ang pag-usad nang karag-karag na sasakyan
Mabuting maidlip na muna, pakigising na lang sakaling matunton na ang matuwid na daan.