Tuesday, March 22, 2011

Equality


Hanggang ngayon ba'y nangangarap ka pa rin ng pagkakapantay-pantay?
Hanggang ngayon ba'y iniisip mo pa ring may posibilidad itong mangyari?
Kung ang sagot mo'y oo, dapat ka nang gumising at ibaon sa limot ang iyong pangarap.
Ang "equality" ay nasa isip lang natin at ang mangyari itong ganap ay suntok sa buwan at isang malayo sa katotohanan.
Malabo itong mangyari sa kasalukuyang panahon, hindi ngayon at lalong hindi bukas. Ang diskriminasyon ay laganap saan mang lugar; sa Pilipinas man o sa ibang panig ng mundo.

Sa mundong ating ginagalawan ang mga may pera ang madalas na pinapaboran, ang mga may kapangyarihan ang nasusunod, ang may impluwensiya ang mauuna at ang may katungkulan ang nangingibabaw. Kung hindi ka kumbinsido dito ay baka sa ibang mundo ka naninirahan. Hindi ako pesimista bagkus ako'y isang realista ~ ang aking sinasabi ay ang aking nakikita kung hindi mo ito alam siguro'y nakapikit ang mata mo sa ganitong sitwasyon at pinipili mo lamang kung ano ang gustong makita ng mga mata mo.

Nakasabay mo na ba sa pila sa pagkuha ng driver's license o pagproseso ng passport ang mga taga alta-sosyedad?
Nakita mo na ba kung paano idiskrimina ang mga taong gusgusin?
Alam nang lahat na nangungurakot ang karamihan sa opisyal ng gobyerno pero ilan na ba ang napatunayan dito?
Samantalang ang isang inang nag-shoplift ng isang latang gatas para sa anak ay agad na ikinulong...
Sino ba ang unang makakakuha ng upuan sa isang punuang restawran ang isang kilalang tao o ordinaryong si Juan?
Ano ba ang tingin ng mga dayuhan sa mga Pilipinong gaya mo?
Bakit hindi kayang tiketan ng traffic enforcer sa isang traffic violation ang bata ni congressman?
Ano ang dahilan bakit hindi nasisita sa kalsada ang nagmamayabang na commemorative plates ng mga magagarang sasakyan?
Ano ba ang dahilan bakit mahilig manggipit ang kapulisan?
Kung ordinaryong OFW ang nahulihan ng drugs sa Hongkong, pareho din kaya ang magiging sintensiya dito?
Kung hindi kaya mga heneral ang nangungulimbat sa pondo ng gobyerno, pwede rin kaya ang plea bargaining agreement?
Hindi ka ba nagtataka kung bakit madaling maresolba ang kaso kung ang mga bikitima'y maipluwensiya at kapag mahirap ay aabot sa kung ilang dekada?
Dumaranas din ba ng mahabang pila ang mga makapangyarihan sa pagpaparehistro sa eleksyon?
At tagaktak din ba ang kanilang pawis tuwing boboto sa mga masisiskip na presinto?
Mabilis ba makamit ang hustisya sa gaya nating ordinaryong tao lang?
Kung hindi kaya Gobernador ang itinuturing na salarin sa isang masaker sa Mindanao, may sarili din kaya itong selda?
Kung hindi kaya Senador ang isang pinaghahanap nang batas hindi rin kaya ito mahahagilap?
Bakit kakaiba at maginhawa ang selda ng convicted congressman kumpara kay Horaciong Hudas?
Bakit kaya ilag at iwas ang pulisya kung ang suspek sa rape case ay kagalang-galang na alkalde ng bayan?
Bakit hindi nakulong sa ordinaryong piitan ang mataas na opisyal na napatunayang mandarambong sa pondo ng bayan?

Ang tao'y madalas na nalulunod sa isang basong tubig kaunting papuri, parangal o nakamit na tagumpay sa buhay ay akala mong hindi na siya mabubuwag. Kaysarap kasi ng pakiramdam na mauna sa lahat, maka-isa at makalamang na akala mong siya lamang ang anak ng Diyos. May mga tao din namang nakatuntong lang sa kalabaw akala mo'y kalabaw na rin sila ~ mga taong nakakapit sa impluwensiya ng iba, mga taong nakasama lang sa inuman ang isang may katungkulan akala mong sila na rin ang may kapangyarihan.
Hanggang saan ka ba dadalhin ng impluwensiya mo?
Hanggang saan ba makakarating ang iyong pera?
Hanggang saan ang hangganan ng iyong kapangyarihan?
Maaaring "unlimited" ito kung ito'y iyong mapapanatili, maaaring hindi ka galawin hangga't ikaw'y nasa puwesto, maaaring marami ang makikinig kung ang iyong pera ang nakiusap at nagsalita. Haha, nakakatawa ang mga taong ganito.

May mga bagay na totoo at hindi dapat itinatanggi dapat natin itong tanggapin hindi sa dahilang ito ay tama at nararapat subalit ito ang katotohanan. Hindi na natin ito kayang baguhin, kung kaya nating sumabay sa agos para tayo'y hindi mapahamak gawin natin ito pero hindi ibig sabihin nito na dahilan na rin ito upang tayo naman ang manggipit. Ang mundo'y malupit gayundin ang ibang taong nalulunod sa kapangyarihan, mga taong nabulag sa kinang ng kayamanan at ganid na maituturing kumpara sa karamihan. Ang equality na hinahanap natin ay hindi natin makikita dito kundi sa ibang panahon, sa ibang buhay ~ doon...walang mayaman walang mahirap, walang pinagsisilbihan walang taga-silbi, walang malinis walang marungis, walang makapangyarihan walang hikahos. Doon...sigurado may equality.

Monday, March 21, 2011

Kakatwa

Para sa kaalaman ng lahat at sa pagkakaalam ko ang "kakatwa" ay Filipino term ng ironic. Kakatwa, mga pangyayari o bagay na taliwas sa dapat na mangyari o mga bagay na inaasahan mo pero hindi naman nangyari. Gusto ko sanang titulo nitong blog na ito ay "Ironic" pero mas okay kung "kakatwa" dahil hindi na halos ginagamit ang salitang ito. Hindi man natin ginagamit ang salitang ito madalas naman itong nangyayari sa atin. Ito 'yung mga bagay na akala mo okay na ang lahat pero hindi pa pala! Mga sitwasyong sarkastiko minsa'y nakakatawa o nakakatuwa o di kaya'y nakakatuya pero ang totoo ay kakatwa. Just when you thought it could never happen!

* Naranasan mo na bang lagi kang may dalang payong pero hindi naman umuulan tapos sa sandaling iwanan mo ito ay bigla namang umulan?

* O di kaya, kung kailan lumabas ang mga paborito mong numero sa lotto o ending saka mo naman ito nakalimutang tayaan.

* Sa pagda-drive, sa lane mo ay hindi umaandar at 'pag lipat mo ay bigla namang umandar ang lane na inalisan mo.

* Kung hindi mo kailangan ang taxi marami kang makikitang bakante pero 'pag kailangan mo na sila isang oras na nakalipas wala pa rin.

* Sa pagsusulit, concentrate ka ng concentrate sa isang paksa pero pag actual exam na hindi naman naibigay.

* Sa pag-ibig, kung sino pa yung pinakagusto at pinakamahal mo siya naman 'tong walang pakialam sa'yo.

* Kung kailan ka nagmamadali at naghahabol ng oras saka naman bumanat ang matinding trapik.

* Tuwing weekdays tamad na tamad kang bumangon ng maaga pero pagdating naman ng Sabado o Linggo maaga ka naman nagigising.

* Nagsi-set ka ng iyong ideal man/woman pero taliwas naman ito sa naging boyfriend/girlfriend o asawa mo ngayon.

* Ang mga taong inaasahan mong magiging matagumpay sa buhay ay hindi nangyari.

* Ang mga bagay na akala mong hinding-hindi mangyayari ay nangyari din pala.

* Kung kailan mo kailangang-kailangan 'yung celphone saka naman ito maglo-lowbat o mauubusan ng load.

* Ang inaakala mong mamahaling celphone ay walang kapintasan pero kung kailan dapat mo siyang gamitin wala naman itong pakinabang. (Iphone ba 'to?)

* Gustong-gusto mong mag-videoke pero wala naman sa tono ang boses mo buti pa 'yung kapitbahay mo na hindi naman kagandahan mahusay kumanta. :-)

* Ingat na ingat ka isang bagay na 'wag magkamali pero ang ending may mali pa rin.

* Kung kailan mo gustong magbago at magpakatino saka naman dumadating ang mga pangyayaring susubok sa pasensya mo.

* Gutom na gutom ka na pero wala kang dadatnang pagkain.

* Kung kailan naka-sale ang paborito mong produkto doon ka naman walang pera.

* Kung kailan mo na-realize ang kahalagahan ng isang bagay saka naman ito biglang mawawala sa'yo.

* Kung kailan ka lubos na nag-iingat saka naman mayroong nangyayaring hindi maganda.

* Kung sino pa yung magaling mag-advise sa problema siya 'tong may mabigat na suliranin.

* Ayaw mo ng mayroong nagpapatugtog ng malakas pero 'yun ang ginagawa mo.

* Kung kailan mo hindi day-off saka naman nagkaroon ng gimik o importanteng lakad o okasyon ang barkada o pamilya mo.

* Sa pag-aabang ng sasakyan, kung kailan ka na nakasakay sa jeep o bus saka naman dumating ang maluwag at matinong sasakyang gusto mo.

* Kung ano pa 'yung gustong-gusto mong kainin 'yun pa ang ipinagbabawal sa'yo.

* Kung kailan mo gustong mag-absent o mag-halfday dun ka pa maraming gagawin.

* Kung ano pa ang hindi gaanong importante 'yun ang pinag-iipunang bilhin hindi nag-iipon para sa kinabukasan.

* Kung kailan ka masayang-masaya saka biglang darating ang mabigat na problema.

* Kung kailan ang "Fire prevention month" saka naman maraming sunog na nangyayari.

* Kung kailan may inisyatibo ang pulisya na sugpuin ang isang iligal na gawain saka naman ito lumalala.

* Kung ano pa 'yung ayaw mong palabas sa TV 'yun pa rin ang nakikita mo gabi-gabi.

* Kung kailan mo gustong mag-diet saka dumarating ang mga okasyong may kainan.

* Kung sino pa 'yung hirap sa buhay sila pa ang maraming anak.

* Kung sino pa 'yung salat sa pera sila pa ang mahilig sa bisyo.

* Kung sino ang pinakamabida sa isang usapan siya naman itong walang silbi sa oras ng pangangailangan.

* Kung sino pa 'yung akala mong tutulong sa'tin sa oras ng kagipitan sila pa ang unang-unang lalayo at iiwas sa'yo at ang hindi mo inaasahan ay yun pa ang mag-aalok sa'yo ng tulong.

* Kung sino pa yung may hindi kagandahan boses sa pagkanta siya pa ang nagna-number one sa sales ng CD.

* Kung sino yung galit na galit sa magnanakaw o naakusahang nagnakaw sila itong numero unong magnanakaw sa gobyerno!

Hindi ba naman kakatwa ang ganyang pangyayari? O dapat kong sabihing kakainis?
Ikaw, anong kakatwang bagay ang nangyari sa'yo?

Thursday, March 17, 2011

If you could do it all over again...


Madalas mo tinatanong sa'kin na, "if you could do it all over again, muli mo ba akong pakakasalan?"
Kahit dagli ko itong masasagot ng hindi pag-iisipan, kahit alam nating dalawa na kaya kong ipagsigawan sa lahat ang kasagutan ko dito, kahit alam kong nasagot ko na ito dati pa...pinili kong manahimik at magsawalang-kibo hindi sa wala akong maisagot o hindi ko alam ang aking isasagot.
Napansin kong bigla kang tumahimik. Kunsabagay, sino ba naman ang makakaimik pa kung ang iyong inaasahan ay hindi mangyayari.

"If you could do it all over again..." kung tutuusin wala namang silbi ang salitang ito. Isa lang itong pangarap, isang kataga na ang kasunod ay isang tanong na walang pupuntahan na kayang sagutin ng isang pampalubag-loob.

Walang sino man ang kayang ibalik ang nakaraan. Kung nakagawa ka ng isang pagkakamali pagsisisi ang katapat nito taliwas ito kung tama ang iyong nagawa walang humpay na saya at ligaya ang iyong madarama at aanihin sa paglakad ng panahon.

Maraming beses ko nang pinagmasdan ang kahapon at maraming beses na rin akong nalungkot sa tuwing maaalala ko ang malungkot na naging alaala nito.
Maraming beses ko na ring binalikan ang hindi kagandahang naganap sa aking nakaraan at maraming beses na rin akong lumuha sapagkat may mga bagay pa ring makakapagpaluha sa atin kahit na iwaksi at tibayan mo pa ang iyong damdamin. Dapat na itong iwanan at kalimutan.

Lahat ay may madilim at malungkot na kahapon subalit lahat ay mayroon ring masasaya at maliligayang nakaraan. Mga kahapong hanggang ngayon ay pinahahalagahan pa rin natin, mga nakaraang bahagi ng ating ngayon. At mga ngayon na pipilitin at gagawin natin ang lahat para maging bahagi ng ating kinabukasan.
Sa mga kahapong ito, sa mga nagaganap ngayon na gusto kong maging bahagi ng aking bukas...wala nang iba pang kasagutan kundi Ikaw, ikaw na aking nakaraan, ikaw na aking ngayon at ikaw na aking bukas.

Hindi ko man sagutin ang ang karugtong na tanong nang "If you could do it all over again..." gusto kong sabihin na: Nais kong ulitin ang araw na tayo'y sumumpa na mahal natin ang isa't isa kahit ngayon, kahit mamaya kahit bukas. Hindi ako magsasawa na gawin ulit ito at muli kong banggitin sa harap ng napakaraming saksi na Mahal Kita...sa hirap, sa ginhawa, sa lahat ng oras hanggang sa buhay ko'y magwakas.
Alam kong marami akong pagkakamali at maaring hindi ako perpekto sa maraming bagay pero mas maraming bagay ang hindi perpekto kung wala ka sa tabi ko.

Mahal kita kung hindi pa sapat 'yan ay sabihin mo kung ano pa ang dapat kong gawin para mapatunayan ko ito sa'yo at sa lahat. Mabigo man ako sa ibang bagay ay hindi naman ako nabigo na ikaw ang minamahal ko.
Ikaw na aking ngiti sa likod ng aking mga luha,
Ikaw na aking kasiyahan sa likod ng aking kalungkutan,
Ikaw na aking pag-asa sa likod ng aking kabiguan.
Hindi ko maisasaayos ang lahat sa buhay ko kung wala ka at ang iyong pagmamahal.

Maligayang Kaarawan!
Hindi na natin bibilangin kung ikaw'y ilang taon na ang mahalaga ay ang mga taon na kasama at kapiling kita.
Hindi ko man maibigay sa'yo ngayon ang orasang pangarap mong Philip Stein kaya ko namang ibigay sa'yo ang buong oras ko kung kinakailangan.
Hindi man mamahalin ang mga bagay na naibibigay ko sa'yo kaya ko namang ialay sa'yo ang tunay kong pagmamahal.
Hindi man materyal na bagay ang regalo ko sa'yo ikaw naman ang pinakamateryal sa buhay ko.
Muli...D, I Love you & Happy Birthday!!!

Thursday, March 3, 2011

Patawad

"Patawad".
Bukod sa "Mahal Kita" isa ito sa pinakagasgas at pinaka-inabusong salita na sinasambit ng mga tao. Ngunit sa kabila ng kasalanang nasa likod nito at kung susuriin ang positibong banda nito; ito'y masarap sa tenga at napakagandang pakinggan ~ isang pagsusumamo, paghingi ng kapatawaran, pagpapakumbaba at pagbaba ng "pride" upang mapagbigyan nang muli pang pagkakataon...upang maipamalas ang pagsisisi at pakiusap na muling mabuo ang tiwalang nagkalamat, paglimos ng awa at paunawa para muling maibalik ang nawalang respeto kaakibat ang pangakong hindi na muling mauulit ang pagkakamali at pagkakasala.

Ngunit bakit sa tuwing ibinibigay ang kapatawaran ay hindi naman ito kasiguruhan na hindi na muling mauulit ang pagkakasalang ito. "Walang taong perpekto at lahat tayo'y nagkakamali" madalas na gawin itong katwiran ng mga nagkakasala subalit ang tao'y maraming pagkakataon na hindi magkamali ngunit gagawin at gagawin pa rin ang gusto kahit na walang buti ang dahilan saka na lamang ang pagsisisi kung mabibisto o mahuhuli. Ginagawang hustisya ang pagiging "tao" para sa paulit-ulit na kasalanan.

Nagsasawa ka na ba sa kababanggit ng "patawad"? O mas nakakasawa ang paulit-ulit na marinig ito? Bakit ba sa tuwing nagpapatawad tayo'y lalo lang tayong nagbibigay ng pagkakataon na tayo'y muling masaktan? Sadya bang matigas ang ulo ng tao o kailangang mapagtanto na huli na ang lahat para maging ganap ang pagsisisi? Kung tutuusin hindi na kailangang ulit-ulitin pa ang paghingi ng tawad sapat na ang isang beses na sambitin ito ngunit kasabay nito ang ganap na pagbabago. Hindi ang pangako, hindi ang salitang patawad ang mahalaga dahil madali itong sabihin at madali rin itong hindi tuparin. Mas makabubuting ipakita sa kilos ang paghingi ng tawad hindi sa kung anong kayang banggitin ng bibig.

Maraming mga tao ang hirap banggitin ang patawad ngunit marami rin ang piniling humingi ng pang-unawa subalit para saan ba ang paghingi ng patawad kung ang nais mo lang ay mapagbigyan at paraanin ang iyong pagkakamali.

Kung ikaw'y nakagawa ng isang pagkakamali ang paghingi ba ng patawad ay makakapagpabago ba sa sitwasyon?
Kung nagkasala ka at nagdulot ng sakit na higit pa sa luha maitatama ba nito ang pagkakamali o pampagpalubag-loob lamang sa inyong dalawa?
Kung pinilit mong magbago at handa mong pagsisihan ang nagawang mali sapat na ba ang Patawad?

Ang iyong patawad ay hindi sapat. Hindi na maibabalik pa ang panahon para itama ang mali o hindi na gawin ang pagkakamali. Ang lahat ng iyong mga dahilan makatwiran man ito o hindi ay hindi na gaanong mahalaga ~ ikalawa na lamang ito dahil nakapanakit ka na at nagawa mo na ang kasalanan, tapos. Basag na ang tiwala gayundin ang iyong pagkatao subalit hindi man maibalik ng "patawad" ang mga kahapon malaking bagay ito para muling masuyo ang taong nasaktan.

Paano ka ba humingi ng tawad?
Nakapikit at hawak ang kanyang kamay habang nagbibitaw ng pangakong mapapako?
Sa text, sa e-mail, sa sulat o sa telepono dahil hindi mo kayang humingi ng tawad nang nakatingin sa kanyang mga mata?
Taos-puso at tumutulo ang luha na umaasa nang kapatawaran?
O sasabihin mo lamang na patawad upang maibsan ang sakit na dinulot nang iyong pagkakamali at pagtakpan ang ginawang kasalanan?
Ngunit masasabi bang kasalanan at pagkakamali ang isang ginawa kung hindi naman ito ganap na inaamin? At patuloy na nalilibang at nahihibang kaya't paulit-ulit itong nangyayari.

Tatlong bagay ang hindi na natin kayang ibalik at bawiin kahit na paulit-ulit mong banggitin ang salitang patawad; ang nasayang na oras at panahon, ang masasakit na mga salitang binitiwan at mga maling bagay na ginawa na nagdulot ng sugat at pasakit. Naniniwala akong may pag-asa pang mabuo ang may punit nang tiwala sa tamang oras at panahon ngunit ang oportunidad nang pagbabago ay hindi palagiang nakabukas huwag nang hintaying magsara ito nang tuluyan. Baka magising na lang isang umaga na wala ka nang dahilan para bumangon at lahat ng iyong inaasahan ay tuluyan nang maglaho na parang sunog ~ wala kang magawa kundi pagmasdan ang nauupos at natutupok na pag-asa.

Madali ang magpatawad ngunit ang sugat ng kahapon ay hindi madaling maghilom dahil may maiiwan itong pilat na kahit na anong gawin ay hindi maitatago, ang multo ng nakaraan ay pabalik-balik lamang kung hindi natin kayang panindigan ang pagkakamali at taos-sa-puso ang pagsambit ng kahit na simpleng pagsusumamo ng patawad at paumanhin. Kung hindi tayo matututo sa pagkakamali at hindi natin nalaman ang mga aral nito huwag mo nang banggitin ang salitang patawad at hindi rin angkop sa iyo ang pagpapatawad. Higit na mahalaga ang ngayon at ang bukas kaysa kahapon kung hindi mo ito alam ay wala ka pa ring natutunan sa aral ng buhay. Baka huli na ang lahat ay saka mo pa lang ito malaman...Sayang.

Kung ang Diyos ay nagpapatawad ang tao naman ay may hangganan, maaaring ikaw ay muling mapatawad subalit maari ring ikaw ay hindi na mabigyan pa ng pagkakataong makabawi sa pagkakasalang muli mong ginawa. Baka dumating ang panahon na iyong tahakin ang isang tahanang nakapinid na ang pintuan ng pagkakataon, tuluyan nang nakasara ang bintana ng pagsisisi, wala nang paliwanag at katwirang tinatanggap ang nagugulumihanang isipan at manhid na animo'y bato ang dating malambot at sugatang damdamin...at hindi na sapat ang kahit na anong uri nang pagsusumamo o ang paulit-ulit na paghingi mo ng "Patawad".