Wednesday, July 25, 2012

National Arte



PAALALA: ANG SUSUNOD NA INYONG MABABASA AY HINDI KATHANG-ISIP LANG.

Social climber   
 - (sociology) a person who seeks advancement to a higher social class, esp. by obsequious behaviour, sometimes shortened to climber.                         
- a person who aspires to get into a group of people she/he thinks are higher class prominent.

Ang lalim naman ng kahulugan ng "social climber", ganyan din kasi ang gustong mensaheng iparating ng mga taong ganito pero ang katotohanan mababaw lang sila, mas mababaw pa sa kayang languyin ng hate niya raw na isdang ayungin. Gustong magpa-impress pero marami ang naiines, gustong magpalabas pero maraming nababanas, gustong magpasikat kadalasan naman ay palpak, gustong magmagaling pero kanyang mga banat ay madalas na nakakapraning, gustong kahangaan pero ang nangyayari'y kabaligtaran, feeling mataas pero mas maliit pa ang katauhan sa dating pangulong ikinulong dahil sa kapalpakan. Harmless naman sila kahit na sila'y nakakairita pero mas dapat na habaan mo ang pisi ng iyong pasensya lalo't kung araw-araw mong kasama sa opisina. Ano ba ang manipestasyon ng isang nagmumurang sosyalera? Ano ba ang senyales para sila'y makilala? Iwan mo muna ang iyong ginagawa, pahiram ng iyong ilang minuto at samahan niyo akong alamin kung sino-sino ang taong nasa likod ng maskara. Social climber unmasked.

  • Ang english alphabet ay compose of 26 letters pero sa isang sosyalerang parating may bitbit na hagdanan pwede na natin itong gawing 25. Tanggalin ang letter S at i-pronounce ito ng parang sa letter Z.
          Halimbawa:  Five thousand         -        Five thouzand
                             Cebu (sebu)         -        Zebu
                             Sony                  -        Zony
                             Salt                   -        Zalt
                             "Oh I see"             -        "Oh I zee"
                             Intramuros           -        Intramourouz

Sa positibong banda medyo okay ito dahil mas papabor ito sa mga musmos na nag-aaral ng alpabeto dahil mababawasan ng isang letra ang kanilang kakabisaduhin. Ang negatibo: nakakairita at masakit sa tenga. Ziyet! Next topic pleaze.

  • Hindi raw kumakain ng fizh na hindi niya kilala kadalasan daw ay lapu-lapu o tuna ang nakahain sa kanilang hapag-kainan. No questions asked, case closed at wala nang nagtangkang kumontra pa. Ngunit teka lang at sandali, may sumilip na ang kanyang tanghalian ay pakziw na izdang maliliit, mas maliit pa yata sa maalamat na pandaca pygmea ng Kailugan ng Rizal.
  • Palaging mataas ang boses at madalas na pasigaw kung may kausap sa telepono. Uunahan ka ng sindak upang hindi ka agad makaporma parang gagamba na sasaputan ka muna bago lamunin. Mapanglait lalo na sa mga taong mababa ang posisyon at katungkulan. Halos ipamukha na sa lahat ang mga accomplishment niya sa opisina na parang siya lang ang importante't mahalaga kaya nag-eevolve ang opisina. Humihingi ng respeto pero siya mismo kulang sa modo. Define respeto.
  •  Madalas ay paksa ng tsismis usapan dahil sa umaatikabong bakbakan ng kanyang ingles. Halimbawa. Eksena: oorder ng pagkain sa isang karinderya, inuulit ko sa KARINDERYA hindi sa isang mamahaling restaurant o fastfood delivery. At buong angas na sasabihin sa kausap sa telepono: "one zteam rice lang" sa halip na "isa lang (pong) kanin". Simpleng bagay pinapahirap parang ako simpleng eksena pinalalaki. Haha.
  •  Eksena: nagpapa-reserve sa isang restaurant for dinner, at the same time ay o-order na ng food para pagdating sa lugar ay prepared and organized na ang lahat. Pero ang restaurant ay nagri-require ng downpayment, of course ang ating bida ay hindi padadaig at bumanat ng: "I will send somebody to pay for downpayment for cooking!" Basag ang kaeksena. Hindi na lang kasi tagalugin marami tuloy ang nagpa-check up sa ENT kinabukasan.
  • Eksena: part 2 ng nasa itaas. Hindi pa tapos ang adventure ni Alice in Wonderland. Kasunod ng kanyang punchline na: "I will send somebody..." hindi pa rin siya nagpaawat sa kakabanat ng malupet na ingles, kaawa-awa ang nasa kabilang linya ng telepono dahil kung hindi dumudugo ang ilong nito malamang ay may malaking pagsisi kung bakit siya ang nakadampot ng telepono. Bakit ba naman hindi eh ikaw ba naman ang tanungin kung mayroon kayong 'unlimited iced tea' imbes na bottomless iced tea? Baka naman 'yun na ang bagong term na ginagamit ngayon sa mga restaurant? Anyway, pareho lang naman ang kahulugan 'di ba? Masyado lang kayong tayong malisyoso.
  • Dagdagan pa natin. Parang Hollywood movie na may sequel at pagkatapos isa-isahin ang mga inorder na pagkain, sa pag-aakala ng lahat ng nakaririnig nang isang malupit at matinding konbersasyon na parang sesyon sa senado ay mapapahinga na ang naririnding tenga nang biglang humirit ng isa pa: "Do you have ensaladang mango?" Tumahamik ang paligid kahit ang butiki'y hindi maka-tsk tsk, ngunit nagpipigil lang pala ang lahat sa pagbirit ng tawa, windang ang kausap pati lahat ng nakadinig at kung nandun lang si Sen. Miriam tiyak na sasabihin niya'y: "Waah!"
  • Natapos na rin ang order at nagkasundo na ang North at South Korea, tinibag na ang Berlin wall na naghahati sa West at East Germany. Bilang panghuli, tinanong ng nasa kabilang linya ang kanyang address buong pagmamayabang na lumitanya: "Dito lang kami sa Intramourouz!" Kawawang crew dagliang isinugod sa Emergency room ng Ozpital ng Maynila dahil sa pamumuo ng dugo sa ilong at tenga.

Maraming ganyan sa paligid natin. Minsang nakatuntong sa kalabaw pero akala niya'y mas mataas pa siya sa kalabaw. Ang humility ay iba sa humiliation, mas magandang magpakumbaba kaysa mamahiya sa mga taong nakapailalim sa iyo. Hindi masama ang magsalita ng salitang banyaga hindi ito bawal pero kung sobra-sobra na ang kamalian sa grammar at pronounciation mas mabuting mag-tagalog na lang (hindi rin ito bawal) madali nang maintindihan hindi pa masakit pakinggan. May epektibong kasabihan sa ingles: less talk less mistake, no talk no mistake kung hindi ka rin lang sigurado sa sasabihin mo magandang manahimik kaysa ibalik sa'yo ang lahat ng iyong panlalait sa tahimik na paraan. May kakilala akong simple at mapagkumbaba, madaling kausap at hindi namamahiya pero hindi niya pinapahalata na sapat at maunlad na ang kanyang buhay. At 'yun ang tunay na kahanga-hanga.

Wednesday, July 18, 2012

Libingan



Kantang hindi naawit
Tulang hindi nasambit
Musikang 'di naihimig
Sayaw na 'di namasid


Librong 'di naisulat
Kwentong 'di nasiwalat
Pangakong napako
Pag-ibig na pinaglayo


Bahay na 'di naitayo
Haliging iginupo
Palasyong gumuho
Ilaw na naglaho


Katarungang ipinagkait
Tinig na 'di narinig
Katotohanang sinantabi
Lihim na naikubli


Pangarap na nahawi
Pag-asang iwinaksi
Lumuluhang ngiti
Kaluluwang humihikbi


Kahapong may galak
Ngayon na umiiyak
Bukas na 'di tiyak
Kaligayahang isinadlak


Nanunuot na pighati
Sumusundot na dalamhati
Panaginip na bangungot
Alaalang puno ng lungkot

Monday, July 16, 2012

Pangmulat



Maraming bagay ang mahal ang halaga pero wala namang halaga.
Maraming bagay ang mahalaga pero hindi naman natin pinahahalagahan.
Ang iba't ibang bagay ay may iba't ibang presyo at marami dito ang ating hinahangad kahit hindi naman natin kailangan.
Ang lahat ng bagay na nabibili ng pera ay patungo sa walang kuwenta.
Ang katotohanan: Maraming bagay ang tunay na mahalaga ngunit walang katumbas na pera.
Ano ba ang tunay na mahalaga? Ano ang tunay mong kailangan?

Hindi mo naman kailangan ng makukay na relong Technomarine upang malaman ang oras dahil sa tuwing kasama mo ang mahal mo sa buhay hindi mo naman kailangang malaman kung ano ang tamang oras.

Hindi mo naman kailangan ng tsinelas na Crocs upang lumakad dahil kahit naka-Spartan ka lang kung kasama mong maglakad ang mahal mo malayo ang mararating ninyo.

Hindi mo naman kailangan ng sapatos na Nike upang manalo sa takbuhan dahil kahit imitasyon lang ang suot mo kung kasama mong tumakbo ang mahal mo tiyak na ang iyong panalo.

Hindi mo naman kailangan ng iPhone upang makatawag at makatext dahil kahit Nokia C-3 lang ang cellphone mo dapat ay napapangiti ka na sa mga I Love You messages ng mahal mo.

Hindi mo naman kailangan ng overpriced cloth na Lacoste upang makaporma dahil kahit Bench lang ang suot-suot mo basta kasama mo ang mahal mo sapat na ang iyong porma.

Hindi mo naman kailangan ng pantalon na Levi's 501 upang magpa-impress dahil kahit naka-shorts ka lang 'pag ka-holding hands mo ang mahal mo bilib na ang marami sa'yo.

Hindi mo naman kailangan ng laptop na Vaio upang makipag-chat dahil kahit Windows 95 pa ang nasa computer mo basta ka-chat mo sa Skype ang mahal mo kumpleto na araw mo.

Hindi mo naman kailangan ng camera na Canon DLSR upang makunan ang mga magagandang eksena dahil 'pag kayong dalawang mag-asawa o mag-nobya ang magkasama itakda mong iyon na ang pinakamagandang eksena ng iyong buhay.

Hindi mo naman kailangan ng magarbong bag na Louis Vitton na lalagyan ng iyong kagamitan dahil kahit sa plastic bag lang mailagay ang gamit mo kung sa kabilang kamay naman ay tangan mo ang kamay ng iyong mahal wala kang dapat na ikahiya.

Hindi mo naman kailangan ng mapormang Hyundai Elantra upang gumala at makapamasyal dahil kahit naka-jeep lang kayo ng mahal mo sigurado namang mage-enjoy kayo kung tapat ang inyong pagmamahalan.

Hindi mo naman kailangan ng Samsung LED TV upang makapanood ng magagandang pelikula dahil ang kakaibang love story ng inyong pagmamahalan ang alam mong isa sa may pinakamagandang istorya.

Hindi mo naman kailangang magpunta sa sinehan para mamangha sa 3D na palabas dahil sa likas at simpleng ganda ng iyong mahal dadaigin nito ang anumang Hollywood 3D films.

Hindi mo naman kailangan ng cologne na Hugo Boss upang bumango dahil kahit na Johnson's Baby cologne lang ang i-spray mo sa katawan mo sobrang halimuyak ang naamoy ng tunay na nagmamahal sa'yo.

Hindi mo kailangang magpunta sa Universal Studios ng Singapore o Disneylang ng Hong Kong upang mamasyal at maghanap ng kasiyahan dahil kahit nandito lang kayo ng mahal mo sa makasaysayang Intramuros o mag-window shopping sa MOA dapat ay mayroon ka pa ring nararamdamang kakaibang kaligayahan.

Hindi mo naman kailangan ng tablet na Samsung Galaxy Tab upang gumawa ng blog dahil kahit sa yellow pad lang makakagawa ka ng magandang paksa sa blog kung ang mahal mo ang magsisilbi mong inspirasyon.

Hindi mo naman kailangan ng manood ng DVD sa Bose Home Theater upang libangin ang sarili mo dahil kahit lumang pelikula ni Carlo Caparas ay kaya mong panoorin basta katabi mo sa upuan ang mahal mo.

Hindi mo naman kailangan ng iPod upang mapakinggan ang mga paborito mong mga kantang Hip Hop at RNB dahil ang iyong mahal ang dapat na nagsisilbing musika ng buhay mo.

Hindi mo naman kailangang tumira sa Condo ng Avida upang maging mahimbing ang iyong pagtulog dahil kahit nasa papag ka lang kung katabi at kasiping mo naman sa gabi ang iyong mahal siguradong sobrang ganda na ng panaginip mo.

Hindi mo naman kailangang tumira sa magarang Subdivision upang maging payapa ang iyong buhay dahil ang sandaling pinakasalan mo ang iyong mahal iyon na ang itinakda at umpisa nang mapayapa mong buhay.

Hindi mo naman kailangang mag-aral sa de-kalibreng De  La Salle upang magkaroon ng magandang edukasyon dahil ang mga leksyong nangyari sa buhay mo na kasama ang mahal mo ay ang pinakamagandang edukasyong iyong matututunan.

Hindi mo naman kailangan magsuot ng kumikinang na alahas upang magpakita ng karangyaan dahil ngayong kasama mo ang mahal mo sa iisang bubong 'di mo na dapat kailangan ng iba pang materyal na yaman.

Hindi mo naman kailangan ng pagkatibay-tibay na bahay na inyong titirhan dahil dapat walang anumang pwersa sa mundo ang bubuwag sa inyong pagmamahalan.


Mahal ang halaga ng iPhone pero ano ba ang halaga nito? May mas mahalaga pa ba sa tinig ng mahal sa buhay na nasa kabilang linya?
Ano ba ang kahulugan ng mahalaga sa'yo? Ang kinang ng isang alahas o ang yamang 'di nabibili? Ang gara ng isang gadget o ang nakakakilig na mensahe?
Hindi masama ang pag-unlad at paghangad sa iba't ibang bagay pero dapat nating isa-isip at isa-puso na maraming bagay ang mas higit sa kagamitan at pera.


Tuesday, July 10, 2012

Sino ka kung Ikaw'y Nag-iisa?



Maaring ang tingin sa'yo ng mga tao'y mabuti ngunit sa kabila nito'y nagkukubli ang isang mabangis na halimaw. Isang halimaw na mapagsamantala at handang lamunin ang mga mahihinang lupaypay sa kahirapan at kagutuman. Hindi maipakita ang tunay na katauhan at tanging sarili ang nakababatid nito sa tuwing napag-isa.

Maaring ang pagkakaalam sa'yo ng mga tao ay isang mayuming babae na hindi makababasag ng pinggan ngunit sa likod ng imaheng ito ay ang basag na pagkatao at kabirhenan. Babaeng ikinukubli ng isang mabining kahinhinan ang tunay na propesyong pamumuta kung ito nga'y propesyong maitatawag. Pagkaawa at pagkamuhi sa sarili ang nararamdaman sa tuwing nag-iisa.

Maaring ang tingin sa'yo ng mga tao ay masaya ngunit sa kabila ng mga ngiting namumutawi sa'yong mga labi ay ang pighating matagal ng naghahari at nagpapahirap sa'yong kalooban. Pighating anumang oras ay maaring sumambulat na maaring ikawalan mo ng katinuan at pag-asa. Ayaw ipamalas ang bigat na nararamdaman at kanyang sarili lang ang nakakaalam ng tunay na kalooban.

Sino ka kung ikaw na lang mag-isa?
Ano ang misteryo sa likod ng isang ngiti? O ng isang luha? O ng halakhak? O ng drama?
Ano ang hindi batid sa'yong pagkatao?
Ano ang iyong itinatagong baho sa kabila ng mabangong pagkatao mo sa harap ng mga tao?
Ilang mga tao na ang tahimik mong nabigyan ng tulong at kalinga na walang nakaaalam?

Sino ka nga ba kung ikaw ay nag-iisa?
Isa ka bang tagapaglingkod ng simbahan na nagtatago sa likod ng malinis na abito? Na mas mahalay pa ang pag-iisip sa pinakamalibog na kuneho. O isa kang tagapaghatid ng mabuting balita ngunit lintik sa putangina ang namumutiktik sa iyong pag-iisip o dili kaya'y ang pondong hindi laan sa iyong bulsa'y pinaiikot mong gaya ng sa tsubibo.

Isa ka bang debotong parating umuusal ng papuri, naglalakad ng walang sapin sa paa sa tuwing kapistahan at aktibong nakikilahok sa mabuting gawain? Ngunit kung mag-isa'y iba ang tumatakbo sa isip, isang salot sa lipunan at ang tunay na gawain ay 'di kanais-nais. Sugapa sa alak at droga at palihim na itinatago ang tunay na kulay sa pamilya at sa mga nakakakilala.

Isa ka bang galit sa magnanakaw na radikal na tinutuligsa ang kagaguhan ng gobyerno? Ngunit sa kabila ng iyong magandang adhikain isa ka rin palang magnanakaw sa iyong opisina kung walang nakakakita. O mapagbalat-kayong huwaran ng kagawaran ngunit kasapakat ang iilan sa pagtatakip ng kalokohan.

Isa ka bang palakaibigan na handang dumamay at tumulong? Ngunit nakaismid sa tuwing umuunlad ang isang kaibigan at tagapagkalat ng 'di katotohanang kapintasan. Isang taong maasahan lang tuwing may pakinabang at sa oras na said na ang yaman ay parang bagyong lilisan matapos ang manalanta. Huwad na asal na may kalokohang pag-iisip sa tuwing nag-iisa.

Isa ka bang mapagkakatiwalaan na ingat-yaman ng isang samahan o ng iyong pinagtatrabuhan? Ngunit isa ring bantay-salakay na nangungupit at nang-uumit sa pagkakataong nag-iisa. Mayabang na tinatanggap ang pagpupuri subalit mas nararapat na nakapiit.

Isang pilantropo 'di umano na nakangiti sa namimigay ng salapi at kagamitan halos sambahin na ng mga dukha maambunan lang ng grasya. Ngunit ginagawa ang mga ito para lamang makatanggap ng papuri at tanawin ito sa kanya na utang na loob. Tumutulong pero sumusumbat, nagbibigay ngunit hindi naman bukal sa kalooban.


Sino ka kung ikaw'y nag-iisa?
Isa ka bang mangingibig na pulos mahal kita ang bukambibig? Ngunit sa panahong ikaw ay mag-isa ay iba ang pinagnanasahan. May sinungaling na dila at malikot na diwa. Ang sinasabihan mo ng pagmamahal ay hindi lang iisa at kakaibang libog ang iyong nadarama sa tuwing ikaw ay mambobola lalo't nadadala mo sa kama.

Lingkod-bayan ka bang bukas-palad sa lahat ng humihingi ng tulong? Ngunit sa iyong isip nais mong alipustahin ang aleng walang tigil kung mangulit. Sa husay mong magpalit ng kulay gaya ng sa ahas ay lahat ay kaya mong pakibagayan, sa taglay mong kahusayan ay tinakasan ka na ng iyong matinong kamalayan.

Isa ka bang payaso o tagapagpatawa ng grupo na gagawin ang lahat para lang sumaya ang mga kaibigan? Ngunit batid mo sa iyong sarili sa tuwing nag-iisa, isa kang bigo at lungkot ang nais mong ilabas sa halip na patawa. Mugto ang mata sa panahong wala na ang kaibigan dahil ang pagluha ang ipinalit mong kasama. Gaya ng mundo isa ka ring mapagbalat-kayo buo kung pagmamasdan ngunit basag ang kalooban.

Alagad ng sining na hinahangaan, ehemplong maituturing ng kabataan at matatamis na ngiti ang ibinabalik sa mga bumabati. Ngunit kung ano ang iyong propesyon ay 'yon na din ang iyong pinangatawan lahat ay isang pagkukunwari gaya ng sa marungis na puting telon. Kunwari'y matino ngunit gago rin palang tulad sa tunay na kontrabida ng pelikula.

Gurong naghahatid ng leksyon sa mga mag-aaral; hinahangaan, tinintingala, ginagalang. Ngunit ang katotohanan siya ang higit na nangangailangan ng pangaral. Propesor na maituturing ngunit may masama at malilikot na pag-iisip sa tuwing nag-iisa, dalubhasa sa kanyang asignatura ngunit 'di niya batid na hindi lang sa loob ng eskwela ipinapakita ang edukasyon.

Isang amang uliran at malambing na asawa, idolo ng mga anak sa husay magdisiplina ngunit sa likod nito'y isang salot ng lipunan at sakit ng pamahalaan. Sangkot sa iba't ibang krimen at nakawan at lahat ng ipinapakain sa pamilya'y galing sa masamang gawain. Taong hindi lumalaban ng parehas at sinasamantala ang mahihinang kanyang biktima.

Pulitikong ubod-linis at ubod ng bait ang imaheng gustong ipakita sangkatutak na batas ang naipasa o tatalima sa sigaw ng bayan, pauunlarin ang ekonomiya alang-alang sa pagmamahal sa bayan. Sagad na pagkukunwari dahil iba ang repleksyong nasa salamin sa taong humaharap. Hiyang-hiya at muhing-muhi sa sarili sa dami ng kataranduhang nagawa sa tuwing nag-iisa. Tusong maituturing at mas nakakaawa ang pagkatao kaysa sa pulubing humihingi ng baryang piso.

Ano ang tumatakbo sa iyong isip sa sandaling ikaw ay mapag-isa?
Paano mababatid kung sino ang tunay na mabuti?
Mabuti ka pa rin bang tao gaya ng gusto mong ipakita sa tao?
Banal ka pa rin bang pinuno gaya ng pagkakakilala sa iyo?
Mapaglingkod ka pa rin bang tao gaya ng nais mong maging?
Kilala ka pa rin ba ng iyong pamilya o hindi mo kayang ipagtapat kung ano ka sa likod ng mapagkunwaring maskara?
Mahirap na mabatid kung sino ang isang tao kung siya'y nag-iisa.
Hindi mahuhusgahan sa gara ng damit, sa ganda ng itsura, sa husay magsalita, sa ibinibigay na tulong, sa paglilingkod sa tao o sa bayan, sa ngiti, sa luha, sa halakhak, sa iyak, sa papuri o sa talino.
Kilala ka ba ng iyong kaibigan?
Kilala ka ba ng iyong pamilya?
Kilala mo pa ba ang iyong sarili?
Sino ka ba tuwing nag-iisa at walang nakakakita? 

Monday, July 2, 2012

Ang Unang Hari ng Kalsada

Isa sila sa mga hari ng kalsada na kahit garapalan ng lumalabag sa batas ng lansangan ay hindi man lang sinisita; may bantay man o wala sa bawat intersection ay 'di natitinag, kahit wala na sa katwiran ay pilit pa ring nagdadahilan. Parang mga paslit na dapat ay sila lang ang unawain at intindihin. Sagad sa karapatan pero hindi nirerespeto ang karapatan ng iba. Sino pa ba kundi ang mga Astig na Jeepney Driver.

Wala namang nagsabing hindi marangal ang pagiging jeepney driver.
Katunayan, kahanga-hanga ang galing ng mga driver ng jeep pagdating sa pagiging listo, sa aritmetik at sa mismong pagmamaneho.
Pero katwiran na ba ito para barubalin mo ang kalsada? Ang batas-trapiko? At ang kapwa mo motorista?
Marangal din ang trabaho namin pero hindi makapal ang mukha namin na walanghiyain ang anumang batas-trapikong nakahain.
Sa bawat taas ng presyo ng krudo aambahan niyo ang gobyerno at pasahero ng WELGA! Dahil dito siguradong paralisado at apektado ang napakaraming estudyanteng nais lang ay matuto, ang manggagawang nais lang ay kumita gaya niyo o ang mga pasaherong magtutungo at mamamasyal sa SM para mag-window shopping. Karapatan niyo ito sa isang bansang malaya, eh paano ang karapatan namin kung gusto naming ireklamo ang kabalastugan ninyo sa kalsada? Kayo lang ba ang may karapatan? Saan kami dudulog ng reklamo? Saan kami sisigaw ng welga? Saan kami magpo-protesta?
Ilang porsiyento lang ba sa inyo ang matitinong sumusunod sa batas-trapiko?


Pulos kayo pagbabanta at paninikil sa pasahero gayong hindi naman yata kayo nagbabayad ng buwis! Naisip niyo rin ba na maraming kaperwisyuhan sa kalsada na ang sanhi ay ang katulad mong balasubas na tsuper ng jeepney? Hindi na kami magtataka kung ang sanhi ng matinding trapiko sa kalsada ay ang dyipning nakahimpil na nag-hihintay ng pasahero na nasa kabilang kanto pa o pasaherong ibinaba sa gitna ng kalsada. Para kayong mga asong kalyeng nagtatae na walang pinipiling lugar ng tataehan.


Okay, hindi lahat ng jeepney driver ay ganito pero ilan bang tsuper ang nagbababa sa tamang tawiran? Ilang tsuper ang humihinto sa pulang ilaw at sumusulong lamang tuwing berde? At kung kabilang kayo sa iilang matitinong jeepney driver na naglipana sa Kamaynilaan, pwes huwag kang magsintimyento hindi para sa'yo ang blog na ito. Hindi naman nakakapagtataka na hindi hinuhuli o hindi sinisita ang mga barubal na drayber na ito pero gusto ko pa ring itanong: Exempted ba talaga kayo sa batas-trapiko? Ano ba ang makapagbabago sa inyo para pare-pareho tayong lahat ay sabay-sabay na gumalang sa batas? Requirements ba talaga sa jeepney driver ang maging bastos sa kalsada?

Sana maranasan niyo rin ang maupo sa siksikan niyong upuan na dapat sana’y walohan lang pero ginagawa niyong siyaman, sana maranasan niyo rin ang sumakit ang ulo dahil sa sobrang lakas ng stereong dumadagundong sa saliw ng ma-bahong "drop it like it's hot" o ng kaparehong temang "teach me how to doggie" habang humahataw at paekis-ekis sa kalsada ang jeep dahil sa sobrang bilis na akala mong kasali sa F-1 racing; (kadalasan ang mga drayber na ito'y nasa rotang Novaliches - Blumentritt o Cogeo – Cubao). Hindi lahat ng pasahero ay gusto ang jeep na may maiingay at malalakas na speaker o jeep na nakakahilo sa sobrang tulin kahit na may tatlo o apat na pasaherong nakasabit sa estribo marami dito ang naiinis at nababad-trip hindi lang makapagsalita at makapagreklamo dahil siguradong hindi kayo makikinig at aangilan niyo pa ang pobreng aangal sa pagiging maangas niyo. At kung sakaling kayo ay makasagi o makabundol (sinadya niyo man o hindi) may sapat ba kayong ibabayad sa nasagian niyo? Madalas naman kasi kung sino pa ang barumbado sa kalsada sila ang walang pambayad sakaling sila'y makadisgrasya tulad ng mga astig at mga hari ding sa kalsadang mga kuliglig, pedicab at tricycle drayber na hindi sinisita o pinagbabawalan kahit na nasa main road.

Pero parang wala naman yata kaming karapatang magreklamo.
Dahil parang karapatan niyo lang ang tila nakikita at ipinaglalaban niyo. Wala kayong pakialam kung delikado ang magbaba sa gitna ng kalsada, walang kayong pakialam kung nakakasagabal kayo sa mga nasa likod ninyong motorista din, wala kayong pakialam kung hindi man kayo nakikita sa gabi dahil patay ang inyong headlight (ano bang tinitipid dito?), wala kayong pakialam kahit na naiinis o nagagalit na ang mga kapwa mo drayber dahil sa ginawa mong pagbalagbag sa kalsada, wala kayong pakialam kahit hindi na makausad ang kabilang lane dahil sa bisyo niyong mag-counterflow (pero galit na galit naman kayo 'pag may sumasalubong sa daraanan niyo).

Wala kayong pakialam dahil ang gusto niyo lang...kumita. Sana dumating ang panahong maintindihan niyo rin na gusto rin naming kumita at pumasok sa tamang oras, sana maunawaan niyo rin kung ano ang tama sa mali, sana ikonsidera niyo rin ang kapakanan ng iba, sana malaman niyo rin na gusto rin naming magpahinga galing sa maghapong eskwela/trabaho, sana maunawaan niyo rin na gusto rin naming makasama kaagad ang aming pamilya, sana sumunod naman kayo sa alituntuning umiiral. Sana lang.

Siguro kahit na anong pakiusap o paalala ang aming gawin para sa matinong pagbabago ng jeepney driver mukhang maliit ang tsansa para dito para itong ating gobyerno na kahit sino ang humalili at mamuno sa atin ay para ding walang pinagkaiba sa kanilang pinalitan. Tapos naghahanap at sumisigaw kayo ng pag-unlad at pagbabago gayong mismong sarili niyo ay ayaw niyong baguhin. Sa kagustuhang kumita ng mas malaki, okay lang na pinababayaan natin sila sa kanilang maling ginagawa. Tsk, tsk.

Ngayong malaki na ang ibinababa ng presyo ng krudo na naging dahilan noon ng pagtaas ng pasahe, may maaasahan ba tayong pagbaba naman ng pamasahe kahit na singkwenta sentimos lang? Siyempre wala. Kasi hindi lang naman 'yon ang factor para sa pagbaba ng pasahe, sa pagtaas OO pero sa pagbaba HINDI. Sus!