Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Wednesday, March 27, 2013
Sabaw
Hawak ang plumang nakatanaw sa kawalan.
Nagninilay sa paksang naisipan.
Itinala ang unang salita at nakabuo ng 'sang pangungusap.
May kung anong ispiritung dumaan sa harapan.
At huminto ang makina ng isipan.
Tumindig, luminga, lumakad saka pinatid ang uhaw.
Nasawata ang pagkauhaw sa tubig ngunit hindi ang pagkauhaw nang himanman.
Segundo, minuto, oras ang lumipas
'Di na madugtungan ang ninanais na ibulalas.
Monday, March 25, 2013
Kill the Android
I Fear the Day That Technology Will Surpass Our Human Interaction. The world will have a generation of Idiots.
-Albert Einstein
* * *
Mukha na tayong gago at
pinagmumukhang gago na rin natin ang mga tao sa ating paligid. Hindi na natin
alam kung ano ang mas dapat na unahin sa buhay, ipinagpapalit na natin ang
mahahalagang bagay kaysa sa ating kagustuhan at hindi na natin binibigyang
halaga ang oras na dapat sana'y ginugugol natin sa mahahalagang bagay.
Dumating na ang panahong mas
prayoridad na ng mga tao ang kanilang gadget/gamit kaysa sa mga importanteng
mga bagay at okasyon. Halos lahat na ng uri ng tao'y may tangan-tangang
android/smartphone at mas nakatutok ang kanilang pansin at atensyon dito kaysa
sa importanteng bagay at ang mas nakakalungkot kahit tayo'y kabilang na dito.
Ang mga gadget imbes na
gawin nating alipin ay tayo na ang inaalipin nito. Nagiging sunud-sunuran tayo sa
anumang ipag-uutos na mensahe ng nasa screen. Tayo ay biktima ng sarili nating
krimen at hindi natin mapigilan ang paglaganap ng krimen na ito sa halip ay
pinalalawak at kinukunsinti pa natin ito sa pamamagitan ng pagbigay/pagregalo
nito sa ating mga mahal sa buhay. Hanggang sa madomina na ng teknolohiya ang
kamalayan ng mga tao at ang pisikal na pag-uusap, pakikipag-komunikasyon at
pakikipag-kapwa sa tao ay nababawasan kung hindi man unti-unting maglaho.
Sino ba sa atin ang hindi
nakararanas nito?
Nakatutok sa gadget habang
may personal na kausap.
Naglalaro ng games sa halip
na nakikinig sa kaharap.
Naglalaro ng birtwal na
games sa halip na nanonood ng aktuwal at totoong laro.
Kinakalikot ang apps habang
nasa hapag-kainan.
May kausap/kachat/katext
habang nanonood ng isang movie o concert.
Tumatawa sa napanood sa
android kaysa sa patawa ng isang kaibigan.
May nakasuksok na headphone
sa tenga at walang pakialam sa mundo.
Itutulog na lang ay
nagla-log in pa sa Facebook.
Mas gustong hawak ang smartphone kaysa hawak ang kamay ng asawa of BF/GF.
Mas gustong hawak ang smartphone kaysa hawak ang kamay ng asawa of BF/GF.
May kausap na ibang tao sa
halip na nakikinig sa aralin.
At ang mas nakakalungkot…sa
tuwing may naaksidente mas inuuna pang video-han ang taong naaksidente bago ito
tulungan.
Oo, nakakatulong ang
teknolohiya sa ating mga tao pero kung ganito naman ang epekto nito sa atin mas
nanaisin pa natin ang mabuhay sa panahong hindi pa gaanong maunlad ang mundo,
sa panahong hindi pa tayo alipin ng teknolohiya, sa panahong mas mababaw pa ang
kaligayahan ng tao kumpara sa ngayon. Wala namang internet sa mga panahon ng
dekada sitenta at otsenta at hindi naman ganun kalaganap ang intenet noong dekada
nobenta pero ironically, mapangahas kong sasabihin na higit na mas marami ang
matatalinong kabataan noon kumpara sa modernong panahon ngayon.
Teka, kung ganoon pala ano
ang silbi sa atin ng hightech na wikipedia kung higit na binabasa noon ang
makakapal na encyclopaedia ng mga kabataan noon?
Sana wala na lang Google
kung lyrics lang ng mga kanta nina Justin Bieber, Rihanna o Eminem ang interes
natin o hahanapin mo lang pala ang detalyadong interview kay Kris Aquino patungkol sa dati niyang asawang si James Yap.
Sana hindi na lang naimbento
ang Temple Run, Fruit Ninja, Clash of Clans, Candy Crush, Little Empire atbp. kung prayoridad
na ito ng mga kabataan at gugugol sila ng napakaraming oras dito kaysa kasama
ang kanilang mga magulang o pisikal na naglalaro sa lansangan o nagbabasa ng
kani-kanilang libro.
Ano bang kaimportantehang
bagay ang pinag-uusapan ng mga kabataan sa virtual na mundo ng YM, Skype o FB
Messenger ng mga kabataan?
Ilang personalidad (sikat
man o hindi) na ba ang nag-commit ng suicide dahil sa isang kontrobersiya sa
internet?
Ilang kababaihan na nga ang
nahalay dahil sa pakikipag-eyeball sa isang estrangherong naka-meet lang sa
cyberworld?
Ilang pamilya ang nasira
dahil sa labis na pagkalibang at pagkalulong sa matatamis na salita ng isang
kachat?
Ilang
mag-asawa/magkasintahan ang naghiwalay dahil sa modernong teknolohiyang ito?
Ilang personalidad na ba ang
nagtanim at nag-ani ng galit dahil sa cyber bullying?
Ilang estudyante na ang
nasira ang pag-aaral/edukasyon dahil sa labis na paggamit ng computer?
Maaring marami ang
magsasabing hindi ito lubos na kasalanan ng teknolohiya ngunit hindi naman
maikakaila na napakalaking contributing factor nito para masira ang buhay ng
isang indibidiwal. Dahil sa pag-abuso natin dito at sobrang pagka-enjoy natin
sa mga bagay na hindi natin napag-iisipan ng husto nagiging hindi maganda ang
kinahihinatnan nito. At huwag na nating itanggi ito.
Hindi ba labis na ang
pagkahumaling natin sa teknolohiya? Na kinakailangan nating isakripisyo ang
ating kakatiting na ipon para sa kinabukasan makapagpundar(?) lang ng moderno
at mamahaling android?
At pagkatapos nito ay ano?
Hindi na nga natin mapunan ang ilang pangunahin nating pangangailangan sa buhay
nababawasan o nawawala pa ang atensyon natin sa mga bagay na higit na mahalaga.
Hindi mo ba napapansin ang madalas nating pagwawalang bahala sa oras, sa
kaibigan, sa pera, sa pag-aaral, sa okasyon, sa pamilya, sa pagkain, sa trabaho
at sa iba pa, para lang mapagbigyan o mapaboran ang oras na hinihingi ng ating
mga android! Tsk tsk, kung susuriing mabuti palaki ng palaki ang dating
simpleng problemang ito.
Marami pang gamit ang
internet bukod sa Facebook o pagdownload ng kung ano-anong apps pero sa
pag-obserba natin sa mga computer shop o pagsilip sa mga android phones, iilang
porsyento lang ba dito ang nagbabasa ng may saysay at may kabuluhan ang
binabasa?
Isa pang tanong, kung hindi
natin kayang patayin ang ating pagiging utak-android, paano natin mapipigilan o
mababawasan man lang ang hindi magandang resulta ng teknolohiya sa ating pang
araw-araw na buhay?
Tuesday, March 19, 2013
Talinong nakakatakot, Yabang na nakakalason
Gagawin kong lason ang
iyong laway upang sa tuwing lumalabas sa bibig mo'y kayabangan ay unti-unting
malulusaw ang iyong dila't lalamunan hanggang pagkahabag na lamang ang tangi
naming maipukol sa'yo at dahil sa kirot at hapdi na iyong daranaisin kalauna'y
ikaw na ang magkukusang loob na lamunin at lunokin ang lahat ng banyagang
salitang itinuring mong iyong kayamanan; ibabalik ko sa'yo nang tatlong ulit
ang panglilibak at panghahamak na iyong ginawa sa inakala mong mga istupido at
mangmang na iyong kapwa.
Ngunit hangga't may
panahon, diringgin ko pa ring nawa'y
maging isa kang tupang marunong sumunod at magmanikluhod at hindi isang putang
namumuhay sa salaping nanggaling sa pinagputahan ng iyong palalong kamalayan.
* * *
Isang malaking kabiyayaan sa tao ang
magkaroon ng talinong angat sa pangkaraniwan dahil hindi lahat ng tao ay
napagkakalooban ng eksepsyonal na talino gayundin naman na hindi lahat ay
nabibigyan ng oportunidad na makapagtapos ng pag-aaral. At marapat lang na atin
itong ipagpasalamat sa mga taong tumulong sa atin para maisakatuparan ito dahil
walang sinuman ang nakakamit ng tagumpay sa sarili lang niyang kakayahan.
Ngunit kahit gaano ka pa katalino o sobrang taas na ng iyong pinag-aralan hindi
pa rin ito karapatan para maliitin ang utak ng mga taong nasa paligid mo, hindi
pa rin ito lisensiya para hamakin ang kapasidad ng sinumang tao.
Para saan ba ang talino kung hinahamak mo
ang mga tao?
Ano ba ang silbi nito kung puro paghanga sa
sariling kakayahan ang iyong pinangangalandakan?
Higit pa sa papuri ng talino ang kayang
ibigay sa iyo ng mga tao kung ang iyong talino'y ginagamit mo sa mga positibong
bagay hindi ang pagmamaliit sa mga taong ipinagpalagay mong walang talino.
Dahil ba sa sobrang talino mo ay walang nakakapagpaalala sa iyo na mali na ang
iyong ginagawa o ipinagpalagay mong lahat ng iyong ginagawa ay tama?
Hindi mo na kailangang ipangalandakan pa na
ikaw ay angat sa pangkaraniwan hayaan mong ang mga tao ang makapansin nito,
pupuriin ka nila ayon sa iyong inasta at hindi mo na kailangang ipagpilitan
pang higit ang talino mo sa kanila.
Sa halip na manghamak, bakit hindi mo
ibahagi ang iyong nalalaman?
Mas matutuwa ang mga tao kung nalaman nilang
ang iyong pinag-aralan ay hindi mo sinarili lang kundi naibahagi mo ito sa
ibang nangangailangan nito. Para saan ba ang iyong pangmamaliit? Makakapagpaangat
ba ito sa estado ng iyong buhay? Sayang ang iyong mataas na pinag-aralan kung
ang mas nakikita sa iyo ay ang pagkababa ng iyong pag-aasal. Sayang ang
kahanga-hanga mo sanang talino kung ang kabilang bahagi ng iyong kamangmangan
ang mas namamalas sa iyo ng mga tao.
Sa halip na manghusga, bakit hindi mo
unawain ang kanilang kapasidad?
Kung nakakaramdam ka ng labis na kasiyahan
sa tuwing huhusgahan mo ang mga taong sa tingin mo'y mangmang baka pag-uutak mo
na ang may karamdaman. Mas kapuri-puri ang mga taong maunawain kaysa sa mga taong palaging
ipinagmamalaki ang kanyang kakayahan. Kung wala ka rin lang mabuting sasabihin
sa iyong kapwa mas makabubuting 'wag ka na lang magsalita ng anumang
makakapagpasama ng loob nila. Subukan mong ilagay ang iyong sarili sa kanila,
isipin mong ikaw ang siyang hinahamak dahil lang sa kinapos na talino kung sa
tingin mong sila'y nasasaktan malamang nasasaktan nga sila.
Kung binibisyo mo na pagtawanan ang mga
taong "bobo" sino sa tingin mo ang nagiging katawa-tawa? Kung ang
pagkaawa mo sa mga taguri mong mangmang ay may halong pang-aalipusta sino sa
tingin mo ang nagmumukhang kaawa-awa? Sana pumasok sa isip mo ang isang
matandang kasabihan na "kung ano ang ginagawa mo sa mga tao, iyon din ang
gagawin nila sa'yo". Tingnan mo ang nasa paligid mo hindi mo ba pansin ang
mga taong nag-aalangan sa'yo?
Hindi nakakadagdag sa pagkatao ang
pagkahambog at lalong hindi nakakapagpabawas sa iyong personalidad ang
pagpapakumbaba. Huwag mong iangat ang sarili mong upuan dahil mahihirapan ka
kung ikaw ay nakaupo dito, may mga taong mag-aangat nito para sa'yo; mga taong
kagigiliwan ka kung marunong makisama at makisalamuha.
Gumuguho ang anumang paghanga kung mas
nauunang umalagwa ang kayabangan kaysa sa galing at talento. 'Pag ipinagpatuloy
mo ang ganitong kaasalan hindi ka pa nakakaangat ng husto ibabagsak ka na ng
sarili mong kahambugan. Hindi pa huli ang lahat, may oras at panahon pa para
iapak ang paa sa lupa at iyukod ang ulong nagmamarunong sa halos lahat ng bagay
dahil ang mga taong mapagkumbaba sila ang tunay na pinagpapala.
Ang talino 'pag sinamahan ng
labis na kayabangan sa halip na hangaan ay madalas kinaiinisan at iniiwasan at
minsan pa nga nakakalason at kinatatakutan.
Thursday, March 14, 2013
Bastardo
Naghaharing halinghing at
humihiyaw na alingawngaw ang pumukaw sa katahimikan ng mapanuksong gabi.
Magkaulayaw ang kasakiman at pagkasuwail na pinaglibog ng kanilang pagmamahal
sa ginto at salapi; pinag-alab ng pag-ibig sa pwesto't kapangyarihan. Iniulos
ang matigas na litid ng pagkaganid. Idiniin ang naghuhumindig na pagkahayok sa
panunungkulan. Mga ilustradong mangmang, mangmang na nagdunong-dunungan.
Pinaghalong tamod ng pagkasakim at pawis ng traidor ang pumapatak, umaagos at
umaalingasaw sa bawat kadyot na puno ng pag-iimbot. Hinihingal, humahangos sa
bawat himod at hagod ng dugyot na kuyukot.
Saksi ang nilukubang
ispiritu ng demonyo na hindi kumikilala ng kabutihan at katarungan. Siglo ang
itinagal ng romansa. Pinag-aalab at sinisilaban ng pagnanasang makaalpas sa
pagdarahop. Nilunok ang lahat ngunit lalong naging hambog. Nilabasan at
nakaraos ngunit nananatiling gutom at hayok. Sumumpa ng pagkayabong habang
marubdob na nagtatalik. Mapusok. Puno ng libog. Silang pinagtagpo (raw) ng
tadhana na magsasama sa kahirapan at ginhawa.
Binuntis ng diwang pulos
panlalamang at kabalastugan ang kaalaman na pinag-ibayo ng kasabikan sa
materyal at komersyalismong inihahandog ng mundo. Kahalayang nagbunga mula sa
kamalayang pagkaganid at kasakiman na ginatungan ng naaagnas ngunit 'di
namamatay na sistema. Kamunduhang hindi lumilipas at patuloy na umuusbong
habang lumilipas ang panahon. Ang simoy ng libog na nagmula at sinaklaw ng
pagkagahaman ay 'di magbubunga ng katinuan KAILANMAN parang palabas na pornong
paulit-ulit na panonoorin habang nililibang at nilalaro ang sariling kaselanan.
Pinaglihihan ang mga
tinitingalang banyaga na kalaunan'y inaambisyong maging kawangis niya ang
itsura; mga señorito't coñong relihiyon ang inihain, mga singkit na diyos ng teknolohiya,
mga tisoy na mananakop na may bitbit na tsokolate at armas. Ngayo nama'y
tumitili at lumuluwang mga mata sa may mapuputing mga mukha na 'di batid kung
mensahe ng kanta'y patungkol sa makikiring puta. Samantalang nakaligtaan at 'di
pinulot ang pagiging masikap ng mga taga Oriente, ang pagiging patriyotiko ng
taga Hilagang pinagharian ng Joseon, ang utak progresibo ng malalayong
Kanluranin.
Iniwan ng katinuan. Nilisan
ng sanidad. Inabandona ng kabaitan. Hindi pa nailuluwal ginawa ng bastardo. Nagpapahabag
ngunit namintini ang kayabangan. Tanging yamang ipinagmamalaki. Taas-noo sa
kahit kanino pero nagsasalsal at nakakaraos gamit ang kalinga at donasyon.
Pikit-mata kung dumalangin, sangkatutak ang debosyon ngunit sa tuwing
magmumulat kumukupit sa kakatiting na pondo. Binibisyo ang mamintas ngunit
nag-aaklas sa tuwing may mapanuring kritiko.
Dumating ang panahon nang
paghilab.
Kunwang dumadaing sa labis
na hapding dinaranas ngunit minamanhid naman nang panonood ng imortal na
melodrama. Sumasakit ang obaryo ngunit itinitindig ng kayabangan sa tuwing may
nagwawaging kababayan. Ginawang lunas ang huwad na surbey na umano'y umuunlad
at yumayaman. Humuhugot ng medisina sa patawa ng mapanglait na nasa ikatlong
kasarian. Hinihilom ang kirot sa pamamagitan ng walang leksyon at walang
kwentang pelikulang ininit sa tuwing pista; istoryang paulit-ulit na dinaig ang
'di natatapos na paulit-ulit ding prediksyon sa paggunaw ng mundo (mga sabik sa
paglangoy sa naglalagablab na apoy). Ginagamot at nilalamon ang nakahaing
matatamis ng pangako nang pag-ahon mula sa pagkakalunod at pagkakalubog.
Nilulustay at nagsisilbing anaesthesia ang salaping pinagputahan mula sa
dayuhan ang ibinugaw na hindi inaarugang likas-yaman.
Umaastang walang karamdaman
kung may tangan-tangang mamahaling gadyet at gamit.
Sari-saring supling ang
iniluwal.
Mga uhuging paslit na
binastardo ng kahinhinan at kagandahang-asal. Wala pang otso ngunit matatas
kung pumutang-ina sa mga kaalitan at kaibigan. Pumapaslang, nagnanakaw sa
edad na diyes (manang-mana sa nagluwal
sa kanila). Pagtuntong ng katorse wari'y sugapang humuhugot ng lakas sa
kamunduhan na maaring ihambing sa malilibog na kuneho. Pulang dugo at serbesa
ang sabay na dumadaloy sa kanilang ugat na patungong utak ang nagsisilbing
motibasyon upang magpursiging bumangon at mabuhay sa bawat araw. Alila ng
modernong libangan, alipin ng maimpluwensyang teknolohiya. Natatakam.
Natatakaw.
Mga haligi ng tahanang
batugan na binastardo ng sikap at katapatan sa pag-ibig. Walang inuuri kung
hampaslupa o matapobre, kung masumpungan ang kakaibang init na impluwensiya ng
obra-maestrang istorya ng pangangalunya. Sumusulpot madalas ang 'di mapigilang
pagkahumaling sa alkohol sa tuwing magsasalpukan ang paningin ng mga istambay
na tomador. Anumang oras, anumang araw. Ang sentimong para sa pagkain ng mga
anak ay iaalay sa patak-patak. Pumutok na ang araw hindi pa pumupungas.
Mga nagsisitaasang puno, na
ang ugat ay galing sa lupa ng kasakiman.
Binastardo ng kabanalan. Pagsisinungaling ang propesyon na kahit si Satanas ay
kinukumbinsing katotohanan ang kanyang binabanggit at sinasambit. Nagnanakaw.
Nauulol. Pumapatay. Mapanatili lang ang koronang nakaputong sa kanyang ulunan.
Isasalin sa prinsesa o prinsipeng kalam din sa kapangyarihan. Gustong
kamkakamin, angkinin, sakupin...pati ang Langit. Tumatawag ng kapayapaan at
pagkakaisa ngunit may nakasukbit na iskwala sa kanilang tagiliran.
Mga gutom na kawal na
binastardo ng katapatan. Tapat na serbisyo ang sinumpaan ngunit kinikitil ang
sinumang humaharang at humahadlang sa pagmina ng kayamanan. Walang sinisino,
walang sinasanto kahit kadugo'y 'di pinatatawad. Nagpapaulan ng punglo't bala sa pagnanais na bumaha ng salapi at
pera. Binabali ang batas. Binabasura ang katarungan. Bayani ng kagaguhan.
Mistulang imbalido sa tuwing lalapitan at hihingan ng tulong. At sila'y patuloy
na dumarami.
Mga nagdarahop na binastardo
ng karapatan at pangarap. Parang mga asong-galang patay-gutom na umaasa sa kung
anong tira-tira ang sa kanila'y ihahagis. Inalisan ng karapatang umunlad dahil
sa pagkamkam ng lahat ng kanilang pangarap. Binubulag. Binibingi. Pinipipi. Sa
araw-araw na kasinungalingan at dinaranas na kahirapan. Kulang ang isang buhay
upang sila'y makaraos at mabuhay ng maayos, kulang ang isang habangbuhay upang
sa kahirapa'y makahulagpos. Minamanhid. Nasasanay.
Silang mga supling na bunga
ng kasakiman at pagkasuwail na pinaglibog ng kanilang pagmamahal sa ginto at
salapi; pinag-alab ng pag-ibig sa pwesto't kapangyarihan.
Mga bastardo.
Labels:
bastardo,
korapsyon,
mayabang,
pagtatalik,
pilipino,
pulitiko,
talinghaga
Subscribe to:
Posts (Atom)