Tuesday, October 25, 2016

MARIA




I.
Hinahanap ko sa
kasalukuyan ang
wangis mong bukod
na pinagpala sa babaeng
lahat, ang siyang
babaeng walang sala't
sakdal linis na
nagluwal kay Hesus
na Hari ng awa,
ang siyang babaeng
puspos ng luwalhati
at pananampalataya
sa  mundong puspos
ng pagkakasala.
Bagaman maririnig
lamang ang ngalan
ng Ama,
ng Anak at
ng Espiritu Santo
sa dasal na inuusal ng
tulad kong sakdal ang
sala. Bagaman wala
ang 'yong ngalan sa
panalanging 'Ama Namin'
na aming dinadalangin
sa tuwing kami'y gipit,
may karamdaman o
suliranin. Ikaw nama'y
napupuno ng
grasya at biyaya.
'Di tulad naming
lumalapit sa disgrasya't
pagkapahamak. Lumalayo't
lumilimot sa
pananampalataya
sa Ama na May Likha.
Nakaluhod, nakapikit,
nagpupuri't nag-aantanda,
sa Langit ay nakatingala,
umuusal ng kabanalan
ngunit makalipas ang
'Amen!' muling babalik
sa pagkakasala.

II.
Hinahanap ko sa
kasalukuyan ang
wangis mong mayumi't
'di makabasag-pinggan.
Babaeng kay hinhin
na pamantayan ng
konserbatibong
kababaihang pilipino.
Datapwa't kimi at
matipid ang bawat
ngiti, ikaw'y lubos
na hinangaan at
niliyag ng pilipinong
nabilanggo,
naharuyo't
nabighani
sa tila perpektong
katangiang iyong
tinataglay.Datapwa’t
ikaw ay kinatha
lamang ng dakilang si
Gat Jose Rizal sa
Kanyang obrang
nobela, 'di
maiwaksing ikaw
ang sinadyang 
simbolismo ng
moralidad na bumubuo
sa sakdal linis na
kapurian ng kababaihan.
Ang iyong pagiging
masinop, masunurin,
tahimik at marespeto
sa kapwa, lalo't sa magulang
na wari'y inspirasyon at
ehemplo ng napag-iiwanang
lipunang konserbatibo'y
'di sana sumabay sa
pagkalimot at pagwaglit
ng marami sa konseptong
ang kabataan ang siyang
pag-asa ng bayang ito.


III.
Hinahanap ka sa
kasalukuyan ng
mundong puspos ng
pagkukunwari't makamundong
isipan. Ang wangis
mong liberal at moderno,
babaeng simbolismo ng
pagiging malaya. May
layang gawin ang mga
bagay ayon sa kanyang
nais at 'di dahil sa
dikta ng iba, may
layang kumilos
nang walang anumang
kritisismong inaalala.
Hinahangaan at pinupuri
ng marami ngunit
hinuhusgahan at
niruruyakan ng mas
marami pa - yaong mga
sensitibo sa isyu ng
moralidad ngunit 'di
nakikita ang sariling
pagkakasala. Bagaman
ang maganda mong
mukha, makinis mong
katawan at ang iyong
kahubdan ay naglipana't
pinag-ukulan ng pansin
ng makasalanang mga
mata at nagpalukso ng
libo-libong libido
sa magasin,
sa dvd at
sa internet
na ang tema ay porno.
Bagaman kinukutya ng
moralistang animo'y
walang sala't sakdal linis.
Niliiyag ka pa rin ng maraming
kalalakihan - hahamakin nila
ang lahat, iaalay kahit
na ang kalangitan at
tatawagin nila itong
pagmamahal. Ngunit
maiiwan ang
katanungang 'pag-ibig
nga ba o isang pagnanasa?'

- - - - - -
Ang Akdang ito ay ang aking lahok sa 2016 Saranggola Blog Awards sa kategoryang Tula
Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor:


Friday, September 30, 2016

D I G M A A N


Mula sa Google ang larawan


(Paunawa: Ang akdang ito ay kathang-isip lang. Anumang pagkakahawig nito sa pangalan, karakter, istorya, lugar at pangyayari ay representasyon lamang nang nangyayaring kalagayan ngayon ng ating bansa)
 - - - - - -

Matagal nang may digmaang namamayani sa isip ni Michael. ‘Di niya matiyak kung ang digmaang ‘yon ay dahil sa nabigong pangarap na makapagtapos ng pag-aaral o dahil sa pagkadismaya sa nangyari sa kanyang pamilya o dahil sa kawalan niya ng matinong trabaho. O marahil dahil sa lahat ng kadahilanang ito.

Mataas noon ang pangarap ni Michael sa buhay. Ninais niyang maging pulis ngunit dahil sa pag-abandona ng kanyang ama sa pamilya maaga siyang naging palaboy ng lansangan. Tipikal na kuwento ng mahirap na pilipinong naninirahan sa lungsod.

“Tangina ‘tol last ko na talaga ito. ‘Pag nadeliver ko ‘tong bato na ‘to kay Chua, batsi na ko. Baka madale pa ko ni Duterte mahirap na.” kausap niya si Jonas, isa ring tulak ng droga na tulad niya. Mga small time pusher ng Baranggay 73 ng Malabon.

“Ikaw, bahala ka. Sabi ni chief hindi naman daw tayo magagalaw dahil malakas tayo sa taas. ‘Yung mga napapatay daw e ‘yun ‘yung mga kupal na mahihina ang kapit sa taas. Ibahin mo si chief, hindi ‘yun kaya ni Bato!” mayabang na sagot ni Jonas.

Sa binigay na deskripsyon sa kanila ni Michael ay tiyak na sila na si Chua na nga ang paparating. Pero bago pa man makalapit si Chua sa kanila ay nagpaalaam na si Michael kay Jonas. “P’re sandali ah, iihi lang ako.” Bago pa man magalit o sumang-ayon si Jonas ay nakaalis na si Michael.

Ewan pero kakaiba ang nararamdaman ni Michael ng gabing ‘yon. May kung sinong bumubulong sa kanya na umalis na sa lugar na ‘yon. Nagtatalo ang kanyang isip at desisyon kung babalikan niya pa si Jonas o hindi na.

“Bahala na” bulong ni Michael sa kanyang sarili sabay sakay sa jeep na biyaheng Gasak.

Nakatulugan na ni Michael ang paghihintay sa text mula kay Jonas. Kinabukasan na nito nalaman ang balita tungkol kay Jonas – Isang Jonas Gorospe ang pinaghihinalaang tulak ang nanlaban sa mga parak, patay.

Bumalik ang digmaang noon pa ma’y nananahan sa isip ni Michael. Nag-aalala siya ngayon sa kanyang buhay. Desidido na siya – boluntaryo siyang susuko sa otoridad upang makapagbagong buhay. Itutuloy niya rin ang pag-aaral sa kolehiyo, mag-aaral siya sa gabi at magtatrabaho siya sa umaga tutal aniya’y sa edad niyang beinte-sais ay ‘di pa naman daw huli ang lahat. At ‘di kailangang maging hadlang ang edad sa pagtupad ng pangarap, dagdag pa niya. Alam niyang hindi madali pero kailangang ‘yun ang kanyang gawin.

Halos dalawang buwan pa lang sumasamang nagtutulak ng bato si Michael kasama ni Jonas na kanyang kababata.  Batid niya ang panganib nito sa kanyang buhay at sa buhay ng ibang taong malululong dito pero kibit-balikat na lamang siya dahil walang tumatanggap sa kanya sa trabaho. Kunsabagay sino nga ba naman ang magbibigay ng oportunidad sa isang taong laman ng kalsada at hindi nakapagtapos ng pag-aaral? Kung susuriin hindi lang naman droga ang problema ng bansa, marami pa. Napakarami. At dumadagdag pa sa suliraning ito ang pagiging makasarili ng mga tao na tila dinadaig na ng taong naninirahan sa lungsod ang mga hayop sa kagubatan sa bagsik at kalupitan.

Kung gaano kakarampot ang kinikita sa pagtutulak ng mga small time pusher sa kalye ganun naman kalaki ang panganib na kanilang kinakaharap ngayon, lalo na ngayong nagsanib puwersa na si Digong at Bato. Hindi kailanman dapat gawing katwiran ang kahirapan para gumawa ng isang kamalian higit pa ang pagtutulak ng droga.

Lutang ang isip ni Michael. Kanina lang ay desidido na siyang sumuko sa kapulisan pero ngayon ay nagdadalawang-isip na naman siya kung ‘yun ba ang pinakatamang desisyon. Ang pagsuko niya bang ‘yon ay magiging susi sa kanyang pagbabagong buhay o ito ang magdadala sa kanya sa kapahamakan.

Bagama’t bagong bihis alam niyang umaalingasaw sa baho ang kanyang pagkatao pinipilit niyang iwaksi ang lahat ng kasalanang nagawa niya sa batas at sa kapwa pero mas nananaig ang mga daing ng biktima ng droga na kanyang kalakal. Wala pa man sa puwesto si Duterte ay binabalak na niyang kumalas sa sindikato dahil alam niyang habang tumatagal ay tila nasa kumunoy siyang nagpapalunod sa kanya sa tuwing siya’y kumikilos.

Madali para sa iba ang sabihing ‘magbago’ pero para sa tulad ni Michael na tila itinakwil ng lipunan paano nga ba ang magbago kung walang tatanggap sa kanya bilang isang tao? Ang pintuan para sa pagbabagong buhay sa mga tulad ni Michael ay nakapinid at walang sinuman ang may pagnanais na ito’y buksan para sa kanya. Bagama’t may mabubuti ang loob pakiramdam ni Michael pawang ito’y pakitang tao lamang. Ang alalahanin sa pagtumba at pagtimbuwang ng mga taong nasasangkot sa droga, may direktang kinalaman man ito o wala ay ang nagpapasikip sa daang tinatahak ni Michael.

Kung mapanganib ang magtulak tila mas mapanganib pa ang kumalas sa grupo nila Chief Garcia. Ang pagkalas sa sindikatong kanyang kinabibilangan ay tila katumbas ng pagpapatiwakal. Pero mas matimbang para kay Michael ang kagustuhang magbalik loob sa pamahalaan, ang isuko sa kapulisan ang kanyang nalalaman, ang magbagong buhay para sa umaandap na kanyang kinabukasan.

Hindi lingid kay Michael na may namamatay o sadyang pinapatay kada araw at lahat umano ito ay may kaugnayan o kinalaman di-umano sa droga – mga biktima na tulak daw o bumabatak lang, lehitimong operasyon ng pulisya o napagtripan lang ng ‘vigilante’, miyembro man ito ng sindikato o ginawan lang ng karatula na may nakalagay na: “’Wag tularan tulak ng droga”.
Ang pagbabalik-loob at pagbabagong buhay ng mga gaya niya ay tila unti-unting nabubura sa gobyernong prayoridad ang pagsugpo sa droga sa kahit anong paraan at sa lipunang kinukunsinti ang madugong patayan kesehodang dumarami ang inosenteng biktima at walang kinalaman na kung tawagin ng iba ay “collateral damage”.

Lakad-takbo ang ginagawa ni Michael sa masikip na eskinitang lalong pinapasikip ng pangambang anumang sandali’y maari siyang itumba ng kung sino – mga pusakal na naka-bonnet na “nililinis ang maruming bansa”, mga kasapi ng sindikato na patatahimikin siya para walang sumingaw na ingay at mga parak na trigger-happy na tataniman ka ng ilang piraso ng droga at ng paltik na baril at sasabihing ikaw’y nanlaban para magmukha itong kapani-paniwala.
Walang patutunguhan ang paglalakad na ‘yon ni Michael, kung ihahambing sa kalagayan ngayon ng bansa masasabing pareho itong walang tiyak na direksyon.

Ang small time na sabit lang sa pagtutulak ng droga na si Michael ay may malaking pag-aagam-agam sa pulis, sa gobyerno at sa kanyang buhay, ‘di tulad ng mga big time na druglord na komportableng naninirahan sa ibang bansa, nakangising nanonood ng balita at kinukutya ang kalagayan ng mga pinapaslang na mga biktima – tunay ngang mabilis ang hustisya para sa mahihirap at proseso ang panawagan ng mga naroroon sa itaas.
Ang pag-asa at pangarap na kanyang tangan-tangan ay tila humuhulagpos sa kanyang maruming kamay, sa halip ay napapalitan ito ng desperasyon, pag-alala at pagkadismaya sa araw-araw. Ang halos dalawang buwan niyang pagkakasangkot sa droga ay parang katumbas ng dalawang dekadang krimen kung ito’y ituring ng batas na marapat lang na tumbasan ng parusang dagliang kamatayan. Ito siguro ‘yung sinasabi ng pangulo na: “Gagawin ko ang lahat para sa kapakanan ng Filipino, kahit ipagpalit ko pa ang aking buhay, karangalan at pagkapangulo.” Ganito siguro ang kaparaanan ng gobyernong ito para maprotektahan ang mga Filipino.

Gustuhin man niyang sumuko upang magkaroon ng puwang ang pagbabago ay ‘di niya magawa. Nakakabahala kasi ang pagwawalang bahala ng mga otoridad sa buhay na para bang hayop na lang ito kung katayin ng mga parak.
Paano nga ba sisimulan ang pagbabago kung sa umpisa pa lang ay pinuputol na ng may kapangyarihan ang binhi ng pagbabagong balak mong itanim?
Paano nga ba lalago ang pag-asa kung ang dapat sanang aayuda sa pag-usbong nito ang siyang magkakait at maglilibing sa pag-asang inaasam mo?
Paano nga ba magigising sa isang bangungot kung ang dapat sanang sa iyo’y gigising ang siyang maghahatid sa’yo sa lugar na ‘di ka na makakabangon?
Paano nga ba makakaalis sa kadiliman kung ang iiwanag ay inilayo at ipinagkait sa iyo ng mga naglilinis-linisan?

“’Yan ‘yung Michael pre…” dinig ni Michael ang mga salitang ito mula sa kanyang likuran.
Hindi man niya tiyak kung ano ang balak ng dalawang aninong nag-uusap ay tiniyak na niya sa kanyang sarili na ito na ang kanyang katapusan.  Tinangka niyang bilisan ang paglalakad pero bago pa man niya gawin ‘yon ay anim na putok ng baril ang bumasag sa katahimikan ng hapong ‘yon.

“Bang! Bang! Bang! Bang! Bang! Bang!” Sunod-sunod ang putok, walang patid. Walang awa, walang  pagsisisi.

Sa kabila ng kaliwanagan ng hapong ‘yon ay isang lalaki na naman ang tumumba, duguan at walang buhay. 
Sa kabila ng kaliwanagan ng hapong ‘yon ay may pamilya na namang nasadlak sa madilim na kinabukasan.
Sa kabila ng kaliwanagan ng hapong ‘yon ay may biktima ng karahasang pinupuri ng karamihan sa halip na kamuhian.

Ang salarin ng krimen ay dalawang lalaking naka-bonnet na agad na sumakay sa motorsiklong walang plaka. Humarurot at saglit lang ay naglaho.  Dalawang lalaking walang pagkakakilanlan.

Nagkagulo ang mga tao.
Pinagpiyestahan ang nangyaring krimen.
Dumarami ang umuusyoso.
May kumukuha ng litrato kabilang na ang ilang miyembro ng media na agad na nasa lugar nang pinangyarihan ng krimen habang tumatangis ang asawang yakap-yakap ang biktimang pinaslang at pinagkaitan ng karapatang mabuhay sa mundo. At ang iba’y nagbubulungan, tila nagbubunyi at hinuhusgahan ang malungkot na sinapit ng kaawa-awang biktima ng karahasan.

Hindi alam ni Michael kung ikalulungkot o ikatutuwa niya ang pagtimbuwang ng isang biktimang may kinalaman umano sa droga. Na sa kasamaang palad ay nagkataong kapangalan niya. 


Thursday, September 15, 2016

Dear Millennials (An Open Letter)






Dear Millennial Generation,

Sa mga bagong henerasyon ng kabataang kung tawagin ay 'millennials' sana ay nababasa n'yo ang open letter na ito pero teka nakakapagbasa pa ba kayo? May panahon pa ba para makapagbasa kayo? Kakatwa kasi na sa napakarami nang pwede n'yong basahin at alamin pero tila kinalimutan na ninyo ang kahalagahan ng pagbabasa na makakapagdagdag sana nang inyong kaalaman pero ayun at abala kayo sa mga bagay na hindi naman ninyo dapat binibigyang pansin at pinagkakaabalahan, inuubos n'yo ang inyong mga oras sa mga bagay na walang katuturan.

Alam n'yo suwerte nga kayo e, dahil noong aming kabataan napakalimitado ng aming pagkukunan ng impormasyon sa mga bagay na kailangan naming malaman dahil kailangan pa naming maghagilap ng aklat na mahihiram, magsaliksik ng libro sa kung saang silid-aklatan dahil sadyang magastos at impraktikal para bumili ka ng overpriced na encyclopedia. Nag-survive kami sa pag-aaral kahit wala pa noong computer at internet na kagyat na magbibigay ng mga kasagutan sa halos lahat ng inyong katanungan 'di tulad ngayon na anumang oras ay available ang wikipedia, google, youtube, at iba pang website o search engine pero nakakapagtakang napakarami sa inyo ang tila inosente at mangmang sa maraming bagay.
Kung alam n'yo lang kung gaano kasalimuot noon ang paggawa ng term papers, research paper, thesis at school projects siguro ay mas lalo ninyong pahahalagahan ang benepisyong ibinigay ng internet at hindi lang Facebook, Instagram, Twitter, pagda-download at paglalaro ng kung ano-anong apps sa iTunes o Google Apps ang kayang gawin nito. Ayokong sabihing ginagawa kayong tamad ng teknolohiya pero nakakalungkot na tila ganun nga ang ginagawa sa inyo nito sa kasalukuyan.

Aminin n'yo man o hindi alam naming karamihan sa inyo ay mga spoiled brat children na halos lahat ng inyong naisin ay gusto n'yong makuha agad-agad in an instant 'di tulad noong henerasyon namin na kailangang may nagawa ka munang ikasisiya ng aming tatay o nanay para maibili lang kami ng isang pirasong bola o manika, na kailangang may rasonableng dahilan kung bakit humihiling ka ng isang bagay.
Marami sa inyo na sa napakabatang edad ay may mga latest smartphone na at sopistikadong iPad o tablet at kadalasan nga 'pag hindi kayo napagbibigyan sa gadget na inyong gusto kayo pa ang may ganang magalit sa mga magulang n'yo e kung tutuusin naman e karamihan sa inyo ay hindi naman deserve magkaroon nito dahil ginagawa lang kayo nitong unproductive at unreachable. At sa kabila nang pagkakaroon ninyo ng mga smartphone, gadget at tablet na may kakayahang kumonekta araw man o gabi sa inyong kaanak at magulang tila ito rin ang nagiging dahilan para lumayo kayo sa kanila -- ang ironic lang no?

Kung halos ginagawa kayong robot ng inyong modernong kagamitan tila itong teknolohiya ring ito ang dahilan kung bakit kulang kayo sa physical activities at pakikipagkapwa-tao. Mas okay sana kung maranasan ninyo ang nakagisnan naming laro sa kalsada gaya ng tumbang preso, sipa, trumpo, text, saranggola luksong-baka, taguan-pung, patintero, chinese garter, jackstone at piko na kahit pa tirik ang araw o pumapatak ang ulan ay sobrang enjoy ang aming paglalaro pero alam naming mukhang malabo na nga itong maibalik pa dahil sa ngayon busy kayo sa paglalaro ng Minecraft, GTA, Plants Vs Zombies, Modern Combats, Watch Dogs, Clash of Clans at iba pa na pawang mga virtual games lang naman at 'di kailangan ng physical contact and communication. Kung maaari nga lang sanang hilingin ko sa inyo na subukin n'yong magtampisaw kayo minsan sa maruming tubig baha at putik, maglaro at maghabulan kayo sa kalsada, magpawis kayo, magtakbuhan kayo at hanapin ang inyong kabataan sa rurok ng mainit na raw o sa gitna ng buhos ng malakas na ulan na nanggagaling sa bubungan.  Masaya 'yun at may kakaibang hatid na kasiyahan bilang kabataan at kahit pa sa pag-uwi ng bahay tiyak na ang pagalit ni nanay dahil sa nanlilimahid naming damit, nagpuputik na kamay at paa, marungis at nagpapawis na katawan at masangsang na amoy na anino'y batang lumangoy sa estero -- hindi namin 'yon inaalala. 

Hindi ko alam kung dapat namin kayong kaiinggitan dahil higit na marami ang inyong school holidays kumpara noong aming kabataan. Wala namang holiday noon kahit pa may selebrasyon ng Eid Al Adha, Eid Al Fitr, EDSA I Anniversary, Chinese New Year at iba pa, idagdag pa rito na sa tuwing papatak ang ulan malakas man o kahit mahina lang na kahit wala namang bagyong inanunsiyo ay nakatanghod na kayo agad sa balita umaasa at nananalangin na sana ay walang pasok na madalas naman ay napagbibigyan. Tila ang mga unnecessary school holidays na ito ay umaayuda sa inyong kahinaan bilang kabataan mapa-pisikal man o sikolohikal kumpara sa aming henerasyon na kahit pa malakas ang ulan at may baha sa aming dadaanan ay napakabihira ang pag-anunsiyo ng 'walang pasok' at sige lang kami sa paglalakad at pagpasok sa eskuwela at pabalik sa bahay kahit pa mukha kaming basang-sisiw dahil hindi naman umuubra ang baon naming kapote o payong -- ang karanasan naming 'yon ay nakatulong at humulma sa amin kung ano kami ngayon at kung gaano kami ka-mature kumpara sa inyo.

Malamang marami sa inyo ang hindi naranasan ang makalumang pagdidisiplina ng mga guro at magulang gaya nang pagpapaluhod sa munggo, mapingot sa tenga, hilahin ang patilya, makurot sa singit, tumayo sa harap ng blackboard, mabato ng eraser, mapalo sa puwet, mapalo ng stick sa kamay at iba pang uri nito -- ngayon daw kasi ang mga ito ay uri raw ng pagmamalupit at child abuse. Pero marami pa rin ang sasang-ayon na kadalasan ay epektibo ang ganitong uri ng disiplina dahil kung hindi ba naman ay bakit mas maraming millennials ang pabalang sumagot sa nakatatanda, may pagkasalbahe ang asal, pasaway sa guro at magulang at sila'y matitigas ang ulo kumpara sa mga kabataan noon -- kadalasan nga ang pag-abuso sa salitang 'child abuse' ang nagiging dahilan pa kung bakit ang mga pasaway na millennials na ito ay 'di nakuhang madisplina ng husto.

Kayong mga millennials, ano ba ang dahilan kung bakit sa inyong murang edad ay maaga kayong namulat sa usaping seksuwalidad? Bakit maaga kayong nahuhumaling sa bisyo ng yosi at alak? Noon kasi ang makikita mong nag-iinuman lang sa kalsada ay mga ama ng tahanan 'di tulad ngayon na ang maiingay na nagtatagayan sa eskinita o kalsada ay ang mga bagong henerasyon ng kabataan -- mapalalaki man ito o babae. Hindi namin alam kung mababait talaga ang mga magulang ninyo o hindi lang nila kayo kayang pigilan dahil kung gaano katigas ang boteng hawak n'yo ay ganun din katigas ang inyong mga ulo. Mabuti sana kung galing sa sarili n'yong bulsa ang perang ipinangbibisyo n'yo pero hindi e, galing pa rin 'yan sa inyong mga magulang na pinagtrabahuhan nila ng walong oras sa kada araw, galing 'yan sa inyong mga magulang na inyong madalas ay sinisinghalan. At ang masama pa nito marami sa inyo ang nagpapasimula ng basag-ulo 'pag nag-uumpisa ng sumapi ang ispiritu ng alak.

Humigit kumulang dalawang dekada ang agwat natin sa isa't isa pero sa dalawang dekadang 'yon parang napakarami nang nagbago, tila napakarami nang nawala pero sino nga ba sa dalawang magkaibang henerasyong ito ang higit na nawalan? Sabi ni Gat Jose Rizal, ang kabataan raw ang pag-asa ng bayan pero sa tuwing nakikita ko kung paano kayo kumilos ayon sa edad n'yo, kung gaano kayo nahumaling sa mga bisyo, kung papaano n'yo sayangin ang inyong oras sa mga walang kuwentang bagay, kung papaano ninyo itrato ang mga nakatatanda sa inyo, kung gaano kayo namulat sa usaping hindi nararapat sa inyong edad, kung papaano kayo nasasangkot sa ibang krimen tila parang hindi kami kumbinsidong kayo ang magdadala at mag-aakay sa pag-asang inaasam ng bayan.
Siguro nga'y malaking tulong para sa lahat ang pagiging moderno ng komunikasyon at teknolohiya at ang kinagisnan kong henerasyon ay ibang-iba na sa mga kabataan ngayon pero hindi naman sana naisakripisyo ang respeto, pagmamahal at paggalang sa kapwa na tila nababalewala at sinasantabi na lang dahil mas prayoridad ninyo ang inyong mga sarili kesa ang kapakanan ng inyong pamilya, bayan at kinabukasan.

Ngunit kami'y lubos pa ring umaasa na sa paglakad at pag-usad pa ng mga taon sana sumabay din kayo sa pag-unlad ng teknolohiya na ating tinatamasa. Teknolohiyang sa halip na ating gamit at alipin ay tila kayo ang ginagamit at inaalipin.

Lubos na naguguluhan,

A Boy From Generation X