Thursday, September 20, 2012

Palamara




"Huwag mong subukang ilapit sa apoy ang mga bagay na madaling magliyab dahil baka dumating ang araw na mawalan tayo nang kakayahang ito'y apulahin. Kung masawata man ito gamit ang anumang pamatay-apoy saka natin malalaman na huli na pala ang lahat. Tuluyan nang nadarang at sumilab ang dalawang kaluluwang naghahanap ng kakaibang init ng katawan. At ang lahat ng pinaghirapan ay tutungo sa kawalan."

Nag-umpisa ang lahat sa isang simpleng ngiti, dinugtungan ng malambing na pagbati.
Naghintay ng palitan ng mensahe at biruang walang malisya. Pinagsasaluhan ang halakhak at tawa. Hindi namalayan na ikaw ay nabiktima ng sariling pagkakamali; ang putik na tinapakan kalauna'y naging kumunoy at nakapagtatakang ikaw'y natutuwa sa pagdampi ng mainit na apoy. Kung bakit ang tao'y marupok gaya nang sa sinulid na mapuputol sa isa lamang kalabit. Mahirap talaga 'pag ang tadhana'y nagbiro 'di mo alam kung ikaw ay matutuwa o malulungkot. Sumagi rin sa iyong isip na ikaw ay nilalaro sa isang laro na ni sa panaginip ay 'di mo nais maging taya.

Mag-isa ka lang noong tumatahak at naglalakbay ngunit sa kagustuhang magsaya ikaw ay napalayo at naligaw. 'Di mo na alam kung paano ang bumalik dahil sa kadiliman ng buong paligid at sa sukal na nakahambalang sa iyong daraanan. Kung iyo lang nanaisin may iba pa namang pwedeng daanan; doon sa hindi mo mawari kung patungo sa paraiso o sa bangin ng kasalanan.
Mabuti na lamang at hindi pa huli ang lahat; sumapit man ang dapit-hapon...bubuka naman ang liwayway sa pagsilip ng nanunuksong umaga. Ang batid mo noon, ang lahat ng pagsisi ay nasa huli ngunit mayroon din palang nagsisi sa pag-usbong pa lamang.

Kung bakit hinayaan ang sarili na madarang, kung bakit hinayaang magpatangay sa agos ng kamangmangan, kung bakit ang sulsol ng kahangalan ang nagwagi sa iyong isipan. Hindi ito isang panaginip na nilikha ng natutulog na isipan. Hindi ito isang pangarap na kinatha ng mapagkunwaring imahinasyon. Hindi ito mitolohiya na inimbento ng dalubhasang magkwento.
Ito'y katotohanan na dapat masawata at maiwasan. Isang kasaysayang datapwat may simula ay nararapat na agad nang wakasan.
Ika-sampu sa sampu na dapat tuparin. Imortal na kasalanan sa mortal na katauhan. Huwag ariin ang hindi iyo at huwag sumunod sa bulong ng mapanuyang demonyo.

Mayroong aral sa labas ng paaralan at ang iyong guro ay ang mismong karanasan. Huwag nang magdagdag ng isa pang lihim sa iyong kasaysayan baka malantad ito mula sa kadiliman. Masarap nga ang bawal ngunit ito ang kumikitil sa sangkatauhan.

No comments:

Post a Comment