"Balang araw ay makakarating din tayo sa planetang 'yan. Iyang
lugar na 'yan ang magiging ikalawang tahanan natin at aariing sa ating lahi ang
lahat ng kayamanan at likas-yamang ating makukuha doon" susog ng kausap na si Lexi
na nakatanaw sa isang asul na planetang kanyang natatanaw gamit ang isang
sopistikadong telescope.
"Pero hindi ba't may mga katulad na nating nakarating diyan? At
balitang totoo ngang nakakabighani at kamangha-mangha ang kanilang planeta.
Sagana rin ito sa ginto, pagkain, malinis na tubig at mineral. Pero hindi pa
rin sigurado ang ating mga dalubhasa kung kakayanin ba natin ang supply ng
hangin, atmospera at klima sa ganyang planeta." sagot ni Dex kay Lexi.
"Marami-rami na nga raw ang matagumpay na nagtungo diyan upang
pag-aralan ang lahat ng tungkol sa planetang 'yan kabilang na ang kanilang uri
ng lupa, bato, hangin, tubig at iba pa pero hanggang ngayon nananatili pa ring
lihim amg resulta nito sa atin." makahulugang sagot ni Lexi. "Kung mayroong matagumpay na nakabalik, sigurado akong marami
ring nabigo at mga nasawi sa paglalakbay na tinuturing ng lahat na napakalaking
tagumpay sa larangan ng siyensiya, agham, transportasyon at teknolohiya. Ang
mga nasawing 'yon ang sakripisyo para sa kapakanan ng ating kinabukasan at ng
susunod na salinglahi. At kahit anong pagtanggi pa ng ating gobyerno hindi nila
maitatago na hindi sila tumitigil na gumastos ng malaking halaga upang
pag-aralan at kalaunan ay sakupin ang planetang sa tingin nila'y maari nating
ikalawang tahanan."
"At ang sigurong kakatwa rito ay tila ganundin yata ang motibo ng
mga taga-ibang planeta -- ang sakupin ang iba pang planeta at makinabang umano
ang lahat sa mga yamang kanilang makukuha. Ang lihim na ito ay pilit pang
itinatago, na bukod sa atin ay mayroon pang ibang nilalang na nabubuhay sa
kalawakan." astang dalubhasa kung magsaad ng kwento si Dex.
"Hindi malayo na sa darating na panahon ang mga katulad natin ay
kakailanganin ng ating gobyerno o ng ating pinuno hindi upang labanan ang mga
rebelde, hindi upang ipagtanggol ang planeta natin kundi upang lusubin at
lipulin natin ang mga nilalang na nabubuhay sa planetang 'yan. Para saan ang
malalakas nating mga armas kung hindi natin ito gagamitin? Para saan ang
bilyon-bilyong halaga na ating mga fighter planes kung hindi natin ito
gagamitin sa ating magiging kaaway?" sa tono ng kanilang usapan ay tila sigurado
na sila sa kanilang mga sinasabi.
Nagpatuloy si Lexi.
"Hindi na maitatago ang balitang sa lahat ng mga nilalang sa
kalawakan ang lahi ng mga naninirahan sa planetang 'yan ay sila ang
pinakasakim, pinakamarumi, pinakamaramot, at walang malasakit sa kapwa. Ang
maganda at mayamang planeta nila ay 'di nila inaalagaan at patuloy lang nilang
sinasalaula, ang napakaraming bilang ng mga nagugutom ay 'di nila makuhang pakainin
sa kabila nang napakarami ring bilang ng mayayaman, sila-sila ay nagpapatayan
para sa sarili nilang interes, gumagawa sila ng malalakas na armas para patayin
ang isa't isa. Ang tanging mahalaga lang sa kanila ay ang tinatawag nilang
'pera'. Pera upang sila'y maging makapangyarihan, upang apihin at alipustahin
ang mga salat dito. Ang mga nilalang na katulad nila ay hindi dapat nabibigyan
ng puwang na mabuhay at magparami ng lahi. Sila'y kahihiyan sa kalawakan!
" Ang
kaninang simpleng usapan lang ng magkaibigan ay nauwi sa seryosong diskusyon.
"Sa mahabang panahon palagi nila tayong nilalarawan na pangit,
mananakop, walang awa, sakim, masama, malupit at panganib sa lahat ng kanilang
sulatin o pelikula ngunit ang totoo'y taglay nila ang lahat ng mga katangiang
ito. Maari ngang hindi sila pangit kumpara sa itsura natin pero totoong sila'y
mananakop, walang awa, sakim, masama, malupit, at mapanganib. Kung ganon ang
tingin nila sa atin gagawin na natin itong totoo dahil mas karapat-dapat tayong
mabuhay kesa sa kanila! Ang tawag sa kanila ay tao pero hindi sila makatao! Ang
napakagandang kanilang tahanan na kung tawagin ay mundo ay sila rin mismo ang
sumisira at wumawasak at kesa tuluyan na itong hindi mapakinabangan, mas mabuti
nang ito'y maging sa atin upang magbigay daan sa pagpaparami ng ating
populasyon."
"At kung dumating na ang panahong tayo'y ipatawag ng ating
gobyerno para gawin ang ating tungkulin gagampanan ko ito ng walang
pagdadalawang isip. Walang problema sa akin kung magbuwis man ako ng buhay para
lamang malipol ang mga mamamayang naninirahan sa planetang mundo dahil walang
karapatang mabuhay ang mga tulad nilang walang malasakit at walang pagmamahal
sa kanilang kapwa."
"Oo, sang-ayon ako sa'yo pero tama na nga ang ganyang usapan
mabuti pang umuwi na lang tayo bukas na lang ulit tayo magkita. Malalim na ang
gabi at masyado na ring malalim ang ating mga iniisip." tinapos na ni Dex ang
usapan.
No comments:
Post a Comment