Friday, April 29, 2011

Ito ang gusto ko

Malaki ang pagkakaiba ng pangangailangan at kagustuhan pero alam ba natin talaga kung ano ang ating mga pangangailangan at kagustuhan?
Bakit parang prayoridad na nang karaniwang tao ang kanyang kagustuhan kaysa sa mga pangangailangan?
Iba na ba ang mentalidad ng mga tao ngayon at dapat ng isakripisyo ang mga pangangailangan?
Masyado na bang mababaw ang ating kaligayahan para mabusog ang ating diwa ng iba't-ibang kababawan?
Masyado na bang naaabuso ang teknolohiyang nakapaligid sa atin at hindi natin alintana ang damdamin ng ibang tao?
Komersyalismo na ba ang nangingibabaw kaysa ang nararapat na edukasyong moral at akademya?

Namulat tayo na ang damit, bahay at pagkain ang pangunahing pangangailangan ng tao bukod sa mga ito ano pa ba ang naiisip mong pangangailangan?
Edukasyon.
Ang edukasyon ay mahalaga subalit ang edukasyon ay hindi lang natatapos sa apat na sulok ng silid-paaralan; hanggang sa paglabas ng ating bahay, hanggang makarating ka sa iyong tahanan ay dapat na mayroon kang natututunan, ika nga education does not stop after school. Pero pagdating mo sa bahay galing sa opisina o paaralan, ano ba ang iyong dadatnan?
Soap opera o mas kilala sa tawag na teleserye.
Magmula hapon hanggang gabi ito ang kinagigiliwang panoorin ng makamasang Pinoy. Hindi mo masisisi ang mga higanteng istasyon dahil ito ang hinihingi ng mga tao datapwat alam ng lahat na walang edukasyong mapupulot dito patuloy pa rin ang paglaki ng manonood nito na animo'y isang kultong patuloy na dumadagasa ang mga kasapi.
"Ito ang gusto ko!" 'Yan siguro ang karamihang isasagot ng masa kung sila'y tatanungin kung papipiliin sila ng ibang programa. Kahit alam nating halos paulit-ulit lang naman ang tema at istorya ng teleseryeng 'yan; ang pang-aapi at paghihiganti ng bida, pag-iibigan ng dalawang karakter at may manggugulong konrtrabida, kaunting kalandian at kunwari'y pananaig ng kabutihan sa kasamaan pero ang tunay na motibo dito ng istayon ay: Komersyalismo. Magkamal ng limpak at hayaang nakatunganga at mag-abang ang manonood sa susunod na mangyayari. Pero wala pa rin tayong pakialam ang importante mapunan ng (mababaw na) kasiyahan ang ating mga damdamin at isipan. Kunsabagay sino ba naman ang manonood kung isasalang mo sa primetime ang mga documentary na: I-witness, Reporter's Notebook, The Correspondents, Probe at iba pa? Kailangan mong magpuyat para mamulat sa kalagayan ng ating kapaligiran. Sapat na siguro ang dalawang programang teleserye sa primetime upang sumaya panadalian ang ating mga ilaw ng tahanan subalit ang apat o limang teleserye ay isang pang-aabuso na sa kautakan nang manonood na Pilipino.

Katapat ng mga teleseryeng ito ay ang isa pang mataas ang rating at malakas ang hatak sa masang pinoy ang pang-gabing game show na Willing-Willie. Huwag mong sabihing hindi ka nakapanood ng programang ito dahil sa ayaw mo man at sa gusto ay paminsan-minsang maililipat mo dito ang channel ng iyong remote control habang patalastas sa paborito mong teleserye na Mutya o recycled na Mara Clara. Bukod sa naggagandahang babaeng naka-bikini na kangkarot sumayaw, ano bang magandang aral ang maibibigay sa'tin ng programang ito? Isip, isip. Wala 'yata. Pero gusto ito nang nakararami dahil sa kahali-halinang mga papremyo nito kesehodang halos pulubi na sa paglimos at pagatanghod ang mga kalahok at audience sa host ng programa. Anong edukasyon ba ang makukuha mo sa mga tanong tungkol sa mga lumang kanta? Wala na itong halaga dahil mas importante ang makukuhang salapi at papremyo. Kunsabagay sino ba naman ang manonood kung sa halip na game show na Willing Willie ay quiz show na tulad ng Battle of the Brains ang ipapalabas ng TV5? Malabo 'yan wala kasing papremyong bahay, kotse at milyong piso. Baka ituring ka lang na nerd at weird kung ito ang madalas mong panoorin.

Hindi pa nakuntento sa pagbuhos ng "educational" na teleserye ang ABS binigyan pa tayo ng isa pang walang kabuluhang programa: Showbiz News Ngayon o SNN. Likas yatang tsismoso at tsismosa ang mga Pinoy dahil kung hindi ba naman ay ilalagay ang programang ito gabi-gabi? Matutulog ka na lang tsismisan pa ang palabas. Ganun din ang TV5 na may Juicy! naman sa tanghali. Bukod pa sa Sabado at Linggo, hindi pa nakuntento at inaraw-araw pa nang malalaking istasyong ito ang tsismisan at pinakain pa nila ang ating mga kaisipan ng kung ano-anong kaek-ekan.
Siguro nga marami ang interesado sa relasyong Jayson at Melay.
Siguro nga marami ang interesado sa awayang Christine Reyes at Sarah Geronimo.
Siguro nga marami ang interesado sa honeymoon ni Robin at Mariel.
Siguro nga marami ang concern sa pagbubuntis na Regine Velasquez.
Siguro nga marami ang intersado sa susunod na proyekto ni Papa Piolo.
Gusto ito ng Pinoy eh may magagawa ka ba?
Kung sakaling ilagay sa time slot na 'yan ang programang kahalintulad ng "Ating Alamin" o programang maglilinang sa kakayanan ng isang negosyante, manonood ka ba?

Sinong bata ba ngayon ang naiibigan ang Batibot kumpara sa kalaban nitong Dora the Explorer o Spongebob Squarepants?
Sa cable, Ilang kabataan ba ang nakakaalam at masugid na nanonood ng Knowledge Channel kumpara sa Cartoon Network, Disney Channel, Myx o MTV?
Inobliga ba natin sila na panoorin ang makabuluhang programang ito?
Ang mga cartoons ay bahagi na ng kabataan para itong hotdog na ubod ng sarap pero walang sustansya.

Idagdag na din natin ang anime (cartoons) at Hollywood Movies na tinagalog, mga talent show na ang batayan sa paghuhusga ay sa pamamagitan ng dami ng text votes, teen show (tween hearts) na maagang iminumulat ang kabataan sa pag-iibigan (kalandian?), kababawan at kabadingang programa ni Sharon tuwing Linggo (mabuti naman at natigbak na), mga adaptation ng korea at mexican telenobela (hiram na ideya), Pinoy Big Brother na isang kababawan at pamboboso sa high-tech na pamamaraan ang tema pero teka favorite mo 'to di ba? Peace. At lalo pa nating ibinaba ang antas ng manonood sa pamamagitang ng nakakapraning at nakakawindang na programang Face to Face ~ ito ang pinakamababaw sa lahat ng mababaw.

Ang mga programang ito ay maihahalintulad ko sa junk foods o mala-basurang pagkain na tulad ng chicharon, chichiria, burger, popcorn, french fries, tsokolate, softrdrinks at iba pa na masarap at nakakalibang nga subalit wala namang buting maidudulot sa ating katawan at isipan. Ganunpaman hindi naman tayo madalas kumakain nito 'di tulad ng mga programang nabanggit na maghapong binubusog at patuloy na bubusogin ang ating kamalayan nang iba't-ibang kababawan ngayon at sa susunod pang mga bukas. Pero anong magagawa natin? Ito ang gusto ng Pinoy.

Wednesday, April 20, 2011

Noon at ngayon


Malayo na ang narating ng tao sa lahat ng larangan at aspekto. Ang teknolohiya, siyensiya, moda, pelikula, medisina at iba pa ay malayong-malayo na kumpara sa ngayon. Ganundin ang pananampalataya, kaugalian, paniniwala, kasabihan at iba pang lumang nakagawian nang mga tao ay iba na rin sa kasalukuyan. Kung hindi man ito tuluyang nabago ng modernong panahon karamihan naman ay lubusang nag-iba siguro'y nakatakda talaga ito dahil ang tao noon at ngayon ay malaki ang pagkakaiba.

Ano-ano ito?
Halika, liripin natin ang ilang pagkakaiba at pagbabago ng noon at ngayon. Mula sa may kababawan hanggang sa may kalaliman.


Noon. Hindi lahat ng babae ay maganda.
Ngayon. Hindi lahat ng maganda ay babae.

Noon. Ang "virginity" sa kababaihan ay isang malaking isyu.
Ngayon. Pangkaraniwan na lamang sa magkasintahan ang premarital sex.

Noon. Karamihan sa kababaihan ay tipong "Maria Clara".
Ngayon. Karamihan sa kababaihan ay liberated na.

Noon. Ang tattoo sa katawan ay iniuugnay lamang sa mga preso at ex-convict.
Ngayon. Ang tattoo kahit anong itsura ay itinuturing na form of art.

Noon. Mahigpit na ipinagbabawal ang mga naka-shorts at nakatsinelas sa mga establisimiyento.
Ngayon. Cool nang maituturing kung ikaw'y naka-shorts ng ubod ng igsi at nakatsinelas lamang kahit saan ka man magtungo.


Noon. (Halos)Libre ang inuming tubig at ligtas kahit galing sa gripo.
Ngayon. Debote na ang tubig at mineral ang tawag kahit hindi naman.


Noon. Ang pagmamano, pag-gamit ng po at opo ay pangkaraniwan na lang sa kabataan.
Ngayon. Ang pagmamano, pagsasabi ng po at opo ay bihira na lang at parang asiwa ang kabataan sa pag-gamit nito .


Noon. Kuntento at nakangiti na ang masang Pinoy sa matamis na kamote at kapeng barako.
Ngayon. French Fries at kape sa Starbucks ang paborito nang naghihirap daw na Pinoy.


Noon. Ang singko, mamera lalo't ang piso ay malaki ang halaga at marami ang mabibili.
Ngayon. Halos wala ng halaga ang sampung pisong nasa bulsa mo.


Noon. Tuwing Huwebes ay may mga bagong pinapalabas na pelikulang Pilipino.
Ngayon. Tuwing ikalawang buwan na lang halos magpalabas ng pelikulang Pinoy.


Noon. May sense ang karamihan sa mga mga programa sa telebisyon, kanta at pelikula.
Ngayon. Kahit walang kwentang kanta ay bumebenta, kahit paulit-ulit na teleserye ay mataas ang rating at kahit na walang kwenta ang istorya ay pwede ng pelikula.


Noon. Malaki ang respeto ng mga anak sa kanilang mga magulang na isang sutsot pa lang ay agad na tumatalima ang anak.
Ngayon. Halos wala ng galang ang mga anak sa magulang. Kahit lawit na ang dila ng magulang sa kakasaway ay hindi pa rin sumusunod ang anak.


Noon. Halos isang tao lang ang kinasusulakman at kinaiinisan ng mga Pinoy sa pulitika.
Ngayon. Halos lahat na ng pulitiko ay kinasusuklaman at kinaiinisan ng mga Pinoy.


Noon. Malaki ang pag-galang ng mga tao sa mga Pulis at Militar.
Ngayon. Itinuturing na ng maraming Pinoy na notoryus ang Pulis at militar at hindi ka ligtas sa kanila dahil sa iba't-ibang kontrobersiyang kanilang kinasasangkutan.


Noon. Isang sagrado at pinahahalagahan ng husto ang privacy ng mga tao.
Ngayon. Halos lahat na ng mga tao ay isinisigaw at isinahihimpapawid pa ang bawat kilos, galaw at lugar na pupuntahan sa pamamagitan ng facebook, twitter, blog at online journal.


Noon. Itinuturing na luho ang pagkain ng mansanas at iba pang angkat na prutas dahil sa kamahalan ng halaga nito.
Ngayon. Bagamat hindi na luho at mahal ang halaga ng mansanas marami pa rin naman ang hindi makakain nito dahil sa kawalan ng pera.


Noon. Library, Recto at hard to find encyclopaedia ang sources ng research at term papers.
Ngayon. Google, Wikipedia at iba pang search engine sa Internet ang katapat ng anumang impormasyon kailangan mong malaman.


Noon. Napakamahal at aabuting ng mahabang panahon bago ka magka-telepono. Simbolo rin ito noon ng karangyaan.
Ngayon. Minuto lang ang iyong kailangan para ikaw'y magkatelepono at ito ay sa murang halaga.

Noon. Pilit na ikinukubli nang kalalakihan ang kanilang pagkabading.
Ngayon. As early as 10 years old ay lantarang ipinapakita na ang kabadingan.


Noon. Proud ang bawat Pilipino sa likas at taglay na kulay kayumanggi.
Ngayon. Marami sa mga Pilipino ay nais pumuti kaya malakas ang benta ng Glutathione kahit ito'y mahal.


Noon. Halos bawat kanto ay may pabasa o pasyon sa panahon ng Semana Santa.
Ngayon. Halos wala ka nang nakikita o naririnig na pabasa o pasyon sa panahon ng Semana Santa.


Noon. Napakahalaga ng buhay at isusugal at isasakripisyon ng ina ang mismong sarili niyang buhay para lamang sa anak.
Ngayon. Walang pakundangan at walang respeto sa buhay ang marami sanang ina dahil ayon sa pag-aaral higit sa kalahating milyong sanggol ang intensyonal na pinalalaglag taon-taon.


Noon. Ang anumang uri ng panlalait sa kapwa ay itinuturing na masamang gawain.
Ngayon. Ang panlalait ay isa na lang pangkaraniwang ugali ng marami at marami-rami na rin na pinagkakakitaan ang gawaing ito.


Noon. Banal at Sagrado ang pag-gunita ng mga Pilipino sa Semana Santa. Walang radyo, walang telebisyon at walang maingay.
Ngayon. Marami ang sinasamantala ang panahong ito para magliwaliw at magbakasyon sa iba't-ibang beaches at pool, may mga bukas na bar, sinehan at iba pa maging sa araw ng Biyernes Santo lalo na ang Sabado de Gloria.


Noon. Hinahangaan tayo ng bansang South Korea dahil sa ganda ng ating ekonomiya.
Ngayon. Pilipinas na ang humahanga sa bansang South Korea sa ganda ng kanilang ekonomiya.

Noon. Muntik ng maging mayaman ang bansang Pilipinas.
Ngayon. Ang Pilipinas ay kabilang na sa pinakamahihirap na bansa sa mundo. :-(

Hindi na nga maikakaila na napakalaki na nang pagbabago't pagkakaiba ng noon at ngayon. At sa darating pang mga panahon ay marami pa ang magaganap na pagbabago. Kung kailangan nating sumabay sa pagbabago at agos ng panahon ay hindi ko alam dahil maraming pagbabago ang hindi angkop sa nais nating mangyari datapwat tutol man tayo dito ay wala tayong magawa. Madalas kung ano pa ang ayaw mong magbago 'yun pa ang may malaking pagbabago. Sabi nga eh, walang permanenteng bagay dito sa mundo kundi ang pagbabago (bukod siyempre sa buwis).

Tuesday, April 12, 2011

Si Janjan at ang mukha nang kahirapan


Laman ng iba't-ibang pahayagan, website, radyo, telebisyon at usapan ng mga tsismosa sa kanto ang isa na namang kontrobersiyang kinasangkutang ni Willie. Masyado nang marami ang sumakay, nagkomento, pumapel, nagmagaling at tuwirang tumuligsa sa isang insidenteng muling nagpatanyag kay Willie Revillame hindi sa positibo kundi isa na namang negatibo. Ito ay nang sumayaw ng ala-macho dancer sa Willing Willie itong anim na taong gulang na batang si Janjan.
Foul! Dahil isa daw itong pag-aabuso sa bata. Nagtatawa at nalilibang ang lahat samantalang ang isang paslit ay umiiyak habang gumigiling sa harap ng kamera saksi ang sambayanang Noypi.

Si Willie Revillame, alam ng lahat ay isang taong palalo at bihirang magpakumbaba sa kahit anong isyung kanyang kinasangkutan, siya'y namimigay ng tulong (sa sponsor man ito galing o hindi) subalit ipinangangalandakan naman niya kung ano man ang lumabas sa kanyang bulsa, minsan na niyang sinumbatan at hinamon ang taong nagpapakain sa kanya sa mahabang panahon; marami ang nagsasabing siya ay isang perpektong halimbawa ng taong nalunod sa isang basong tubig subalit sa 'di malamang kadahilanan at sa kabila ng kapintasang ito siya ay minahal(?), niyakap(?) at tinangkilik ng masa; kahit na hindi kagandahan ang boses niya ang kanyang CD ang palaging nasa number one sa sales, ang kanyang programa sa kahit anong istasyon ay mataas ang rating at tambak ng sangkaterbang isponsor. Ano ba ang mayroon ang taong ito at ganito na lang ang kanyang katanyagan sa pangkaraniwang tao.
Dahil nga siya ay hindi mapagkumbaba naging kakambal na rin nang kanyang kasikatan ang kontrobersiya.

Hindi maitatanggi na karamihan sa taga-hanga at tumatangkilik kay Willie ay ang mga mahihirap. Dagsa ang istudyong pinagdadausan ng kanyang programa noon man o ngayon ang dahilan: mga papremyo. Mga premyong nakakalula at hindi kayang kitain sa loob ng isang buwan o higit pa ng isang ordinaryong obrerong tulad natin. May pagkakataon pa ngang milyon-milyon ang halaga ng papremyo! Kaya ganoon na lamang ang ngiti, saya at ligaya ng mga taong "naambunan" ng pinamamahagi ni Willie. Kung kinakailangang umiyak sa harap ni Willie at ikwento ang malulungkot na bahagi ng kanilang buhay, kung kinakailangang utuin at yakapin si Willie na kulang na lang ay luhuran at sambahin, kung kinakailangang magmaka-awa at pumila ng madaling-araw at ilang oras sa animo'y hindi nauubos na pila...gagawin nila ito sa ngalan ng Pera at papremyo.

Kapalit ng "pagma-macho dancer" ni Janjan ay ang halagang P10,000. Malaking halaga para sa maliit na tao, maliit na halaga para sa malaking tao. Natural ang kasamang guardian ni Janjan ay tuwang-tuwa, abot-tenga ang ngiti sa napalang sampung libong piso kunsabagay sino ba naman ang hindi matutuwa sa halagang ito?
Hindi ko sinasabing ito ay tama at mabuti inamin na rin ng produksyon ng programa at ng naturang host na ito'y pagkakamali. Kinabukasan, ang inaakalang simpleng "kasiyahan" ay naging ugat ng malaking kontrobersiya na pumukaw sa malikot na imahinasyon ng iba't-ibang sangay ng gobyerno, mga moralista at mga kapwa artista. Isang kahalayan anila, isang paglabag sa karapatan ng mga bata at isang pag-abuso na dapat ay may karampatang parusa. Makalipas ang ilang linggo, suspendido at wala na ang programang Willing Willie, isang dejavu.

Si Janjan at ang kanyang pamilya ay simbolo ng mukha nang kahirapan. Bale-wala sa kanila ang sinasabi ng mga moralista na "child abuse-child abuse" na 'yan, hindi nila alintana ang anumang pagmamagaling ng anumang sangay ng gobyerno at wala silang pakialam sa kahit anong tuligsa kay Willie na itinuturing nilang "taga-salba". Ang Pilipinas ay isang mahirap (kung 'di man napakahirap) na bansa; sa isang mahirap na pamilya na katulad ni Janjan mahalaga ba ang sasabihin ng mga tao? Kung may mga tao ngang pumapatay at handang magpakamatay sa halagang isang libong piso, ang sampung libong pisong ibinigay sa programa ay isa nang kayamanan para sa kanila. Maaari na itong makapagsalba at makapagpahaba ng buhay, makabili ng gamot, makabayad ng ilang buwang renta sa bahay, makabili ng bigas at ulam sa susunod na mga araw at nakuha lang nila ito sa pamamagitan ng kaunting drama at kaunting "mahalay" na sayaw.

Magkaiba ang pananaw nang mayayaman sa mahihirap. Sa puntong inabuso at na-exploit ang batang si Janjan; ilang mahihirap ba ang tumuligsa dito? Baka nga marami pa dito ang ipagtulakang pagsayawin ng kaparehong sayaw ang kani-kanilang mga anak kapalit ng malinis na sampung libong piso.

Kung ang mayayaman ay pinahahalagahan ang pangalan taliwas naman ito sa ilang mahihirap nating kababayan na handang itaya ang pangalan para may ipantawid-gutom sa pamilya. Kinakasangkapan pa nga ang mga anak para mamalimos sa kalye.
Kung ang nakaririwasa ay sumisigaw ng pang-abuso ang mahihirap nating kababayan ay ito ang katanungan:
Aanhin mo ang pangalan kung ikaw ay naghihirap?
Aanhin mo ang dignidad kung ang pamilya mo'y gutom at nagdarahop?
Aanhin mo ang mga pride kung walang lamang pagkain ang inyong plato?
Aanhin mo ang dangal kung kumakalam ang iyong sikmura?
Aanhin mo ang "child-abuse" isyu na 'yan kung wala ka namang sampung libo?
Oo nga't hindi lang pera ang mahalaga sa buhay ng tao pero para sa nakararaming mahirap, ang bawat piso ay mahalaga lalo pa't ang sangkot dito ay hindi birong halaga. Marami nga ang pinapatay sa ilang daang piso lang!

Bagamat panandaliang kasiyahan lamang ang hatid ng halagang sampung libong piso malaking ginhawa ang dulot sa mga nabibiyaan nito. Kung isyu nang inabusong mga bata ang pag-uusapan;
Hindi pa ba child abuse ang tawag sa batang nakababad sa malamig na tubig at nangangatal sa pagsambit ng script sa teleseryeng Mutya?
Hindi ba child abuse ang pagkakabisa ng mahahabang linya ng mga batang ito imbes na nasa bahay at sumasagot ng takdang-aralin?
Hindi ba child abuse din ang tawag sa daan-daang kabataang nasa gitna ng kalsada na humihingi ng barya?
Child abuse na rin dapat ang itawag sa pagpilit sa mga anak na mag-audition sa mga talent search dahil sa tagal at haba ng pila rito?
Ang pagbubungkal ng nakasusulasok na basura ng kabataan sa Payatas ay hindi ba isang uri ng pag-abuso sa bata?
Isama na rin nating tawaging child abuse ang pagsayaw ng kabataang babae at pag-gaya sa maharot na sayaw ng spagetting pababa at pataas ng "Sexbomb Girls" o nang magaslaw na sayaw na Shembot.
Sa tingin niyo ba, ang mga kabataang artista ng Going Bulilit ay hindi naaabuso? Ehemplo bang matatawag ang pag-arte ng bakla ng mga batang lalaki dito at pagtu-two piece naman ng mga batang babae?
Ano ba ang mas mapanganib ang batang sumasayaw ng may "kahalayan" o ang pagta-tumbling ng mga kabataang kalahok sa "Showtime"? 'Pag may naaksidente dito saka lamang may sisigaw ng pag-abuso.
Ilang kabataan na rin ba ang nalait ni Vice Ganda sa programang ito? May nakapansin ba nito?
Kung nangyari kaya ang insidente ng "macho dancing" sa programang Pilipinas Got Talent ni Kris Aquino? o Eat Bulaga ni Sen. Sotto? o Talentadong Pinoy ni Ryan Agoncillo? Pareho din kaya ang pagtrato ng "moralista" sa mga naturang programa? Malamang hindi dahil iba ang personalidad ng mga hosts nito.
Kung pag-uusapan na rin lang ang karapatang-pantao, ano na ba ang nangyari sa Wowowee Stampede noong taong 2006 na ikinamatay nang 78 katao?
Kung ipatutupad ang batas, ipatupad ito sa lahat at patas.

Kahit kailan hindi ako naging fan ni Willie at lalong hindi ko siya naging idolo sa lahat ng larangan, hosting man ito o personal na buhay. Itinuring ko nga siyang isa sa "overrated personality" sa isa kong blog entry. Ngayong muli na namang suspendido ang kanyang programa at naging matagumpay ang kampanya upang mag-pull out ang ilang mga sponsors/advertisers ng iba't-ibang produkto sa programang ito baka tuluyan na itong mag-sara. Ano na kaya ang mangyayari sa mga taong nasa likod ng nasabing programa kabilang na ang staff, crew, dancers, co-host at iba pang empleyado nito? Sino kayang moralista ang magbibigay sa kanila ng trabaho? Sino na lang ang magbibigay ng aandap-andap na pag-asa ng mga mahihirap? Ano ba talaga ang dapat na solusyon dito pagkansela sa programa o paghihigpit? Hindi kaya na-single out lang si Willie dito? At ano na kaya ang mangyayari kay Willie? Wala, pareho pa rin mayabang pa rin...pero maapektuhan ba siya? Hindi. Bilyonaryo na 'yan 'tol.

Thursday, April 7, 2011

Sila'y Bagong Bayani



Mahirap maging mahirap kaya napakaraming Pilipino ang ninanais mag-abroad para magtrabaho. Pansinin mo, halos lahat tayo ay may kamag-anak, kaibigan o kahit kakilala lang na naghahanap-buhay sa iba't-ibang parte ng mundo. Ayon sa istatistika halos labing-isang milyong Pilipino ang nangangamuhan sa iba't-ibang lahi sa iba't-ibang bansa. Uulitin ko 11 Million! Sa populasyon nating halos 100 milyon mahigit ito sa sampung porsiyento ng kabuuang bilang ng mga Pilipino o isa sa bawat sampung Pinoy ang nagtatrabaho sa abroad. Ang dami no?!?

Tanong: kung bibigyan sila ng matinong trabaho at pasweldong sapat nanaiisin ba ng karamihan sa mga Pinoy na ito ang mangibang bansa? Sagot: May mga sasagot ng Oo pero karamihan dito ay Hindi ang isisigaw. Sino ba naman ang may gusto na mawalay sa pamilya at magpa-alipin sa mga dayuhan? Sino ba naman ang gustong lumuha gabi-gabi at magtiis sa pagkabagot para may maipadalang pera sa naiwang pamilya sa Pinas? Nakalulungkot pero wala namang ibang opsyon ang ating mga kababayan dahil kung hindi marami ang magtitiis sa gutom at sa barya-baryang kikitain dito sa atin. Pamilya ang kanilang dahilan sa paglisan ng Pinas at ito rin ang dahilan sa kanilang pagbabalik, matagumpay man sila o hindi sa kanilang naging kapalaran sa ibang bansa.

Bagong bayani ang tawag sa kanila: mga Overseas Filipino Workers o OFW pero teka ano ba ang pagkakaintindi mo sa bayani? Hindi ba ang bayani ay nirirespeto, ikinirarangal at ipinagbubunyi? Dahil sila ay dangal ng ating bansa. Simple lang di ba? Kung gayon naibibigay ba naman ng pamahalaan ang karampatang proteksyon at pag-aruga sa kanila at ng kanilang karapatan? Ang pagtrato ba natin sa kanilang "bayani" ay akma sa kanilang estado? Haha. Kung ang kanyang mamamayan nga na nasa mismong bansang Pilipinas ay hindi napu-protektahan ang karapatang-pantao ano pa kaya kung ikaw'y nasa ibang bansa? At kung hindi pa naaayon sa kanila ang kapalaran, sila'y uuwi ng nakakahon at lalabas sa imbestigaston na sila'y nagpatiwakal kahit na hindi.

May kasabihan tayo: "Habang maigsi ang kumot matutong mamaluktot" pero sa panahon ngayong laganap ang kahirapan marami pa ba ang gumagawa nito? O mas akma na sa panahong ito ang kasabihang: "Ang taong nagigipit kahit sa patalim kumakapit". Kaya't gaano man kahirap ang susuungin nilang pagsubok sa ibang bansa, kahit walang kasiguruhan ang kanilang kapalaran doon at kahit na may kakambal na panganib ang pagpunta nila doon, buong tapang nila itong haharapin; hatak-hatak ang maletang puno ng pag-asa, bitbit ang bag na puno ng hinagpis at suot ang madilim na shades upang maikubli ang malungkot at mugto nilang mga mata.

Hindi biro ang maging OFW.
Hindi biro ang makibagay at makisalamuha sa iba't-ibang ugali ng iba't-ibang lahi.
Hindi biro ang mag-adyast sa minsa'y nakakapraning na batas ng ibang bansa.
Hindi biro ang makaranas nang labis na diskriminasyon at pag-aglahi ng ibang lahi.
Hindi biro ang maghintay at magbilang ng paulit-ulit sa nalalabing araw ng pinirmahang kontrata.
Hindi biro ang mag-isip ng paraan para magpadala ng pera sa animo'y walang patid na kahilingan ng mga kaanak.
Hindi biro na intindihin ang lenggwaheng dayuhan na kakaiba sa pandinig.
Hindi birong ma-miss ang mga mahahalagang okasyon ng pamilya sa 'Pinas gaya ng birthday, kasal, graduation, pasko, bagong taon at ang nakalulungkot..kung minsa'y pagluluksa sa namatay na kamag-anak ay hindi rin mapuntahan.
Hindi madaling subukin ang nakagisnang pananampalataya lalo't kung nasa hindi Kristyanong bansa.
At lalong hindi madali ang tumanggi sa mga kababayang nakikisuyo nang padala (kaya maraming napapahamak dahil dito).

Sa pagkakabitay kamakailan ng tatlong Pinoy na sina Credo, Ordinario at Batain sa bansang Tsina dahil sa kanilang pagiging drug courier malaking usapin na naman ang iba't-iba pang mga kasong kinakaharap at kinasasangkutan ng ating mga kababayan. Mga Pilipinong ninanais lamang ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak subalit taliwas naman ito sa kanilang inaasahan. Nakakadismaya! Dahil kung kailan lang mayroong ganitong isyu saka lang tayo nagkakaroon ng inisyatibo na pangalagaan o alamin ang kalagayan ng iba pang OFW na nakakulong. Hindi bale...pagkaraan ng ilang buwan makakalimutan din natin ito katulad ng pagkalimot natin sa binitay noong 1995 na si Flor Contemplacion hanggat mainit ang isyu sasakyan na naman 'yan ng magigiting nating mga pulitiko ipapangako ang langit at lupa, iskolarship sa mga anak, trabaho sa naiwang pamilya, gagawa ng mas mahigpit na batas laban sa ilegal na rekruter, sasampahan ng kaukulang kaso ang lahat ng may kinalaman at iba pang pwedeng sabihin para mapagtakpan ang kakulangan. Niñgas-cogon.

Hindi pa ba kakulangan sa panig ng kung sinong kagawaran ang tawag kung nakaalis sila galing Pilipinas na bitbit ang kilo-kilong bawal na gamot?
Ano na ang nangyari sa mahigpit nilang seguridad na pinapatupad sa paliparan?
Tuwing tayo'y nasa paliparan, hinuhubad pa nga natin ang ating mga sapatos, sinturon, relo at celphone at ito'y idadaan sa X-ray area para daw ito sa ikabubuti ng lahat nang pasahero (mabuti naman kung gayon) pero malulusutan lang pala sila. Hindi kaya may sindikato dito? Hindi ba nakapagbitbit din ng shabu at walang problemang nakaalis ng bansa ang isang kongresista? Ang mga ito'y patunay lang na may dapat managot sa panig ng nangangalaga ng seguridad sa paliparan subalit may nakaisip bang imbestigahan ito? Ewan.

Balik tayo sa paksa. Hindi natatapos sa ibang bansa ang hirap ng ating mga bagong bayani. Sa umpisa pa lang ng pagproseso ng mga papeles at dokumento ay grabe na ang hirap idagdag pa ang panganib sa mga ilegal na rekruter at sa tuwing magbabakasyon sila dito sa kanilang bansa ay iniisip pa rin nila ang katakot-takot na pasalubong!
Magmula sa kamag-anak hanggang sa tsismosong kapitbahay humihingi ng pasalubong na kung hindi mo bibigyan ay makakarinig ka ng hindi maganda. At kung binigyan mo naman nang kahit na lotion o sabon may pintas ka pa rin sa mga kapit-bahay na may talangkang mentalidad. Kung sino pa ang mga taong hindi nakatulong sa'yo noong kailangan mo ng pang-placement fee o pag-asikaso sa mga papeles sila pa ang atat na atat sa pasalubong; o di kaya'y mga "kaibigang" laging uhaw sa alak at animo'y fiesta kung makapag-demand sa isang balik-bayan. Mga taong hindi naman makakatulong sa sandaling ikaw naman ang nangailangan.

Isama na rin natin ang sandamakmak na buwitre at buwayang opisyal ng Adwana at Imigrasyon na akala mo'y may mga patago kung makapagpalipad-hangin sa mga nagbabalik-bayan na OFW (pasalubong na tsokolateng para sa anak ay gusto pang arburin, tsk tsk), mga airport taxi na mapagsamantala at sindikatong nag-aabang ng mabibiktimang OFW. Marami ring kababayan natin ang hindi na nakukuha pang magbakasyon dahil sa panghihinayang sa pamasahe at sa mga araw na masasayang kung sila'y nasa Pinas ang dahilan: ang walang katapusang "request" ng kamag-anakan nang iba't-ibang kagamitan (I-pod, Celphone, Laptop etc.) o kaya naman mga kamag-anak na iniasa ang buong buhay sa kapamilyang nasa abroad at nakatanghod na lamang sa bawat padala buwan-buwan at ang buong akala(?) nila ay napakasimpleng kumita ng dolyares sa bansang pinagta-trabuhan. Buhay Pinoy talaga.

Lubhang napakahirap at napakalungkot maghanapbuhay sa ibang bansa, mahirap ipaliwanag kung gaano ito kalungkot. Na sa sobrang kalungkutan ang iba ay nakalilimot na mayroon siyang naiwang asawa sa Pinas; nabubuyo at natutukso sa kapwa Pinoy na nakararanas din nang sobrang pagkabagot at pagkalungkot; panandaliang isasantabi ang mga problema subalit hindi naman alintana ang higit na problemang kakaharapin kung magbunga ang bawal na relasyon o magresulta sa tuluyang pag-iwan sa isinakripisyong pamilya. Kahit na bawal ay kinukunsinti pa rin ng sarili maibsan lang ang kalungkutan. Pundasyon nang pagmamahalan na sinusubok at pilit na binubuwag ng malayong distansiya. Huwag na natin silang husgahan dahil hindi natin alam ang kanilang pinagdaraanan. Mayroon din namang kuwentong ang kanilang pamilya mismo sa Pinas ang napariwara sa halip na bumuti ang kalagayan; asawang hindi naging matapat, mga anak na estranghero na nga sa isa't-isa ay naligaw pa ng landas, mga pinadalang pera na nauuwi lang sa wala. Walang katapusang pag-iipon hanggang sa tumanda at hindi na kayanin nang katawan ang mabigat na trabaho sa abroad. Ito'y mga katotohanang nandudumilat na naganap at patuloy na nagaganap na naging karanasan ng ating mga bagong bayani.

Laganap ngayon ang kaguluhan, trahedya at sakuna sa iba't-ibang parte ng daigdig at maraming OFW natin ang nagdesisyong pansamantalang umuwi sa Pinas upang magbakasyon at pakalmahin ang sitwasyon sa bansang kanilang pinanggalingan at buo ang loob na muling bumalik doon kung sakaling manumbalik na sa normal ang lahat. Ang nakalulungkot dito, sakaling maubos na ang kanilang mga ipon at hindi pa sila nakakabalik sa kanilang pinagtatrabuhan; Ano ang mangyayari sa kanila? Dagdag ito sa napakataas na unemployment rate dito sa atin, balik sa overcrowded na pampublikong paaralan ang mga anak at maibebenta o maisasanla ang mga pag-aari o kasangkapang naipundar. Dahil walang sapat na programa para sa mga nawalan nang hanapbuhay na OFW. Ayos talaga. Nabanggit ko na 'to dati at uulitin ko ulit: Walang tutulong sa Pilipino kundi ang sarili niya mismo, hindi ang Pangulo, hindi ang Senado at lalong hindi ang Mayor mo. Tuwing eleksyon lang sila mabait at matulungin...tandaan natin 'yan.

Madalas ipinagmamalaki ng gobyerno ang remittances ng ating mga bagong bayani; taas-noo at buong-yabang nitong ibinabalita ang bilyong dolyar na naiipon natin dahil sa kanila. Sa ganang akin at sa aking opinyon mas makabubuting nakatikom na lamang ang ating bibig sa ganitong kalagayan; magandang balita ba ito? Ang pagkakaroon ng napakaraming "bagong bayani" sa iba't-ibang bahagi ng bansa ay repleksyon ng pagiging mahirap nating bansa; ito'y sumasalamin na walang sapat na hanap-buhay na maibibigay ang gobyerno sa kanyang mamamayan at wala pa ring kongkretong programa para sa ordinaryong obrero, skilled worker at propesyonal na nakapagtapos ng apat na taong kurso sa kolehiyo (ang mahal na nga ng matrikula tapos magiging saleslady lang pala sa SM o kaya DH sa Hongkong o kaya mas maswerte kung maging Caregiver sa Canada). Ilang daang-libo na naman ang nakapagtapos ng kolehiyo ngayong taon; kung sila'y tatanungin natin saan nila nais magtrabaho dito o sa abroad? Tiyak marami ang sasagot: Sa abroad! (with conviction). Bago pa ba ito? Hindi na. Kahit gaano pa kahirap magtrabaho sa ibang bansa mas nanaisin nilang doon maghanap-buhay kaysa dito sa Pinas na napakaliit nang oportunidad para umasenso. At 'pag nasa ibang bansa na sila tatawagin din natin silang: Bagong Bayani.