Friday, September 30, 2016

D I G M A A N


Mula sa Google ang larawan


(Paunawa: Ang akdang ito ay kathang-isip lang. Anumang pagkakahawig nito sa pangalan, karakter, istorya, lugar at pangyayari ay representasyon lamang nang nangyayaring kalagayan ngayon ng ating bansa)
 - - - - - -

Matagal nang may digmaang namamayani sa isip ni Michael. ‘Di niya matiyak kung ang digmaang ‘yon ay dahil sa nabigong pangarap na makapagtapos ng pag-aaral o dahil sa pagkadismaya sa nangyari sa kanyang pamilya o dahil sa kawalan niya ng matinong trabaho. O marahil dahil sa lahat ng kadahilanang ito.

Mataas noon ang pangarap ni Michael sa buhay. Ninais niyang maging pulis ngunit dahil sa pag-abandona ng kanyang ama sa pamilya maaga siyang naging palaboy ng lansangan. Tipikal na kuwento ng mahirap na pilipinong naninirahan sa lungsod.

“Tangina ‘tol last ko na talaga ito. ‘Pag nadeliver ko ‘tong bato na ‘to kay Chua, batsi na ko. Baka madale pa ko ni Duterte mahirap na.” kausap niya si Jonas, isa ring tulak ng droga na tulad niya. Mga small time pusher ng Baranggay 73 ng Malabon.

“Ikaw, bahala ka. Sabi ni chief hindi naman daw tayo magagalaw dahil malakas tayo sa taas. ‘Yung mga napapatay daw e ‘yun ‘yung mga kupal na mahihina ang kapit sa taas. Ibahin mo si chief, hindi ‘yun kaya ni Bato!” mayabang na sagot ni Jonas.

Sa binigay na deskripsyon sa kanila ni Michael ay tiyak na sila na si Chua na nga ang paparating. Pero bago pa man makalapit si Chua sa kanila ay nagpaalaam na si Michael kay Jonas. “P’re sandali ah, iihi lang ako.” Bago pa man magalit o sumang-ayon si Jonas ay nakaalis na si Michael.

Ewan pero kakaiba ang nararamdaman ni Michael ng gabing ‘yon. May kung sinong bumubulong sa kanya na umalis na sa lugar na ‘yon. Nagtatalo ang kanyang isip at desisyon kung babalikan niya pa si Jonas o hindi na.

“Bahala na” bulong ni Michael sa kanyang sarili sabay sakay sa jeep na biyaheng Gasak.

Nakatulugan na ni Michael ang paghihintay sa text mula kay Jonas. Kinabukasan na nito nalaman ang balita tungkol kay Jonas – Isang Jonas Gorospe ang pinaghihinalaang tulak ang nanlaban sa mga parak, patay.

Bumalik ang digmaang noon pa ma’y nananahan sa isip ni Michael. Nag-aalala siya ngayon sa kanyang buhay. Desidido na siya – boluntaryo siyang susuko sa otoridad upang makapagbagong buhay. Itutuloy niya rin ang pag-aaral sa kolehiyo, mag-aaral siya sa gabi at magtatrabaho siya sa umaga tutal aniya’y sa edad niyang beinte-sais ay ‘di pa naman daw huli ang lahat. At ‘di kailangang maging hadlang ang edad sa pagtupad ng pangarap, dagdag pa niya. Alam niyang hindi madali pero kailangang ‘yun ang kanyang gawin.

Halos dalawang buwan pa lang sumasamang nagtutulak ng bato si Michael kasama ni Jonas na kanyang kababata.  Batid niya ang panganib nito sa kanyang buhay at sa buhay ng ibang taong malululong dito pero kibit-balikat na lamang siya dahil walang tumatanggap sa kanya sa trabaho. Kunsabagay sino nga ba naman ang magbibigay ng oportunidad sa isang taong laman ng kalsada at hindi nakapagtapos ng pag-aaral? Kung susuriin hindi lang naman droga ang problema ng bansa, marami pa. Napakarami. At dumadagdag pa sa suliraning ito ang pagiging makasarili ng mga tao na tila dinadaig na ng taong naninirahan sa lungsod ang mga hayop sa kagubatan sa bagsik at kalupitan.

Kung gaano kakarampot ang kinikita sa pagtutulak ng mga small time pusher sa kalye ganun naman kalaki ang panganib na kanilang kinakaharap ngayon, lalo na ngayong nagsanib puwersa na si Digong at Bato. Hindi kailanman dapat gawing katwiran ang kahirapan para gumawa ng isang kamalian higit pa ang pagtutulak ng droga.

Lutang ang isip ni Michael. Kanina lang ay desidido na siyang sumuko sa kapulisan pero ngayon ay nagdadalawang-isip na naman siya kung ‘yun ba ang pinakatamang desisyon. Ang pagsuko niya bang ‘yon ay magiging susi sa kanyang pagbabagong buhay o ito ang magdadala sa kanya sa kapahamakan.

Bagama’t bagong bihis alam niyang umaalingasaw sa baho ang kanyang pagkatao pinipilit niyang iwaksi ang lahat ng kasalanang nagawa niya sa batas at sa kapwa pero mas nananaig ang mga daing ng biktima ng droga na kanyang kalakal. Wala pa man sa puwesto si Duterte ay binabalak na niyang kumalas sa sindikato dahil alam niyang habang tumatagal ay tila nasa kumunoy siyang nagpapalunod sa kanya sa tuwing siya’y kumikilos.

Madali para sa iba ang sabihing ‘magbago’ pero para sa tulad ni Michael na tila itinakwil ng lipunan paano nga ba ang magbago kung walang tatanggap sa kanya bilang isang tao? Ang pintuan para sa pagbabagong buhay sa mga tulad ni Michael ay nakapinid at walang sinuman ang may pagnanais na ito’y buksan para sa kanya. Bagama’t may mabubuti ang loob pakiramdam ni Michael pawang ito’y pakitang tao lamang. Ang alalahanin sa pagtumba at pagtimbuwang ng mga taong nasasangkot sa droga, may direktang kinalaman man ito o wala ay ang nagpapasikip sa daang tinatahak ni Michael.

Kung mapanganib ang magtulak tila mas mapanganib pa ang kumalas sa grupo nila Chief Garcia. Ang pagkalas sa sindikatong kanyang kinabibilangan ay tila katumbas ng pagpapatiwakal. Pero mas matimbang para kay Michael ang kagustuhang magbalik loob sa pamahalaan, ang isuko sa kapulisan ang kanyang nalalaman, ang magbagong buhay para sa umaandap na kanyang kinabukasan.

Hindi lingid kay Michael na may namamatay o sadyang pinapatay kada araw at lahat umano ito ay may kaugnayan o kinalaman di-umano sa droga – mga biktima na tulak daw o bumabatak lang, lehitimong operasyon ng pulisya o napagtripan lang ng ‘vigilante’, miyembro man ito ng sindikato o ginawan lang ng karatula na may nakalagay na: “’Wag tularan tulak ng droga”.
Ang pagbabalik-loob at pagbabagong buhay ng mga gaya niya ay tila unti-unting nabubura sa gobyernong prayoridad ang pagsugpo sa droga sa kahit anong paraan at sa lipunang kinukunsinti ang madugong patayan kesehodang dumarami ang inosenteng biktima at walang kinalaman na kung tawagin ng iba ay “collateral damage”.

Lakad-takbo ang ginagawa ni Michael sa masikip na eskinitang lalong pinapasikip ng pangambang anumang sandali’y maari siyang itumba ng kung sino – mga pusakal na naka-bonnet na “nililinis ang maruming bansa”, mga kasapi ng sindikato na patatahimikin siya para walang sumingaw na ingay at mga parak na trigger-happy na tataniman ka ng ilang piraso ng droga at ng paltik na baril at sasabihing ikaw’y nanlaban para magmukha itong kapani-paniwala.
Walang patutunguhan ang paglalakad na ‘yon ni Michael, kung ihahambing sa kalagayan ngayon ng bansa masasabing pareho itong walang tiyak na direksyon.

Ang small time na sabit lang sa pagtutulak ng droga na si Michael ay may malaking pag-aagam-agam sa pulis, sa gobyerno at sa kanyang buhay, ‘di tulad ng mga big time na druglord na komportableng naninirahan sa ibang bansa, nakangising nanonood ng balita at kinukutya ang kalagayan ng mga pinapaslang na mga biktima – tunay ngang mabilis ang hustisya para sa mahihirap at proseso ang panawagan ng mga naroroon sa itaas.
Ang pag-asa at pangarap na kanyang tangan-tangan ay tila humuhulagpos sa kanyang maruming kamay, sa halip ay napapalitan ito ng desperasyon, pag-alala at pagkadismaya sa araw-araw. Ang halos dalawang buwan niyang pagkakasangkot sa droga ay parang katumbas ng dalawang dekadang krimen kung ito’y ituring ng batas na marapat lang na tumbasan ng parusang dagliang kamatayan. Ito siguro ‘yung sinasabi ng pangulo na: “Gagawin ko ang lahat para sa kapakanan ng Filipino, kahit ipagpalit ko pa ang aking buhay, karangalan at pagkapangulo.” Ganito siguro ang kaparaanan ng gobyernong ito para maprotektahan ang mga Filipino.

Gustuhin man niyang sumuko upang magkaroon ng puwang ang pagbabago ay ‘di niya magawa. Nakakabahala kasi ang pagwawalang bahala ng mga otoridad sa buhay na para bang hayop na lang ito kung katayin ng mga parak.
Paano nga ba sisimulan ang pagbabago kung sa umpisa pa lang ay pinuputol na ng may kapangyarihan ang binhi ng pagbabagong balak mong itanim?
Paano nga ba lalago ang pag-asa kung ang dapat sanang aayuda sa pag-usbong nito ang siyang magkakait at maglilibing sa pag-asang inaasam mo?
Paano nga ba magigising sa isang bangungot kung ang dapat sanang sa iyo’y gigising ang siyang maghahatid sa’yo sa lugar na ‘di ka na makakabangon?
Paano nga ba makakaalis sa kadiliman kung ang iiwanag ay inilayo at ipinagkait sa iyo ng mga naglilinis-linisan?

“’Yan ‘yung Michael pre…” dinig ni Michael ang mga salitang ito mula sa kanyang likuran.
Hindi man niya tiyak kung ano ang balak ng dalawang aninong nag-uusap ay tiniyak na niya sa kanyang sarili na ito na ang kanyang katapusan.  Tinangka niyang bilisan ang paglalakad pero bago pa man niya gawin ‘yon ay anim na putok ng baril ang bumasag sa katahimikan ng hapong ‘yon.

“Bang! Bang! Bang! Bang! Bang! Bang!” Sunod-sunod ang putok, walang patid. Walang awa, walang  pagsisisi.

Sa kabila ng kaliwanagan ng hapong ‘yon ay isang lalaki na naman ang tumumba, duguan at walang buhay. 
Sa kabila ng kaliwanagan ng hapong ‘yon ay may pamilya na namang nasadlak sa madilim na kinabukasan.
Sa kabila ng kaliwanagan ng hapong ‘yon ay may biktima ng karahasang pinupuri ng karamihan sa halip na kamuhian.

Ang salarin ng krimen ay dalawang lalaking naka-bonnet na agad na sumakay sa motorsiklong walang plaka. Humarurot at saglit lang ay naglaho.  Dalawang lalaking walang pagkakakilanlan.

Nagkagulo ang mga tao.
Pinagpiyestahan ang nangyaring krimen.
Dumarami ang umuusyoso.
May kumukuha ng litrato kabilang na ang ilang miyembro ng media na agad na nasa lugar nang pinangyarihan ng krimen habang tumatangis ang asawang yakap-yakap ang biktimang pinaslang at pinagkaitan ng karapatang mabuhay sa mundo. At ang iba’y nagbubulungan, tila nagbubunyi at hinuhusgahan ang malungkot na sinapit ng kaawa-awang biktima ng karahasan.

Hindi alam ni Michael kung ikalulungkot o ikatutuwa niya ang pagtimbuwang ng isang biktimang may kinalaman umano sa droga. Na sa kasamaang palad ay nagkataong kapangalan niya. 


1 comment:

  1. Realistic and sad story. A mirror of what is happening in the country nowadays.

    ReplyDelete