Tuesday, February 22, 2011

Lihim

"Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasama ng maluwat."
Isang lumang kasabihan na nakatanim pa rin sa utak ng bawat isa sa atin. Sa modernong panahong ito at sa kitid ng isip ng karamihan ng mga tao, may katotohanan pa ba ito? Hindi. Hindi sa lahat ng oras. Hindi sa lahat ng pagkakataon.

Hindi man aminin karamihan sa atin ay may itinatagong lihim~iba't-ibang uri ng lihim. Mga lihim na madilim, nakakahiya, nakakadismaya, nakakatakot, nakakainis, nakakapanghinayang, nakakababa ng pagkatao, nakakaapekto sa iba, nakakadiri, nakakapagpa-iling, nakakasira ng araw, nakakasira ng buhay at maaaring makasira ng pamilya. Ang nakaraan ay nakaraan na pero may mga bagay na hindi natin kayang kailangang ibunyag at ipangalandakan pa kung ito'y magreresulta sa isang hindi magandang pangyayari. Ang bawat indibidwal ay may kanya-kanyang asal at ugali at kung ang isa ay kayang sikmurain at tanggapin ang anumang lihim, hindi naman ito kayang tanggapin ng iba.

Sabihin mo nang ang katapatan ay magpapatibay sa isang relasyon at magbubuklod na muli ng inyong pagmamahalan subalit kaya ba ng lahat i-detalye ng walang bawas ang nagawang pagkakamali? Paano pa titibay ang inyong relasyon kung ito'y magiging sanhi ng paghihiwalay?
Kaya mo bang maglahad ng lihim kung posible itong magresulta sa pagkasira ng pamilya?
Kaya mo bang magsabi ng maruming katotohanan kung alam mong wala naman itong maidudulot na mabuti sa inyo?
Kaya mo bang isigaw ang malupit na nakaraan kung alam mong hindi ka maiintindihan?
Kaya mo bang ipagtapat ang nakakahiyang pagkakamali kung may posibilidad na hindi ka paniniwalaan?
Kaya mo bang ilabas ang nakakasulasok na nakaraan kung alam mong maiiwan kang mag-isa?
Kaya ba ng iyong tapang harapin ang lahat ng negatibong resulta nito?
Kaya mo bang marinig ang pag-aalipusta ng mga taong nakapaligid sa'yo?
Kaya mo bang harapin ang mundo ng nakataas pa rin ang iyong mukha at noo?
Kaya mo bang gumising ng umaga nang wala na ang iyong pamilya?
Kaya mo bang harapin ang iyong sarili sa salamin?
Kaya mo bang ngumiti sa kabila ng lihim na pagkakamali?
Kaya ka bang unawain at intindihin ng lahat sa nagawa mong pagkakamali?

Katapangan ang pagsasabi ng tapat at katotohanan at hindi ko hinihikayat ang lahat na hindi magsabi ng tapat sa aking pananaw ay maraming bagay na dapat na kinakalimutan at hindi na dapat pang binibigyan ng buhay. Ang pagkalimot na ito ay hindi nangangahulugan ng pagiging makasarili o kasamaan. Sa kabilang banda, mas nakapagpapaluwag ng damdamin ang pagsasabi ng nakaraan kung lubos na kakayanin mong harapin ang katotohanan at ang magiging resulta nito. Ang white lies o puting kasinungalingan ay pagtatago sa detalye nang tunay na nangyari para sa ikabubuti ng marami. Hindi ito madali ngunit mas mapanganib ang gagawing pagtatapat kung alam mong ikakapahamak ito nang iyong buhay, nang iyong mahal sa buhay at nang iyong pamilya.

Kahit katumbas nito'y pagpatak ng luha sa sandali ng kalungkutan o pagkurot ng konsensiya sa iyong katauhan.
Kahit na may ulap ng kalituhan ang iyong isip o nag-aagam-agam ang iyong desisyon.
Kahit na may multong namumuo sa iyong panaginip o labis na naghihirap ang iyong damdamin.
Kahit alam mong pagtatakip ito sa kamalian at mugto na ang iyong malamlam na mata.
Luha at pagsisisi na lang ang kaya mong gawin dahil balakid ang pagsasabi ng kamalian.
Luha ang kabayaran nang iyong pagkakamali at pagsisisi sa madilim na lihim na nakaraan na iyong pagkakasala.

Subalit kung ang iba ay tapat na nagsisisi at humihingi ng kapatawaran sa kamaliang nagawa at ang tanging kulang na lamang ay ang pagtatapat ngunit hindi magawa dahil sa takot na magiging resulta nito...marami pa ring mas pinili ang maglubid ng kasinungalingan, may dilang mapangahas at mapagtanggi at nabubuhay nang walang pagsisisi. Ang lihim na ito'y may katumbas na pagsisisi sa takdang panahon at sa takdang oras.

Napili ng isang heneral na kitilin ang kanyang buhay dahil sa isang lihim.
Ito ba'y katapangan o karuwagan? Pareho.
Katapangan dahil higit pa sa matapang na tao ang kayang tapusin ang paghihirap ng kanyang kalooban, higit pa sa katapangan ang protektahan ang isang lihim kaysa ibunyag ang katotohanan.
Katapangan dahil maraming mga tao ang takot sa kamatayan subalit matapang niya itong hinarap.
Karuwagan dahil mas pinili niyang manatiling lihim ang dapat sana'y kabayanihan. Karuwagan dahil mas nanaig ang kanyang emosyon laban sa paglaban sa pagsubok ng buhay.
Anu't-ano man. Katapangan o karuwagan. Mas maraming naiwang tanong kaysa kasagutan.

Tulad ng isang heneral na aking halimbawa.
May mga bagay na minsan ay dapat nating itago hindi dahil ito ay tama dahil sa ito'y makabubuti.
May mga bagay na minsan ay dapat nating ilihim hindi dahil ito ay dapat dahil sa ito'y nararapat.
May mga bagay na minsan ay dapat nang nakasara hindi dahil para itago kundi dahil para hindi na muling mabuksan.

Ang tao'y marupok at mahina at sa mundong ginagalawan na puno ng tukso, temptasyon at lihim...ang katapatan ay mahirap hanapin subalit lahat tayo ay nararapat na mabigyan ng pagkakataong magbago aminin,pagsisihan at tanggapin lamang natin ang ating pagkakamali. Kung mahal mo ang isang tao ano man ang nakaraan nito ay hindi ka dapat maapektuhan, mahalin ang kanyang buong pagkatao kasama ng kanyang kamalian.

No comments:

Post a Comment