Tuesday, July 27, 2010

Lakbay (unang yugto)


Hindi ko alam kung bakit ako nandito.
May amnesia yata ako. Maraming bagay akong hindi naaalala.
Hindi ko alam kung sino ako at paano ako napadpad dito.
Pero parang may bumubulong sa akin.
Maunlad. Siguro'y doon ako dapat magtungo. Baranggay Maunlad.
Marahil kung ako'y mapunta doon may mga makakakilala sa'kin.
Hindi ko alam kung gaano ito kalayo at kung gaano katagal ko itong lalakbayin.
Tatahakin ko ang landas kung saan siguro ako nararapat.
Tadhana ko kayang maglakbay? O manatili na lang ako kung saan ako namulat?

Parang wala na kong ibang pagpipilian.
Sinimulan kong mag-lakad. Wala naman akong nakikitang kakaiba.
Bagamat maraming mga tanod hindi naman nila ako inaabala.
May mga kaunting kaguluhan pero sa kabuuan maituturing pa din namang tahimik ang paligid.
Natapos ang dalawang araw ng paglalakbay ko pero parang hindi ako nakakaalis sa aking pwesto.
Napagod ako at nagpahinga. Nahimbing. Gumising ng may dalang pag-asa.
Sa muli kong paglalakad ako'y may nakasalubong.
Lalaki. Mukhang matalino. Maganda ang suot nya at kasama nya sa paglalakad ang isang napakagandang babae na may suot na may makikinang na alahas. Sinubukan ko syang lapitan, sa umpisa'y itinaboy ako ng kanyang mga tanod pero sa kalauna'y napagbigyan din ako. Kinamayan nya ako. Pagtanggap ba ito? o Pakitang-tao? Hindi ako interesado kung anuman. Ang mahalaga ako'y hindi napahiya. Ngumiti sya sa akin at gayundin ako sa kanya. Tiningnan ko ang kasama nyang babae. Walang reaksyon. Hindi man sya suplada hindi rin naman sya palabati.
Marami naman akong pwedeng mapagtanungan pero sa kung anong dahilan, sa kanya ko naibulalas ang aking tanong: "Saan po ba ang daan patungong Baranggay Maunlad?" Itinaas nya ang kanyang kamay at may itinurong direksyon. Bago pa man ako makapagpasalamat ay naitaboy na rin ako ng kanyang mga tanod kasama ng iba pang mga gustong lumapit sa kanya.

Ayon sa aking mga nadining 'yun daw ang Kapitan ng Baranggay dito sa Brgy. Bagong Lipunan.
Ang pangalang daw niya ay Kokoy. Kapitan Kokoy.
Hindi ko na binigyang-pansin ang iba pang detalye sa buhay ni Kap.
Sapat ng nalaman ko ang kanyang pangalan at maituro sa akin ang tamang direksyon ng aking patutunguhan. Pinagpatuloy ko na ulit ang aking paglalakbay. Katulad ng unang dalawang araw.
Tinatahak ko ang daan nang wala akong iniisip na panganib.
Sumapit ang gabi at muli akong nagpahinga.
Ika-apat na araw. Napadaan ako sa isang napakagarang istraktura.
Malaki, malawak animo'y simbolo ng kapangyarihan.
Maraming mga tao. May nagbulong sa 'kin ito raw ang tahanan ni Kap.
Ah, napakagandang Bulwagan ng Baranggay aniko.
Sa aking pagoobserba patuloy na kumakapal ang mga tao. Bata, matanda, estudyante o ano mang estado sa buhay ay narito. Hindi upang humingi ng tulong o bumisita kundi lahat sila'y nagpo-protesta, nagaaklas.
Sa kabila di-umano ng kagandahan at kaunlaran ng baranggay na ito ay nagtatago ang mapanupil na lider. Na ang karangyaan ng kanyang pamilya ay hindi galing sa kanilang pamilya kundi galing sa pondong inilaan para sa kanyang kabaranggay. Tumahimik ako. Mahirap magkomento dahil hindi ko alam ang totoong kwento. Maaaring ikapahamak ko ano mang maling sasabihin ko. Kasabay sa pagkapal ng mga tao dumami rin ang mga tanod na bumabarikada at nagbabantay sa bulwagan ng baranggay.
Ang mga sumunod na pangyayari ay hindi ko nagustuhan. Ang kanina'y maingay na paligid ay lalo pang naging malakas. May sunog na nagaganap at nakarining na rin ako ng putok ng baril. Nagtakbuhan ang kanina'y nagaaklas. Magulo. Napakagulo. At pagkatapos na lahat na ito; napakaraming sugatan at duguan bukod pa sa natagpuang mga taong wala ng buhay.
Lalo kong naisip ang makaalis sa lugar na ito. Hindi ko kakayanin ang ganitong senaryo.
Ika-lima at ika-anim na araw ay halos walang pinag-iba bagkus ay dumami pa ang kaguluhan. Kabi-kabila ang nagpoprotesta na kagyat lang na nagsasalita ay inaaresto na. Pangkaraniwan na lang ang tanawing may nasusugatan at namamatay sa bawat kilos-protestang ito.
Sa pamamalagi ko ng anim na araw dito sa Brgy. Bagong Lipunan ay hindi ko masasabing manhid na ako sa ganitong pangyayari. Nais ko nang makatakas sa lugar na ito. Ang anim na araw ay parang katumbas ng habang-buhay.
Akala ko'y nakita ko na ang lahat, naranasan ko na ang masalimuot na yugto ng aking buhay pero may gugulat pa rin pala sa akin; Sa ika-pitong araw ko ay nagising ako ng para akong nasa digmaan. Ang Baranggay Hall ay napuno ng hindi mabilang na mga tanod; maraming tao ang pilit na inaresto at kinulong ng walang dahilan; maraming mga tumatangis dahil sa nawawala nilang mga kaanak; ang mga dating sumisigaw at humihiyaw ay hindi na nakuhang magsalita o bumulong man lang; parang mga aso na may busal ang mga bibig; bala o kamao ang tangi nilang alam para masupil ang maiingay.
Kamay na bakal daw ang sagot ni Kapitan Kokoy sa malaganap na kaguluhan sa Brgy. Bagong Lipunan. Ipinatupad ang Baranggay Ordinance 1081.
Napailing ako. Wala akong magawa. Tumutol man ako'y baka ako naman ang pagbuntungan ng kanilang galit.
Kagyat na tumahimik ang Brgy. Bagong Lipunan. Hindi ko wari kung ang kahulugan nito'y pagsugpo sa gulo o pagkontrol sa kalayaan ng tao. Ang nakikita ko lamang na nakatawa at nakangiti ay ang mga tapat na tanod na sa tingin ko ay gagawin ang lahat ng ipaguutos ng kanilang Kapitan. Hindi ko na nasilayan pa ang mukha ni Kap at ng kanyang maybahay. Marahil ay nagtatago o natatakot sa poot ng kanyang kabaranggay. Sa tuwing sasapit ang gabi ay wala ng tao sa kalsada. Putok ng baril at huni ng ibon ang bumabasag sa katahimikan ng gabi. Sadyang nag-iba na ang baranggay na ito. Kailangan ko na talagang makaalis.
Tinangka kong tumakbo at hanapin na muli ang Brgy. Maunlad subalit kahit anumang gawin kong paglakad-takbo ay parang umiikot lang ako. Baluktot ang daan, maputik kung tag-ulan; maalikabok naman sa tuwing maaraw. Bawat daanan ko'y maraming tanod na nakamasid siguro'y binabantayan ang aming mga kilos. Datapwat wala akong balak na kalabanin si Kap tiyak ako hindi nila ito pakikingan. Ang turing nila sa lahat ay kalaban. Hindi ko namalayan siyam na araw makalipas ipatupad ang Ordinansa ngayon ito'y binabawi na. Kontrolado na raw ang baranggay at maunlad na rin sa kabuuan. Napangiti ako. Ngiting-aso. Ang lumalabas sa kanyang bibig ay taliwas sa nangyayari batid ko ito sampu ng kanyang kabaranggay. Umunlad ang nasa pwesto pero hindi ang buong baranggay. Kontrolado ang lugar dahil ang sinumang tumutol ay inuutas o pinipiit.
Dahil sa pagbalik daw ng demokrasya, sa araw ding yun may magaganap daw na halalan sa pagkakapitan. May mga lumaban pero alam ko namang ito'y pakana lamang. Gaya ng inaasahan, si Kapitan Kokoy ay nanatili sa pwesto. Wala mang tumatangkilik sa kanya pero mas makapangyarihan ang pera at pwersa.
Iwinaksi ko ang bangungot sa pagkakapunta ko sa lugar na ito; ako'y muling naglakbay. May lakas at ulirat pa naman akong natitira. Sa pagkakatanda ko'y ikalabing-anim na araw ko na dito sa mala-impyernong baranggay na ito. Hindi ko makuhang magsisi dahil ito na ang aking nakamulatan; hindi ko rin kontrol kung ano ang dapat at hindi dapat na mangyari. Nanlilimahid at umaalingasaw na ako. Hindi ko na nakuha pang mag-ayos ng sarili dahil sa bilis at lupit ng pangyayari. Labis na pagod at gutom na rin ang nararamdaman ko; iilang piso na lang ang nasa bulsa ko ninakaw pa ng mga tanod na nagsagawa ng checkpoint. Muli akong nagulantang sa bagong balita mayroon na naman daw pinaslang. Mayroon pa bang kakaiba sa balitang ito? Ilan na nga ba ang napaslang sa pamamahala ni Kap? Aksidente man ito o hindi. Subalit ang nagbabalita nito sa akin ay lumuluha bagamat hindi nya ito kaanak siya raw ay lubos na nalulungkot at nanghihinayang. Nakinig ako. Tila magiging emosyonal na rin ako sa pagkakataong ito. Ang naturang pinaslang daw ay ang posibleng magbalik ng tunay na kalayaan sa Baranggay Bagong Lipunan; ito raw ang may tapang na salubungin at sanggahin ang bawat ulos na bibitawan ni Kap at ng kanyang mga tanod; ang pangalan daw ng pinaslang ay JR. Gaya ng dati walang nagawa ang buong baranggay kundi bumunghalit ng iyak. Inilibing sa JR na halos buong baranggay ay nakiramay; umiiyak ang madilim na langit at ang baha ay hindi galing sa ulan kundi galing sa luha ng nakamasid at tumatangis na mga tao.
Sa aking ikalabing-siyam na araw pansin kong lahat ay mugto ang mata; ultimo mga tanod ay dumidistansya nakababa ang mga mukha sa tuwing masasalubong; nahihiya ba sila o nagbabait-baitan lang? Halatang nagtitimpi at nagpupuyos sa galit ang pilit na itinatago ng mga tao sa Baranggay Bagong Lipunan. Masisisi ba sila sa kalbaryong kanilang hinaharap at nararanasan? Patuloy ako sa pamamasid ng biglang dumilim ang aking paligid. Nakaramdam ako ng sakit at init sa kanang balikat.
Pagmulat ko at pagbalik ng aking isip ako'y nasa isang pagamutan. May tama raw ako ng bala at kung hindi raw naagapan ako'y pinaglalamayan na pero 'wag na daw akong mag-alala dahil ako'y ligtas na. Ang nagsasalita ay hindi doktor o nars; siya daw ang nakakita at nagdala sa akin sa pagamutang ito. Siya na rin daw ang magbabayad ng gastusin sa gamot at doktor. Nagpasalamat ako bagamat ako'y kailangan pang magpahinga naitanong ko ang kanyang pangalan; siya daw ay si Cora; Kapitan ng Baranggay Demokrasya.

-itutuloy...

Sunday, July 25, 2010

Tubeeeeg!! (wala na po...)


Milyong beses ko nang narining na hindi bale ng walang kuryente 'wag lang mawalan ng tubig ibahin kaya natin; hindi bale ng walang tubig 'wag lang mawala ang facebook. Hehe. Joke lang, nagpapatawa lang ako. Ang totoo maraming mga bansa ngayon ang nakamasid sa atin at ngayo'y nakatawa dahil sa isa na namang problema ng Pilipinas. Habang ang suliranin ng ibang mga bansa ay makarating sa iba't-ibang planeta o makagawa ng autong lumulutang sa hangin o bakuna/gamot laban sa mapanganib na AIDS heto tayo namumroblema sa isang simpleng suliranin lang ng iba: Tubig.

Sa isang pelikula o kwento, hinahalintulad ang ulan sa isang malungkot na karakter. Na sa tuwing may dinadalang problema ang bida; nababalot ng dilim ang kapaligiran at biglang bubuhos ang napakalakas na ulan na animo'y hindi na hihinto. Dahil ang ulan sumisimbulo na isang dagok at kalungkutan sa buhay.

Sa pagkakataong ito hindi muna kalungkutan ang turing natin sa ulan. Kahit na alam nating may kabuntot na baha, traffic, minor accident at malulubog na naman sa baha ang sasakyan ko. Okay lang 'yan sa 'kin at malamang sa inyo rin. Marami ang nagdarasal at nangangarap ngayon na sana'y madagdagan ang buhos ng ulan na dumating sa atin na hindi na alintana ang anuman ang negatibong resulta nito sa karamihan. Mayaman man o mahirap ay apektado ng krisis na ito. Pero syempre mas madaling makagawa ng solusyon kung ika'y mayaman.

Para tayong mga nanlilimahid na pulubi na nakatanghod at naghihintay ng abang-limos galing sa kinauukulan. Na hindi pera ang nais na maibigay kundi tubig! Apektado na ang pag-iisip mo dahil sa kawalan ng tubig. Walang pang-saing, walang panglinis at pangsabaw sa pagluluto, walang ligo, malagkit ang katawan, mabaho na ang mga bata at tambak na labahan.

Parang kailan lang, namumroblema ang mahal kong Pilipinas kung papaano idi-dispose ang labis na tubig sa posibleng pag-apaw ng ating dam. Naging sanhi pa nga ito ng pagbubuwis ng buhay ng marami, labis na pagbaha, pagkasira ng pananim at pagkawasak ng tahanan sa may Pangasinan area. Ang dahilan: pagpapakawala ng tubig sa San Roque Dam. Isang buwan lang bago ito bumaha at lumubog ng husto ang NCR at karatig probinsya dahil naman kay Ondoy. On the average, may 20 bagyo ang dumadaan sa Pilipinas hindi pa kasama dito ang pangkaraniwang buhos ng ulan tuwing panahon nito. Sa palagay ko hindi pa sapat yun para maibsan ang pagkukulang natin sa tubig dahil heto tayo may brand new problem in the name of water.

Pero teka hindi ba nakakatawang isipin (should i say nakakalungkot?) na ang Pilipinas ay isang bansang arkipelago na napapaligiran ng tubig? At marami-rami ring ulan ang bumabagsak sa atin (kaya madalas ang baha 'di ba?) kumpara sa mga middle east countries na hindi pa naman so far nagkakaroon ng ganito katinding krisis sa tubig. Ano na naman ba ang nangyayari sa atin? Masyado na ba tayong makasalanan at tayo'y pinaparusahan sa kasalanang pinag-gagawa natin? O sadya lang paatras mag-isip ang adminstrasyong humahawak sa patubig? Sadista ba sila? Na gustong-gusto nilang nahihirapan ang mga tao sa pagpila at kakahintay ng kanilang precious water?

Mga sana. Kung pu-pwede pa lang madagdagan ang tubig sa dam sa pamamagitan ng cloud seeding SANA dati pa 'yun isinagawa nung hindi pa ganito kalala ang sitwasyon. Noong nalubog sa baha ang halos buong Pangasinan SANA sa Batasang Pambansa na lang napunta ang mga tubig at SANA may sesyon noon at kumpleto ang lahat ng magigigiting nating Kongresista. Noong nagkaroon ng lagpas tao na baha na dulot ng Ondoy SANA nadamay na rin ang Malacañang noon, napakaganda sigurong pagmasdan na ang babaeng nakatira doon ay nasa bubong at humihingi ng tulong.

Sa dami na ng problemang sumalubong kay P-Noy kabilang na dito ang kahirapan, trabaho, tag-gutom, mga utang, edukasyon, kakulangan sa budget, korapsyon, modernisasyon sa lahat ng sangay ng gobyerno, eleksyon, anomalya at scandal ng nakaraang rehimen at napakarami pang iba; nadagdag pa 'to sa sakit ng ulo niya at ng kanyang mga kababayan na ani nya ay kanyang Boss.

Ang krisis ngayon sa tubig ay siguradong malalampasan nating mga Pinoy dahil tayo ay likas na matiisin at mapagpasensya. Kung nakapagtiis nga tayo ng siyam na taon sa kuko ng mangkukulam na itatago natin sa pangalang Gloria dito pa kaya sa problema natin sa tubig na tatagal lang siguro ng isa o dalawang buwan o posibleng mas maaga pa.

Thursday, July 22, 2010

Sa Iyong Pagtawid


Ang pagkamit ng tagumpay ng isang tao ay maihahalintulad ko sa pagtawid ng isang tao sa isang napakalawak na kalsada. Hindi mo mararating ang isang lugar from point A to point B kung hindi mo ihahakbang ang iyong mga paa. Maraming balakid, abala at sagabal sa pagkamit ng napakailap na tagumpay. Gayundin sa pagtawid sa kalsada maraming iba't-ibang sasakyan na rumaragasa at humahagibis na karamiha'y walang pakialam sa katulad kong tumatawid.

Sa iyong pagtawid tumingin ka sa iyong kaliwa baka may mga sasakyang nagmamadali kahit na sila'y dapat nakahinto dahil sa ilaw na pula hindi nila 'yun pinapansin dahil ang gusto nila'y makauna. Luminga sa iyong kanan baka mayroong sasakyan na sumasalubong at dumadagundong sa bilis at ang ibig naman ay makaisa. Bagamat wala akong naringgang wangwang ay nakabukas ang mga ilaw sa gitna ng nakatirik na araw.
Walang nagsabi na madaling makamit ang tagumpay bagamat mayroong iilan na nabuhusan ng biyaya na dagling umunlad at yumaman na parang nakatagpo ng footbridge sa kahabaan ng EDSA. Ngunit ang katotohanan, paghagilap sa tagumpay ay walang shortcut, walang footbridge, walang traffic light. Ikaw ang magdedesisyon sa iyong buhay kung dapat ka nang tumawid o hindi pa, kung hihinto ka muna o magpaparaya sa iba.

Sa iyong pagtawid hindi ka nag-iisa marami ring gustong umunlad at makamit ang tagumpay, sila ang makakasama mo sa pagtahak ng iba't-ibang landas ng buhay. Impluwensya man o inspirasyon ang tawag mo sa kanila ikaw ang makakasagot nito. May mga taong di-umano makakasama mo sa pag-abot ng tagumpay pero dadalhin ka lang pala sa malayo at tuluyan ka ng maliligaw. May mga taong mag-gagabay sa'yo at kasama mo sa pagtamasa ng matamis na tagumpay hanggang sa dulo'y hindi ka iiwan. Pamilya o kaibigan ang tawag sa kanila. May mga taong sumubok na tumawid subalit nakuntento nang manatili sa island ng kalsada. Siguro'y naranasan na nila ang mabigat na suliranin kaya't sa tingin nila ay mas ligtas kung mananatili sila sa gitna ng kalsada. Tatawid pa ba sila? o Ayaw na nila? Hihintayin na lamang ba nila ang isang milagro na may magtatawid sa kanila? o Hanggang sa tumanda ay ganito ang kanilang kalagayan?

Sa iyong pagtawid hindi maiiwasang may matatanaw na naaksidente o nadidisgrasya, sila ang maagang sumalubong sa takip-silim ng buhay at hindi na masisilayan pa ang bukang-liwayway ng tagumpay. Sila na may ibat-ibang kadahilanan ang pagkamatay, sakit, aksidente o kagagawan ng iba. Hindi lahat ng nakamit ng iba ay makakamit mo rin, hindi lahat ng kanilang kasiyahan ay pwedeng kasiyahan mo rin, minsan ang dahilan ng kanilang kalungkutan ay dahilan naman ng iyong kaligayahan.

Sa iyong pagtawid maaaring maging matagumpay ka o kabiguan ang iyong masasalubong dahil hindi mo natawid ang hangganan o naligaw ka sa paghanap nito. Maaaring kasama mo pa ang iyong pamilya sa paghahanap ng mailap na kapalaran maaari namang sila na ang magpatuloy ng iyong nasimulan.

Sa iyong pagtawid maaaring makamit mo ang rurok ng katandaan, ipipinid mo na iyong mga mata, magpapantay na ang mga paa, kukulubot ang mga balat at magkukulay abo na ang iyong buhok pero ang hinahanap mong tagumpay ay hindi mo pa rin nakikita. Naging masalimuot o bigo ka man sa iyong pagtawid dito sa mundo, hindi ka na luluha 'pag nakatawid ka ng walang galit, pag-iimbot at kasalanang imortal, 'pag tuluyan ng nagpahinga ang iyong pagal na katawan kasabay ng iyong pagod na isipan.

Monday, July 12, 2010

Como Tu Te Llama?


Comu Tu Te Llama? spanish words that means: "What is your name?"

Ano nga ba ang pangalan? Gaano kaimportante ito at ano ba ang kaugnayan nito sa ating buhay at future natin?
Sabi nila all is fair in love and war (which I doubt) pero bukod sa love and war, pantay-pantay din ang mahihirap at mayayaman pagdating sa pagbibigay ng pangalan. We all have liberty to choose whatever first name na maisip mo para sa mga anak mo pero ibang usapan na kung last name ang gusto mong palitan.

Ang mga pangalang Cassandra Czarina o Denzel Demarcus ay mga pangalan na napakagandang pakinggan na hindi eksklusibong pagmamay-ari ng sinuman mayaman man o mahirap. Hindi ito katulad ng isang kanta o imbensyon na pwede mong ipa-copyright at ipangalandakan sa buong mundo na ikaw ang nagmamay-ari nito.

Sa isang chatroom o sa iyong YM name madalas na hindi natin binibigay ang ating real name bagkus nag-i-isip tayo ng unique, catchy, nice, cool, cute o astig na sign-in name/s para maitago ang ating identity. Ang iyong pangalan sa YM o iba pang chatroom ay nagbibigay ng iba't-ibang interpretasyon sa bawat ka-chat mo o sa makakabasa nito. Pipiliin mo ba ang real name mo na "Arnulfo" o ang pacute na "ArtisticArn" o mas papaboran mo ang sign-in name na "Conchita" kaysa ang naughty name na "Cheatedgirl69"? Depende sa'yo yan kung ano ang gusto mong maging dating sa chatmate o kung sino mang makakabasa nito.

May mga pangalan na kapag narining mo ay may mga naglalaro na kaagad sa isip mo either negative o positive vibes. Ang ating pangalan ay very very tricky, pwede nating i-a-apply ang kasabihang: "don't judge the book by its cover" gagawin lang nating: "don't judge the person by its name".

Iisipin mo ba na ang taong nagngangalang Alexander Del Orientes ay nakatira sa isang slum area?
At ang taong may pangalan namang Casimiro Batungbacal ay isa namang Milyonaryo?
Aakalain mo ba na ang babaeng may pangalang Tiffany Dela Cerna ay isa palang tomboy?
At Ang machong pangalan na Melchor San Pedro ay isa palang bading?

Napakalaki ng kaugnayan nng ating pangalan sa ating buhay, nakasalalay dito ang ating kinabukasan at kung paano ka itrato ng ibang tao. Naaalala ko pa sa isang dokumentaryo ni Howie Severino sa I-witness tungkol sa pangalan. Sa isang bayan sa Ilocos Norte, may isang lalaking nagngangalang: James Pecpec hindi siya magkaroon ng girlfriend hindi dahil sa pangit siya o sa masama ang kanyang ugali kundi dahil sa taglay nyang last name na: Pecpec. Isipin mo na lang kantyaw na aabutin ng babaeng kanyang mapapangasawa at kanyang mga anak kung magiging apelyido niya ay, Pecpec. At ang kanya namang kapatid na si Erica Pecpec ay hindi nag-aral ng kolehiyo hindi dahil sa bobo siya o wala silang pera kundi dahil napagod na siguro sya sa pagtanggap ng tukso at pag-aalipusta sa kanyang pangalan ng kanyang magiging bagong classmates. Malamang na ito rin ang maging kapalaran natin kung ang ating last name ay Pecpec.

May mga pangalan naman na mabasa o marining po lang ang kanilang last name ay kilala mo na agad ang background ng family nila. Tulad ng Zobel de Ayala (multimillionaire), Cojuangco (heredero), Osmeña (powerful clan at Cebu) o Macapagal (political family hail from Pampanga). May mga mga pangalan naman na disadvantageous sa taong mayroon nito. Ano ba ang itatanong mo sa bago mong kaibigan kung ang apelyido niya ay Echegaray? Kung foreigner naman, ang last name nya ay Hitler?At kung nakapangasawa ka ng Europeo at ang last name ay Borat nanaisin mo bang dito sa Pilipinas manirahan?

Dating back hundred years ago during the Spaniards' occupation, at sa kung anong dahilan marami sa ating mga Filipino ancestors ang napalitan/pinalitan ang mga apelyido ng Spanish sound/like na surname tulad ng kina Jill Gutierrez, Lira Dela Cruz, Ivy Marie Aquino, Jose Mari Perez, Arlene Hernandez, Leilani Castro o Milo De Guzman at iba pang mga Spanish name sounds; maaaring naging advantage ito sa karamihan sa atin dahil gugustuhin mo bang magkaroon ng ganitong mga makalumang Pilipinong apelyido: Labatiti, Dimakatae, Bagonggahasa, Baktol, Dalawangbayan, Bayug, Panti, atbp. Marami pa ring Pilipino ay may ganitong taglay na apelyido gustuhin man nilang palitan ito ay hindi ganoon kadali o kasimple. Matagal at higit sa lahat magastos! Tayo pa namang Pilipino ay mahilig manukso o mangantiyaw kaya kung katulad ng nabanggit ko na makalumang apelyido malamang simula pagkabata hanggang ngayon panay tukso ang inabot mo.

As I've said earlier, ang ating pangalan ay tricky at medyo misleading.
Aakalain mo ba na si Loreto Baloyanto Payongayong Jr. ay wala pang 30 y/o?
Ang seryosong pangalan na Severino Cruz ay isang taong palatawa?
Kung maririnig mo ang pangalang Nathaniel Narvacan, hindi ba parang Congressman ang dating?
Ang kumpare kong si Alfonso Gonzales ay animo'y professional driver sa F1 ang pangalan.
Si Mr. Harold Rivera naman ay parang Professor sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
Ang pangalang Danny Soliman ay sounds like a Professional Billiard Player.
Samantalang, si Ms. Leah Legal naman ay tunog-abogado ang first perception.
Ang pangalan namang Ana Rica Sanchez ay parang bida sa Sexy Films.
Maraming nag-aakala na ang pangalang Arlene Sundiam ay isang muslim.

Ang pagkakaroon ng napaka-common na pangalan ay nagdudulot naman sa tao ng dalawang bagay: Respeto o kapahamakan. Respeto dahil ang dinadala mong pangalan ay nagbigay ng karangalan sa Pilipinas tulad ng Recto, Magsaysay, Rizal atbp. Pwede ring kapahamakan dahil madalas na magkaroon ng mistaken identity sa taong involved na may katulad na pangalan. Tulad ng Jonathan Sison, Robert Delos Santos o Vince Cruz, sa pagkuha ng NBI o Police Clearance madalas na sila'y nahu-hold dahil mayroon silang kapangalan na nagkaroon ng kaso. Naaalala nyo pa ba ang OFW na si Jason Aguilar? Nadeport siya galing Middle East dahil kapangalan nya ang wanted na si Jason Aguilar Ivler.

Sa ating modernong panahon at para makaiwas na rin sa pagkakapare-pareho ng mga pangalan, marami na ang nag-iimbento ng kung anu-anong pangalan tulad ng anak ni Ely Buendia na Eon Drake o anak ni Angelina Jolie na Maddox. Mas makabubuti rin siguro na may second name kang ibibigay sa anak mo bukod sa moderno ay maa- appreciate ng bata sa kanyang paglaki hindi yung tampulan siya ng tukso hanggang sa pagtanda. Tulad ng mga kombinasyong-pangalan na Donna Minette, Leidee Jaizzle, Leslie Ann, Argel James, Francis Kenneth o Dianne Kristine.

Kung hindi naman pangkaraniwan ang surname mo mas malaki ang porsyento/possibility na kamag-anak mo (malayo man o malapit) o galing sa iisang angkan/probinsya ang inyong pinanggalingan ang taong mai-encounter na may kaparehong apelyido. Ilan sa mga may ganitong surname ay: Zurbano, Cariaga, Gollena, Arucan, Feilden, Dacallos, Cutillas, Tortal, Sabangan, Fetalcorin, Jusay at Madali.

Malaking bagay din ang Pangalan sa pagpasok sa showbiz. Gumagamit sila ng screen name na catchy para madaling ma-recall ng fans. Kung ginamit kaya ng mga celebrity na ito ang kanilang real name ay sumikat kaya sila? Ilan sa kanila ay sina:
Esmeralda Tuazon - Amy Austria / Demi Moore - Demetria Guynes
Angelica Colmenares - Angel Aquino / Bruce Lee - Lee Yuen Kam
Rachel Taleon - Dawn Zulueta / Barry Manilow - Barry Pincus
Abelardo Ho - Dennis Trillo / Lady Gaga - Stefani Joanne Germanotta
Heart Evangelista - Love Marie Ongpauco / Natalie Portman - Natalie Hershlag
Gwen Garci - Mai lee Ang / Rihanna - Robyn Rihanna Fenty
Lani Misalucha - Lani Bayot / Vin Diesel - Mark Vincent


May mga pangalan na nakakatuwa na kapag nabasa mo ay mapapangiti ka at parang may kulang sa kanilang mga pangalan. Ilan sa mga naisip ko ay: Gary Valencia, Piolo Pascua, Mark Anthony Fernan, Carmina Villar at Regine Velasco. Sa ating mga teleserye o sa mga pinoy Film madalas na ang mayayamang bida ay may mga pangalang tunog-mayaman; Ilan sa mga naalala kong madalas gamitin na mga tunog-mayaman na Pangalan ay: Buenavista, Montenegro, Buenaventura at Montemayor.

Kung ako ang tatanungin dapat ipagbawal ang paggamit ng pangalang Hesus o Jesus dito sa atin. Bakit? Paano kung lumaking pasaway, gago o tarantado ang taong may taglay nito? Hindi maiiwasan na murahin siya ng naagrabyado nito ngunit paano? Tarantado talaga 'yang si ______! Although hindi ito patungkol kay Bro, Pangit pa rin pakinggan di ba?
Kung may pagkakataon naman na baguhin naman ang pangalan ko, gusto kong ipangalan sa'kin ay Jared Montevista - tunog mayaman 'di ba?.
Parang Bruce Springsteen na Born in the U.SA.
Jared Montevista - Born in the Phililppines.

Ikaw, kung papalitan ang pangalan mo ngayon, Anong pangalan ang gusto mo?