Thursday, July 16, 2015

Real Talk #1


Habang tumatagal lalong hindi nagiging youth-friendly at post-worthy ang mga lumalabas sa internet i.e. social media. Habang ini-expect nating magkaroon ng isang breaking news o article na magmumulat sa lahat (partikular na sa kabataan) nang isang post na magbabalik at magbubukas sa kaisipan natin sa kahalagahan ng buhay, ng pangalan, ng bayan, ng bayani, ng pananampalataya, ng dignidad, ng kalusugan, ng kapaligiran, ng edukasyon, ng mundo, ng kapwa, ng respeto, at ng iba pa – tila kabaligtaran ang ating nakikita.


Habang tumatagal pabata nang pabata ang nai-involve sa kontrobersiya, scandal o krimen at sa pamamagitan ng platform na social media tila parang parada ito ng magagandang mga bulaklak na pinagpipiyestahan sa tuwing may pagdiriwang ng Panagbenga Festival. Mabuti sana kung ang link na ating iki-click ay palaging maghahatid ng dagdag kaalaman sa ating kamalayan, o ng impormasyong makakatulong sa araw-araw na ating pamumuhay o ng social awareness kung papaano ‘wag masangkot o mabiktima ng scam.


At siguro kahit pa mayroong relevant at post-worthy na mga article ang maglabasan, dadaan lang ‘yan sa ating mga news feed kasi para sa marami hindi ito interesting, hindi entertaining at hindi nakakatawa – walang dating. Hindi ito magti-trend, hindi ito magki-click, hindi tatangkilikin ng marami, gaya ng hindi pagtangkilik ng madla sa dokumentaryo ng GMA News TV na nagsasaad ng lugmok na kalagayan ng bansa.


‘Yung mga nagti-trending sa social media kadalasan nakakatawa pero kung susuriin mong maigi iilan lang dito ang nakakatuwa. May mga video/ post na talaga namang nakaka-pollute sa isipan ng mga kabataan at ‘wag na natin itong itanggi pa, at ang masama rito ‘pag ang kabataan ay kulang sa pang-unawa o walang guidance sa kung ano ang mali at tama, aakalain niya na cool ang mga ganung bagay, na normal lang ito, na wala itong problema at dahil nga kulang sila sa pang-unawa at pag-intindi --- ‘yun ay gagayahin nila.


Hindi sa lahat ng oras ay laging nariyan ang mga magulang/ guardian para gumabay sa kabataan at dahil walang kontrol at restriksiyon sa paggamit ng social media ang mga kabataang ito – hindi natin namamalayan na malaking bahagi ng kanilang puberty period ay impluwensiya ng internet.


Hindi dahil nakakatawa ‘yun na ang tama at hindi dahil okay sa nakatatanda ang napapanood o nababasa okay pa rin ‘yun sa kaisipan ng mga bata. Kairesponsablehan ang mag-share ng mga post na lalason sa kamalayan ng mga kabataan at sana ‘wag nang umabot sa puntong gaya ng mga adik o kriminal sa lansangan, kakatakutan at pangangambahan na rin natin ang kabuuan ng nilalaman ng world wide web maging Twitter man ito, Facebook o Instagram.

4 comments:

  1. Tumpak sir. Minsan din talamak ang paggamit ng ilan salita na ginagamit sa hashtag pero hindi naman alam kung ano ang tunay na kahulugan.

    Madalas ko ring nakikita ko sa mga social networking sites eh ang mga post na me 1 like=1 respect, kahit na ang mga nakalagay doon eh hindi naman karespe-respeto.

    Nakakalungkot lang dahil sa dali ng pagkuha ng impormasyon, nakakalimutan na o naiisantabi ang responsibilidad na kaakibat ng mga magiging aksyon mo sa mundo ng internet.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ang mga tao sa halip na maging matalino dahil sa lawak ng impormasyong mapagkukunan tila nagiging kulang sa kaalaman at ganun na nga ang sitwasyon lalo pang nako-corrupt ang isip ng kabataan dahil sa walang kontrol at restriksyon ang lumalabas sa social media. Ang tangi lang nating magagawa ay 'wag nang i-encourage pa ang iba na basahin/ buksan ang isang post na sa tingin natin ay magpo-pollute sa kaisipan ng mga kabataan. May mga sapat na pag-iisip na tayo para malaman kung ano ang tama sa mali e, paano ang mga kabataang tila nangangapa at ngayon pa lang susuong sa mapanghusgang mundo.

      Delete