Tuesday, February 25, 2014

Tatlong Iglap (mga kwentong iglap) 2.0



Unang Iglap: Ang Kuya



Tatlong buwang ipon mula sa allowance sa eskwela ang kanyang gagastahin sa pinakahihintay na gabing ito. Sobrang kaba ang nararamdaman ni Paul ngunit kailangan niyang magpakatatag, kailangang hindi maging obvious ang nerbyos na ito kundi ay baka ito ang magpahamak sa kanya.



"Magic Touch" ang pangalan ng Spa na kanyang tinungo. Narinig niya lang ito sa isang parlor, sa usapan ng mga bading na hairdresser nang minsang nagpagupit siya dito. Wala siyang kasamang nagpunta sa Spa dahil hindi alam ng kanyang pamilya o ng mga kaibigan na siya ay isang bading. Matagal na niyang itinatago ang lihim na ito. Akala ni Paul noon ay malilipasan niya ang identity crisis na kanyang pinagdadaanan ngunit makalipas ang graduation ng Highschool, saka niya nakumpirma na may pagnanasa talaga siya sa kapwa niya lalaki.




“Number 12”, sabi niya sa lalaking nagtanong kung sino sa mga masseurs ang kanyang naibigan.



“Room 51A po kayo, susunod na lang si number 12 sa kwarto niyo”, sagot ng lalaki.



Nakatapis na lang ng tuwalya si Paul at nakahiga sa may kaliitang kama nang pumasok ang masseur #12. 
 
Pamilyar kay Paul ang bango ng lalaking pumasok, agad siyang napabalikwas. 

 

Nadagdagan ang kanyang kaba. 

 

Pamilyar kay Paul ang hitsura ng lalaking pumasok na aninag sa malamlam na ilaw ng kwarto.




“Kuya?!” gulat na tanong ni Paul sa lalaki.



Ang kuya ni Paul ang breadwinner ng pamilya, na siya ring nagpapaaral sa kanya at sa isa pa nilang kapatid na nasa elementarya.

 

 * * * * *

 

Ikalawang Iglap: Ang Best Friend

 




Sa Videoke na naman muling nagkita ang magbestfriend since highschool na si John at Lance. Alam na ni Lance ang problema ni John.


“Brokenhearted na naman ito malamang” sabi ni Lance sa sarili.




Lagi namang ganun, sa tuwing may problema sa babae ang best friend na si John siya ang unang-unang taong tatawagan nito. At kahit sobrang busy niya at halos wala pang tulog dahil sa demanding na trabaho bilang call center agent naglalaan siya ng oras para samahan ang best friend.



“Tangina pare ang tagal mo naman, kanina pa ako dito” bungad na bati ni John sa dumating na si Lance.




“Sensya ka na pre, galing pa kasi ako sa trabaho. Alalay ka lang baka marami ka nang naiinom magdadrive ka pa pauwi” paalala ni Lance sa kaibigan.



“Kaunti pa lang, walong bote pa lang. Ha ha ha!” malutong na halakhak ni John.
 

Inabutan ng isang bote ng beer ang best friend.  
 
“Mabuti ka pa pare lagi kang nandiyan sa oras na tawagan kita hindi katulad niyang sina Jenny, Mildred at Siony mga two timer sila!” mga ex ni John ang mga binanggit niya. “Bakit nga pala wala ka pang girlfriend na kinukwento sa akin? Tangina pare baka nililihiman mo ako,ah.”



“Darating tayo diyan balang araw may ipakikilala rin ako sa’yo. Saka bakit ako ang topic ng usapan? ‘Di ba kaya ako nandito dahil sa problema mo?” pilit na iniiba ni Lance ang usapan sabay tungga sa bote ng beer.


Pinindot ni Lance ang isang button na malapit sa switch ng ilaw, hudyat nang pagtawag sa waitress ng videoke.




“Pare order lang ako ng paborito mong calamares at sisig, okay lang ba?” patanong na paalam ni Lance.



“Okay lang pre, basta ikaw" sang-ayon ni John,"O kanta ka muna, kanina pa ko mukhang tanga dito na mag-isang kumakanta.” iniabot nito ang mic kay Lance. 
 
Kinuha ni Lance ang mic, dinampot ang songbook at may hinanap na kanta.



Gamit ang remote ay nagsalang ng kanta si Lance.




Maya-maya pa’y nag-umpisa nang tumugtog ang intro ng kantang isinalang.





Kanta ni Bituin Escalante,“Kung Ako Na Lang Sana”.



 * * * * *

Ikatlong Iglap: Ang Witness



“Sir, siya lang po ang tanging witness na nakakita sa dalawang suspek” sabi ng isang pulis sa imbestigador. Nasa presinto sila. Ang witness na tinutukoy ng pulis ay si Gerardo, isang boy/helper ng pamilya Gonzalo.


Madaling araw nang pasukin ng dalawang miyembro ng Gapos Gang ang bahay ng mga Gonzalo. Kabilang si Gerardo at dalawang kasambahay ang iginapos ng mga suspek. Nagkataon namang wala ang buong pamilya Gonzalo ng mangyari ang krimen, umaga na ito nang dumating galing sa panunundo sa isang anak na mula sa Singapore.




Nasa presinto ang lahat. Ang mag-asawang Gonzalo, ang dalagang anak na nagtatrabaho sa Singapore, ang dalawang kasambahay ng pamilya at si Gerardo na namukhaan daw ang isa sa mga nanloob sa bahay.




“Akala ko ba may takip ng panyo ang mga suspek, pa’no mo sila namukhaan?” kausap ng imbestigador si Gerardo.




“Isa lang po ang namukhaan ko. Nagkataon po kasi na nakatingin ako sa isang suspek nang kumalas mula sa pagkakabuhol ang takip niyang panyo”, sagot ni Gerardo.




“Ah ganun ba? O sige i-describe mo ang suspek para magawan na ng cartographic sketch ni Galvez” si Galvez na tinutukoy ng imbestigador ay isang mahusay na sketch artist ng PNP Crime Lab.




“Ano ba? I-describe mo na!” ulit ng imbestigador.




“Ah eh opo. Bale po ‘yung suspek ay may mapungay na mata, makapal ang kilay, bagsak ang makapal na buhok, matangos ang ilong, manipis po ang bigote niya, malumanay lang po magsalita, pantay ang ngipin, may dimple, makinis ang kutis, magaling po siya magdala ng suot niyang maong, saka sa tingin ko po maganda rin ang abs niya…”




Monday, February 24, 2014

The Toni G. and Papa P. Experience



Madalas nating tanong; Ano ba ang kaya mong ibigay para sa pag-ibig? Ano ba ang kaya mong isakripisyo kapalit ng inaasam na pagmamahal? Hanggang kailan ka maghihintay at magtitiis para sa pag-ibig?

Sa pelikulang 'Starting Over Again' na pinagbibidahan nina Toni Gonzaga at Piolo Pascual mas angkop na mga katanungan dito ay; Ano ang kaya mong ibigay para sa pangarap? Hanggang saan ang iyong pagtitiis para makamit mo ang isang pangarap? Kaya mo bang isugal at isakripisyo ang pag-ibig ng kasalukuyan para sa pangarap na magandang kinabukasan?

Higit isang linggo matapos i-showing ang 'Starting Over Again' saka ko pa lamang napanood ito. Hindi ko inasahan na on its second week marami pa ring tao sa loob ng sinehang pinasukan namin ng wife ko. Kung hindi pa kami maagang pumila malamang ay sa hagdan kami nakasalampak o kaya naman ay nakatayo kami sa kung saang sulok o gilid lang. Siguro tulad ng aking dahilan ang pagkakaroon nila ng interes na panoorin ang movie: interesting. Sa dami ng kaibigan sa FB na nagshare ng kani-kanilang status tungkol sa Toni G. - Papa P. movie na ito, naglaan ako ng oras at pera ito'y panoorin.

Hindi nga ako nagkamali, interesting nga ang movie. Para sa akin ay sulit ang perang iyong ibabayad sa ticket, ang iyong dalawang oras sa loob ng sinehan at isang oras pang preparasyon para magtungo sa iyong paboritong mall upang panoorin ito.
'Starting Over Again' is a movie about dreams, frustrations, failures, false hope, success, triumph and of course love.

Umikot ang istorya sa pag-ibig ni Ginny (portrayed by Toni G.), a young girl who has a big admiration sa young professor of their university na si Marco (Papa P.) na gagawin ang lahat ma-express niya lang ang kanyang nararamdaman dito, Eventually, nagtagumpay naman si Ginny kay Marco at nauwi ito sa isang seryosong relationship na umabot pa nga sa pag-aalok ng kasal ni Marco sa dalaga.

Ngunit gaya ng pangkaraniwang love story mapamovie man o reality kailangang may conflict na magpapatibay o magpapaguho sa isang relasyon.

Sa gitna ng inaakalang masayang pagmamahalan at tumitibay na relasyon ay bigla na lamang iniwan ni Ginny si Marco ng walang kongkretong dahilan. Tumungo ang dalaga sa Espanya upang tuparin ang pangarap at naiwan si Marco na basag ang buong pagkatao. Sino ba naman ang hindi malulunod sa kalungkutan kung ang dahilan ng lahat ng iyong kaligayahan, isang araw ay bigla na lang lilisan? At ang higit na masakit ay ang iwan ka nito ng walang sapat na kapaliwanagan at hindi ka man lang nabigyan ng pagkakataon upang baguhin ang ugaling hindi niya naibigan.

Siguro hindi na tayo dapat (gaanong) maniwala sa english saying na: 'what you don't know won't hurt you'. Masakit ang dulot ng isang paghihiwalay lalo't hindi mo alam kung ano ang tunay na dahilan sa likod nito, masakit ang bigla kang maiwan sa ere ng taong mahal mo kung hindi mo alam ang mga sagot sa marami mong katanungan.

Makalipas ang mabilis na apat na taon, isang postdated email ang gumising sa damdamin ni Ginny na pansamantalang nahimbing. At isang proyekto ang naging dahilan upang muling mag-unay ang dalawang dating nagmamahalan. Sa muling pagtatagpong ito mas maraming tanong ang lumutang kaysa mga kasagutan at mas naging komplikado ang dating payapang isipan. Kung gaano naging mapangahas ang estudyanteng si Ginny noon ay mas lalo pa itong naging mapangahas maibalik lang ang nawala at naudlot na pagmamahalan nila ni Marco. Kahit batid ni Ginny na may pagkakataong pinaglalaruan lang siya ni Marco, wala siyang pakialam dito.

Makakarelate ang (halos) lahat sa ganda ng execution ni Direk Olivia Lamasan sa eksenang nasa kama si Toni G. at sising-sisi sa ginawa niyang pang-iiwan kay Marco, ang urong-sulong na pagdelete sa huling email ni Marco, ang madamdaming paninisi niya sa mga masasakit na ginawa niya noon sa taong labis niyang minahal.

Hindi sa lahat ng oras, tayong lahat ay mabibigyan ng ikalawang pagkakataon. Hangga't kaya mong ingatan, pahalagahan at 'wag iwan ang taong mahal at mahalaga sa ating buhay gawin natin ito dahil posibleng wala na tayong mababalikan pa at ang minsang pagwawalang bahala natin ay maging sanhi ng ating habangbuhay na pagsisisi.

Ipinapakita sa istorya na hindi sa lahat ng sandali ay maari nating muling balikan at mahawakan ang mga bagay na iniwan at binitiwan natin dahil may posibilidad na ang dating iyong-iyo ay maaring pagmamay-ari na ng iba at hindi mo na kailanman mababawi pa, kahit na anong iyong gawin.

Ilang rejection pa ang nangyari sa mga proposal ni Ginny kay Marco sa proyektong kanyang tinanguhan at umabot na sa puntong napikon na si Ginny at binanggit ang katagang: "I deserved an explanation. I deserved an acceptable reason!" katagang tila sumampal sa kanyang pagkatao. Bakit mo nga naman kailangan ng eksplanasyon kung sa umpisa pa lang ay ipinagdamot mo na ito? Bakit mo nga naman hinihingi ang isang bagay na hindi mo naman ibinigay? Ang eksenang iyon ang isa sa pinakahighlight ng movie. Kung gaano kaganda ang line/script na naririnig ng manonood ng movie mula kay Papa P. sobrang sakit naman nito sa dibdib para sa karakter na si Ginny.

Ang pag-asa na kinapitan at sinandalan ni Ginny ang siyang unti-unting nagpapalubog sa kanyang katauhan at dumating pa ang sandaling siya'y naging katawa-tawa sa paningin ng mga kaibigan. Sa pag-aakalang may puwang pa siya sa puso ni Marco at sa pag-asang muling mababalikan ang nawaglit na sandali ng pagmamahalan, pursigido si Ginny na muling mapasakanya si Marco.

Totoo na ang tiwala ay napakahalaga sa isang relasyon. Madalas mas mahalaga pa ito sa mismong pag-ibig dahil ang pag-ibig minsan ay makasarili 'di tulad ng tiwala na sa lahat ng pagkakataon ay may kalakip na respeto at pagmamahal. Sa ginawang pang-iiwan ni Ginny kay Marco tila kawalan ng tiwala rin ang naghihiwalay sa kanila kahit na sila'y magkasama.

Sa napakaraming pinoy made lovestory film na naipalabas na, aakalain nating wala nang movie na makakapagpaexcite at makakapagpahanga sa atin. Tagahanga ka man o hindi ni Toni G., ni Papa P. o ni Direk Olivia Lamasan na siyang may pakana ng istorya at direksyon ng movie malaki ang porsyentong magugustuhan mo ito. Sa aandap-andap na industriya ng pelikulang pilipino kailangan natin ng ganitong movie na pinag-isipan,  hindi minadali at makatotohanan.

Starting Over Again ay isang pelikulang sulit sa halagang Php160 na iyong ibinayad, sulit na dalawang oras kasama ang iyong mahal sa buhay at mga bida ng pelikula, sulit na realizations sa normal na nangyayari sa ating kapaligiran.

Sa movie na ito, ikaw ay mapapangiti, matatawa, matutuwa, makakarelate at magdadagdag sa pagpahalaga ng salitang 'pagmamahal'.

Starting Over Again is a damn good film with a happy ending. In a different way.

Monday, February 17, 2014

Balikbayan Box



Laman ng kanyang balikbayan box ay tsokolate, mga bagong damit, wristwatch, cellphone, laptop at nabasag na pangarap.
- - - - -

October 2008 nang swertehing matanggap si Danny bilang tile setter sa isang construction company malapit sa kabisera ng Saudi Arabia.
Hindi kalakihan ang kanyang sweldo pero sasapat na sa pangangailangan ng kanyang pamilya; may dalawa silang anak ng kanyang asawang si Josie at kahit papaano'y nakakapagsubi rin ito para sa iba pa nilang pangangailangan at ipon na rin para sa pag-aaral ng anak.


Nagtungo siya sa lugar na iyon na puno ng pangarap. Dala ni Danny ang pag-asang makakaahon sa kahirapan ang kanyang pamilya. Sa edad niyang beinte-tres, unang beses niyang makakarating sa ibang bansa, unang beses niyang magtatrabaho para sa ibang lahi. Isa siyang mason sa kanilang probinsya sa Pampanga paminsan-minsan 'pag may kontrata ang kanyang amo na isang arkitekto ay may trabaho siya ngunit 'pag wala naman ay wala rin siyang kita. Kapag ganun ay aasa na lamang ang kanyang pamilya sa kaunting kikitain sa pagsasaka ng bukid ni Mang Manuel. Ngunit dahil sa abnormal na klima ng panahon nagreresulta ito sa kakarampot at papaunting kita sa pagsasaka. Kalaunan ay nagdesisyon si Mang Manuel na ibenta ang kanyang ekta-ektaryang bukirin sa isang developer ng Subdivision. Dito na kinailangang maghanap ng ibang pagkakakitaan ang pamilya ni Danny.


Nagbukas ang oportunidad ng pagtatrabaho sa ibang bansa nang ang isa sa kasama ni Danny sa construction firm na si George, ay natanggap bilang welder sa Saudi. Hindi madaling desisyon na umalis sa kinagisnang lugar, hindi madaling mawalay sa pamilyang kanyang labis na mahal lalo pa't bago pa lamang silang mag-asawa. Sa kabila ng lahat ng ito, buo ang loob niyang haharapin ang anumang pagsubok na sasalubong sa kanya.


Sa tulong ng lupang pag-aari ng inang si Nanay Mona, naisangla nila ang kapirasong lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Ang lupang iyon ay pamana pa ng nuno ni Nanay Mona sa kanya. Ang perang pinagsanglaan ay hindi pa rin sumapat para sa placement fee ni Danny at kinailangan pa nilang mangutang upang mapunan lang ito.


May isang kapatid si Danny, ito ay si Doris. Scholar ito sa isang pampublikong paaralan at sa susunod na taon ay college na ito. Mabuti na lamang at matalino si Doris dahil kung hindi'y dagdag gastos pa ng pamilya ang matrikula nito. Napagkakasaya ng kanyang ina ang baon nito sa araw-araw dahil sa kanilang maliit na sari-sari store.


Puno ng adjustment ang unang mga buwan ni Danny sa Saudi. Maraming gabing hindi siya dalawin ng antok dahil sa lungkot, maraming mga araw ang tila napakabagal para sa kanya dahil sa sobrang pagkabagot at kahit libre ang pagkain sa kanyang pinagtatrabuhan tila hindi siya nakararamdam ng pagkabusog. Ang gastos lang niya halos ay ang bayad sa renta ng kanyang tinutuluyang kwarto.


Sa ngalan ng pagmamahal sa pamilya gagawin ni Danny ang lahat ng pagtitiis at sakripisyo. Ngayon niya lang nalaman kung bakit ang tawag sa katulad niyang OFW ay bagong bayani. Bayaning isinusugal ang buhay sa ibang bansa, bayaning nagpapaalipin sa ibang lahi. Ngunit paano nga ba tinatawag na bayani ang isang OFW kung wala man lang pagmamalasakit ang pamahalaan sa mga katulad nila? Bakit nga ba sila naging bayani kung walang sapat na respetong iginagawad ang gobyerno sa kanila?


Habang nagpapakahirap ang katulad niya, nababalitaan niya mula sa Maynila ang patuloy, talamak at hindi naaawat na korapsyon sa bayang kanyang pinanggalingan. Ito rin ang isa pang naging dahilan ni Danny kung bakit nabuo ang loob niyang tumulak sa ibang bansa. Walang komprehensibong programang pangtrabaho nakalatag para sa mga mahihirap ngunit masikap na gaya niya. Si Danny at ang labing-isang milyong pilipinong iba pa ay hindi umasa sa gobyernong dapat na kumakalinga sa kanila.


Magpapaalipin para magkalaman ang platong ihahain.
Magpapaalila para makapag-aral ang mga bata.
Magtitiis para sa pinapangarap na malaking bahay.
Magsusumikap para sa magandang kinabukasan.
Magsasakripisyo para sa kasiyahan at kaligayahan ng buong pamilya.


Tatlong taon ang kontrata ni Danny sa Saudi.
Maikli lang ito kung tutuusin ngunit para sa kanya'y tila katumbas ito ng walang hanggang paghihintay. Para sa taong naiinip at sabik sa pamilya lubhang napakabagal ng takbo ng bawat minuto at oras. Kahit nasanay at nagamay na siya sa kanyang trabaho, sa kanyang tinitirhan at pakikisama sa kapwa niya OFW, hindi pa rin mapupunan nito ang lungkot na namamahay sa kanyang puso. Ngunit positibo siyang malalampasan niyang lahat ng paghihirap na ito.


Apat na buwan bago matapos ang kontrata ni Danny sa Saudi, labis na ang pananabik na nararamdaman niyang muling makasama ang pamilya. Wala nang pagsidlan ang kanyang kasiyahan, kung maaari nga lang sana na hatakin ang mga nalalabing araw sa eksaktong araw ng kanyang pag-alis ay ginawa na niya ito. Gamit ang naipong pera ay paisa-isa niyang binibili ang lahat ng bilin at pasalubong para sa pamilya; tsokolate at mga bagong damit para sa dalawang anak, relo para sa inang si Aling Mona, cellphone para sa asawang si Josie at laptop para sa kapatid na si Doris.
Nakalagay ang lahat ng ito sa isang Balikbayan box.


Ngunit 'pag nagbiro ang tadhana tiyak hindi ka matutuwa.
Hindi sinasadyang napatay ni Danny ang landlord niya na isang Pakistani. Napilitan siyang lumaban nang awayin at gulpihin siya dahil sa alitan tungkol sa renta. Self defense ang nangyari, sadya man o hindi ang pagkakapaslang sa Pakistani ay ikukulong pa rin siya ng otoridad ng Saudi. Alam niyang mahigpit ang batas dito kaya't ganun na lamang ang kanyang panghihinayang at pagsisisi nang malaman niyang namatay sa ospital ang kanyang nakaalitan.


Ilang araw makalipas ang krimen, nakarating na sa kaalaman ng embassy at consul ng Pilipinas sa Saudi ang naganap na pagkakapaslang ni Danny sa Pakistani subalit katulad ng iba pang hinaing at problema ng ating mga bagong bayani tila hindi nabigyang pansin ng kinauukulan ang kaso niya.


Dahil sa magulong pag-iisip at pag-aakalang mapapagaan ang parusa sa kanyang kaso, idagdag pa ang kakulangan ng legal assistance ng pamahalaan sa kanya at sa kagustuhang matapos kaagad ang kaso, inamin na lang ni Danny ang pagkakapatay sa Pakistani.

Murder ang krimeng nagawa ni Danny at sa bansang ito may katumbas itong parusang kamatayan. Upang makaligtas sa parusang bitay kailangang makapagbigay ang pamilya ni Danny o ng pamahalaang Pilipinas nang tinatawag na 'blood money' sa pamilya ng nasawi. Ang itinakda ay 6 milyong Riyal ngunit nabawasan ito at naging 4 milyong Riyal katumbas nito'y 44 milyong piso.


Sa loob ng piitan, nakararanas ng panggugulpi ang kaawa-awang si Danny sa kapwa niya preso kahit itanggi pa ito ng pamunuan ng presinto ay hindi naman maitatanggi ang maraming pasa sa katawan ng pilipino.
Kahirapan na nga ang dinanas sa labas ng bansa, kahirapan pa rin ang kanyang kinakaharap sa loob ng bilangguan.
Sa isang iglap, lahat ng kanyang mga pangarap para sa pamilya ay gumuho. Magsisi man siya ay tila huli na ang lahat..


Kabi-kabila ang panawagan at pakiusap ng pamilya ni Danny sa iba't ibang ahensiya, NGO, private companies, social network upang makakalap ng blood money na makapagsasalba sana sa buhay ng bagong bayaning si Danny ngunit tila bingi ang kinauukulan para maaksyunan ang lumalalang problemang ito. Nakarating na rin ang balitang ito sa media sa Pilipinas at sa kaalaman ng mga kababayan.


Makaraan pa ang ilang taon at napakaraming gabing pagtangis, lumalapit na ang deadline ng pagbabayad sa itinakdang blood money sa pamilya ng biktima, halos wala pa sa kalahati ang naipong perang makapagliligtas sa isang sagradong buhay.


Habang lumalapit ang araw ng execution ay unti-unting binabawian ng pag-asang lumawig pa ang buhay ni Danny. Patuloy na nagtatanong kung kakambal niya sa buhay ay kamalasan, patuloy na iniiyak ang lahat ng kanyang sama ng loob sa Pilipinas, sa mundo, sa gobyerno.
Maaaring anumang araw mula ngayon ay isasagawa ng otoridad sa Saudi ang hatol na kamatayan para kay Danny at hindi na tayo magugulat sa balitang ito. Panandaling mapupukaw ang damdamin ng mga Pilipino sa pagbuwis na naman ng buhay ng isang bagong bayaning winalang bahala at hindi nabigyan ng sapat na kalinga at importansya.


Hangga't hindi nababago ang sistema ng pamahalaan, hangga't makasarili ang karamihan sa mga opisyales na nanunungkulan, hangga't walang magandang programa para sa lokal na employment ang gobyerno ng Pilipinas marami pang 'Danny' ang magiging biktima ng ganitong klase ng krimen.


Habang magulo ang isip ni Danny na naghihintay ng kanyang kamatayan nasa sulok naman ng isang malungkot na silid ang isang kahong pasalubong at sorpresa para sa kanyang pamilyang naiwan sa Pilipinas.
 
Laman ng kanyang balikbayan box ay tsokolate, mga bagong damit, wristwatch, cellphone, laptop at nabasag na pangarap.